M’Cheyne Bible Reading Plan
Bantayog sa Gitna ng Ilog
4 Nang makatawid na sa Ilog Jordan ang buong sambayanan, sinabi ni Yahweh kay Josue, 2 “Pumili ka ng labindalawang lalaki, isa sa bawat lipi. 3 Pakuhanin mo sila ng tig-iisang bato sa gitna ng Jordan, sa mismong kinatayuan ng mga pari. Ipadala mo sa kanila ang mga bato at ilagay sa pagkakampuhan ninyo ngayong gabi.”
4 Tinawag nga ni Josue ang labindalawang lalaking pinili niya, 5 at sinabi sa kanila, “Mauna kayo sa Kaban ng Tipan ni Yahweh. Pagdating ninyo sa gitna ng Ilog Jordan, kumuha kayo ng tig-iisang bato, pasanin ninyo ang mga ito, isa para sa bawat lipi ng Israel. 6 Ang mga batong ito ang magpapaalaala sa bayang Israel sa mga ginawa ni Yahweh. Kung sa panahong darating ay itanong ng inyong mga anak kung ano ang kahulugan ng mga batong iyan, 7 sabihin ninyong tumigil ang pag-agos ng Ilog Jordan nang itawid ang Kaban ng Tipan ni Yahweh. Ang mga batong ito ang magpapaalaala sa Israel ng mga pangyayaring ito habang panahon.”
8 Ginawa nga ng labindalawa ang iniutos sa kanila ni Josue. Tulad ng sinabi ni Yahweh kay Josue, kumuha sila ng labindalawang bato sa gitna ng ilog, isa para sa bawat lipi ng Israel. Dinala nila ang mga bato sa kanilang pinagkampuhan. 9 Naglagay rin si Josue ng labindalawang bato sa gitna ng Ilog Jordan, sa lugar na kinatayuan ng mga paring may dala ng Kaban ng Tipan. (Naroon pa hanggang ngayon ang mga batong iyon.) 10 Nanatili sa gitna ng Ilog Jordan ang mga pari hanggang sa maisagawa ng mga tao ang lahat ng mga iniutos ni Yahweh kay Josue upang kanilang gawin. Natupad ang lahat ayon sa iniutos ni Moises kay Josue.
Nagmamadaling tumawid ang mga tao. 11 Pagkatawid nila, itinawid din ang Kaban ng Tipan, at ang mga pari'y muling nauna sa mga taong-bayan. 12 Tumawid din at nanguna sa bayan ang mga lalaking sandatahan buhat sa lipi nina Ruben, Gad at kalahati ng lipi ni Manases ayon sa iniutos ni Moises. 13 May apatnapung libong mandirigma ang dumaan sa harapan ng kaban ni Yahweh patungo sa kapatagan ng Jerico. 14 Sa araw na iyon, ginawang dakila ni Yahweh si Josue sa paningin ng buong Israel. At siya'y iginalang nila habang siya'y nabubuhay, tulad ng ginawa nila kay Moises.
15 Iniutos ni Yahweh kay Josue, 16 “Sabihin mo sa mga paring may dala ng Kaban ng Tipan na umahon na sila sa Jordan.” 17 Ganoon nga ang ginawa ni Josue. 18 Nang makaahon ang mga paring may dala ng Kaban ng Tipan, muling umagos ang ilog at umapaw sa pampang ang tubig.
19 Ika-10 araw ng unang buwan ng taon nang tumawid ng Ilog Jordan ang bayang Israel. Nagkampo sila sa Gilgal na nasa silangan ng Jerico. 20 Doon inilagay ni Josue ang labindalawang bato na ipinakuha niya sa Jordan. 21 Pagkatapos, sinabi niya sa bayang Israel, “Kapag itinanong sa inyo ng inyong mga anak kung ano ang kahulugan ng mga batong iyan, 22 sabihin ninyo sa kanila na lumakad sa tuyong lupa ang bayang Israel nang tumawid sa Ilog Jordan. 23 Sabihin din ninyo na pinatuyo ni Yahweh ang tubig ng Jordan habang kayo'y tumatawid, tulad ng ginawa niya sa Dagat na Pula[a] habang kami'y tumatawid noon. 24 Sa ganitong paraan, kikilalanin ng lahat ng tao sa daigdig ang kapangyarihan ni Yahweh, at pararangalan ninyo ang Diyos ninyong si Yahweh sa habang panahon.”
