Old/New Testament
Naglagay ng mga Pinuno sa Jerusalem
7 Natapos ang pader ng lunsod at naikabit na ang mga pintuan nito. May itinalaga na ring mga bantay, mga mang-aawit, at mga Levita. 2 Pagkatapos nito, ang Jerusalem ay inilagay ko sa pamamahala ng dalawang kalalakihan, si Hanani na aking kapatid at si Hananias na pinuno ng mga bantay sa kuta. Si Hananias ay mapagkakatiwalaan at malaki ang takot sa Diyos kaysa iba. 3 Iniutos kong ang mga pintuan ng Jerusalem ay bubuksan lamang kapag mataas na ang araw, isasara at ikakandado agad paglubog ng araw bago magpahinga ang mga bantay. Iniutos ko ring maglagay sila ng mga bantay-pintuan na taga-Jerusalem. Itinalaga nila ang ilan sa mga ito sa mga bantayan at ang iba nama'y sa malapit sa kani-kanilang bahay.
Ang Listahan ng mga Bumalik Mula sa Pagkabihag(A)
4 Bagama't malaki ang lunsod ng Jerusalem, kakaunti pa lamang ang mga tao dito at hindi pa nagagawang lahat ang mga bahay. 5 Pinangunahan ako ng Diyos upang tipunin ang mga tao at ang kanilang mga pinuno at mga hukom para suriin ang listahan ng kanilang mga angkan. Natagpuan ko ang listahan ng mga angkan na unang nagbalik mula sa pagkabihag sa Babilonia. 6 Ito ang mga Judiong nabihag ni Haring Nebucadnezar ng Babilonia at muling nakabalik sa Jerusalem at sa kani-kanilang bayan sa Juda: 7 Ang mga pinuno nila ay sina Zerubabel, Josue, Nehemias, Azarias, Raamias, Nahamani, Mordecai, Bilsan, Misperet, Bigvai, Nehum at Baana. 8-25 Ito ang listahan ng mga angkan ng Israel at ng bilang ng bawat angkan na bumalik mula sa pagkabihag:
Angkan | Bilang |
---|---|
Paros | 2,172 |
Sefatias | 372 |
Arah | 652 |
Pahat-moab na mula sa angkan ni Jeshua at Joab | 2,818 |
Elam | 1,254 |
Zatu | 845 |
Zacai | 760 |
Binui | 648 |
Bebai | 628 |
Azgad | 2,322 |
Adonikam | 667 |
Bigvai | 2,067 |
Adin | 655 |
Ater na tinatawag ding Hezekias | 98 |
Hasum | 328 |
Bezai | 324 |
Harif | 112 |
Gibeon | 95 |
26-38 Ito naman ang listahan ng mga bumalik ayon sa bayang pinagmulan ng kanilang mga ninuno:
Bayan | Bilang |
---|---|
Bethlehem at Netofa | 188 |
Anatot | 128 |
Beth-azmavet | 42 |
Jearim, Quefira, at Beerot | 743 |
Rama at Geba | 621 |
Micmas | 122 |
Bethel at Ai | 123 |
Nebo | 52 |
Elam | 1,254 |
Harim | 320 |
Jerico | 345 |
Lod, Hadid at Ono | 721 |
Senaa | 3,930 |
39-42 Ito ang listahan ng mga angkan ng mga pari na nagbalik mula sa pagkabihag: angkan ni Jedaias mula sa lipi ni Jeshua, 973; angkan ni Imer, 1,052; angkan ni Pashur, 1,247; angkan ni Harim, 1,017.
43 Ito ang listahan ng mga angkan ng mga Levita na nagbalik mula sa pagkabihag: angkan nina Jeshua at Kadmiel mula sa lipi ni Hodavias, 74.
