Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

M’Cheyne Bible Reading Plan

The classic M'Cheyne plan--read the Old Testament, New Testament, and Psalms or Gospels every day.
Duration: 365 days
Ang Biblia (1978) (ABTAG1978)
Version
2 Samuel 24

Ang bayan ay binilang.

24 (A)At ang galit ng Panginoon ay nagalab (B)uli laban sa Israel, at kaniyang kinilos si David laban sa kanila, na sinabi, Ikaw ay yumaon, iyong bilangin ang Israel at Juda.

At sinabi ng hari kay Joab na puno ng hukbo, na kasama niya, Magparoo't parito ka nga sa lahat ng mga lipi ng Israel, (C)mula sa Dan hanggang sa Beer-seba, at bilangin ninyo ang bayan, upang aking maalaman ang kabuoan ng bayan.

At sinabi ni Joab sa hari, Ngayo'y dagdagan ng (D)Panginoon mong Dios ang bayan, sa gaano man karami sila, ng makaisang daan pa; at makita ng mga mata ng aking panginoon na hari: nguni't bakit nalulugod ang panginoon ko na hari sa bagay na ito?

Gayon ma'y ang salita ng hari ay nanaig laban kay Joab, at laban sa mga puno ng hukbo. At si Joab at ang mga puno ng hukbo ay nagsilabas mula sa harapan ng hari upang bilangin ang bayan ng Israel.

At sila'y nagsitawid ng Jordan, at nagsihantong sa (E)Aroer sa dakong kanan ng bayan na nasa gitna ng libis ng Gad, at sa Jazer:

Saka sila nagsiparoon sa Galaad, at sa lupain ng Tatimhodsi; at sila'y nagsidating sa Dan-jaan at sa palibot hanggang sa Sidon.

At nagsiparoon sa katibayan ng Tiro, at sa lahat ng mga bayan ng mga Heveo, at ng mga Cananeo; at sila'y nagsilabas sa timugan ng Juda, sa Beer-seba.

Sa gayon nang sila'y makapagparoo't parito na, sa buong lupain, ay nagsiparoon sila sa Jerusalem sa katapusan ng siyam na buwan at dalawang pung araw.

At ibinigay ni Joab sa hari ang bilang ng pagkabilang sa bayan; (F)at mayroon sa Israel na walong daang libo na matapang na lalake na nagsisihawak ng tabak; at ang mga tao sa Juda ay limang daang libong lalake.

10 At ang puso ni David ay sinaktan niya pagkatapos na kaniyang nabilang ang bayan. At sinabi ni David sa Panginoon, (G)Ako'y nagkasala ng malaki sa aking nagawa: nguni't ngayo'y isinasamo ko sa iyo na iyong pawiin ang kasamaan ng iyong lingkod; sapagka't aking ginawa (H)ng buong kamangmangan.

11 At nang bumangon si David sa kinaumagahan, ang salita ng Panginoon ay dumating sa propeta (I)Gad na (J)tagakita ni David, na sinasabi,

12 Ikaw ay yumaon at salitain mo kay David, Ganito ang sabi ng Panginoon, Pinagpapalagayan kita ng tatlong bagay; pumili ka ng isa sa mga yaon upang aking magawa sa iyo.

13 Sa gayo'y naparoon si Gad kay David, at nagsaysay sa kaniya: at nagsabi sa kaniya, (K)Darating ba sa iyo ang pitong taon na kagutom sa iyong lupain? o tatakas ka bang tatlong buwan sa harap ng iyong mga kaaway samantalang hinahabol ka nila? o magkakaroon ba ng tatlong araw na pagkasalot sa iyong lupain? ngayo'y muniin mo, at dilidilihin mo kung anong kasagutan ang aking ibabalik doon sa nagsugo sa akin.

14 At sinabi ni David kay Gad, Ako'y nasa totoong kagipitan: mahulog tayo ngayon sa kamay ng Panginoon; (L)sapagka't ang kaniyang mga kaawaan ay dakila: at huwag akong mahulog sa kamay ng tao.

Ang salot ay sinugo.

15 Sa gayo'y nagsugo ang Panginoon ng salot sa Israel mula sa umaga hanggang sa takdang panahon: at namatay sa bayan mula sa Dan hanggang sa Beer-seba ay pitong pung libong lalake.

