Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

M’Cheyne Bible Reading Plan

The classic M'Cheyne plan--read the Old Testament, New Testament, and Psalms or Gospels every day.
Duration: 365 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Josue 18-19

Ang Paghahati sa Iba pang Bahagi ng Lupain

18 Matapos nilang sakupin ang lupaing iyon, ang buong Israel ay nagtipon sa Shilo at itinayo roon ang Toldang Tipanan. Pitong lipi ni Israel ang hindi pa tumatanggap ng kanilang kaparte sa lupain. Kaya sinabi sa kanila ni Josue, “Kailan pa ninyo sasakupin ang lupaing ibinigay sa inyo ni Yahweh, ang Diyos ng inyong mga ninuno? Pumili kayo ng tatlong lalaki sa bawat lipi. Lilibutin nila ang buong lupain upang gumawa ng plano sa paghahati nito para sa kanila. Pagbalik nila, hahatiin sa pito ang buong lupain. Ngunit hindi magagalaw ang bahagi ni Juda sa timog ni ang bahagi ni Jose sa hilaga. Gagawa kayo ng plano at ilalagay roon ang kani-kanilang hangganan. Ibibigay sa akin ang plano at gagawin ko ang palabunutan ayon sa utos ni Yahweh. Hindi tatanggap ng bahagi ang mga Levita sapagkat ang bahagi nila'y ang paglilingkod kay Yahweh bilang mga pari. Ang mga lipi naman nina Gad at Ruben, at ang kalahati ng lipi ni Manases ay matatag na sa lupaing ibinigay sa kanila ni Moises sa ibayo ng Jordan.”

Nang humarap sa kanya ang mga napili, sinabi sa kanila ni Josue, “Lumakad na kayo at tingnan ninyo ang lupain. Gumawa kayo ng ulat at ibigay sa akin sa inyong pagbabalik. Ako ang gagawa ng palabunutan dito sa Shilo para sa inyo, ayon sa utos ni Yahweh.” Sinuri nga nila ang buong lupain, at hinati sa pito. Itinala nila ang mga lunsod at bayang saklaw ng bawat bahagi. Pagkatapos, bumalik sila kay Josue sa Shilo. 10 Ginawa nga ni Josue ang palabunutan ayon sa utos ni Yahweh, at sa pamamagitan nito'y binigyan niya ang bawat lipi ng kani-kanilang kaparte sa lupain.

Ang Bahagi ng Lipi ni Benjamin

11 Nasa pagitan ng lupain ng lipi ni Juda at ni Jose ang lupaing napapunta sa mga angkan ng lipi ni Benjamin. 12 Sa hilaga, ang hangganan nito'y nagsimula sa Ilog Jordan; umahon sa hilaga ng Jerico, napakanluran sa kaburulan, at nagtapos sa ilang ng Beth-aven. 13 Buhat dito'y nagtungo sa gulod, sa gawing timog ng Luz (na tinatawag na Bethel). Nagtuloy sa Atarot-adar, na nasa kabundukan sa timog ng Beth-horong ibaba. 14 Buhat naman sa kanluran ng bundok na nasa timog ng Beth-horon ay lumiko papuntang timog, at nagtapos sa lunsod ng Baal (na ngayo'y tinatawag na lunsod ng Jearim), isang lunsod ng lipi ni Juda. Ito ang hangganan sa kanluran. 15 Sa timog, ang hangganan ng lupaing ito'y nagsimula sa gilid ng Lunsod ng Jearim at nagtapos sa batisan ng Neftoa. 16 Lumusong patungo sa paanan ng bundok na nasa silangan ng Libis ng Ben Hinom at hilaga ng Libis ng Refaim, tinahak ang Libis ng Ben Hinom na nasa timog ng bundok ng mga Jebuseo, at nagtuloy sa En-rogel. 17 Buhat dito'y lumusong pahilaga patungo sa En-shemes. Nagtuloy ng Gelilot na nasa tapat ng tawiran ng Adumim, at lumusong sa Bato ni Bohan na anak ni Ruben. 18 Dumaan sa hilagang gulod ng Bundok ng Beth-araba, at lumusong sa Araba. 19 Dumaan sa hilaga ng Bundok ng Beth-hogla at nagtapos sa pinagtagpuan ng Dagat na Patay at ng Ilog Jordan. Ito ang hangganan sa timog. 20 Ang Ilog Jordan naman ang hangganan sa gawing silangan. Ito ang mga hangganan ng lupaing napapunta sa lipi ni Benjamin.

