M’Cheyne Bible Reading Plan
Ang Paghahati ng Canaan
14 Ang mga lipi ng Israel ay nakatanggap ng lupang pamana nang masakop nila ang Canaan. Ang paring si Eleazar at si Josue na anak ni Nun, katulong ang mga pinuno ng angkan ng bawat lipi, ang naghati ng lupain ng Canaan para sa mga Israelita. 2 Ang(A) paghahati ay isinagawa sa pamamagitan ng palabunutan, ayon sa utos ni Yahweh kay Moises. Siyam at kalahating lipi na lamang ang binigyan nila ng kani-kanilang bahagi sa lupain. 3 Ang(B) dalawang lipi at kalahati'y nabigyan na ni Moises ng kanilang bahagi sa silangan ng Jordan. Hindi rin kabilang sa siyam na lipi at kalahati ang mga Levita. 4 Hindi sila binigyan ng lupain. Sa halip, binigyan sila ng mga lunsod na matitirhan at mga kaparangan sa paligid para sa kanilang mga bakahan at mga kawan. Sa kabilang dako, ang mga nagmula sa lahi ni Jose ay pinagdalawang lipi: ang lipi ni Manases at ang lipi ni Efraim. 5 Pinaghati-hatian nga ng mga Israelita ang lupaing iyon ayon sa utos ni Yahweh kay Moises.
Ibinigay kay Caleb ang Hebron
6 Lumapit(C) noon kay Josue sa Gilgal ang ilan sa lipi ni Juda. Isa sa kanila si Caleb na anak ni Jefune, na mula sa angkan ng Cenizeo. Sinabi nito kay Josue, “Alam mo ang sinabi ni Yahweh kay Moises na kanyang lingkod tungkol sa ating dalawa nang tayo'y nasa Kades-barnea. 7 Apatnapung(D) taon pa lamang ako noon. Isinugo niya tayo buhat sa Kades-barnea upang lihim na manmanan ang lupaing ito, at iniulat ko sa kanya ang buong katotohanan. 8 Kahit na ang bayan ay tinakot ng ibang kasama natin, buong katapatan pa rin akong sumunod kay Yahweh na ating Diyos. 9 Kaya't(E) ipinangako sa akin noon ni Moises na dahil sa aking buong katapatan sa pagsunod kay Yahweh, magiging bahagi ko at ng aking mga anak ang lupang matapakan ng aking mga paa. 10 Apatnapu't limang taon na ang lumipas buhat nang sabihin ito ni Yahweh kay Moises. Noo'y naglalakbay pa sa disyerto ang bayang Israel. Iningatan ni Yahweh ang buhay ko hanggang ngayon. Walumpu't limang taon na ako ngayon 11 ngunit hindi pa nagbabago ang lakas ko mula nang ako'y isugo ni Moises upang siyasatin ang lupaing ito. Kaya ko pang makipaglaban at gawin ang kahit anong trabaho. 12 Kaya ibigay mo na sa akin ang kaburulang ipinangako sa akin ni Yahweh. Narinig mo rin na mga higante ang nakatira doon at matitibay ang pader ng naglalakihan nilang lunsod. Ngunit sa tulong ni Yahweh ay palalayasin ko sila sa lupaing iyon gaya ng ipinangako niya.”
13 Binasbasan nga ni Josue si Caleb na anak ni Jefune, at ibinigay sa kanya ang Hebron. 14 Ang lupain ng Hebron ay nananatili hanggang ngayon sa angkan ni Caleb na anak ni Jefune, na isang Cenizeo, sapagkat buong katapatan siyang sumunod kay Yahweh, ang Diyos ng Israel. 15 Noong una'y Lunsod ng Arba ang pangalan ng Hebron, bilang alaala kay Arba, ang pinakadakila sa mga Anaceo.
At nagkaroon nga ng kapayapaan sa buong lupain.
Ang Lupang para sa Lipi ni Juda
15 Ang lupaing napapunta sa lipi ni Juda ay mula sa dulo ng Edom at hanggang sa ilang ng Zin sa kaduluhan sa gawing timog.
