Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

M’Cheyne Bible Reading Plan

The classic M'Cheyne plan--read the Old Testament, New Testament, and Psalms or Gospels every day.
Duration: 365 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Josue 24

Nagsalita si Josue sa mga Tao sa Shekem

24 Tinipon ni Josue sa Shekem ang lahat ng lipi ng Israel. Pinapunta niya roon ang matatandang namumuno, mga tagapangasiwa, ang mga hukom at ang mga opisyal ng Israel, at sila'y humarap sa Diyos. Sinabi(A) niya, “Ito ang ipinapasabi sa inyo ni Yahweh, ang Diyos ng Israel: ‘Noong una, ang inyong mga ninuno ay nanirahan sa kabila ng Ilog Eufrates. Isa sa mga ito si Terah na ama ni Abraham at ni Nahor. Sumamba sila sa mga diyus-diyosan. Tinawag(B) ko si Abraham buhat sa lupaing iyon at dinala ko siya at pinatnubayan sa buong lupain ng Canaan. Pinarami ko ang lahing nagmula sa kanya. Ibinigay ko sa kanya si Isaac, at(C) kay Isaac ay ibinigay ko si Jacob at si Esau. Ibinigay ko kay Esau ang kaburulan ng Seir bilang bahagi niya. Ngunit si Jacob at ang kanyang mga anak ay nagpunta sa Egipto. Isinugo(D) ko si Moises at si Aaron, at sa pamamagitan ng mga salot ay pinahirapan ko ang mga Egipcio. Pagkatapos ay inilabas ko kayo roon. Inilabas(E) ko sa Egipto ang inyong mga ninuno at nakarating sila sa Dagat na Pula.[a] Hinabol sila ng mga Egipciong sakay ng mga karwahe at kabayo hanggang sa may dagat. Ang inyong mga ninuno'y humingi ng tulong sa akin, at naglagay ako ng dilim sa pagitan nila at ng mga Egipcio. Pinagsama kong muli ang nahating dagat at sila'y natabunan ng tubig. Nasaksihan ninyo ang mga ginawa ko sa mga Egipcio. At matagal kayong nanirahan sa ilang.

“‘Pagkatapos,(F) dinala ko kayo sa lupain ng mga Amoreo sa silangan ng Jordan. Nilabanan nila kayo, ngunit pinagtagumpay ko kayo laban sa kanila. Pinuksa ko sila at nasakop ninyo ang kanilang lupain. Nilabanan(G) kayo ng hari ng Moab na si Balac na anak ni Zippor at isinugo niya si Balaam na anak ni Beor upang sumpain kayo. 10 Ngunit hindi ko hinayaang gawin ni Balaam iyon, sa halip pinagpala niya kayo. Sa ganoon, iniligtas ko kayo sa kamay ni Balac. 11 Tumawid(H) kayo ng Jordan at nakarating sa Jerico. Nilabanan kayo ng mga taga-Jerico at ng mga Amoreo, Perezeo, Cananeo, Heteo, Gergeseo, Hivita, at Jebuseo. Ngunit sila'y ibinigay ko sa inyong kapangyarihan. 12 Parang(I) hinabol ng mga putakti na nagtakbuhan ang dalawang haring Amoreo at pinalayas ko sila bago kayo dumating. Walang kinalaman sa pangyayaring iyon ang inyong mga tabak at pana. 13 Binigyan(J) ko kayo ng lupaing hindi ninyo binungkal. Pinatira ko kayo sa mga lunsod na hindi kayo ang nagtayo. Kumakain kayo ngayon ng ubas at olibo na galing sa mga punong hindi kayo ang nagtanim.’

14 “Kaya ngayon, sambahin ninyo si Yahweh at paglingkuran ninyo siya nang buong puso't katapatan. Alisin ninyo ang mga diyus-diyosang dating sinasamba ng inyong mga ninuno sa Mesopotamia at sa Egipto. Si Yahweh lamang ang inyong paglingkuran. 15 At kung ayaw ninyong maglingkod kay Yahweh, pumili kayo ngayon kung sino ang inyong paglilingkuran: ang mga diyos na pinaglingkuran ng inyong mga ninuno sa Mesopotamia, o ang mga diyos ng mga Amoreo, na sinasamba dito sa lupaing inyong tinitirhan. Ngunit para sa akin at sa aking sambahayan, kay Yahweh kami maglilingkod.”

