M’Cheyne Bible Reading Plan
Ang Paglilinis ng Kampo
5 Nagsalita ang Panginoon kay Moises, na sinasabi,
2 “Iutos mo sa mga anak ni Israel na ilabas sa kampo ang bawat ketongin, at bawat may tulo at dinudugo, at ang bawat marumi dahil sa napahawak sa patay.
3 Kapwa ninyo ilalabas ang lalaki at babae. Sa labas ng kampo ninyo sila ilalagay upang hindi madungisan ang kanilang kampo na aking tinitirhan.”
4 Gayon nga ang ginawa ng mga anak ni Israel, at inilabas sila sa kampo; kung paanong sinabi ng Panginoon kay Moises ay gayon ginawa ng mga anak ni Israel.
5 At(A) nagsalita ang Panginoon kay Moises, na sinasabi,
6 “Sabihin mo sa mga anak ni Israel: Kapag ang isang lalaki o babae ay nakagawa ng anumang kasalanan na nagagawa ng mga tao sa pamamagitan ng pagtataksil sa Panginoon, ang taong iyon ay nagkasala,
7 at kanyang ipahahayag ang kanyang kasalanang nagawa at kanyang pagbabayarang lubos ang kanyang sala, at dadagdagan pa niya ng ikalimang bahagi at ibibigay sa ginawan ng pagkakasala.
8 Subalit kung ang lalaki ay walang kamag-anak na mapagbabayaran ng sala, ang kabayaran sa sala ay mapupunta sa Panginoon para sa pari, bukod sa lalaking tupa na pantubos sa kanya.
9 At ang bawat handog sa lahat ng bagay na banal ng mga anak ni Israel na kanilang dadalhin sa pari ay magiging kanya.
10 Ang mga bagay na banal ng bawat lalaki ay magiging kanya; ang ibigay ng sinumang tao sa pari ay magiging kanya.”
Ang Batas tungkol sa Nagtaksil na Asawa
11 At nagsalita ang Panginoon kay Moises, na sinasabi,
12 “Sabihin mo sa mga anak ni Israel, ‘Kung ang asawa ng sinumang lalaki ay lumihis ng landas at hindi naging tapat sa kanya,
13 at may ibang lalaking sumiping sa kanya, at ito'y nakubli sa mga mata ng kanyang asawa at siya ay hindi nahalata kahit na dinungisan niya ang kanyang sarili at walang saksi laban sa kanya, at hindi siya nahuli sa akto,
14 at kung ang diwa ng paninibugho ay dumating sa kanya, at siya'y maninibugho sa kanyang asawa na dumungis sa kanyang sarili o kung ang diwa ng paninibugho ay dumating sa kanya at siya'y naninibugho sa kanyang asawa, bagaman hindi niya dinungisan ang kanyang sarili,
15 dadalhin ng lalaki sa pari ang kanyang asawa, at dadalhin ang handog na hinihingi sa babae, ikasampung bahagi ng isang efa ng harina ng sebada. Hindi niya bubuhusan ng langis o lalagyan man ng kamanyang, sapagkat ito ay handog na butil tungkol sa paninibugho, handog na harinang alaala na nagpapaalala sa kasalanan.
16 “At ilalapit ng pari ang babae, at pahaharapin sa Panginoon.
17 Ang pari ay kukuha ng banal na tubig sa isang lalagyang luwad at dadampot ang pari ng alabok na nasa lapag ng tabernakulo at ilalagay sa tubig.
18 Pahaharapin ng pari ang babae sa Panginoon, at ipalulugay ang buhok ng babae, at ilalagay sa kanyang mga kamay ang handog na butil na alaala, na handog na butil tungkol sa paninibugho, at hahawakan ng pari sa kamay ang mapapait na tubig na nagdadala ng sumpa.
19 Siya'y panunumpain ng pari, at sasabihin sa babae, ‘Kung walang sumiping sa iyo na ibang lalaki, at kung hindi ka bumaling sa karumihan, habang ikaw ay nasa ilalim ng kapamahalaan ng iyong asawa ay maligtas ka nawa sa mapait na tubig na ito na nagdadala ng sumpa.
20 Subalit kung ikaw ay lumihis habang ikaw ay nasa ilalim ng kapamahalaan ng iyong asawa, at kung ikaw ay nadungisan at may ibang lalaking sumiping sa iyo, bukod sa iyong asawa,’
21 panunumpain ng pari ang babae ng panunumpang sumpa, at sasabihin ng pari sa babae, ‘Gagawin ka ng Panginoon na sumpa at kahihiyan sa gitna ng iyong bayan, kapag pinalaylay ng Panginoon ang iyong hita at pinamaga ang iyong katawan.
22 Ang tubig na ito na nagdadala ng sumpa ay pumasok nawa sa iyong katawan, at ang iyong katawan ay pamagain at ang iyong hita ay palaylayin.’ At ang babae ay magsasabi, ‘Amen.’
23 “Pagkatapos ay isusulat ng pari ang mga sumpang ito sa isang aklat, at kanyang tatanggalin sa tubig ng kapaitan.
