M’Cheyne Bible Reading Plan
Ang Batas tungkol sa mga Nazirita
6 Nagsalita ang Panginoon kay Moises, na sinasabi,
2 “Sabihin mo sa mga anak ni Israel, ‘Kapag ang sinumang lalaki o babae ay gagawa ng panata ng isang Nazirita[a] upang italaga ang sarili para sa Panginoon,
3 ay lalayo(A) siya sa alak at sa matapang na inumin. Siya'y hindi iinom ng tubang mula sa alak, o anumang inuming nakalalasing, ni iinom man ng anumang katas ng ubas o kakain man ng ubas na sariwa o pinatuyo.
4 Sa lahat ng araw ng kanyang pagiging Nazirita, hindi siya kakain ng anumang bagay na ibinubunga ng puno ng ubas, magmula sa mga butil hanggang sa balat.
5 “Sa lahat ng araw ng kanyang panata bilang Nazirita ay walang pang-ahit na daraan sa ibabaw ng kanyang ulo; hanggang sa matapos ang mga araw nang pagkabukod ng kanyang sarili sa Panginoon, siya'y magiging banal; kanyang pababayaang humaba ang buhok ng kanyang ulo.
6 “Sa lahat ng araw ng kanyang pagbubukod ng kanyang sarili para sa Panginoon, ay hindi siya lalapit sa bangkay.
7 Maging sa kanyang ama o sa kanyang ina, o sa kanyang kapatid na lalaki, o babae, kapag sila'y namatay ay hindi siya magpapakarumi, sapagkat ang kanyang pagkakabukod para sa Diyos ay nasa kanyang ulo.
8 Sa lahat ng araw ng kanyang pagkabukod ay banal siya sa Panginoon.
9 “At kung ang sinuman ay biglang mamatay sa tabi niya at nadungisan niya ang kanyang ulong itinalaga, aahitan niya ang kanyang ulo sa araw ng kanyang paglilinis; sa ikapitong araw ay aahitan niya ito.
10 Sa ikawalong araw ay magdadala siya ng dalawang batu-bato o dalawang batang kalapati sa pari sa pintuan ng toldang tipanan.
11 Ihahandog ng pari ang isa na handog pangkasalanan at ang isa'y handog na sinusunog at itutubos sa kanya, sapagkat siya'y nagkasala dahil sa bangkay, at itatalaga niya ang kanyang ulo sa araw ding iyon.
12 At itatalaga niya sa Panginoon ang mga araw ng kanyang pagkabukod, at siya'y magdadala ng isang korderong lalaki na isang taong gulang na handog pangkasalanan subalit ang mga unang araw ay mawawalan ng kabuluhan, sapagkat ang kanyang pagkabukod ay nadungisan.
13 “At(B) ito ang batas tungkol sa Nazirita, kapag natapos na ang mga araw ng kanyang pagkabukod, siya'y dadalhin sa pintuan ng toldang tipanan.
14 At kanyang ihahandog ang kanyang alay sa Panginoon, na isang korderong lalaki na isang taon na walang kapintasan, bilang handog na sinusunog, at isang korderong babae na isang taon na walang kapintasan bilang handog pangkasalanan at isang lalaking tupa na walang kapintasan bilang handog pangkapayapaan,
15 at isang bakol na tinapay na walang pampaalsa, mga munting tinapay ng piling harina na hinaluan ng langis at maninipis na tinapay na walang pampaalsa na pinahiran ng langis, at ang handog na butil niyon at ang mga handog na inumin niyon.
16 Ihaharap iyon ng pari sa harapan ng Panginoon, at ihahandog ang kanyang handog pangkasalanan at ang kanyang handog na sinusunog.
17 Kanyang ihahandog sa Panginoon ang lalaking tupa bilang handog pangkapayapaan na kalakip ng bakol ng mga tinapay na walang pampaalsa. Ihahandog din ng pari ang handog na butil niyon at ang handog na inumin niyon.
18 Ang Nazirita ay mag-aahit ng kanyang ulo ng pagkatalaga doon sa pintuan ng toldang tipanan at kanyang dadamputin ang buhok ng kanyang ulo ng pagkatalaga at ilalagay sa ibabaw ng apoy na nasa ilalim ng alay na handog pangkapayapaan.
19 At kukunin ng pari ang lutong balikat ng tupa, at isang munting tinapay na walang pampaalsa sa bakol, at isang manipis na tinapay na walang pampaalsa, at ilalagay sa mga kamay ng Nazirita, pagkatapos makapag-ahit ng buhok ng kanyang pagkatalaga.