16 Sumagot ang bayan, “Hindi namin magagawang talikuran si Yahweh at maglingkod sa ibang diyos! 17 Si Yahweh, na ating Diyos, ang siyang humango sa atin sa pagkaalipin sa Egipto. Nasaksihan din namin ang mga kababalaghang ginawa niya upang tayo'y maingatan saanman tayo makarating at mailigtas sa mga kaaway sa mga bansang ating dinaanan. 18 Pagdating natin, pinalayas ni Yahweh sa lupaing ito ang mga Amoreong nanirahan dito. Kaya't kay Yahweh rin kami maglilingkod sapagkat siya ang aming Diyos.”

19 Ngunit sinabi ni Josue sa taong-bayan, “Hindi ninyo kayang maglingkod kay Yahweh sapagkat siya'y isang Diyos na banal at siya'y mapanibughuing Diyos. Hindi niya palalampasin ang inyong mga pagsuway at pagkakasala. 20 Kapag tinalikuran ninyo siya at naglingkod kayo sa mga diyos ng ibang bansa, kapopootan niya kayo at paparusahan. Hindi niya panghihinayangang lipulin kayo sa kabila ng kanyang mga kabutihan sa inyo.”

21 Sumagot ang taong-bayan kay Josue, “Hindi po mangyayari iyan! Kay Yahweh kami maglilingkod.”

22 Sinabi ni Josue, “Kayo na rin ang mga saksi na pinili ninyong paglingkuran si Yahweh.”

Sumagot naman sila, “Opo! Saksi kami.”

23 Sinabing muli ni Josue, “Kung gayon, itapon ninyo ang mga diyus-diyosang iniingatan pa ninyo. Manumpa kayo kay Yahweh, sa Diyos ng Israel.”

24 Sumagot muli ang mga tao, “Maglilingkod kami kay Yahweh na aming Diyos at susundin namin ang kanyang mga utos.”

25 Kaya, nang araw na iyon ay gumawa si Josue ng kasunduan para tuparin ng sambayanan. Binigyan niya sila sa Shekem ng mga batas at tuntunin. 26 Isinulat ni Josue ang mga batas na ito sa Aklat ng Kautusan ng Diyos. Kumuha siya ng isang malaking bato, itinayo sa lilim ng sagradong puno sa Banal na Lugar ni Yahweh. 27 At sinabi niya sa lahat, “Tingnan ninyo ang batong ito. Ito ang ating saksi. Narinig nito ang lahat ng sinabi sa atin ni Yahweh. Ito rin ang magiging saksi laban sa inyo, kapag kayo'y tumalikod sa Diyos.” 28 Pagkatapos, pinaalis na ni Josue ang mga tao, at umuwi sila sa kani-kanilang lupain.

Ang Pagkamatay ni Josue at ni Eleazar

29 Lumipas ang sandaling panahon at ang lingkod ni Yahweh na si Josue, na anak ni Nun, ay namatay sa gulang na 110 taon. 30 Inilibing(K) siya sa kanyang sariling lupain sa Timnat-sera, sa kaburulan ng Efraim, hilaga ng Bundok ng Gaas.

31 Naglingkod kay Yahweh ang sambayanang Israel habang nabubuhay si Josue. Kahit wala na siya, nanatili pa rin silang tapat kay Yahweh habang nabubuhay ang mga pinunong nakasaksi sa lahat ng mga ginawa ni Yahweh para sa Israel.

32 Dinala(L) ng bayang Israel ang mga buto ni Jose nang sila'y umalis sa Egipto. Ibinaon nila ito sa Shekem, sa lupaing binili ni Jacob sa mga anak ni Hamor, na ama ni Shekem, sa halagang sandaang pirasong pilak. Ang lupaing ito ay kasama sa naging bahagi ng mga anak ni Jose.

