Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

M’Cheyne Bible Reading Plan

The classic M'Cheyne plan--read the Old Testament, New Testament, and Psalms or Gospels every day.
Duration: 365 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Levitico 21

Ang Kabanalan ng mga Pari

21 Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Sabihin mo ang ganito sa mga pari na mga anak ni Aaron: Hindi dapat dungisan ng sinuman ang kanyang sarili nang dahil sa patay na kasama ng kanyang bayan,

maliban sa kanyang malapit na kamag-anak: sa kanyang ina, ama, anak na lalaki at babae, kapatid na lalaki,

at sa kanyang kapatid na dalaga na malapit sa kanya, sapagkat siya ay walang asawa, ay maaaring madungisan niya ang kanyang sarili dahil sa dalaga.[a]

Hindi niya dapat dungisan ang kanyang sarili bilang isang asawang lalaki sa gitna ng kanyang bayan at malapastanganan ang sarili.

Huwag(A) silang gagawa ng kalbong bahagi sa kanilang ulo, o gugupitin man ang dulo ng kanilang balbas, o hihiwaan man ang kanilang laman.

Sila'y magiging banal sa kanilang Diyos, at huwag nilang lalapastanganin ang pangalan ng kanilang Diyos; sapagkat sila ang nag-aalay ng mga handog sa Panginoon na pinaraan sa apoy, na tinapay ng kanilang Diyos, kaya't sila'y magiging banal.

Huwag silang mag-aasawa ng isang babaing upahan[b] o babaing nadungisan, ni mag-aasawa sa isang babaing hiwalay na sa kanyang asawa, sapagkat ang pari[c] ay banal sa kanyang Diyos.

Siya ay iyong ituturing na banal, sapagkat siya ang naghahandog ng tinapay ng inyong Diyos. Siya'y magiging banal sa inyo; sapagkat akong Panginoon na nagpapabanal sa inyo ay banal.

Kapag dinungisan ng anak na babae ng isang pari ang kanyang sarili sa pamamagitan ng pagpapaupa[d] ay kanyang nilalapastangan ang kanyang ama; siya'y susunugin sa apoy.

10 “Ang pari na pangunahin sa kanilang magkakapatid, na binuhusan ng langis ang ulo at ang kamay, at itinalaga upang magsuot ng kasuotan ng pari, hindi dapat maglugay ng kanyang buhok, ni sirain ang kanyang damit.

11 Huwag siyang lalapit sa anumang bangkay, ni dungisan ang kanyang sarili, maging dahil sa kanyang ama, o dahil sa kanyang ina;

12 ni lalabas siya sa santuwaryo, ni lalapastanganin ang santuwaryo ng kanyang Diyos; sapagkat ang pagtalaga ng langis na pambuhos ng kanyang Diyos ay nasa kanya: Ako ang Panginoon.

13 Siya'y mag-aasawa sa isang dalagang birhen.

14 Hindi siya mag-aasawa sa isang balo, o sa hiniwalayan, o sa isang babaing nadungisan, o sa isang upahang babae; kundi kukuha siya ng isang dalagang malinis sa kanyang sariling bayan bilang asawa.

15 Upang hindi niya malapastangan ang kanyang mga anak sa gitna ng kanyang mga kamag-anak, sapagkat ako ang Panginoon na nagpapabanal sa kanya.”

Karapatan sa Pagkapari

16 At nagsalita ang Panginoon kay Moises, na sinasabi,

17 “Sabihin mo kay Aaron: Sinuman sa iyong mga anak sa buong panahon ng kanilang salinlahi na may kapintasan ay hindi maaaring lumapit upang maghandog ng tinapay sa kanyang Diyos.

18 Sapagkat sinumang mayroong kapintasan ay huwag lalapit, ang taong bulag, pilay, nasira ang mukha, sobrang mahaba ang paa o kamay;

19 ang taong nabalian ng paa o nabalian ng kamay;

20 kuba, unano, ang taong may kapansanan sa kanyang mata, sakit ng pangangati, galisin, o nadurog ang itlog.

21 Walang tao mula sa binhi ni Aaron na pari na mayroong kapintasan ang lalapit upang mag-alay ng mga handog sa Panginoon na pinaraan sa apoy yamang siya'y may kapintasan; siya'y huwag lalapit upang mag-alay ng tinapay sa kanyang Diyos.

