Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

M’Cheyne Bible Reading Plan

The classic M'Cheyne plan--read the Old Testament, New Testament, and Psalms or Gospels every day.
Duration: 365 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Levitico 17

Ang Pagiging Banal ng Dugo

17 Nagsalita ang Panginoon kay Moises, na sinasabi,

“Magsalita ka kay Aaron at sa kanyang mga anak at sa lahat ng mga anak ni Israel, at sabihin mo sa kanila: Ito ang iniutos ng Panginoon:

Sinumang tao sa sambahayan ni Israel na pumatay ng baka, o kordero, o kambing sa loob ng kampo, o pumatay sa labas ng kampo,

at hindi ito dinala sa pintuan ng toldang tipanan, upang ihandog bilang alay sa Panginoon, sa harapan ng tabernakulo ng Panginoon, ang dugo ay ipaparatang sa taong iyon. Siya'y nagbubo ng dugo, at ang taong iyon ay ititiwalag sa kanyang bayan.

Ito ay upang ang mga anak ni Israel ay magdala ng kanilang mga alay na kanilang pinapatay sa kaparangan, upang dalhin nila ang mga ito sa Panginoon, sa pari na nasa pintuan ng toldang tipanan, at ialay ang mga iyon bilang handog pangkapayapaan sa Panginoon.

Iwiwisik ng pari ang dugo sa ibabaw ng dambana ng Panginoon, sa pintuan ng toldang tipanan at susunugin ang taba na mabangong samyo sa Panginoon,

upang hindi na nila iaalay ang kanilang mga alay sa mga demonyong kambing na sanhi ng kanilang pagtataksil.[a] Ito ay magiging alituntunin magpakailanman sa kanila sa buong panahon ng kanilang salinlahi.

“At sasabihin mo sa kanila: Sinumang tao sa sambahayan ni Israel, o sa mga taga-ibang bayan na naninirahang kasama nila na naghandog ng handog na sinusunog o alay,

at hindi ito dinala sa pintuan ng toldang tipanan, upang ialay sa Panginoon, ang taong iyon ay ititiwalag sa kanyang bayan.

Ang Dugo ay Hindi Dapat Kainin

10 “Sinumang(A) tao sa sambahayan ni Israel o sa mga taga-ibang bayan na naninirahang kasama nila na kumain ng anumang dugo, ay aking ihaharap ang aking mukha laban sa taong iyon na kumain ng dugo, at ititiwalag siya sa kanyang bayan.

11 Sapagkat(B) ang buhay ng laman ay nasa dugo, at aking ibinigay sa inyo sa ibabaw ng dambana upang ipantubos sa inyong mga kaluluwa, sapagkat ang dugo'y siyang tumutubos dahil sa buhay.

12 Kaya't aking sinabi sa mga anak ni Israel, ‘Sinuman sa inyo ay huwag kakain ng dugo, ni ang taga-ibang bayan na naninirahang kasama ninyo ay huwag kakain ng dugo.’

13 At sinumang tao sa mga anak ni Israel, o sa mga taga-ibang bayan na naninirahang kasama ninyo na humuli ng hayop o ng ibon na makakain, ay ibubuhos niya ang dugo niyon at tatabunan ng lupa.

14 “Sapagkat ang buhay ng lahat ng laman ay ang dugo nito. Kaya't sinabi ko sa mga anak ni Israel: Huwag kayong kakain ng dugo ng anumang laman, sapagkat ang buhay ng buong laman ay ang dugo nito, sinumang kumain niyon ay ititiwalag.

15 At sinumang tao, katutubo man o taga-ibang bayan, na kumain ng anumang kusang namatay o nilapa ng hayop ay maglalaba ng kanyang mga damit, at maliligo sa tubig, at magiging marumi hanggang sa paglubog ng araw; pagkatapos ay magiging malinis siya.

16 Subalit kung hindi niya labhan ang mga iyon, ni paliguan ang kanyang katawan, ay tataglayin niya ang kanyang kasalanan.”

Mga Awit 20-21

Sa Punong Mang-aawit. Awit ni David.

20 Ang Panginoon ay sumasagot sa iyo sa araw ng kaguluhan!
    Ang pangalan ng Diyos ni Jacob ang magtataas sa iyo!
Nawa'y saklolohan ka niya mula sa santuwaryo,
    at alalayan ka mula sa Zion!
Maalala nawa niya ang lahat mong mga handog,
    at tanggapin niya ang iyong mga handog na sinusunog! (Selah)

Nawa'y ang nais ng iyong puso ay ipagkaloob niya sa iyo,
    at tuparin ang lahat ng mga panukala mo!
Kami'y magagalak sa iyong pagliligtas,
    at sa pangalan ng aming Diyos ay aming itataas ang aming mga watawat!
Ganapin nawa ng Panginoon ang kahilingan mong lahat!