33 Namatay din si Eleazar na anak ni Aaron at inilibing sa Gibea, ang bayang ibinigay sa anak niyang si Finehas sa kaburulan ng Efraim.

Mga Gawa 4

Sina Pedro at Juan sa Harap ng Kataas-taasang Kapulungan ng mga Judio

Nagsasalita pa sina Pedro at Juan sa mga taong bayan nang dumating ang mga paring Judio,[a] ang kapitan ng mga bantay sa Templo at ang mga Saduseo. Galit na galit sila sa dalawang apostol dahil itinuturo ng mga ito sa mga tao na si Jesus ay muling nabuhay, at iyon ang katibayan na muling mabubuhay ang mga patay. Kaya't dinakip nila ang dalawa, at ikinulong muna hanggang kinabukasan sapagkat gabi na noon. Gayunman, marami sa nakarinig ng kanilang pangangaral ang sumampalataya kay Jesus, kaya't umabot sa limanlibo ang bilang ng mga lalaki.

Kinabukasan, nagtipon sa Jerusalem ang mga pinuno ng mga Judio, ang mga matatandang namumuno sa bayan at ang mga tagapagturo ng Kautusan. Kasama nila si Anas, ang pinakapunong pari, si Caifas, si Juan, si Alejandro, at ang iba pang mga kamag-anak ng pinakapunong pari. Pinatayo nila sa harap ang mga apostol at tinanong, “Sa anong kapangyarihan o sa kaninong pangalan ninyo ginagawa ang bagay na ito?”

Sumagot si Pedro na puspos ng Espiritu Santo, “Mga tagapanguna at mga pinuno ng bayan, kung sinisiyasat ninyo kami ngayon tungkol sa kabutihang ginawa namin sa lumpong ito at kung paano siya gumaling, 10 nais kong malaman ninyong lahat at ng buong Israel na ang taong ito ay nakatayo sa inyong harapan at lubusang gumaling dahil sa kapangyarihan ng pangalan ni Jesu-Cristo na taga-Nazaret, na inyong ipinako sa krus ngunit muling binuhay ng Diyos. 11 Ang(A) Jesus na ito

‘Ang batong itinakwil ninyong mga tagapagtayo ng bahay,
    ang siyang naging batong-panulukan.’

12 Sa kanya lamang matatagpuan ang kaligtasan, sapagkat walang ibang pangalan sa buong daigdig na ibinigay ng Diyos sa mga tao upang tayo ay maligtas.”

13 Nagtaka ang buong Kataas-taasang Kapulungan ng mga Judio sa katapangang ipinakita nina Pedro at Juan, lalo na nang malaman nilang mga karaniwang tao lamang ang mga ito at hindi nakapag-aral. Nabatid nilang dating kasamahan ni Jesus ang mga ito. 14 Ngunit dahil kaharap nila ang taong pinagaling, na nakatayo sa tabi nina Pedro at Juan, wala silang masabi laban sa dalawa. 15 Kaya't ang dalawa ay pinalabas muna ng Kapulungan, at saka sila nag-usap. 16 “Ano ang gagawin natin sa mga taong ito?” tanong nila. “Hayag na sa buong Jerusalem na isang pambihirang himala ang naganap sa pamamagitan nila at hindi natin ito maikakaila. 17 Upang huwag nang kumalat ang balita tungkol dito, pagsabihan na lamang natin sila na huwag nang magsalita kaninuman sa pangalan ni Jesus.” 18 Kaya't muli nilang ipinatawag sina Pedro at pinagsabihang huwag nang magsalita o magturo pang muli sa pangalan ni Jesus.

19 Subalit sumagot sina Pedro at Juan, “Kayo na ang humatol kung alin ang tama sa paningin ng Diyos, ang sumunod sa inyo o ang sumunod sa Diyos. 20 Hindi maaaring di namin ipahayag ang aming nakita at narinig.”