20 Ang mga ito ay iwawagayway ng pari bilang handog na iwinagayway sa harapan ng Panginoon; ito'y banal sa pari, pati ang dibdib na iwinagayway at ang hitang inialay; at pagkatapos nito, ang Nazirita ay maaari nang uminom ng alak.
21 “Ito ang batas para sa Nazirita na nagpanata. Ang kanyang alay sa Panginoon ay magiging ayon sa kanyang panata bilang Nazirita, bukod pa sa kanyang nakayanan; ayon sa kanyang panata na kanyang ipinangako ay gayon niya dapat gawin, ayon sa batas para sa kanyang pagkabukod bilang isang Nazirita.”
Ang Basbas ng Pari sa mga Anak ni Israel
22 Nagsalita ang Panginoon kay Moises, na sinasabi,
23 “Sabihin mo kay Aaron at sa kanyang mga anak, ‘Sa ganitong paraan babasbasan ninyo ang mga anak ni Israel; sasabihin ninyo sa kanila:
24 Pagpalain ka nawa ng Panginoon at ingatan ka.
25 Paliwanagin nawa ng Panginoon ang kanyang mukha sa iyo, at mahabag sa iyo.
26 Ilingap nawa ng Panginoon ang kanyang mukha sa iyo, at bigyan ka ng kapayapaan.
27 Gayon nila ilalagay ang aking pangalan sa mga anak ni Israel, at pagpapalain ko sila.”
Sa Punong Mang-aawit. Awit ni David.
40 Matiyaga akong naghintay sa Panginoon;
kumiling siya sa akin at pinakinggan ang aking daing.
2 Iniahon niya ako sa hukay ng pagkawasak,
mula sa putikang lusak,
at itinuntong niya ang mga paa ko sa isang malaking bato,
at pinatatag ang aking mga hakbang.
3 Nilagyan niya ng bagong awit ang aking bibig,
isang awit ng pagpupuri sa ating Diyos.
Marami ang makakakita at matatakot,
at magtitiwala sa Panginoon.
4 Mapalad ang tao na kaniyang ginawang tiwala ang Panginoon,
na hindi bumabaling sa mga mapagmataas,
pati sa mga naligaw sa kamalian.
5 Pinarami mo, O Panginoon kong Diyos,
ang iyong mga kagila-gilalas na gawa at ang iyong mga pag-aalala sa amin;
walang maaaring sa iyo'y ihambing!
Kung aking ipahahayag ang mga iyon at isasaysay,
ang mga iyon ay higit kaysa mabibilang.
6 Hain(A) at handog ay hindi mo ibig,
ngunit binigyan mo ako ng bukas na pandinig.
Handog na sinusunog at handog pangkasalanan
ay hindi mo kinailangan.
7 Nang magkagayo'y sinabi ko: “Narito, ako'y dumarating;
sa balumbon ng aklat ay nakasulat ang tungkol sa akin;
8 kinaluluguran kong sundin ang iyong kalooban, O Diyos ko;
ang iyong kautusan ay nasa loob ng aking puso.”
9 Ako'y nagpahayag ng masayang balita ng kaligtasan
sa dakilang kapulungan;
narito, ang aking mga labi ay hindi ko pipigilan,
O Panginoon, iyong nalalaman.
10 Hindi ko ikinubli ang iyong katuwiran sa loob ng aking puso;
ibinalita ko ang iyong katapatan at ang pagliligtas mo;
hindi ko inilihim ang iyong tapat na pag-ibig at ang iyong katapatan
sa dakilang kapulungan.
11 Huwag mong ipagkait sa akin, O Panginoon,
ang iyong kahabagan,
lagi nawa akong ingatan
ng iyong tapat na pag-ibig at ng iyong katapatan!
12 Sapagkat pinaligiran ako ng kasamaang di mabilang,
inabutan ako ng aking mga kasamaan,
hanggang sa ako'y hindi makakita;
sila'y higit pa kaysa mga buhok ng aking ulo,
nanghihina ang aking puso.
13 Kalugdan[a] mo nawa, O Panginoon, na ako'y iligtas mo!
O Panginoon, ikaw ay magmadaling tulungan ako!
14 Sila nawa'y mapahiya at hamaking sama-sama
silang nagsisikap na agawin ang aking buhay;
sila nawa'y mapaurong at madala sa kahihiyan,
silang nagnanais ng aking kapahamakan.
15 Matakot nawa sila dahil sa kanilang kahihiyan
na nagsasabi sa akin, “Aha! Aha!”
16 Ngunit magalak at matuwa nawa sa iyo
ang lahat ng sa iyo'y nagsisihanap;
yaong umiibig sa iyong pagliligtas
ay patuloy nawang magsabi, “Dakilain ang Panginoon!”
17 Dahil sa ako'y nahihirapan at nangangailangan,
alalahanin nawa ako ng Panginoon.
