M’Cheyne Bible Reading Plan
Ang Kasalanan nina Nadab at Abihu
10 Noon, sina Nadab at Abihu, na mga anak ni Aaron, ay kumuha ng kanya-kanyang suuban, at nilagyan ng apoy ang mga ito at pinatungan ng insenso. Sila'y naghandog sa harapan ng Panginoon ng ibang apoy na hindi niya iniutos sa kanila.
2 At lumabas ang apoy sa harapan ng Panginoon, nilamon sila, at namatay sila sa harapan ng Panginoon.
3 Pagkatapos ay sinabi ni Moises kay Aaron, “Ito ang sinabi ng Panginoon, ‘Ako'y magpapakita na banal sa mga lumalapit sa akin; at ako'y maluluwalhati sa harapan ng buong bayan.’” At si Aaron ay nanahimik.
4 Tinawag ni Moises sina Misael at Elzafan, na mga anak ni Uziel na amain ni Aaron, at sa kanila'y sinabi, “Magsilapit kayo, dalhin ninyo ang inyong mga kapatid mula sa harapan ng santuwaryo tungo sa labas ng kampo.”
5 Kaya't sila'y lumapit at binuhat sa kanilang mga kasuotan papalabas sa kampo, gaya ng iniutos ni Moises.
6 At sinabi ni Moises kina Aaron, Eleazar, at Itamar na kanyang mga anak, “Huwag ninyong ilugay ang buhok ng inyong ulo, o punitin man ninyo ang inyong mga damit upang huwag kayong mamatay at nang siya'y huwag magalit laban sa buong kapulungan. Tungkol sa inyong mga kapatid, ang buong sambahayan ni Israel, sila ay tataghoy sa apoy na pinapag-alab ng Panginoon.
7 Huwag kayong lalabas sa pintuan ng toldang tipanan, baka kayo'y mamatay; sapagkat ang langis na pambuhos ng Panginoon ay nasa inyo.” At kanilang ginawa ang ayon sa mga salita ni Moises.
Mga Alituntunin para sa mga Pari
8 At ang Panginoon ay nagsalita kay Aaron, na sinasabi,
9 “Huwag kayong iinom ng alak o ng matapang na inumin man, ikaw o ang iyong mga anak na kasama mo, kapag kayo'y papasok sa toldang tipanan, upang kayo'y huwag mamatay. Ito ay isang walang hanggang batas sa buong panahon ng inyong mga salinlahi.
10 Inyong lalagyan ng pagkakaiba ang banal at ang karaniwan, ang marumi at ang malinis,
11 at inyong ituturo sa mga anak ni Israel ang lahat ng batas na sinabi sa kanila ng Panginoon sa pamamagitan ni Moises.”
Ang Tungkulin at Bahagi ng mga Pari
12 Nagsalita(A) si Moises kay Aaron at sa nalabi nitong mga anak, sina Eleazar at Itamar, “Kunin ninyo ang butil na handog na nalabi mula sa mga handog sa Panginoon na pinaraan sa apoy, at inyong kaining walang pampaalsa sa tabi ng dambana, sapagkat ito ay kabanal-banalan.
13 Ito ay inyong kakainin sa dakong banal, sapagkat ito ang bahagi ninyo at ng inyong mga anak mula sa mga handog sa Panginoon na pinaraan sa apoy, sapagkat gayon ang iniutos sa akin.
14 Ang(B) dibdib ng handog na iwinawagayway at ang hita na inialay ay kakainin ninyo sa isang malinis na lugar, ikaw at ng iyong mga anak na lalaki at babae. Ang mga iyon ay ibinigay bilang bahagi mo at ng iyong mga anak mula sa mga alay ng handog pangkapayapaan ng mga anak ni Israel.
15 Ang hita na inialay at ang dibdib na iwinawagayway ay kanilang dadalhin kasama ng mga handog na pinaraan sa apoy, ang mga taba, ay kanilang dadalhin upang iwagayway bilang handog na iwinawagayway sa harapan ng Panginoon. Ito ay bahagi mo at ng iyong mga anak, gaya ng iniutos ng Panginoon.”
