M’Cheyne Bible Reading Plan
Ang Pagtutuli at ang Pagdiriwang ng Paskwa sa Gilgal
5 Nabalitaan ng mga haring Amoreo na nasa kanluran ng Jordan at ng mga haring Cananeo na nasa baybayin ng Dagat Mediteraneo na pinatuyo ni Yahweh ang Ilog Jordan nang tumawid ang bayang Israel. Dahil dito'y natakot silang lahat, at nasiraan sila ng loob sa pagdating ng mga Israelita.
2 Sinabi ni Yahweh kay Josue, “Kumuha ka ng batong matalim, gawin mong panghiwa, at tuliin mo ang mga kalalakihan ng Israel.” 3 Gayon nga ang ginawa ni Josue, tinuli niya ang mga lalaki sa isang lugar na tinatawag na Burol ng Pagtutuli. 4 Ginawa niya ito sapagkat namatay na ang lahat ng mga lalaking may sapat na gulang upang makipagdigma sa panahon ng paglalakbay noong sila'y umalis sa Egipto. 5 Ang mga iyon ay pawang tuli na, ngunit ang mga isinilang sa panahon ng paglalakbay sa ilang ay hindi pa. 6 Apatnapung(A) taon nang naglakbay sa ilang ang bayang Israel hanggang sa namatay lahat ang mga lalaking may sapat na gulang upang makipagdigma nang sila'y umalis sa Egipto. Sinuway nila si Yahweh, kaya sinabi niya sa kanila na hindi nila makikita ang mayaman at masaganang lupain na ipinangako niya sa kanilang mga ninuno. 7 Ang kanilang mga anak na lalaki na humalili sa kanila ang tinuli ni Josue, sapagkat ang mga ito'y hindi tinuli nang panahon ng paglalakbay.
8 Matapos tuliin ang lahat ng kalalakihan, nanatili sa kampo ang buong bayan hanggang sa gumaling ang mga sugat. 9 At sinabi ni Yahweh kay Josue, “Inalis ko ngayon ang kahihiyan ng pagkaalipin ninyo sa Egipto.” Kaya't ang lugar na iyon ay tinawag na Gilgal[a] magpahanggang ngayon.
10 Samantalang(B) ang mga Israelita ay nasa Gilgal sa kapatagan ng Jerico, ipinagdiwang nila ang Paskwa noong kinagabihan ng ikalabing apat na araw ng unang buwan. 11 Kinaumagahan, araw pa rin ng Paskwa, kumain sila ng mga pagkaing inani nila sa lupaing iyon: sinangag na trigo at tinapay na walang pampaalsa. 12 Hindi(C) na muling umulan pa ng manna nang makakain na sila ng mga inani nila sa lupain ng Canaan. Kaya't mula nang taóng iyon, pagkaing inaani na sa Canaan ang kanilang kinakain.
Si Josue at ang Pinuno ng Hukbo ni Yahweh
13 Minsa'y napadako si Josue malapit sa Jerico, nang biglang nagpakita sa kanya ang isang lalaking may hawak na tabak. Nilapitan ito ni Josue at tinanong, “Ikaw ba'y isang kakampi, o isang kaaway?”
14 “Hindi,” sagot ng lalaki. “Ako'y naparito bilang pinuno ng hukbo ni Yahweh.”
Nagpatirapa si Josue at sumamba. Sinabi niya, “Ano po ang ipinag-uutos ni Yahweh sa kanyang alipin?”
15 Sumagot ang pinuno ng hukbo ni Yahweh, “Alisin mo ang iyong mga sandalyas sapagkat lupang banal ang iyong tinutuntungan.” At ginawa nga ni Josue ang iniutos sa kanya.
Ang Pagbagsak ng Jerico
6 Isinara ang mga pintuan ng Jerico upang huwag makapasok ang mga Israelita. Ipinagbawal na lumabas o pumasok ang sinuman. 2 Sinabi ni Yahweh kay Josue, “Pakinggan mo ito! Ibinigay ko na sa iyong mga kamay ang Jerico, upang sakupin ito at gapiin ang kanyang hari at magigiting na kawal. 3 Ikaw at ang iyong mga kawal ay liligid sa palibot ng Jerico minsan isang araw sa loob ng anim na araw. 4 Pauunahin mo sa Kaban ng Tipan ang pitong paring may dalang mga trumpeta na yari sa sungay. Sa ikapitong araw, pitong beses kayong liligid sa lunsod, at hihipan ng mga pari ang dala nilang trumpeta. 5 Pagkarinig ninyo ng isang malakas at mahabang tunog ng tambuli, lahat kayo'y ubod-lakas na sisigaw. Sa sandaling iyon, babagsak ang mga pader ng lunsod at walang sagabal na makakapasok doon ang lahat.”
