Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

M’Cheyne Bible Reading Plan

The classic M'Cheyne plan--read the Old Testament, New Testament, and Psalms or Gospels every day.
Duration: 365 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Hukom 11:12-40

12 Si Jefta ay nagpadala ng mga sugo sa hari ng mga Ammonita at kanyang ipinatanong, “Ano ba ang atraso namin sa inyo? Bakit ninyo nilulusob ang aming bayan?”

13 Ganito ang sagot ng hari ng mga Ammonita sa mga sugo ni Jefta: “Gusto naming maibalik sa amin ang aming lupain, sapagkat nang dumating dito ang mga Israelita buhat sa Egipto, kinamkam nila ang aming lupain mula sa Ilog Arnon hanggang sa Ilog Jabboc at ng Jordan.”

14 Pinabalik ni Jefta ang kanyang mga sugo sa hari ng mga Ammonita 15 at ipinasabi, “Hindi namin kinamkam ang lupain ng Moab o ng Ammon. 16 Nang umalis sa Egipto ang aming mga ninuno, naglakbay sila sa disyerto patungong Dagat na Pula[a] hanggang sa Kades. 17 Pagkatapos,(A) nagpadala sila ng mga sugo sa hari ng Edom upang humingi ng pahintulot na dumaan sa lupaing ito, ngunit hindi sila pinayagan nito. Ganoon din ang ginawa ng hari ng Moab. Kaya, ipinasya nilang tumigil sa Kades. 18 Nagpatuloy(B) sila sa paglalakbay sa disyerto. Iniwasan nila ang Edom at Moab hanggang sa sumapit sila sa gawing silangan ng Moab, sa ibayo ng Ilog Arnon. Nagkampo sila roon. Hindi sila tumawid ng ilog sapagkat iyon ang hangganan ng Moab. 19 At(C) nagpadala sila ng mga sugo sa Hesbon, kay Haring Sihon ng mga Amoreo, upang humingi ng pahintulot na dumaan sa lupain nito. 20 Ngunit hindi pumayag si Sihon. Sa halip, tinipon nito sa Jahaz ang kanyang hukbo at sinalakay ang mga Israelita. 21 Ngunit sila'y ibinigay ni Yahweh sa kamay ng mga Israelita. Kaya, ang lahat ng lupain ng mga Amoreo sa dakong iyon ay nasakop ng mga Israelita: 22 buhat sa Ilog Arnon, sa timog, hanggang sa Jabboc sa hilaga, at buhat naman sa disyerto, sa silangan hanggang sa Jordan, sa kanluran. 23 Kaya si Yahweh ang nagtaboy sa mga Amoreo upang ang lupain nila'y tirhan ng mga Israelita. 24 At ngayo'y gusto ninyo itong kunin? Inyo nang lahat ang ibinigay sa inyo ng diyus-diyosan ninyong si Cemos ngunit huwag ninyong papakialaman ang ibinigay sa amin ni Yahweh na aming Diyos. 25 Sa(D) palagay mo ba'y mas magaling ka kaysa kay Balac na hari ng Moab? Ni minsa'y hindi niya tinangkang digmain ang Israel. 26 Tatlong daang taon nang naninirahan ang mga Israelita sa Hesbon, Aroer, sa mga bayan sa paligid nito, at sa mga lunsod sa palibot ng Ilog Arnon. Bakit ngayon lamang ninyo naisipang bawiin ang mga ito? 27 Wala akong kasalanan sa iyo, ikaw itong may kasalanan sa akin dahil sinasalakay mo ako. Si Yahweh, ang Hukom, ang magpapasya ngayon sa Israel at Ammon.” 28 Ngunit ang pasabing ito ni Jefta ay hindi pinansin ng hari ng mga Ammonita.

29 Ang Espiritu[b] ni Yahweh ay lumukob kay Jefta. Tinipon niya ang mga tao sa Gilead at Manases, pagkatapos ay nagbalik sa Mizpa, Gilead at saka nagtuloy upang salakayin ang mga Ammonita. 30 Sumumpa si Jefta kay Yahweh ng ganito: “Kapag pinagtagumpay ninyo ako laban sa mga Ammonita, 31 susunugin ko bilang handog sa inyo ang unang lalabas sa aking bahay at sasalubong sa akin pag-uwi ko.” 32 Sinalakay nga ni Jefta ang mga Ammonita at pinagtagumpay siya ni Yahweh. 33 Nagapi nila ang mga kalaban at nasakop ang dalawampung lunsod mula sa Aroer, sa palibot ng Minit hanggang sa Abelqueramim. Marami silang napatay na Ammonita.

