M’Cheyne Bible Reading Plan
Mga Batas tungkol sa mga Sakit sa Balat
13 Sinabi ng Panginoon kina Moises at Aaron:
2 “Kapag ang isang tao ay nagkaroon ng pamamaga sa balat ng kanyang katawan, o langib, o kaya'y singaw, at sa balat ng kanyang katawan ay naging salot na ketong, dadalhin siya sa paring si Aaron, o sa isa sa kanyang mga anak na pari.
3 Susuriin ng pari ang bahaging may karamdaman na nasa balat ng kanyang katawan; at kung ang balahibo sa salot ay pumuti, at ang anyo ng karamdaman ay higit na malalim kaysa balat ng kanyang katawan, ito nga ay salot na ketong. Pagkatapos na siya'y masuri ng pari, ipahahayag niya na marumi siya.
4 Subalit kung ang pamamaga ay maputi sa balat ng kanyang katawan, at makitang ito ay hindi malalim kaysa balat, at ang balahibo niyon ay hindi pumuti, ibubukod ng pari ang may karamdaman sa loob ng pitong araw.
5 Siya'y susuriin ng pari sa ikapitong araw, at kung makitang ang bahaging may karamdaman ay tumigil at ito ay hindi kumalat sa balat, ibubukod siyang muli ng pari sa loob ng pitong araw pa.
6 Muli siyang susuriin ng pari sa ikapitong araw, at kung makitang ang bahaging may karamdaman ay namutla, at ang sakit ay hindi kumalat sa balat, kung gayon ay ipahahayag siya ng pari na malinis. Iyon ay isa lamang singaw at lalabhan niya ang kanyang damit, at magiging malinis.
7 Subalit kung ang singaw ay kumakalat sa balat pagkatapos na siya'y magpakita sa pari para sa kanyang paglilinis, siya ay muling magpapakita sa pari.
8 Siya'y susuriin ng pari, at kung ang singaw ay kumakalat na sa balat, ipahahayag ng pari na siya ay marumi; ketong[a] nga iyon.
9 “Kapag ang salot na ketong ay nasa isang tao, siya ay dadalhin sa pari.
10 Siya'y susuriin ng pari, at kung may maputing pamamaga sa balat, at pumuti ang balahibo, at may buháy na laman sa pamamaga,
11 iyon ay matagal nang ketong sa balat ng kanyang laman. Siya'y ipahahayag ng pari na marumi; hindi siya ikukulong sapagkat siya'y marumi.
12 At kung kumalat ang ketong sa balat, at ang ketong ay bumalot sa buong balat ng may salot, mula sa ulo hanggang sa kanyang mga paa, sa buong maaabot ng paningin ng pari;
13 kung gayo'y susuriin siya ng pari, at kung makitang ang ketong ay kumalat na sa kanyang buong katawan, kanyang ipahahayag na siya'y malinis na sa sakit. Yamang ito'y pumuting lahat, siya'y malinis.
14 Subalit sa araw na makitaan siya ng lamang buháy, siya ay magiging marumi.
15 Susuriin ng pari ang lamang buháy, at siya'y ipahahayag na marumi; ang lamang buháy ay marumi; ito ay ketong.
16 Ngunit kapag pumuti ang lamang buháy, ay lalapit siya sa pari;
17 siya'y susuriin ng pari, at kung ang karamdaman ay pumuti, ang may karamdaman ay ipahahayag ng pari na malinis; siya nga'y malinis.
18 “Kung sa balat ay may isang bukol na gumaling,
19 at ang humalili sa bukol ay isang pamamaga na maputi, o isang pantal na makintab na namumula, ito ay ipapakita sa pari.
20 Susuriin ito ng pari, at kung makitang ito'y tila mas malalim kaysa balat, at ang balahibo niyon ay pumuti, ipahahayag ng pari na siya ay marumi. Ito ay sakit na ketong na lumitaw mula sa bukol.
21 Subalit kung sa pagsusuri ng pari ay makitang walang balahibong puti iyon, o hindi malalim kaysa balat, kundi maitim-itim, siya ay ibubukod ng pari sa loob ng pitong araw.
