Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

M’Cheyne Bible Reading Plan

The classic M'Cheyne plan--read the Old Testament, New Testament, and Psalms or Gospels every day.
Duration: 365 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Levitico 22

Ang Kabanalan ng mga Handog

22 At nagsalita ang Panginoon kay Moises, na sinasabi,

“Sabihin mo kay Aaron at sa kanyang mga anak na sila'y magsilayo sa mga banal na bagay ng mga anak ni Israel, na kanilang itinalaga sa akin upang huwag nilang lapastanganin ang aking banal na pangalan: Ako ang Panginoon.

Sabihin mo sa kanila, ‘Sinuman sa lahat ng inyong binhi sa buong panahon ng inyong salinlahi na lumapit sa mga banal na bagay na itinalaga ng mga anak ni Israel sa Panginoon na nasa kalagayang marumi, ang taong iyon ay ititiwalag sa aking harapan: Ako ang Panginoon.

Sinuman sa binhi ni Aaron na may ketong o may tulo ay hindi kakain ng mga banal na bagay hanggang siya'y maging malinis. At ang humipo ng alinmang bagay na marumi dahil sa patay, o lalaking nilabasan ng binhi nito,

o sinumang humipo ng anumang gumagapang na makakapagparumi sa kanya o humipo sa lalaking makakapagparumi sa kanya, sa pamamagitan ng alinman sa kanyang karumihan,

ang tao na humipo sa gayon ay magiging marumi hanggang sa paglubog ng araw. Huwag siyang kakain ng mga banal na bagay, kundi paliliguan niya ang kanyang katawan sa tubig.

Pagkalubog ng araw, siya ay magiging malinis at pagkatapos ay makakakain na siya ng mga banal na bagay, sapagkat iyon ay kanyang pagkain.

Hindi niya kakainin ang anumang kusang namatay o nilapa ng hayop, sapagkat marurumihan niya ang kanyang sarili sa pamamagitan nito: Ako ang Panginoon.’

Kaya't tutuparin nila ang aking bilin, at hindi nila iyon ipagkakasala, upang sila ay huwag mamatay kapag kanilang nilapastangan ito: Ako ang Panginoon na nagpapabanal sa kanila.

10 “Ang isang taga-ibang bayan ay huwag kakain ng mga banal na bagay; sinumang manunuluyan sa pari, o aliping upahan niya ay huwag kakain ng banal na bagay.

11 Ngunit kung ang pari ay bumili ng isang tao sa pamamagitan ng kanyang salapi, siya ay makakakain din nito; gayundin ang ipinanganak sa kanyang bahay ay makakakain ng kanyang tinapay.

12 Kung ang isang anak na babae ng pari ay mag-asawa sa isang dayuhan, ang babae ay hindi makakakain ng handog ng mga banal na bagay.

13 Subalit kung ang anak na babae ng pari ay balo o hiwalay sa asawa at walang anak at bumalik sa bahay ng kanyang ama na gaya rin nang kanyang kabataan, siya ay makakakain ng tinapay ng kanyang ama, ngunit ang sinumang dayuhan ay hindi makakakain niyon.

14 At kung ang sinumang lalaki ay magkamaling kumain ng banal na bagay, iyon ay kanyang daragdagan ng ikalimang bahagi at ibibigay iyon sa pari kasama ng banal na bagay.

15 Huwag lalapastanganin ng mga pari ang mga banal na bagay ng mga anak ni Israel, na kanilang inihahandog sa Panginoon;

16 sapagkat iyon ay magbubunga ng pagpasan nila ng kasamaan at pagkakasala sa pamamagitan ng pagkain ng kanilang mga banal na bagay; sapagkat ako ang Panginoon na nagpapabanal sa kanila.”

17 At nagsalita ang Panginoon kay Moises, na sinasabi,

18 “Sabihin mo kay Aaron, sa kanyang mga anak, at sa lahat ng mga anak ni Israel: Sinuman sa sambahayan ni Israel o sa mga dayuhan sa Israel, na maghahandog ng kanyang alay, maging kabayaran sa isang panata o bilang inialay sa Panginoon bilang handog na sinusunog,

19 upang tanggapin, ang inyong ihahandog ay isang lalaki na walang kapintasan, mula sa mga toro, sa mga tupa, o sa mga kambing.

20 Huwag(A) ninyong ihahandog ang anumang may kapintasan, sapagkat ito ay hindi tatanggapin para sa inyo.

21 At kapag ang isang tao ay naghandog sa Panginoon ng handog pangkapayapaan, sa pagtupad ng isang panata o kaya'y kusang-loob na handog mula sa bakahan o sa kawan, ito ay kailangang sakdal upang matanggap; ito ay kailangang walang kapintasan.