Ang Anak ni Jefta

34 Nang magbalik si Jefta sa Mizpa, sinalubong siya ng anak niyang babae na sumasayaw sa saliw ng tamburin. Siya ang kaisa-isang anak ni Jefta. 35 Nang(E) makita siya ni Jefta, pinunit niya ang kanyang damit at buong paghihinagpis na sinabi, “Anak ko, kay bigat na bagay nitong ginawa mo sa akin ngayon. Ang panata ko kay Yahweh ay hindi ko na mababawi pa!”

36 Sumagot ang anak ni Jefta, “Kung may panata kayo kay Yahweh, tuparin ninyo iyon sapagkat ipinaghiganti niya kayo laban sa inyong mga kaaway na mga Ammonita. 37 Ngunit may isa lamang po akong ipapakiusap sa inyo: bayaan ninyong isama ko sa bundok ang aking mga kaibigan upang ipagluksa ko nang dalawang buwan ang aking pagkabirhen.” 38 Pumayag naman si Jefta na umalis ng dalawang buwan ang anak niya. Nagpunta nga ito sa bundok, kasama ang kanyang mga kaibigan upang ipagluksa ang kanyang pagkabirhen sapagkat mamamatay siya nang hindi makakapag-asawa. 39 Pagkaraan ng dalawang buwan, nagbalik siya sa kanyang ama at isinagawa naman nito ang kanyang panata kay Yahweh. At siya nga'y namatay na isang birhen. Mula noon, naging kaugalian na sa Israel 40 na taun-taon ay apat na araw na ipagluksa ng mga kababaihan ang dalagang anak ni Jefta.

Mga Gawa 15

Ang Pagpupulong sa Jerusalem

15 May(A) dumating doon na ilang taong mula sa Judea at nagturo sa mga kapatid, “Kapag hindi kayo nagpatuli ayon sa kaugaliang itinuturo ni Moises, hindi kayo maliligtas.”

Mahigpit itong tinutulan nina Pablo at Bernabe at naging mainitan ang kanilang pagtatalo. Kaya't napagpasyahang papuntahin sa Jerusalem sina Pablo at Bernabe at ilan pang kapatid na taga-Antioquia, upang ang suliraning ito ay isangguni sa mga apostol at sa matatandang pinuno ng iglesya.

Isinugo nga sila ng iglesya at pagdaan nila sa Fenicia at Samaria, ibinalita nila roon na marami nang mga Hentil ang nahikayat sa pananampalataya. Ito nama'y labis na ikinagalak ng mga kapatid. Pagdating nila sa Jerusalem, malugod silang tinanggap ng mga apostol, ng mga matatandang pinuno, at ng buong iglesya. Isinalaysay nila ang lahat ng ginawa ng Diyos sa pamamagitan nila. Ngunit tumayo naman ang ilang mananampalatayang kabilang sa pangkat ng mga Pariseo at kanilang sinabi, “Kailangang tuliin at utusang tumupad sa Kautusan ni Moises ang mga Hentil na sumasampalataya.”

Nagpulong ang mga apostol at ang matatandang namumuno sa iglesya upang pag-aralan ang suliraning ito. Pagkatapos(B) ng mahabang pagtatalo, tumayo si Pedro at nagsalita, “Mga kapatid, nalalaman ninyo na noong mga nakaraang araw, hinirang ako ng Diyos upang mangaral ng Magandang Balita sa mga Hentil, at sila naman ay sumampalataya. Ang(C) Diyos na nakakasaliksik ng puso ang nagpatotoo na sila'y tinatanggap niya nang ipagkaloob niya sa kanila ang Espiritu Santo tulad ng pagkakaloob niya sa atin. Walang pagkakaiba ang pagtingin ng Diyos sa kanila at sa atin; nilinis din niya ang kanilang puso sa pamamagitan ng kanilang pananampalataya. 10 Bakit sinusubok ninyo ang Diyos? Bakit ninyo iniaatang sa mga mananampalataya ang isang pasaning hindi nakayang dalhin ng ating mga ninuno at hindi rin natin kayang pasanin? 11 Sumasampalataya tayo na tayo'y maliligtas sa pamamagitan ng kagandahang-loob ng Panginoong Jesus at gayundin sila.”

