M’Cheyne Bible Reading Plan
Nilupig ni Gideon ang mga Midianita
7 Si Gideon ay tinatawag ding Jerubaal. Isang araw, maagang bumangon si Gideon at ang kanyang mga tauhan at nagkampo sila sa may Bukal ng Harod. Samantala, ang mga Midianita ay nagkampo sa hilagang kapatagan, sa may Burol ng More.
2 Sinabi ni Yahweh kay Gideon, “Sobrang dami ng mga tauhan mo para pagtagumpayin ko kayo laban sa mga Midianita. Baka akalain nilang sarili nila ang nakatalo sa mga Midianita at hindi dahil sa tulong ko. 3 Kaya,(A) sabihin mo sa taong-bayan na ang lahat ng natatakot ay maaari nang umuwi.” Nang sabihin ito ni Gideon, umuwi ang 22,000 ngunit 10,000 pa ang naiwan.
4 Sinabi muli ni Yahweh kay Gideon, “Napakarami pa ring natira. Isama mo sila sa tabi ng batis at bibigyan ko sila roon ng pagsubok. Doon ko sasabihin kung sino ang dapat mong isama at kung sino ang hindi.” 5 Ganoon nga ang ginawa ni Gideon. Pagdating nila sa batis, sinabi ni Yahweh, “Ibukod mo ang lahat ng umiinom na parang aso. Ibukod mo rin ang mga nakaluhod habang umiinom.” 6 Ang sumalok ng tubig sa pamamagitan ng kamay upang uminom ay tatlong daan at ang iba'y lumuhod upang uminom. 7 Sinabi ni Yahweh kay Gideon, “Ang tatlong daang sumalok sa pag-inom ang isasama mo upang pagtagumpayin ko kayo at gapiin ang mga Midianita. Ang iba nama'y pauwiin mo na.” 8 Kaya't pinauwi na ni Gideon ang lahat ng mga Israelita maliban sa tatlong daan. Iniwan sa mga ito ang lahat ng banga at ang mga trumpeta. Ang kampo ng mga Midianita ay nasa libis sa gawing ibaba nila.
9 Kinagabihan, sinabi ni Yahweh kay Gideon, “Lusubin na ninyo ang kampo ng mga Midianita sapagkat ibinigay ko na sila sa inyong kamay! 10 Kung nag-aalinlangan ka pa hanggang ngayon, pumunta ka sa kampo kasama ang tagapaglingkod mong si Pura. 11 Tiyak na lalakas ang loob mo kapag narinig mo ang kanilang usapan.” Kaya't si Gideon at si Pura ay palihim na nagpunta sa may kampo ng mga Midianita. 12 Ang mga Midianita, pati ang mga Amalekita at mga tribo sa paligid ay naglipana sa kapatagan na parang mga balang sa dami. Ang kanilang mga kamelyo naman ay sindami ng buhangin sa dagat.
13 Nang malapit na sina Gideon, may narinig silang nag-uusap. Ang sabi ng isa, “Napanaginipan kong may isang tinapay na sebadang gumulong sa ating kampo. Nagulungan daw ang tolda at ito'y bumagsak.”
14 Sagot naman ng isa, “Iyon ay walang iba kundi ang tabak ng Israelitang si Gideon na anak ni Joas. Ang Midian at ang buong hukbo ay ibinigay na ng Diyos sa kanyang kamay.”
15 Nang marinig ni Gideon ang panaginip at ang kahulugan nito, lumuhod siya at nagpuri sa Diyos. Pagkatapos, nagbalik siya sa kampo ng mga Israelita at sinabi sa kanila, “Bumangon na kayo! Ibinigay na ni Yahweh sa inyong mga kamay ang mga Midianita!”