Awit ng Parangal para sa Templo
Isang Awit ng Pag-akyat upang Sumamba.
132 Alalahanin mo, O Yahweh, si David na iyong alipin;
huwag mong lilimutin ang lahat ng hirap na kanyang tiniis.
2 Alalahanin mo ang kanyang pangakong ginawa sa iyo,
O Dakilang Diyos ng bansang Israel, wika niya'y ganito:
3-5 “Di ako uuwi, nangangako ako na hindi hihimlay,
hangga't si Yahweh ay wala pang lugar na matitirahan,
isang templong laan sa Makapangyarihang Diyos ni Jacob.”
6 Aming(A) nabalitaang nasa Bethlehem ang Kaban ng Tipan,
sa bukid ng Jaar namin nasumpungan.
7 Ang aming sinabi, “Ang templo ni Yahweh ay puntahan natin,
sa harap ng trono siya ay sambahin!”
8 Sa iyong tahanan, Yahweh, pumasok ka kasama ang kaban,
ang kabang sagisag ng kapangyarihan.
9 Iyong mga pari, hayaang maghayag ng iyong pagliligtas,
ang mga hinirang sumigaw sa galak!
10 Alang-alang naman sa lingkod mong si David,
ang piniling hari, ay huwag mong itakwil.
11 Ang(B) iyong pangako, kay David mong lingkod,
huwag mong babawiin,
ganito ang iyong pangakong habilin:
“Isa sa anak mo ang gagawing hari upang mamahala,
matapos na ika'y pumanaw sa lupa.
12 Kung magiging tapat ang mga anak mo sa bigay kong tipan,
at ang mga utos ko ay igagalang,
ang mga anak mo'y pawang maghaharing walang katapusan.”
13 Pinili ni Yahweh,
na maging tahanan ang Lunsod ng Zion.
14 Ito ang wika niya: “Doon ako titira panghabang panahon,
ang paghahari ko'y magmumula roon.
15 Ang lahat ng bagay na hingin ng Zion, aking ibibigay,
hindi magugutom ang dahop sa buhay.
16 Iyong mga pari hayaang maghayag sa aking pagliligtas,
ang mga hinirang sumigaw sa galak.
17 Sa(C) lipi ni David, ako ay kukuha ng haring dakila,
upang maingatan ang pagpapatuloy ng pamamahala.
18 Yaong kaharian niya ay uunlad at mananagana,
ngunit kaaway niya'y lahat mapapahiya.”
Papuri sa Mapayapang Pagkakaisa
Isang Awit ng Pag-akyat upang Sumamba.
133 Napakaligaya at kahanga-hanga sa ating pangmasid,
ang nagkakaisa't laging sama-sama na magkakapatid!
2 Langis ng olibo, ang nakakatulad at nakakawangis,
sa ulo at balbas nitong si Aaron kapag ipinahid,
umaagos ito't nababasâ pati ang suot na damit.
3 Katulad din nito'y hamog sa umaga, sa Bundok ng Hermon,
hamog na dumilig sa dakong maburol na Bundok ng Zion;
sa lugar na ito, nangako si Yahweh,
ang pangakong buhay na mananatili.
Paanyaya Upang Purihin ang Diyos
Isang Awit ng Pag-akyat upang Sumamba.
134 Lumapit kay Yahweh, at kayo'y magpuri,
mga naglilingkod sa templo kung gabi.
2 Sa loob ng templo siya'y dalanginan,
taas kamay na si Yahweh'y papurihan.
3 Pagpalain nawa kayo ni Yahweh, Diyos na lumikha ng langit at ng lupa;
magmula sa Zion, ang iyong pagpapala.
Parusa sa Mapanghimagsik
65 Sinabi(A) ni Yahweh: “Nakahanda akong sagutin ang panalangin ng aking bayan,
ngunit hindi naman sila nananalangin.
Nakahanda akong magpakita sa naghahanap sa akin,
ngunit hindi naman sila naghahanap.
Sinasabi ko sa bansang ayaw tumawag sa akin,
‘Narito ako upang ikaw ay tulungan.’
2 Buong(B) maghapong nakaunat ang aking mga kamay,
sa isang bansang mapanghimagsik,
at ginagawa ang lahat ng magustuhan nila.