Ito ang pinaghati-hatian ng mga angkang bumubuo ng lipi. 2 Nagmula ang hangganan ng lupaing ito sa timog ng Dagat na Patay, 3 nagtuloy sa Landas ng Acrabim, at lumampas patungo sa ilang ng Zin. Buhat doo'y umahon sa Kades-barnea, nagdaan ng Hezron, nagtuloy sa Adar at lumikong patungo sa Carca. 4 Matapos tahakin ang Asmona, tinunton ang batis ng Egipto at nagtapos sa Dagat Mediteraneo. Ito ang hangganan ng Juda sa timog.
5 Sa gawing silangan ang hangganan ng lupaing ito'y ang Dagat na Patay hanggang sa bunganga ng Jordan. Dito naman nagsimula ang hangganang hilaga. 6 Umahon ito sa balikat ng Beth-hogla, dumaan sa hilaga ng Beth-araba at nagtuloy sa Bato ni Bohan, na anak ni Ruben. 7 Buhat sa Libis ng Kaguluhan, umahon sa Debir at nagtuloy sa hilaga. Lumiko ito patungong Gilgal na nasa tapat ng Pag-ahon sa Adumim sa timog ng libis, tumawid ng batis ng En-shemes at nagtuloy sa Batis ng En-rogel. 8 Buhat dito'y paahong tinahak ang Libis ng Ben Hinom na nasa timog ng burol ng mga Jebuseo (na tinatawag ding Jerusalem). Umahon uli patungo sa taluktok ng bundok na nasa tapat ng kanluran ng Libis ng Ben Hinom at sa dulong hilaga ng Libis ng Refaim. 9 Buhat sa taluktok ng bundok ay lumikong patungo sa Batis ng Neftoa, at lumabas sa mga lunsod sa Bundok ng Efron, at bumaling na papuntang Baala (na tinatawag ding Lunsod ng Jearim). 10 Umikot sa kanluran ng Baala patungo sa Bundok ng Seir, nagdaan sa libis na hilaga ng Bundok Jearim (na tinatawag ding Kesalon), lumusong na patungong Beth-semes, at nagtuloy sa Timna. 11 Buhat naman dito, umahon sa libis ng Bundok sa hilaga ng Ekron at bumaling na papuntang Sicron. Tinahak ang Bundok ng Baala, lumabas sa Jabneel, at nagtapos sa Dagat Mediteraneo na siyang naging 12 hangganan sa kanluran. Ito ang mga hangganan ng lupaing napapunta sa lipi ni Juda na pinaghati-hatian ng mga angkang bumubuo ng lipi.
Sinakop ni Caleb ang Hebron at Debir(F)
13 Gaya(G) ng sinabi ni Yahweh kay Josue, isang bahagi ng lupaing kaparte ng lipi ni Juda ay ibinigay kay Caleb na anak ni Jefune. Ibinigay sa kanya ang Hebron, ang lunsod na dating sakop ni Arba na ama ni Anac. 14 Pinalayas ni Caleb sa lupaing iyon ang tatlong anak na lalaki ni Anac: sina Sesai, Ahiman at Talmai. 15 Pagkatapos, nilusob niya ang Debir, na noong una'y tinatawag na Lunsod ng Sefer. 16 At sinabi ni Caleb, “Ipakakasal ko ang anak kong si Acsa sa sinumang sumalakay at sumakop sa Lunsod ng Sefer.” 17 Si Otniel na anak ni Kenaz na kapatid ni Caleb ang nakagawa niyon, kaya't si Acsa'y ipinakasal ni Caleb kay Otniel. 18 Nang makasal na ang dalawa, sinabi ni Otniel sa asawa na humingi ng isang bukirin kay Caleb na kanyang ama. Pumunta nga si Acsa kay Caleb, at pagkababa sa asnong sinasakyan, tinanong siya ni Caleb, “Anong kailangan mo?”
19 Sumagot si Acsa, “Bigyan mo po ako ng makukunan ng tubig, sapagkat lupang tigang ang ibinigay mo sa akin.” Kaya't ibinigay sa kanya ni Caleb ang mga bukal sa gawing itaas at sa gawing ibaba.