21 Ang mga lunsod na napapunta sa lipi ni Benjamin ay ang Jerico, Beth-hogla at Emec-casis; 22 Beth-araba, Zemaraim at Bethel; 23 Avim, Para at Ofra; 24 Kefar-ammoni, Ofni at Geba. Labindalawang lunsod kasama ang mga nayon sa paligid. 25 Kasama rin ang Gibeon, Rama at Beerot; 26 Mizpa, Cefira at Moza; 27 Requem, Irpeel at Tarala; 28 Zela, Elef at Jebus (o Jerusalem), Gibeat, at Lunsod ng Jearim—labing-apat na lunsod kasama ang kanilang mga nayon. Ito ang bahagi ni Benjamin ayon sa kani-kanilang mga angkan.

Ang Bahagi ng Lipi ni Simeon

19 Pangalawang lumabas sa palabunutan ang bahagi ng lipi ni Simeon. Nasa loob ng lupain ng Juda ang lupaing ibinigay sa kanila. Sakop(A) nito ang Beer-seba, Seba at Molada; Hazar-shual, Bala at Ezem; Eltolad, Bethul at Horma; Ziklag, Beth-marcabot at Hazar-susa; Beth-lebaot at Saruhen—labingtatlong lunsod at bayan ang sakop nila.

Kasama rin ang apat na lunsod ng Ayin, Rimon, Eter at Asan at ang mga karatig-bayan nito. Sakop nito ang mga nayon sa paligid hanggang Baalat-beer o Rama ng Negeb. Ito ang lupaing napunta sa lipi ni Simeon bilang bahagi nila. Ang bahaging ito ay nasa loob ng teritoryo ng Juda; sapagkat ang lipi ni Juda ay tumanggap nang higit sa kanilang kinakailangan, ang bahagi nito ay ibinigay sa lipi ni Simeon.

Ang Bahagi ng Lipi ni Zebulun

10 Pangatlong lumabas sa palabunutan ang bahagi ng lipi ni Zebulun. Ang lupaing napunta sa kanila ay abot sa Sarid.[a] 11 Buhat dito ang kanyang hanggana'y umahong pakanluran patungo sa Marala, nagtuloy sa Dabeset, at sa batis na nasa silangan ng Jokneam. 12 Buhat din sa Sarid, ang hanggana'y pumasilangan hanggang sa Kislot-tabor, lumabas patungong Daberat, at umahon sa Jafia. 13 Buhat doon, nagpatuloy sa Gat-hefer, nagdaan ng Itcazin, lumabas sa Rimon, at lumikong patungo sa Nea. 14 Sa hilaga naman, ang hanggana'y lumikong patungo sa Hanaton, at nagtapos sa Kapatagan ng Jefte-el. 15 Ito ang mga lunsod ng Zebulun: Catat, Nahalal, Simron, Idala, Bethlehem—labindalawang lunsod kasama ang mga nayon nito. 16 Ang mga lunsod na ito at ang mga nayong sakop nila ang napapunta sa lipi ni Zebulun.

Ang Bahagi ng Lipi ni Isacar

17 Napunta sa lipi ni Isacar ang pang-apat na bahagi. 18 Sakop nito ang Jezreel, Kesulot at Sunem; 19 Hafaraim, Shion at Anaharat; 20 Rabit, Cision at Ebez; 21 Remet, En-ganim, En-hada at Beth-pazez. 22 Abot sa Tabor, sa Sahazuma at Beth-semes ang kanyang mga hangganan, at nagtapos sa Ilog Jordan. Labing-anim na lunsod, kasama ang kanilang mga sakop na nayon, ang nasasaklaw ng lupaing ito. 23 Ang mga lunsod at bayang ito ang bahaging napunta sa lipi ni Isacar.