Ikaw ang aking saklolo at aking tagapagligtas;
huwag kang magtagal, O aking Diyos.
Sa Punong Mang-aawit. Awit ni David.
41 Mapalad siya na nagbibigay-pansin sa dukha!
Ililigtas siya ng Panginoon sa araw na masama.
2 Iniingatan siya ng Panginoon at pinananatiling buháy
siya'y tatawaging pinagpala sa lupain;
hindi mo siya ibinigay sa kagustuhan ng kanyang mga kaaway.
3 Aalalayan siya ng Panginoon sa kanyang higaan ng karamdaman,
sa kanyang pagkakasakit ay iyong inaayos ang buo niyang higaan.
4 Tungkol sa akin, aking sinabi, “O Panginoon, sa akin ay maawa ka,
pagalingin mo ako, sapagkat laban sa iyo, ako'y nagkasala!”
5 Ang mga kaaway ko ay nagsalita ng kasamaan laban sa akin,
“Kailan siya mamamatay, at ang kanyang pangalan ay mapapawi rin?”
6 At nang siya'y pumarito upang tingnan ako, siya'y nagsasalita ng mga salitang walang laman,
habang ang kanyang puso ay nagtitipon ng kasamaan,
kapag siya'y lumabas, ipinamamalita niya ito.
7 Lahat ng napopoot sa akin ay nagbubulung-bulungan laban sa akin;
kanilang iniisip ang pinakamasama para sa akin.
8 Kanilang sinasabi, “Isang masamang bagay ang ibinuhos sa kanya,
hindi na siya muling babangon sa kanyang pagkahiga.”
9 Maging(B) ang matalik kong kaibigan na aking pinagtitiwalaan,
na kumain ng aking tinapay, ay nagtaas ng kanyang sakong sapagkat sa akin ay laban.
10 Ngunit ikaw, O Panginoon ko, maawa ka sa akin,
at ibangon mo ako, upang sa kanila'y makaganti ako!
11 Sa pamamagitan nito ay nalalaman ko na nalulugod ka sa akin,
dahil sa ang aking kaaway ay hindi sisigaw sa pagtatagumpay laban sa akin.
12 At tungkol sa akin, inaalalayan mo ako sa aking katapatan,
at inilalagay mo ako sa iyong harapan magpakailanman.
13 Purihin(C) ang Panginoon, ang Diyos ng Israel,
mula sa walang pasimula at hanggang sa walang hanggan.
Amen at Amen.
Mangingibig
4 O napakaganda mo, mahal ko;
talagang ikaw ay maganda;
Ang iyong mga mata ay mga kalapati
sa likod ng iyong talukbong.
Ang iyong buhok ay gaya ng kawan ng mga kambing,
na bumababa sa gulod ng bundok ng Gilead.
2 Ang iyong mga ngipin ay gaya ng mga kawan ng mga batang tupa na bagong gupit,
na nagsiahon mula sa paglilinis,
na bawat isa'y may anak na kambal,
at walang nagluluksa isa man sa kanila.
3 Ang iyong mga labi ay gaya ng pising mapula,
at ang iyong bibig ay kahali-halina.
Ang iyong mga pisngi ay gaya ng kalahati ng granada,
sa likod ng iyong talukbong.
4 Ang iyong leeg ay gaya ng tore ni David,
na itinayo upang pagtaguan ng mga sandata,
na kinabibitinan ng libong kalasag,
na ang lahat ay mga kalasag ng mga mandirigma.
5 Ang iyong dalawang suso ay gaya ng dalawang batang usa
na mga kambal ng isang inahing usa,
na nanginginain sa gitna ng mga liryo.
6 Hanggang sa ang araw ay huminga
at ang mga anino ay tumakas,
ako'y paroroon sa bundok ng mira,
at sa burol ng kamanyang.
7 Ikaw ay totoong maganda, sinta ko;
walang kapintasan sa iyo.
8 Sumama ka sa akin mula sa Lebanon, kasintahan ko.
Sumama ka sa akin mula sa Lebanon.
Tumanaw ka mula sa taluktok ng Amana,
mula sa taluktok ng Senir at ng Hermon,
mula sa mga yungib ng mga leon,
mula sa mga bundok ng mga leopardo.
9 Inagaw mo ang aking puso, kapatid ko, kasintahan ko,
inagaw mo ang aking puso ng isang sulyap ng mga mata mo,
ng isang hiyas ng kuwintas mo.
10 Napakatamis ng iyong pag-ibig, kapatid ko, kasintahan ko!
Higit na mainam ang iyong pagsinta kaysa alak!
At ang amoy ng iyong mga langis kaysa anumang pabango!