Ang mga Lunsod ng Juda
20 Ito ang mga lupaing napapunta sa lipi ni Juda, at pinaghati-hatian ng mga angkang bumubuo ng lipi. 21 Ang mga lunsod na nasa kadulu-duluhang timog, sa may hangganan ng Edom ay ang Cabzeel, Eder at Jagur; 22 Cina, Dimona at Adada; 23 Kades, Hazor at Itnan; 24 Zif, Telem at Bealot; 25 Hazor-hadata, Kiryot-hesron (na tinatawag ding Hazor); 26 Amam, Shema at Molada; 27 Hazar-gada, Hesmon at Beth-pelet; 28 Hazar-shual, Beer-seba at Bizotia; 29 Baala, Iyim at Ezem; 30 Eltolad, Cesil at Horma; 31 Ziklag, Madmana at Sansana; 32 Lebaot, Silhim, Ayin at Rimon; dalawampu't siyam na lunsod, kasama ang mga nayon sa palibot.
33 Ang mga lunsod sa kapatagan ay ang sumusunod: Estaol, Zora at Asena; 34 Zanoa, En-ganim, Tapua at Enam; 35 Jarmut, Adullam, Soco at Azeka; 36 Saaraim, Aditaim, Gedera at Gederotaim. Lahat-lahat ay labing-apat na lunsod pati ang mga nayong nasa paligid.
37 Kasama rin ang mga sumusunod: Zenan, Hadasa at Migdal-gad; 38 Dilan, Mizpa at Jokteel; 39 Laquis, Bozcat at Eglon; 40 Cabon, Lamam at Kitlis; 41 Gederot, Beth-dagon, Naama at Makeda; labing-anim na lunsod, kasama ang mga nayong nasa paligid.
42 Kabilang din ang Libna, Eter at Asan; 43 Jefte, Asena at Nezib; 44 Keila, Aczib at Maresa—siyam na lunsod at ang mga nayon sa palibot.
45 Gayon din ang lunsod ng Ekron at ang mga bayan at nayon sa paligid; 46 ang lahat ng mga lunsod sa malapit sa Asdod buhat sa Ekron hanggang sa Dagat Mediteraneo.
47 Kasama rin ang mga lunsod ng Asdod at Gaza, at ang mga bayan at nayong sakop nila, hanggang sa batis ng Egipto at baybayin ng Dagat Mediteraneo.
48 Sa kaburulan naman ay ang mga lunsod ng Samir, Jatir, Soco; 49 Dana, Kiryat Sanna (na tinatawag ding Debir), 50 Anab, Estemoa at Anim; 51 Goshen, Holon at Gilo—labing-isang lunsod, kasama pati ang kanilang mga nayon.
52 Gayon din ang Arab, Duma at Eshan, 53 Janim, Beth-tapua at Afeca; 54 Humta, Lunsod ng Arba o Hebron at Sior—siyam na lunsod kasama ang mga nayon sa paligid.
55 Kabilang pa rin ang Maon, Carmelo, Zif at Juta; 56 Jezreel, Jocdeam at Zanoa, 57 Cain, Gabaa at Timna—sampung lunsod at ang mga nayon sa paligid.
58 Halhul, Beth-sur at Gedor, 59 Meara, Beth-anot at Eltecon—anim na lunsod, kasama ang kanilang mga nayon.
60 Kasama rin ang lunsod ng Baal (o Lunsod ng Jearim), at ang Rabba—dalawang lunsod kasama ang kanilang mga nayon.
61 Sa ilang naman, ang Beth-araba, Midin at Secaca; 62 Nibsan, ang Lunsod ng Asin at En-gedi—anim na lunsod, kasama pati ang mga nayon sa paligid nila.
63 Ngunit(H) hindi napaalis ng lipi ni Juda ang mga Jebuseo na naninirahan sa Jerusalem, kaya hanggang ngayo'y kasama nilang naninirahan doon ang mga ito.
Pagpupuri sa Diyos na Tagapagligtas
146 Purihin si Yahweh!
Purihin mo si Yahweh, O aking kaluluwa!
2 Pupurihin siya't aking aawitan;
aking aawitan habang ako'y buháy.
3 Sa mga pangulo'y huwag kang manghahawak,
kahit sa kaninong di makapagligtas;
4 kung sila'y mamatay, balik sa alabok,
kahit anong plano nila'y natatapos.
5 Mapalad ang tao, na ang kanyang Diyos na laging katulong ay ang Diyos ni Jacob;
sa Diyos na si Yahweh, umaasang lubos,
6 sa(A) Diyos na lumikha niyong kalangitan,
ng lupa at dagat, at lahat ng bagay.