Ngayo'y nalalaman ko na tutulungan ng Panginoon ang kanyang pinahiran ng langis;
    sasagutin niya siya mula sa kanyang banal na langit
    na may makapangyarihang pagtatagumpay sa pamamagitan ng kanyang kanang kamay.
Ipinagmamalaki ng ilan ang mga karwahe, at ang iba ay ang mga kabayo;
    ngunit ipinagmamalaki namin ang pangalan ng Panginoon naming Diyos.
Sila'y mabubuwal at guguho,
    ngunit kami ay titindig at matuwid na tatayo.

Bigyan ng tagumpay ang hari, O Panginoon,
    sagutin nawa kami kapag kami ay tumatawag.

Sa Punong Mang-aawit. Awit ni David.

21 Ang hari ay nagagalak, O Panginoon, sa iyong kalakasan,
    at sa iyong pagliligtas ay napakalaki ng kanyang kagalakan!
Ang nais ng kanyang puso, sa kanya'y iyong ipinagkaloob,
    at ang hiling ng kanyang mga labi ay di mo ipinagdamot. (Selah)
Sapagkat sinasalubong mo siya ng mabubuting pagpapala,
    pinuputungan mo siya ng koronang dalisay na ginto sa ulo niya.
Siya'y humingi sa iyo ng buhay, sa kanya'y iyong ibinigay,
    haba ng mga araw magpakailanman.
Sa pamamagitan ng iyong pagliligtas dakila ang kanyang kaluwalhatian,
    ipinagkakaloob mo sa kanya, karangalan at kamahalan.
Oo, ginagawa mo siyang pinakamapalad magpakailanman;
    iyong pinasasaya siya ng kagalakan sa iyong harapan.
Sapagkat ang hari ay nagtitiwala sa Panginoon,
    at sa pamamagitan ng tapat na pag-ibig ng Kataas-taasan ay hindi siya matitinag.
Matatagpuan ng iyong kamay ang lahat ng iyong mga kaaway;
    ang mga napopoot sa iyo'y masusumpungan ng iyong kanang kamay.
Gagawin mo silang gaya ng mainit na pugon
    kapag ikaw ay lumitaw.
Sasakmalin sila ng Panginoon sa kanyang kagalitan;
    at sa apoy sila'y malulusaw.
10 Pupuksain mo ang kanilang bunga mula sa mundo,
    at ang kanilang binhi ay mula sa mga anak ng mga tao.
11 Kapag laban sa iyo sila'y magbalak ng kasamaan,
    kapag sila'y nagpakana ng masama, hindi sila magtatagumpay.
12 Sapagkat iyong patatalikurin sila,
    iyong iaakma sa kanilang mga mukha ang iyong mga pana.

13 Mataas ka, O Panginoon, sa iyong kalakasan!
    Aming aawitin at pupurihin ang iyong kapangyarihan.

Mga Kawikaan 31

Payo sa Hari

31 Ang mga salita ni Haring Lemuel; na itinuro sa kanya ng kanyang ina:

Ano, anak ko? Ano, O anak ng aking bahay-bata?
    Ano, O anak ng aking mga panata?
Huwag mong ibigay ang iyong lakas sa mga babae,
    o ang iyong mga lakad sa mga lumilipol ng mga hari.
Hindi para sa mga hari, O Lemuel,
    hindi para sa mga hari ang uminom ng alak,
    ni para sa mga pinuno ang magnais ng matapang na alak;
baka sila'y uminom, at makalimutan ang itinakdang kautusan,
    at baluktutin ang karapatan ng lahat ng nahihirapan.
Bigyan mo ng matapang na inumin ang malapit nang mamatay,
    at ng alak ang nasa mapait na kaguluhan;
hayaan silang uminom at lumimot sa kanilang kahirapan,
    at huwag nang alalahanin pa ang kanilang kasawian.
Buksan mo ang iyong bibig alang-alang sa pipi,
    para sa karapatan ng lahat ng naiwang walang kandili.
Buksan mo ang iyong bibig, humatol ka nang may katuwiran,
    at ipagtanggol mo ang karapatan ng dukha at nangangailangan.

