Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

M’Cheyne Bible Reading Plan

The classic M'Cheyne plan--read the Old Testament, New Testament, and Psalms or Gospels every day.
Duration: 365 days
Ang Biblia (1978) (ABTAG1978)
Version
2 Samuel 11

Ang kasalanan ni David laban kay Uria.

11 At nangyari (A)sa pagpihit ng taon sa panahon ng paglabas ng mga hari sa pakikipagbaka, na sinugo ni (B)David si Joab, at ang kaniyang mga lingkod na kasama niya, at ang buong Israel; at kanilang nilipol ang mga anak ni Ammon at kinubkob sa Rabba. Nguni't si David ay naghintay sa Jerusalem.

At nangyari sa kinahapunan, na si David ay bumangon sa kaniyang higaan, at lumakad sa (C)bubungan ng bahay ng hari: at mula sa bubungan ay kaniyang nakita ang isang babae na naliligo; at ang babae ay totoong napakagandang masdan.

At nagsugo si David, at nagpasiyasat tungkol sa babae. At sinabi ng isa, Hindi ba ito ay si (D)Bath-sheba na anak ni Eliam, na asawa ni Uria na Hetheo?

At si David ay nagsugo ng mga sugo, at kinuha siya; at siya'y pumaroon sa kaniya, at (E)kaniyang sinipingan siya (sapagka't siya'y malinis sa kaniyang karumihan;) at siya'y bumalik sa kaniyang bahay.

At ang babae ay naglihi; at siya'y nagsugo at nasaysay kay David, at nagsabi: Ako'y buntis.

At nagsugo si David kay Joab, na sinasabi, Suguin mo sa akin si Uria na Hetheo. At sinugo ni Joab si Uria kay David.

At nang si Uria ay dumating sa kaniya, tinanong ni David siya kung paano ang tayo ni Joab, at kung ano ang kalagayan ng bayan, at kung paano ang tayo ng pagbabaka.

At sinabi ni David kay Uria, Babain mo ang iyong bahay, (F)at iyong hugasan ang iyong mga paa. At umalis si Uria sa bahay ng hari at isinusunod sa kaniya ang isang (G)pagkain na mula sa hari.

Nguni't natulog si Uria sa pintuan ng bahay ng hari na kasama ng lahat ng mga lingkod ng kaniyang panginoon, at hindi binaba ang kaniyang bahay.

10 At nang masaysay kay David, na sabihin, Hindi binaba ni Uria ang kaniyang bahay, sinabi ni David kay Uria, Hindi ka pa ba nakapaglalakbay? bakit hindi mo binaba ang iyong bahay?

11 At sinabi ni Uria kay David, (H)Ang kaban, at ang Israel, at ang Juda, ay nasa mga tolda (I)at ang aking panginoon si Joab, at ang mga lingkod ng aking panginoon, ay nangahahantong sa luwal na parang; yayaon nga ba ako sa aking bahay, upang kumain, at upang uminom, at upang sumiping sa aking asawa? buhay ka, at (J)buhay ang iyong kaluluwa, hindi ko gagawin ang bagay na ito.

12 At sinabi ni David kay Uria, Tumigil ka rin dito ngayon at bukas ay aking payayaunin ka. Sa gayo'y tumigil si Uria sa Jerusalem sa araw na yaon, at sa kinabukasan.

13 At nang tawagin siya ni David, siya'y kumain at uminom sa harap niya; at kaniyang nilango siya: at sa kinahapunan, siya'y lumabas upang mahiga sa kaniyang higaan na kasama ng mga lingkod ng kaniyang panginoon, nguni't hindi niya binaba ang kaniyang bahay.

Ang kamatayan ni Uria.

14 At nangyari, sa kinaumagahan, na sumulat si David ng isang sulat kay Joab, at ipinadala sa pamamagitan ng kamay ni Uria.