21 Wala silang makitang paraan upang parusahan ang dalawa, sapagkat ang mga tao'y nagpupuri sa Diyos dahil sa nangyari. Kaya't binalaan nila ang dalawa nang lalo pang mahigpit, at saka pinalaya. 22 Ang lalaking pinagaling ay mahigit nang apatnapung taong gulang.

Panalangin Upang Magkaroon ng Katapangan

23 Nang palayain na sina Pedro at Juan, pumunta sila sa mga kasamahan nila at ibinalita ang sinabi ng mga punong pari at ng mga pinuno ng bayan. 24 Nang(B) marinig ito ng mga mananampalataya, sama-sama silang nanalangin sa Diyos, “Panginoon, kayo po ang lumikha ng langit at ng lupa, ng dagat at ng lahat ng nasa mga ito! 25 Kayo(C) po ang nagsalita sa pamamagitan ng aming ninunong si David na inyong lingkod nang sabihin niya sa patnubay ng Espiritu Santo,

‘Bakit galit na galit ang mga Hentil,
    at ang mga tao'y nagbalak ng mga bagay na walang kabuluhan?
26 Naghanda para sa digmaan ang mga hari sa lupa,
    at nagtipon ang mga pinuno
    laban sa Panginoon at sa kanyang Hinirang[b].’

27 Nagkatipon(D) nga sa lungsod na ito sina Herodes at Poncio Pilato, kasama ang mga Hentil at ang buong Israel, laban sa inyong banal na Lingkod na si Jesus, ang inyong Hinirang. 28 Nagkatipon sila upang isagawa ang lahat ng bagay na inyong itinakda noong una pa man ayon sa inyong kapangyarihan at kalooban. 29 At ngayon, Panginoon, tingnan ninyo, pinagbabantaan nila kami. Bigyan ninyo ng katapangan ang inyong mga alipin upang ipangaral ang inyong salita. 30 Iunat ninyo ang inyong kamay upang magpagaling, at loobin ninyo na sa pangalan ng inyong banal na Lingkod[c] na si Jesus ay makagawa kami ng mga himala.”

31 Pagkatapos nilang manalangin, nayanig ang kanilang pinagtitipunan. Silang lahat ay napuspos ng Espiritu Santo at buong tapang na nangaral ng salita ng Diyos.

Ang Pagtutulungan ng mga Mananampalataya

32 Nagkaisa(E) ang damdamin at isipan ng lahat ng mananampalataya, at di itinuring ninuman na sarili niya ang kanyang mga ari-arian, kundi para sa lahat. 33 Taglay ang dakilang kapangyarihan, ang mga apostol ay patuloy na nagpapatotoo tungkol sa muling pagkabuhay ng Panginoong Jesus.[d] At ang masaganang pagpapala ay tinaglay nilang lahat. 34 Walang kinakapos sa kanila sapagkat ipinagbibili nila ang kani-kanilang lupa o bahay, at ang pinagbilhan 35 ay ipinagkakatiwala nila sa mga apostol. Ipinamamahagi naman iyon ayon sa pangangailangan ng bawat isa.

36 Ganoon ang ginawa ni Jose, isang Levitang taga-Cyprus, na tinawag ng mga apostol na Bernabe, na ang ibig sabihi'y “Anak ng Pagpapalakas-loob.” 37 Ipinagbili niya ang kanyang bukid at ipinagkatiwala sa mga apostol ang pinagbilhan.

Jeremias 13

Ang Talinghaga ng mga Damit-panloob

13 Ganito ang utos sa akin ni Yahweh, “Bumili ka ng mga damit-panloob na yari sa linen at iyong isuot ngunit huwag mong babasain.” Kaya bumili nga ako ng damit-panloob, ayon sa sinabi ni Yahweh, at aking isinuot. Pagkatapos ay inutusan akong muli ni Yahweh, “Pumunta ka sa Ilog Eufrates; hubarin mo ang damit-panloob, at iyong itago sa isang butas sa bato.” Kaya ginawa ko ang iniutos sa akin ni Yahweh at pagkatapos, ako'y umuwi.