16 Pinagtatlong pangkat niya ang kanyang tatlong daang tauhan. Bawat isa'y binigyan niya ng trumpeta at banga na may sulo sa loob. 17 Sinabi niya sa kanila, “Kapag malapit na ako sa kanilang kampo, tumingin kayo sa akin at gawin ninyo ang gagawin ko. 18 Kapag narinig ninyong hinihipan ko at ng aking pangkat ang aming mga trumpeta, hipan na rin ninyo ang inyong trumpeta sa palibot ng kampo, at sumigaw kayo ng, ‘Para kay Yahweh at para kay Gideon!’”
19 Maghahating-gabi na. Halos kapapalit pa lamang ng pangkat ng tanod nang sina Gideon ay makalapit sa kampo ng mga Midianita. Hinipan nila ang kanilang mga trumpeta sabay basag sa mga dala nilang banga. 20 Ganoon din ang ginawa ng dalawang pangkat. Hawak ng kanilang kaliwang kamay ang sulo at nasa kanan naman ang trumpeta habang sumisigaw ng, “Tabak ni Yahweh at ni Gideon!” 21 Bawat isa'y hindi umaalis sa kanyang kinatatayuan sa paligid ng kampo, samantalang nagsisigawan at nagkakanya-kanyang takbuhan ang mga nasa kampo. 22 At habang walang tigil sa pag-ihip ng trumpeta ang tatlong daang Israelita, pinaglaban-laban ni Yahweh ang mga nasa kampo. Kanya-kanya silang takbo tungo sa Cerera hanggang Beth-sita at Abel-mehola, malapit sa Tabata.
23 Ipinatawag ni Gideon ang kalalakihang mula sa mga lipi nina Neftali, Asher at Manases, at ipinahabol sa mga ito ang mga Midianita. 24 Si Gideon ay nagpadala ng mga sugo sa lipi ni Efraim na nakatira sa mga kaburulan. Sinabi niya, “Bumabâ kayo at tugisin ninyo ang mga Midianita. Pabantayan ninyo ang Ilog Jordan at ang mga batis hanggang sa Beth-bara, upang hindi sila makatawid.” Kaya't lahat ng kalalakihan sa lipi ng Efraim ay nagtipon, at ganoon nga ang kanilang ginawa. 25 Sa paghabol nila sa mga Midianita, nabihag nila ang dalawang pinunong sina Oreb at Zeeb. Pinatay nila si Oreb sa Bato ni Oreb at si Zeeb sa pisaan ng ubas ni Zeeb. Pagkatapos, dinala nila ang ulo ng dalawang ito kay Gideon sa ibayo ng Jordan.
Ang Ulat ni Pedro sa Iglesya sa Jerusalem
11 Nabalitaan ng mga apostol at ng mga kapatid sa buong Judea na may mga Hentil na tumanggap na rin sa salita ng Diyos. 2 Kaya't nang si Pedro'y pumunta sa Jerusalem, tinuligsa siya ng mga kapatid na naniniwalang dapat tuliin ang mga Hentil. 3 “Bakit ka pumasok sa bahay ng mga di-tuling Hentil at nakisalo pa sa kanila?” tanong nila.
4 Kaya't isinalaysay sa kanila ni Pedro ang buong pangyayari.
5 “Ako'y nasa lungsod ng Joppa at nananalangin nang magkaroon ako ng isang pangitain. Mula sa langit ay ibinabâ sa kinaroroonan ko ang isang tila malaking kumot na nakabitin sa apat na sulok. 6 Pinagmasdan ko itong mabuti at nakita ko roon ang iba't ibang uri ng hayop, lumalakad at gumagapang sa lupa, mababangis, at mga lumilipad. 7 Pagkatapos ay narinig ko ang isang tinig na nag-utos, ‘Pedro, tumayo ka. Magkatay ka at kumain!’ 8 Subalit sumagot ako, ‘Hindi ko magagawa iyan, Panginoon. Hindi ako kumakain ng anumang marumi o di karapat-dapat kainin.’ 9 Muli kong narinig ang tinig mula sa langit, ‘Huwag mong ituring na marumi ang nilinis na ng Diyos!’ 10 Tatlong ulit na nangyari iyon, at pagkatapos ay hinila na pataas sa langit ang lahat ng iyon.