44 Mga mang-aawit sa Templo: angkan ni Asaf, 148.
45 Mga bantay sa Templo: angkan nina Sallum, Ater, Talmon, Akub, Hatita at Sobai, 138.
46-56 Ito naman ang listahan ng mga angkan ng mga manggagawa sa Templo na nagbalik mula sa pagkabihag:
Ziha, Hasufa, Tabaot,
Keros, Sia, Padon,
Lebana, Hagaba, Salmai,
Hanan, Gidel, Gahar,
Reaias, Rezin, Nekoda,
Gazam, Uza, Pasea,
Besai, Meunim, Nefusesim,
Bakbuk, Hakufa, Harhur,
Bazlit, Mehida, Harsa,
Barkos, Sisera, Tema,
Nezias at Hatifa.
57-59 Ito ang listahan ng angkan ng mga lingkod ni Solomon na bumalik mula sa pagkabihag: mga angkan nina Sotai, Soferet, Perida, Jaala, Darkon, Gidel, Sefatias, Hatil, Poqueret-hazebaim at Ammon.
60 Ang kabuuang bilang ng mga nakabalik na mga manggagawa sa Templo na mga anak ng mga lingkod ni Solomon ay 392.
61-62 Ito naman ang mga nakabalik mula sa Tel-mela, Tel-harsa, Querub, Adon at Imer ngunit hindi nila napatunayang sila'y mga Israelita: mga angkan nina Delaias, Tobias at Nekoda, 642.
63 Ito naman ang mga nakabalik sa mga angkan ng pari, ngunit hindi nila napatunayan ang pinagmulan nilang angkan: angkan nina Hobaias, Hakoz at Barzilai. Ang ninuno ng mga paring mula sa angkan ni Barzilai ay napangasawa ng anak na babae ni Barzilai na taga-Gilead, at siya ay tinawag sa pangalan ng kanyang biyenan. 64 Hinanap nila ang kanilang angkan sa listahan ng mga angkan ngunit hindi nakita, kaya sila'y hindi kinilalang mga pari. 65 Pinagbawalan(B) sila ng gobernador na kumain ng pagkaing inialay sa Diyos, hanggang wala pang paring gumagamit ng Urim at Tumim.
66 Ang kabuuan ng mga bihag na nakabalik ay 42,360. 67 Ang mga aliping lalaki at babae ay 7,337 at ang mga mang-aawit na babae at lalaki ay 245.
68-69 May naibalik ding 736 na kabayo, 245 mola,[a] 435 kamelyo at 6,720 asno.
70-72 Ilan sa mga pinuno ng mga angkan ang nagbigay ng ambag para ipagawang muli ang templo. Ang gobernador ay nagbigay ng walong kilong ginto, limampung mangkok na pilak na ginagamit sa pagsamba at 530 kasuotan ng mga pari. May iba pang mga pinuno ng angkan na nagbigay ng 168 kilong ginto at 1,250 kilong pilak. Ang kabuuang ipinagkaloob ng iba pang mga tao ay 168 kilong ginto, 140 kilong pilak at 67 na kasuotan ng mga pari.
73 Ang(C) mga pari, mga Levita, mga bantay ng Templo, mga mang-aawit, mga lingkod sa Templo at lahat ng Israelita ay tumira sa mga bayan at lunsod ng Juda.
Binasa ni Ezra ang Kautusan
8 Sumapit ang ikapitong buwan ng taon at ang mga Israelita'y nakabalik na sa kani-kanilang bayan. Nagtipun-tipon silang lahat sa Jerusalem, sa liwasang-bayan sa harapan ng Pintuan ng Tubig. Hiniling nila kay Ezra na pari at dalubhasa sa Kautusan na kunin nito ang aklat ng Kautusan ni Moises na ibinigay ni Yahweh para sa Israel. 2 Kaya't nang unang araw ng ikapitong buwan, kinuha ni Ezra ang aklat. Dinala niya ito sa kapulungang binubuo ng mga lalaki, babae at mga batang may sapat nang gulang at pang-unawa. 3 Mula sa pagsikat ng araw hanggang sa katanghaliang-tapat, binasa niya ang Kautusan sa harap ng mga taong natitipon sa liwasang-bayan sa harap ng Pintuan ng Tubig. Ang lahat ay nakikinig nang mabuti.
