Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Old/New Testament

Each day includes a passage from both the Old Testament and New Testament.
Duration: 365 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Ester 6-8

Pinarangalan si Mordecai

Nang gabing iyon, hindi makatulog si Haring Xerxes. Ipinakuha niya ang aklat ng mahahalagang pangyayari sa kaharian at ipinabasa ito habang siya'y nakikinig. Nabasa(A) ang bahagi ng kasaysayan tungkol sa pagkatuklas ni Mordecai sa masamang balak ng mga eunukong sina Bigtan at Teres na patayin ang Haring Xerxes. Dahil dito, itinanong ng hari, “Anong gantimpala o pagpaparangal ang ginawa kay Mordecai dahil sa kabutihang ginawa niya sa akin?”

Sumagot ang mga tagapaglingkod, “Wala po.”

Nagtanong ang hari, “Sino ba ang nasa bulwagan?”

Samantala, noon ay papasok sa bulwagan si Haman upang sabihin sa hari na maaari nang bitayin si Mordecai sa ipinagawa niyang bitayan. Sinabi ng mga tagapaglingkod ng hari, “Si Haman po.”

At sinabi ng hari, “Palapitin ninyo siya rito.”

Lumapit naman si Haman. Itinanong sa kanya ng hari, “Ano ang dapat gawin sa sinumang ibig parangalan ng hari?”

Akala ni Haman ay siya ang tinutukoy ng hari, kaya sinabi niya, “Ganito po: Ipakuha ninyo ang damit na inyong isinuot at ang kabayong inyong sinakyan nang kayo'y koronahan bilang hari. Ang damit ay ibigay sa isa sa mga pangunahing pinuno ng kaharian para isuot sa pararangalan. Pagkatapos, isakay sa kabayo at ilibot sa buong lunsod habang isinisigaw ang: ‘Ito ang ginagawa sa taong pinaparangalan ng hari!’”

10 Sinabi ng hari kay Haman, “Kung gayon, kunin mo ang aking damit at ang aking kabayo. Lahat ng sinabi mo'y gawin mo kay Mordecai, ang Judiong nakaupo sa may pintuan ng palasyo.”

11 Kinuha nga ni Haman ang damit at ang kabayo ng hari. Binihisan niya si Mordecai, isinakay sa kabayo at inilibot sa buong lunsod habang isinisigaw niyang, “Ito ang ginagawa sa taong pinaparangalan ng hari.”

12 Pagkatapos nito, nagbalik si Mordecai sa may pintuan ng palasyo. Nagmamadali namang umuwi si Haman, at pagdating sa bahay ay nanangis at nagtalukbong dahil sa inabot na kahihiyan. 13 Ang nangyari'y isinalaysay ni Haman sa asawa niyang si Zeres at sa kanyang mga tagapayo.[a] Sinabi sa kanya ng kanyang mga tagapayo at ng kanyang asawa, “Kung Judio nga si Mordecai, na siyang dahilan ng iyong panghihina, hindi mo siya madadaig, kundi ikaw pa ang dadaigin niya.”

14 Nag-uusap pa sila nang dumating ang mga sugo ng hari at nagmamadaling isinama si Haman sa handaan ni Ester.

Binitay si Haman

Si Haring Xerxes at si Haman ay dumalo sa ikalawang handaan ni Reyna Ester. Habang sila'y nag-iinuman, itinanong ng hari, “Reyna Ester, ano nga ba ang hihilingin mo? Sabihin mo at ibibigay ko sa iyo, kahit ang kalahati ng aking kaharian.”

Sumagot si Reyna Ester, “Kung inyo pong mamarapatin, Mahal na Hari, nais ko po sanang hilingin na ako at ang aking mga kababayan ay inyong iligtas, sapagkat kami po ay ipinagbili para patayin at lipulin. Kung kami po ay ipinagbili upang maging mga alipin, magsasawalang-kibo na lamang po ako at hindi na kayo gagambalain pa. Subalit kami po ay nililipol na!”

Itinanong ng hari, “Sinong may pakana ng mga bagay na ito?”

Sumagot si Ester, “Ang aming kaaway at taga-usig—ang masamang, si Haman!”

