Old/New Testament
Dumaing si Job sa Diyos
3 Pagkaraan(A) ng matagal na pananahimik, nagsalita si Job at isinumpa ang araw nang siya'y isilang.
2 Ito ang kanyang sinabi:
3 “Hindi(B) na sana ako ipinanganak pa
at hindi na rin sana ako ipinaglihi.
4 Nabalot na sana ng dilim
at huwag mo na sanang maalala pa ang araw na iyon, O Diyos.
Huwag mo na sanang pasikatan pa ito ng liwanag.
5 Nanatili na lamang sana ito sa takip ng kadiliman,
at nabalot ng ulap, upang huwag nang sikatan ng araw.
6 Nalagas sana ito sa tangkay ng panahon,
at hindi na napabilang sa aklat ng kasaysayan.
7 Ang gabing iyon sana'y malumbay; wala na sanang sigaw ng kagalakan,
8 at sumpain ng mga salamangkerong
nagpapaamo ng dambuhalang Leviatan.[a]
9 Huwag na sanang sumikat ang bituin sa umaga,
at huwag na sanang sundan ng umaga ang gabi.
10 Sumpain ang gabi ng aking pagsilang
na nagdulot sa akin ng ganitong kahirapan.
11 “Bakit hindi pa ako namatay sa tiyan ng aking ina,
o kaya'y noong ako'y isilang niya?
12 Bakit kaya ako ay idinuyan pa, kinalong, inalagaan,
at binigyan ng gatas sa dibdib niya?
13 Kung namatay ako noon, ako sana'y tahimik na, mahimbing na natutulog at nagpapahinga.
14 Katulad ng mga hari at pinunong yumao,
na noong panahon nila'y nagtayo ng mga palasyo.
15 Tahimik na sana ako tulad ng mga pinunong nakapag-imbak
sa kanilang bahay ng mga ginto at pilak,
16 o tulad ng mga sanggol na patay nang ipanganak at hindi na nakakita pa ng liwanag.
17 Sa libinga'y hindi na makakapanggulo ang mga masasama,
at doon ang mga napapagod ay makakapagpahinga.
18 Doon, pati mga bihag ay wala nang ligalig,
wala nang mga sigaw at utos na mabagsik.
19 Ang mga abâ at mga dakila ay sama-sama roon,
ang mga alipin ay malaya na sa kanilang panginoon.
20 “Bakit pa isinilang kung magdurusa rin lamang?
At bakit pa binuhay kung daranas din lang ng kahirapan?
21 Kamataya'y(C) hinahanap ngunit hindi matagpuan,
hinuhukay at ninanais higit pa sa kayamanan.
22 Sa kanila'y ubod-tamis nitong kamatayan.
23 Ano kaya ang dahilan at ang tao'y isinilang,
kung inilihim naman ng Diyos ang kanyang patutunguhan?
24 Karaingan ang aking pagkain,
pagtitiis ang aking inumin.
25 Ang kinatatakutan ko ang siyang nangyari sa akin, at ang pinakaaayawan ko ang dumating sa akin.
26 Hindi ako mapalagay, wala akong kapayapaan,
kaguluhan sa buhay ko ay walang katapusan.”
Ang Unang Sagutan(D)
4 Sinabi ni Elifaz na Temaneo,
2 “Huwag mo sanang ikasamâ ng loob ang aking sasabihin,
di ko na kayang manahimik, di na ako makapagpigil.
3 Marami na ring tao ang iyong naturuan,
at mahihinang kamay ay iyong natulungan.
4 Salita mo'y nagpalakas sa nanlulupaypay,
sa mahina't pagod pangaral mo'y umalalay.
5 Ngayong ikaw na ang dumaranas ng matinding kahirapan,
nawawalan ka ng pag-asa at parang nais mong mabuwal?
6 Di ba't may takot ka sa Diyos at masunurin sa kanya?
Kaya dapat magtiwala ka at magkaroon ng pag-asa.
7 “Isipin mong mabuti: mayroon bang walang sala na napahamak ang buhay,
mayroon bang mabuting tao na dumanas ng kasawian?
8 Ang alam ko'y ang mga naghahasik ng kasamaan
ay sila ring nag-aani ng kaguluhan.
9 Kaya naman ang Diyos sa tindi ng galit sa kanila, parang dinaanan ng bagyo sila'y pinupuksa niya.
10 Mga masasamang tao'y parang leong umuungal,
ngunit pinatatahimik sila ng Diyos, ngipin nila'y tinatanggal.