15 At kaniyang isinulat sa sulat, na sinasabi, Ilagay mo si Uria sa pinakaunahan ng mahigpit na pagbabaka, at kayo'y magsiurong mula sa kaniya, upang siya'y (K)masaktan, at mamatay.

16 At nangyari, nang bantayan ni Joab ang bayan, na kaniyang inilagay si Uria sa dakong kaniyang nalalaman na kinaroroonan ng mga matapang na lalake.

17 At ang mga lalake sa bayan ay nagsilabas at nakipagbaka kay Joab: at nangabuwal ang iba sa bayan, sa mga lingkod ni David; at si Uria na Hetheo ay namatay rin.

18 Nang magkagayo'y nagsugo si Joab, at isinaysay kay David ang lahat ng mga bagay tungkol sa pagbabaka;

19 At kaniyang ibinilin sa sugo, na sinasabi, Pagka ikaw ay nakatapos na magsaysay sa hari ng lahat ng mga bagay tungkol sa pagbabaka,

20 Mangyari na, kung ang galit ng hari ay maginit, at kaniyang sabihin sa iyo: Bakit kayo lumapit na mabuti sa bayan upang bumaka? hindi ba ninyo nalalaman na sila'y papana mula sa kuta?

21 Sino ang sumakit kay (L)Abimelech na anak ni (M)Jerobaal? hindi ba isang babae ang naghagis ng isang bato sa ibabaw ng gilingan sa kaniya mula sa kuta, na anopa't siya'y namatay sa Thebes? bakit kayo'y nagpakalapit sa kuta? saka mo sasabihin, Ang iyong lingkod na si Uria na Hetheo ay namatay rin.

22 Sa gayo'y yumaon ang sugo, at naparoon at isinaysay kay David ang lahat na iniutos sa kaniya ni Joab.

23 At sinabi ng sugo kay David, Ang mga lalake ay nanganaig laban sa amin, at nilabas kami sa parang, at aming pinaurong sila hanggang sa pasukan ng pintuang-bayan.

24 At pinana ng mga mamamana ang iyong mga lingkod mula sa kuta; at ang iba sa mga lingkod ng hari ay nangamatay, at ang iyong lingkod na si Uria na Hetheo ay namatay rin.

25 Nang magkagayo'y sinabi ni David sa sugo, Ganito ang iyong sasabihin kay Joab: Huwag mong masamain ang bagay na ito, sapagka't nilalamon ng tabak maging ito gaya ng iba: iyong palakasin pa ang iyong pagbabaka laban sa bayan, at iwasak: at iyong palakasin ang loob niya.

Kinuha ni David na maging asawa si Bath-sheba.

26 At nang marinig ng asawa ni Uria na si Uria na kaniyang asawa ay namatay, kaniyang tinangisan ang kaniyang asawa.

27 At nang ang pagtangis ay makaraan, ay nagsugo si David at kinuha siya sa kaniyang bahay, (N)at siya'y naging kaniyang asawa, at nagkaanak sa kaniya ng isang lalake. Nguni't ang bagay na ginawa ni David ay minasama ng Panginoon.

2 Corinto 4

Kaya nga sa pagkakaroon namin ng ministeriong (A)ito, ayon sa aming tinanggap na kaawaan, ay hindi kami nanghihina.

Bagkus tinanggihan namin ang mga kahiyahiyang bagay na nangatatago, na (B)hindi kami nagsisilakad sa katusuhan, ni nagsisigamit man na may daya ng mga salita ng Dios; kundi sa pagpapahayag ng (C)katotohanan ay (D)ipinagtatagubilin ang aming sarili (E)sa bawa't budhi ng mga tao sa harapan ng Dios.

At kung ang aming evangelio ay (F)natatalukbungan pa, ay may talukbong sa mga napapahamak:

Na binulag (G)ng dios ng sanglibutang ito ang mga pagiisip ng mga hindi nagsisisampalataya, upang sa kanila'y huwag sumilang ang kaliwanagan ng evangelio ng kaluwalhatian ni Cristo, (H)na siyang larawan ng Dios.

