Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

M’Cheyne Bible Reading Plan

The classic M'Cheyne plan--read the Old Testament, New Testament, and Psalms or Gospels every day.
Duration: 365 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Levitico 18

18 At nagsalita ang Panginoon kay Moises, na sinasabi,

“Magsalita ka ng ganito sa mga anak ni Israel: Ako ang Panginoon ninyong Diyos.

Huwag ninyong gagawin ang gaya ng ginagawa sa lupain ng Ehipto na inyong tinirahan; at huwag din ninyong gagawin ang gaya ng ginagawa nila sa lupain ng Canaan, na pinagdadalhan ko sa inyo. Huwag kayong lalakad ng ayon sa mga alituntunin nila.

Gagawin ninyo ang aking mga tuntunin at tutuparin ninyo ang aking mga batas at lakaran ninyo ang mga iyon: Ako ang Panginoon ninyong Diyos.

Tutuparin(A) nga ninyo ang aking mga alituntunin at mga batas; na kapag tinupad ng isang tao, siya ay mabubuhay. Ako ang Panginoon.

Mga Bawal na Pagtatalik

“Huwag lalapit ang sinuman sa inyo sa kaninumang kanyang malapit na kamag-anak upang ilitaw ang kahubaran. Ako ang Panginoon.

Huwag mong ililitaw ang kahubaran ng iyong ama, na siyang kahubaran ng iyong ina. Siya'y iyong ina; huwag mong ililitaw ang kanyang kahubaran.

Ang(B) kahubaran ng asawa ng iyong ama ay huwag mong ililitaw; iyon ay kahubaran ng iyong ama.

Huwag(C) mong ililitaw ang kahubaran ng iyong kapatid na babae, na anak ng iyong ama o anak ng iyong ina, maging ipinanganak sa sariling tahanan o sa ibang bayan;

10 Huwag mong ililitaw ang kahubaran ng anak na babae ng iyong anak na lalaki, o ng anak na babae ng iyong anak na babae; sapagkat ang kahubaran nila ay kahubaran mo rin.

11 Huwag mong ililitaw ang kahubaran ng anak na babae ng asawa ng iyong ama, na anak ng iyong ama, siya'y kapatid mo.

12 Huwag(D) mong ililitaw ang kahubaran ng kapatid na babae ng iyong ama; siya'y malapit na kamag-anak ng iyong ama.

13 Huwag mong ililitaw ang kahubaran ng kapatid na babae ng iyong ina, sapagkat siya'y malapit na kamag-anak ng iyong ina.

14 Huwag mong ililitaw ang kahubaran ng kapatid na lalaki ng iyong ama; samakatuwid ay huwag kang sisiping sa asawa niya; siya'y iyong tiya.

15 Huwag(E) mong ililitaw ang kahubaran ng iyong manugang na babae, siya'y asawa ng iyong anak; ang kahubaran niya ay huwag mong ililitaw.

16 Huwag(F) mong ililitaw ang kahubaran ng asawa ng iyong kapatid na lalaki; siya ay kahubaran ng iyong kapatid na lalaki.

17 Huwag(G) mong ililitaw ang kahubaran ng isang babae at ng kanyang anak na babae; huwag mong papakisamahan ang anak na babae ng kanyang anak na lalaki o ang anak na babae ng kanyang anak na babae, upang lumitaw ang kanyang kahubaran; sila'y malapit na kamag-anak; ito ay masama.

18 Hindi mo maaaring maging asawa ang iyong hipag, upang maging kaagaw ng kanyang kapatid na babae na iyong ililitaw ang kahubaran niya, habang nabubuhay pa ang kanyang kapatid.

19 “At(H) huwag kang sisiping sa isang babae upang ilitaw ang kahubaran niya habang siya ay nasa karumihan ng pagreregla.

20 Huwag(I) kang sisiping sa asawa ng iyong kapwa, at dungisan ang iyong sarili kasama niya.

21 Huwag(J) kang magbibigay ng iyong anak[a] upang italaga iyon sa apoy kay Molec; ni huwag mong lalapastanganin ang pangalan ng iyong Diyos; Ako ang Panginoon.

22 Huwag(K) kang sisiping sa lalaki na gaya ng pagsiping mo sa babae: ito ay karumaldumal.

23 At(L) huwag kang sisiping sa anumang hayop upang dungisan mo ang iyong sarili kasama nito, ni ang babae ay huwag ibibigay ang sarili upang makasiping ng hayop, ito ay mahalay na pagtatalik.