Ang kanyang pangako ay maaasahan.
7 Panig sa naaapi, kung siya'y humatol,
may pagkaing handa, sa nangagugutom.
Pinalaya niya ang mga nabihag;
8 isinasauli, paningin ng bulag;
lahat ng inapi ay itinataas,
ang mga hinirang niya'y nililingap.
9 Isinasanggalang ang mga dayuhang sa lupain nila'y doon tumatahan;
tumutulong siya sa balo't ulila,
ngunit sa masama'y parusa'ng hatid niya.
10 Walang hanggang Hari, ang Diyos na si Yahweh!
Ang Diyos mo, Zion, ay mananatili!
Purihin si Yahweh!
Pagpupuri sa Diyos na Makapangyarihan
147 Purihin si Yahweh!
O kay sarap umawit at magpuri sa ating Diyos,
ang magpuri sa kanya'y tunay na nakalulugod.
2 Ang lunsod ng Jerusalem, muli niyang ibabalik,
sa kanyang mga lingkod, na natapon at nalupig.
3 At ang mga pusong wasak ay kanya ring lulunasan,
ang natamo nilang sugat ay bibigyang kagalingan.
4 Alam niya't natitiyak ang bilang ng mga bituin,
isa-isang tinatawag, sa pangala'y itinuring.
5 Si Yahweh na ating Diyos ay dakila at malakas,
taglay niyang karunungan, hinding-hindi masusukat.
6 Taong mapagpakumbaba'y siya niyang itataas,
ngunit lahat ng mayabang sa lupa ay ibabagsak.
7 Umawit ng mga imno at si Yahweh ay purihin,
purihin ang ating Diyos at ang alpa ay tugtugin.
8 Ang ulap sa kalangitan ay siya ang naglalatag,
itong lupa'y dinidilig ng saganang tubig-ulan,
sa bundok at gubat nama'y, mga damo'y binubuhay.
9 Pagkain ng mga hayop, siya rin ang nagbibigay,
pinapakain nga niya nagugutom na inakay.
10 Hindi siya nalulugod sa kabayong malalakas,
kahit mga piling kawal hindi siya nagagalak.
11 Ngunit sa may pagkatakot, kasiyahan niya'y labis,
sa kanilang may tiwala sa matatag niyang pag-ibig.
12 Purihin si Yahweh, mga taga-Jerusalem!
Purihin mo ang iyong Diyos, kayong mga taga-Zion!
13 Pagkat mga pintuan mo ay siya ang nag-iingat,
ang anak mo't mga lingkod, pinagpala niyang lahat.
14 Ginagawang mapayapa ang iyong hangganan,
sa kaloob niyang trigo, bibigyan kang kasiyahan.
15 Kapag siya'y nag-uutos, agad itong natutupad,
dumarating sa daigdig, na hindi na nagluluwat.
16 Singkapal ng damit-tupa mga yelong pumapatak,
para itong alikabok na sa lupa'y nalalaglag.
17 Mga yelong buo-buo, sinlaki ng munting bato,
lumalagpak, na ang lamig di matiis kahit sino.
18 Ang yelo ay natutunaw, sa isa lang niyang utos,
umiihip ang hangin at ang tubig ay umaagos.
19 Kay Jacob niya ibinigay ang lahat ng tagubilin,
ang tuntuni't mga aral, ibinigay sa Israel.
20 Ang ganitong karapatan ay wala ang ibang bansa,
pagkat hindi nila batid ang utos na itinakda.
Purihin si Yahweh!
Si Jeremias ay Nangaral sa Templo
7 Pinapunta ni Yahweh si Jeremias sa pintuan ng Templo, at ipinasabi ang ganito: “Makinig kayo, mga taga-Juda na nagkakatipon dito upang sumamba kay Yahweh. 3 Pakinggan ninyo ang mensahe ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat, ang Diyos ng Israel! Baguhin ninyo ang inyong pamumuhay at ang inyong ginagawa at kayo'y papayagan kong manatili rito.” 4 Huwag ninyong dayain ang inyong sarili sa paulit-ulit na pagsasabing: ‘Ito ang Templo ni Yahweh, ang Templo ni Yahweh, ang Templo ni Yahweh!’ Hindi kayo maililigtas ng mga salitang iyan.