Makalipas ang maraming araw, pinabalik niya ako sa Eufrates upang kunin ang mga damit-panloob na kanyang ipinatago. Nagbalik naman ako sa Eufrates at kinuha ang damit sa aking pinagtaguan. Ngunit sira na ito at hindi na mapapakinabangan.

Muling nagsalita si Yahweh, “Ganyan ang gagawin ko sa palalong Juda at sa mas palalo pang Jerusalem. 10 Ang masasamang taong ito'y hindi sumunod sa aking mga utos; lalo silang nagmatigas at sinunod ang kanilang sariling kagustuhan. Sumamba pa sila at naglilingkod sa mga diyus-diyosan. Matutulad sila sa sirang damit-panloob na wala nang kabuluhan. 11 Kung paanong kumakapit sa katawan ng tao ang damit-panloob, gayon ang nais ko sa mga taga-Israel at taga-Juda—na sila'y kumapit sa akin nang mahigpit. Ginawa ko ito upang sila'y maging karapat-dapat na bansang hinirang, at sa gayo'y papurihan nila at parangalan ang aking pangalan. Ngunit ayaw naman nilang sumunod sa akin.”

Ang Talinghaga ng Lalagyan ng Alak

12 Sinabi ni Yahweh kay Jeremias, “Sabihin mo sa kanila na ganito ang ipinapasabi ni Yahweh, ang Diyos ng Israel: Punuin ninyo ng alak ang bawat tapayan. Ganito naman ang isasagot nila, ‘Alam namin na dapat punuin ng alak ang bawat tapayan.’ 13 Pagkatapos, sasabihin mo sa kanila, ‘Ang mga tao sa lupaing ito ay paiinumin ni Yahweh ng alak hanggang sa sila'y malasing: mula sa mga hari na mga salinlahi ni David, mga pari, mga propeta, at lahat ng tao sa Jerusalem. 14 At pagkatapos, pag-uumpug-umpugin ko silang parang mga tapayan hanggang madurog na lahat, matatanda't mga bata. Hindi ko sila kahahabagan kaunti man kapag ginawa ko ito.’”

Nagbababala si Jeremias tungkol sa Kapalaluan

15 Mga Israelita, si Yahweh ay nagpahayag na!
Magpakumbaba kayo at siya'y dinggin.
16 Parangalan ninyo si Yahweh na inyong Diyos,
    bago niya palaganapin ang kadiliman,
    at bago kayo madapa sa mga bundok kapag dumilim na;
bago niya gawing matinding kadiliman
    ang liwanag na inaasahan ninyo.
17 Ngunit kung hindi kayo makikinig,
    palihim akong tatangis dahil sa inyong kapalaluan;
buong kapaitan akong iiyak, at tutulo ang aking mga luha
    sapagkat nabihag ang bayan ko.

18 Sinabi ni Yahweh kay Jeremias, “Sabihin mo sa hari at sa kanyang inang reyna na bumabâ na sa kanilang trono sapagkat naalis na sa kanilang ulo ang magaganda nilang korona. 19 Nasakop na ang mga bayan sa timog ng Juda; wala nang makapasok doon. Dinalang-bihag ang mga taga-Juda at ipapatapong lahat.”

20 Masdan ninyo, mga taga-Jerusalem! Dumarating na mula sa hilaga ang inyong mga kaaway. Nasaan ang mga taong ipinagkatiwala sa inyo, ang bayang ipinagmamalaki ninyo? 21 Ano ang sasabihin mo kapag sinakop ka at pinagharian ng mga taong inakala mong mga kaibigan? Maghihirap ka tulad ng isang babaing nanganganak. 22 At kung itanong mo kung bakit nangyari ito sa iyo: kung bakit napunit ang iyong damit, at kung bakit ka pinagsamantalahan; ang dahilan ay napakabigat ng iyong kasalanan. 23 Kaya bang baguhin ng isang Etiope ang kulay ng kanyang balat o maaalis kaya ng isang leopardo ang kanyang mga batik? Kapag iyan ay nangyari, matututo na rin kayong gumawa ng matuwid, kayo na walang ginagawa kundi pawang kasamaan. 24 Dahil dito, pangangalatin kayo ni Yahweh, tulad ng ipang ipinapadpad ng hangin. 25 “Iyan ang mangyayari sa inyo,” sabi ni Yahweh. “Iyan ang gagawin ko sa inyo, sapagkat ako'y kinalimutan ninyo at naglingkod kayo sa mga diyus-diyosan. 26 Huhubaran kita at malalantad ka sa kahihiyan. 27 Nakita ko ang mga kasuklam-suklam na gawa mo: Ang iyong pagsamba sa mga diyus-diyosang nasa mga burol at kabukiran; tulad ng lalaking nagnanasa sa asawa ng kanyang kapwa, gaya ng kabayong lalaki na humahalinghing pagkakita sa isang kabayong babae. Nakatakda na ang iyong kapahamakan, Jerusalem! Kailan ka pa kaya magsisisi upang maging malinis ka?”

