Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Old/New Testament

Each day includes a passage from both the Old Testament and New Testament.
Duration: 365 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Ezra 3-5

Muling Sinimulan ang Pagsamba

Pagsapit ng ika-7 buwan, ang mga Israelita ay panatag nang nanirahan sa kani-kanilang bayan. Isang araw, lahat sila'y sama-samang nagtipon sa Jerusalem. Ang(A) altar ng Diyos ng Israel ay muling itinayo ni Josue na anak ni Jehozadak, kasama ang kanyang mga kapwa-pari at si Zerubabel na anak ni Sealtiel, gayundin ang mga kamag-anak nito. Ginawa nila ito upang makapag-alay sa altar ng mga handog na susunugin ayon sa nakasulat sa kautusan ni Moises na lingkod ng Diyos. Bagama't[a] (B) takot sa mga naninirahan sa lupain ang mga nagsibalik na Judio, itinayo pa rin nila sa dating lugar ang altar. Doon ay muli silang nag-alay ng mga handog na susunugin para kay Yahweh sa umaga at sa gabi. Ipinagdiwang(C) din nila ang Pista ng mga Tolda gaya ng nakasulat, at araw-araw ay nagsusunog sila ng mga handog na ukol sa bawat araw. Bukod(D) dito, nag-alay sila ng mga palagiang handog na sinusunog, mga handog para sa panahon ng Pista ng Bagong Buwan at para sa lahat ng kapistahang itinalaga ni Yahweh. Nag-alay din sila ng mga kusang-loob na handog para kay Yahweh. Sa pagsapit ng unang araw ng ika-7 buwan, sinimulan na nilang maghandog kay Yahweh kahit hindi pa nasimulang muling itayo ang Templo.

Sinimulan ang Muling Pagtatayo ng Templo

Kumuha sila ng mga swelduhang tagatapyas ng bato at mga karpintero. Nagpadala rin sila ng mga pagkain, inumin, at langis sa mga taga-Sidon at taga-Tiro bilang bayad sa mga punong sedar na dadalhin ng mga barko mula sa Lebanon patungo sa daungan ng Joppa. Ang lahat ng ito ay ginawa nang may pahintulot mula kay Haring Ciro ng Persia. Kaya't nagsimula na silang magtrabaho pagsapit ng ika-2 buwan ng ika-2 taon mula nang makabalik sila sa dating kinatatayuan ng Templo ng Diyos sa Jerusalem. Sama-samang nagtrabaho sina Zerubabel na anak ni Sealtiel, at Josue na anak ni Jozadak, kasama ang iba pa nilang mga kababayan, gayundin ang mga pari at Levita. Sa katunayan, kasama sa gawaing ito ang lahat ng bumalik sa Jerusalem mula sa pagkabihag. Inatasan nilang mamahala sa pagtatayo ng Templo ng Diyos ang mga Levita na ang edad ay dalawampung taon pataas. Ang mga nagtatrabaho sa pagtatayo ng Templo ng Diyos ay pinamahalaan nina Josue at ng kanyang mga anak at mga kamag-anak kasama sina Kadmiel at ang kanyang mga anak mula sa angkan ni Hodavias. Kasama rin ang mga anak ni Henadad, ang mga Levita at ang kanilang mga anak at mga kamag-anak.

10 Nang(E) inilalagay na ng mga manggagawa ang pundasyon ng Templo ni Yahweh, pumuwesto na ang mga nakabihis na pari, hawak ang kanilang mga trumpeta pati ang mga Levita na anak ni Asaf, na hawak ang kanilang mga pompiyang. Nagpuri sila kay Yahweh ayon sa paraang itinuro ni Haring David ng Israel. 11 Nagsagutan(F) sila sa pag-awit ng mga papuri at pasasalamat kay Yahweh. Ito ang kanilang inawit:

“Purihin si Yahweh sa kanyang kabutihan!
Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman.”

Malakas na isinigaw ng lahat ng tao ang kanilang papuri kay Yahweh sapagkat ang pundasyon ng Templo ni Yahweh ay inilagay na. 12 Marami(G) sa matatandang pari, Levita at pinuno ng mga angkan na nakakita sa unang templo ang umiyak nang malakas habang sinasaksihan ang paglalagay ng pundasyon ng bagong Templo. Marami ring tao ang sumigaw nang may kagalakan. 13 Dahil dito'y hindi na malaman kung alin ang sigaw ng kagalakan at alin ang sigaw ng pag-iyak sapagkat ang ingay ng mga tao ay napakalakas at dinig sa malayo.