12 Tumahimik ang buong kapulungan at nakinig sila habang isinasalaysay nina Bernabe at Pablo ang mga himalang ginawa ng Diyos sa mga Hentil sa pamamagitan nila.

13 Pagkatapos, si Santiago naman ang nagsalita, “Mga kapatid, makinig kayo sa akin. 14 Katatapos pa lamang isalaysay ni Simon kung paano unang ipinamalas ng Diyos ang kanyang pagkalinga sa mga Hentil upang mula sa kanila ay may mga mapabilang sa kanyang bayan. 15 Ito ay sumasang-ayon sa ipinahayag ng mga propeta, tulad ng nasusulat,

16 ‘Pagkatapos(D) nito ay babalik ako,
    at muli kong itatayo ang bumagsak na kaharian ni David.
Muli ko itong ibabangon mula sa kanyang pagkaguho,
17 upang ang Panginoon ay hanapin ng iba pang mga tao,
    ng lahat ng mga Hentil na tinawag ko upang maging akin.
18 Ganoon ang sinabi ng Panginoon na nagpahayag ng mga bagay na ito mula pa noong una.’”

19 Nagpatuloy si Santiago, “Kaya't ang pasya ko'y huwag nating pahirapan ang mga Hentil na lumalapit sa Diyos. 20 Sa(E) halip, sulatan natin sila na huwag kumain ng anumang inihandog sa diyus-diyosan, huwag makikiapid, at huwag kakain ng hayop [na binigti][a] at ng dugo. 21 Sapagkat mula pa noong unang panahon, ang Kautusan ni Moises ay binabasa na sa mga sinagoga tuwing Araw ng Pamamahinga at ang aral niya ay itinuturo sa bawat bayan.”

Ang Sulat sa mga Hentil na Sumasampalataya

22 Kaya't minabuti ng mga apostol, ng matatandang pinuno ng iglesya, at ng buong iglesya na pumili ng ilan sa kanila upang suguin sa Antioquia, kasama nina Pablo at Bernabe. Ang mga napili nila ay si Judas na tinatawag na Barsabas at si Silas, na mga lalaking iginagalang ng mga kapatid. 23 Ipinadala nila sa kanila ang sulat na ganito ang nilalaman:

“Kaming mga apostol at ang matatandang pinuno ng iglesya, inyong mga kapatid, ay bumabati sa mga kapatid naming Hentil na nasa Antioquia, sa Siria at sa Cilicia. 24 Nabalitaan naming ginugulo kayo ng ilang kasamahan naming galing dito, kahit na hindi namin sila inutusan. At binabagabag nila kayo sa pamamagitan ng kanilang itinuturo, 25 kaya't napagkaisahan naming magpadala sa inyo ng mga sugo. Kasama sila ng ating minamahal na sina Bernabe at Pablo, 26 mga taong hindi nag-atubiling itaya ang kanilang buhay sa paglilingkod sa ating Panginoong Jesu-Cristo. 27 Isinugo namin sa inyo sina Judas at Silas upang ipaliwanag ang sinasabi sa sulat na ito. 28 Sapagkat minabuti namin at ng Espiritu Santo na huwag na kayong atangan ng iba pang pasanin maliban sa mga bagay na ito na talagang kailangan: 29 huwag kayong kakain ng anumang inihandog sa mga diyus-diyosan, ng dugo at ng hayop na binigti, at huwag kayong makikiapid. Layuan ninyo ang mga iyan para sa ikabubuti ninyo. Paalam.”

30 At pinalakad nila ang mga sugo. Pagdating sa Antioquia, tinipon ng mga ito ang mga kapatid at ibinigay ang sulat. 31 Pagkabasa sa sulat, nagalak ang lahat dahil sa mensaheng nagpalakas ng kanilang loob. 32 Sina Judas at Silas, na mga propeta rin, ay maraming itinuro sa mga kapatid na nakapagpasigla at nakapagpatibay ng kanilang pananampalataya. 33 Ang dalawa'y tumigil doon nang kaunting panahon. Pagkatapos, sila'y pinabalik na taglay ang pagbati ng mga kapatid para sa mga nagsugo sa kanila. [34 Ngunit minabuti ni Silas ang manatili doon.][b]

35 Subalit nanatili sina Pablo at Bernabe sa Antioquia, at kasama ng marami pang iba ay nagturo at nangaral ng salita ng Panginoon.