16 At buong sikap na hinanap ni Moises ang kambing na handog pangkasalanan, at iyon ay sinunog na! Siya ay nagalit kina Eleazar at Itamar na mga nalalabing anak ni Aaron, at kanyang sinabi,
17 “Bakit(C) hindi ninyo kinain ang handog pangkasalanan sa banal na lugar? Ito ay kabanal-banalang bagay at ibinigay niya ito sa inyo upang alisin ang kasamaan ng kapulungan, upang gumawa ng pagtubos para sa kanila sa harapan ng Panginoon?
18 Ang dugo niyon ay hindi ipinasok sa loob ng dakong banal. Tiniyak sana ninyong kinain ito sa banal na dako, gaya ng iniutos ko.”
19 At sinabi ni Aaron kay Moises, “Tingnan mo, kanilang inihandog nang araw na ito ang kanilang handog pangkasalanan, at ang kanilang handog na sinusunog sa harapan ng Panginoon; gayunman ang gayong mga bagay ay nangyari sa akin! Kung ako nga'y nakakain ngayon ng handog para sa kasalanan, ito kaya ay kalugud-lugod sa paningin ng Panginoon?”
20 Nang marinig ito ni Moises, siya ay sumang-ayon.
Sa Punong Mang-aawit. Mula kay David.
11 Sa Panginoon ay nanganganlong ako; paanong sa akin ay nasasabi mo,
“Tumakas ka na gaya ng ibon sa mga bundok;
2 sapagkat binalantok ng masama ang pana,
iniakma na nila ang kanilang palaso sa bagting,
upang ipana sa kadiliman
sa may matuwid na puso,
3 kung ang mga saligan ay masira,
matuwid ba'y may magagawa?”
4 Ang Panginoon ay nasa kanyang banal na templo,
ang trono ng Panginoon ay nasa langit;
ang kanyang mga mata ay nagmamasid,
ang mga talukap ng kanyang mata ay sumusubok
sa mga anak ng mga tao.
5 Sinusubok ng Panginoon ang matuwid at ang masama,
at kinapopootan ng kanyang kaluluwa ang nagmamahal sa karahasan.
6 Sa masama ay magpapaulan siya ng mga baga ng apoy; apoy at asupre
at hanging nakakapaso ang magiging bahagi ng kanilang saro.
7 Sapagkat ang Panginoon ay matuwid;
minamahal niya ang mga gawang matuwid;
ang kanyang mukha ay mamamasdan ng matuwid.
Sa Punong Mang-aawit: ayon sa Sheminith. Awit ni David.
12 Panginoon, sapagkat wala ng sinumang banal, kami ay tulungan mo,
sapagkat ang mga tapat ay naglaho na sa gitna ng mga anak ng mga tao.
2 Bawat isa ay nagsasalita ng kabulaanan sa kanyang kapwa,
sila'y nagsasalitang may mapanuyang mga labi at may pusong mandaraya.
3 Nawa'y putulin ng Panginoon ang lahat ng mapanuyang mga labi,
ang dila na gumagawa ng malaking pagmamalaki,
4 ang mga nagsasabi, “Sa pamamagitan ng aming dila ay magtatagumpay kami,
ang aming mga labi ay nasa amin; sino ang panginoon namin?”
5 “Sapagkat ang dukha ay inagawan, sapagkat dumaraing ang nangangailangan,
titindig na ako ngayon,” sabi ng Panginoon;
“Ilalagay ko siya sa kaligtasang kanyang minimithi.”
6 Ang mga salita ng Panginoon ay mga dalisay na salita,
gaya ng pilak na sinubok sa hurno sa lupa,
na pitong ulit na dinalisay.
7 O Panginoon, sila ay iyong iingatan,
iingatan mo sila mula sa salinlahing ito magpakailanman.