24 “Huwag ninyong dungisan ang inyong sarili sa alinman sa mga bagay na ito, sapagkat sa lahat ng mga ito ay dinungisan ng mga bansang aking palalayasin sa harapan ninyo ang kanilang mga sarili,

25 at nadungisan ang lupain, kaya't aking dadalawin ang kanyang kasamaan at isinusuka ng lupain ang mga naninirahan doon.

26 Subalit inyong tutuparin ang aking mga tuntunin at ang aking mga batas, at huwag ninyong gagawin ang alinman sa mga karumaldumal na ito, maging ang mga katutubo o ang mga dayuhan na naninirahang kasama ninyo.

27 Ang mga tao sa lupain na nauna sa inyo ay gumawa ng lahat ng mga karumaldumal na mga ito, at ang lupain ay nadungisan;

28 baka isuka rin kayo ng lupain kapag dinungisan ninyo ito, gaya ng pagsuka nito sa bansang nauna sa inyo.

29 Sapagkat sinumang gumawa ng alinman sa mga karumaldumal na ito, ang mga taong gumagawa ng mga iyon ay ititiwalag sa kanilang bayan.

30 Kaya ingatan ninyo ang aking bilin na huwag gawin ang alinman sa mga karumaldumal na kaugaliang ito na ginawa ng mga nauna sa inyo, at huwag ninyong dungisan ang inyong sarili sa mga ito: Ako ang Panginoon ninyong Diyos.”

Mga Awit 22

Sa Punong Mang-aawit: ayon sa Usa ng Pagbubukang-liwayway. Awit ni David.

22 Diyos(A) ko, Diyos ko, bakit mo ako pinabayaan?
    Bakit napakalayo mo sa pagtulong sa akin, sa mga salita ng aking karaingan?
O Diyos ko, sumisigaw ako kapag araw, ngunit hindi ka sumasagot man lamang,
    at kapag gabi, hindi ako makatagpo ng kapahingahan.

Gayunman ikaw ay banal,
    nakaluklok sa mga papuri ng Israel.
Sa iyo ang aming mga magulang ay nagtiwala,
    sila'y nagtiwala, at iyong iniligtas sila.
Sa iyo sila'y dumaing at naligtas;
    sila'y nagtiwala sa iyo, at hindi nabigo.

Ngunit ako'y uod at hindi tao,
    kinukutya ng mga tao, at hinahamak ng bayan.
Silang(B) lahat na nakakita sa akin ay tinatawanan ako;
    nginungusuan nila ako, iiling-iling ang kanilang mga ulo,
“Ipinagkatiwala(C) niya ang kanyang usapin sa Panginoon; hayaang kanyang iligtas siya,
    hayaang kanyang sagipin siya, sapagkat kanyang kinaluluguran siya!”

Ngunit ikaw ang kumuha sa akin mula sa bahay-bata;
    iningatan mo ako nang ako'y nasa dibdib ng aking ina.
10 Sa iyo ako'y inilagak mula sa aking pagluwal,
    at mula nang ako'y ipagbuntis ng aking ina ang Diyos ko'y ikaw.
11 Sa akin ay huwag kang lumayo,
    sapagkat malapit ang gulo,
    at walang sinumang sasaklolo.

12 Pinaliligiran ako ng maraming toro,
    ng malalakas na toro ng Basan ay pinalilibutan ako.
13 Sa akin ang kanilang bibig ay binuksan nila nang maluwang,
    gaya ng sumasakmal at leong umuungal.

14 Ako'y ibinubuhos na parang tubig,
    at lahat ng aking mga buto ay nakakalas sa pagkakabit;
ang aking puso ay parang pagkit,
    ito ay natutunaw sa loob ng aking dibdib.
15 Ang aking kalakasan ay natuyo na parang basag na banga,
    at ang aking dila ay dumidikit sa aking ngalangala;
    sa alabok ng kamatayan ako'y iyong inihihiga.

16 Oo, ang mga aso ay nakapaligid sa akin;
    pinaligiran ako ng isang pangkat ng mga gumagawa ng masama;
binutasan nila ang aking mga kamay at mga paa.
17 Lahat ng aking mga buto ay aking mabibilang,
sa akin sila'y nakatingin at ako'y tinititigan.
18 Kanilang(D) pinaghatian ang aking mga kasuotan,
    at para sa aking damit sila ay nagsapalaran.