16 At nang iunat ng anghel ang kaniyang kamay sa dakong Jerusalem upang gibain ay nagsisi (M)ang Panginoon sa kasamaan, at sinabi (N)sa anghel na (O)lumipol ng bayan, Siya na; ngayo'y itigil mo ang iyong kamay. At ang anghel ng Panginoon ay nasa giikan ni (P)Arauna na Jebuseo.

17 At nagsalita si David sa Panginoon, nang kaniyang makita ang anghel na sumakit sa bayan, at nagsabi, Narito, ako'y nagkasala, at ako'y gumawa ng kalikuan; nguni't ang mga tupang ito, ano ang ginawa? isinasamo ko sa iyo na ang iyong kamay ay maging laban sa akin, at laban sa sangbahayan ng aking ama.

Si David ay nagtayo ng dambana sa Panginoon sa giikan ni Arauna.

18 At si Gad ay naparoon sa araw na yaon kay David, at nagsabi sa kaniya, Ikaw ay yumaon, magtayo ka ng isang dambana sa Panginoon sa giikan ni Arauna na Jebuseo.

19 At si David ay umahon ayon sa sinabi ni Gad, kung paanong iniutos ng Panginoon.

20 At tumanaw si Arauna, at nakita ang hari, at ang kaniyang mga lingkod na nagsisilapit sa kaniya; at si Arauna ay lumabas at nagpatirapa sa harap ng hari.

21 At sinabi ni Arauna: Bakit ang aking panginoon na hari ay naparito sa kaniyang lingkod? (Q)At sinabi ni David, Upang bilhin ang giikan sa iyo, na mapagtayuan ng isang dambana sa Panginoon, upang ang salot ay (R)magtigil sa bayan.

22 At sinabi ni Arauna kay David, Kunin ng aking panginoon na hari, at ihandog kung ano ang inaakala niyang mabuti: (S)narito, ang mga baka na panghandog na susunugin, at ang mga kagamitan sa giikan at ang mga pamatok ng mga baka na pang kahoy:

23 Ang lahat na ito, Oh hari, ibinibigay ni Arauna sa hari. At sinabi ni Arauna sa hari, Tanggapin ka nawa ng Panginoon mong Dios.

24 At sinabi ng hari kay Arauna, Huwag; kundi katotohanang bibilhin ko sa iyo sa halaga: hindi nga ako maghahandog ng mga handog na susunugin sa Panginoon kong Dios na hindi nagkahalaga sa akin ng anoman. (T)Sa gayo'y binili ni David ang giikan at ang mga baka ng limang pung siklong pilak.

25 At nagtayo roon si David ng isang dambana sa Panginoon, at naghandog ng mga handog na susunugin at ng mga handog tungkol sa kapayapaan. (U)Sa gayo'y nadalanginan ang Panginoon dahil sa lupain, at ang salot ay tumigil sa Israel.

Galacia 4

Nguni't sinasabi ko na samantalang (A)ang tagapagmana ay bata, ay walang pagkakaibang anoman sa alipin bagama't siya'y panginoon ng lahat;

Datapuwa't nasa ilalim ng mga tagapagampon at ng mga tagapangasiwa hanggang sa panahong itinakda ng ama.

Gayon din naman tayo, nang tayo'y mga bata pa, (B)tayo'y nasasakop ng pagkaalipin sa ilalim ng mga pasimulang aral ng sanglibutan.

Datapuwa't (C)nang dumating ang kapanahunan, ay sinugo ng Dios ang kaniyang Anak, (D)na ipinanganak ng isang babae, na (E)ipinanganak sa ilalim ng kautusan,

(F)Upang matubos niya ang nangasa ilalim ng kautusan, (G)upang matanggap natin ang pagkukupkop sa mga anak.

At sapagka't kayo'y mga anak, ay sinugo ng Dios ang Espiritu ng kaniyang Anak sa ating mga puso, na sumisigaw, Abba, Ama.

Ano pa't hindi ka na alipin, kundi anak; (H)at kung anak, ay tagapagmana ka nga sa pamamagitan ng Dios.