8 Gumagala ang masasama sa bawat dako,
kapag ang kasamaan ay naitataas sa gitna ng mga anak ng mga tao.
Mga Paghahambing at Aral sa Buhay
25 Ang mga ito ay mga kawikaan din ni Solomon, na sinipi ng mga tauhan ni Hezekias na hari ng Juda.
2 Kaluwalhatian ng Diyos na ang mga bagay ay ilihim,
ngunit kaluwalhatian ng mga hari na ang mga bagay ay saliksikin.
3 Gaya ng langit sa kataasan, at ng lupa sa kalaliman,
gayon ang isipan ng mga hari ay di masiyasat.
4 Ang dumi sa pilak ay iyong alisin,
at ang panday para sa isang kasangkapan ay may gagamitin;
5 alisin ang taong masama sa harapan ng hari,
at ang kanyang luklukan ay matatatag sa katuwiran.
6 Sa(A) harapan ng hari ay huwag kang mangunguna,
at huwag kang tatayo sa lugar ng mga taong dakila,
7 sapagkat mas mabuting sabihan ka, “Umakyat ka rito,”
kaysa ibaba ka sa harapan ng pangulo.
Ang nakita ng iyong mga mata,
8 huwag mo kaagad dalhin sa hukuman;
sapagkat anong gagawin mo sa wakas niyon,
kapag ikaw ay hiniya ng iyong kapwa?
9 Ipaglaban mo ang iyong usapin sa harap ng iyong kapwa,
at huwag mong ihayag ang lihim ng iba;
10 baka ang nakakarinig sa iyo ay dalhan ka ng kahihiyan,
at hindi magwakas ang iyong kasiraan.
11 Ang naaangkop na salitang binitawan,
ay gaya ng mga mansanas na ginto sa pilak na lalagyan.
12 Tulad ng singsing na ginto, at palamuting gintong dalisay,
sa nakikinig na tainga ang pantas na tagasaway.
13 Tulad ng lamig ng niyebe sa panahon ng anihan,
ang tapat na sugo sa kanila na nagsugo sa kanya,
sapagkat kanyang pinagiginhawa ang espiritu ng mga panginoon niya.
14 Tulad ng mga ulap at hangin na walang ulan,
ang taong naghahambog ng kanyang kaloob na hindi niya ibinibigay.
15 Sa pamamagitan ng pagtitiyaga maaaring mahikayat ang pinuno,
at ang malumanay na dila ay bumabali ng buto.
16 Kung nakasumpong ka ng pulot, kumain ka ng sapat sa iyo,
baka ikaw ay masuya, at ito'y isuka mo.
17 Dapat paminsan-minsan lamang ang paa mo sa bahay ng iyong kapwa,
baka siya'y magsawa sa iyo, at kamuhian ka.
18 Ang taong sumasaksi ng kasinungalingan laban sa kanyang kapwa-tao
ay tulad ng batuta, o isang tabak, o ng isang matulis na palaso.
19 Ang pagtitiwala sa taong di-tapat sa panahon ng kagipitan,
ay gaya ng sirang ngipin, at ng paang nabalian.
20 Ang umaawit ng mga awit sa pusong mabigat,
ay tulad ng nag-aalis ng damit sa panahon ng tagginaw, at tulad ng suka sa sugat.
21 Kung(B) ang iyong kaaway ay gutom, bigyan mo siya ng makakain;
at kung siya'y uhaw, bigyan mo siya ng tubig na iinumin;
22 sapagkat magbubunton ka sa ulo niya ng mga baga ng apoy,
at gagantimpalaan ka ng Panginoon.
23 Ang hanging amihan ay ulan ang hatid;
at ang mapanirang-dila, mga tingin na may galit.
24 Mas mabuti ang tumira sa isang sulok ng bubungan,
kaysa sa isang bahay na kasama ng isang babaing palaaway.
25 Tulad ng malamig na tubig sa uhaw na kaluluwa,
gayon ang mabuting balita na sa malayong lupain nagmula.
