Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

M’Cheyne Bible Reading Plan

The classic M'Cheyne plan--read the Old Testament, New Testament, and Psalms or Gospels every day.
Duration: 365 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Josue 20-21

Ang mga Lunsod-Kanlungan

20 Sinabi(A) ni Yahweh kay Josue, “Sabihin(B) mo sa bayang Israel na pumili sila ng mga lunsod-kanlungan ayon sa sinabi ko kay Moises. Ang makapatay nang di sinasadya ay maaaring tumakbo roon upang makaligtas sa paghihiganti ng namatayan. Maaari siyang tumakbo sa isa sa mga lunsod na ito, humarap sa hukuman na nasa pagpasok ng lunsod, at ipaliwanag sa matatanda ang nangyari. Papapasukin siya, at doon papatirahin. Kapag sinundan siya roon ng mga nagnanais maghiganti, hindi siya isusuko ng mga tagaroon sapagkat nakamatay siya ng kapwa Israelita nang di sinasadya at hindi bunsod ng galit. Mananatili siya roon hanggang sa litisin sa harap ng mga taong-bayan, at hanggang hindi namamatay ang Pinakapunong Pari na nanunungkulan nang panahong iyon. Kung mangyari ito, maaari na siyang umuwi sa kanyang sariling bayan kung saan siya'y nakapatay.”

Pinili nga nila ang Kades, sa Galilea, sa kaburulan ng Neftali; ang Shekem sa kaburulan ng Efraim; at ang Lunsod ng Arba (o Hebron) sa kaburulan ng Juda. Sa ibayo naman ng Jordan, sa kaburulang nasa silangan ng Jerico, pinili nila ang Bezer sa lupain ni Ruben; ang Ramot sa Gilead, sa lupain ni Gad; at ang Golan sa Bashan, sa lupain ni Manases. Ito ang mga lunsod-kanlungan na pinili para sa mga Israelita at para sa sinumang dayuhang naninirahang kasama nila. Ang makapatay nang di sinasadya ay maaaring pumunta roon hanggang sa siya'y litisin sa harap ng mga taong-bayan, upang huwag mapatay ng mga kamag-anak ng namatay.

Ang mga Lunsod ng mga Levita

21 Ang mga pinuno ng mga angkan sa lipi ni Levi ay lumapit sa paring si Eleazar, gayundin kay Josue na anak ni Nun, at sa mga pinuno ng mga angkan ng buong Israel. Nasa Shilo pa sila noon, sa lupain ng Canaan. Sinabi nila, “Ipinag-utos ni Yahweh sa pamamagitan ni Moises na kami'y bigyan ng mga lunsod na matitirhan at mga pastulan sa palibot para sa aming mga kawan.” Dahil dito, ang mga anak ni Levi ay binigyan nga ng mga Israelita ng mga lunsod at pastulan mula sa kani-kanilang bahagi, ayon sa utos ni Yahweh.

Unang tumanggap ng mga lunsod ang mga sambahayan sa angkan ni Kohat. Labingtatlong lunsod mula sa mga lipi ni Juda, Simeon at Benjamin ang ibinigay sa mga angkan ng mga pari sa lahi ni Aaron. Ang ibang mga sambahayan sa angkan ni Kohat ay tumanggap ng sampung lunsod mula sa lipi ni Efraim, ni Dan at sa kalahati ng lipi ni Manases.

Ang mga sambahayan sa angkan ni Gershon ay binigyan ng labingtatlong lunsod mula sa mga lipi ni Isacar, ni Asher, ni Neftali at sa kalahati ng lipi ni Manases na nasa Bashan.

Ang mga sambahayan sa angkan ni Merari ay tumanggap ng labindalawang lunsod mula sa mga lipi nina Ruben, Gad at Zebulun.

Sa pamamagitan ng palabunutan, ayon sa iniutos ni Yahweh sa pamamagitan ni Moises, binigyan ng mga Israelita ang mga anak ni Levi ng mga lunsod at mga pastulan.