22 At kung ito ay kumalat sa balat, ipahahayag ng pari na siya ay marumi; iyon nga ay sakit.
23 Ngunit kung ang pamamaga ay tumigil sa kanyang kinaroroonan, at hindi kumalat, ito ay galos ng bukol; at ipahahayag ng pari na siya ay malinis.
24 “O kapag ang katawan ay may paso sa balat at ang laman sa paso ay naging tila mapulang-mapula, o maputi;
25 ito ay susuriin ng pari, at kung makitang ang buhok ay pumuti sa bahaging makintab, at tila mas malalim kaysa balat, ito ay ketong. Ito ay lumitaw sa paso, at ipahahayag ng pari na siya ay marumi; ito ay sakit na ketong.
26 Ngunit kung sa pagsusuri ng pari ay walang balahibong maputi sa bahaging makintab at ito ay hindi mas malalim kaysa ibang balat, kundi parang maitim-itim, ibubukod siya ng pari sa loob ng pitong araw.
27 Sa ikapitong araw ay titingnan siya ng pari, at kung ito ay kumalat na sa balat, ipahahayag ng pari na siya ay marumi. Ito ay sakit na ketong.
28 Kung ang bahaging makintab ay nanatili sa kanyang kinaroroonan at hindi kumakalat sa balat, kundi maitim-itim, ito ay pamamaga ng paso, at ipahahayag ng pari na siya ay malinis, sapagkat iyon ay isang pilat ng paso.
29 “At kung ang sinumang lalaki o babae ay mayroong karamdaman sa ulo o sa balbas,
30 ay susuriin nga ng pari ang karamdaman, at kung ang anyo ay mas malalim kaysa balat, at ang buhok doon ay madilaw at manipis, ipahahayag ng pari na siya ay marumi; ito ay pangangati na isang uri ng ketong sa ulo o sa baba.
31 Kapag tiningnan ng pari ang makating karamdaman, at tila hindi mas malalim kaysa balat, at wala iyong buhok na maitim, ibubukod ng pari sa loob ng pitong araw ang may makating karamdaman.
32 At sa ikapitong araw ay susuriin ng pari ang karamdaman; at kung makitang hindi kumalat ang pangangati, at walang buhok na naninilaw, at tila ang pangangati ay hindi mas malalim kaysa balat,
33 kung gayon ay mag-aahit siya, subalit hindi aahitan ang kinaroroonan ng pangangati, at muling ibubukod ng pari ang maysakit ng pangangati sa loob ng pitong araw.
34 Susuriin ng pari ang pangangati sa ikapitong araw, at kung makitang hindi kumalat ang pangangati sa balat, at tila hindi mas malalim kaysa balat, ipahahayag ng pari na siya ay malinis, at siya'y maglalaba ng kanyang damit at magiging malinis.
35 Ngunit kung ang pangangati ay kumalat na sa balat pagkatapos ng kanyang paglilinis,
36 ay susuriin siya ng pari, at kung kumalat na sa balat ang pangangati, hindi na hahanapin ng pari ang buhok na naninilaw; siya'y marumi.
37 Subalit kung sa kanyang mga mata ay napigil na ang pangangati at may tumubong buhok na itim at gumaling na ang pangangati, siya'y malinis; at siya'y ipahahayag na malinis ng pari.
38 “Kapag ang isang lalaki o babae ay nagkaroon sa balat ng nangingintab na pantal, ng mga makintab na pantal na puti,
39 ito ay susuriin ng pari, at kung may namumuti na nangingintab na pantal sa balat ng kanyang laman; ito ay isang singaw na sumibol sa balat; siya'y malinis.
40 “Kapag ang buhok ng sinuman ay nalalagas mula sa kanyang ulo, siya ay kalbo, gayunma'y malinis.
41 At kung ang kanyang buhok ay nalagas mula sa kanyang noo, siya ay kalbo mula sa noo, ngunit siya ay malinis.
42 Subalit kung sa kalbong ulo o noo ay magkaroon ng namumula o namumuting sugat, ito ay ketong na sumibol sa kanyang kalbong ulo o sa kanyang kalbong noo.
43 Siya'y susuriin ng pari, at kung ang pamamaga ng karamdaman ay mapula-pula na maputi sa kanyang kalbong ulo o sa kanyang kalbong noo, gaya ng anyo ng ketong sa balat ng kanyang katawan,
44 siya ay ketongin, siya'y marumi. Ipahahayag ng pari na siya ay marumi; ang kanyang sakit ay nasa kanyang ulo.