11 Para silang leong walang mabiktima, namamatay sa gutom,
at nagkakawatak-watak ang mga anak nila.
12 “Minsan, ako ay may narinig,
salitang ibinulong sa aking pandinig.
13 Sa(E) lalim ng hatinggabi parang ako'y nanaginip kung kailan ang tao'y mahimbing na naiidlip.
14 Ako'y sinakmal ng matinding takot,
ako'y kinilabutan at nangatog ang tuhod.
15 Malamig na hangin, dumampi sa mukha ko,
sa takot ay nagtayuan ang aking balahibo.
16 May nakita akong doon ay nakatayo,
ngunit di ko mapagwari ang kanyang anyo.
Maya-maya, narinig ko ang isang tinig:
17 ‘Maaari bang maging matuwid ang isang tao sa paningin ng Diyos?
Sa harap ng Lumikha, mayroon bang malinis ang loob?
18 Mga lingkod niya sa langit di niya pinagkakatiwalaan,
sa kanya mismong mga anghel may nakikita siyang kamalian.
19 Paano pa siya magtitiwala sa taong mula sa alabok?
Tulad ng gamu-gamo, ito ay marupok.
20 Ang tao'y buháy ngayon, ngunit hindi tiyak kung mamaya;
siya pala ay patay na, di pa alam nitong madla.
21 Ang lahat niyang taglay sa kanya'y mawawala,
sa kanyang pagkamatay kulang pa rin sa unawa.’
44 “Kasama(A) ng ating mga ninuno sa ilang ang Toldang Tipanan na ipinagawa ng Diyos kay Moises ayon sa anyong ipinakita sa kanya. 45 Minana(B) ito ng kanilang mga anak at dinala-dala habang sinasakop nila ang lupain ng mga bansang ipinalupig sa kanila ng Diyos sa pangunguna ni Josue. Ito'y nanatili roon hanggang sa kapanahunan ni David. 46 Kinalugdan(C) ng Diyos si David, at humingi ito ng pahintulot na magtayo ng tahanan para sa Diyos[a] ng Israel. 47 Ngunit(D) si Solomon na ang nagtayo ng tahanang iyon.
48 “Gayunman, ang Kataas-taasang Diyos ay hindi naninirahan sa mga bahay na ginawa ng tao. Sabi nga ng propeta,
49 ‘Ang(E) langit ang aking trono,’ sabi ng Panginoon,
‘at ang lupa ang aking tuntungan.
Anong uri ng bahay ang itatayo ninyo para sa akin,
o anong lugar ang pagpapahingahan ko?
50 Hindi ba't ako ang gumawa ng lahat ng ito?’
51 “Napakatigas(F) ng ulo ninyo! Ang mga puso at tainga ninyo ay parang sa mga pagano! Kung ano ang ginawa ng inyong mga ninuno, iyon din ang ginagawa ninyo ngayon. Lagi ninyong nilalabanan ang Espiritu Santo. 52 Sinong propeta ang hindi inusig ng inyong mga ninuno? Pinatay nila ang mga nagpahayag tungkol sa pagparito ng Matuwid na Lingkod na inyo namang ipinagkanulo at ipinapatay. 53 Tumanggap kayo ng kautusang ibinigay ng Diyos sa pamamagitan ng mga anghel, ngunit hindi naman ninyo ito sinunod.”
Ang Pagbato kay Esteban
54 Nagngitngit sa matinding galit kay Esteban ang buong Kataas-taasang Kapulungan ng mga Judio nang marinig ang mga ito. 55 Ngunit si Esteban, na puspos ng Espiritu Santo, ay tumingala sa langit, at nakita niya ang kaluwalhatian ng Diyos at si Jesus na nakatayo sa kanan ng Diyos. 56 Kaya't sinabi niya, “Tingnan ninyo! Nakikita kong bukás ang kalangitan, at ang Anak ng Tao na nakatayo sa kanan ng Diyos.”
57 Tinakpan nila ang kanilang mga tainga at nagsigawan. Pagkatapos, sabay-sabay nilang sinugod si Esteban 58 at kinaladkad siya palabas ng lungsod upang batuhin. Inilagay ng mga saksi ang kanilang mga balabal sa paanan ng isang binatang nagngangalang Saulo. 59 At habang binabato nila si Esteban, nanalangin siya ng ganito: “Panginoong Jesus, tanggapin mo po ang aking espiritu.” 60 Lumuhod si Esteban at sumigaw nang malakas, “Panginoon, huwag mo po silang pananagutin sa kasalanang ito!”
At pagkasabi nito, siya'y namatay.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.