22 Ang bulag, may bali, may kapansanan, may tulo, may pangangati, o may galis, ay huwag ninyong ihahandog sa Panginoon, ni gagawin ang mga ito bilang handog sa Panginoon na pinaraan sa apoy sa ibabaw ng dambana.

23 Ang toro o tupa na may bahaging napakahaba o napakaikli ay maaari mong ialay bilang kusang-loob na handog, subalit hindi matatanggap para sa isang panata.

24 Anumang hayop na nasira ang kasarian, nadurog, o naputol ay huwag ninyong ihahandog sa Panginoon, o iaalay sa loob ng inyong lupain.

25 Huwag ninyong ihahandog bilang pagkain ng inyong Diyos ang anumang gayong hayop na nakuha mula sa isang dayuhan, yamang ang mga ito ay may kapintasan dahil sa kanilang kapansanan; hindi iyon tatanggapin para sa inyo.”

26 At nagsalita ang Panginoon kay Moises, na sinasabi,

27 “Kapag ipinanganak ang isang baka, tupa, o kambing, ito ay mananatili sa kanyang ina sa loob ng pitong araw; at mula sa ikawalong araw hanggang sa haharapin ito ay tatanggapin bilang alay, handog na pinaraan sa apoy para sa Panginoon;

28 subalit huwag ninyong papatayin sa gayon ding araw ang baka, o tupa at ang kanyang anak.

29 Kapag kayo'y maghahandog ng handog na pasasalamat sa Panginoon, iaalay ninyo ito upang kayo ay tanggapin;

30 at ito ay kakainin sa araw ding iyon, huwag kayong magtitira ng anuman hanggang sa umaga: Ako ang Panginoon.

31 “Kaya't inyong iingatan ang aking mga utos, at inyong tuparin ang mga iyon: Ako ang Panginoon.

32 Huwag ninyong lalapastanganin ang aking banal na pangalan; kundi ako'y pakakabanalin sa bayan ng Israel; ako ang Panginoon na nagpapabanal sa inyo,

33 na naglabas sa inyo mula sa lupain ng Ehipto, upang ako'y maging inyong Diyos: Ako ang Panginoon.”

Mga Awit 28-29

Awit ni David.

28 Sa iyo, O Panginoon, ako'y nananawagan,
    aking malaking bato, sa aki'y huwag magbingi-bingihan,
baka kung ikaw sa akin ay tumahimik lamang,
    ako'y maging gaya nila na bumababa sa Hukay.
Pakinggan mo ang tinig ng aking karaingan,
    habang ako'y dumaraing ng tulong sa iyo,
habang aking itinataas ang aking mga kamay
    sa dako ng kabanal-banalang santuwaryo.

Huwag mo akong agawing kasama ng masasama,
    na kasama ng mga taong kasamaan ang ginagawa,
na nagsasalita ng kapayapaan sa kanilang mga kapwa,
    gayong ang nasa kanilang mga puso ay masamang pakana.
Ayon(A) sa kanilang gawa, sila'y iyong pagbayarin,
    at ayon sa kasamaan ng kanilang mga gawain.
Gantihan mo sila ng ayon sa gawa ng kanilang mga kamay;
    ang karampatang ganti sa kanila'y ibigay.
Sapagkat ang mga gawa ng Panginoon, ay hindi nila pinapahalagahan,
    ni ang mga gawa ng kanyang mga kamay,
kanyang ibabagsak sila at hindi na sila itatayo kailanman.

Ang Panginoon ay purihin!
    Sapagkat narinig niya ang tinig ng aking mga daing.
Ang Panginoon ang aking lakas at aking kalasag;
    sa kanya ang aking puso ay nagtitiwala,
kaya't ako'y natutulungan, at ang aking puso ay nagagalak,
    at sa pamamagitan ng aking awit ako sa kanya'y nagpapasalamat.

Ang Panginoon ang lakas ng kanyang bayan,
    siya ang nagliligtas na kanlungan ng kanyang pinahiran.
Iligtas mo ang iyong bayan, at ang iyong pamana ay basbasan,
    maging pastol ka nila, at buhatin mo sila magpakailanman.

Awit ni David.

29 Mag-ukol(B) kayo sa Panginoon, O mga anak ng makapangyarihan,
    mag-ukol kayo sa Panginoon ng kaluwalhatian at kalakasan.
Iukol ninyo sa Panginoon ang kaluwalhatian na nararapat sa kanyang pangalan;
    sambahin ninyo ang Panginoon sa banal na kagayakan.