Sapagka't (I)hindi namin ipinangangaral ang aming sarili, kundi si Cristo Jesus na Panginoon, (J)at kami ay gaya ng inyong mga alipin dahil kay Cristo.

Yamang ang Dios, ang nagsabi, (K)Magniningning ang ilaw sa kadiliman, na siyang nagningning sa aming mga puso, upang magbigay ng liwanag ng pagkakilala sa kaluwalhatian ng Dios sa mukha ni Jesucristo.

Nguni't taglay namin ang kayamanang ito sa mga sisidlang-lupa, (L)upang ang dakilang kalakhan ng kapangyarihan ay maging mula sa Dios, at huwag mula sa aming sarili;

Sa magkabikabila ay (M)nangagigipit kami, gayon ma'y hindi nangaghihinagpis; nangatitilihan, gayon ma'y hindi nangawawalan ng pagasa;

(N)Pinaguusig, gayon ma'y hindi pinababayaan; inilulugmok, gayon ma'y hindi nangasisira;

10 Laging saan ma'y (O)tinataglay sa katawan ang kamatayan ni Jesus, (P)upang ang buhay ni Jesus ay mahayag naman sa aming katawan.

11 Sapagka't kaming nangabubuhay ay (Q)laging ibinibigay sa kamatayan dahil kay Jesus, upang ang buhay naman ni Jesus ay mahayag sa aming lamang may kamatayan.

12 Kaya nga ang kamatayan ay gumagawa sa amin, datapuwa't ang buhay ay sa inyo.

13 Nguni't yamang mayroong gayon ding espiritu ng pananampalataya, na gaya ng nasusulat, (R)Sumampalataya ako, at kaya't nagsalita ako; kami naman ay nagsisisampalataya, at kaya't kami naman ay nangagsasalita;

14 Na aming nalalaman na ang bumuhay na maguli sa Panginoong Jesus ay siya ring bubuhay na maguli sa amin na kalakip ni Jesus, at ihaharap kaming kasama ninyo.

15 Sapagka't ang (S)lahat ng mga bagay ay dahil sa inyo, upang ang biyaya na (T)pinarami sa pamamagitan ng marami, ay siyang magpasagana ng pagpapasalamat sa ikaluluwalhati ng Dios.

16 Kaya nga (U)hindi kami nanghihimagod; bagama't ang aming pagkataong labas ay pahina, nguni't (V)ang aming pagkataong loob ay nababago sa araw-araw.

17 Sapagka't ang aming magaang kapighatian, (W)na sa isang sangdali lamang, ay siyang gumagawa sa amin ng lalo't lalong bigat ng kaluwalhatiang walang hanggan;

18 Samantalang kami ay nagsisitingin hindi (X)sa mga bagay na nangakikita, kundi sa mga bagay na hindi nangakikita: sapagka't ang mga bagay na nangakikita ay may katapusan; datapuwa't ang mga bagay na hindi nangakikita ay walang hanggan.

Ezekiel 18

Ang kaluluwa ng nagkasala ay mamamatay.

18 Ang salita ng Panginoon ay dumating uli sa akin, na nagsasabi,

Anong ibig ninyong sabihin na (A)inyong sinasambit ang kawikaang ito tungkol sa lupain ng Israel, na sinasabi, Kinain (B)ng mga magulang ang mga maasim na ubas, at ang mga ngipin ng mga anak ay nagsisipangilo?

Buháy ako, sabi ng Panginoong Dios, hindi na ninyo sasambitin pa ang kawikaang ito sa Israel.

Narito, lahat ng kaluluwa ay akin; kung paano ang kaluluwa ng ama, gayon din ang kaluluwa ng anak ay akin: (C)ang kaluluwa na nagkakasala ay mamamatay.