Ito ang mga pangalan ng mga lunsod na galing sa mga lipi ni Simeon at ni Juda, na ibinigay sa 10 mga anak ni Aaron, mula sa angkan ni Kohat na anak ni Levi. Sila ang unang nabigyan batay sa palabunutan. 11 Tinanggap nila ang Lunsod ng Arba (si Arba ang ninuno ng mga Anaceo) na ngayo'y tinatawag na Hebron sa kaburulan ng Juda. Kasama nito ang mga pastulan sa palibot. 12 Ngunit ang mga bukirin ng bayan at ng mga nayon ay ibinigay na kay Caleb na anak ni Jefune, bilang kanyang bahagi sa lupain.

13 Ito pa ang mga lunsod na ibinigay sa mga anak ng paring si Aaron: ang Hebron na isa sa mga lunsod-kanlungan, at ang mga pastulang sakop nito; ang Libna, kasama rin ang mga pastulan nito; 14 ang Jatir, Estemoa, 15 Holon, Debir, 16 Ayin, Juta at Beth-semes, kasama rin ang mga pastulan nito. Siyam na lunsod ang galing sa mga lipi ni Simeon at ni Juda. 17 Mula naman sa lipi ni Benjamin, tinanggap nila ang Gibeon, Geba, 18 Anatot, at Almon—apat na lunsod, kasama ang pastulan ng mga ito. 19 Lahat-lahat, ang mga angkang ito buhat sa lahi ni Aaron ay tumanggap ng labingtatlong lunsod, kasama ang mga pastulan nito.

20 Ang ibang mga Levita sa angkan ni Kohat ay tumanggap ng ilang lunsod mula sa lipi ni Efraim. 21 Ibinigay sa kanila ang Shekem na isa rin sa mga lunsod-kanlungan sa kaburulan ng Efraim, kasama ang mga pastulan nito. Ibinigay rin sa kanila ang Gezer, 22 Kibzaim at Beth-horon, gayundin ang mga pastulan nito. Apat na lunsod ang galing sa lipi ni Efraim. 23 Binigyan din sila ng apat na lunsod mula sa lipi ni Dan: ang Elteque, Gibeton, 24 Ayalon, at Gat-rimon, kasama ang mga pastulan nito. 25 Dalawa naman ang galing sa kalahating lipi ni Manases sa kanluran ng Jordan: Taanac at Gat-rimon kasama rin ang mga pastulan nito. 26 Sampung lunsod lahat pati ang mga pastulan nito, ang napunta sa mga sambahayan sa angkan ni Kohat.

27 Ang mga sambahayan sa angkan ni Gershon na anak ni Levi ay tumanggap naman ng dalawang lunsod buhat sa kalahating lipi ni Manases sa silangan ng Jordan. Napunta sa kanila ang Golan na sakop ng Bashan at isang lunsod-kanlungan, pati ang Beestera, kasama ang mga pastulan nito. 28 Buhat naman sa lipi ni Isacar, tumanggap sila ng apat na lunsod: ang Cision at Daberat, 29 Jarmut at En-ganim, kasama ang mga pastulan nito. 30 Apat ding lunsod ang tinanggap nila sa lipi ni Asher: ang Misal, Abdon, 31 Helcat, at Rehob, kasama ang mga pastulan nito. 32 Tatlong lunsod ang tinanggap nila sa lipi ni Neftali: ang Kades sa Galilea, isang lunsod-kanlungan, Hamotdor at Cartan, kasama ang mga pastulan nito. 33 Labingtatlong lunsod lahat ang napunta sa mga Levitang buhat sa angkan ni Gershon.

34 Ang mga lunsod na ito mula sa lipi ni Zebulun ay tinanggap ng iba pang Levita, mga angkang buhat sa lahi ni Merari: ang Jokneam, Carta, 35 Dimna, at Nahalal—apat na lunsod, kasama ang mga pastulan nito. 36 Buhat naman sa lipi ni Ruben, tinanggap nila ang Bezer, Jahaz, 37 Kedemot, at Mefaat—apat na lunsod, kasama ang mga pastulan nito. 38 At buhat sa lipi ni Gad, tinanggap nila ang Ramot sa Gilead, isa pa rin sa mga lunsod-kanlungan, Mahanaim, 39 Hesbon, at Jazer—apat na lunsod, kasama ang kanilang mga pastulan. 40 Labindalawang lunsod, kasama ang kanilang mga pastulan, ang tinanggap ng mga sambahayan sa angkan ni Merari.