Panalangin Laban sa mga Kaaway ng Israel
Isang Awit ng Pag-akyat upang Sumamba.
129 Ihayag mo, O Israel, ang ginawa ng kaaway,
sa simulang usigin ka, mula pa nang kabataan!
2 “Simula pa noong bata, ako'y di na nilubayan,
mahigpit na pinag-usig, bagaman di nagtagumpay.
3 Ako ay sinaktan nila, ang likod ko'y sinugatan,
mga sugat na malalim, parang bukid na binungkal.
4 Ngunit ang Diyos na si Yahweh, palibhasa ay matuwid,
pinalaya niya ako at sa hirap ay inalis.”
5 Nawa itong mga bansang laging namumuhi sa Zion,
sa labanan ay malupig, mapahiya't mapaurong!
6 Matulad sa mga damong tumubo sa mga bubong,
natutuyong lahat ito, kahit ito'y bagong sibol,
7 di na ito binibigkis at hindi na tinitipon.
8 Kahit isang dumaraa'y di man lamang banggitin,
“Nawa ang pagpapala ni Yahweh ay iyong tanggapin!
Sa pangalan ni Yahweh, pagpapala ay iyong tanggapin!”
Panalangin Upang Tulungan ng Diyos
Isang Awit ng Pag-akyat upang Sumamba.
130 Sa gitna ng paghihirap, kay Yahweh ay dumalangin.
2 Panginoon, ako'y dinggin kapag ako'y tumataghoy,
dinggin mo ang pagtawag ko't paghingi ng iyong tulong.
3 Kung ikaw ay may talaan nitong aming kasalanan,
lahat kami ay tatanggap ng hatol mong nakalaan.
4 Ngunit iyong pinatawad, kasalanan ay nilimot,
pinatawad mo nga kami upang sa iyo ay matakot.
5 Sabik akong naghihintay, O Yahweh, sa iyong tugon,
pagkat ako'y may tiwala sa pangako mong pagtulong.
6 Yaring aking pananabik, Panginoon, ay higit pa
sa bantay na naghihintay ng pagsapit ng umaga.
7 Magtiwala ka, Israel, magtiwala ka kay Yahweh,
matatag at di kukupas ang pag-ibig niyang dulot,
lagi siyang nakahandang sa sinuman ay tumubos.
8 Ililigtas(A) ang Israel, bansang kanyang minamahal,
ililigtas niya sila sa kanilang kasalanan.
Ang Mapagpakumbabang Dalangin
Isang Awit ng Pag-akyat upang Sumamba; katha ni David.
131 Yahweh aking Diyos, ang pagmamataas,
tinalikuran ko't iniwan nang ganap;
ang mga gawain na magpapatanyag
iniwan ko na rin, di ko na hinangad.
2 Mapayapa ako at nasisiyahan,
tulad niyong sanggol sa bisig ni Inay.
3 Kaya mula ngayon, at magpakailanman,
si Yahweh lang Israel, ang dapat sandigan!
64 Bakit hindi mo buksan ang langit at bumabâ ka sa mundong ibabaw,
upang ang mga bundok ay manginig sa takot sa iyong harapan?
2 Sila'y manginginig na parang tubig na kumukulo sa init ng apoy.
Ipakita mo ang iyong kapangyarihan sa iyong mga kaaway,
upang manginig ang mga bansa sa iyong harapan.
3 Nang ikaw ay dumating sa nakaraang panahon, gumawa ka ng mga bagay na nakakapangilabot na hindi namin inaasahan;
ang mga bundok ay nanginig sa takot nang ikaw ay makita.