Ang tinig ng Panginoon ay nasa ibabaw ng mga tubig;
    ang Diyos ng kaluwalhatian ay kumukulog,
    ang Panginoon, sa ibabaw ng maraming tubig.
Ang tinig ng Panginoon ay makapangyarihan,
    ang tinig ng Panginoon ay puspos ng kadakilaan.

Ang tinig ng Panginoon ay bumabali ng mga sedro;
    binabali ng Panginoon ang mga sedro ng Lebanon.
Kanyang pinalulukso ang Lebanon na gaya ng guya,
    at ang Sirion na gaya ng mailap na guyang baka.

Ang tinig ng Panginoon ay nagpapasiklab ng mga ningas ng apoy.
Niyayanig ng tinig ng Panginoon ang ilang,
    niyayanig ng Panginoon ang ilang ng Kadesh.

Pinaaanak ng tinig ng Panginoon ang mga usa,
    at hinuhubaran ang mga gubat;
    at ang lahat sa kanyang templo ay nagsasabi, “Kaluwalhatian!”

10 Ang Panginoon ay nakaupo sa trono sa ibabaw ng baha;
    ang Panginoon ay nakaluklok bilang hari magpakailanman.
11 Ang Panginoon nawa ay magbigay ng lakas sa kanyang bayan!
    Basbasan nawa ng Panginoon ang kanyang bayan ng kapayapaan!

Eclesiastes 5

Huwag Pabigla-bigla sa Pangangako

Ingatan mo ang iyong mga hakbang kapag ikaw ay nagtungo sa bahay ng Diyos. Ang lumapit upang makinig ay mas mabuti kaysa magbigay ng handog ng mga hangal, sapagkat hindi nila nalalaman na sila'y nagsisigawa ng kasamaan.

Huwag kang pabigla-bigla sa iyong bibig, at huwag magmadali ang iyong puso na magsalita ng anumang bagay sa harapan ng Diyos; sapagkat ang Diyos ay nasa langit, at ikaw ay nasa lupa; kaya't kaunti lamang ang iyong maging salita.

Sapagkat ang panaginip ay dumarating na kasama ng maraming pasanin, at ang tinig ng hangal na kasama ng maraming mga salita.

Kapag(A) ikaw ay gumawa ng panata sa Diyos, huwag kang magpaliban ng pagtupad; sapagkat siya'y walang kasiyahan sa mga hangal. Tuparin mo ang iyong ipinanata.

Mas mabuti pa na hindi ka gumawa ng panata, kaysa ikaw ay gumawa ng panata at hindi tumupad.

Huwag mong hayaan na akayin ka ng iyong bibig sa pagkakasala, at huwag mong sabihin sa harapan ng anghel na iyon ay isang kamalian. Bakit magagalit ang Diyos sa iyong tinig, at sisirain ang gawa ng iyong mga kamay?

Sa maraming mga panaginip, sa maraming mga salita ay kawalang-kabuluhan, ngunit matakot ka sa Diyos.

Ang Buhay ay Walang Kabuluhan

Kung iyong nakita sa isang lalawigan na ang dukha ay inapi, at ang katarungan at katuwiran ay inalis, huwag kang magtaka sa pangyayari, sapagkat ang mataas na pinuno ay minamasdan ng mas mataas, at may lalong mataas pa kaysa kanila.

Ngunit kapag isinasaalang-alang ang lahat ng bagay, ang hari ay pakinabang sa lupaing may binubungkal na lupa.

10 Siyang umiibig sa salapi ay hindi masisiyahan sa salapi; o siya mang umiibig sa kayamanan na may pakinabang: ito man ay walang kabuluhan.

11 Kapag ang mga ari-arian ay dumarami, dumarami silang kumakain ng mga iyon: at anong pakinabang mayroon ang may-ari niyon, kundi ang mamasdan iyon ng kanyang mga mata?

12 Masarap ang tulog ng manggagawa; kumakain man siya nang kaunti o marami; ngunit ang pagpapakasawa ng mayaman ay hindi magpapatulog sa kanya.

13 May malubhang kasamaan na aking nakita sa ilalim ng araw: ang mga yaman ay iniingatan ng may-ari niyon sa ikapapahamak niya,

14 at ang mga yamang iyon ay nawawala sa isang masamang pakikipagsapalaran; at kahit na sila'y magulang ng mga anak, walang naiwan sa kanilang mga kamay.

15 Kung(B) paanong siya'y lumabas sa sinapupunan ng kanyang ina, gayon siya muling aalis, hubad siyang dumating, wala siyang anumang madadala mula sa kanyang pagpapagod, na kanyang madadala sa kanyang kamay.

16 Ito man ay isang malubhang kasamaan: kung paano siya dumating ay gayon siya aalis; at anong pakinabang mayroon siya, na gumagawa siya para sa hangin,

17 na lahat naman ng mga araw niya ay ginugol niya sa kadiliman at kalungkutan, sa maraming pagkainis, pagkakasakit, at pagsisisi?