Gayon man nang panahong yaon, sa hindi ninyo pagkakilala sa Dios, kayo'y nasa pagkaalipin (I)ng sa katutubo ay hindi mga dios:

Datapuwa't ngayon yamang nakikilala na ninyo ang Dios, o ang lalong mabuting sabihin, kayo'y nangakikilala ng Dios, bakit muling nangagbabalik kayo (J)doon sa mahihina at walang bisang mga pasimulang aral, na sa mga yao'y ninanasa ninyong magbalik sa pagkaalipin?

10 Ipinangingilin ninyo ang mga araw, (K)at mga buwan, at mga panahon, at mga taon.

11 Ako'y natatakot tungkol sa inyo, (L)baka sa anomang paraan ay nagpagal ako sa inyo ng walang kabuluhan.

12 Ipinamamanhik ko sa inyo, mga kapatid, na kayo'y mangagsitulad sa akin, sapagka't ako'y katulad din ninyo. Wala kayong ginawa sa aking anomang kasamaan.

13 Datapuwa't nalalaman ninyo na (M)dahil sa sakit ng laman, ay ipinangaral ko sa inyo ang evangelio (N)nang pasimula:

14 At yaong sa inyo'y isang tukso sa aking laman ay hindi ninyo inalipusta, ni itinakuwil man; kundi ako'y tinanggap ninyong tulad sa isang anghel ng Dios, (O)tulad kay Cristo Jesus.

15 Saan nga naroon yaong inyong kapalaran? sapagka't pinatototohanan ko sa inyo, na, kung mangyayari, ay inyong dinukit sana ang inyong mga mata at ibinigay sa akin.

16 Kaya nga ako baga'y naging kaaway ninyo, sa pagsasabi ko sa inyo ng katotohanan?

17 May (P)nangagmamalasakit sa inyo sa hindi mabuting akala; subali't, ang ibig nila ay ihiwalay kayo, upang ipagmalasakit ninyo sila.

18 Datapuwa't mabuti ang ipagmalasakit sa mabuting bagay sa lahat ng panahon, at hindi lamang samantalang ako'y kaharap ninyo.

19 Maliliit kong mga anak, (Q)na muli kong ipinagdaramdam sa panganganak hanggang si Cristo ay mabadha (R)sa inyo—

20 Datapuwa't, ibig kong makaharap ninyo ako ngayon, at baguhin ang aking tinig; sapagka't ako'y nagaalinlangan tungkol sa inyo.

21 Sabihin ninyo sa akin, kayong nagsisipagnasang mapasa ilalim ng kautusan, hindi baga ninyo naririnig ang kautusan?

22 Sapagka't nasusulat, na si Abraham ay nagkaroon ng dalawang anak, (S)ang isa'y sa aliping babae, at (T)ang isa'y sa babaing malaya.

23 Gayon man (U)ang anak sa alipin ay ipinanganak ayon sa laman; nguni't (V)ang anak sa babaing malaya ay sa pamamagitan ng pangako.

24 Ang mga bagay na ito'y may lamang talinghaga: sapagka't ang mga babaing ito'y dalawang tipan; ang isa'y mula sa bundok ng Sinai, na nanganganak ng mga (W)anak sa pagkaalipin, na ito'y si Agar.

25 Ang Agar ngang ito ay bundok ng Sinai sa (X)Arabia, at ito'y katulad ng Jerusalem ngayon: sapagka't ito'y nasa pagkaalipin kasama ng kaniyang mga anak.

26 Nguni't ang (Y)Jerusalem na nasa itaas ay malaya, na siyang ina natin.

27 Sapagka't nasusulat,

(Z)Magsaya ka, Oh baog na hindi nanganganak;
Magbiglang umawit at humiyaw ka, ikaw na hindi nagdaramdam sa panganganak:
Sapagka't higit pa ang mga anak ng pinabayaan kay sa mga anak ng may asawa.

28 At tayo, mga kapatid, tulad ni Isaac, ay (AA)mga anak sa pangako.

29 Datapuwa't kung papaanong yaong (AB)ipinanganak ayon sa laman ay nagusig sa ipinanganak ayon sa espiritu, ay gayon din naman ngayon.

30 Gayon man ano ang sinasabi ng kasulatan? (AC)Palayasin ang aliping babae at ang kaniyang anak: sapagka't hindi magmamana ang anak ng babaing alipin na kasama ng anak ng babaing malaya.