11 “Nang sandali ring iyon, dumating sa bahay na tinutuluyan ko[a] ang tatlong lalaking sinugo sa akin buhat sa Cesarea. 12 Sinabi sa akin ng Espiritu na sumama ako sa kanila kahit sila'y mga Hentil. Sumama rin sa akin ang anim na kapatid na ito at pumasok kami sa bahay ni Cornelio. 13 Isinalaysay niya sa amin na nakakita siya ng isang anghel na nakatayo sa loob ng kanyang bahay at sinabi raw sa kanya, ‘Magpadala ka ng mga sugo sa Joppa at ipasundo mo si Simon na tinatawag ding Pedro. 14 Ipapahayag niya sa iyo ang mga salita na kinakailangan mo upang ikaw at ang iyong sambahayan ay maligtas.’
15 “Nagsisimula pa lamang akong magsalita ay bumabâ na sa kanila ang Espiritu Santo gaya ng nangyari sa atin noong una. 16 At(A) naalala ko ang sinabi ng Panginoon, ‘Si Juan ay nagbabautismo sa tubig, ngunit babautismuhan kayo sa Espiritu Santo.’ 17 Kung binigyan sila ng Diyos ng kaloob na tulad ng ibinigay niya sa atin noong tayo'y manalig sa Panginoong Jesu-Cristo, sino ako para hadlangan ang Diyos?”
18 Nang marinig nila ito, tumigil na sila ng pagtuligsa at sa halip ay nagpuri sa Diyos. Sabi nila, “Kung gayon, ang mga Hentil man ay binigyan din ng Diyos ng pagkakataong magsisi at tumalikod sa mga kasalanan upang mabuhay!”
Ang Iglesya sa Antioquia
19 May mga mananampalatayang nagkahiwa-hiwalay dahil sa pag-uusig na nagsimula noong patayin si Esteban, na nakarating sa Fenicia, sa Cyprus at sa Antioquia. Ipinapangaral nila ang salita, ngunit sa mga Judio lamang. 20 Subalit may kasama silang ilang mga taga-Cyprus at mga taga-Cirene na pagdating sa Antioquia ay ipinangaral din sa mga Griego[b] ang Magandang Balita tungkol sa Panginoong Jesus. 21 Nasa kanila ang kapangyarihan ng Panginoon, at maraming naniwala at sumunod sa Panginoong Jesus.
22 Nang mabalitaan ito ng iglesya sa Jerusalem, isinugo nila sa Antioquia si Bernabe. 23 Nang dumating siya roon at makita ang pagpapala ng Diyos sa kanila, siya'y nagalak at pinagpayuhan silang lahat na manatiling tapat sa Panginoon nang buong puso. 24 Mabuting tao si Bernabe, puspos ng Espiritu Santo at ng pananampalataya sa Diyos. At marami pang tao ang sumampalataya sa Panginoon.
25 Nagpunta si Bernabe sa Tarso upang hanapin si Saulo, 26 at nang kanyang matagpuan ay isinama niya ito sa Antioquia. Isang taon silang nanatili roon na kasa-kasama ng iglesya, at nagtuturo sa maraming tao. Doon sa Antioquia unang tinawag na Cristiano ang mga tagasunod ni Jesus.
27 Nang panahong iyon, dumating sa Antioquia ang ilang propeta mula sa Jerusalem. 28 Tumayo(B) ang isa sa kanila na ang pangala'y Agabo, at sa kapangyarihan ng Espiritu ay nagpahayag na magkakaroon ng matinding taggutom sa buong daigdig. Nangyari nga iyon noong kapanahunan ni Emperador Claudio. 29 Napagpasyahan ng mga alagad na magpadala ng tulong sa mga kapatid na naninirahan sa Judea, ayon sa kakayanan ng bawat isa. 30 Ganoon nga ang ginawa nila; ipinadala nila ang kanilang tulong sa mga matatandang namumuno sa iglesya sa pamamagitan nina Bernabe at Saulo.