Mateo 27

Dinala si Jesus kay Pilato(A)

27 Kinaumagahan, nagpulong ang mga punong pari at mga pinuno ng bayan[a] kung paano nilang maipapapatay si Jesus. Siya'y kanilang iginapos at dinala kay Pilato na gobernador.

Ang Pagkamatay ni Judas(B)

Nang(C) malaman ng taksil na si Judas na si Jesus ay nahatulang mamatay, nagsisi siya at isinauli sa mga punong pari at mga pinuno ng bayan ang tatlumpung pirasong pilak. Sinabi niya, “Nagkasala ako! Ipinagkanulo ko ang dugo ng taong walang kasalanan.”

“Ano ang pakialam namin sa iyo? Bahala ka sa buhay mo!” sagot nila.

Inihagis ni Judas sa loob ng Templo ang tatlumpung pirasong pilak, at pagkaalis doon, siya'y nagbigti.

Pinulot ng mga punong pari ang mga pirasong pilak. Sinabi nila, “Labag sa Kautusan na ilagay ang salaping ito sa kabang-yaman ng Templo sapagkat bayad ito sa buhay ng isang tao.” Nagkaisa sila na ang salaping iyon ay ibili ng bukid ng isang magpapalayok, upang gawing libingan ng mga dayuhan. Mula noon hanggang ngayon, ang bukid na iyon ay tinatawag na “Bukid ng Dugo.”

Sa(D) gayon, natupad ang sinabi ni propeta Jeremias: “Kinuha nila ang tatlumpung pirasong pilak, ang halagang katumbas niya ayon sa mga Israelita, 10 at ginamit ito upang bilhin ang bukid ng isang magpapalayok, ayon sa iniutos sa akin ng Panginoon.”

Si Jesus sa Harap ni Pilato(E)

11 Iniharap si Jesus sa gobernador at siya'y tinanong nito, “Ikaw nga ba ang Hari ng mga Judio?”

Sumagot si Jesus, “Ikaw na ang may sabi.” 12 Ngunit nang paratangan siya ng mga punong pari at ng mga pinuno ng bayan, hindi siya umimik.

13 Kaya't sinabi sa kanya ni Pilato, “Hindi mo ba naririnig ang marami nilang paratang laban sa iyo?” 14 Ngunit hindi pa rin siya umimik kaya't labis na nagtaka ang gobernador.

Hinatulang Mamatay si Jesus(F)

15 Nakaugalian na ng gobernador na tuwing Paskwa ay magpalaya ng isang bilanggo na hinihiling ng taong-bayan. 16 Noon ay may isang kilalang bilanggo na kilala sa kasamaan na ang pangalan ay [Jesus] Barabbas.[b] 17 Nang magkatipon ang mga tao ay tinanong sila ni Pilato, “Sino ang ibig ninyong palayain ko, si Jesus Barabbas, o si Jesus na tinatawag na ‘Cristo’?” 18 Alam ni Pilato na naiinggit lamang sila kaya nila isinakdal si Jesus.

19 Bukod dito, nang si Pilato ay nakaupo sa hukuman, nagpasabi ang kanyang asawa, “Huwag kang makialam sa usapin ng taong iyan. Wala siyang kasalanan. Labis akong nahirapan dahil sa aking panaginip kagabi tungkol sa kanya.”