Ang Bahagi ng Lipi ni Asher

24 Napunta naman sa lipi ni Asher ang ikalimang bahagi. 25 Sakop nito ang Helcat, Hali, Bethen at Acsaf; 26 ang Alamelec, Amad at Misal; abot sa Carmelo at sa Sihor-libnat ang hangganan sa kanluran. 27 Sa pasilangan naman, ang hanggana'y nagtungo sa Beth-dagon, at sa pahilaga, nagdaan sa gilid ng Zebulun at sa Kapatagan ng Jefte-el patungong Beth-emec at Neiel at nagtuloy sa Cabul. 28 Saklaw pa rin sa gawing hilaga ang Ebron, Rehob, Hamon, Cana at hanggang sa Dakilang Sidon. 29 Pagkatapos, ang hanggana'y lumikong patungo sa Rama, at nagtuloy sa Tiro, isang lunsod na napapaligiran ng pader; lumikong muli patungong Hosa, at nagtapos sa Dagat Mediteraneo. Kasama sa hilagang-silangan ng lupaing iyon ang Mahalab, Aczib, 30 Uma, Afec at Rehob—dalawampu't dalawang lunsod, kasama ang mga nayong sakop nila. 31 Ang mga lunsod at nayong ito ang naging bahagi ng mga angkan ng lipi ni Asher.

Ang Bahagi ng Lipi ni Neftali

32 Napunta naman sa lipi ni Neftali ang ikaanim na bahagi. 33 Buhat sa Helef, sa gubat ng mga punong roble sa Zaananim, ang hangganan nito'y nagtungo sa Adamineceb, lumampas ng Jabneel, nagtuloy sa Lacum at nagtapos sa Jordan. 34 Sa pakanluran naman, ang hanggana'y nagtungo sa Aznot-tabor at lumampas na papuntang Hucoca. Karatig ng lupaing ito sa timog ang lupain ng Zebulun, sa kanluran ang lupain ng Asher, at sa silangan ang Juda sa kabila ng Jordan. 35 Ito ang mga lunsod ng Neftali na may mga pader: Sidim, Ser, Hamat, Racat, Cineret, 36 Adama, Rama, Hazor, 37 Kades, Edrei, En-hazor, 38 Jiron, Migdal-el, Horem, Beth-anat at Beth-semes—labinsiyam na lunsod kasama ang mga nayong sakop nila. 39 Ang mga lunsod at nayong ito ang naging bahagi ng lipi ni Neftali.

Ang Bahagi ng Lipi ni Dan

40 Napapunta sa lipi ni Dan ang ikapitong bahagi. 41 Sakop nito ang mga sumusunod: Zora, Estaol, Ir-semes, 42 Saalabin, Ayalon, Itla, 43 Elon, Timna, Ekron, 44 Elteque, Gibeton, Baalat, 45 Jehud, Bene-berac, Gat-rimon, 46 Me-jarcon, Racon at ang lupaing nasa tapat ng Joppa. 47 May(B) mga lupain para sa lipi ni Dan na hindi pa nila nasasakop. Kaya't nang kulangin sila ng lupain, sinalakay nila ang Lesem, sinakop ito at nilipol ang mga tagaroon. Pagkatapos nilang makuha ang Lesem, pinalitan nila ang pangalan nito at tinawag na Dan, alang-alang kay Dan na kanilang ninuno. 48 Ang mga lunsod at nayong ito ang naging bahagi ng lipi ni Dan, at pinaghati-hatian ng mga angkang bumubuo ng lipi.

Ang Lupaing Ibinigay kay Josue

49 Matapos tanggapin ng mga Israelita ang kani-kanilang bahagi ng lupain, binigyan naman nila si Josue na anak ni Nun ng para sa kanya. 50 Ayon sa ipinag-utos ni Yahweh, ibinigay nila sa kanya ang lunsod na kanyang hiniling, ang Timnat-sera na nasa lupain ng Efraim. Muli itong itinayo ni Josue at doon siya nanirahan.

51 Ginawa ng paring si Eleazar at ni Josue na anak ni Nun ang pagbabahagi ng lupain sa pamamagitan ng palabunutan. Ginawa nila ito sa Shilo, sa harapan ni Yahweh, sa may pintuan ng Toldang Tipanan, katulong ang mga pinuno ng mga angkan. Sa ganitong paraan natapos ang pagbibigay sa bawat lipi ng kani-kanilang bahagi sa lupain.