Ang Pakikipagtalo ni Jeremias kay Pashur
20 Si Pashur na anak ni Imer ay isang pari at siyang pinakapuno ng mga naglilingkod sa templo. Narinig niya ang pahayag ni Jeremias. 2 Kaya ipinabugbog niya ito, ikinadena ang mga paa't kamay, at ipinabilanggo sa itaas ng Pintuan ni Benjamin, na nasa hilagang bakuran ng templo. 3 Kinaumagahan, nang siya'y pakalagan na ni Pashur, sinabi ni Jeremias sa kanya, “Hindi na Pashur ang tawag sa iyo ni Yahweh kundi Takot sa Lahat ng Dako. 4 Sapagkat ang sabi ni Yahweh: ‘Gagawin kitang katatakutan ng iyong sarili at ng mga kaibigan mo. Makikita mo ang pagkamatay nilang lahat sa tabak ng kaaway. Ipapailalim ko ang lahat ng taga-Juda sa kapangyarihan ng hari ng Babilonia; ang iba'y dadalhin niyang bihag sa Babilonia at ipapapatay naman ang iba. 5 Pababayaan ko ring makuha ng mga kaaway ang lahat ng kayamanan sa lunsod na ito, at kamkamin ang lahat ninyong ari-arian, pati ang mga kayamanan ng mga hari ng Juda. Dadalhin nila sa Babilonia ang lahat ng maaaring pakinabangan. 6 Ikaw naman, Pashur, at ang iyong buong sambahayan ay mabibihag at dadalhin sa Babilonia. Doon na kayo mamamatay at malilibing, kasama ng inyong mga kaibigan na pinagsabihan mo ng mga kasinungalingan.’”
Si Jeremias ay Dumaing kay Yahweh
7 Yahweh, ako'y iyong hinikayat,
at naniwala naman ako.
Higit kang malakas kaysa akin
kaya ikaw ay nagwagi.
Pinagkatuwaan ako ng lahat;
at maghapon nila akong pinagtatawanan.
8 Tuwing ako'y magsasalita at sisigaw ng “Karahasan! Pagkawasak!”
Pinagtatawanan nila ako't hinahamak,
sapagkat ipinapahayag ko ang iyong salita.
9 Ngunit kung sabihin kong, “Kalilimutan ko na si Yahweh
at hindi na ako magsasalita para sa kanyang pangalan,”
para namang apoy na naglalagablab sa aking kalooban ang iyong mga salita,
apoy na nakakulong sa aking mga buto.
Sinikap kong tiisin ito,
ngunit hindi ko na kayang pigilin pa.
10 Naririnig kong maraming nagbubulungan.
Tinagurian nila akong “Takot sa Lahat ng Dako.”
Sinasabi nila, “Isumbong natin! Isumbong natin sa may kapangyarihan!”
Pati matatalik kong kaibiga'y naghahangad ng aking kapahamakan.
Sabi pa nila, “Marahil ay malilinlang natin siya;
pagkatapos, hulihin natin at paghigantihan.”
11 Subalit ikaw, Yahweh, ay nasa panig ko,
tulad sa malakas at makapangyarihang mandirigma;
mabibigo ang lahat ng umuusig sa akin,
mapapahiya sila at hindi magtatagumpay kailanman.
Hindi na makakalimutan ang kanilang kahihiyan habang panahon.
12 Makatarungan ka kung sumubok sa mga tao, Yahweh, na Makapangyarihan sa lahat,
alam mo ang laman ng kanilang mga puso't isip.
Kaya ikaw ang maghiganti sa mga kaaway ko,
ipinagkakatiwala ko sa mga kamay mo ang aking kapakanan.
13 Awitan ninyo si Yahweh,
siya'y inyong papurihan,
sapagkat inililigtas niya ang mga api mula sa kamay ng mga gumagawa ng kasamaan.