41 Apatnapu't walong lunsod lahat, kasama ang kanilang mga pastulan, ang binawas sa lupain ng labing-isang lipi ni Israel at ibinigay sa mga Levita. 42 May kanya-kanyang pastulan ang bawat lunsod na ito.

Ang Pagsakop ng Israel sa Buong Lupain

43 Ibinigay nga ni Yahweh sa bayang Israel ang lahat ng lupaing ipinangako niya sa kanilang mga ninuno. Kaya't nang masakop na nila ang buong lupain, doon na sila nanirahan. 44 Binigyan sila ni Yahweh ng kapayapaan sa buong lupain, ayon sa ipinangako niya sa kanilang mga ninuno. Hindi sila natalo kailanman ng kanilang mga kaaway, sapagkat pinagtatagumpay sila ni Yahweh laban sa lahat ng kaaway. 45 Tinupad ni Yahweh ang lahat ng ipinangako niya sa sambayanang Israel.

Mga Gawa 1

Mahal kong Teofilo,

Sa(A) aking unang aklat ay isinalaysay ko ang lahat ng ginawa at itinuro ni Jesus buhat sa pasimula hanggang sa araw na siya'y umakyat sa langit. Bago siya umakyat, sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo ay nag-iwan siya ng mga bilin sa kanyang mga apostol na kanyang hinirang. Sa loob ng apatnapung araw pagkatapos ng kanyang pagkamatay, nagpakita siya sa kanila at sa pamamagitan ng maraming katibayan ay pinatunayan niyang siya'y buháy. Nagturo siya sa kanila tungkol sa paghahari ng Diyos. Samantalang(B) siya'y kasama pa nila, pinagbilinan sila ni Jesus, “Huwag muna kayong aalis sa Jerusalem. Sa halip, hintayin ninyo roon ang ipinangako ng Ama na sinabi ko na sa inyo. Si(C) Juan ay nagbautismo sa tubig, ngunit di magtatagal at babautismuhan kayo sa Espiritu Santo.”

Ang Pag-akyat ni Jesus sa Langit

Nang magkatipon si Jesus at ang mga alagad, nagtanong sila kay Jesus, “Panginoon, itatatag na po ba ninyong muli ang kaharian ng Israel?”

Sumagot si Jesus, “Ang mga panahon at pagkakataon ay itinakda ng Ama sa kanyang sariling kapangyarihan, at hindi na kailangan pang malaman ninyo kung kailan iyon. Subalit(D) tatanggap kayo ng kapangyarihan pagbaba sa inyo ng Espiritu Santo, at kayo'y magiging mga saksi ko sa Jerusalem, sa buong Judea at sa Samaria, at hanggang sa dulo ng daigdig.”

Pagkasabi(E) nito, si Jesus ay iniakyat sa langit habang ang mga alagad ay nakatingin sa kanya, at natakpan siya ng ulap.

10 Habang sila'y nakatitig sa langit at siya'y iniaakyat, may dalawang lalaking nakaputi na lumitaw sa tabi nila. 11 Sabi nila, “Kayong mga taga-Galilea, bakit kayo nakatayo rito at nakatingin sa langit? Itong si Jesus na umakyat sa langit ay magbabalik gaya ng nakita ninyong pag-akyat niya.”

Ang Kapalit ni Judas

12 Nagbalik sa Jerusalem ang mga apostol buhat sa Bundok ng mga Olibo, na halos isang kilometro ang layo sa lungsod. 13 Pagdating(F) sa bahay na kanilang tinutuluyan, umakyat sila sa silid sa itaas. Sila ay sina Pedro, Juan, Santiago, Andres, Felipe, Tomas, Bartolome, Mateo, si Santiago na anak ni Alfeo, si Simon na Makabayan, at si Judas na anak ni Santiago. 14 Lagi silang nagsasama-sama upang manalangin kasama ang mga babae at si Maria na ina ni Jesus, gayundin ang mga kapatid ni Jesus.

