Old/New Testament
Si Haring Jehoram ng Juda(A)
21 Namatay si Jehoshafat at inilibing sa Lunsod ni David sa libingan ng kanyang mga ninuno. Pumalit sa kanya ang kanyang anak na si Jehoram. 2 Ang iba pang mga anak na lalaki ni Haring Jehoshafat ng Juda ay sina Azarias, Jehiel, Zacarias, Azarias, Micael at Sefatias. 3 Pinamanahan sila ng kanilang ama ng maraming pilak, ginto at iba pang mahahalagang ari-arian. Binigyan din sila ng mga may pader na lunsod sa Juda, ngunit kay Jehoram ibinigay ang paghahari sapagkat siya ang panganay. 4 Nang matatag na ang paghahari ni Jehoram, pinatay niya ang kanyang mga kapatid at ang ilan pang pinuno sa Juda. 5 Tatlumpu't dalawang taon siya nang magsimulang maghari at walong taóng namahala sa Juda. Sa Jerusalem siya nanirahan. 6 Sapagkat napangasawa niya ang anak ni Ahab, ginawa rin niya ang mga bagay na hindi kalugud-lugod kay Yahweh. Nagpakasama rin siya tulad ng mga naging hari ng Israel, tulad ng sambahayan ni Ahab. 7 Ngunit(B) ayaw wasakin ni Yahweh ang paghahari ng angkan ni David alang-alang sa kanyang pangako kay David. Ipinangako ni Yahweh na ang paghahari ay hindi niya aalisin sa angkan ni David magpakailanman.
8 Nang(C) panahon ng pamamahala ni Jehoram, naghimagsik ang Edom laban sa Juda at naglagay ng sariling hari. 9 Inilabas ni Jehoram at ng kanyang mga pinuno ang lahat nilang karwahe at sinalakay ang Edom. Gabi nang sila'y sumalakay, ngunit napaligiran sila at natalo. 10 Kaya mula noon, hindi na muling nasakop ng Juda ang Edom. Naghimagsik din kay Jehoram ng Juda ang Lunsod ng Libna dahil sa pagtalikod nito kay Yahweh, ang Diyos ng kanyang mga ninuno.
11 Hindi lamang iyon, nagtayo pa siya ng mga sambahan ng mga pagano sa mga burol ng Juda at nanguna sa mga taga-Jerusalem sa pagsamba sa mga diyus-diyosan. Siya ang nanguna sa mga taga-Juda para gumawa ng kasamaan. 12 Tumanggap si Jehoram ng isang sulat mula kay Elias na isang propeta. Ang sabi sa liham:
“Ito ang mensahe ni Yahweh, ang Diyos ni David na iyong ama, ‘Hindi mo sinundan ang halimbawa ng iyong amang si Jehoshafat at ni Asa na hari sa Juda. 13 Sa halip, ang sinunod mo'y ang ginawa ng mga hari sa Israel. Inakit mo sa masamang gawain ang Juda at ang mga taga-Jerusalem gaya ng ginawa sa Israel ng sambahayan ni Ahab. Pinatay mo ang iyong mga kapatid at kasambahay na mas mabuti kaysa iyo. 14 Dahil dito, paparusahan ni Yahweh ang iyong bayan, ang iyong mga asawa't anak, at mawawasak ang lahat ng mga ari-arian mo. 15 Magkakasakit ka nang malubha at luluwa ang mga bituka mo sa tindi ng hirap na daranasin mo sa araw-araw.’”
16 Ginamit ni Yahweh ang mga Filisteo at ang mga Arabong malapit sa Etiopia laban kay Jehoram. 17 Kaya't nilusob ng mga ito ang Juda at sinamsam lahat ang ari-arian sa palasyo. Binihag nila ang lahat ng anak at asawa ng hari, maliban sa kanyang bunsong anak na lalaking si Ahazias.[a]
18 Pagkatapos niyon, si Jehoram ay pinadapuan ni Yahweh ng malubhang sakit sa bituka, isang karamdamang walang lunas. 19 Makalipas ang dalawang taon, lumuwa ang kanyang bituka at dumanas siya ng matinding hirap hanggang sa siya'y mamatay. Hindi man lamang siya ipinagluksa ng kanyang mga kababayan; di tulad ng ginawa nila sa kanyang mga ninuno. 20 Si Jehoram ay tatlumpu't dalawang taon nang magsimulang maghari, at walong taon siyang namahala. Wala isa mang nalungkot sa kanyang pagkamatay. Doon siya inilibing sa Lunsod ni David ngunit hindi isinama sa libingan ng mga hari.