5 “Magbagong-buhay na kayo at iwan na ang dati ninyong ginagawa. Maging makatarungan kayo sa isa't isa. 6 Huwag ninyong aapihin ang mga dayuhan, mga ulila, at mga balo. Tigilan na ninyo ang pagpatay sa mga walang kasalanan sa lugar na ito. Talikdan na ninyo ang pagsamba sa mga diyus-diyosan, sapagkat ito ang magiging dahilan ng inyong kapahamakan. 7 Kapag sinunod ninyo ito, pahihintulutan ko kayong manatili sa lupaing ito na ibinigay ko sa inyong mga magulang upang maging tirahan ninyo magpakailanman.
8 “Bakit kayo nagtitiwala sa mga salitang walang kabuluhan? 9 Nagnanakaw kayo, pumapatay, nangangalunya, nanunumpa sa hindi katotohanan, naghahandog kay Baal, at sumasamba sa mga diyus-diyosang hindi ninyo nakikilala. 10 Ginawa ninyo ang aking kinamumuhian at pagkatapos, haharap kayo sa akin, sa aking Templo at sasabihin ninyo, ‘Ligtas kami rito!’ 11 Bakit?(A) Ang tahanan bang ito'y mukhang lungga ng mga magnanakaw? Nakikita ko ang ginagawa ninyo. Akong si Yahweh ang nagsasabi nito. 12 Pumunta(B) kayo sa Shilo, ang lugar na una kong pinili upang ako'y sambahin ninyo. Tingnan ninyo ang ginawa ko sa lugar na iyon dahil sa mga kasalanan ng aking bayang Israel. 13 At ngayon, ginawa rin ninyo ang mga kasalanang iyon. Paulit-ulit ko kayong pinaalalahanan, ngunit ayaw ninyong makinig. Hindi ninyo pinansin ang aking panawagan. 14 Kaya naman, ang ginawa ko sa Shilo ay gagawin ko rin sa Templong ito na labis ninyong pinagtiwalaan. Wawasakin ko ang lugar na ito na ibinigay ko sa inyo at sa inyong mga magulang, gaya ng ginawa ko sa Shilo. 15 Palalayasin ko kayo sa harap ko, tulad ng ginawa ko sa inyong mga kapatid, sa angkan ni Efraim.”
Ang Pagsuway ng mga Tao
16 Sinabi ni Yahweh, “Huwag mong ipapanalangin ang mga taong ito, Jeremias. Huwag kang mananangis para sa kanila o magmamakaawa sapagkat hindi kita papakinggan. 17 Tingnan mo ang kanilang ginagawa sa mga lunsod ng Juda at sa mga lansangan ng Jerusalem. 18 Nangunguha(C) ng panggatong ang kanilang mga anak, nagpaparikit ng apoy ang kalalakihan, at nagluluto ng tinapay ang kababaihan upang ihandog sa diyus-diyosang tinatawag nilang reyna ng kalangitan. Naghahandog din sila ng mga inumin sa ibang diyos, upang saktan ang aking kalooban. 19 Subalit ako bang talaga ang kanilang sinasaktan? Hindi, manapa'y ang kanilang sarili ang sinasaktan nila at inilalagay sa kahihiyan. 20 Kaya nga, ibubuhos ko sa lugar na ito ang aking galit at poot. Madadamay sa ipapataw kong parusa ang mga tao, mga hayop, at pati mga punongkahoy at mga halaman. Ang aking poot ay gaya ng apoy na walang sinumang makakapatay.
21 “Mabuti pa'y kainin na lamang ninyong lahat ang inyong mga handog na susunugin, kasama ng mga handog na pinagsasaluhan. Ako, si Yahweh na Makapangyarihan sa lahat, ang Diyos ng Israel, ang nagsasabi nito. 22 Nang ilabas ko sa Egipto ang inyong mga magulang, hindi ko iniutos sa kanila ang tungkol sa mga handog na susunugin o iba pang handog. 23 Subalit inutusan ko silang sumunod sa akin upang sila'y maging aking bayan at ako naman ang kanilang magiging Diyos. Sinabi kong mamuhay sila ayon sa ipinag-uutos ko, at magiging maayos ang kanilang buhay. 24 Ngunit hindi sila sumunod; ayaw nilang makinig sa akin. Sa halip, ginawa nila ang bawat maibigan at lalo pa silang nagpakasama, sa halip na magpakabuti. 25 Mula nang umalis sa Egipto ang inyong mga magulang hanggang sa araw na ito, patuloy akong nagpapadala ng aking mga lingkod, ang mga propeta. 26 Subalit hindi ninyo sila pinakinggan ni pinahalagahan. Nagmatigas kayo at masahol pa ang ginawa ninyo kaysa ginawa ng inyong mga magulang.