3 Sinasadya nilang ako ay galitin,
naghahandog sila sa mga sagradong hardin,
at nagsusunog ng mga insenso sa mga altar ng pagano.
4 Pagsapit ng gabi'y nagpupunta sila sa mga puntod at nitso
upang sangguniin ang kaluluwa ng patay na tao.
Kumakain sila ng karneng-baboy,
at maruming sabaw ng karneng handog ng pagano.
5 Ang sabi pa ng isa sa kanila, ‘Lumayo kayo!
Huwag kayong lalapit sapagkat mas malinis ako sa inyo.’
Ang mga taong ito'y parang usok sa aking ilong,
tulad ng apoy na nagniningas sa buong maghapon.
6 Tingnan ninyo! Lahat ay naisulat na sa aking harapan.
Hindi ako maaaring tumahimik.
Ngunit paparusahan ko ang kanilang mga kasalanan; pagbabayarin ko sila,
7 sa kanilang kasalanan at sa kasalanan ng kanilang mga ninuno.
Nagsusunog sila ng insenso sa kabundukan
at ako'y sinusuway nila sa kaburulan.
Karapat-dapat na parusa ang igagawad ko sa kanilang mga gawa.
8 Sinabi ni Yahweh sa kanyang bayan:
“Ang isang kumpol na ubas ay maaaring gawing alak,
kaya ang sabi ng mga tao, ‘Huwag ninyo itong sirain,
sapagkat mayroon itong pagpapala!’
Ganyan din ang gagawin ko alang-alang sa aking mga lingkod,
hindi ko sila ganap na wawasakin.
9 Pagpapalain ko ang mga salinlahi ni Jacob,
at kay Juda ibibigay ko ang aking mga bundok.
Mananahan doon ang aking mga bayan na naglingkod sa akin.
10 Ako(C) ay sasambahin ng aking mga lingkod, at kanilang pangungunahan ang kanilang mga tupa at baka
sa pastulan sa kapatagan ng Sharon sa kanluran
at sa Libis ng Kaguluhan sa gawing silangan.
11 Ngunit kayo na nagtakwil kay Yahweh
at lumilimot sa aking banal na bundok,
kayo na sumamba kay Gad at Meni, mga diyos ng suwerte at kapalaran;
12 itatakda ko kayong sa espada mamatay,
ang mga leeg ninyo'y tatagpasin ng palakol.
Sapagkat tinawag ko kayo ngunit hindi kayo sumagot,
kinausap ko kayo ngunit hindi kayo nakinig.
Ang ginawa ninyo'y pawang kasamaan sa aking paningin,
pinili ninyo ang hindi nakalulugod sa akin.”
13 Kaya ganito ang sabi ng Panginoong Yahweh:
“Ang mga lingkod ko'y magsisikain,
samantalang kayo'y aking gugutumin;
ang mga lingkod ko ay aking paiinumin,
ngunit kayo'y aking uuhawin;
ang mga lingkod ko'y pawang kagalakan ang tatamasahin,
samantalang kayo'y aking hihiyain.
14 Sa laki ng tuwa ay mag-aawitan ang aking mga lingkod,
samantalang kayo'y tataghoy sa hirap at sama ng loob.
15 Ang pangalan ninyo'y susumpain ng aking mga hinirang,
sa kamay ng Panginoong Yahweh kayo'y mamamatay,
samantalang bibigyan niya ng bagong pangalan ang kanyang mga lingkod.
16 Sinuman sa lupain ang nais na pagpalain,
doon siya humingi sa Diyos na matapat.
At sinuman ang gustong mangako,
sa pangalan ng Diyos na matapat, gawin niya ito.
Mapapawi na at malilimutan,
ang hirap ng panahong nagdaan.”
Bagong Langit at Lupa
17 Ang(D) sabi ni Yahweh: “Ako ay lilikha ng isang bagong lupa at bagong langit;
ang mga bakas ng nakaraan ay ganap ng malilimutan.
18 Kaya naman kayo'y dapat na magalak sa aking ginawa,
ang Jerusalem na aking nilikha ay mapupuno ng saya,
at magiging masaya ang kanyang mamamayan.
19 Ako(E) mismo'y magagalak
dahil sa Jerusalem at sa kanyang mamamayan.
Doo'y wala nang pagtangis o panaghoy man.
20 Ang mga sanggol ay hindi na mamamatay,
lahat ng titira roon ay mabubuhay nang matagal.