14 Sumpain(A) nawa ang araw nang ako'y isilang!
Huwag ninyong ituring na araw na pinagpala ang araw nang ako'y ipanganak!
15 Sumpain nawa ang taong nagbalita sa aking ama,
“Lalaki ang anak ninyo!”
na nagdulot sa kanya ng malaking kagalakan.
16 Matulad nawa ang taong iyon
sa mga lunsod na winasak ni Yahweh nang walang awa.
Makarinig nawa siya ng iyakan sa umaga,
at hiyawan naman sa tanghali;
17 sapagkat hindi niya ako pinatay bago ako isinilang.
Sa gayon, naging libingan ko sana ang tiyan ng aking ina.
18 Bakit pa ako isinilang kung ang mararanasan ko lamang ay hirap,
kalungkutan at kahihiyan habang ako'y nabubuhay?
Hindi Tinanggap si Jesus sa Nazaret(A)
6 Umalis doon si Jesus at umuwi siya sa sariling bayan kasama ang kanyang mga alagad. 2 Pagdating ng Araw ng Pamamahinga, si Jesus ay nagturo sa sinagoga. Maraming tao ang nakarinig sa kanya at sa kanilang pagkamangha'y nagtanungan sila, “Saan niya natutunan ang lahat ng iyan? Anong karunungan itong ipinagkaloob sa kanya? Paano siya nakakagawa ng mga himala? 3 Hindi ba ito ang karpinterong anak ni Maria,[a] at kapatid nina Santiago, Jose, Judas, at Simon? Tagarito rin ang kanyang mga kapatid na babae, hindi ba?” Kaya hindi sila naniwala sa kanya.
4 Dahil(B) dito, sinabi ni Jesus sa kanila, “Ang isang propeta'y iginagalang ng lahat, maliban ng kanyang mga kababayan, mga kamag-anak, at ng kanyang pamilya.” 5 Hindi siya nakagawa ng himala roon, maliban sa ilang maysakit na pinatungan niya ng kanyang kamay at pinagaling. 6 Namangha siya dahil ayaw nilang maniwala sa kanya.
Isinugo ni Jesus ang Labindalawa(C)
Nilibot ni Jesus ang mga nayon sa paligid at tinuruan niya ang mga tagaroon. 7 Tinawag niya ang Labindalawa at isinugo sila nang dala-dalawa. Sila ay binigyan niya ng kapangyarihang magpalayas ng masasamang espiritu, 8 at(D) pinagbilinang, “Sa inyong paglalakbay, huwag kayong magdala ng anuman, maliban sa tungkod. Huwag kayong magdala ng pagkain, ng balutan o ng pera. 9 Magsuot kayo ng sandalyas ngunit huwag kayong magdala ng bihisan.”
10 Sinabi rin niya sa kanila, “Kapag kayo ay pinatuloy sa isang bahay, manatili kayo roon hanggang sa inyong pag-alis sa bayang iyon. 11 Kung(E) ayaw kayong tanggapin o pakinggan sa isang bayan, umalis kayo roon at ipagpag ninyo ang alikabok sa inyong mga paa, bilang babala sa mga tagaroon.”
12 Humayo nga ang Labindalawa at nangaral na ang mga tao ay dapat magsisi at tumalikod sa kanilang mga kasalanan. 13 Pinalayas(F) nila ang mga demonyo mula sa mga sinasapian ng mga ito; pinahiran nila ng langis ang maraming maysakit at pinagaling ang mga ito.
Ang Pagkamatay ni Juan na Tagapagbautismo(G)
14 Nakarating(H) kay Haring Herodes[b] ang balita tungkol kay Jesus, sapagkat nakikilala na siya ng maraming tao. May mga nag-aakala na si Juan na Tagapagbautismo ay muling nabuhay kaya si Jesus ay nakakagawa ng mga himala. 15 Ngunit mayroon ding nagsasabi na siya si propeta Elias. At may iba pang nagsasabing, “Siya'y isang propeta, katulad ng mga propeta noong unang panahon.”