11 Ang iyong mga labi, O kasintahan ko, ay nagbibigay ng katas,
pulot at gatas ay nasa ilalim ng iyong dila;
at ang bango ng iyong mga suot ay gaya ng amoy ng Lebanon.
12 Halamanang nababakuran ang kapatid ko, ang kasintahan ko;
halamanang nababakuran, isang bukal na natatakpan.
13 Ang iyong mga pananim ay halamanan ng mga granada,
na may piling-piling mga bunga;
hena na may nardo,
14 may nardo at safro, kalamo at kanela,
sampu ng lahat na puno ng kamanyang;
mira at mga aloe,
sampu ng lahat ng pabangong pinakamainam—
15 isang bukal ng mga halamanan, balon ng mga tubig na buháy,
at dumadaloy na batis mula sa Lebanon.
Babae
16 Gumising ka, O hanging amihan,
at pumarito ka, O hanging habagat!
Humihip ka sa aking halamanan,
upang ang bango niya'y humalimuyak.
Pumasok ang aking sinta sa halamanan niya,
at kumain siya ng mga piling-piling bunga.
4 Kaya't habang nananatiling bukas ang pangakong makapasok sa kanyang kapahingahan, mag-ingat tayo na baka sinuman sa inyo ay hindi makaabot doon.
2 Sapagkat dumating sa atin ang magandang balita, gaya rin naman sa kanila, ngunit hindi nila pinakinabangan ang pangangaral na narinig nila, sapagkat hindi sila naging kalakip sa pamamagitan ng pananampalataya ng mga taong nakarinig.
3 Sapagkat(A) tayong sumasampalataya ay pumapasok sa kapahingahang iyon, gaya ng sinabi ng Diyos,[a]
“Gaya ng aking isinumpa sa aking pagkagalit,
sila'y hindi papasok sa aking kapahingahan,”
bagama't ang mga gawa niya mula nang itatag ang sanlibutan ay natapos na.
4 Sapagkat(B) sa isang dako ay sinabi niya ang ganito tungkol sa ikapitong araw, “At nagpahinga ang Diyos nang ikapitong araw sa lahat ng kanyang mga gawa.”
5 At(C) sa dakong ito ay muling sinabi, “Sila'y hindi papasok sa aking kapahingahan.”
6 Kaya't yamang nananatiling bukas para sa ilan upang makapasok doon, at ang mga pinangaralan ng magandang balita nang una ay hindi nakapasok dahil sa pagsuway,
7 siya(D) ay muling nagtakda ng isang araw, “Ngayon,” na pagkatapos ng ilang panahon ay sinabi sa pamamagitan ni David, gaya ng sinabi noong una,
“Ngayon, kung marinig ninyo ang kanyang tinig,
huwag ninyong papagmatigasin ang inyong mga puso.”
8 Sapagkat(E) kung sila ay nabigyan ni Josue ng kapahingahan, hindi na sana nagsalita ang Diyos tungkol sa ibang araw pagkatapos ng mga ito.
9 Kaya't may natitira pang isang pamamahingang Sabbath para sa bayan ng Diyos.
10 Sapagkat(F) ang pumasok sa kanyang kapahingahan ay nagpahinga rin sa kanyang mga gawa, gaya ng Diyos sa kanyang mga gawa.
11 Kaya't magsikap tayong pumasok sa kapahingahang iyon, upang huwag mabuwal ang sinuman sa pamamagitan ng gayong halimbawa ng pagsuway.
12 Sapagkat ang salita ng Diyos ay buháy, mabisa, at higit na matalas kaysa alin mang tabak na may dalawang talim, at tumatagos hanggang sa pinaghihiwalayan ng kaluluwa at espiritu, ng mga kasukasuan at ng utak sa buto, at may kakayahang kumilala ng mga pag-iisip at mga hangarin ng puso.
13 At walang nilalang na nakukubli sa harapan niya, kundi ang lahat ng mga bagay ay hubad at hayag sa mga mata niya na ating pagsusulitan.
Si Jesus ang Pinakapunong Pari
14 Yamang tayo'y mayroong isang marangal at Pinakapunong Pari na pumasok sa kalangitan, si Jesus na Anak ng Diyos, ay hawakan nating matatag ang ating ipinahahayag.
15 Sapagkat tayo'y mayroong isang Pinakapunong Pari na marunong makiramay sa ating mga kahinaan, isa na tinukso sa lahat ng mga paraan gaya rin naman natin, gayunma'y walang kasalanan.
16 Kaya't lumapit tayong may katapangan sa trono ng biyaya, upang tayo'y tumanggap ng awa, at makatagpo ng biyaya na makakatulong sa panahon ng pangangailangan.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001