4 Nakatayo si Ezra, ang tagapagturo ng Kautusan, sa isang entabladong kahoy na sadyang ginawa para sa pagkakataong iyon. Sa kanan niya'y nakatayo sina Matitias, Sema, Anaya, Urias, Hilkias at Maaseias. Sa gawing kaliwa nama'y naroon sina Pedaias, Misael, Malquias, Hasum, Hasbadana, Zacarias at Mesulam.
5 Si Ezra ay nakikita ng lahat sapagkat mataas ang kanyang kinatatayuan. Ang lahat ay tumayo nang buksan niya ang aklat. 6 “Purihin si Yahweh, ang dakilang Diyos!” sabi ni Ezra.
Itinaas naman ng mga tao ang kanilang mga kamay at sumagot, “Amen, Amen.” Nagsiyuko rin sila at sumamba kay Yahweh.
7 Pagkatapos, tumayo ang mga tao, at ang Kautusa'y ipinaliwanag sa kanila ng mga Levitang sina Jeshua, Bani, Serebias, Jamin, Akub, Sabetai, Hodias, Maaseias, Kelita, Azarias, Jozabad, Hanan at Pelaias. 8 Binasa nila ang Kautusan ng Diyos at isinalin ito sa kanilang wika at ipinaliwanag ito upang maunawaan ng mga tao.
9 Nang malaman ng mga tao ang dapat nilang gawin ayon sa Kautusan, nabagbag ang kanilang kalooban at sila'y umiyak. “Ang araw na ito ay banal para kay Yahweh na inyong Diyos, kaya't huwag kayong malungkot o umiyak,” wika ni Nehemias na gobernador, ni Ezra na pari at dalubhasa sa Kautusan, at ng mga Levita na nagpapaliwanag ng Kautusan. Sinabi nila sa mga tao, 10 “Umuwi na kayo at magdiwang, kumain kayo at uminom ng bagong alak! Bigyan ninyo ang mga walang pagkain at inumin sapagkat ang araw na ito ay banal para kay Yahweh, kaya huwag kayong malungkot. Ang kagalakang dulot ni Yahweh ang magpapalakas sa inyo.”
11 Ang mga taong-bayan ay pinayapa ng mga Levita. Sinabi nila sa mga ito, “Huwag kayong malungkot, sapagkat banal ang araw na ito.” 12 Umuwing masaya ang lahat upang magdiwang. Kumain sila at uminom at binahaginan naman ang mga walang pagkain at inumin sapagkat naunawaan nila ang ipinaliwanag sa kanila.
Ipinagdiwang ang Pista ng mga Tolda
13 Nang sumunod na araw, nagtipon sa harapan ni Ezra ang mga pinuno ng mga angkan kasama ang mga pari at mga Levita upang pag-aralan ang mga turo ng Kautusan. 14 Natuklasan(D) nila sa Kautusan na nagbigay si Yahweh ng utos kay Moises tungkol sa Pista ng mga Tolda. Sinabi sa utos na dapat silang tumira ng pansamantala sa mga kubol sa kapistahang iyon. 15 Kaya't nagpalabas sila ng utos para sa mga taga-Jerusalem at iba pang mga lunsod at bayan: “Lumabas kayo sa mga burol at pumutol ng mga sanga ng punong olibo, ligaw man o hindi, mirto, palma at iba pang punongkahoy na maraming dahon upang gawing mga kubol.” 16 Sinunod nga nila ang utos. Gumawa sila ng kubol sa kani-kanilang bubungan at bakuran, at sa palibot ng Templo. Gumawa rin sila ng mga kubol sa liwasan sa pagpasok sa Pintuan ng Tubig at sa Pintuan ni Efraim. 17 Ang lahat ng bumalik mula sa pagkabihag ay gumawa ng kanya-kanyang kubol at doon sila tumira. Iyon ang unang pagkakataon na ginawa ito ng mga Israelita mula noong panahon ni Josue na anak ni Nun. Masayang-masaya ang lahat. 18 Ang Aklat ng Kautusan ay binabasa araw-araw, mula sa unang araw hanggang katapusan. Pitong araw silang nagpista at sa ikawalong araw ay nagkaroon sila ng isang banal na pagtitipon bilang pagtatapos ayon sa itinatakda ng Kautusan.