45 “Ang ketonging may sakit ay magsusuot ng punit na damit, at ang buhok ng kanyang ulo ay ilulugay, at tatakpan niya ang itaas na bahagi ng kanyang nguso, at siya'y sisigaw, ‘Marumi, marumi.’
46 Siya'y mananatiling marumi hangga't nasa kanya ang karamdaman; siya'y marumi. Siya ay maninirahang mag-isa sa labas ng kampo.
47 “Kung alinman sa mga kasuotan ay may sakit na ketong; sa kasuotang mula sa balahibo ng tupa o kasuotang lino,
48 maging ito ay paayon o pahalang; o ng lino o ng balahibo ng tupa, maging sa balat o sa alinmang yari sa balat,
49 at kung ang salot ay nagkukulay berde o namumula sa kasuotan, o sa balat, o sa paayon, o sa pahalang, o sa alinmang kasangkapang yari sa balat; ito ay sakit na ketong at ito ay ipapakita sa pari.
50 Susuriin ng pari ang sakit, at ibubukod ang bagay na may sakit sa loob ng pitong araw.
51 Kanyang susuriin ang sakit sa ikapitong araw at kung kumalat na ang sakit sa kasuotan, maging sa paayon, o sa pahalang, o sa balat, o alinmang yari sa balat upang gamitin, ang salot ay isang kumakalat na ketong; iyon ay marumi.
52 Kanyang susunugin ang kasuotan, maging paayon, at maging pahalang, ng balahibo ng tupa o lino o sa alinmang kasangkapang yari sa balat na kinaroroonan ng salot. Sapagkat iyon ay ketong na kumakalat; iyon ay susunugin sa apoy.
53 “Kapag sinuri ng pari, at ang sakit ay hindi kumalat sa kasuotan, maging sa paayon man, o sa pahalang man, o sa alinmang kasangkapang yari sa balat,
54 kung gayon ay mag-uutos ang pari, at kanilang lalabhan ang kinaroroonan ng sakit, at ito ay ibubukod na muli sa loob ng pitong araw.
55 Susuriin ng pari ang bagay na may sakit pagkatapos na malabhan; at kung makitang ang sakit ay hindi nagbago ng anyo nito, at kung hindi kumalat ang sakit, ito ay marumi. Susunugin mo ito sa apoy, maging ang bahaging may ketong ay nasa likuran o sa harapan.
56 “Subalit kapag tiningnan ng pari, at nakitang nangitim ang dakong may sakit pagkatapos na malabhan, ito ay hahapakin mula sa kasuotan, o mula sa paayon, o mula sa pahalang.
57 At kung ito ay nakikita pa sa kasuotang iyon, maging sa paayon, o sa pahalang, o sa alinmang yari sa balat, ito ay sakit na kumakalat; susunugin mo sa apoy ang kinaroroonan ng sakit.
58 Ang kasuotan, maging sa paayon, o sa pahalang, o sa alinmang yari sa balat, na pinanggalingan ng sakit matapos mo itong malabhan, ay muli mong lalabhan, at magiging malinis.”
59 Ito ang batas tungkol sa sakit na ketong sa kasuotang balahibo ng tupa o lino, maging sa paayon, o sa pahalang, o sa alinmang yari sa balat, upang maipahayag kung ito ay malinis o marumi.
Awit ni David.
15 O Panginoon, sinong sa iyong tolda ay manunuluyan?
Sinong sa iyong banal na burol ay maninirahan?
2 Siyang lumalakad na matuwid, at gumagawa ng katuwiran,
at mula sa kanyang puso ay nagsasalita ng katotohanan;
3 siyang hindi naninirang-puri ng kanyang dila,
ni sa kanyang kaibigan ay gumagawa ng masama,
ni umaalipusta man sa kanyang kapwa;
4 na sa mga mata niya ay nahahamak ang isang napakasama,
kundi pinararangalan ang mga natatakot sa Panginoon;
at hindi nagbabago kapag sumumpa kahit na ito'y ikasasakit;
5 siyang hindi naglalagay ng patubo sa kanyang salapi,
ni kumukuha man ng suhol laban sa walang sala.