Ituturing pa rin na isang kabataan ang taong sandaang taon na,
at ang hindi umabot sa gulang na ito ay ituturing na isinumpa.
21 Magtatayo sila ng mga tahanang kanilang titirhan,
magtatanim sila ng ubas at sila rin ang aani.
22 Hindi tulad noong una, sa bahay na ginawa'y iba ang tumira.
Sa tanim na halama'y iba ang nakinabang.
Tulad ng punongkahoy hahaba ang buhay ng aking mga hirang,
lubos nilang papakinabangan ang kanilang pinagpaguran.
23 Anumang gawaing paghirapan nila'y tiyak na magbubunga,
at hindi magdaranas ng mga sakuna ang mga anak nila;
pagpapalain ko ang lahi nila,
at maging ang mga susunod pa.
24 Ang dalangin nila kahit hindi pa tapos ay aking diringgin,
at ibibigay ko ang kanilang hinihiling.
25 Dito'y(F) magsasalong parang magkapatid, ang asong-gubat at tupa,
ang leon ay kakain ng damo tulad ng baka.
At ang ahas naman na ang pagkain ay alabok kahit tapakan mo'y hindi ka mangangamba.
Magiging panatag at wala nang masama sa banal na bundok.
Sa Bundok ng Zion ay walang makakapinsala o anumang masama.”
Ang Talinghaga tungkol sa Manghahasik(A)
13 Noon ding araw na iyon, si Jesus ay lumabas ng bahay at naupo sa tabi ng lawa. 2 Dahil(B) sa dami ng taong lumalapit sa kanya, sumakay siya sa isang bangka at doon naupo. Tumayo naman sa dalampasigan ang mga tao 3 at sila'y tinuruan niya ng maraming bagay sa pamamagitan ng mga talinghaga. Ganito ang sinabi niya:
“May isang magsasakang lumabas upang maghasik. 4 Sa kanyang paghahasik ay may mga binhing nalaglag sa tabi ng daan. Dumating ang mga ibon at tinuka ang mga iyon. 5 May mga binhi namang nalaglag sa mabatong lupa. Dahil manipis lang ang lupa roon, sumibol agad ang mga binhi, 6 ngunit natuyo agad ang mga ito nang mabilad sa matinding init ng araw, palibhasa'y mababaw ang ugat. 7 May mga binhi namang nalaglag sa may matitinik na halaman. Lumago ang mga halamang matitinik at sinakal ng mga ito ang mga binhing tumubo doon. 8 Ngunit ang mga binhing nahasik sa matabang lupa ay namunga; may tig-iisandaan, may tig-aanimnapu, at may tigtatatlumpu. 9 Makinig ang may pandinig!”
Ang Layunin ng mga Talinghaga(C)
10 Lumapit ang mga alagad at tinanong si Jesus, “Bakit po kayo gumagamit ng talinghaga sa kanila?” 11 Sumagot siya, “Ipinagkaloob sa inyo ang karapatang maunawaan ang hiwaga tungkol sa kaharian ng langit, ngunit hindi ito ipinagkaloob sa kanila. 12 Sapagkat(D) ang mayroon ay bibigyan pa, at lalong magkakaroon; ngunit ang wala, kahit ang kakaunting nasa kanya ay kukunin pa. 13 Nagsasalita ako sa kanila sa pamamagitan ng talinghaga sapagkat tumitingin sila ngunit hindi nakakakita, at nakikinig ngunit hindi naman nakakarinig ni nakakaunawa man. 14 Natutupad(E) nga sa kanila ang propesiya ni Isaias na nagsasabi,
‘Makinig man kayo nang makinig, hindi kayo makakaunawa kailanman,
at tumingin man kayo nang tumingin, hindi kayo makakakita kailanman.
15 Sapagkat naging mapurol na ang isip ng mga taong ito;
mahirap makarinig ang kanilang mga tainga,
at ipinikit nila ang kanilang mga mata,
kung hindi gayon, sana'y nakakita ang kanilang mga mata,
nakarinig ang kanilang mga tainga,
nakaunawa ang kanilang mga isip,
at nagbalik-loob sila sa akin,
at pinagaling ko sila.’
16 “Subalit(F) pinagpala kayo sapagkat nakakakita ang inyong mga mata at nakakarinig ang inyong mga tainga! 17 Tandaan ninyo: maraming propeta at matutuwid na tao ang naghangad na makita ang inyong nasasaksihan at marinig ang inyong napapakinggan subalit hindi nila ito nakita ni narinig.”