Si Haring Ahazias ng Juda(D)
22 Pagkamatay ni Jehoram, ang bunsong anak nitong si Ahazias ang iniluklok ng mga taga-Jerusalem upang maging hari. Ang ibang mga kapatid niya ay napatay ng pangkat na sumalakay sa Juda kasama ng mga Arabo, kaya siya ang ginawang hari ng Juda. 2 Apatnapu't dalawang taon na si Ahazias nang magsimulang maghari at isang taon siyang namahala sa Juda. Sa Jerusalem siya nanirahan. Ang ina niya'y si Atalia na apo ni Omri.
3 Sinunod din ni Ahazias ang gawain ng mga hari sa Israel sapagkat ang kanyang ina ang naging tagapayo niya sa paggawa ng masama. 4 Tulad sa angkan ni Ahab, hindi nalugod si Yahweh sa ginawa niya sapagkat ang mga ito ang naging tagapayo niya pagkamatay ng kanyang ama. At ito ang dahilan ng kanyang pagbagsak. 5 Ang mga ito rin ang sinunod niya nang sumama siya kay Joram[b] na anak ni Haring Ahab ng Israel upang labanan sa Ramot-gilead si Hazael na hari ng Siria. Sa labanang iyon nasugatan si Joram.[c] 6 Dahil sa nangyaring ito, ibinalik siya sa Jezreel upang doon magpagaling ng mga sugat. Doon siya dinalaw ni Ahazias. 7 Kalooban ng Diyos na ang pagdalaw niyang ito ang maging pagkakataon para siya bumagsak. Sumama siya kay Joram[d] upang makipagkita kay Jehu na anak ni Namsi. Si Jehu ang pinili ni Yahweh upang lipulin ang sambahayan ni Ahab. 8 Sa pagsasakatuparan nito, natagpuan niya ang mga pinuno ng Juda at ang mga pamangkin ni Ahazias na naglilingkod dito. Kaya't pinagpapatay niya ang mga ito. 9 Ipinahanap nila si Ahazias at natagpuan ito sa Samaria. Dinala nila ito kay Jehu at kanyang ipinapatay. Ipinalibing niya ito at ang sabi, “Apo ito ni Jehoshafat na tapat na naglingkod kay Yahweh.” Walang natira sa sambahayan ni Ahazias na may kakayahang maghari sa Juda.
Si Reyna Atalia ng Juda(E)
10 Nang malaman ni Atalia na ang anak niyang si Ahazias ay patay na, pinagpapatay rin niya ang sambahayan ng hari ng Juda. 11 Ngunit naitakas ni Jehosabet ang anak ni Ahazias na si Joas. Itinago niya ito sa isang silid-tulugan sa Templo kasama ng tagapag-alaga. Sa ganoong paraan iniligtas ni Jehosabet ang kanyang pamangking si Joas. Si Jehosabet ay asawa ng paring si Joiada at kapatid ni Ahazias sapagkat sila'y anak ni Haring Jehoram. 12 Si Joas ay itinago niya sa Templo kaya hindi napatay. Anim na taon siya roon, sa buong panahong namamahala si Atalia bilang reyna.
Si Jesus ang Daan
14 “Huwag mabagabag ang inyong kalooban; sumampalataya kayo sa Diyos, sumampalataya din kayo sa akin. 2 Sa bahay ng aking Ama ay maraming silid. Kung hindi ito totoo, sasabihin ko ba sa inyong pupunta ako roon upang ipaghanda ko kayo ng inyong matitirhan? 3 At kapag naipaghanda ko na kayo ng matitirhan, ako'y babalik at isasama ko kayo upang kayo'y makapiling ko kung saan ako naroroon. 4 At alam na ninyo ang daan patungo sa pupuntahan ko.”
5 Sinabi sa kanya ni Tomas, “Panginoon, hindi po namin alam kung saan kayo pupunta, paano naming malalaman ang daan?”
6 Sumagot(A) si Jesus, “Ako ang daan, ang katotohanan, at ang buhay. Walang makakapunta sa Ama kundi sa pamamagitan ko. 7 Kung ako'y kilala ninyo,[a] kilala na rin ninyo ang aking Ama. Mula ngayon ay kilala na ninyo siya at inyo nang nakita.”