16 Nang ito'y marinig ni Herodes, sinabi niya, “Siya ay si Juan na aking pinapugutan ng ulo. Muli siyang nabuhay.” 17 Si(I) Herodes mismo ang nagpahuli at nagpabilanggo kay Juan dahil sa kagustuhan ni Herodias. (Ang babaing ito ay pinakasalan at kinakasama ni Herodes bagama't ito'y asawa ng kapatid niyang si Felipe.) 18 Sapagkat laging sinasabi ni Juan kay Herodes, “Labag sa batas na kasamahin mo ang asawa ng inyong kapatid!” 19 At dahil dito, si Herodias ay nagkimkim ng galit kay Juan at ibig niya itong ipapatay. Ngunit hindi niya ito magawâ 20 sapagkat alam niyang natatakot si Herodes kay Juan. Itinuturing ng hari na si Juan ay taong matuwid at banal, at sinisikap niyang huwag itong mapahamak. Gustung-gusto niyang makinig kay Juan kahit labis siyang nababagabag sa mga sinasabi nito.[c]
21 Subalit nagkaroon din ng pagkakataon si Herodias na ipapatay si Juan nang sumapit ang kaarawan ni Herodes. Si Herodes ay nagpahanda ng malaking salu-salo at inanyayahan niya ang kanyang mga opisyal, mga pinuno ng hukbo, at ang mga pangunahing mamamayan ng Galilea. 22 Nang pumasok ang anak na babae ni Herodias[d] at nagsayaw, labis na nasiyahan si Herodes at ang mga panauhin, kaya't sinabi ng hari sa dalaga, “Hingin mo ang anumang nais mo at ibibigay ko sa iyo.” 23 Naipangako rin niya sa dalaga na ibibigay niya kahit ang kalahati ng kanyang kaharian kung ito ang hihingin.
24 Kaya't lumabas ang dalaga at tinanong ang kanyang ina, “Ano po ang hihingin ko?” “Ang ulo ni Juan na Tagapagbautismo,” sagot ng ina.
25 Mabilis na nagbalik ang dalaga sa kinaroroonan ng hari at sinabi niya, “Ang nais ko'y ibigay ninyo sa akin ngayon din ang ulo ni Juan na Tagapagbautismo, na nakalagay sa isang pinggan.”
26 Labis na nalungkot ang hari, subalit dahil sa kanyang sumpang narinig ng mga panauhin, hindi niya matanggihan ang dalaga. 27 Kaagad niyang iniutos sa isang kawal na dalhin sa kanya ang ulo ni Juan. Sumunod nga ang kawal at pinugutan niya ng ulo si Juan sa loob ng bilangguan. 28 Inilagay niya ang ulo sa isang pinggan at ibinigay sa dalaga. Ibinigay naman iyon ng dalaga sa kanyang ina.
29 Nang mabalitaan ito ng mga alagad ni Juan, kinuha nila ang kanyang bangkay at inilibing.
Ang Pagpapakain sa Limanlibo(J)
30 Bumalik kay Jesus ang mga apostol at iniulat nila sa kanya ang lahat ng kanilang ginawa at itinuro. 31 Subalit napakaraming taong dumarating at umaalis, at hindi na nila makuhang kumain. Kaya't sinabi ni Jesus sa mga alagad, “Magpunta tayo sa hindi mataong lugar upang makapagpahinga kayo nang kaunti.” 32 Umalis nga silang sakay ng isang bangka, at nagpunta sa isang liblib na lugar.