Ipinahayag ni Ezra ang Kasalanan ng Israel
9 Noong ika-24 na araw ng buwan ding iyon, nagtipon ang mga Israelita upang mag-ayuno. Nagsuot sila ng damit-panluksa at naglagay ng abo sa kanilang ulo upang ipahayag ang pagsisisi sa kanilang mga kasalanan. 2 Lumayo sila sa mga dayuhan. Tumayo sila upang ipahayag ang kanilang mga kasalanan at ng kanilang mga ninuno. 3 Nanatili silang nakatayo sa kanilang kinaroroonan sa loob ng tatlong oras samantalang binabasa sa kanila ang Kautusan ni Yahweh na kanilang Diyos. Pagkatapos, tatlong oras din silang nagpahayag ng kanilang mga kasalanan at sumamba kay Yahweh na kanilang Diyos. 4 Noo'y nasa isang entablado ang mga Levitang sina Jeshua, Bani, Kadmiel, Sebanias, Buni, Serebias, Bani at Kenani at nananalangin nang malakas kay Yahweh na kanilang Diyos. 5 Sina Jeshua, Kadmiel, Bani, Hasabneias, Serebias, Hodias, Sebanias at Petahias ay nanawagan sa mga tao upang sumamba. Sabi nila:
“Tumayo tayo at purihin ang Diyos nating si Yahweh.
Purihin siya ngayon at magpakailanman!
Purihin ang kanyang dakilang pangalan,
na higit na dakila sa lahat ng papuri!”
Pagpapahayag ng Kasalanan
6 At ang lahat ay sama-samang nanalangin ng ganito:
“Yahweh, ikaw lamang ang Panginoon;
ikaw ang lumikha ng kalangitan
at ginawa mo ang lupa, ang langit ng mga langit,
ang lahat ng bituin doon, at lahat ng narito;
ang dagat at ang lahat ng naroroon.
Binibigyang buhay mo sila,
at ika'y sinasamba ng buong kalangitan.
7 Ikaw,(E) Yahweh, ang Diyos na pumili kay Abram.
Ikaw ang tumawag sa kanya mula sa bayan ng Ur, sa Caldea
at pinangalanan mo siyang Abraham.
8 Nakita(F) mo siyang tapat sa inyo
at gumawa ka ng kasunduan sa kanya.
Ipinangako mo sa kanya at sa kanyang magiging mga anak
na ibibigay sa kanila ang lupain ng mga Cananeo,
ng mga Heteo, Amoreo, Perezeo, Jebuseo at Gergeseo.
Tinupad mo ang iyong pangako sa kanila sapagkat ikaw ay tunay na matapat.
9 “Nakita(G) mo ang paghihirap ng aming mga ninuno sa Egipto.
Narinig mo ang pagtangis nila sa Dagat na Pula.[b]
10 Gumawa(H) ka ng mga himala at mga bagay na kamangha-mangha laban sa Faraon,
laban sa kanyang mga lingkod at sa mga mamamayan ng kanyang lupain,
sapagkat alam mong pinagmalupitan nila ang aming mga ninuno.
Ang pangalan mo'y tanyag magpahanggang ngayon.
11 Sa(I) kanilang harapa'y hinati mo ang dagat,
at sa gitna nito'y dumaan sila sa tuyong lupa.
Ang mga humabol sa kanila'y nilunod mong lahat,
parang mga batong lumubog sa nagngangalit na dagat.
12 Pinatnubayan(J) mo sila ng haliging ulap kung araw,
at haliging apoy kung gabi, upang matanglawan ang kanilang paglalakbay.
13 Mula(K) sa langit ay bumabâ ka sa Bundok Sinai
at kinausap mo ang iyong bayan.