Nguni't kung ang isang tao ay maging ganap, at gumawa ng tapat at matuwid,

At hindi kumain (D)sa mga bundok, (E)o itinaas man ang kaniyang mga mata sa mga diosdiosan ng sangbahayan ni Israel, o (F)nadumhan man ang asawa ng kaniyang kapuwa, o lumapit man sa isang babae na may kapanahunan:

At hindi pumighati sa kanino man, kundi nagsauli ng sangla (G)sa (H)mangungutang sa kaniya, hindi sumamsam ng anoman sa pamamagitan ng pangdadahas nagbigay ng kaniyang tinapay sa gutom, at nagbalot ng kasuutan sa hubad;

Siya na (I)hindi nagbigay na (J)may patubo, o kumuha man ng anomang (K)pakinabang, na iniurong ang kaniyang kamay sa kasamaan, (L)gumawa ng tunay na kahatulan sa tao't tao,

Lumakad ng ayon sa aking mga palatuntunan, at nagingat ng aking mga kahatulan upang gawing may katotohanan; siya'y ganap, siya'y walang pagsalang mabubuhay, (M)sabi ng Panginoong Dios.

10 Kung siya'y magkaanak ng isang lalake na tulisan, mangbububo ng dugo, at gumagawa ng alin man sa mga ganitong bagay,

11 At hindi gumagawa ng alin man sa mga katungkulang yaon, kundi kumain nga sa mga bundok, at nadumhan ang asawa ng kaniyang kapuwa,

12 Pumighati (N)ng dukha at mapagkailangan, sumamsam sa pamamagitan ng pangdadahas, hindi nagsauli ng sangla, at itinaas ang kaniyang mga mata sa mga diosdiosan, (O)gumawa ng kasuklamsuklam.

13 Nagbigay na may patubo, at tumanggap ng pakinabang; mabubuhay nga baga siya? siya'y hindi mabubuhay: kaniyang ginawa ang lahat na kasuklamsuklam na ito: siya'y walang pagsalang mamamatay; (P)ang kaniyang dugo ay sasa kaniya.

14 Ngayon, narito, kung siya'y magkaanak ng isang lalake, na nakikita ang lahat na kasalanan ng kaniyang ama na ginawa, at natatakot, at hindi gumagawa ng gayon;

15 Na hindi kumain sa mga bundok, o itinaas man ang kaniyang mga mata sa mga diosdiosan ng sangbahayan ni Israel; hindi nadumhan ang asawa ng kaniyang kapuwa,

16 O pumighati man sa kanino man, hindi tumanggap ng anomang sangla, o sumamsam man sa pamamagitan ng pangdadahas, kundi nagbigay ng kaniyang tinapay sa gutom, at nagbalot ng kasuutan sa hubad;

17 (Q)Na iniurong ang kaniyang kamay sa dukha, na hindi tumanggap ng patubo o ng pakinabang man, ginawa ang aking mga kahatulan, lumakad sa aking mga palatuntunan, hindi siya mamamatay, ng dahil sa kasamaan ng kaniyang ama, siya'y walang pagsalang mabubuhay.

18 Tungkol sa kaniyang ama, sapagka't siya'y pumighating may kabagsikan, sumamsam sa kaniyang kapatid sa pamamagitan ng pangdadahas, at gumawa ng hindi mabuti sa gitna ng kaniyang bayan, narito siya'y (R)mamamatay sa kaniyang kasamaan.

19 Gayon ma'y sinasabi ninyo, (S)Bakit hindi dinadala ng anak ang kasamaan ng ama? Pagka ginawa ng anak ang tapat at matuwid, at nag-ingat ng lahat na aking palatuntunan, at isinagawa, siya'y walang pagsalang mabubuhay.

20 (T)Ang kaluluwa na nagkakasala, mamamatay: (U)ang anak ay hindi magdadanas ng kasamaan ng ama, o magdadanas man ang ama ng kasamaan ng anak; (V)ang katuwiran ng matuwid ay sasa kaniya, at ang kasamaan ng masama ay sasa kaniya.