18 Ito ang aking nakita na mabuti: nararapat na kumain, uminom, at magalak sa lahat ng kanyang pinagpaguran na kanyang ginagawa sa ilalim ng araw sa lahat ng kakaunting araw ng kanyang buhay na ibinigay sa kanya ng Diyos, sapagkat ito ang kanyang kapalaran.

19 Gayundin sa bawat tao na binigyan ng Diyos ng kayamanan at mga ari-arian, at binigyan ng kapangyarihan na masiyahan sa mga ito, at tanggapin ang kanyang kapalaran, at magalak sa kanyang pagpapagod—ito'y kaloob ng Diyos.

20 Sapagkat hindi na niya gaanong maaalala ang mga araw ng kanyang buhay sapagkat ginagawa siyang abala ng Diyos sa kagalakan ng kanyang puso.

2 Timoteo 1

Pagbati

Si Pablo, apostol ni Cristo Jesus sa pamamagitan ng kalooban ng Diyos, ayon sa pangako ng buhay na na kay Cristo Jesus,

Kay(A) Timoteo na aking minamahal na anak: Biyaya, kahabagan, kapayapaan nawang mula sa Diyos Ama at kay Cristo Jesus na ating Panginoon.

Pasasalamat

Nagpapasalamat ako sa Diyos, na aking pinaglilingkuran na may malinis na budhi gaya ng aking mga ninuno, kapag lagi kitang naaalala sa aking mga panalangin gabi't araw.

Kapag naaalala ko ang iyong mga pagluha, kinasasabikan kong makita ka, upang ako'y mapuno ng kagalakan.

Naaalala(B) ko ang iyong tapat na pananampalataya, isang pananampalataya na unang nabuhay kay Loida na iyong lola at kay Eunice na iyong ina at ngayon, ako'y nakakatiyak, ay namamalagi sa iyo.

Dahil dito ay ipinaaalala ko sa iyo na paningasin mo ang kaloob ng Diyos na nasa iyo sa pamamagitan ng pagpapatong ng aking mga kamay;

sapagkat hindi tayo binigyan ng Diyos ng espiritu ng kaduwagan kundi ng espiritu ng kapangyarihan, ng pag-ibig at ng pagpipigil sa sarili.

Huwag mong ikahiya ang pagpapatotoo sa ating Panginoon, ni sa akin na bilanggo niya, kundi makipagtiis ka alang-alang sa ebanghelyo ayon sa kapangyarihan ng Diyos,

na siyang sa atin ay nagligtas at sa atin ay tumawag ng isang banal na pagtawag, hindi ayon sa ating mga gawa, kundi ayon sa kanyang sariling layunin at biyaya. Ang biyayang ito ay ibinigay sa atin kay Cristo Jesus bago pa nagsimula ang mga panahon,

10 subalit ngayon ay nahayag sa pamamagitan ng pagpapakita ng ating Tagapagligtas na si Cristo Jesus, na siyang nag-alis ng kamatayan, at nagdala sa buhay at sa kawalan ng kamatayan tungo sa liwanag sa pamamagitan ng ebanghelyo.

11 Dito(C) ay itinalaga ako na tagapangaral, apostol at guro.[a]

12 At dahil din dito, ako'y nagdurusa ng mga bagay na ito; gayunma'y hindi ako nahihiya sapagkat kilala ko ang aking sinampalatayanan, at ako'y lubos na naniniwalang maiingatan niya ang aking ipinagkatiwala sa kanya[b] hanggang sa araw na iyon.

13 Sundan mo ang huwaran ng mga wastong salita na narinig mo sa akin, sa pananampalataya at pag-ibig na na kay Cristo Jesus.

14 Ingatan mo ang mabuting bagay na ipinagkatiwala sa iyo sa pamamagitan ng Espiritu Santo na nabubuhay sa atin.

15 Ito'y nalalaman mo na humiwalay sa akin ang lahat ng nasa Asia, kabilang sa kanila sina Figello at Hermogenes.

16 Pagkalooban nawa ng Panginoon ng habag ang sambahayan ni Onesiforo, sapagkat madalas niya akong pinagiginhawa, at hindi niya ikinahiya ang aking tanikala;

17 kundi nang siya'y dumating sa Roma, hinanap niya ako nang buong sikap, at ako'y natagpuan niya.

18 Pagkalooban nawa ng Panginoon na matagpuan niya ang kahabagan ng Panginoon sa araw na iyon; at alam na alam mo kung gaano karaming mga bagay ang ipinaglingkod niya sa Efeso.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001