27 “Kaya, Jeremias, sasabihin mo ang lahat ng ito sa kanila subalit hindi sila makikinig sa iyo. Tatawagin mo sila ngunit hindi ka nila papansinin. 28 Kaya ganito ang sabihin mo sa kanila: ‘Narito ang bansang ayaw makinig sa tinig ni Yahweh na kanilang Diyos, at ayaw ituwid ang kanilang mga landas. Naglaho na sa kanila ang katotohanan at hindi man lamang nababanggit.’”
Ang mga Kasamaang Ginagawa sa Libis ng Ben Hinom
29 “Manangis kayo, mga taga-Jerusalem.
Putulin ninyo ang inyong buhok, at itapon ito sa malayo.
Managhoy kayo sa ibabaw ng mga burol,
sapagkat itinakwil at pinabayaan ni Yahweh
ang mga taong kanyang kinapopootan.
30 “Napakasama ng ginawa ng mga taga-Juda. Ang mga diyus-diyosang kinasusuklaman ko'y inilagay nila sa aking Templo. Nilapastangan nila ang aking tahanan. Akong si Yahweh ang maysabi nito. 31 Sa(D) Libis ng Ben Hinom ay gumawa sila ng altar at tinawag nilang Tofet. Doon nila sinusunog ang kanilang mga anak bilang handog. Hindi ko iniutos sa kanilang gawin ito, at ni hindi man lamang ito sumagi sa aking isipan. 32 Dahil dito, darating ang panahon na hindi na iyon tatawaging Tofet o Libis ng Ben Hinom kundi Libis ng Kamatayan. Magiging isang libingan ang Tofet sapagkat wala nang lugar na mapaglilibingan. 33 Ang mga bangkay ay kakanin ng mga ibon at maiilap na hayop; walang sinumang makapagtataboy sa kanila. 34 At(E) sasalantain ko ang buong lupain hanggang ito'y maging isang disyerto. Hindi na maririnig sa mga lunsod ng Juda at sa mga lansangan ng Jerusalem ang mga himig ng kagalakan at katuwaan. Hindi na mapapakinggan ang masasayang tinig ng mga ikakasal.
Matagumpay na Pagpasok sa Jerusalem(A)
21 Nang malapit na sila sa Jerusalem, dumaan sila sa Bethfage, sa Bundok ng mga Olibo. Inutusan ni Jesus ang dalawa sa kanyang mga alagad, 2 “Pumunta kayo sa susunod na nayon at makikita ninyo kaagad doon ang isang babaing asno na nakatali, kasama ang kanyang anak. Kalagan ninyo ang mga iyon at dalhin sa akin. 3 Kapag may nagtanong sa inyo, sabihin ninyong kailangan iyon ng Panginoon at ibibigay niya agad ang mga iyon sa inyo.”
4 Sa gayon, natupad ang sinabi ng propeta:
5 “Sa(B) lungsod[a] ng Zion ay ipahayag ninyo,
‘Tingnan mo, ang iyong hari ay dumarating.
Siya'y mapagpakumbaba; masdan mo't siya'y nakasakay sa isang asno,
at sa isang bisiro na anak ng asno.’”
6 Lumakad nga ang mga alagad at ginawa ang iniutos ni Jesus. 7 Dinala nila kay Jesus ang asno at ang bisiro, at isinapin sa likod ng mga ito ang kanilang balabal at sumakay si Jesus. 8 Maraming naglatag ng kanilang balabal sa daan; mayroon namang pumutol ng mga sanga ng kahoy at ito'y inilatag sa daan. 9 Nagsisigawan(C) ang mga taong nauuna at sumusunod sa kanya. Sigaw nila, “Purihin ang anak ni David! Pinagpala ang dumarating sa pangalan ng Panginoon! Purihin ang Diyos!”[b]
10 Pagpasok ni Jesus sa Jerusalem, nagulo ang buong lungsod. “Sino kaya ito?” tanong nila. 11 “Si Jesus, ang propetang taga-Nazaret sa Galilea,” sagot ng karamihan.