At si Haman ay nangatog sa takot sa harap ng hari at ng reyna. Galit na galit na tumindig ang hari at nagpunta sa hardin ng palasyo. Naiwan naman si Haman at nagmakaawa kay Reyna Ester sapagkat natitiyak niyang siya'y paparusahan ng hari.

Nang magbalik ang hari, nakita niyang nakadapa si Haman sa harap ng reyna na noo'y nakahiga. Dahil dito'y pagalit na sinabi ng hari, “Pagbabalakan pa niya ng masama ang reyna at sa loob pa naman ng aking pamamahay?”

Hindi pa halos natatapos ang salita ng hari, tinakpan na ng mga lingkod ng hari ang mukha ni Haman.

Pagkatapos, sinabi ni Harbona, isa sa mga eunuko ng hari, “Nagpagawa na po si Haman ng isang bitayan para kay Mordecai na nagligtas sa buhay ninyo, Mahal na Hari. Ang taas po ng bitayan ay dalawampu't dalawa't kalahating metro at naroon sa tabi ng kanyang bahay.”

10 “Doon siya bitayin!” utos ng hari.

Binitay nga si Haman sa bitayang ginawa niya para kay Mordecai. Pagkatapos, napawi na ang galit ng hari.

Hinirang si Mordecai

Nang araw ding iyon, ang mga ari-arian ni Haman na kaaway ng mga Judio ay ibinigay ni Haring Xerxes kay Reyna Ester. Napabilang rin si Mordecai sa mga kagawad na malapit sa hari sapagkat sinabi ni Ester na magkamag-anak sila. Ang singsing na pantatak ng hari ay kinuha kay Haman at ibinigay kay Mordecai na siyang ginawang katiwala ni Ester sa dating bahay ni Haman.

Ang Bagong Kahilingan ni Ester

Minsan pang lumapit si Ester kay Haring Xerxes at lumuluhang idinulog dito ang utos tungkol sa paglipol sa mga Judio na binalak ni Haman na Agagita. Itinuro ng hari ang kanyang setro kay Ester. Tumayo naman si Ester at kanyang sinabi, “Kung mamarapatin ninyo at makalulugod sa inyo, Kamahalan, nais kong hilingin na inyong ipawalang-bisa ang utos na pinakalat ni Haman na Agagita, anak ni Hamedata, laban sa mga Judio sa inyong kaharian. Hindi ko po makakayanang makita na nililipol at pinapatay ang aking mga kalahi.”

Sinabi ni Haring Xerxes kay Reyna Ester at kay Mordecai na Judio, “Ang ari-arian ni Haman ay ibinigay ko na kay Ester. Ipinabitay ko na si Haman dahil sa masama niyang balak sa mga Judio.” Sinabi rin ng hari sa kanila, “Gumawa ka ng isang utos para sa mga Judio at isulat ninyo rito ang gusto ninyong isulat sa pangalan ko, at tatakan mo ng aking singsing. Sapagkat walang sinumang makapagpapawalang-bisa sa utos ng hari lalo na kung ito'y tinatakan ng singsing ng hari.”

Nang ikadalawampu't tatlong araw ng ikatlong buwan, ipinatawag lahat ang mga kalihim ng hari. Ipinasulat ni Mordecai sa kanila ang isang liham tungkol sa mga Judio upang ipadala sa mga gobernador at mga tagapangasiwa at mga pinuno ng 127 lalawigan, mula sa India hanggang Etiopia.[b] Ang utos ay nakasulat sa wikang ginagamit sa lugar na padadalhan. 10 Ang sulat na ito ay sa pangalan ni Haring Xerxes, at may tatak ng singsing nito. Pagkatapos, ipinadala sa mga tagahatid-sulat, sakay ng mabibilis nilang kabayo mula sa kuwadra ng hari. 11 Sa pamamagitan ng sulat na ito, ipinahihintulot ni Haring Xerxes na magsama-sama ang mga Judio upang ipagtanggol ang kanilang sarili laban sa sinumang sasalakay sa kanila mula sa alinmang lalawigan. Pinahihintulutan din silang patayin, lipulin at samsaman ng ari-arian ang hukbong sasalakay sa kanila, pati ang mga kababaihan at mga bata. 12 Gagawin nila ito sa buong kaharian sa loob ng isang araw, sa ikalabintatlo ng ikalabindalawang buwan ng taon. 13 Bawat lalawigan ay padadalhan ng sipi nito at ipahahayag sa lahat ng tao para makapaghanda ang mga Judio sa araw na yaon laban sa kanilang mga kaaway. 14 Kaya, ang mga tagahatid-sulat ay nagmamadaling lumakad, sakay ng mabibilis na kabayo ng hari at sinunod agad ang utos ng hari. Ang utos ay ikinalat din sa Lunsod ng Susa.