Ang Huwarang Maybahay

10 Sinong makakatagpo ng isang butihing babae?
    Sapagkat siya'y higit na mahalaga kaysa mga batong rubi.
11 Ang puso ng kanyang asawa, sa kanya'y nagtitiwala,
    at siya'y[a] hindi kukulangin ng mapapala.
12 Gumagawa siya ng mabuti sa kanya[b] at hindi kasamaan
    sa lahat ng mga araw ng kanyang buhay.
13 Siya'y[c] humahanap ng balahibo ng tupa at lino,
    at kusang-loob ang kanyang mga kamay ay nagtatrabaho.
14 Siya'y gaya ng mga sasakyang dagat ng mangangalakal,
    nagdadala siya ng kanyang pagkain mula sa kalayuan.
15 Siya'y bumabangon samantalang gabi pa,
    at naghahanda ng pagkain para sa kanyang pamilya,
    at nagtatakda ng mga gawain sa mga babaing alila niya.
16 Tinitingnan niya ang isang bukid at ito'y binibili niya,
    sa bunga ng kanyang mga kamay ay nagtatanim siya ng ubasan.
17 Binibigkisan niya ng lakas ang kanyang mga balakang,
    at pinalalakas ang kanyang mga bisig.
18 Kanyang nababatid na kikita ang kanyang kalakal,
    ang kanyang ilaw sa gabi ay hindi namamatay.
19 Kanyang inilalagay ang kanyang mga kamay sa panulid,
    at ang kanyang mga kamay ay humahawak ng panghabi.
20 Binubuksan niya sa mga dukha ang kanyang kamay,
    iniaabot niya ang kanyang mga kamay sa nangangailangan.
21 Hindi siya natatakot sa niyebe para sa sambahayan niya,
    sapagkat ang buo niyang sambahayan ay nakadamit na pula.
22 Gumagawa siya ng mga saplot para sa sarili,
    ang kanyang pananamit ay pinong lino at kulay-ube.
23 Kilala ang kanyang asawa sa mga pintuang-bayan,
    kapag siya'y nauupong kasama ng matatanda sa lupain.
24 Gumagawa siya ng mga kasuotang lino at ito'y ipinagbibili,
    at nagbibigay ng mga pamigkis sa mga negosyante.
25 Kalakasan at dangal ang kanyang kasuotan,
    at ang panahong darating ay kanyang tinatawanan.
26 Binubuka niya ang kanyang bibig na may karunungan;
    at nasa kanyang dila ang aral ng kabaitan.
27 Kanyang tinitingnang mabuti ang mga lakad ng kanyang sambahayan,
    at hindi siya kumakain ng tinapay ng katamaran.
28 Tumatayo ang kanyang mga anak, at tinatawag siyang mapalad;
    gayundin ang kanyang asawa, at kanyang pinupuri siya:
29 “Maraming anak na babae ang nakagawa ng kabutihan,
    ngunit silang lahat ay iyong nahigitan.”
30 Ang alindog ay madaya, at ang ganda ay walang kabuluhan,
    ngunit ang babaing natatakot sa Panginoon ay papupurihan.
31 Bigyan siya ng bunga ng kanyang mga kamay,
    at purihin siya ng kanyang mga gawa sa mga pintuang-bayan.

1 Timoteo 2

Mga Panalangin sa Kapulungan

Una sa lahat, ay isinasamo ko na gawin ang mga paghiling, mga panalangin, mga pamamagitan, at mga pagpapasalamat patungkol sa lahat ng mga tao;

patungkol sa mga hari at sa lahat ng nasa mataas na katungkulan upang tayo'y mamuhay na tahimik at payapa sa buong kabanalan at paggalang.

Ito'y mabuti at kaaya-aya sa paningin ng Diyos na ating Tagapagligtas;

na nagnanais na ang lahat ng tao ay maligtas at makarating sa pagkakilala ng katotohanan.

Sapagkat may isang Diyos at may isang tagapamagitan sa Diyos at sa mga tao, ang taong si Cristo Jesus,

na ibinigay ang kanyang sarili na pantubos sa lahat; na siyang patotoo sa tamang panahon.

Para(A) dito'y itinalaga ako na isang mangangaral at apostol (sinasabi ko ang katotohanan,[a] hindi ako nagsisinungaling), guro sa mga Hentil sa pananampalataya at katotohanan.

Ibig ko ngang ang mga lalaki ay manalangin sa bawat dako, na itinataas ang kanilang mga banal na kamay na walang galit at pag-aalinlangan.

Gayundin(B) naman, na ang mga babae ay dapat na magdamit na may kahinhinan, naaangkop at hindi mahalay; hindi ng napapalamutiang buhok, at ng ginto o perlas o mamahaling damit;

10 kundi ng mabubuting gawa na siyang nararapat sa mga babaing nagpapahayag ng paggalang sa Diyos.

11 Hayaang ang babae'y matuto sa katahimikan na may buong pagpapasakop.

12 Hindi ko ipinahihintulot na ang babae ay magturo, ni magkaroon ng pamumuno sa lalaki, kundi tumahimik.

13 Sapagkat(C) si Adan ang unang nilalang, pagkatapos ay si Eva;

14 at(D) si Adan ay hindi nadaya, kundi ang babae nang madaya ay nahulog sa pagkakasala.

15 Ngunit ililigtas ang babae sa pamamagitan ng panganganak, kung sila'y mananatiling may kaayusan sa pananampalataya, pag-ibig at sa kabanalan.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001