May Sumalungat sa Muling Pagtatayo ng Templo

Nang mabalitaan ng mga kaaway ng Juda at Benjamin na itinatayong muli ng mga bumalik mula sa pagkabihag ang Templo ni Yahweh, ang Diyos ng Israel, kinausap(H) nila si Zerubabel at ang mga pinuno ng mga angkan at sinabi sa kanila, “Tutulungan namin kayo sa pagtatayo ng Templo sapagkat sinasamba rin namin ang inyong Diyos gaya ng pagsamba ninyo sa kanya. Matagal na rin kaming nag-aalay ng handog sa kanya, simula pa noong panahon ni Haring Esarhadon ng Asiria na siyang nagdala sa amin dito.”

Ngunit sinabi sa kanila nina Zerubabel, Josue at ng iba pang mga pinuno ng mga angkan, “Wala kayong karapatang tumulong sa amin para itayo ang Templo ng aming Diyos. Gaya ng ipinag-utos ni Haring Ciro ng Persia, kami lamang ang magtatayo nito para kay Yahweh, ang Diyos ng Israel.” Dahil dito, ginulo at tinakot ng mga dati nang naninirahan sa lupaing iyon ang mga Judio upang hindi makapagtrabaho ang mga ito. May sinuhulan din silang mga opisyal ng pamahalaan ng Persia upang kumilos laban sa mga Judio at sirain ang plano ng mga ito. Ginawa nila ito mula noong panahong si Ciro pa ang Emperador ng Persia hanggang sa panahon ng paghahari ni Dario.

Sinalungat ang Muling Pagtatatag ng Jerusalem

Sa(I) simula ng paghahari ni Xerxes, ang mga kaaway ng mga Judiong naninirahan sa Juda at Jerusalem ay nagpalabas ng mga nakasulat na paratang laban sa kanila.

Noon namang naghahari si Artaxerxes ng Persia, lumiham dito sina Bislam, Mitredat, at Tabeel, kasama ang kanilang mga kapanalig. Sinulat ang liham sa wikang Aramaico kaya't kinailangang isalin sa pagbasa.

Sumulat din si Rehum na gobernador at si Simsai na kalihim ni Haring Artaxerxes tungkol sa kanilang pagtutol sa mga nangyayari sa Jerusalem.[b]

“Mula kina Rehum na gobernador at Simsai na kalihim; mula sa kanilang mga kapanalig na hukom, pinuno, at sugo na galing sa Erec, Babilonia, at Susa sa lupain ng Elam; 10 kasama ng mga iba pang inilipat at pinatira ng dakila at makapangyarihang si Asurbanipal sa lunsod ng Samaria at sa mga lugar sa lalawigang Kanluran-ng-Eufrates.”

11 Ito ang nilalaman ng liham:

“Isang pagbati sa Kanyang Kamahalan, Haring Artaxerxes; buhat sa kanyang mga lingkod sa Kanluran-ng-Eufrates.

12 “Kamahalan, ipinapaabot po namin sa inyong kaalaman na ang mapaghimagsik at masamang lunsod ng Jerusalem ay muling itinatayo ng mga Judio na dumating mula sa mga bayang inyong nasasakupan, at ngayo'y naninirahan doon. Naisaayos na po nila ang mga pundasyon ng lunsod at kasalukuyan namang itinatayo ang mga pader. 13 Kamahalan, kung maitatayo pong muli ang lunsod at pati ang mga pader nito, hindi na magbabayad ng mga buwis ang mga tao roon at mababawasan na ang malilikom na salapi para sa kaharian. 14 Hindi po kami makakapayag na mangyari ito sapagkat kami po'y may pananagutan sa Inyong Kamahalan. Ipinababatid namin ito sa inyo 15 upang siyasatin ang talaan ng kasaysayan ng inyong mga ninuno. Matatagpuan po ninyo at mapapatunayan sa mga nakatalang kasaysayan na ang lunsod na ito ay mapaghimagsik at sakit-ng-ulo ng mga naunang hari at ng mga pinuno ng mga lalawigan. Noon pa ma'y mahirap nang pamahalaan ang mga tao sa lunsod na ito. Iyan po ang dahilan kaya ito'y winasak. 16 Ipinapaalam lamang po namin sa Inyong Kamahalan na kapag naitatag na ang lunsod at ang mga pader nito, tapos na rin po ang inyong pamamahala sa lalawigang Kanluran-ng-Eufrates.”