31 Kaya nga, mga kapatid, hindi tayo mga anak ng babaing alipin, kundi ng babaing malaya.

Ezekiel 31

Ipinaalam kay Faraon ang kaniyang kasasapitan sa Asiria.

31 At nangyari nang ikalabing isang taon, nang ikatlong buwan, nang unang araw ng buwan, na ang salita ng Panginoon ay dumating sa akin, na nagsasabi,

Anak ng tao, sabihin mo kay Faraon, na hari sa Egipto, at sa kaniyang karamihan: Sino ang iyong kawangis sa iyong kalakhan?

Narito, ang taga Asiria ay isang cedro sa Libano, na may magandang mga sanga, at (A)may mayabong na lilim, at may mataas na kataasan; at ang kaniyang dulo ay nasa gitna ng mga mayabong na sanga.

Kinakandili siya ng tubig, pinalalaki siya ng kalaliman: ang kaniyang mga ilog ay nagsisiagos sa palibot ng kaniyang kinatatamnan; at kaniyang pinaaagos ang kaniyang mga bangbang ng tubig sa lahat ng punong kahoy sa parang.

Kaya't ang kaniyang kataasan (B)ay nataas ng higit kay sa lahat na punong kahoy sa parang; at ang kaniyang mga sanga ay nagsidami, at ang kaniyang mga sanga ay nagsihaba dahil sa karamihan ng tubig, nang kaniyang pabugsuan.

Lahat ng ibon sa himpapawid ay (C)nagsigawa ng kanilang mga pugad sa kaniyang mga sanga; at sa ilalim ng kaniyang mga sanga ay nagsipanganak ang lahat ng mga hayop sa parang; at sa kaniyang lilim ay nagsitahan ang lahat na malaking bansa.

Ganito siya gumanda sa kaniyang kalakhan, sa kahabaan ng kaniyang mga sanga: sapagka't ang kaniyang ugat ay nasa siping ng maraming tubig.

Ang mga cedro sa halamanan ng Dios hindi makapantay sa kaniya; ang mga puno ng abeto ay hindi gaya ng kaniyang mga sanga, at ang mga puno ng kastano ay hindi gaya ng kaniyang mga sanga; o may anomang punong kahoy (D)sa halamanan ng Dios na kagaya niya sa kaniyang kagandahan.

Pinaganda ko siya sa karamihan ng kaniyang mga sanga, na anopa't lahat ng punong kahoy sa Eden, na nangasa halamanan ng Dios, nanaghili sa kaniya.

10 Kaya't ganito ang sabi ng Panginoong Dios: Sapagka't ikaw ay nataas sa kataasan, at inilagay niya ang kaniyang dulo sa gitna ng mga mayabong na sanga, at (E)ang kaniyang puso ay nagmataas sa kaniyang pagkataas;

11 Aking ibibigay nga siya sa kamay ng makapangyarihan sa mga bansa; walang pagsalang siya'y susugpuin: aking pinalayas siya dahil sa kaniyang kasamaan.

12 At inihiwalay siya at iniwan siya, ng mga taga ibang lupa, (F)ng kakilakilabot sa mga bansa: sa ibabaw ng mga bundok at sa lahat ng mga libis ay nangalaglag ang kaniyang mga sanga, at ang kaniyang mga sanga ay nangabali sa siping ng lahat ng mga ilog ng lupain; at bumaba ang lahat ng tao sa lupa mula sa kaniyang lilim at iniwan siya.

13 Sa kaniyang guho ay (G)magsisitahan ang lahat ng mga ibon sa himpapawid, at lahat ng mga hayop sa parang ay mangapapa sa kaniyang mga sanga;

14 Upang walang magmataas sa kanilang kataasan sa lahat na punong kahoy sa siping ng tubig, o maglagay man ng kanilang dulo sa gitna ng mga mayabong na sanga, o ang kanila mang mga makapangyarihan ay magsitayo sa kanilang pagkataas, sa makatuwid baga'y yaong lahat na nagsisiinom ng tubig: sapagka't silang lahat ay nangabigay sa kamatayan, (H)sa pinakamalalim na bahagi ng lupa, sa gitna ng mga anak ng tao, na kasama ng nagsibaba sa hukay.