15 Nang lumabas ng palasyo si Mordecai, ipinagbunyi siya ng buong Lunsod ng Susa. Suot niya ang maharlikang kasuotan: puti't asul ang kanyang damit, pinong lino na kulay ube ang balabal, at malaki ang koronang ginto. 16 Ito'y malaking karangalan ng mga Judio. Masayang-masaya sila. 17 Sa lahat ng dakong naabot ng utos ng hari, nagpista sa tuwa ang mga Judio. At sa buong kaharian, marami ang nagsabing sila'y Judio sa takot na sila'y patayin.

Mga Gawa 6

Ang Pagpili sa Pitong Tagapaglingkod

Habang patuloy na dumarami ang mga alagad, nagkaroon ng reklamo laban sa mga Hebreo[a] ang mga Helenista[b]. Sinabi nilang ang mga biyuda sa pangkat nila ay napapabayaan sa pang-araw-araw na pamamahagi ng ikabubuhay. Kaya't tinipon ng Labindalawa ang buong kapulungan ng mga mananampalataya at sinabi sa kanila, “Hindi namin dapat pabayaan ang pangangaral ng salita ng Diyos upang mangasiwa sa pamamahagi ng ikabubuhay. Kaya,[c] mga kapatid, pumili kayo sa mga kasamahan ninyo ng pitong lalaking iginagalang, puspos ng Espiritu, at matatalino upang ilagay namin sila sa tungkuling ito. Samantala, iuukol naman namin ang aming panahon sa pananalangin at sa pangangaral ng salita.”

Nalugod ang buong kapulungan sa panukalang ito, kaya't pinili nila si Esteban, isang lalaking lubos ang pananampalataya sa Diyos at puspos ng Espiritu Santo, at sina Felipe, Procoro, Nicanor, Timon, Parmenas, at si Nicolas na taga-Antioquia, isang Hentil na nahikayat sa pananampalatayang Judio. Nang iharap sila sa mga apostol, sila'y ipinanalangin at pinatungan ng kamay.

Patuloy na lumaganap ang salita ng Diyos at dumami ang mga alagad sa Jerusalem. At maraming paring Judio ang naniwala sa Magandang Balita.

Ang Pagdakip kay Esteban

Pinagpala ng Diyos si Esteban at pinagkalooban ng kapangyarihan, kaya't nakakagawa siya ng maraming kababalaghan at himala sa harapan ng madla. Minsan, nakipagtalo sa kanya ang ilang kasapi sa sinagoga ng mga Pinalaya[d], na binubuo ng mga Judiong taga-Cirene, Alejandria, Cilicia, at Asia[e]. 10 Ngunit hindi nila kayang salungatin ang karunungang kaloob ng Espiritu kay Esteban. 11 Kaya't lihim nilang sinulsulan ang ilang lalaki na magpatotoo laban sa kanya ng ganito, “Narinig naming nilalait niya si Moises at ang Diyos.” 12 Sa gayon, naudyukan nilang magalit kay Esteban ang mga tao, ang mga pinuno ng bayan at ang mga tagapagturo ng Kautusan. Siya'y sinunggaban nila at dinala sa Kataas-taasang Kapulungan ng mga Judio. 13 Nagharap sila ng mga sinungaling na saksi laban kay Esteban. Sinabi ng mga ito, “Ang taong ito ay walang tigil ng pagsasalita laban sa banal na Templo at sa Kautusan ni Moises. 14 Narinig naming sinasabi niya na ang Templo raw ay gigibain nitong si Jesus na taga-Nazaret, at papalitan ang mga kaugaliang ipinamana sa atin ni Moises.” 15 Si Esteban ay pinagmasdang mabuti ng lahat ng nakaupo sa Kapulungan, at nakita nila na ang kanyang mukha ay parang mukha ng anghel.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.