17 Ito naman ang sagot na ipinadala ng hari:

“Para kina Rehum na gobernador at Simsai na kalihim; para sa kanilang mga kapanalig na naninirahan sa Samaria at sa mga lugar na nasa lalawigang Kanluran-ng-Eufrates: Isang pagbati ang pinararating ko sa inyo.

18 “Ang liham na ipinadala ninyo ay isinalin sa aking wika at binasa sa harapan ko. 19 Kaya't ipinag-utos kong gawin ang isang pagsisiyasat, at napatunayan na noon pa mang unang panahon ay naghimagsik na ang mga taga-Jerusalem laban sa mga hari, at ang paghihimagsik at pagsalungat nila sa pamahalaan ay naging karaniwang pangyayari na lamang doon. 20 Binabayaran nga ng buwis ang mga makapangyarihang hari sa Jerusalem na naghari noon sa buong lalawigang Kanluran-ng-Eufrates. 21 Dahil dito, ipag-utos ninyong ihinto na ng mga lalaking iyon ang muling pagtatayo ng lunsod hangga't wala pa akong ipinalalabas na utos tungkol dito. 22 Gawin ninyo agad ito bago pa sila lumikha ng pinsala sa aking kaharian.”

23 Pagkatapos mabasa nina Rehum, Simsai, at ng kanilang mga pinunong kapanalig ang liham ni Haring Artaxerxes, agad silang nagtungo sa Jerusalem at pilit na pinahinto ang mga Judio sa muling pagtatayo ng lunsod.

Ipinagpatuloy ang Gawain sa Templo

24 Napahinto(J) nga ang pagtatayo ng Templo sa Jerusalem hanggang sa ika-2 taon ng paghahari ni Dario ng Persia.

Nang(K) panahong iyon, ang mga propetang sina Hagai at Zacarias na anak ni Ido ay nagpahayag ng propesiya sa pangalan ng Diyos ng Israel tungkol sa mga Judiong nakatira sa Juda at Jerusalem. Nang(L) marinig sila ni Zerubabel na anak ni Sealtiel at ni Josue na anak ni Jozadak, ipinagpatuloy ng mga ito ang pagtatayo ng Templo ng Diyos sa Jerusalem. Tinulungan sila ng mga propeta ng Diyos.

Agad namang dumating si Tatenai na gobernador ng Kanluran-ng-Eufrates at si Setar-bozenai, kasama ang iba pang mga pinuno. Tinanong ng mga ito sina Zerubabel at Josue, “Sinong nag-utos sa inyo na gawin at tapusin ang templong ito?” Tinanong pa nila,[c] “Ano ang mga pangalan ng mga lalaking nagtatrabaho rito?” Ngunit binantayan ng Diyos ang pinuno ng mga Judio kaya't hindi sila pinakialaman ng mga pinunong taga-Persia habang hindi pa nakakapag-ulat ang mga ito kay Emperador Dario at habang hinihintay nila ang sagot ng hari. Ito ang ulat na ipinadala nina Tatenai sa hari:

“Sumainyo nawa ang kapayapaan, Haring Dario.

“Ipinapaalam po namin sa Inyong Kamahalan na binisita na po namin ang lalawigan ng Juda. Ang Templo po ng dakilang Diyos ay muling itinatayo sa pamamagitan ng malalaking tapyas ng bato at ang mga pader naman nito ay pinapatibay sa pamamagitan ng mga troso. Masigasig po ang kanilang pagtatrabaho at malaking bahagi na ang kanilang nagagawa.

“Tinanong po namin ang matatandang pinuno roon kung sinong nag-utos sa kanila na gawing muli at tapusin ang templo. 10 Tinanong din po namin ang kanilang mga pangalan upang maipaalam namin sa inyo kung sinu-sino ang mga nangunguna sa gawaing iyon.