Mga Awit 149-150

Awit ng Pagpupuri

149 Purihin si Yahweh!

O si Yahweh ay purihin, awitan ng bagong awit,
    purihin sa pagtitipon nitong mga tapat sa kanya.
Magalak ka, O Israel, dahilan sa Manlilikha;
    dahilan sa iyong hari, ikaw Zion ay matuwa.
Purihin sa pagsasayaw, purihin ang kanyang ngalan;
    alpa't tambol ay tugtugin, at siya ay papurihan.

Si Yahweh ay nagagalak sa kanyang mga hirang,
    sa mga mapagpakumbaba'y tagumpay ang ibibigay.
Sa tagumpay na natamo, magalak ang mga hirang,
    sa kanilang pagdiriwang ay magsaya't mag-awitan.
Papuri(A) sa ating Diyos, ipahayag nang malakas,
    hawak-hawak ang espadang dobleng-talim at matalas,
    upang bawat mga bansang nagmalabis ay gantihan,
    at bigyan ang mamamayan ng parusang kailangan.
Mga hari't maharlika ay kanilang bibihagin,
    sa tanikalang bakal, silang lahat ay gagapusin,
    upang sila ay hatulan sang-ayon sa itinakda.
Ito ang siyang karangalan ng kanyang pinagpala.

Purihin si Yahweh!

Purihin si Yahweh

150 Purihin si Yahweh!

Sa banal na templo, ang Diyos ay awitan,
    purihin sa langit ang lakas na taglay!
Siya ay purihin sa kanyang ginawa,
    siya ay purihin, sapagkat dakila.

Purihin sa tugtog ng mga trumpeta,
    awitan sa saliw ng alpa at lira!
Sa tugtog ng tambol, magsayaw, purihin,
    mga alpa't plauta, lahat ay tugtugin!
Ang Diyos ay purihin sa tugtog ng pompiyang,
    sa lakas ng tugtog siya'y papurihan.
Purihin si Yahweh lahat ng nilalang!

Purihin si Yahweh!

Jeremias 9

Sana'y naging balon ng tubig itong aking ulo,
    at bukal ng luha itong mata ko,
upang ako'y may iluha sa maghapon at magdamag
    para sa aking mga kababayang namatay.
Sana'y may mapagtaguan ako doon sa disyerto,
    kung saan malayo ako sa aking mga kababayan.
Sila'y mapakiapid
    at pawang mga taksil.
Sila'y laging handang magsabi ng kasinungalingan;
    kasamaan ang namamayani sa halip na katotohanan.

Ganito ang sabi ni Yahweh:
“Sunud-sunod na kasamaan ang ginagawa ng aking bayan,
    at ako'y hindi nila nakikilala.”

Mag-ingat kayo kahit sa inyong mga kaibigan,
    kahit kapatid ay huwag pagkatiwalaan;
sapagkat mandaraya lahat ng kapatid, katulad ni Jacob,
    at bawat isa'y naninira sa kanyang kaibigan.
Ang lahat ay nandaraya sa kanyang kapwa,
    walang nagsasabi ng katotohanan;
dila nila'y sanay sa pagsisinungaling,
    sila'y patuloy sa pagkakasala, at hindi naiisip ang magsisi.
Ang kanilang kasalanan ay patung-patong na,
    hindi tumitigil sa pandaraya sa iba.

Kahit na si Yahweh hindi kinikilala.
Kaya sinabi ni Yahweh, ang Makapangyarihan sa lahat,
“Pahihirapan ko ang bansang ito upang sila'y subukin.
    Sapagkat ano pa ang aking magagawa sa bayan kong naging masama?
Parang makamandag na pana ang kanilang mga dila,
    lahat ng sinasabi ay pawang pandaraya.
Magandang mangusap sa kanilang kapwa,
    ngunit ang totoo, balak nila ay masama.
Hindi ba nararapat na parusahan ko sila?
    Hindi ba dapat lang na maghiganti ako sa kanila?
Ako, si Yahweh, ang nagsasabi nito.”