Siyang gumagawa ng mga bagay na ito ay hindi matitinag kailanman.
Miktam ni David.
16 Ingatan mo ako, O Diyos, sapagkat sa iyo ako nanganganlong.
2 Sinasabi ko sa Panginoon, “Ikaw ay aking Panginoon;
ako'y walang kabutihan kung hiwalay ako sa iyo.”
3 Tungkol sa mga banal na nasa lupa, sila ang mararangal,
sa kanila ako lubos na natutuwa.
4 Yaong mga pumili ng ibang diyos ay nagpaparami ng kanilang mga kalungkutan;
ang kanilang inuming handog na dugo ay hindi ko ibubuhos,
ni babanggitin man sa aking mga labi ang kanilang mga pangalan.
5 Ang Panginoon ang aking piling bahagi at aking saro;
ang aking kapalaran ay hawak mo.
6 Ang pisi ay nahulog para sa akin sa magagandang dako;
oo, ako'y may mabuting mana.
7 Aking pupurihin ang Panginoon na nagbibigay sa akin ng payo;
maging sa gabi ay tinuturuan ako ng aking puso.
8 Lagi kong pinananatili ang Panginoon sa aking harapan;
hindi ako matitinag, sapagkat siya ay nasa aking kanan.
9 Kaya't ang aking puso ay masaya, at nagagalak ang aking kaluluwa;
ang akin namang katawan ay tatahang payapa.
10 Sapagkat(A) ang aking kaluluwa sa Sheol ay hindi mo iiwan,
ni hahayaan mong makita ng iyong banal ang Hukay.
11 Iyong(B) ipinakita sa akin ang landas ng buhay:
sa iyong harapan ay may kapuspusan ng kagalakan;
sa iyong kanang kamay ay mga kasayahan magpakailanman.
Ang Matuwid at ang Masama
27 Huwag(A) mong ipagyabang ang kinabukasan;
sapagkat hindi mo alam kung ano ang dadalhin ng isang araw.
2 Purihin ka ng ibang tao at huwag ng iyong sariling bibig;
ng dayuhan, at huwag ng iyong sariling mga labi.
3 Ang bato ay mabigat, at ang buhangin ay matimbang;
ngunit mas mabigat sa mga ito ang galit ng hangal.
4 Ang poot ay malupit, at ang galit ay nakakapunô,
ngunit sinong makakatayo sa harap ng paninibugho?
5 Mas mabuti ang hayag na pagsaway,
kaysa nakatagong pagmamahal.
6 Tapat ang mga sugat mula sa kaibigan,
labis-labis ang mga halik ng kaaway.
7 Ang taong busog ay nasusuya sa pulot-pukyutan;
ngunit sa taong gutom ang bawat mapait ay katamisan.
8 Tulad ng ibong naliligaw mula sa kanyang pugad,
gayon ang taong naliligaw mula sa kanyang bahay.
9 Ang langis at pabango sa puso'y nagpapasaya,
gayon katamis ang payo ng isang tao sa kaibigan niya.
10 Ang iyong kaibigan at ang kaibigan ng iyong ama, ay huwag mong pabayaan;
at huwag kang pumaroon sa bahay ng iyong kapatid sa araw ng iyong kasawian.
Mas mabuti pa ang malapit na kapitbahay,
kaysa isang kapatid na malayo naman.
11 Anak ko, ikaw ay magpakadunong, at puso ko'y iyong pasayahin,
upang aking masagot ang tumutuya sa akin.
12 Ang taong matalino ay nakakakita ng panganib, at nagkukubli siya,
ngunit nagpapatuloy ang walang muwang at siya'y nagdurusa.
13 Kunin mo ang suot ng taong nananagot sa di-kilala;
at tanggapan mo ng sangla ang nananagot sa babaing banyaga.
14 Sinumang maagang bumangon,
upang pagpalain ang kanyang kapwa sa malakas na tinig
ay ituturing na nanunumpa.
15 Ang patuloy na pagtulo sa araw na maulan
at ang babaing palaaway ay magkahalintulad;
16 ang pagpigil sa babaing iyon[a] ay pagpigil sa hangin,
o paghawak ng langis sa kanyang kanang kamay.