26 Tulad ng malabong balon at maruming bukal,
ang taong matuwid na sa masama'y nagbibigay-daan.
27 Ang kumain ng napakaraming pulot ay hindi mabuti,
at hindi kapuri-puri na hanapin ang papuri sa sarili.
28 Siyang hindi nagpipigil ng kanyang sarili,
ay parang lunsod na winasak at walang pader na nalabi.
Ang Buhay na Kalugud-lugod sa Diyos
4 Katapus-tapusan, mga kapatid, hinihiling namin sa inyo at nakikiusap kami sa Panginoong Jesus, yamang natutunan ninyo sa amin kung paano kayo dapat lumakad at magbigay-lugod sa Diyos, na tulad ng inyong ginagawa, ay gayon ang dapat ninyong gawin at higit pa.
2 Sapagkat batid ninyo kung anong mga tagubilin ang ibinigay namin sa inyo sa pamamagitan ng Panginoong Jesus.
3 Sapagkat ito ang kalooban ng Diyos, ang inyong pagpapakabanal: na kayo'y umiiwas sa pakikiapid;
4 na ang bawat isa sa inyo'y matutong maging mapagpigil sa kanyang sariling katawan[a] sa pagpapakabanal at karangalan,
5 hindi sa pita ng kahalayan, na gaya ng mga Hentil na hindi nakakakilala sa Diyos;
6 na sinuma'y huwag magkasala o manlamang sa kanyang kapatid sa bagay na ito, sapagkat ang Panginoon ay tagapaghiganti sa lahat ng mga bagay na ito, gaya ng aming sinabi noong una at ibinabala sa inyo.
7 Sapagkat hindi tayo tinawag ng Diyos para sa karumihan kundi sa kabanalan.
8 Kaya't ang tumanggi dito ay hindi tao ang tinatanggihan, kundi ang Diyos na nagbibigay sa amin ng kanyang Espiritu Santo.
9 Ngunit tungkol sa pag-iibigan ng magkakapatid ay hindi ninyo kailangan na kayo'y sulatan ng sinuman, sapagkat kayo man ay tinuruan ng Diyos na mag-ibigan sa isa't isa.
10 At katotohanang ginagawa ninyo ang gayon sa lahat ng kapatid na nasa buong Macedonia. Ngunit aming hinihiling sa inyo, mga kapatid, na higit pa sa rito ang inyong gawin.
11 Nasain ninyong mamuhay nang tahimik, gawin ang inyong sariling gawain, at kayo'y magpagal ng inyong sariling mga kamay, gaya ng aming ipinagbilin sa inyo;
12 upang kayo'y igalang ng mga nasa labas, at huwag maging palaasa sa sinuman.
Ang Pagdating ng Panginoon
13 Mga kapatid, nais naming malaman ninyo ang tungkol sa mga natutulog upang kayo'y huwag malungkot, na gaya ng iba na walang pag-asa.
14 Sapagkat kung tayo'y sumasampalatayang si Jesus ay namatay at muling binuhay ay gayundin naman, sa pamamagitan ni Jesus, ang mga natutulog ay dadalhin ng Diyos na kasama niya.
15 Sapagkat(A) ito'y sinasabi namin sa inyo sa pamamagitan ng salita ng Panginoon, na tayong nabubuhay, na natitira hanggang sa pagdating ng Panginoon, ay hindi mauuna sa anumang paraan sa mga natutulog.
16 Sapagkat ang Panginoon mismo ang bababa mula sa langit na may sigaw, may tinig ng arkanghel, at may trumpeta ng Diyos, at ang mga namatay kay Cristo ay babangon muna.
17 Pagkatapos, tayong nabubuhay na natitira ay aagawing kasama nila sa mga ulap, upang salubungin ang Panginoon sa papawirin; at sa gayon ay makakapiling natin ang Panginoon magpakailanman.
18 Kaya't mag-aliwan kayo sa isa't isa ng mga salitang ito.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001