19 Ngunit ikaw, O Panginoon, huwag kang lumayo!
    O ikaw na aking saklolo, magmadali kang tulungan ako!
20 Mula sa tabak, kaluluwa ko'y iligtas mo,
    ang aking buhay mula sa kapangyarihan ng aso!
21 Mula sa bibig ng leon ako'y iyong iligtas,
    sagutin mo ako mula sa mga sungay ng torong mailap!

22 Sa(E) aking mga kapatid ay ipahahayag ko ang iyong pangalan,
    pupurihin kita sa gitna ng kapulungan:
23 Kayong natatakot sa Panginoon, magpuri kayo sa kanya!
    Kayong lahat na binhi ni Jacob, luwalhatiin ninyo siya,
    at magsitayong may paggalang sa kanya, kayong lahat na mga anak ni Israel.
24 Sapagkat hindi niya hinamak o kinapootan man
    ang kadalamhatian ng nagdadalamhati;
at hindi niya ikinubli ang kanyang mukha sa kanya;
kundi pinakinggan nang siya'y dumaing sa kanya.

25 Sa iyo nanggagaling ang aking papuri sa dakilang kapulungan;
    tutuparin ko ang aking mga panata sa harapan ng mga sa kanya'y gumagalang.
26 Ang dukha ay kakain at masisiyahan,
    yaong mga humanap sa kanya ay magpupuri sa Panginoon!
    Mabuhay nawa ang inyong mga puso magpakailanman.

27 Maaalala ng lahat ng mga dulo ng lupa,
    at sa Panginoon ay manunumbalik sila;
at lahat ng mga sambahayan ng mga bansa
    ay sa harapan mo magsisamba.
28 Sapagkat sa Panginoon ang kaharian,
    at siya ang namumuno sa mga bansa.
29 Oo, sa kanya ang lahat ng masasagana sa lupa ay kakain at sasamba;
    sa harapan niya ay yumuyukod ang lahat ng bumabalik sa alabok,
    at siya na hindi mapapanatiling buháy ang kanyang kaluluwa.
30 Ang susunod na salinlahi sa kanya ay magsisilbi,
    ang Panginoon ay ibabalita ng mga tao sa darating na salinlahi.
31 Sila'y darating at maghahayag ng kanyang katuwiran sa isang bayang isisilang,
    na dito ay siya ang may kagagawan.

Eclesiastes 1

Walang Kabuluhan ang Lahat

Ang mga salita ng Mangangaral,[a] na anak ni David, hari sa Jerusalem.

Walang kabuluhan ng mga walang kabuluhan, sabi ng Mangangaral;
    walang kabuluhan ng mga walang kabuluhan! Lahat ay walang kabuluhan.
Anong pakinabang mayroon ang tao sa lahat ng kanyang pagpapagal,
    na kanyang pinagpapaguran sa ilalim ng araw?
Isang salinlahi ay umaalis, at dumarating ang isang salinlahi naman,
    ngunit ang daigdig ay nananatili magpakailanman.
Sumisikat ang araw, at lumulubog din ang araw,
    at nagmamadali sa dakong kanyang sinisikatan.
Ang hangin ay humihihip sa timog,
    at patungo sa hilaga na nagpapaikut-ikot;
at paikut-ikot na ang hangin ay humahayo,
    at ang hangin ay bumabalik sa iniikutan nito.
Lahat ng mga ilog ay sa dagat nagtutungo,
    ngunit ang dagat ay hindi napupuno;
sa dakong inaagusan ng mga ilog,
    doon ay muli silang umaagos.
Lahat ng mga bagay ay nakakapagod,
    higit sa masasabi ng tao;
ang mata sa pagtingin ay hindi nasisiyahan,
    ni ang tainga sa pakikinig ay walang kabusugan.
Ang nangyari ay siyang mangyayari,
    at ang nagawa na ay siyang gagawin,
    at walang bagong bagay sa ilalim ng araw.
10 May bagay ba na masasabi tungkol dito,
    “Tingnan mo, ito ay bago”?
Ganyan na iyan,
    sa nauna pa sa ating mga kapanahunan.
11 Ang mga tao noong una ay hindi naaalala,
    ni magkakaroon ng alaala pa man tungkol sa mga tao
    ng mga taong susunod pagkatapos nila.