Binigyan mo sila ng mga tuntuning makatarungan,
mga batas na maaasahan at mabubuting kautusan.
14 Itinuro mo sa kanilang ipangilin ang Araw ng Pamamahinga
at ibinigay mo sa kanila ang iyong Kautusan sa pamamagitan ni Moises na iyong lingkod.
15 “Nang(L) sila'y magutom, binigyan mo sila ng pagkaing mula sa langit;
at nang sila'y mauhaw, pinainom mo ng tubig mula sa bato.
At sa kanila'y sinabi mo na sakupin ang lupaing
sa kanila'y ipinangako mong ibigay.
16 Ngunit(M) naging palalo ang aming mga ninuno,
nagmatigas sila at sinuway ang mga utos mo.
17 Hindi(N) sila sumunod at nilimot ang mga himalang iyong ginawa para sa kanila.
Naging matigas ang kanilang ulo at naglagay ng pinuno
na mangunguna sa kanila pabalik sa pagkaalipin sa Egipto.
Ngunit ikaw ay Diyos na mapagpatawad at mahabagin,
hindi madaling magalit at sagana sa wagas na pag-ibig,
kaya't sila'y hindi mo itinakwil.
18 Gumawa(O) rin sila ng diyus-diyosang guya,
at sinabing iyon ang diyos na naglabas sa kanila mula sa Egipto.
Labis ka nilang nilapastangan!
19 Ngunit(P) hindi mo pa rin sila pinabayaan sa ilang,
sapagkat walang kapantay ang iyong kahabagan.
Hindi mo inalis ang haliging ulap
na patnubay nila sa paglalakbay sa araw
at ang haliging apoy na tumatanglaw sa kanila pagsapit ng dilim.
20 Pinatnubayan mo sila ng iyong Espiritu, upang turuan sila ng dapat nilang gawin.
Patuloy mo silang pinakain ng manna, at binigyan ng tubig na pamatid uhaw.
21 Apatnapung taon mo silang kinalinga sa ilang,
kaya't sa anuman ay hindi sila nagkulang.
Hindi nasira ang kanilang mga kasuotan,
ni namaga man ang kanilang mga paa sa paglalakad.
22 “Pinasakop(Q) mo sa kanila ang mga kaharian at bayan,
ang lupaing sakop ni Haring Sihon ng Hesbon
at ang lupain ni Haring Og ng Bashan.
23 Pinarami(R) mo ang kanilang mga anak tulad ng mga bituin sa langit.
Dinala mo sila sa lupain
na ipinangakong sasakupin ng kanilang mga ninuno.
24 Pinasok(S) nga nila at sinakop ang lupain ng Canaan,
sa harap nila'y tinalo ang mga Cananeong naninirahan doon.
Ibinigay ninyo sa kanila ang kanilang mga hari at ang lahat ng mamamayan sa lupain
upang sa kanila'y gawin ang anumang naisin.
25 Pinasok(T) nila at sinakop ang mga may pader na lunsod.
Nakuha nila ang matataba nilang lupain, at sinamsam ang kanilang mga ari-arian:
mga bahay na puno ng kayamanan,
mga balon, mga ubasan, taniman ng olibo at mga bungangkahoy.
Sagana sila sa pagkain at lumusog ang kanilang katawan,
at tuwang-tuwa sila sa iyong dakilang kabutihan.
26 “Ngunit(U) (V) kinalaban ka pa rin nila,
at tinalikuran nila ang iyong Kautusan.
Pinatay nila ang iyong mga propeta
na isinugo mo upang sila'y panumbalikin sa iyo.
Patuloy ka nilang hinahamak.
27 Dahil sa ginawa nila, pinabayaan mong sakupin sila ng kanilang mga kaaway,
ipinaalipin mo sila at pinahirapan.
Ngunit nang sila'y tumawag sa iyo,
pinakinggan mo pa rin sila mula sa langit.
Sa habag mo sa kanila,
binigyan mo sila ng mga pinunong sa kanila'y magliligtas.