22 Makakakain siya ng tinapay ng kanyang Diyos, ang kabanal-banalan at ang mga bagay na banal;

23 subalit hindi siya makakalapit sa tabing, o lalapit man sa dambana, sapagkat siya'y may kapintasan upang hindi niya malapastangan ang aking mga santuwaryo; sapagkat ako ang Panginoon na nagpapabanal sa kanila.”

24 Gayon ang sinabi ni Moises kay Aaron at sa kanyang mga anak, at sa lahat ng mga anak ni Israel.

Mga Awit 26-27

Awit ni David.

26 Pawalang-sala mo ako, O Panginoon,
    sapagkat ako'y lumakad sa aking katapatan,
    at ako'y nagtiwala sa Panginoon nang walang pag-aalinlangan.
Siyasatin mo ako, O Panginoon, at ako'y subukin,
    ang aking puso at isipan ay iyong suriin.
Sapagkat ang iyong tapat na pag-ibig ay nasa harapan ng aking mga mata,
    at ako'y lumalakad na may katapatan sa iyo.
Hindi ako umuupong kasama ng mga sinungaling na tao;
    ni sa mga mapagkunwari ay nakikisama ako.
Kinapopootan ko ang pangkat ng mga gumagawa ng kasamaan,
    at hindi ako uupong kasama ng tampalasan.

Hinuhugasan ko ang aking mga kamay sa kawalang-sala;
    at magtutungo ako, O Panginoon, sa iyong dambana,
na umaawit nang malakas ng awit ng pasasalamat,
    at ang iyong kahanga-hangang mga gawa ay ibinabalitang lahat.

O Panginoon, mahal ko ang bahay na iyong tinatahanan
    at ang dakong tinatahanan ng iyong kaluwalhatian.
Huwag mong kunin ang aking kaluluwa kasama ng mga makasalanan,
    ni ang aking buhay na kasama ng mga taong sa dugo ay uhaw,
10 mga taong masasamang gawa ang nasa kanilang mga kamay,
    na ang kanilang kanang kamay ay punô ng mga lagay.

11 Ngunit sa ganang akin ay lalakad ako sa aking katapatan;
    tubusin mo ako, at kahabagan.
12 Sa isang patag na lupa ang paa ko'y nakatuntong,
    sa malaking kapulungan ay pupurihin ko ang Panginoon.

Awit ni David.

27 Ang Panginoon ay aking liwanag at aking kaligtasan;
    sino ang aking katatakutan?
Ang Panginoon ay muog ng aking buhay;
    sino ang aking kasisindakan?

Nang dumating sa akin ang mga manggagawa ng kasamaan,
    upang lamunin ang aking laman,
ang aking mga kaaway at aking mga kalaban,
    sila'y matitisod at mabubuwal.

Bagaman magkampo laban sa akin ang isang hukbo,
    hindi matatakot ang aking puso;
bagaman magbangon ang digmaan laban sa akin,
    gayunman ako'y magtitiwala pa rin.

Isang bagay ang hiningi ko sa Panginoon,
    na aking hahanapin;
na ako'y makapanirahan sa bahay ng Panginoon,
    sa lahat ng mga araw ng aking buhay,
upang mamasdan ang kagandahan ng Panginoon,
    at sumangguni sa kanyang templo.

Sapagkat ako'y ikukubli niya sa kanyang kanlungan
    sa araw ng kaguluhan
sa ilalim ng kanyang tolda ako'y kanyang itatago,
    at itataas niya ako sa ibabaw ng isang malaking bato.

At ngayo'y itataas ang aking ulo
    sa aking mga kaaway sa palibot ko;
at ako'y maghahandog sa kanyang tolda
    ng mga alay na may sigaw ng pagsasaya.
Ako'y aawit, oo, ako'y aawit ng mga papuri sa Panginoon.

Dinggin mo kapag ako'y sumisigaw ng aking tinig, O Panginoon,
    kaawaan mo ako at sa akin ay tumugon.
Sinabi mo, “Hanapin ninyo ang aking mukha;” sabi ng aking puso sa iyo,
    “Ang iyong mukha, Panginoon, ay aking hinahanap.”
    Huwag mong ikubli ang iyong mukha sa akin.