21 Nguni't kung ang masama (W)ay humiwalay sa kaniyang lahat na kasalanan na kaniyang nagawa, at ingatan ang lahat na aking mga palatuntunan, at gumawa ng tapat at matuwid, siya'y walang pagsalang mabubuhay, siya'y hindi mamamatay.

22 Wala sa kaniyang mga pagsalangsang (X)na nagawa niya na aalalahanin laban sa kaniya: sa kaniyang katuwiran na kaniyang ginawa ay mabubuhay siya.

23 Mayroon baga akong anomang kasayahan sa kamatayan (Y)ng masama? sabi ng Panginoong Dios: at hindi baga mabuti na siya'y humiwalay sa kaniyang lakad, at mabuhay?

24 Nguni't (Z)pagka ang matuwid ay humiwalay sa kaniyang katuwiran, at gumagawa ng kasamaan, at gumagawa ng ayon sa lahat na kasuklamsuklam na ginagawa ng masamang tao, mabubuhay baga siya? Walang aalalahanin sa (AA)kaniyang mga matuwid na gawa na kaniyang ginawa: sa kaniyang pagsalangsang na kaniyang isinalangsang, at sa kaniyang kasalanan na kaniyang ipinagkasala, sa mga yaon mamamatay siya.

25 Gayon ma'y inyong sinasabi, Ang daan ng Panginoon ay (AB)hindi matuwid. Pakinggan mo ngayon, Oh sangbahayan ni Israel, Hindi baga ang aking daan ay matuwid? hindi baga ang iyong mga lakad ang di matuwid?

26 Pagka ang matuwid ay humihiwalay sa kaniyang katuwiran, at gumagawa ng kasamaan, at kinamamatayan; sa kasamaan na kaniyang nagawa ay mamamatay siya.

27 Muli, pagka ang masama ay humihiwalay sa kaniyang kasamaan na kaniyang nagawa, at gumawa ng tapat at matuwid, kaniyang ililigtas na buháy ang kaniyang kaluluwa.

28 Sapagka't siya'y nagmunimuni, at humiwalay sa lahat niyang pagsalangsang na kaniyang nagawa, siya'y walang pagsalang mabubuhay, siya'y hindi mamamatay.

29 Gayon ma'y sabi ng sangbahayan ni Israel, Ang daan ng Panginoon ay hindi matuwid. Oh sangbahayan ni Israel, hindi baga ang aking mga daan ay matuwid? hindi baga ang iyong mga lakad ay ang di matuwid?

30 Kaya't hahatulan (AC)ko kayo, Oh sangbahayan ni Israel, bawa't isa'y ayon sa kaniyang mga lakad, sabi ng Panginoong Dios. (AD)Kayo'y mangagbalik-loob, at magsihiwalay kayo sa lahat ninyong pagsalangsang; sa gayo'y ang kasamaan ay hindi magiging inyong kapahamakan.

31 Inyong iwaksi ang lahat ninyong pagsalangsang, na inyong isinalangsang: at kayo'y (AE)magbagong loob at magbagong diwa: sapagka't bakit kayo mamamatay, Oh angkan ni Israel?

32 Sapagka't wala akong kasayahan sa kamatayan niya na namamatay, sabi ng Panginoong Dios: kaya't (AF)magsipagbalik-loob kayo, at kayo'y mangabuhay.

Mga Awit 62-63

Sa Pangulong Manunugtog; ayon sa paraan ni Jeduthun. Awit ni David.