10 Ang sabi ni Jeremias, “Ang mga bundok ay aking tatangisan,
    at iiyakan ko ang mga pastulan;
sapagkat natuyo na ang mga damo, at wala nang nagdaraang tao.
Hindi na naririnig ang unga ng mga baka;
    pati mga ibon at hayop sa gubat ay nag-alisan na.”

11 Ang sabi ni Yahweh: “Ang Jerusalem ay wawasakin ko.
    Kanyang mga pader, paguguhuin ko,
    at wala nang maninirahan doon kundi mga asong-gubat.
Magiging disyerto, mga lunsod ng Juda,
    wala nang taong doon ay titira.”

12 At nagtanong si Jeremias, “Yahweh, bakit po nasalanta ang lupain at natuyo tulad sa isang disyerto, kaya wala nang may gustong dumaan? Sinong matalino ang makakaunawa nito? Kanino ninyo ipinaliwanag ang nangyaring ito upang masabi naman niya sa iba?”

13 Sumagot si Yahweh, “Nangyari ito sapagkat tinalikuran ng aking bayan ang kautusang ibinigay ko sa kanila at hindi sila sumunod sa akin. 14 Sa halip, nagmatigas sila at sumamba sa diyus-diyosang si Baal, gaya ng itinuro ng kanilang mga magulang. 15 Kaya, akong si Yahweh, ang Makapangyarihan sa lahat, ang Diyos ng Israel, ganito ang gagawin ko. Mapapait na halaman ang ipapakain ko sa kanila at tubig na may lason ang ipapainom ko sa kanila. 16 Pangangalatin ko sila sa iba't ibang bansa, mga bansang ni hindi man lamang nabalitaan ng kanilang mga magulang. At magpapadala ako ng mga hukbong sasalakay sa kanila hanggang sa lubusan silang malipol.”

Napapasaklolo ang mga Taga-Jerusalem

17 Ang sabi ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat:
“Isipin ninyo ang mga nangyayari!
Tawagin ninyo ang mga taga-iyak,
    ang mga babaing sanay managhoy.”

18 Sabi naman ng mga tao,
“Pagmadaliin sila upang managhoy para sa atin,
    hanggang sa bumalong ang ating mga luha
    at mamugto sa pag-iyak ang ating mga mata.”

19 Dinggin mo ang panaghoy sa Zion,
“Nasalanta na tayo!
    Napakalaking kahihiyan nito!
Lisanin na natin ang ating lupain;
    sapagkat wasak na, mga tahanan natin.”

20 Sinabi naman ni Jeremias,
“Mga babae, pakinggan ninyo si Yahweh,
    at unawain ang kanyang sinasabi.
Turuan ninyong managhoy ang inyong mga anak na babae,
    gayon din ang kanilang mga kaibigan.
21 Nakapasok na ang kamatayan sa ating mga tahanan,
    at sa magagarang palasyo;
pinuksa niya ang mga batang nasa lansangan,
    at ang mga kabataang nasa pamilihan.
22 Nagkalat kahit saan ang mga bangkay,
    tila bunton ng dumi sa kabukiran,
    parang uhay na ginapas ng mga mang-aani
    at saka iniwang walang nag-iipon.
Ito ang ipinapasabi sa akin ni Yahweh.”

23 Ang sabi ni Yahweh:
“Huwag ipagmayabang ng matatalino ang kanyang karunungan
    o ng malakas ang lakas na kanyang taglay
    ni ng mayaman ang kanyang kayamanan.
24 Kung(A) may nais magmalaki,
    ang ipagmalaki niya'y ang pagkakilala't pagkaunawa sa akin,
sapagkat ang aking pag-ibig ay hindi nagbabago,
    makatarungan at matuwid ang mga ginagawa ko.
Ito ang mga bagay na nais ko.
Ako, si Yahweh, ang nagsasabi nito.”

25 Sinabi pa ni Yahweh, “Darating ang panahong paparusahan ko ang lahat ng tinuli ngunit ang puso'y hindi naman nababago; 26 mga taga-Egipto, Juda, Edom, Ammon, Moab at lahat ng naninirahan sa disyerto at ang mga nagpuputol ng kanilang buhok. Sila at lahat ng mga taga-Israel ay hindi pa nagkakaroon ng panloob na pagbabago bagaman sila ay tinuli ayon sa laman.”