Sa galit, ang iyong lingkod ay huwag mong paalisin,
    ikaw na naging saklolo sa akin.
Huwag mo akong itakuwil, huwag mo akong pabayaan,
    O Diyos ng aking kaligtasan!
10 Sapagkat pinabayaan na ako ng aking ama at ina,
    gayunma'y ibabangon ako ng Panginoon.

11 Ituro mo sa akin, O Panginoon, ang iyong daan,
    akayin mo ako sa patag na landas
    dahil sa aking mga kaaway.
12 Huwag mo akong ibigay sa kalooban ng aking mga kaaway;
    sapagkat mga sinungaling na saksi laban sa akin ay nagbangon,
    at sila'y nagbubuga ng karahasan.

13 Ako'y naniniwala na aking masasaksihan ang kabutihan ng Panginoon
    sa lupain ng mga nabubuhay!
14 Maghintay ka sa Panginoon;
    magpakalakas ka at magpakatapang ang iyong puso;
    oo, maghintay ka sa Panginoon!

Eclesiastes 4

Ang Kasamaan ng Tao at ang Pagkakatulad sa Hayop

Muli kong nakita ang lahat ng pang-aapi na ginagawa sa ilalim ng araw. Masdan ninyo, ang mga luha ng mga inaapi at walang umaaliw sa kanila! Sa panig ng kanilang maniniil ay may kapangyarihan, at walang umaaliw sa kanila.

Kaya't aking inisip na ang patay na namatay na, ay higit na mapalad kaysa mga buháy na nabubuhay pa;

ngunit higit na mabuti kaysa kanila ang hindi pa ipinapanganak, na hindi pa nakakita ng masasamang gawa na nagawa sa ilalim ng araw.

Nang magkagayo'y nakita ko na lahat ng pagpapagod, at lahat ng kakayahan sa paggawa ay nagmumula sa pagkainggit ng tao sa kanyang kapwa. Ito man ay walang kabuluhan at pakikipaghabulan sa hangin.

Inihahalukipkip ng hangal ang kanyang mga kamay, at kinakain ang kanyang sariling laman.

Mas mabuti pa ang isang dakot na katahimikan, kaysa dalawang dakot na punô ng pagpapagod at pakikipaghabulan lamang sa hangin.

Muli kong nakita ang walang kabuluhan sa ilalim ng araw:

isang taong nag-iisa, walang anak o kapatid man; gayunma'y walang wakas ang lahat niyang pagpapagod, at ang kanyang mga mata ay hindi nasisiyahan sa mga kayamanan. Kaya't hindi niya itinatanong, “Para kanino ako nagpapagod at pinagkakaitan ko ang aking sarili ng kasiyahan?” Ito man ay walang kabuluhan at malungkot na bagay.

Ang Kahalagahan ng Kaibigan

Ang dalawa ay mas mabuti kaysa isa; sapagkat sila'y may mabuting gantimpala sa kanilang pagpapagod.

10 Sapagkat kung sila'y bumagsak, ibabangon ng isa ang kanyang kasama; ngunit kahabag-habag siya na nag-iisa kapag siya'y bumagsak; at walang iba na magbabangon sa kanya.

11 Muli, kung ang dalawa ay mahigang magkasama, may init nga sila; ngunit paanong maiinitan ang nag-iisa?

12 At bagaman ang isang tao ay maaaring magtagumpay laban sa iba, ang dalawa ay magtatagumpay laban sa isa. Ang panaling may tatlong pisi ay hindi agad napapatid.

13 Mas mabuti ang dukha at pantas na kabataan kaysa matanda at hangal na hari, na hindi na tatanggap pa ng payo,

14 bagaman mula sa bilangguan ay makapaghahari siya, o siya'y ipinanganak na dukha sa kanyang sariling kaharian.

15 Aking nakita ang lahat ng may buhay na nagsisilakad sa ilalim ng araw, maging ang kabataang tatayo na kapalit niya;

16 walang wakas sa lahat ng mga tao na kanyang pinapangunahan. Gayunman, silang darating pagkatapos ay hindi magagalak sa kanya. Tunay na ito man ay walang kabuluhan at pakikipaghabulan sa hangin.