15 Makalipas ang ilang araw, nang nagkakatipon ang may isandaan at dalawampung mga kapatid, tumayo sa harap nila si Pedro at nagsalita, 16 “Mga kapatid, kailangang matupad ang sinasabi sa Kasulatan na ipinahayag ng Espiritu Santo sa pamamagitan ni David tungkol kay Judas na nanguna sa mga dumakip kay Jesus. 17 Si Judas ay kabilang sa amin at naging kasama namin sa paglilingkod.”

18 Ang(G) kabayaran sa kanyang pagtataksil ay ibinili niya ng lupa. Doon siya nahulog nang patiwarik at sumabog ang kanyang tiyan at lumabas ang kanyang bituka. 19 Nabalita iyon sa buong Jerusalem, kaya nga't ang lupang iyon ay tinawag na Akeldama sa kanilang wika, na ang kahulugan ay Bukid ng Dugo.

20 Sinabi(H) pa ni Pedro,

“Nasusulat sa Aklat ng mga Awit,
‘Ang tirahan niya'y tuluyang layuan,
    at huwag nang tirhan ninuman.’

Nasusulat din,

‘Gampanan ng iba ang kanyang
    tungkulin.’

21-22 “Kaya't(I) dapat pumili ng isang makakasama namin bilang saksi sa muling pagkabuhay ni Jesus. Kailangang siya'y isa sa mga kasa-kasama namin sa buong panahong kasama kami ng Panginoong Jesus, mula nang bautismuhan ni Juan si Jesus hanggang sa siya ay iniakyat sa langit.”

23 Kaya't iminungkahi nila ang dalawang lalaki, si Matias at si Jose na tinatawag na Barsabas, na kilala rin sa pangalang Justo. 24 Pagkatapos, sila'y nanalangin, “Panginoon, alam ninyo kung ano ang nasa puso ng lahat ng tao. Ipakita po ninyo sa amin kung sino sa dalawang ito ang inyong pinili 25 upang maglingkod bilang apostol kapalit ni Judas na tumalikod sa kanyang tungkulin nang siya'y pumunta sa lugar na nararapat sa kanya.”

26 Nagpalabunutan sila at si Matias ang napili. Kaya't siya ay idinagdag sa labing-isang apostol.

Jeremias 10

Ang Pagsamba sa Diyus-diyosan at ang Tunay na Pagsamba

10 Mga anak ni Israel, pakinggan ninyo ang ipinapasabi ni Yahweh. Ang sabi niya,

“Huwag ninyong tutularan ang ginagawa ng ibang mga bansa;
    o mabahala sa nakikitang mga tanda sa kalangitan,
    na labis nilang kinatatakutan.
Ang dinidiyos nila'y hindi maaasahan.
Isang punongkahoy na pinutol sa gubat,
    inanyuan ng mga dalubhasang kamay,
    at pinalamutian ng ginto at pilak.
Idinikit at pinakuan upang hindi mabuwal.
Ang mga diyus-diyosang ito'y tulad sa panakot ng ibon sa gitna ng bukid,
    hindi nakakapagsalita;
pinapasan pa sila
    sapagkat hindi nakakalakad.
Huwag kayong matakot sa kanila
    sapagkat hindi sila makakagawa ng masama,
    at wala ring magagawang mabuti.”

Wala nang ibang tulad mo, O Yahweh;
    ikaw ay makapangyarihan,
    walang kasindakila ang iyong pangalan.
Sino(A) ang hindi matatakot sa iyo, ikaw na Hari ng lahat ng bansa?
    Karapat-dapat lamang na ikaw ay katakutan.
Kahit na piliin ang lahat ng matatalino
    mula sa lahat ng bansa at mga kaharian,
    wala pa ring makakatulad sa iyo.
Silang lahat ay pawang hangal at mangmang.
    Ano ang maituturo sa kanila ng mga diyus-diyosang kahoy?
Ang kanilang diyus-diyosa'y binalutan ng pilak na galing sa Tarsis,
    at ng gintong mula sa Upaz,
    ginawang lahat ng mahuhusay na kamay;
pagkatapos ay binihisan ng kulay ube at pula
    na hinabi naman ng manghahabing sanay.
10 Ngunit ikaw, Yahweh, ang tunay na Diyos,
    ikaw ang Diyos na buháy,
    at ang Haring walang hanggan.
Nayayanig ang daigdig kapag ikaw ay nagagalit,
    at walang bansang makakatagal sa tindi ng iyong poot.