Nagalit si Jesus(D)
12 Pumasok si Jesus sa Templo at ipinagtabuyan niyang palabas ang mga nagtitinda at namimili roon. Ipinagtataob niya ang mga mesa ng mga namamalit ng salapi at ang mga upuan ng mga nagtitinda ng kalapati. 13 Sinabi(E) niya, “Sinasabi sa Kasulatan,
‘Ang aking tahanan ay tatawaging bahay-dalanginan.’
Ngunit ginawa ninyo itong lungga ng mga magnanakaw.”
14 Habang si Jesus ay nasa Templo, lumapit sa kanya ang mga bulag at mga pilay, at sila'y kanyang pinagaling. 15 Nagalit ang mga punong pari at ang mga tagapagturo ng Kautusan nang makita nila ang mga himalang ginawa niya at marinig ang mga batang sumisigaw sa loob ng Templo, “Purihin ang Anak ni David!”
16 Sinabi(F) nila kay Jesus, “Naririnig mo ba ang sinasabi nila?”
“Naririnig ko,” tugon ni Jesus. “Hindi ba ninyo nabasa sa kasulatan: ‘Pinalabas mo sa bibig ng mga sanggol at ng mga pasusuhin ang wagas na papuri’?”
17 Iniwan sila ni Jesus at lumabas siya ng lungsod papuntang Bethania. Doon siya nagpalipas ng gabi.
Sinumpa ang Puno ng Igos(G)
18 Kinaumagahan, nang si Jesus ay pabalik sa lungsod, siya'y nakaramdam ng gutom. 19 Nakita niya ang isang puno ng igos sa tabi ng daan at nilapitan iyon. Wala siyang nakitang bunga kundi mga dahon lamang. Kaya't sinabi niya dito, “Hindi ka na mamumunga kailanman!” Agad na natuyo ang puno.
20 Nakita ng mga alagad ang nangyari at sila'y namangha. “Paanong natuyo agad ang puno ng igos?” tanong nila.
21 Sumagot(H) si Jesus, “Tandaan ninyo: kung kayo'y maniniwala at hindi mag-aalinlangan, magagawa rin ninyo ang ginawa ko sa puno ng igos na ito. Hindi lamang iyan, kung sasabihin ninyo sa bundok na ito, ‘Umalis ka riyan, at tumalon ka sa dagat,’ mangyayari ang inyong sinabi. 22 Anumang hingin ninyo sa panalangin ay tatanggapin ninyo kung naniniwala kayo.”
Pag-uusisa tungkol sa Karapatan ni Jesus(I)
23 Pumasok si Jesus sa Templo. Habang siya'y nagtuturo doon, lumapit sa kanya ang mga punong pari at ang mga pinuno ng bayan, at siya'y tinanong, “Ano ang karapatan mong gumawa ng mga bagay na ito? Sino ang nagbigay sa iyo ng karapatang gumawa nito?”
24 Sumagot si Jesus, “Tatanungin ko rin kayo. Kapag sinagot ninyo ang tanong ko, saka ko sasabihin sa inyo kung ano ang karapatan kong gumawa ng mga bagay na ito. 25 Kanino nagmula ang karapatan ni Juan upang magbautismo, sa Diyos ba o sa tao?”
Kaya't sila'y nag-usap-usap, “Kung sasabihin nating mula sa Diyos, sasabihin naman niya sa atin, ‘Bakit hindi ninyo siya pinaniwalaan?’ 26 Ngunit kung sasabihin nating mula sa tao, baka kung ano ang gawin sa atin ng mga taong-bayan, sapagkat kinikilala ng lahat na si Juan ay isang propeta.” 27 Kaya't sumagot sila kay Jesus, “Hindi namin alam!”
Sinabi naman niya sa kanila, “Hindi ko rin sasabihin sa inyo kung saan galing ang karapatan kong gumawa ng mga bagay na ito.”
