Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

M’Cheyne Bible Reading Plan

The classic M'Cheyne plan--read the Old Testament, New Testament, and Psalms or Gospels every day.
Duration: 365 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
1 Hari 1

Ang mga Huling Araw ni Haring David

Matandang-matanda na si Haring David at kahit kumutan pa siya ng makapal ay giniginaw pa rin siya. Kaya sinabi ng kanyang mga lingkod, “Mahal na Hari, payagan nʼyo po kaming maghanap ng isang dalagita na mag-aalaga sa inyo. Tatabihan po niya kayo para hindi kayo ginawin.” Kaya naghanap sila ng magandang dalagita sa buong Israel, at nakita nila si Abishag na taga-Shunem, at dinala nila siya sa hari. Talagang maganda si Abishag at naging tagapag-alaga siya ng hari. Pero hindi sumiping ang hari sa kanya.

Gusto ni Adonia na Maging Hari

Ngayon, si Adonia na anak ni David kay Hagit ay nagmamayabang na siya ang susunod na magiging hari. Kaya naghanda siya ng mga karwahe at mga kabayo[a] at 50 tao na magsisilbing tagabantay na mauuna sa kanya. Hindi siya kailanman pinakialaman ng kanyang ama na si David, at hindi sinaway sa kanyang mga ginagawa. Napakaguwapong lalaki ni Adonia at ipinanganak siyang kasunod ni Absalom. Nakipag-usap siya kay Joab na anak ni Zeruya at sa paring si Abiatar tungkol sa balak niyang maging hari, at pumayag ang dalawa na tumulong sa kanya. Ngunit hindi pumanig sa kanya ang paring si Zadok at ang propetang si Natan, pati si Benaya na anak ni Jehoyada, gayon din sina Simei at Rei at ang magigiting na bantay ni David.

Isang araw, pumunta si Adonia sa Bato ng Zohelet malapit sa En Rogel at naghandog siya roon ng mga tupa, mga baka, at mga pinatabang guya. Inimbita niya ang halos lahat ng kapatid niyang lalaki kay David at ang halos lahat ng pinuno ng Juda. 10 Pero hindi niya inimbita ang propetang si Natan, si Benaya, ang magigiting na bantay ng hari at si Solomon na kanyang kapatid.

11 Pumunta si Natan kay Batsheba na ina ni Solomon, at nagtanong, “Hindi mo ba alam na ang anak ni Hagit na si Adonia ay ginawang hari ang sarili at hindi ito alam ni Haring David? 12 Kung gusto mong maligtas ang buhay mo at ang buhay ng anak mong si Solomon, sundin mo ang payo ko. 13 Puntahan mo si Haring David at sabihin mo sa kanya, ‘Mahal na Hari, hindi po baʼt nangako kayo sa akin na ang anak nating[b] anak na si Solomon ang papalit sa inyo bilang hari? Bakit si Adonia po ang naging hari?’ 14 At habang nakikipag-usap ka sa hari, papasok ako at patutunayan ko ang iyong sinasabi.”

15 Kaya nagpunta si Batsheba sa kwarto ng hari. Matanda na talaga ang hari at si Abishag na taga-Shunem ang nag-aalaga sa kanya. 16 Yumukod si Batsheba at lumuhod sa hari bilang paggalang. Tinanong siya ng hari, “Ano ang kailangan mo?”

17 Sumagot si Batsheba, “Mahal na Hari, nangako po kayo sa akin sa pangalan ng Panginoon na inyong Dios, na ang anak nating si Solomon ang papalit sa inyo bilang hari. 18 Ngunit ipinalagay ni Adonia na siya na ang hari ngayon, at hindi mo ito alam. 19 Naghandog siya ng maraming torong baka, mga pinatabang guya at mga tupa. Inanyayahan niya ang lahat ng anak mong lalaki, maliban kay Solomon na iyong lingkod. Inanyayahan din niya ang paring si Abiatar at si Joab na kumander ng inyong mga sundalo. 20 Ngayon, Mahal na Hari, naghihintay po ang mga Israelita sa inyong pasya kung sino po ang papalit sa inyo bilang hari. 21 Kung hindi kayo magpapasya, ako at ang anak nating si Solomon ay ituturing nilang traydor kapag namatay kayo.”