20 Ang mga tao nama'y hinikayat ng mga punong pari at ng mga pinuno ng bayan[c] na hilingin kay Pilato na si Barabbas ang palayain at si Jesus ay ipapatay. 21 Muli silang tinanong ng gobernador, “Sino sa dalawa ang nais ninyong palayain ko?”

“Si Barabbas!” sigaw ng mga tao.

22 Sinabi sa kanila ni Pilato, “Kung gayon, ano ang gagawin ko kay Jesus, na tinatawag na Cristo?”

At sumagot ang lahat, “Ipako siya sa krus!”

23 “Bakit? Ano ang nagawa niyang masama?” tanong ni Pilato.

Ngunit lalo pang lumakas ang kanilang sigawan, “Ipako siya sa krus!”

24 Nang(G) makita ni Pilato na wala siyang magagawa, at malamang pa'y magkagulo, nagpakuha siya ng tubig at naghugas ng kamay sa harap ng mga tao. “Wala akong pananagutan sa dugo[d] ng taong ito. Ito'y pananagutan ninyo!” sabi niya.

25 Sumagot naman ang mga tao, “Pananagutan namin at ng aming mga anak ang dugo[e] niya.”

26 Pinalaya nga ni Pilato si Barabbas at ipinahagupit naman si Jesus. Pagkatapos, ibinigay siya sa kanila upang ipako sa krus.

Hinamak ng mga Kawal si Jesus(H)

27 Si Jesus ay dinala ng mga kawal ng gobernador sa palasyo nito,

at nagkatipon ang buong batalyon sa paligid niya. 28 Siya'y hinubaran nila at sinuotan ng isang balabal na matingkad na pula. 29 Kumuha sila ng matitinik na baging, ginawa itong korona at ipinutong sa kanya. Pagkatapos, pinahawak sa kanyang kanang kamay ang isang tangkay ng tambo. Siya'y niluhud-luhuran nila at kinutya ng ganito, “Mabuhay ang Hari ng mga Judio!” 30 Siya'y pinagduduraan pa nila. Kinuha nila ang tambo at ito'y inihampas sa kanyang ulo. 31 Matapos kutyain, hinubad nila ang balabal at muling sinuotan ng sarili niyang damit. Pagkatapos, inilabas siya upang ipako sa krus.

Ipinako sa Krus si Jesus(I)

32 Paglabas ng lungsod, nakita ng mga sundalo si Simon na taga-Cirene. Pilit nilang ipinapasan sa kanya ang krus ni Jesus. 33 Dumating sila sa lugar na tinatawag na Golgotha, na ang kahulugan ay “Pook ng Bungo.” 34 Binigyan(J) nila si Jesus ng alak na hinaluan ng apdo, ngunit nang matikman niya iyon ay hindi niya ininom.

35 Nang(K) maipako na siya sa krus, pinaghati-hatian ng mga kawal ang kanyang mga damit sa pamamagitan ng palabunutan, 36 naupo sila at siya'y binantayan. 37 Inilagay nila sa kanyang ulunan ang paratang laban sa kanya na may nakasulat na ganito, “Ito'y si Jesus na Hari ng mga Judio.” 38 At may dalawang magnanakaw na ipinako rin sa krus, isa sa gawing kanan at isa sa kaliwa.

39 Kinukutya(L) siya ng mga nagdaraan. Pailing-iling nilang 40 sinasabi,(M) “Di ba't ikaw ang gigiba ng Templo at muling magtatayo nito sa loob ng tatlong araw? Iligtas mo ngayon ang iyong sarili! Kung ikaw nga ang Anak ng Diyos, bumabâ ka sa krus!”

41 Kinutya rin siya ng mga punong pari, mga tagapagturo ng Kautusan at mga pinuno ng bayan.[f] Sinabi nila, 42 “Iniligtas niya ang iba ngunit hindi niya mailigtas ang sarili! Di ba siya ang Hari ng Israel? Bumabâ lang siya ngayon sa krus ay maniniwala na kami sa kanya! 43 Nananalig(N) siya sa Diyos, at sinasabi niyang siya ang Anak ng Diyos. Tingnan natin kung ililigtas siya ng Diyos!”