4 Sangkatauhan(A) ay wala pang nakikita
o naririnig na Diyos maliban sa iyo;
ikaw na tumutugon sa mga dalangin ng mga umaasa sa iyo.
5 Tinatanggap mo ang mga taong nagagalak gumawa ng tama;
at sila na sa iyo'y nakakaalala sa nais mong maging buhay nila.
Ngunit kapag patuloy kaming nagkakasala, ikaw ay nagagalit.
At sa kabila ng iyong poot, patuloy kami sa paggawa ng masama.
6 Lahat tayo'y naging marumi sa harapan ng Diyos;
ang mabubuting gawa nati'y maruruming basahan ang katulad.
Nalanta na tayong lahat gaya ng mga dahon;
tinatangay tayo ng malakas na hangin ng ating kasamaan.
7 Walang sinumang tumatawag sa pangalan mo;
walang sinumang bumabangon upang sa iyo'y lumapit.
Kami'y iyong pinagtaguan,
at dahil sa aming mga kasalanan, kami'y iyong pinuksa.
8 Gayunman, O Yahweh, ikaw pa rin ang aming Ama.
Kami ang putik at ikaw ang magpapalayok.
Ikaw ang sa ami'y humubog.
9 O Yahweh, huwag kang mapoot sa amin nang labis;
huwag mo nang alalahanin magpakailanman ang aming mga kasamaan;
mahabag ka sa amin sapagkat kami'y iyong bayan.
10 Ang mga banal na lunsod mo'y naging mga disyerto;
ang Jerusalem ay naging mapanglaw na guho.
11 Ang aming banal at magandang Templo,
na sinasambahan ng aming mga ninuno,
ngayon ay sunog na;
at ang lahat ng lugar na kawili-wiling pagtipunan, ay wasak nang tuluyan.
12 O Yahweh, pagkatapos ng mga bagay na ito, ano ang iyong gagawin?
Tatahimik ka ba at patuloy kaming pahihirapan?
Katanungan tungkol sa Araw ng Pamamahinga(A)
12 Isang(B) Araw ng Pamamahinga, dumaan sina Jesus sa triguhan. Nagugutom ang kanyang mga alagad noon, kaya't sila'y kumuha ng mga butil ng trigo at kumain niyon. 2 Nang makita ito ng mga Pariseo, sinabi nila sa kanya, “Tingnan mo ang ginagawa ng iyong mga alagad. Mahigpit iyang ipinagbabawal ng Kautusan sa Araw ng Pamamahinga!” 3 Sumagot(C) si Jesus, “Hindi ba ninyo nabasa ang ginawa ni David nang magutom siya at ang kanyang mga kasama? 4 Pumasok(D) siya sa bahay ng Diyos, kumain ng tinapay na handog at pinakain din niya ang kanyang mga kasama. Labag sa Kautusan ang ginawa nila sapagkat ang mga pari lamang ang may karapatang kumain niyon. 5 Hindi(E) ba ninyo nababasa sa Kautusan na tuwing Araw ng Pamamahinga, ang mga pari ay may ginagawa sa Templo na bawal gawin sa araw na iyon? Gayunma'y hindi sila nagkakasala! 6 Sinasabi ko sa inyo, may isang naririto na higit na dakila kaysa Templo. 7 Kung(F) nauunawaan lamang ninyo ang kahulugan ng mga salitang ito, ‘Habag ang nais ko at hindi handog,’ hindi sana ninyo hinatulan ang mga walang sala. 8 Sapagkat ang Anak ng Tao ay Panginoon ng Araw ng Pamamahinga.”
Pinagaling ang Lalaking Paralisado ang Kamay(G)
9 Pagkaalis ni Jesus sa pook na iyon, pumasok siya sa sinagoga. 10 May isang lalaki roon na paralisado ang isang kamay. Naroon din ang ilang taong naghahanap ng pagkakataong maparatangan si Jesus. Tinanong nila si Jesus, “Naaayon ba sa Kautusan ang magpagaling ng maysakit kung Araw ng Pamamahinga?”