15 Ganito ang sabi ng Panginoong Dios: Nang araw na siya'y bumaba sa Sheol ay nagpatangis ako: aking tinakpan ang kalaliman dahil sa kaniya, at pinigil ko ang mga ilog niya; at ang mga malaking ilog ay nagsitigil; at aking pinapanangis sa kaniya ang Libano, at ang lahat na punong kahoy sa parang ay nanglupaypay dahil sa kaniya.

16 Aking niyanig ang mga bansa sa hugong (I)ng kaniyang pagkabuwal, nang aking ihagis siya sa Sheol na kasama ng nagsibaba sa hukay; at ang (J)lahat na punong kahoy sa Eden, ang pili at pinakamahusay ng Libano, lahat ng nagsisiinom ng tubig ay (K)nangaaliw sa pinakamalalim na bahagi ng lupa.

17 Sila rin nama'y nagsibaba sa Sheol na kasama niya sa kanila na nangapatay ng tabak; oo, silang pinakakamay niya na nagsisitahan sa kaniyang lilim sa gitna ng mga bansa.

18 Sino ang gaya mong ganito sa kaluwalhatian at sa kalakhan sa gitna ng mga punong kahoy sa Eden? gayon ma'y mabababa ka na kasama ng mga punong kahoy sa Eden, sa pinakamalalim na bahagi ng lupa: ikaw ay malalagay (L)sa gitna ng mga di tuli, na kasama nila na nangapatay ng tabak. Ito'y si Faraon at ang buo niyang karamihan, sabi ng Panginoong Dios.

Mga Awit 79

Hinagpis dahil sa pagka sira ng Jerusalem, at panalangin sa paghingi ng tulong. Awit ni Asaph.

79 Oh Dios, (A)ang mga bansa ay dumating sa (B)iyong mana;
(C)Ang iyong banal na templo ay kanilang nilapastangan;
(D)Kanilang pinapaging bunton ang Jerusalem.
Ang mga bangkay ng iyong mga lingkod ay (E)ibinigay nila na pagkain sa mga ibon sa himpapawid,
Ang laman ng iyong mga banal ay sa mga hayop sa lupa.
Ang kanilang dugo ay ibinubo nila na parang tubig sa palibot ng Jerusalem;
(F)At walang naglibing sa kanila.
(G)Kami ay naging kadustaan sa aming kalapit,
Kasabihan at kakutyaan nilang nangasa palibot namin.
Hanggang kailan, Oh Panginoon, magagalit ka magpakailan man?
(H)Magaalab ba ang iyong paninibugho na parang apoy?
(I)Ibugso mo ang iyong pagiinit sa mga bansa na hindi nangakakakilala sa iyo,
At sa mga kaharian na hindi nagsisitawag sa iyong pangalan.
Sapagka't kanilang nilamon ang Jacob,
At inilagay na sira ang kaniyang tahanan.
(J)Huwag mong alalahanin laban sa amin ang kasamaan ng aming mga magulang:
Magmadali ang iyong mga malumanay na kaawaan na tulungan kami:
Sapagka't kami ay totoong hinamak.
Iyong tulungan kami, Oh Dios ng aming kaligtasan, dahil sa kaluwalhatian ng iyong pangalan:
At iyong iligtas kami, at linisin mo ang aming mga kasalanan, (K)dahil sa iyong pangalan.
10 (L)Bakit sasabihin ng mga bansa,
Saan nandoon ang kanilang Dios?
Ang (M)kagantihan sa dugo na nabubo sa iyong mga lingkod
Maalaman nawa ng mga bansa sa aming paningin.
11 (N)Dumating nawa sa harap mo ang buntong-hininga ng bihag;
Ayon sa kadakilaan ng iyong kapangyarihan ay palagiin mo yaong nangatakda sa kamatayan:
12 At ibalik mo sa aming mga kalapit-bansa sa (O)makapito (P)sa kanilang sinapupunan,
Ang kanilang pagduwahagi na kanilang idinuwahagi sa iyo, Oh Panginoon.
13 Sa gayo'y (Q)kaming iyong bayan at mga tupa sa pastulan mo
Mangagpapasalamat sa iyo magpakailan man:
Aming ipakikilala ang iyong kapurihan sa lahat ng mga lahi.

Ang Biblia (1978) (ABTAG1978)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 1905, 1915, 1933, 1978