24 Kanyang ipapainom sa babae ang mapait na tubig na nagdadala ng sumpa at papasok sa kanya ang tubig na nagdadala ng sumpa, at magbubunga ng matinding hapdi.
25 At kukunin ng pari sa kamay ng babae ang handog na butil tungkol sa paninibugho at kanyang iwawagayway ang handog na butil sa harap ng Panginoon, at dadalhin ito sa dambana.
26 Ang pari ay kukuha ng isang dakot ng handog na butil na alaala niyon at susunugin sa ibabaw ng dambana, at pagkatapos ay ipapainom sa babae ang tubig.
27 Kapag napainom na siya ng tubig, at mangyari kung kanyang dinungisan ang kanyang sarili, at siya'y nagtaksil sa kanyang asawa, ang tubig na nagdadala ng sumpa ay papasok sa kanya at magbubunga ng matinding hapdi. Ang kanyang katawan ay mamamaga at ang kanyang hita ay lalaylay; at ang babae ay magiging sumpa sa gitna ng kanyang bayan.
28 Ngunit kung ang babae ay hindi nadungisan, kundi malinis, lalaya siya at magdadalang-tao.
29 “Ito ang batas tungkol sa paninibugho, kapag ang isang babae bagaman nasa ilalim ng kapangyarihan ng kanyang asawa, ay naligaw at dinungisan ang kanyang sarili,
30 o kapag ang diwa ng paninibugho ay dumating sa isang lalaki, at naninibugho sa kanyang asawa; ang babae ay pahaharapin niya sa Panginoon at ilalapat ng pari sa babae ang buong kautusang ito.
31 Ang lalaki ay maliligtas sa kasamaan ngunit ang babae ay mananagot sa kanyang kasamaan.”
Sa Punong Mang-aawit: kay Jedutun. Awit ni David.
39 Aking sinabi, “Ako'y mag-iingat sa aking mga lakad,
upang huwag akong magkasala sa aking dila;
iingatan ko ang aking bibig na parang binusalan,
hangga't ang masasama ay nasa aking harapan.”
2 Ako'y tumahimik at napipi,
ako'y tumahimik pati sa mabuti;
lalong lumubha ang aking pighati,
3 ang puso ko'y uminit sa aking kalooban.
Samantalang ako'y nagbubulay-bulay, ang apoy ay nagningas,
pagkatapos sa aking dila ako ay bumigkas:
4 “ Panginoon, ipaalam mo sa akin ang aking katapusan,
at kung ano ang sukat ng aking mga araw;
ipaalam sa akin kung gaano kadaling lumipas ang aking buhay!
5 Narito, ang aking mga araw ay ginawa mong iilang mga dangkal,
at sa paningin mo'y tulad sa wala ang aking buhay.
Tunay na bawat tao'y nakatayong gaya ng isang hininga lamang. (Selah)
6 Tunay na ang tao ay lumalakad na gaya ng anino!
Tunay na sila'y nagkakagulo nang walang kabuluhan;
ang tao ay nagbubunton, at hindi nalalaman kung sinong magtitipon!
7 “At ngayon, Panginoon, sa ano pa ako maghihintay?
Ang aking pag-asa ay nasa iyo.
8 Iligtas mo ako sa lahat ng aking mga pagsuway.
Huwag mo akong gawing katuyaan ng hangal.
9 Ako'y pipi, hindi ko ibinubuka ang bibig ko,
sapagkat ikaw ang gumawa nito.
10 Paghampas sa akin ay iyo nang tigilan,
ako'y bugbog na sa mga suntok ng iyong kamay.
11 Kapag pinarurusahan mo ang tao nang may pagsaway sa pagkakasala,
iyong tinutupok na gaya ng bukbok ang mahalaga sa kanya;
tunay na ang bawat tao ay isa lamang hininga! (Selah)
12 “Pakinggan mo, O Panginoon, ang aking panalangin,
at iyong dinggin ang aking daing;
huwag kang manahimik sa aking mga luha!
Sapagkat ako'y dayuhan na kasama mo,
isang manlalakbay gaya ng lahat na aking mga ninuno.
13 Ilayo mo ang iyong tingin sa akin, upang muli akong makangiti,
bago ako umalis at mapawi!”
3 Sa ibabaw ng aking higaan sa gabi,
hinanap ko siyang iniibig ng aking kaluluwa;
hinanap ko siya, ngunit hindi ko siya natagpuan.
2 “Ako'y babangon at lilibot sa lunsod,
sa mga lansangan at sa mga liwasan,
hahanapin ko siya na iniibig ng aking kaluluwa.”
Hinanap ko siya, ngunit hindi ko siya natagpuan.
3 Nakita ako ng mga tanod,
habang sila'y naglilibot sa lunsod.
“Nakita ba ninyo siya na sinisinta ng aking kaluluwa?”
4 Halos di pa ako nakakalayo sa kanila,
nang masumpungan ko siya na iniibig ng aking kaluluwa.