1 Timoteo 6

Ituring ng lahat ng mga nasa ilalim ng pamatok ng pagkaalipin ang kanilang mga amo bilang karapat-dapat sa lahat ng karangalan, upang ang pangalan ng Diyos at ang aral ay hindi malapastangan.

Ang mga may among mananampalataya ay huwag maging walang-galang sa kanila, sapagkat sila'y mga kapatid, kundi lalo pa silang maglingkod, sapagkat ang mga makikinabang ay mga mananampalataya at mga minamahal. Iyong ituro at ipangaral ang mga bagay na ito.

Maling Aral at ang Tunay na Kayamanan

Kung ang sinuma'y nagtuturo ng ibang aral at hindi sumasang-ayon sa mahuhusay na salita ng ating Panginoong Jesu-Cristo, at sa aral na ayon sa kabanalan,

siya ay palalo, walang nauunawang anuman; at siya ay nahuhumaling sa mga usapin at sa pagtatalo tungkol sa mga salita na pinagmumulan ng inggit, away, paninirang-puri, mga masasamang hinala,

pag-aaway ng mga taong masasama ang pag-iisip at salat sa katotohanan, na inaakalang ang kabanalan ay paraan ng pakinabang.

Subalit ang kabanalan na may kasiyahan ay malaking pakinabang.

Sapagkat wala tayong dinalang anuman sa sanlibutan, at wala rin naman tayong mailalabas na anuman;

ngunit kung tayo'y may pagkain at damit, masiyahan na tayo sa mga ito.

Ngunit ang mga nagnanais yumaman ay nahuhulog sa tukso, at nabibitag sa maraming hangal at nakapipinsalang pagnanasa, na siyang naglulubog sa mga tao sa pagkawasak at kapahamakan.

10 Sapagkat ang pag-ibig sa salapi ay ugat ng lahat ng uri ng kasamaan; na ang ilang nagnasa rito ay napalayo sa pananampalataya at tinusok ang kanilang mga sarili ng maraming kalungkutan.

Ang Mabuting Pakikipaglaban

11 Ngunit ikaw, O tao ng Diyos, layuan mo ang mga bagay na ito at sumunod ka sa katuwiran, sa pagiging maka-Diyos, sa pananampalataya, sa pag-ibig, sa pagtitiis, at sa kaamuan.

12 Makipaglaban ka sa mabuting pakikipaglaban ng pananampalataya, panghawakan mo ang buhay na walang hanggan na dito'y tinawag ka, at ipinahayag mo ang mabuting pagpapahayag sa harapan ng maraming mga saksi.

13 Sa(A) harapan ng Diyos na nagbibigay ng buhay sa lahat ng mga bagay, at ni Cristo Jesus na nagpatotoo ng mabuting pagpapahayag sa harapan ni Poncio Pilato, inaatasan kita,

14 na ingatan mong walang dungis at walang kapintasan ang utos hanggang sa pagpapakita ng ating Panginoong Jesu-Cristo;

15 na kanyang ipahahayag sa takdang panahon—siya na mapalad at tanging Makapangyarihan, ang Hari ng mga hari, at Panginoon ng mga panginoon.

16 Siya lamang ang walang kamatayan at naninirahan sa liwanag na di-malapitan; na hindi nakita ng sinumang tao, o makikita man. Sumakanya nawa ang karangalan at paghaharing walang hanggan. Amen.

17 Ang mayayaman sa sanlibutang ito ay atasan mo na huwag magmataas ni huwag umasa sa mga kayamanang hindi tiyak, kundi sa Diyos na nagbibigay sa atin ng lahat ng mga bagay para sa ating kasiyahan.

18 Dapat silang gumawa ng mabuti, maging mayaman sa mabubuting gawa, bukas ang palad at handang mamahagi,

19 sa gayo'y magtitipon sila para sa kanilang sarili ng isang mabuting saligan para sa hinaharap upang sila'y makapanghawak sa tunay na buhay.

Iba pang Tagubilin at Pagbasbas

20 O Timoteo, ingatan mo ang ipinagkatiwala sa iyo. Iwasan mo ang mga usapang walang kabuluhan at ang mga pagsalungat ng huwad na kaalaman;

21 na sa pamamagitan ng paniniwala dito ang ilan ay nalihis sa pananampalataya. Sumainyo nawa ang biyaya.[a]

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001