Mateo 23

Ang Katuruan tungkol sa Pagpapakumbaba(A)

23 Pagkatapos ay sinabi ni Jesus sa mga tao at sa kanyang mga alagad, “Ang mga tagapagturo ng Kautusan at ang mga Pariseo ang kinikilalang tagapagpaliwanag ng Kautusan ni Moises.[a] Kaya't gawin ninyo ang itinuturo nila at sundin ang kanilang iniuutos, ngunit huwag ninyong tularan ang kanilang ginagawa sapagkat hindi nila isinasagawa ang kanilang ipinapangaral. Nagpapataw sila ng mabibigat na pasanin sa mga tao, ngunit ni daliri ay ayaw nilang igalaw upang tumulong sa pagpasan ng mga iyon. Pawang(B) pakitang-tao ang kanilang mga gawa. Nilalaparan nila ang mga lalagyan ng talata sa kanilang noo at braso, at hinahabaan ang palawit sa laylayan ng kanilang mga damit.[b] Ang nais nila ay ang mga upuang pandangal sa mga handaan at ang mga pangunahing upuan sa sinagoga. Gustung-gusto nilang binabati sila sa mga palengke, at tawaging ‘guro.’ Ngunit, huwag kayong patawag na ‘guro,’ sapagkat iisa ang inyong Guro at kayong lahat ay magkakapatid. Huwag ninyong tawaging ama ang sinumang tao sa lupa sapagkat iisa ang inyong Ama, ang Ama na nasa langit. 10 Huwag kayong patawag na tagapagturo, sapagkat iisa ang inyong tagapagturo, ang Cristo. 11 Ang(C) pinakadakila sa inyo ay magiging lingkod ninyo. 12 Ang(D) nagmamataas ay ibababa, at ang nagpapakumbaba ay itataas.”

Tinuligsa ni Jesus ang mga Tagapagturo ng Kautusan at ang mga Pariseo(E)

13 “Kahabag-habag kayo, mga tagapagturo ng Kautusan at mga Pariseo! Mga mapagkunwari! Hinahadlangan ninyo ang mga tao upang hindi sila makapasok sa kaharian ng langit. Hindi na nga kayo pumapasok, hinahadlangan pa ninyo ang mga nais pumasok! [14 Kahabag-habag kayo, mga tagapagturo ng Kautusan at mga Pariseo! Mga mapagkunwari! Inuubos ninyo ang kabuhayan ng mga biyuda at ang idinadahilan ninyo'y ang pagdarasal ng mahahaba! Dahil dito'y lalo pang bibigat ang parusa sa inyo!][c]

15 “Kahabag-habag kayo, mga tagapagturo ng Kautusan at mga Pariseo! Mga mapagkunwari! Nilalakbay ninyo ang karagatan at ginagalugad ang buong daigdig makahikayat lamang kayo ng kahit isang Hentil sa pananampalatayang Judio. Ngunit kapag ito'y nahikayat na, ginagawa ninyo siyang masahol pa at lalong dapat parusahan sa impiyerno kaysa sa inyo.

16 “Kahabag-habag kayo, mga bulag na taga-akay! Itinuturo ninyo na kung gagamitin ninuman ang Templo sa panunumpa, walang halaga ito. Ngunit kung ang gagamitin niya sa panunumpa ay ang ginto ng Templo, dapat niyang tuparin ang kanyang sumpa. 17 Mga bulag! Mga hangal! Alin ba ang mas mahalaga, ang ginto, o ang Templong nagpapabanal sa ginto? 18 Sinasabi rin ninyo na kung gagamitin ninuman ang dambana sa panunumpa, walang halaga ito. Ngunit kung ang gagamitin niya ay ang handog na nasa dambana, dapat niyang tuparin ang kanyang sumpa. 19 Mga bulag! Alin ba ang mas mahalaga, ang handog o ang dambana na nagpapabanal sa handog? 20 Kaya nga, kapag nanumpa ang sinuman na saksi ang dambana, ginagawa niyang saksi ito at ang lahat ng handog dito. 21 Kapag nanumpa ang sinuman na saksi niya ang Templo, ginagawa niyang saksi ito at ang Diyos na nasa Templo. 22 At(F) kapag nanumpa ang sinuman na saksi niya ang langit, ginagawa niyang saksi ang trono ng Diyos at ang Diyos na nakaupo doon.