Pinigilan ko siya, at hindi ko hinayaang umalis,
hanggang sa siya'y aking nadala sa bahay ng aking ina,
at sa silid niya na naglihi sa akin.
5 O mga anak na babae ng Jerusalem, kayo'y aking pinagbibilinan,
alang-alang sa mga usang lalaki at babae sa kaparangan,
na huwag ninyong pukawin o gisingin man ang pagmamahal,
hanggang sa kanyang maibigan.
Ang Pangkasalang Pagdating
Babae
6 Ano itong umaahon mula sa ilang,
na gaya ng haliging usok,
na napapabanguhan ng mira at ng kamanyang,
ng lahat ng mabangong pulbos ng mangangalakal?
7 Tingnan ninyo, iyon ang higaan ni Solomon!
Animnapung magigiting na lalaki ang nasa palibot niyon,
sa magigiting na lalaki ng Israel.
8 Silang lahat ay may sakbat na tabak,
at sanay sa pakikidigma:
bawat isa'y may tabak sa kanyang hita,
sa mga hudyat sa gabi ay laging handa.
9 Si Haring Solomon ay gumawa para sa sarili ng higaang binubuhat
mula sa kahoy ng Lebanon.
10 Ginawa niyang pilak ang mga haligi niyon,
ang likod niyon ay ginto, at ang upuan ay kulay ube;
ang loob niyon ay hinabi ng may pag-ibig
ng mga anak na babae ng Jerusalem.
11 Humayo kayo,
O mga anak na babae ng Zion,
at inyong masdan si Haring Solomon,
na may korona na ipinutong sa kanya ng kanyang ina,
sa araw ng kanyang kasal,
sa araw ng katuwaan ng kanyang puso.
Higit na Dakila kay Moises
3 Kaya, mga banal na kapatid, mga kabahagi sa makalangit na pagkatawag, isaalang-alang ninyo na si Jesus, ang Apostol at Pinakapunong Pari ng ating pagpapahayag,
2 ay(A) tapat sa nagtalaga sa kanya, gaya ni Moises na tapat sa buong sambahayan ng Diyos.[a]
3 Sapagkat siya ay itinuring na karapat-dapat sa higit na kaluwalhatian kaysa kay Moises, yamang ang nagtayo ng bahay ay may higit na karangalan kaysa bahay.
4 Sapagkat ang bawat bahay ay may nagtayo, subalit ang nagtayo ng lahat ng mga bagay ay ang Diyos.
5 At si Moises ay naging tapat sa buong sambahayan ng Diyos[b] gaya ng isang lingkod, bilang patotoo sa mga bagay na sasabihin.
6 Subalit si Cristo ay tapat sa bahay ng Diyos,[c] bilang isang anak, at tayo ang bahay na iyon kung ating iingatang matibay hanggang sa katapusan ang ating pagtitiwala at pagmamalaki sa ating pag-asa.
Kapahingahan para sa Bayan ng Diyos
7 Kaya't(B) gaya ng sinasabi ng Espiritu Santo,
“Ngayon, kung marinig ninyo ang kanyang tinig,
8 huwag ninyong papagmatigasin ang inyong mga puso gaya ng sa paghihimagsik,
gaya ng sa araw ng pagsubok sa ilang,
9 na doon ay sinubok ako ng inyong mga ninuno,
bagaman nakita nila ang aking mga gawa sa loob ng
10 apatnapung taon.
Kaya't nagalit ako sa lahing ito,
at aking sinabi, ‘Sila'y laging naliligaw sa kanilang puso,
at hindi nila nalaman ang aking mga daan.’
11 Gaya ng sa aking galit ay aking isinumpa,
‘Hindi sila papasok sa aking kapahingahan.’”
12 Mga kapatid, mag-ingat kayo, na walang sinuman sa inyo ang may pusong masama at walang pananampalataya na naglalayo sa buháy na Diyos.
13 Ngunit magpayuhan kayo sa isa't isa araw-araw, habang ito ay tinatawag na “ngayon,” upang walang sinuman sa inyo ang papagmatigasin ng pagiging madaya ng kasalanan.
14 Sapagkat tayo'y nagiging kabahagi ni Cristo kung ating hinahawakang matatag ang pasimula ng ating pagtitiwala hanggang sa katapusan.
15 Gaya(C) ng sinasabi,
“Ngayon, kung marinig ninyo ang kanyang tinig,
huwag ninyong papagmatigasin ang inyong mga puso, na gaya ng sa paghihimagsik.”
16 Sinu-sino(D) ba sila na matapos makarinig ay naghimagsik? Hindi ba ang lahat ng umalis sa Ehipto sa pamamagitan ni Moises?
17 Ngunit kanino siya galit nang apatnapung taon? Hindi ba sa mga nagkasala, na ang mga katawan ay nabuwal sa ilang?
18 At kanino siya sumumpa na hindi sila makakapasok sa kanyang kapahingahan, kung hindi sa mga sumuway?
19 Kaya't nakikita natin na sila'y hindi nakapasok dahil sa kawalan ng pananampalataya.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001