11 Sabihin ninyo sa mga diyus-diyosan: ang sinumang hindi makalikha ng langit at lupa ay dudurugin at lubusang mawawala sa ibabaw ng daigdig.[a]

Awit ng Pagpupuri sa Diyos

12 Nilikha ni Yahweh ang lupa sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan.
    Lumitaw ang daigdig dahil sa kanyang karunungan,
    at iniladlad niya ang langit sa bisa ng kanyang kaalaman.
13 Pagkarinig sa kanyang utos, umugong ang mga tubig sa kalangitan;
    napagsama-sama niya ang mga ulap mula sa lahat ng hangganan ng lupa.
Nagagawa niyang pakislapin ang kidlat sa gitna ng ulan,
    at nagpapaihip sa hangin mula sa kublihan nito.
14 Sa harapan niya ang bawat tao'y mistulang mangmang;
    malalagay sa kahihiyan bawat panday
    sapagkat ang ginawa nilang mga diyus-diyosan ay hindi totoo at walang buhay.
15 Sila'y walang silbi sapagkat likha lamang ng pandaraya;
    wawasakin silang lahat ni Yahweh.
16 Ngunit hindi ganito ang Diyos ni Jacob;
    siya ang maylikha ng lahat ng bagay;
    at pinili niya ang Israel upang maging kanyang bayan.
    Yahweh ang kanyang pangalan, ang Diyos na Makapangyarihan
    sa lahat.

Ang Darating na Pagkabihag

17 “Mga taga-Jerusalem na napapaligiran ng kaaway, ipunin ninyo ang inyong mga ari-arian. 18 Palalayasin na kayo ni Yahweh at ipapatapon sa ibang lupain. Pahihirapan kayong lahat hanggang sa walang matira.” Ito ang sabi ni Yahweh.

19 At dumaing naman ang mga taga-Jerusalem,
“Napakatindi ng parusa sa amin!
    Hindi gumagaling ang aming mga sugat.
Akala namin, ito'y aming matitiis.
20 Ang aming mga tolda ay nawasak;
    napatid na lahat ang mga lubid.
Ang aming mga anak ay naglayasang lahat,
    walang natira upang mag-ayos ng aming tolda;
    wala isa mang magsasabit ng mga kurtina.”

21 At sumagot si Jeremias, “Ang aming mga pinuno'y pawang mga hangal;
    hindi sila sumangguni kay Yahweh.
Kaya hindi sila naging matagumpay,
    at ang mga tao'y nagsipangalat.
22 Makinig kayo! May dumating na balita!
    Nagkakagulo sa isang bansang nasa hilaga;
ang kanilang hukbo ang pupuksa sa mga lunsod ng Juda,
    at ito'y magiging disyerto, tahanan ng mga asong-gubat.”

23 Nalalaman ko po, Yahweh, na walang taong may hawak ng sarili niyang buhay;
    at walang nakakatiyak ng kanyang sasapitin.
24 Ituwid mo ang iyong bayan, O Yahweh;
    ngunit huwag naman sana kayong maging marahas.
Huwag kaming parusahan sa panahong kayo'y napopoot;
    na siyang magiging wakas naming lahat.
25 Ibaling mo ang iyong poot sa mga bansang ayaw kumilala sa iyo
    at sa mga taong hindi tumatawag sa iyong pangalan.
Pinatay nila ang mga anak ni Jacob;
    at winasak ang kanilang lupain.

Mateo 24

Tungkol sa Pagkawasak ng Templo(A)

24 Lumabas si Jesus sa Templo. Paalis na siya nang lumapit ang mga alagad at itinuro sa kanya ang mga gusali ng Templo. Sinabi niya sa kanila, “Nakikita ba ninyo ang mga gusaling iyan? Tandaan ninyo! Darating ang araw na wala riyang matitirang bato sa ibabaw ng isa pang bato. Lahat ay iguguho!”