23 “Kahabag-habag(G) kayo, mga tagapagturo ng Kautusan at mga Pariseo! Mga mapagkunwari! Nagbibigay kayo ng ikasampung bahagi ng maliliit na halamang tulad ng yerbabuena, ruda at linga ngunit kinakaligtaan naman ninyong isagawa ang mas mahahalagang turo sa Kautusan: ang katarungan, ang pagkahabag, at ang katapatan. Dapat ninyong gawin ang mga ito nang hindi kinakaligtaan ang ibang utos. 24 Mga bulag na taga-akay! Sinasala ninyo ang kulisap sa inyong inumin, ngunit nilulunok naman ninyo ang kamelyo!

25 “Kahabag-habag kayo, mga tagapagturo ng Kautusan at mga Pariseo! Mga mapagkunwari! Nililinis ninyo ang labas ng tasa at pinggan, ngunit ang mga iyon ay puno ng kasakiman at pagiging makasarili. 26 Bulag na Pariseo! Linisin mo muna ang nasa loob ng tasa [at pinggan][d] at magiging malinis din ang labas nito!

27 “Kahabag-habag(H) kayo, mga tagapagturo ng Kautusan at mga Pariseo! Mga mapagkunwari! Ang katulad ninyo'y mga libingang pinaputi, magaganda sa labas, ngunit ang loob ay bulok at puno ng kalansay. 28 Ganyang-ganyan kayo! Sa paningin ng tao'y mabubuti, ngunit ang totoo'y punung-puno kayo ng pagkukunwari at kasamaan.”

Paparusahan ang mga Mapagkunwari(I)

29 “Kahabag-habag kayo, mga tagapagturo ng Kautusan at mga Pariseo! Mga mapagkunwari! Nagpapagawa kayo ng libingan para sa mga propeta, at pinapaganda ang mga puntod ng mga taong namuhay nang matuwid. 30 Sinasabi pa ninyo, ‘Kung kami sana'y nabuhay sa kapanahunan ng aming mga ninuno, hindi kami makikiisa sa pagpatay sa mga propeta.’ 31 Sa sinabi ninyong iyan, inaamin ninyong kayo'y mga anak ng mga pumaslang sa mga propeta! 32 Sige! Tapusin ninyo ang sinimulan ng inyong mga ninuno! 33 Mga(J) ahas! Lahi ng mga ulupong! Hindi kayo makakaiwas na maparusahan sa impiyerno! 34 Kaya nga, magsusugo ako sa inyo ng mga propeta, mga matatalinong tao at mga tagapagturo! Papatayin ninyo ang ilan sa kanila, at ang iba'y ipapako sa krus. Ang iba'y hahagupitin ninyo sa inyong mga sinagoga at uusigin sa bayan-bayan. 35 Kaya(K) nga, paparusahan kayo dahil sa pagkamatay ng lahat ng taong pinatay na walang sala, magmula kay Abel hanggang kay Zacarias na anak ni Baraquias. Pinaslang ninyo si Zacarias sa pagitan ng Templo at ng dambanang sunugan ng mga handog. 36 Tandaan ninyo: ang parusa sa lahat ng mga pagpatay na iyon ay babagsak sa salinlahing ito.”

Ang Pag-ibig ni Jesus sa Jerusalem(L)

37 “Jerusalem, Jerusalem! Pinapatay mo ang mga propeta at binabato ang mga isinugo sa iyo! Ilang ulit kong sinikap na kupkupin ang iyong mga anak, kung paano tinitipon ng isang inahin ang kanyang mga sisiw sa ilalim ng kanyang mga pakpak, ngunit ayaw ninyo. 38 Kaya't(M) ang inyong Templo ay iiwan na lubusang pinabayaan. 39 Sinasabi(N) ko sa inyo, hindi na ninyo ako makikita hanggang dumating ang oras na sabihin ninyo, ‘Pinagpala ang dumarating sa pangalan ng Panginoon!’”

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.