Ang Paghihiwalay nina Pablo at Bernabe

36 Makalipas ang ilang araw, sinabi ni Pablo kay Bernabe, “Balikan natin at dalawin ang mga kapatid sa mga bayan kung saan tayo nangaral ng salita ng Panginoon at tingnan natin kung ano ang kalagayan nila.” 37 Nais ni Bernabe na isama si Juan na tinatawag ding Marcos. 38 Ngunit(F) ayaw ni Pablo, sapagkat hindi ito nagpatuloy na sumama sa kanilang gawain, sa halip, ito'y humiwalay sa kanila sa Pamfilia. 39 Nagkaroon sila ng mainitang pagtatalo kaya't naghiwalay sila. Isinama ni Bernabe si Marcos at naglayag sila papuntang Cyprus. 40 Isinama naman ni Pablo si Silas at sila'y umalis, matapos silang ipagkatiwala ng mga kapatid sa pag-iingat ng Panginoon. 41 Naglakbay sila sa Siria at Cilicia at pinatatag ang mga iglesya roon.

Jeremias 24

Aral mula sa Mabuti at sa Masamang Igos

24 Pagkatapos(A) gapiin at dalhing-bihag sa Babilonia ng Haring Nebucadnezar si Haring Jeconias na anak ni Jehoiakim, kasama ang mga pinuno, mahuhusay na manggagawa at mga panday ng Juda mula Jerusalem patungong Babilonia, ipinakita sa akin ni Yahweh ang dalawang basket ng igos sa harap ng Templo ni Yahweh sa isang pangitain. Napakaganda ng mga igos sa unang basket, mga unang nahinog na bunga; ngunit napakasasama naman ng igos na nasa pangalawang basket, at hindi na maaaring kainin. At tinanong ako ni Yahweh, “Jeremias, ano ang nakikita mo?”

Sumagot ako, “Mga igos po; napakagaganda ng nasa unang basket, ngunit napakasasama ng nasa isang basket at hindi na maaaring kainin.”

Pagkatapos ay sinabi sa akin ni Yahweh, “Akong si Yahweh, ang Diyos ng Israel, ang nagsasabi: Katulad ng mabubuting igos na iyan, ang mga taga-Juda na dinalang-bihag sa Babilonia ay itinuturing kong mabubuting tao. Pangangalagaan ko sila at ibabalik balang araw sa kanilang lupain. Patatatagin ko sila at hindi lilipulin; itatanim at hindi bubunutin. Makikilala nila na ako si Yahweh; sila'y magiging aking bayan at ako ang magiging kanilang Diyos, sapagkat buong puso silang magbabalik-loob sa akin.

“Ngunit kung paanong hindi makain ang napakasasamang igos,” sabi ni Yahweh, “gayon din ang gagawin ko kay Haring Zedekias ng Juda, sa kanyang mga pinuno, at sa mga natira sa Jerusalem na nananatili sa lupaing ito, pati ang mga nanirahan sa Egipto. Sila'y katatakutan sa lahat ng kaharian sa sanlibutan. Hahamakin sila, at ang pangalan nila'y magiging bukambibig sa pag-alipusta at pagsumpa kahit saan sila mapunta. 10 Daranas sila ng digmaan, taggutom, at salot hanggang sa lubusan silang mawala sa balat ng lupa, sa lupaing ibinigay ko sa kanila at sa mga ninuno nila.”

Marcos 10

Ang Katuruan ni Jesus tungkol sa Paghihiwalay ng Mag-asawa(A)

10 Pag-alis doon, si Jesus ay nagpunta sa lupain ng Judea at tumawid sa ibayo ng Ilog Jordan. Muling dumagsa ang maraming tao at tulad ng kanyang palaging ginagawa, sila'y kanyang tinuruan.

May ilang Pariseong gustong subukin si Jesus; kaya't lumapit sila at nagtanong, “Naaayon po ba sa Kautusan na hiwalayan ng lalaki ang kanyang asawa?”

Sumagot siya, “Ano ba ang utos ni Moises sa inyo?”

Sumagot(B) naman sila, “Ipinahintulot po ni Moises na ang lalaki ay gumawa ng kasulatan ng paghihiwalay bago niya hiwalayan at palayasin ang kanyang asawa.”

Ngunit sinabi ni Jesus, “Ginawa ni Moises ang utos na iyon dahil sa katigasan ng inyong ulo. Subalit(C) simula pa nang likhain ng Diyos ang sanlibutan, nilalang niya ang tao na lalaki at babae. ‘Dahil(D) dito'y iiwan ng lalaki ang kanyang ama at ina, [magsasama sila ng kanyang asawa][a] at ang dalawa'y magiging isa.’ Hindi na sila dalawa kundi isa. Ang pinagsama ng Diyos ay huwag paghiwalayin ng tao.”