28 Ngunit nang ang buhay nila'y naging matiwasay, muli silang nagkasala laban sa iyo,
kaya't pinababayaan mo silang muling matalo ng kaaway.
Ngunit kapag sila'y muling nagsisi at humingi ng tulong,
pinapakinggan mo sila mula sa langit
at paulit-ulit mo silang inililigtas sapagkat ikaw ay mahabagin.
29 Binabalaan(W) mo silang manumbalik sa iyong Kautusan,
ngunit sa kanilang kapalalua'y lalo nilang nilabag ito.
Kahit na ang Kautusan mo ay nagbibigay-buhay,
sa katigasan ng kanilang ulo'y sinuway nila iyon.
30 Maraming(X) taon na pinagtiisan mo sila,
at binalaan ng iyong Espiritu[c] sa pamamagitan ng mga propeta,
ngunit hindi pa rin sila nakinig.
Kaya't ipinasakop mo na naman sila sa mga dayuhan.
31 Ngunit dahil sa iyong labis na kahabagan,
hindi mo rin sila ganap na nilipol at itinakwil.
Ikaw ay mapagpatawad at mahabaging Diyos!
32 “O(Y) aming Diyos, napakadakila mong Diyos,
kakila-kilabot ang iyong kapangyarihan.
Tumutupad ka sa iyong kasunduan at mga pangako.
Mula pa nang kami'y sakupin ng mga hari ng Asiria,
hanggang ngayo'y labis ang aming paghihirap.
Naghirap ang aming mga hari at pinuno,
mga pari, mga propeta, at ang mga ninuno.
Ang iyong buong bayan ay dumanas ng kahirapan,
kaya't alalahanin mo ang aming pagdurusa.
33 Makatuwiran ka sa iyong pagpaparusa sa amin;
naging tapat ka sa kabila ng aming pagkakasala.
34 Ang aming mga ninuno, hari, pinuno at pari
ay hindi sumunod sa iyong Kautusan.
Sinuway nila ang iyong mga utos at babala.
35 Sa gitna ng kasaganaang kanilang tinatamasa, sa ilalim ng mabuting pamamahala ng kanilang mga hari,
sa kabila ng malalawak at matatabang lupaing kanilang minana,
hindi pa rin sila naglingkod sa iyo at nagsisi sa kanilang mga kasalanan.
36 Ngayon, sa lupaing ito na iyong ipinamana,
sa lupaing ito na ang pagkain ay sagana, kami'y busabos at alipin.
37 Ang dahilan ay ang aming pagkakasala,
kaya ang nagpapasasa sa ani ng bukid ay ang mga haring sa ami'y lumupig.
Nasusunod nila anumang gustuhin, pati mga kawan nami'y inaangkin.
O sukdulan na itong hirap namin!”
Pangakong Susundin ang Kautusan
38 Dahil dito, kaming sambayanang Israel ay gumawa ng isang kasulatan ng sinumpaang kasunduan. Ito'y lubos na sinang-ayunan at nilagdaan ng aming mga pinuno, mga Levita at mga pari.
Pinagaling ang Isang Lumpo
3 Minsan, nagpunta sina Pedro at Juan sa Templo; alas tres ng hapon noon, ang oras ng pananalangin. 2 Sa pintuan ng Templo na tinatawag na Pintuang Maganda ay may isang lalaking lumpo mula pa nang ito'y isilang. Dinadala ito sa Templo araw-araw upang mamalimos sa mga taong pumapasok doon. 3 Nang makita nito sina Pedro at Juan na papasók sa Templo, siya'y humingi ng limos. 4 Tinitigan siya ng dalawa, at sinabi ni Pedro sa kanya, “Tingnan mo kami!” 5 Tumingin nga siya sa kanila sa pag-asang siya'y lilimusan. 6 Ngunit sinabi ni Pedro, “Wala akong pilak o ginto, ngunit kung ano ang mayroon ako ay siya kong ibibigay sa iyo. Sa pangalan ni Jesu-Cristong taga-Nazaret, tumayo ka at lumakad.” 7 Hinawakan niya sa kanang kamay ang lumpo at itinayo. Noon di'y lumakas ang mga paa at bukung-bukong ng lalaki; 8 palukso itong tumayo at nagsimulang lumakad. Pumasok siya sa Templo kasama nila, naglalakad, lumulundag at nagpupuri sa Diyos. 9 Nakita ng lahat na siya'y naglalakad at nagpupuri sa Diyos. 10 Nang makilala nilang siya ang pulubing dati'y nakaupong namamalimos sa Pintuang Maganda ng Templo, namangha sila at nagtaka sa nangyari sa kanya.