11 “Sinagot po nila kami ng ganito: ‘Kami ang mga lingkod ng Diyos ng langit at lupa, at muli naming itinatayo ang Templo na noong unang panahon ay ipinatayo ng isang makapangyarihang hari ng Israel. 12 Ngunit(M) dahil ginalit ng aming mga ninuno ang Diyos ng kalangitan, sila ay pinabayaan niyang sakupin ng Caldeong si Nebucadnezar, hari ng Babilonia. Winasak ni Nebucadnezar ang Templong ito at ang mga tao ay dinala niyang bihag sa Babilonia. 13 Ngunit,(N) noong unang taon ng paghahari ni Ciro sa Babilonia, nagpalabas ito ng utos para muling itayo ang Templo ng Diyos. 14 Ipinabalik rin ni Haring Ciro ang mga kagamitang ginto at pilak sa Templo. Ang mga iyon ay kinuha ni Nebucadnezar mula sa Templo ng Jerusalem at inilagay sa kanyang templo sa Babilonia. Kaya ipinagkatiwala ni Haring Ciro ang mga kagamitang ito kay Sesbazar na itinalaga niya bilang gobernador ng mga Judio. 15 Sinabi ng hari kay Sesbazar na dalhin ang mga iyon at ilagay sa Templo sa Jerusalem. Iniutos din niya na muling itayo ang Templo sa dati nitong lugar. 16 Kaya't naparito nga si Sesbazar at inilagay ang mga pundasyon ng Templo ng Diyos sa Jerusalem. Noon sinimulan ang pagtatayo ng Templo na nagpapatuloy hanggang sa kasalukuyan. Sa katunayan nga'y hindi pa ito tapos.’

17 “Ngayon, kung mamarapatin po ng Inyong Kamahalan, ipahanap po ninyo sa mga taguan ng mga kasulatan ng kaharian sa Babilonia kung tunay ngang ipinag-utos ni Haring Ciro na muling itayo ang Templo ng Diyos sa Jerusalem. Hinihiling po namin na ipabatid ninyo sa amin ang inyong pasya sa bagay na ito.”

Juan 20

Ang Muling Pagkabuhay ni Jesus(A)

20 Madilim-dilim pa nang unang araw ng sanlinggo, pumunta si Maria Magdalena sa libingan. Naratnan niyang naalis na ang batong nakatakip sa libingan. Dahil dito, patakbo siyang pumunta kay Simon Pedro at sa alagad na mahal ni Jesus, at sinabi sa kanila, “Kinuha nila ang Panginoon mula sa libingan, at hindi namin alam kung saan siya inilagay!”

Sina Pedro at ang nasabing alagad ay nagpunta sa libingan. Kapwa sila tumakbo ngunit si Pedro'y naunahan noong isa. Yumuko ito at sumilip sa loob ng libingan ngunit hindi pumasok. Nakita niyang nakalagay doon ang mga telang lino. Nang dumating si Simon Pedro, tuluy-tuloy itong pumasok sa libingan at nakita nito ang mga telang lino, at ang panyong ibinalot sa ulo ni Jesus. Ang panyo ay hindi kasama ng mga telang lino, kundi hiwalay na nakatiklop sa isang tabi. Pumasok din ang alagad na naunang dumating at nakita niya ito, at siya'y naniwala. Hindi pa nila nauunawaan noon na si Jesus ay kailangang muling mabuhay ayon sa kasulatan. 10 At umuwi ang mga alagad sa kanilang mga tahanan.

Nagpakita si Jesus kay Maria Magdalena(B)

11 Si Maria ay nakatayong umiiyak sa labas ng libingan. Habang umiiyak ay yumuko siya at sumilip sa loob. 12 May nakita siyang dalawang anghel na nakadamit ng puti at nakaupo sa pinaglagyan ng bangkay ni Jesus, ang isa'y sa gawing ulunan at ang isa nama'y sa paanan. 13 Tinanong nila si Maria, “Babae, bakit ka umiiyak?”

Sumagot siya, “Kinuha nila ang aking Panginoon at hindi ko alam kung saan siya inilagay.”