10 Pagdating sa bahay, ang mga alagad naman ang nagtanong kay Jesus tungkol sa bagay na ito. 11 Sinabi(E) niya sa kanila, “Kapag hiniwalayan ng isang lalaki ang kanyang asawa at mag-asawa ng iba, siya ay nagkakasala ng pangangalunya sa kanyang asawa. 12 Gayon din naman, ang babaing humiwalay sa kanyang asawa at mag-asawa ng iba ay nagkakasala rin ng pangangalunya.”

Binasbasan ni Jesus ang Maliliit na Bata(F)

13 May mga taong nagdala ng mga bata kay Jesus upang hilinging ipatong niya sa mga ito ang kanyang kamay, ngunit sinaway sila ng mga alagad. 14 Nagalit si Jesus nang makita ito at sinabi sa kanila, “Hayaan ninyong lumapit sa akin ang mga bata, at huwag ninyo silang pagbawalan, sapagkat ang mga katulad nila ang mapapabilang sa kaharian ng Diyos. 15 Tandaan(G) ninyo: ang sinumang hindi tumatanggap sa kaharian ng Diyos, tulad sa pagtanggap ng isang bata, ay hinding-hindi makakapasok sa kaharian ng Diyos.” 16 Kinalong ni Jesus ang mga bata, ipinatong ang kanyang mga kamay sa kanila at binasbasan sila.

Ang Lalaking Mayaman(H)

17 Nang siya'y paalis na, may isang lalaking patakbong lumapit kay Jesus, lumuhod sa harapan niya at nagtanong, “Mabuting Guro, ano po ba ang dapat kong gawin upang makamtan ko ang buhay na walang hanggan?”

18 Sumagot si Jesus, “Bakit mo ako tinatawag na mabuti? Walang mabuti kundi ang Diyos lamang. 19 Alam(I) mo ang mga utos ng Diyos, ‘Huwag kang papatay; huwag kang mangangalunya; huwag kang magnanakaw; huwag kang sasaksi nang walang katotohanan; huwag kang mandaraya; igalang mo ang iyong ama at ina.’”

20 Sumagot ang lalaki, “Guro, mula pa sa aking pagkabata ay tinupad ko na ang lahat ng mga iyan.”

21 Magiliw siyang tiningnan ni Jesus at sinabi, “May isang bagay pa na dapat mong gawin. Ipagbili mo ang iyong mga ari-arian at ipamigay mo sa mahihirap, at magkakaroon ka ng kayamanan sa langit. Pagkatapos, bumalik ka at sumunod ka sa akin.” 22 Nang marinig ito ng lalaki, siya'y nanlumo at malungkot na umalis sapagkat siya'y lubhang napakayaman.

23 Tiningnan ni Jesus ang mga nasa paligid niya at sinabi sa mga alagad, “Tunay ngang napakahirap para sa mayayaman ang makapasok sa kaharian ng Diyos!” 24 Nagtaka ang mga alagad sa sinabi niyang ito. Ngunit muling sinabi ni Jesus, “Mga anak, talagang napakahirap [para sa mga mayayaman na][b] makapasok sa kaharian ng Diyos! 25 Mas madali pang dumaan ang kamelyo sa butas ng karayom kaysa isang mayaman na pumasok sa kaharian ng Diyos.”

26 Lalong nagtaka ang mga alagad, kaya't nagtanong sila, “Kung gayon, sino pa kaya ang maliligtas?”

27 Tiningnan sila ni Jesus at sinabi sa kanila, “Hindi ito kayang gawin ng tao, ngunit hindi ito imposible sa Diyos. Sapagkat ang lahat ng bagay ay kayang gawin ng Diyos.”

28 At nagsalita si Pedro, “Tingnan po ninyo, iniwan na namin ang lahat at kami'y sumunod sa inyo.”

29 Sumagot si Jesus, “Tandaan ninyo: ang sinumang nag-iwan ng kanyang tahanan, o mga kapatid, mga magulang, mga anak, mga lupain, dahil sa akin at sa Magandang Balita, 30 ay tatanggap sa buhay na ito ng isandaang ulit pa ng mga iyon; mga bahay, mga kapatid, mga ina, mga anak, at mga lupain, ngunit may kalakip na pag-uusig. At sa panahong darating, magtatamo siya ng buhay na walang hanggan. 31 Ngunit(J) maraming nauuna na mahuhuli, at maraming nahúhulí ang mauuna.”