11 Sumagot(H) siya, “Kung kayo'y may tupang nahulog sa balon sa Araw ng Pamamahinga, hindi ba ninyo ito iaahon? 12 Higit na mahalaga ang isang tao kaysa isang tupa! Kaya't naaayon sa Kautusan ang gumawa ng mabuti sa Araw ng Pamamahinga.”
13 Pagkatapos, sinabi ni Jesus sa lalaki, “Iunat mo ang iyong kamay.” Iniunat nga ng lalaki ang kanyang kamay at ito'y gumaling gaya ng kabilang kamay. 14 Kaya't umalis ang mga Pariseong naroroon at nag-usap-usap kung paano nila maipapapatay si Jesus.
Ang Lingkod na Hinirang
15 Nang malaman ito ni Jesus, umalis siya sa lugar na iyon. Maraming tao ang sumunod sa kanya, at pinagaling niya ang lahat ng maysakit. 16 Ngunit mahigpit niyang ipinagbilin na huwag nilang ipamalita kung sino siya. 17 Sa gayon, natupad ang sinabi ng Diyos sa pamamagitan ni Propeta Isaias,
18 “Narito(I) ang lingkod ko na aking hinirang,
ang aking minamahal at lubos na kinalulugdan;
ibubuhos ko sa kanya ang aking Espiritu,
at siya ang magpapahayag ng katarungan sa mga bansa.
19 Hindi siya makikipag-away o maninigaw,
ni magtataas ng boses sa mga lansangan,
20 hindi niya babaliin ang tambong marupok,
hindi rin niya papatayin ang ilawang umaandap,
hanggang katarunga'y hindi nagtatagumpay nang ganap;
21 at ang pag-asa ng mga Hentil, sa kanya ay ilalagak.”
Si Jesus at si Beelzebul(J)
22 Dinala noon kay Jesus ang isang lalaking bulag at pipi na sinasapian ng demonyo. Pinagaling siya ni Jesus kaya't siya'y nakakita at nakapagsalita. 23 Namangha ang lahat at sinabi nila, “Ito na kaya ang Anak ni David?” 24 Nang(K) marinig ito ng mga Pariseo, sinabi nila, “Nakapagpapalayas siya ng mga demonyo sa pamamagitan ng kapangyarihan ni Beelzebul, ang pinuno ng mga demonyo.” 25 Subalit alam ni Jesus ang kanilang iniisip kaya't sinabi niya, “Ang bawat kahariang naglalaban-laban ang mga mamamayan ay babagsak, at alinmang bayan o sambahayang sila-sila ang naglalaban ay mawawasak. 26 Kaya't kung si Satanas ang nagpapalayas kay Satanas, kinakalaban niya ang kanyang sarili! Kung gayon, paano pa niya mapapanatili ang kanyang kaharian? 27 Kung ako'y nagpapalayas ng mga demonyo sa kapangyarihan ni Beelzebul, sa kaninong kapangyarihan naman nagpapalayas ng demonyo ang inyong mga tagasunod? Ang ginagawa nila ang magpapatunay na maling-mali kayo. 28 Ngunit kung ako'y nagpapalayas ng mga demonyo sa kapangyarihan ng Espiritu ng Diyos, nangangahulugang dumating na sa inyo ang kaharian ng Diyos.
29 “Hindi(L) mapapasok ang bahay ng isang taong malakas kung hindi muna siya gagapusin. Kung nakagapos na siya, saka pa lamang malolooban ang bahay niya. 30 Ang(M) hindi panig sa akin ay laban sa akin, at ang hindi ko kasamang mag-ipon ay nagkakalat. 31 Kaya't sinasabi ko sa inyo, mapapatawad ang anumang kasalanan at paglapastangan, ngunit hindi patatawarin ang paglapastangan sa Espiritu Santo. 32 Sinumang(N) magsalita laban sa Anak ng Tao ay patatawarin, ngunit sinumang magsalita laban sa Espiritu Santo ay hindi patatawarin, maging sa panahong ito o sa panahong darating.”