8 Sinabi sa kanya ni Felipe, “Panginoon, ipakita po ninyo sa amin ang Ama at masisiyahan na kami.”
9 Sumagot si Jesus, “Kay tagal na ninyo akong kasama, hanggang ngayo'y hindi mo pa ako kilala, Felipe? Ang nakakita sa akin ay nakakita na sa Ama. Bakit mo sinasabing ‘Ipakita mo sa amin ang Ama’? 10 Hindi ka ba naniniwalang ako'y nasa Ama at ang Ama ay nasa akin? Hindi sa akin galing ang sinasabi ko sa inyo. Ngunit ang Ama na nananatili sa akin ang siyang gumaganap ng kanyang gawain. 11 Maniwala kayo sa akin; ako'y nasa Ama at ang Ama ay nasa akin. Kung ayaw ninyong maniwala sa sinasabi ko, maniwala kayo dahil sa mga ginagawa ko. 12 Pakatandaan ninyo: ang nananalig sa akin ay makakagawa ng mga ginagawa ko, at higit pa kaysa rito, sapagkat babalik na ako sa Ama. 13 At anumang hilingin ninyo sa pangalan ko ay gagawin ko upang luwalhatiin ang Ama sa pamamagitan ng Anak. 14 Kung hihiling kayo ng anuman sa pangalan ko, ito ay aking gagawin.”
Ang Pangako tungkol sa Espiritu Santo
15 “Kung(B) iniibig ninyo ako, tutuparin[b] ninyo ang aking mga utos. 16 Dadalangin ako sa Ama, upang kayo'y bigyan niya ng isa pang Patnubay na magiging kasama ninyo magpakailanman. 17 Siya ang Espiritu ng katotohanan, na hindi matanggap ng sanlibutan sapagkat siya ay hindi nakikita ni nakikilala ng sanlibutan. Ngunit nakikilala ninyo siya, sapagkat siya'y nasa inyo at siya'y mananatili[c] sa inyo.
18 “Hindi ko kayo iiwang mga ulila; babalik ako sa inyo. 19 Kaunting panahon na lamang at hindi na ako makikita ng sanlibutang ito. Ngunit ako'y makikita ninyo; sapagkat buháy ako, mabubuhay rin kayo. 20 Sa araw na iyon ay malalaman ninyong ako'y nasa Ama, at kayo nama'y nasa akin at ako'y nasa inyo.
21 “Ang(C) tumatanggap sa mga utos ko at tumutupad sa mga ito ang siyang umiibig sa akin. Ang umiibig sa akin ay iibigin ng aking Ama; iibigin ko rin siya at ako'y lubusang magpapakilala sa kanya.”
22 Tinanong siya ni Judas (hindi si Judas Iscariote), “Panginoon, bakit po sa amin lamang kayo magpapakilala nang lubusan at hindi sa sanlibutan?”
23 Sumagot si Jesus, “Ang umiibig sa akin ay tumutupad ng aking salita; iibigin siya ng aking Ama, at kami'y pupunta at mananahan sa kanya. 24 Ang hindi tumutupad sa aking mga salita ay hindi umiibig sa akin. Ang salitang narinig ninyo ay hindi sa akin, kundi sa Ama na nagsugo sa akin.
25 “Sinabi ko na sa inyo ang mga bagay na ito habang kasama pa ninyo ako. 26 Ngunit ang Patnubay, ang Espiritu Santo na isusugo ng Ama sa pangalan ko, ang siyang magtuturo sa inyo ng lahat ng bagay at magpapaalala ng lahat ng sinabi ko sa inyo.
27 “Kapayapaan ang iniiwan ko sa inyo. Ang aking kapayapaan ang ibinibigay ko sa inyo; hindi ito katulad ng kapayapaang ibinibigay ng mundo. Huwag mabagabag ang inyong kalooban at huwag kayong matakot. 28 Sinabi ko na sa inyo, ‘Ako'y aalis, ngunit ako'y babalik.’ Kung iniibig ninyo ako, ikagagalak ninyo ang pagpunta ko sa Ama, sapagkat higit na dakila ang Ama kaysa sa akin. 29 Sinasabi ko na ito sa inyo bago pa mangyari, upang kung mangyari na ay sumampalataya kayo sa akin. 30 Hindi na magtatagal ang pakikipag-usap ko sa inyo dahil dumarating na ang pinuno ng sanlibutang ito. Wala siyang kapangyarihan sa akin, 31 subalit ginagawa ko ang iniutos sa akin ng Ama upang malaman ng sanlibutang ito na iniibig ko ang Ama. Tayo na! Lumakad na tayo!”
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.