Ang Ikatlong Pagbanggit tungkol sa Kamatayan at Muling Pagkabuhay ni Jesus(K)

32 Nasa daan sila papuntang Jerusalem. Nauuna sa kanila si Jesus; nangangamba ang mga alagad at natatakot naman ang ibang mga taong sumusunod sa kanya. Muling ibinukod ni Jesus ang Labindalawa at sinabi sa kanila ang mangyayari sa kanya. 33 Sabi niya, “Papunta tayo ngayon sa Jerusalem kung saan ang Anak ng Tao'y ipagkakanulo sa mga punong pari at sa mga tagapagturo ng Kautusan. Siya'y hahatulan nila ng kamatayan at ibibigay sa mga Hentil. 34 Siya ay kanilang hahamakin, duduraan, hahagupitin, at papatayin. Ngunit pagkaraan ng tatlong araw, siya'y muling mabubuhay.”

Ang Pagiging Dakila(L)

35 Lumapit kay Jesus ang mga anak ni Zebedeo na sina Santiago at Juan. Sinabi nila, “Guro, may hihilingin po sana kami sa inyo.”

36 “Ano ang nais ninyo?” tanong ni Jesus.

37 Sumagot sila, “Sana po ay makasama kami sa inyong karangalan at maupo ang isa sa kanan at isa sa kaliwa.”

38 Ngunit(M) sabi ni Jesus sa kanila, “Hindi ninyo nalalaman ang inyong hinihingi. Makakaya ba ninyong tiisin ang hirap na aking daranasin? Makakaya ba ninyo ang bautismong ibabautismo sa akin?”

39 “Opo,” tugon nila.

Sinabi ni Jesus, “Ang kopang aking iinuman ay iinuman nga ninyo, at babautismuhan nga kayo sa bautismong tatanggapin ko. 40 Ngunit hindi ako ang magpapasya kung sino ang mauupo sa aking kanan at sa aking kaliwa. Ang mga karangalang iyan ay para sa mga pinaglaanan.”

41 Nang malaman ito ng sampung alagad, nagalit sila sa magkapatid. 42 Kaya't(N) pinalapit sila ni Jesus at sinabi, “Alam ninyo na ang mga itinuturing na pinuno ng mga Hentil ay namumuno bilang mga panginoon sa kanila, at ang kagustuhan ng mga nasa kapangyarihan ang siyang nasusunod. 43 Ngunit(O) hindi ganyan ang dapat umiral sa inyo. Sa halip, ang sinuman sa inyo na nais maging dakila ay dapat maging lingkod ninyo, 44 at ang sinumang nais maging pinuno ay dapat maging alipin ng lahat. 45 Sapagkat ang Anak ng Tao ay naparito hindi upang paglingkuran kundi upang maglingkod at upang mag-alay ng kanyang buhay para sa ikatutubos ng marami.”

Pinagaling si Bartimeo(P)

46 Dumating sina Jesus sa Jerico. Nang papaalis na siya kasama ang kanyang mga alagad at marami pang iba, may nadaanan silang isang bulag na nakaupo sa tabi ng daan at namamalimos. Siya'y si Bartimeo na anak ni Timeo. 47 Nang marinig ng bulag na ang nagdaraan ay si Jesus na taga-Nazaret, sumigaw siya nang sumigaw, “Jesus, Anak ni David, mahabag po kayo sa akin!”

48 Pinagsabihan siya ng mga taong naroroon upang tumahimik, ngunit lalo pa siyang nagsisigaw, “Anak ni David, mahabag po kayo sa akin!”

49 Tumigil si Jesus at kanyang sinabi, “Dalhin ninyo siya rito.”

At tinawag nga nila ang bulag. “Lakasan mo ang iyong loob. Tumayo ka. Ipinapatawag ka ni Jesus,” sabi nila.

50 Inihagis niya ang kanyang balabal, paluksong tumayo at lumapit kay Jesus.

51 “Ano ang gusto mong gawin ko para sa iyo?” tanong sa kanya ni Jesus.

Sumagot ang bulag, “Guro, gusto ko pong makakitang muli.”

52 Sinabi ni Jesus, “Makakaalis ka na. Magaling ka na dahil sa iyong pananampalataya.”

Noon di'y nakakita siyang muli, at sumunod kay Jesus.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.