Sa Bunga Nakikilala(O)
33 “Sinasabi(P) ninyong mabuti ang punongkahoy kung mabuti ang kanyang bunga at masama ang punongkahoy kung masama ang kanyang bunga, sapagkat sa bunga nakikilala ang puno. 34 Lahi(Q) ng mga ulupong! Paano kayong makakapagsabi ng mabubuting bagay gayong kayo'y masasama? Kung ano ang nag-uumapaw sa puso ay siyang sinasabi ng bibig. 35 Mabuti ang sinasabi ng mabuting tao, sapagkat puno ng kabutihan ang kanyang puso. Masama ang sinasabi ng masamang tao, sapagkat puno ng kasamaan ang kanyang puso.
36 “Tandaan ninyo, sa Araw ng Paghuhukom, pananagutan ng tao ang bawat walang kabuluhang salitang sinabi niya. 37 Pawawalang-sala ka, o paparusahan, batay sa iyong mga salita.”
Hinanapan si Jesus ng Palatandaan(R)
38 Sinabi(S) naman sa kanya ng ilang tagapagturo ng Kautusan at mga Pariseo, “Guro, maaari po bang magpakita kayo sa amin ng isang palatandaan?” 39 Sumagot(T) si Jesus, “Lahing masama at taksil sa Diyos! Naghahanap kayo ng palatandaan ngunit walang ipapakita sa inyo maliban sa himalang nangyari kay Propeta Jonas. 40 Kung(U) paanong si Jonas ay tatlong araw at tatlong gabing nasa tiyan ng dambuhalang isda, ang Anak ng Tao ay tatlong araw at tatlong gabi ring nasa ilalim ng lupa. 41 Sa(V) Araw ng Paghuhukom, tatayo ang mga taga-Nineve at sasaksi laban sa lahing ito, sapagkat nagsisi sila matapos pangaralan ni Jonas. Ngunit higit pa kay Jonas ang naririto. 42 Sa(W) araw na iyon, sasaksi rin ang Reyna ng Sheba laban sa lahing ito. Naglakbay siya mula pa sa dulo ng daigdig upang masaksihan ang karunungan ni Solomon, ngunit higit pa kay Solomon ang naririto ngayon!”
Ang Pagbabalik ng Masamang Espiritu(X)
43 “Kapag ang masamang espiritu ay lumabas mula sa isang tao, siya'y gumagala sa mga lupaing tigang upang maghanap ng mapagpapahingahan. Kung wala itong matagpuan 44 ay sinasabi sa sarili, ‘Babalik ako sa tahanang aking pinanggalingan.’ Pagbalik niya at makita itong walang laman, malinis at maayos, 45 aalis muna siya't magsasama pa ng pitong espiritung mas masama pa kaysa kanya at papasok sila at maninirahan doon. Dahil dito, ang kanyang magiging kalagayan ay mas masama pa kaysa dati. Ganyan ang mangyayari sa masamang lahing ito.”
Ang Ina at mga Kapatid ni Jesus(Y)
46 Habang si Jesus ay nagsasalita sa maraming tao, dumating ang kanyang ina at mga kapatid. Naghihintay sila sa labas dahil nais nila siyang makausap. [47 May nagsabi kay Jesus, “Nasa labas po ang inyong ina at mga kapatid. Ibig nila kayong makausap.”][a] 48 Ngunit sinabi niya, “Sino ang aking ina at sinu-sino ang aking mga kapatid?” 49 Itinuro niya ang kanyang mga alagad at sinabi, “Sila ang aking ina at mga kapatid. 50 Sapagkat ang sinumang sumusunod sa kalooban ng aking Ama na nasa langit, iyon ang aking ina at mga kapatid.”
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.