Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Old/New Testament

Each day includes a passage from both the Old Testament and New Testament.
Duration: 365 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
2 Cronica 15-16

Ang mga Repormang Isinagawa ni Asa

15 Si Azarias na anak ni Oded ay nilukuban ng Espiritu[a] ng Diyos. Pinuntahan niya si Asa at sinabi, “Pakinggan mo ako, Asa, at kayong mga taga-Juda at Benjamin: Nasa panig ninyo si Yahweh habang kayo'y nasa panig niya. Matatagpuan ninyo siya kung siya'y inyong hahanapin, ngunit kung itatakwil ninyo siya, itatakwil din niya kayo. Matagal nang hindi sumasamba sa tunay na Diyos ang Israel, walang paring nagtuturo at wala ring kautusan. Ngunit nang dumating sila sa kagipitan, humingi sila ng tulong kay Yahweh, ang Diyos ng Israel. Siya'y kanilang hinanap at kanilang natagpuan. Mapanganib noon ang maglakbay at mangalakal sapagkat magulo kahit saang lugar. Naglalaban-laban ang mga bansa, at ang mga lunsod sa kapwa lunsod, sapagkat ginugulo at pinahihirapan sila ng Diyos. Ngunit magpakatatag kayo at huwag masiraan ng loob. Gagantimpalaan kayo dahil sa inyong mga ginagawa.”

Nang marinig ni Asa ang pahayag na ito ni Azarias na anak ni Oded, lumakas ang kanyang loob. Inalis ni Asa ang lahat ng kasuklam-suklam na diyus-diyosan sa buong Juda, sa Benjamin at sa lahat ng bayang nasakop niya sa Kaburulan ng Efraim. Ipinaayos niya ang altar ni Yahweh na nasa harap ng bulwagan ng Templo. Pagkatapos, tinipon niya ang mga taga-Juda at Benjamin at ang mga nanggaling sa Efraim, Manases at Simeon na nakikipanirahan sa kanila. Maraming taga-Israel ang sumama kay Asa nang malaman nilang kasama niya ang Diyos niyang si Yahweh. 10 Naganap ang pagtitipong ito sa Jerusalem noong ikatlong buwan ng ikalabing limang taon ng paghahari ni Asa. 11 Nang araw na iyon, naghandog sila kay Yahweh ng pitong daang toro at pitong libong tupa buhat sa mga nasamsam nila. 12 Gumawa sila ng kasunduan na buong puso at kaluluwa nilang sasambahin si Yahweh, ang Diyos ng kanilang mga ninuno, 13 at papatayin ang sinumang hindi sasamba sa kanya, maging lalaki o babae, matanda o bata. 14 Pasigaw na nanumpa sila kay Yahweh. Nagsigawan sila kasabay ng pag-ihip sa mga trumpeta at tambuli. 15 Masayang-masaya ang buong Juda sa kanilang pagkakaisa sapagkat buong puso silang nangakong sasamba kay Yahweh. At ang kanilang masayang pagsamba ay tinanggap ni Yahweh; nalugod siya sa kanila kaya binigyan sila ni Yahweh ng kapayapaan sa lahat ng panig.

16 Inalis ni Haring Asa sa pagiging inang-reyna ang lola[b] niyang si Maaca sapagkat nagtayo ito ng malaswang rebulto ng diyosang si Ashera. Winasak niya iyon at sinunog sa Libis ng Kidron. 17 Kahit hindi naalis ni Asa sa Israel ang lahat ng mga bahay-sambahan ng mga pagano, naging tapat siya kay Yahweh sa buong buhay niya. 18 Dinala niya sa Templo ang lahat ng kagamitang yari sa pilak at ginto na inilaan niya at ng kanyang ama sa Diyos. 19 Hindi nagkaroon ng digmaan sa loob ng tatlumpu't limang taóng paghahari ni Asa.