Mga Kahirapan at Pag-uusig na Darating(B)

Habang si Jesus ay nakaupo sa Bundok ng mga Olibo, palihim siyang tinanong ng kanyang mga alagad, “Kailan po ba mangyayari ang mga sinabi ninyo? Ano po ang magiging palatandaan ng inyong muling pagparito at ng katapusan ng mundo?”

Sumagot si Jesus, “Mag-ingat kayo upang hindi kayo mailigaw ninuman! Maraming paparito sa pangalan ko at magpapanggap na sila ang Cristo, at marami silang maililigaw. Makakarinig kayo ng mga labanan at makakabalita ng mga digmaan sa iba't ibang dako. Ngunit huwag kayong mababahala dahil talagang mangyayari ang mga iyon, bagama't hindi pa iyon ang katapusan ng mundo. Maglalaban-laban ang mga bansa at gayundin ang mga kaharian. Magkakaroon ng taggutom at lilindol sa maraming lugar. Ang lahat ng mga ito'y pasimula pa lamang ng mga paghihirap na tulad sa isang babaing nanganganak.

“Pagkatapos(C) ay kapopootan kayong lahat dahil sa inyong pagsunod sa akin. Isasakdal kayo upang pahirapan at patayin, 10 at dahil dito'y marami ang tatalikod sa kanilang pananampalataya. Mapopoot sila at magtataksil sa isa't isa. 11 Marami ang magpapanggap na propeta at ililigaw ang mga tao. 12 Lalaganap ang kasamaan, kaya't manlalamig ang pag-ibig ng marami. 13 Ngunit(D) ang mananatiling tapat hanggang wakas ang siyang maliligtas. 14 Ipapangaral sa buong sanlibutan ang Magandang Balitang ito tungkol sa kaharian ng Diyos upang magsilbing patotoo sa lahat ng mga bansa. At saka darating ang wakas.”

Ang Kasuklam-suklam na Kalapastanganan(E)

15 “Kapag(F) nakita ninyong nagaganap na sa Dakong Banal ang kasuklam-suklam na kalapastanganang tinutukoy ni Propeta Daniel (unawain ito ng nagbabasa), 16 ang mga nasa Judea ay dapat tumakas papunta sa kabundukan, 17 ang(G) nasa bubungan ay huwag nang mag-aksaya ng panahon na kumuha pa ng kahit ano sa loob ng bahay, 18 at ang nasa bukid ay huwag nang umuwi upang kumuha ng balabal. 19 Sa mga araw na iyon, kawawa ang mga nagdadalang-tao at mga nagpapasuso! 20 Ipanalangin ninyo na ang inyong pagtakas ay huwag mapataon sa taglamig o sa Araw ng Pamamahinga. 21 Sapagkat(H) sa mga araw na iyon, ang mga tao'y magdaranas ng matinding kapighatiang hindi pa nararanasan mula nang likhain ang sanlibutan hanggang sa ngayon, at hindi na mararanasan pa kahit kailan. 22 At kung hindi pinaikli ng Diyos ang mga araw na iyon, walang taong maliligtas. Ngunit alang-alang sa mga hinirang, paiikliin ng Diyos ang mga araw na iyon.

23 “Kung may magsasabi sa inyo, ‘Narito ang Cristo!’ o ‘Naroon siya!’ huwag kayong maniniwala. 24 Sapagkat may lilitaw na mga huwad na Cristo at mga huwad na propeta. Magpapakita sila ng mga kamangha-manghang himala at mga kababalaghan upang iligaw, kung maaari, maging ang mga hinirang ng Diyos. 25 Tandaan ninyo, ipinagpauna ko nang sabihin ito sa inyo.

26 “Kaya't(I) kung sabihin nila sa inyo, ‘Naroon siya sa ilang,’ huwag kayong pumunta roon. Kung sabihin naman nilang, ‘Naroon siya sa silid,’ huwag kayong maniniwala. 27 Sapagkat darating ang Anak ng Tao na parang kidlat na gumuguhit mula sa silangan hanggang sa kanluran.

28 “Kung(J) nasaan ang bangkay, doon nagkakatipon ang mga buwitre.”