Ang Talinghaga tungkol sa Dalawang Anak
28 “Ano ang palagay ninyo rito? May isang taong may dalawang anak na lalaki. Lumapit siya sa nakatatanda at sinabi, ‘Anak, pumunta ka ngayon sa ubasan at magtrabaho ka roon.’ 29 ‘Ayoko po,’ tugon nito, ngunit nagbago ito ng pasya at nagtrabaho sa ubasan. 30 Lumapit din ang ama sa ikalawa at ganoon din ang kanyang sinabi. At tumugon ito, ‘Opo,’ ngunit hindi naman pumunta sa ubasan. 31 Sino sa dalawa ang sumunod sa kalooban ng kanyang ama?”
“Ang nakatatanda po,” sagot nila.
Sinabi sa kanila ni Jesus, “Tandaan ninyo: ang mga maniningil ng buwis at ang mga bayarang babae ay nauuna pa sa inyo na makapasok sa kaharian ng Diyos. 32 Sapagkat(J) naparito sa inyo si Juan at itinuro ang pagsunod sa kalooban ng Diyos, at hindi ninyo siya pinaniwalaan, ngunit naniwala sa kanya ang mga maniningil ng buwis at ang mga bayarang babae. Nakita ninyo ito subalit hindi pa rin kayo nagsisi't tumalikod sa inyong mga kasalanan, at hindi rin kayo naniwala sa kanya.”
Ang Talinghaga tungkol sa Ubasan at mga Magsasaka(K)
33 “Pakinggan(L) ninyo ang isa pang talinghaga,” sabi ni Jesus. “May isang taong nagtanim ng ubas sa kanyang bukid. Binakuran niya ang ubasan, nilagyan ng pisaan, at nagtayo ng isang tore. Pagkatapos, ang ubasan ay kanyang pinaupahan sa mga magsasaka at siya'y nagpunta sa ibang lupain. 34 Nang dumating ang panahon ng pitasan ng ubas, pinapunta ng may-ari ng ubasan ang kanyang mga tauhan upang kunin sa mga magsasaka ang kanyang bahagi. 35 Ngunit sinunggaban ng mga magsasaka ang mga tauhan; binugbog nila ang isa, pinatay ang ikalawa, at binato naman ang ikatlo. 36 Muling nagpadala ang may-ari ng tauhan, mas marami kaysa una ngunit ganoon din ang ginawa ng mga magsasaka sa mga ito. 37 Sa kahuli-huliha'y pinapunta niya ang kanyang anak na lalaki. Sabi niya sa sarili, ‘Marahil nama'y igagalang nila ang aking anak.’ 38 Ngunit nang makita ng mga magsasaka ang anak, sila'y nag-usap-usap, ‘Ito ang tagapagmana. Halikayo! Patayin natin siya upang mapasaatin ang kanyang mamanahin.’ 39 Kaya't siya'y sinunggaban nila, inihagis sa labas ng ubasan at pinatay.”
40 At tinanong sila ni Jesus, “Pagbalik ng may-ari ng ubasan, ano kaya ang gagawin niya sa mga taong iyon?” 41 Sumagot sila, “Papatayin niya sa kakila-kilabot na paraan ang masasamang iyon at pauupahan ang ubasan sa ibang magsasaka na magbibigay sa kanya ng kanyang bahagi sa panahon ng pamimitas.”
42 Nagpatuloy(M) si Jesus, “Hindi ba ninyo nabasa sa Kasulatan?
‘Ang batong itinakwil ng mga tagapagtayo ng bahay
ang siyang naging batong-panulukan.
Ginawa ito ng Panginoon,
at ito'y kahanga-hangang pagmasdan!’
43 “Kaya nga sinasabi ko sa inyo, ang kaharian ng Diyos ay kukunin sa inyo at ibibigay sa mga taong masunurin sa kalooban ng Diyos. [44 Ang bumagsak sa batong ito ay magkakadurug-durog at ang mabagsakan nito'y magkakaluray-luray.]”[c]
45 Narinig ng mga punong pari at ng mga Pariseo ang mga talinghaga ni Jesus at naunawaan nilang sila ang tinutukoy niya. 46 Siya'y dadakpin sana nila ngunit natakot sila sa mga tao, sapagkat kinikilala ng mga ito na si Jesus ay isang propeta.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.