14 Pagkasabi nito'y napalingon siya at nakita niya si Jesus na nakatayo roon, ngunit hindi niya nakilalang si Jesus iyon.

15 Tinanong siya ni Jesus, “Babae, bakit ka umiiyak? Sino ang hinahanap mo?”

Akala ni Maria, ang kausap niya'y ang hardinero kaya't sinabi niya, “Ginoo, kung kayo po ang kumuha sa kanya, pakituro nga po ninyo sa akin kung saan ninyo siya inilagay at kukunin ko.”

16 “Maria!” sabi ni Jesus.

Humarap siya at kanyang sinabi sa wikang Hebreo, “Raboni!” na ang ibig sabihi'y “Guro.”

17 Sabi ni Jesus, “Huwag mo akong hawakan sapagkat hindi pa ako nakakapunta sa Ama. Sa halip, pumunta ka sa aking mga kapatid at sabihin mo sa kanila na aakyat ako sa aking Ama at inyong Ama, sa aking Diyos at inyong Diyos.”

18 Kaya't si Maria Magdalena ay pumunta sa mga alagad at ibinalita sa kanila, “Nakita ko ang Panginoon!” At sinabi rin niya sa kanila ang mga sinabi sa kanya ni Jesus.

Nagpakita si Jesus sa Kanyang mga Alagad(C)

19 Kinagabihan ng araw ding iyon na unang araw ng linggo, habang nakasara ang mga pinto ng bahay na kinaroroonan ng mga alagad dahil sa takot nila sa mga Judio, dumating si Jesus. Tumayo siya sa kalagitnaan nila at sinabi, “Sumainyo ang kapayapaan!” 20 Pagkasabi nito, ipinakita niya ang kanyang mga kamay at ang kanyang tagiliran. Tuwang-tuwa ang mga alagad nang makita nila ang Panginoon. 21 Muling sinabi ni Jesus, “Sumainyo ang kapayapaan! Kung paanong isinugo ako ng Ama, isinusugo ko rin kayo.” 22 Pagkatapos, sila'y hiningahan niya at sinabi, “Tanggapin ninyo ang Espiritu Santo. 23 Kung(D) patatawarin ninyo ang mga kasalanan ninuman ay pinatawad na ang mga iyon, subalit ang hindi ninyo patatawarin ay hindi nga pinatawad.”

Ang Pag-aalinlangan ni Tomas

24 Ngunit si Tomas, na tinatawag na Kambal at kabilang sa Labindalawa, ay wala roon nang dumating si Jesus. 25 Kaya't sinabi sa kanya ng ibang mga alagad, “Nakita namin ang Panginoon!”

Sumagot si Tomas, “Hindi ako maniniwala hangga't hindi ko nakikita ang mga butas ng mga pako sa kanyang mga kamay, at hangga't hindi ko nailalagay ang aking daliri sa mga iyon at nahahawakan ang kanyang tagiliran.”

26 Makalipas ang isang linggo, muling nagkatipon sa loob ng bahay ang mga alagad at kasama nila si Tomas. Nakasara ang mga pinto, ngunit pumasok si Jesus at tumayo sa kalagitnaan nila. Sinabi niya, “Sumainyo ang kapayapaan!” 27 At sinabi niya kay Tomas, “Ilagay mo ang iyong daliri dito at tingnan mo ang aking mga kamay. Ilagay mo ang iyong kamay sa aking tagiliran. Huwag ka nang mag-alinlangan pa, sa halip ay maniwala ka.”

28 Sumagot si Tomas, “Panginoon ko at Diyos ko!”

29 Sinabi sa kanya ni Jesus, “Naniniwala ka na ba dahil nakita mo ako? Pinagpala silang hindi nakakita gayunma'y naniniwala.”

Ang Layunin ng Aklat na Ito

30 Marami pang mga himalang ginawa si Jesus na nasaksihan ng mga alagad na hindi nakasulat sa aklat na ito. 31 Ngunit ang mga nakasulat dito ay isinulat upang kayo'y sumampalataya[a] na si Jesus ang Cristo, ang Anak ng Diyos, at sa pagsampalatayang iyon ay magkaroon kayo ng buhay sa pamamagitan niya.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.