Ang Karanasan ng Mangangaral

12 Akong Mangangaral ay naging hari sa Israel sa Jerusalem.

13 Ginamit ko ang aking isipan upang hanapin at siyasatin sa pamamagitan ng karunungan ang lahat ng ginawa sa silong ng langit. Iyon ay isang malungkot na gawain na ibinigay ng Diyos sa mga anak ng mga tao upang pagkaabalahan.

14 Aking nakita ang lahat ng ginawa sa ilalim ng araw; at tingnan mo, lahat ay walang kabuluhan at pakikipaghabulan sa hangin.

15 Ang baluktot ay hindi matutuwid;
    at ang wala ay hindi mabibilang.

16 Sinabi(A) ko sa aking sarili, “Nagtamo ako ng malaking karunungang higit kaysa lahat ng nauna sa akin sa Jerusalem; at ang isipan ko'y nagtaglay ng malaking karanasan sa karunungan at kaalaman.”

17 At ginamit ko ang aking isipan upang alamin ang karunungan, at alamin ang kaululan at kahangalan. Aking nakita na ito man ay pakikipaghabulan sa hangin.

18 Sapagkat sa maraming karunungan ay maraming kalungkutan,
at siyang nagpaparami ng kaalaman ay nagpaparami ng kalungkutan.

1 Timoteo 3

Mga Katangian ng Magiging Obispo

Tapat ang salita: Kung ang sinuman ay naghahangad na maging obispo,[a] siya ay nagnanais ng mabuting gawain.

Kailangan(A) na ang obispo ay walang kapintasan, asawa ng isang babae, mapagpigil, matino ang pag-iisip, kagalang-galang, mapagpatuloy ng panauhin, mahusay magturo,

hindi mahilig sa alak, hindi mapusok kundi mahinahon, hindi palaaway, at hindi maibigin sa salapi.

Dapat ay pinamamahalaan niyang mabuti ang kanyang sariling sambahayan, sinusupil ang kanyang mga anak, at may lubos na paggalang.

Sapagkat kung ang sinuman ay hindi marunong mamahala ng kanyang sariling sambahayan, paano niya pangangalagaan ang iglesya ng Diyos?

Hindi isang bagong hikayat, baka siya magpalalo at mahulog sa kahatulan ng diyablo.

Bukod dito'y dapat din namang siya'y magkaroon ng mabuting patotoo mula sa mga nasa labas, baka siya mahulog sa kahihiyan at bitag ng diyablo.

Mga Katangian sa Pagiging Diakono

Gayundin naman ang mga diakono ay dapat na maging kagalang-galang, hindi dalawang dila, hindi nalululong sa maraming alak, hindi mga sakim sa masamang pagkakakitaan,

na iniingatan ang hiwaga ng pananampalataya nang may malinis na budhi.

10 At ang mga ito rin naman ay subukin muna; at kung mapatunayang walang kapintasan, hayaan silang maglingkod bilang mga diakono.

11 Gayundin naman, ang mga babae ay dapat na maging kagalang-galang, hindi mapanirang-puri, kundi mapagpigil, tapat sa lahat ng mga bagay.

12 Ang mga diakono ay dapat na may tig-iisang asawa lamang, at pinamamahalaang mabuti ang kanilang mga anak at ang kanilang sariling mga sambahayan.

13 Sapagkat ang mga nakapaglingkod nang mabuti bilang mga diakono ay nagtatamo para sa kanilang sarili ng isang mabuting katayuan, at ng malaking pagtitiwala sa pananampalataya kay Cristo Jesus.

Ang Hiwaga ng Ating Pananampalataya

14 Ang mga bagay na ito ay aking isinusulat sa iyo, na umaasang makakarating sa iyo sa madaling panahon,

15 ngunit kung ako'y maantala, ay maaari mong malaman kung ano ang dapat ugaliin ng bawat tao sa bahay ng Diyos, na siyang iglesya ng Diyos na buháy, ang haligi at suhay ng katotohanan.

16 Walang pag-aalinlangan, dakila ang hiwaga ng kabanalan:

Siyang[b] nahayag sa laman,
    pinatunayang matuwid sa espiritu,[c] nakita ng mga anghel,
ipinangaral sa mga bansa,
    sinampalatayanan sa sanlibutan,
    tinanggap sa itaas sa kaluwalhatian.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001