Pagputol ng Pakikipagkaibigan sa Israel(A)

16 Nang ikatatlumpu't anim na taon ng paghahari ni Asa, nilusob ni Haring Baasa ng Israel ang Juda. Pinalibutan niya ng pader ang Rama upang walang makaalis o kaya'y makapunta kay Asa sa Juda. Dahil dito, nakipag-ugnay si Asa kay Ben-hadad na hari ng Siria at nakatira sa Damasco. Nagpadala siya ng pilak at ginto na kinuha niya sa kabang-yaman ng Templo ni Yahweh at sa kanyang palasyo. Ganito ang sinabi niya, “Pinadadalhan kita ng pilak at ginto. Ibig kong magtulungan tayo tulad nang ginawa ng ating mga magulang. Sirain mo na ang kasunduan ninyo ni Baasa na hari ng Israel upang hindi na niya ako guluhin.” Sumang-ayon naman si Ben-hadad at pinasalakay niya ang mga pinuno ng kanyang hukbo sa mga lunsod ng Israel. Napasok ng mga ito ang Ijon, Dan, Abelmain at ang mga lunsod-imbakan sa Neftali. Nang mabalitaan ito ni Baasa, ipinatigil niya ang pagpapader sa Rama. Dahil dito, tinawag ni Haring Asa ang mga taga-Juda at ipinahakot ang lahat ng bato at kahoy na naiwan sa itinatayong pader at ginamit niya ang mga ito sa pagpapader sa Geba at Mizpa.

Si Propeta Hanani

Nagpunta noon kay Asa si Hanani na isang propeta at sinabi, “Dahil nagtiwala ka sa hari ng Siria, sa halip na kay Yahweh na iyong Diyos, natakasan ka ng hukbo ng hari ng Siria.[c] Mas malaki ang mga hukbo ng mga taga-Etiopia at mga taga-Libya. Napakarami nilang karwahe at mga mangangabayo ngunit ibinigay sila sa iyo ni Yahweh sapagkat sa kanya ka nagtiwala. Nagmamasid si Yahweh sa buong daigdig upang tumulong sa lahat ng tapat sa kanya. Dahil sa kahangalan mong ito, mula ngayo'y lagi kang magkakaroon ng digmaan.” 10 Sa sinabing ito, nagalit si Asa kay Hanani at ito'y ikinadena sa bilangguan. Mula noo'y naging malupit si Asa sa mga tao.

Ang Buod ng Kasaysayan ni Asa(B)

11 Lahat ng ginawa ni Asa mula sa simula hanggang wakas ay nakatala sa Aklat ng Kasaysayan ng mga Hari ng Juda at Israel. 12 Noong ikatatlumpu't siyam na taon ng kanyang paghahari, nagkaroon siya ng malubhang sakit sa paa. Sa halip na kay Yahweh humingi ng tulong, sa mga manggagamot siya sumangguni. 13 Namatay siya nang ikaapatnapu't isang taon ng kanyang paghahari. 14 Inilibing siya sa Lunsod ni David sa isang libingang yungib na ipinasadya niya para sa kanyang sarili. Inilagay siya sa isang kabaong na nilagyan ng lahat ng uri ng pabango. Bilang pagpaparangal sa kanya, gumawa ang mga tao ng napakalaking siga.

Juan 12:27-50

Ipinahiwatig ni Jesus ang Kanyang Pagkamatay

27 “Ako'y nababagabag ngayon. Sasabihin ko bang, ‘Ama, huwag mong hayaang sumapit sa akin ang oras na ito ng paghihirap’? Hindi! Sapagkat ito ang dahilan kung bakit ako naparito—upang danasin ang oras na ito. 28 Ama, luwalhatiin mo ang iyong pangalan.”

Isang tinig mula sa langit ang nagsabi, “Niluwalhati ko na ito, at muli kong luluwalhatiin.”