17 Ang bakal ay nagpapatalas sa bakal;
at ang tao ang nagpapatalas sa isa pang tao.
18 Ang nag-aalaga ng puno ng igos ay kakain ng bunga niyon;
at pararangalan ang nagbabantay sa kanyang panginoon.
19 Kung paanong sa tubig ang mukha ay naaaninaw,
gayon naaaninaw ang tao sa kanyang isipan.
20 Ang Sheol at ang Abadon ay hindi nasisiyahan kailanman;
at ang mga mata ng tao kailanma'y hindi nasisiyahan.
21 Ang lutuan ay sa pilak, at ang hurno ay sa ginto,
at ang tao ay hinahatulan sa pagpupuri nito.
22 Durugin mo man ang hangal kasama ng binayong trigo sa isang bayuhan,
gayunma'y hindi hihiwalay sa kanya ang kanyang kahangalan.
23 Alamin mong mabuti ang kalagayan ng iyong mga kawan,
at tingnan mong mabuti ang iyong mga hayupan;
24 sapagkat ang mga yaman ay hindi nagtatagal magpakailanman;
at ang korona ba'y nananatili sa lahat ng salinlahi?
25 Kapag ang damo ay nawala na, at ang sariwang damo ay lumitaw,
at ang mga halaman sa mga bundok ay pinipisan,
26 ang mga kordero ang magbibigay ng iyong damit,
at ang mga kambing ay siyang halaga ng bukid;
27 magkakaroon ng sapat na gatas ng kambing bilang iyong pagkain,
sa pagkain ng iyong sambahayan,
at pagkain sa iyong mga alilang kababaihan.
Pagbati
1 Si(A) Pablo, si Silvano, at si Timoteo, sa iglesya ng mga taga-Tesalonica na nasa Diyos na ating Ama at sa Panginoong Jesu-Cristo:
2 Sumainyo nawa ang biyaya at kapayapaang mula sa Diyos Ama at sa Panginoong Jesu-Cristo.
Pasasalamat
3 Dapat kaming laging magpasalamat sa Diyos, mga kapatid, dahil sa inyo, gaya ng nararapat, sapagkat ang inyong pananampalataya ay lumalagong lubha, at ang pag-ibig ng bawat isa sa inyo para sa isa't isa ay nadaragdagan.
4 Anupa't ipinagmamalaki namin kayo sa mga iglesya ng Diyos dahil sa inyong pagtitiis at pananampalataya sa lahat ng mga pag-uusig sa inyo at sa mga kapighatiang inyong tinitiis.
Ang Paghatol sa Pagbabalik ni Cristo
5 Ito ay malinaw na katibayan ng matuwid na paghatol ng Diyos, upang kayo'y ariing karapat-dapat sa kaharian ng Diyos, na dahil dito'y nagdurusa kayo.
6 Sapagkat tunay na matuwid sa Diyos na gantihan ng kapighatian ang mga nagpapahirap sa inyo,
7 at kayong mga pinahihirapan ay bigyan ng kapahingahang kasama namin, sa pagkapahayag ng Panginoong Jesus mula sa langit na kasama ang kanyang mga makapangyarihang anghel,
8 na nasa nagliliyab na apoy, na magbibigay ng parusa sa mga hindi kumikilala sa Diyos at sa mga hindi sumusunod sa ebanghelyo ng ating Panginoong Jesus.
9 Ang(B) mga ito'y tatanggap ng kaparusahang walang hanggang pagkapuksa at palalayasin sa harapan ng Panginoon at mula sa kaluwalhatian ng kanyang kalakasan,
10 kapag dumating siya sa araw na iyon upang luwalhatiin sa kanyang mga banal, at kamanghaan ng lahat ng mga sumasampalataya, sapagkat ang aming patotoo sa inyo ay pinaniwalaan.
11 Dahil din dito ay lagi naming idinadalangin kayo, na kayo'y ariin ng ating Diyos na karapat-dapat sa pagkatawag sa inyo, at tuparin ang bawat hangarin sa kabutihan at gawa ng pananampalataya na may kapangyarihan,
12 upang ang pangalan ng ating Panginoong Jesus ay luwalhatiin sa inyo, at kayo'y sa kanya, ayon sa biyaya ng ating Diyos at ng Panginoong Jesu-Cristo.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001