33 Ngunit maraming nakakita sa kanilang pag-alis at nakaalam kung saan sila pupunta. Kaya't ang mga tao mula sa lahat ng bayan ay patakbong pumunta sa lugar na iyon at naunahan pa nila sina Jesus. 34 Pagbaba(K) ni Jesus sa bangka, nakita niya ang napakaraming tao. Nahabag siya sa kanila sapagkat para silang mga tupang walang pastol, kaya't sila'y tinuruan niya ng maraming bagay. 35 Nang dapit-hapon na, lumapit sa kanya ang mga alagad at sinabi, “Liblib ang pook na ito at malapit nang lumubog ang araw. 36 Paalisin na po ninyo ang mga tao upang makapunta sila sa mga karatig-nayon at bayan upang makabili ng pagkain.”
37 Ngunit sinabi sa kanila ni Jesus, “Bigyan ninyo sila ng makakain.”
Sumagot ang mga alagad, “Nais po ba ninyong bumili kami ng pagkain sa halagang dalawandaang salaping pilak?”[e]
38 “Ilan ang dala ninyong tinapay? Tingnan nga ninyo,” utos niya.
Pagkatapos tingnan ay kanilang sinabi, “Lima po, at dalawang isda.”
39 Iniutos ni Jesus sa mga alagad na paupuin nang pangkat-pangkat ang mga tao sa damuhan. 40 Kaya't naupo ang mga tao nang tig-iisang daan at tiglilimampu bawat grupo. 41 Kinuha ni Jesus ang limang tinapay at dalawang isda; tumingala siya sa langit at nagpasalamat sa Diyos. Hinati-hati niya ang mga tinapay at ibinigay sa kanyang mga alagad upang ipamahagi sa mga tao. Hinati-hati rin niya ang dalawang isda at ipinamahagi rin nila. 42 Ang lahat ay nakakain at nabusog, 43 at nang tipunin ng mga alagad ang lumabis na tinapay at isda, nakapuno pa sila ng labindalawang kaing. 44 May limanlibong lalaki ang kumain [ng tinapay].[f]
Lumakad si Jesus sa Ibabaw ng Tubig(L)
45 Agad pinasakay ni Jesus sa bangka ang kanyang mga alagad. Sila ay pinauna niya sa Bethsaida, sa kabilang ibayo ng lawa, habang pinapauwi naman niya ang mga tao. 46 Matapos magpaalam, umakyat siya sa bundok upang manalangin.
47 Pagsapit ng gabi, nasa laot na ang bangka, habang si Jesus ay nag-iisa sa pampang. 48 Nakita niyang nahihirapan sa pagsagwan ang kanyang mga alagad dahil pasalungat sila sa ihip ng hangin. Nang madaling-araw na, sumunod sa kanila si Jesus na naglalakad sa ibabaw ng tubig. Nang malalampasan na niya ang mga alagad,[g] 49 nakita ng mga ito na siya ay lumalakad sa ibabaw ng tubig. Akala nila siya ay isang multo kaya sila ay nagsisigaw. 50 Takot na takot silang lahat, ngunit agad na sinabi ni Jesus sa kanila, “Huwag kayong matakot. Ako ito! Lakasan ninyo ang inyong loob!” 51 Sumakay siya sa bangka at pumayapa ang hangin. Sila'y lubhang namangha 52 sapagkat hindi pa nila nauunawaan ang tungkol sa pagpapakain ng tinapay; hindi pa ito abot ng kanilang isip.
Pinagaling ni Jesus ang mga Maysakit sa Genesaret(M)
53 Tumawid sila sa ibayo at pagdating sa Genesaret ay dumaong sila sa pampang. 54 Pagbabang-pagbaba nila, nakilala agad siya ng mga tao. 55 Kaya't nagmadaling nagpuntahan ang mga tao sa mga karatig-pook. Saanman nila mabalitaang naroon si Jesus, dinadala nila ang mga maysakit na nakaratay sa higaan. 56 At saan man siya pumunta, sa nayon, sa lungsod, o sa kabukiran, agad na inilalapit sa kanya ang mga may karamdaman at ipinapakiusap sa kanya na mahawakan man lamang nila ang laylayan ng kanyang damit. At ang lahat ng makahawak dito ay gumagaling.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.