Ipinaliwanag ang Talinghaga tungkol sa Manghahasik(G)
18 “Makinig kayo at unawain ang kahulugan ng talinghaga tungkol sa manghahasik. 19 Kapag ang isang tao ay nakikinig ng mensahe tungkol sa paghahari ng Diyos ngunit hindi naman niya iyon inuunawa, siya ay katulad ng binhing nalaglag sa daan. Dumarating ang Masama at agad inaalis sa kanyang isip ang mensaheng kanyang napakinggan.
20 “Ang katulad naman ng binhing nalaglag sa mabatong lupa ay ang taong nakikinig ng mensahe na kaagad at masayang tumatanggap nito 21 ngunit hindi tumitimo ang mensahe sa kanyang puso. Sandali lamang itong nananatili, at pagdating ng mga kapighatian at pagsubok dahil sa mensahe, agad siyang tumatalikod sa kanyang pananampalataya.
22 “Ang binhi namang nahulog sa may matitinik na halaman ay ang mga taong nakikinig ng mensahe ngunit dahil sa pagkabalisa sa maraming mga bagay at pagkahumaling sa kayamanan, nawawalan ng puwang sa kanilang puso ang mensahe at hindi ito nagkakaroon ng bunga.
23 “At ang katulad naman ng binhing nahasik sa matabang lupa ay ang mga taong dumirinig at umuunawang mabuti sa mensahe, kaya't ito ay namumunga nang sagana, may tig-iisandaan, may tig-aanimnapu, at may tigtatatlumpu.”
Talinghaga tungkol sa mga Damo sa Triguhan
24 Nagsalaysay muli si Jesus sa kanila ng isa pang talinghaga. Sinabi niya, “Ang kaharian ng langit ay katulad ng isang taong naghasik ng mabuting binhi sa kanyang bukid. 25 Isang gabi, habang natutulog ang mga tao, dumating ang kanyang kaaway, naghasik ng mapanirang damo sa triguhan at saka umalis. 26 Nang tumubo at magbunga ang trigo, lumitaw din ang mapanirang damo. 27 Kaya't pumunta ang mga utusan sa may-ari ng bukid at nagtanong, ‘Hindi po ba mabuting binhi lamang ang inihasik ninyo sa inyong bukid? Bakit po may damo ngayon?’ 28 Sumagot siya, ‘Isang kaaway ang may kagagawan nito.’ Tinanong siya ng mga utusan, ‘Bubunutin po ba namin ang mga damo?’ 29 ‘Huwag, baka mabunot pati ang mga trigo,’ sagot niya. 30 ‘Hayaan na lamang ninyong lumago kapwa ang damo at ang trigo hanggang sa anihan. Sa pag-aani'y sasabihin ko sa mga tagapag-ani, ipunin muna ninyo ang mga damo at inyong pagbigkis-bigkisin at saka sunugin. Pagkatapos, ipunin naman ninyo ang trigo sa aking kamalig.’”
Talinghaga tungkol sa Buto ng Mustasa(H)
31 Sa pagpapatuloy, isa pang talinghaga ang isinalaysay ni Jesus sa kanila. “Ang kaharian ng langit ay katulad ng isang buto ng mustasa na itinanim ng isang tao sa kanyang bukid. 32 Ang buto ng mustasa ang pinakamaliit sa lahat ng binhi. Ngunit pagtubo nito, ito'y nagiging mas malaki kaysa alin mang halaman at nagiging punongkahoy, kaya't nakakapagpugad ang mga ibon sa mga sanga nito.”
Talinghaga tungkol sa Pampaalsa(I)
33 Nagsalaysay pa si Jesus ng ibang talinghaga. “Ang kaharian ng langit ay katulad ng pampaalsa na inihalo ng isang babae sa tatlong takal na harina, hanggang umalsa ang buong masa ng harina.”