Ang Pagparito ng Anak ng Tao(K)

29 “Pagkatapos(L) ng kapighatian sa mga araw na iyon, magdidilim ang araw, hindi magliliwanag ang buwan, malalaglag mula sa langit ang mga bituin, at mayayanig ang mga kapangyarihan sa kalawakan. 30 Pagkatapos,(M) lilitaw sa langit ang tanda ng Anak ng Tao at mananangis ang lahat ng mga bansa sa daigdig. Makikita nila ang Anak ng Tao na nasa alapaap at dumarating na may dakilang kapangyarihan at kadakilaan. 31 Sa hudyat ng malakas na tunog ng trumpeta, susuguin niya ang kanyang mga anghel sa apat na sulok ng daigdig at titipunin nila ang mga hinirang mula sa lahat ng dako.”

Ang Aral mula sa Puno ng Igos(N)

32 “Unawain ninyo ang aral mula sa puno ng igos; kapag ang mga sanga nito ay umuusbong at nagkakadahon na, alam ninyong malapit na ang tag-araw. 33 Gayundin naman, kapag nakita ninyo ang lahat ng ito, malalaman ninyong malapit na siyang[a] dumating, halos naririto na. 34 Tandaan ninyo, magaganap ang lahat ng mga ito bago maubos ang salinlahing ito. 35 Lilipas ang langit at ang lupa, ngunit ang aking mga sinasabi ay tiyak na mananatili.”

Walang Nakakaalam ng Araw o Oras(O)

36 “Ngunit tungkol sa araw at oras na iyon ay walang nakakaalam, kahit ang mga anghel sa langit [o maging ang Anak man].[b] Ang Ama lamang ang nakakaalam nito. 37 Ang(P) pagdating ng Anak ng Tao ay tulad noong panahon ni Noe. 38 Nang mga araw na iyon, bago bumaha, ang mga tao'y nagsisikain, nag-iinuman, at nagsisipag-asawa hanggang sa araw na pumasok si Noe sa barko. 39 Hindi(Q) nila namamalayan ang nangyayari hanggang sa dumating ang baha at tinangay silang lahat. Gayundin ang mangyayari sa pagdating ng Anak ng Tao. 40 Sa panahong iyon, may dalawang lalaking nagtatrabaho sa bukid, kukunin ang isa at iiwan ang ikalawa. 41 May dalawang babaing nagtatrabaho sa gilingan, kukunin ang isa at iiwan ang ikalawa. 42 Kaya't maging handa kayo dahil hindi ninyo alam kung kailan darating ang inyong Panginoon. 43 Unawain(R) ninyo ito: kung alam ng may-ari ng bahay kung anong oras sa gabi darating ang magnanakaw, siya'y maghahanda at hindi niya pababayaang pasukin ang kanyang bahay. 44 Kaya't lagi kayong maging handa, sapagkat darating ang Anak ng Tao sa oras na hindi ninyo inaasahan.”

Dapat Palaging Maging Handa(S)

45 “Sino ang tapat at matalinong alipin? Hindi ba't ang pinamamahala ng kanyang panginoon upang magpakain sa iba pang mga alipin sa takdang oras? 46 Pinagpala ang aliping iyon kapag dinatnan siyang tapat na naglilingkod sa pagbabalik ng kanyang panginoon! 47 Sinasabi ko sa inyo, gagawin siyang tagapamahala ng kanyang panginoon sa lahat ng mga ari-arian nito. 48 Ngunit kung masama ang aliping iyon, sasabihin niya sa kanyang sarili, ‘Matatagalan pa ang pagbabalik ng aking panginoon.’ 49 Kaya't sisimulan niyang bugbugin ang kanyang kapwa alipin, at makikipagkainan at makikipag-inuman sa mga lasenggo. 50 Babalik ang panginoon ng aliping iyon sa araw na hindi niya inaasahan at sa oras na hindi niya alam. 51 Bibigyan siya ng kanyang panginoon ng matinding parusa,[c] at pagkatapos ay isasama sa mga mapagkunwari. Doo'y tatangis siya at magngangalit ang ngipin.”

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.