Nangaral si Pedro sa Portiko ni Solomon
11 Habang nakahawak siya kina Pedro at Juan sa lugar na tinatawag na Portiko ni Solomon, patakbong lumapit sa kanila ang mga taong takang-taka sa nangyari. 12 Nangmakita ni Pedro ang mga tao, sinabi niya, “Mga Israelita, bakit kayo nagtataka sa nangyaring ito? Bakit ninyo kami tinititigan? Akala ba ninyo'y napalakad namin siya dahil sa sarili naming kapangyarihan o kabanalan? 13 Niluwalhati (A) ng Diyos ng ating mga ninunong sina Abraham, Isaac at Jacob ang kanyang Lingkod na si Jesus na isinakdal ninyo at itinakwil sa harap ni Pilato, gayong ipinasya na nito na palayain siya. 14 Itinakwil(B) ninyo ang Banal at Matuwid, at hiniling na palayain ang isang mamamatay-tao. 15 Pinatay ninyo ang Pinagmumulan ng buhay, ngunit siya'y muling binuhay ng Diyos, at saksi kami sa pangyayaring ito. 16 Ang kapangyarihan ng pangalan ni Jesus ang nagpagaling sa lalaking ito; nangyari ito dahil sa pananalig sa kanyang pangalan. Ang pananalig kay Jesus ang lubusang nagpagaling sa kanya, tulad ng inyong nakikita.
17 “Mga kapatid, alam kong hindi ninyo nauunawaan ang inyong ginawa, gayundin ng inyong mga pinuno. 18 Sa ganitong paraan ay natupad ang matagal nang ipinahayag ng Diyos sa pamamagitan ng mga propeta na ang kanyang Cristo ay kailangang magdusa. 19 Kaya nga, magsisi kayo at magbalik-loob sa Diyos upang patawarin ang inyong mga kasalanan, 20 at nang sa gayon ay sumapit ang panahon ng pagpapanibagong lakas mula sa Panginoon. Susuguin niya si Jesus, ang Cristong hinirang mula pa noong una para sa inyo. 21 Siya'y dapat munang manatili sa langit hanggang sa dumating ang pagbabago ng lahat ng bagay, ayon sa ipinahayag ng Diyos sa pamamagitan ng kanyang mga banal na propeta mula pa noong una. 22 Sapagkat(C) sinabi ni Moises, ‘Mula sa inyo, ang Panginoon ninyong Diyos[a] ay pipili para sa inyo ng isang propetang katulad ko. Sundin ninyo ang lahat ng kanyang sasabihin sa inyo. 23 Ang(D) sinumang hindi sumunod sa propetang iyon ay ihihiwalay sa bayan ng Diyos at lilipulin.’ 24 Ang lahat ng mga propeta, kasama si Samuel at ang mga kasunod niya, ay nagpahayag din tungkol sa panahong ito. 25 Ang(E) mga pangako ng Diyos sa pamamagitan ng mga propeta ay para sa inyo, at kasama kayo sa kasunduan na ginawa ng Diyos at ng inyong mga ninuno[b] nang kanyang sabihin kay Abraham, ‘Pagpapalain ko ang lahat ng angkan sa daigdig sa pamamagitan ng iyong lahi.’ 26 Kaya't matapos buhayin ng Diyos ang kanyang Lingkod, sa inyo siya unang isinugo upang pagpalain kayo at tulungang tumalikod sa inyong masamang pamumuhay.”
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.