Ang Paggamit ni Jesus ng mga Talinghaga(J)
34 Ang lahat ng ito ay sinabi ni Jesus sa mga tao sa pamamagitan ng mga talinghaga, at wala siyang itinuro sa kanila nang hindi sa pamamagitan ng talinghaga. 35 Sa(K) gayon, natupad ang sinabi ng propeta:[a]
“Magsasalita ako sa pamamagitan ng mga talinghaga,
ihahayag ko ang mga bagay na inilihim mula pa nang likhain [ang daigdig].”[b]
Kahulugan ng Talinghaga tungkol sa mga Damo sa Triguhan
36 Pagkatapos, iniwan ni Jesus ang mga tao at pumasok siya sa bahay. Lumapit ang kanyang mga alagad at sinabi sa kanya, “Ipaliwanag po ninyo sa amin ang talinghaga tungkol sa mapanirang damong tumubo sa bukid.” 37 Sumagot si Jesus, “Ang naghahasik ng mabubuting binhi ay ang Anak ng Tao, 38 ang bukid ay ang daigdig, ang mabuting binhi ay ang mga taong kabilang sa kaharian at ang mapanirang damo naman ay ang mga kabilang sa Masama. 39 Ang kaaway na naghasik ng damo ay walang iba kundi ang diyablo. Ang panahon ng pag-aani ay ang katapusan ng daigdig at ang mga tagapag-ani naman ay ang mga anghel. 40 Kung paanong ang mga damo ay tinitipon at sinusunog, ganoon din ang mangyayari sa katapusan ng daigdig. 41 Ipag-uutos ng Anak ng Tao sa kanyang mga anghel na tipunin nila mula sa kanyang kaharian ang lahat ng nagiging sanhi ng pagkakasala at ang lahat ng gumagawa ng masama. 42 Ihahagis nila ang mga ito sa lumalagablab na pugon at doon ay mananangis sila at magngangalit ang kanilang mga ngipin. 43 Ngunit ang mga gumagawa ng matuwid ay magliliwanag na parang araw sa kaharian ng kanilang Ama. Makinig ang may pandinig!”
Ang Natatagong Kayamanan
44 “Ang kaharian ng langit ay katulad ng kayamanang nakabaon sa isang bukid. Nahukay ito ng isang tao ngunit agad itong tinabunan. Tuwang-tuwa siyang umalis at ibinenta ang lahat ng kanyang ari-arian upang bilhin ang bukid na iyon.”
Ang Perlas na Mahalaga
45 “Ang kaharian ng langit ay katulad din ng isang negosyante na naghahanap ng mga mamahaling perlas. 46 Nang makakita siya ng isang perlas na napakahalaga, umuwi siya't ipinagbili ang lahat ng kanyang ari-arian at binili ang perlas na iyon.”
Ang Lambat
47 “Ang kaharian ng langit ay katulad din ng isang lambat na inihagis sa dagat at nakahuli ng sari-saring isda. 48 Nang mapuno ang lambat, hinila ito sa pampang. Naupo ang mga tao habang tinitipon nila sa sisidlan ang mabubuting isda at itinatapon naman ang mga isdang hindi mapapakinabangan. 49 Gayundin ang mangyayari sa katapusan ng daigdig, darating ang mga anghel, ihihiwalay ang masasama sa mga matuwid, 50 at ihahagis ang masasama sa naglalagablab na apoy. Doo'y mananangis sila at magngangalit ang kanilang mga ngipin.”
Kayamanang Bago at Luma
51 “Nauunawaan ba ninyo ang lahat ng ito?” tanong ni Jesus. “Opo,” sagot nila. 52 At sinabi niya sa kanila, “Kaya nga, ang bawat tagapagturo ng Kautusan na tinuruan tungkol sa kaharian ng langit ay katulad ng isang pinuno ng sambahayan na naglalabas ng mga bagay na bago at luma mula sa kanyang taguan ng kayamanan.”
Si Jesus ay Hindi Tinanggap sa Nazaret(L)
53 Umalis si Jesus mula roon matapos niyang isalaysay ang mga talinghagang ito. 54 Umuwi siya sa kanyang bayan at nagturo sa kanilang sinagoga. Nagtaka ang mga nakarinig sa kanya, kaya't kanilang itinanong, “Saan kumuha ng ganyang karunungan ang taong iyan? Paano siya nakakagawa ng mga himala? 55 Hindi ba siya ay anak ng isang karpintero? Hindi ba si Maria ang kanyang ina at sina Santiago, Jose, Simon, at Judas ang kanyang mga kapatid? 56 At tagarito rin ang kanyang mga kapatid na babae, di ba? Saan kaya niya natutuhan ang lahat ng iyan?” 57 At(M) siya'y hindi nila pinaniwalaan.
Kaya't sinabi ni Jesus sa kanila, “Ang isang propeta'y iginagalang kahit saan maliban sa kanyang sariling bayan at sariling sambahayan.” 58 At dahil ayaw nilang maniwala kay Jesus, hindi siya gumawa roon ng maraming himala.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.