44 Nilait din siya ng mga magnanakaw na ipinakong kasama niya.

Ang Pagkamatay ni Jesus(O)

45 Mula sa tanghaling tapat hanggang sa ikatlo ng hapon ay nagdilim sa buong lupain. 46 Nang(P) mag-aalas tres na ng hapon, sumigaw si Jesus, “Eli, Eli, lema sabachthani?” na ang ibig sabihi'y “Diyos ko, Diyos ko, bakit mo ako pinabayaan?”

47 Ito'y narinig ng ilan sa mga nakatayo roon kaya't sinabi nila, “Tinatawag niya si Elias!” 48 May(Q) isang tumakbo kaagad at kumuha ng espongha, binasâ ito ng maasim na alak, inilagay sa dulo ng isang patpat at ipinasipsip kay Jesus.

49 Sinabi naman ng iba, “Hintay muna, tingnan natin kung darating si Elias upang iligtas siya!”

50 Muling sumigaw si Jesus nang malakas at siya'y nalagutan ng hininga.

51 Biglang(R) nahati ang tabing ng Templo, mula sa itaas hanggang sa ibaba. Nayanig ang lupa at nabiyak ang mga bato. 52 Nabuksan ang mga libingan at muling nabuhay ang maraming banal na namatay. 53 Lumabas sila ng libingan, at pagkatapos na muling mabuhay si Jesus, sila'y pumasok sa banal na lungsod at doo'y marami ang nakakita sa kanila.

54 Nasindak ang opisyal at ang mga kawal na nagbabantay kay Jesus nang maramdaman nila ang lindol at masaksihan ang lahat ng nangyari. Sabi nila, “Tunay na siya'y Anak ng Diyos!”

55 Naroon(S) din ang maraming mga babaing nakatanaw mula sa malayo. Sila'y sumunod kay Jesus mula pa sa Galilea, at naglingkod sa kanya. 56 Kabilang sa kanila si Maria Magdalena, si Maria na ina ni Santiago at ni Jose, at ang asawa ni Zebedeo.

Ang Paglilibing kay Jesus(T)

57 Pagsapit ng dilim, dumating si Jose, isang mayamang taga-Arimatea na tagasunod din ni Jesus. 58 Hiningi niya kay Pilato ang bangkay ni Jesus, kaya't iniutos ni Pilato na ibigay ito kay Jose. 59 Nang makuha na ang bangkay, binalutan niya ito ng malinis na tela ng lino. 60 Inilagay niya ito sa kanyang bagong libingan na ipinauka niya sa bato. Pagkatapos, iginulong niya sa pintuan ang isang malaking batong panakip, at saka umalis. 61 Naroon sina Maria Magdalena at ang isa pang Maria na nakaupo sa tapat ng libingan.

Ang mga Bantay sa Libingan

62 Kinabukasan, pagkatapos ng Araw ng Paghahanda, sama-samang nagpunta kay Pilato ang mga punong pari at ang mga Pariseo. 63 Sinabi(U) nila, “Naalala po namin na sinabi ng mapagpanggap na iyon noong siya'y nabubuhay pa, na siya'y muling mabubuhay pagkaraan ng tatlong araw. 64 Kaya pabantayan po sana ninyong mabuti ang libingan hanggang sa ikatlong araw. Baka pumunta doon ang kanyang mga alagad at kunin ang bangkay at pagkatapos ay ipamalitang siya'y muling nabuhay. Ang pandarayang ito ay magiging masahol pa kaysa una.”

65 Sinabi sa kanila ni Pilato, “Kumuha kayo ng mga kawal at pabantayan ninyong mabuti ang libingan.”

66 Kaya pumunta nga sila roon at tiniyak na hindi mabubuksan ang libingan, nilagyan ng tatak ang batong panakip sa libingan, at pinabantayan ito sa kawal.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.