29 Narinig iyon ng mga taong naroon kaya't sinabi nila, “Kumulog!” Sabi naman ng iba, “Nagsalita sa kanya ang isang anghel!”

30 Sinabi sa kanila ni Jesus, “Ang tinig na iyon ay ipinarinig para sa inyo at hindi para sa akin. 31 Panahon na upang hatulan ang mundong ito. Panahon na rin upang hatulan ang pinuno ng mundong ito. 32 At kung ako'y maitaas na, ilalapit ko sa aking sarili ang lahat ng tao.” 33 Sinabi niya ito upang ipahiwatig kung paano siya mamamatay.

34 Sinagot(A) siya ng mga tao, “Sinasabi sa amin ng Kautusan na ang Cristo ay mananatili magpakailanman. Bakit mo sinasabing dapat maitaas ang Anak ng Tao? Sino ba ang Anak ng Taong ito?”

35 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Kaunting panahon na lamang ninyong makakasama ang ilaw. Lumakad kayo habang kasama pa ninyo ang ilaw upang hindi kayo abutan ng dilim. Hindi alam ng lumalakad sa dilim kung saan siya pupunta. 36 Sumampalataya kayo sa ilaw habang kasama pa ninyo ang ilaw, upang kayo'y maging mga anak ng liwanag.”

Hindi Sumampalataya kay Jesus ang mga Judio

Pagkasabi nito, si Jesus ay umalis doon at hindi na muling nagpakita sa kanila. 37 Kahit na nasaksihan nila ang maraming himalang ginawa niya, hindi pa rin sila naniwala sa kanya. 38 Nangyari(B) ito upang matupad ang sinabi ni Propeta Isaias,

“Panginoon, sino ang naniwala sa aming ibinalita?
    Kanino ipinakita ng Panginoon ang kanyang kapangyarihan?”

39 Hindi nga sila makapaniwala sapagkat tulad ng sinabi ni Isaias,

40 “Binulag(C) ng Diyos ang kanilang mga mata
    at pinatigas ang kanilang mga puso,
upang sila'y hindi makakita,
    ni makaunawa ang kanilang mga isip,
    baka pa sila'y manumbalik sa akin
    at sila'y pagalingin ko.”

41 Sinabi ito ni Isaias sapagkat nakita niya ang kaluwalhatian ni Jesus, at nagpahayag siya tungkol kay Jesus.[a]

42 Gayunman, marami ring pinuno ng mga Judio ang naniwala sa kanya. Subalit hindi nila maipahayag ito dahil sa takot sa mga Pariseo, na baka sila'y itiwalag sa sinagoga. 43 Mas ginusto nilang parangalan sila ng tao kaysa parangalan ng Diyos.

Ang Salita ni Jesus ang Hahatol

44 Malakas na sinabi ni Jesus, “Ang nananalig sa akin ay hindi lamang sa akin nananalig, kundi pati sa nagsugo sa akin. 45 At ang nakakita sa akin ay nakakita na rin sa nagsugo sa akin. 46 Ako'y naparito bilang ilaw ng sanlibutan, upang ang manalig sa akin ay huwag manatili sa kadiliman. 47 Hindi ako ang humahatol sa taong dumirinig ng aking salita, ngunit ayaw namang sumunod dito. Sapagkat hindi ako naparito upang hatulan ang sanlibutan, kundi upang iligtas ito. 48 May ibang hahatol sa mga ayaw tumanggap sa akin at sa aking mga salita. Ang salitang ipinahayag ko ang hahatol sa kanila sa huling araw. 49 Sapagkat hindi ako nagsalita nang mula sa sarili ko lamang; ang Ama na nagsugo sa akin ang siyang nag-utos kung ano ang aking sasabihin at ipahahayag. 50 At alam kong ang kanyang utos ay nagbibigay ng buhay na walang hanggan. Kaya't ang ipinapasabi ng Ama ang siya kong ipinapahayag.”

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.