62 Sa (A)Dios lamang naghihintay ng tahimik ang aking kaluluwa:
Sa kaniya galing ang aking kaligtasan.
Siya lamang ang aking kanlungan at aking kaligtasan:
Siya ang (B)aking matayog na moog; hindi ako lubhang makikilos.
Hanggang kailan maghahaka kayo ng masama laban sa isang tao.
Upang patayin siya ninyong lahat,
(C)Na gaya ng pader na tumagilid, o bakod na nabubuwal?
Sila'y nagsisisangguni lamang upang ibagsak siya sa kaniyang karilagan;
Sila'y natutuwa sa mga kasinungalingan:
Sila'y nagsisibasbas ng kanilang bibig, (D)nguni't nanganunumpa sa loob. (Selah)
Kaluluwa ko, maghintay kang tahimik sa Dios lamang;
Sapagka't ang aking pagasa ay mula sa kaniya.
Siya lamang ang aking malaking bato at aking kaligtasan:
Siya'y aking matayog na moog; (E)hindi ako makikilos.
(F)Nasa Dios ang aking kaligtasan at aking kaluwalhatian;
Ang malaking bato ng aking kalakasan, at ang kanlungan ko'y nasa Dios.
Magsitiwala kayo sa kaniya buong panahon, kayong mga bayan;
(G)Buksan ninyo ang inyong dibdib sa harap niya;
Dios ay kanlungan sa atin. (Selah)
(H)Tunay na walang kabuluhan ang mga taong may mababang kalagayan, at ang mga taong may mataas na kalagayan ay kabulaanan:
Sa mga timbangan ay sasampa sila;
Silang magkakasama ay lalong magaan kay sa walang kabuluhan.
10 Huwag kang tumiwala sa kapighatian,
At huwag maging walang kabuluhan sa pagnanakaw:
(I)Kung ang mga kayamanan ay lumago, huwag ninyong paglalagakan ng inyong puso.
11 Ang Dios ay nagsalitang (J)minsan,
Makalawang aking narinig ito;
(K)Na ang kapangyarihan ay ukol sa Dios:
12 Sa iyo naman, Oh Panginoon, ukol ang (L)kagandahang-loob:
Sapagka't (M)ikaw ay nagbabayad sa bawa't tao ayon sa kaniyang gawa.

(N)Awit ni David, nang siya'y nasa ilang ng Juda.

63 Oh Dios, ikaw ay Dios ko; hahanapin kitang (O)maaga:
Kinauuhawan ka (P)ng aking kaluluwa, pinananabikan ka ng aking laman,
Sa isang tuyo at uhaw na lupa na walang tubig.
Sa gayo'y tumingin ako sa iyo sa santuario.
Upang tanawin ang (Q)iyong kapangyarihan at ang iyong kaluwalhatian.
(R)Sapagka't ang iyong kagandahang-loob ay mainam kay sa buhay:
Pupurihin ka ng aking mga labi.
Sa gayo'y pupurihin (S)kita habang ako'y nabubuhay:
(T)Igagawad ko ang aking mga kamay sa iyong pangalan.
Ang kaluluwa ko'y matutuwa na gaya sa utak at taba;
At ang bibig ko'y pupuri sa iyo ng masayang mga labi;
Pagka (U)naaalaala kita sa aking higaan,
At ginugunita kita sa pagbabantay sa gabi.
Sapagka't naging katulong kita,
At (V)sa lilim ng mga pakpak mo'y magagalak ako.
Ang kaluluwa ko'y nanununod na mainam sa iyo:
Inaalalayan ako ng iyong kanan.
Nguni't ang nagsisihanap ng kaluluwa ko, upang ipahamak,
Magsisilusong sa mga lalong (W)mababang bahagi ng lupa.
10 Sila'y mangahuhulog sa kapangyarihan ng tabak:
Sila'y magiging pagkain sa mga zorra.
11 Nguni't (X)ang hari ay magagalak sa Dios:
Bawa't sumusumpa sa pamamagitan niya ay (Y)luluwalhati;
Sapagka't (Z)ang bibig nila na nagsasalita ng mga kasinungalingan ay patitigilin.

Ang Biblia (1978) (ABTAG1978)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 1905, 1915, 1933, 1978