22 Habang nakikipag-usap si Batsheba sa hari, dumating ang propetang si Natan. 23 Pumunta sa silid ng hari ang kanyang lingkod at sinabi na dumating si Natan at nais siyang makausap, kaya ipinatawag siya ng hari. Pagpasok ni Natan nagpatirapa siya sa hari bilang paggalang, 24 at sinabi, “Mahal na Hari, sinabi po ba ninyong si Adonia ang siyang papalit sa inyo bilang hari? 25 Ngayong araw na ito, naghandog siya ng maraming toro, pinatabang guya at mga tupa. At inimbita niya ang halos lahat ng inyong anak na lalaki, ang kumander ng iyong mga sundalo at ang paring si Abiatar. Ngayoʼy kumakain at nag-iinuman sila at nagsasabi, ‘Mabuhay si Haring Adonia!’ 26 Pero ako na inyong lingkod ay hindi niya inimbita, pati na rin ang paring si Zadok, si Benaya na anak ni Jehoyada at si Solomon na inyong lingkod. 27 Ito po ba ang pasya ninyo, Mahal na Hari, na hindi nʼyo na ipinaalam sa amin kung sino ang papalit sa inyo bilang hari?”

Hinirang ni David si Solomon Bilang Hari

28 Sinabi ni Haring David, “Sabihan mo si Batsheba na pumunta rito.” Kaya pumunta si Batsheba sa hari. 29 Pagkatapos, sumumpa si Haring David, “Sumusumpa ako sa buhay na Panginoon, na nagligtas sa akin sa lahat ng kapahamakan, 30 na tutuparin ko ngayon ang pangako ko sa iyo sa pangalan ng Panginoon, ang Dios ng Israel, na si Solomon na ating anak ang siyang papalit sa akin bilang hari.”

31 Yumukod agad si Batsheba bilang paggalang, at sinabi, “Mabuhay kayo magpakailanman,[c] Mahal na Haring David!” 32 Sinabi ni Haring David, “Papuntahin dito ang paring si Zadok, ang propetang si Natan at si Benaya na anak ni Jehoyada.” Kaya pumunta sila sa hari. 33 At sinabi ng hari sa kanila, “Pasakayin mo ang anak kong si Solomon sa aking mola[d] at dalhin ninyo siya sa Gihon kasama ang aking mga pinuno. 34 Pagdating ninyo doon, kayo Zadok at Natan, pahiran ninyo ng langis ang ulo ni Solomon para ipakita na siya ang pinili kong maging hari ng Israel. Pagkatapos, patunugin nʼyo ang trumpeta at isigaw, ‘Mabuhay si Haring Solomon!’ 35 Pagkatapos, samahan nʼyo siya pabalik dito, uupo siya sa aking trono at papalit sa akin bilang hari. Siya ang pinili ko na mamamahala sa buong Israel at Juda.”

36 Sumagot si Benaya na anak ni Jehoyada, “Gagawin po namin iyan! Mahal na Hari, nawaʼy ang Panginoon na inyong Dios ang magpatunay nito. 37 Kung paano kayo sinamahan ng Panginoon, samahan din sana niya si Solomon at gawin niyang mas matagumpay pa ang paghahari niya kaysa sa inyong paghahari.” 38 Kaya lumakad na ang paring si Zadok, ang propetang si Natan, si Benaya na anak ni Jehoyada, at ang mga personal na tagapagbantay ni David na mga Kereteo at Peleteo. Pinasakay nila si Solomon sa mola ni Haring David at dinala sa Gihon. 39 Pagdating nila roon, kinuha ni Zadok sa banal na tolda ang langis na nasa loob ng sisidlang sungay, at pinahiran niya si Solomon sa ulo. Pinatunog nila ang trumpeta at sumigaw silang lahat, “Mabuhay si Haring Solomon!” 40 Inihatid si Haring Solomon ng mga tao pauwi sa Jerusalem na nagkakasayahan at tumutugtog ng mga plauta. Nayanig ang lupa sa ingay nila.

41 Narinig ito ni Adonia at ng kanyang mga bisita nang malapit na silang matapos sa kanilang handaan. Nang marinig ni Joab ang tunog ng trumpeta, nagtanong siya, “Ano ba ang nangyayari, bakit masyadong maingay sa lungsod?” 42 Habang nagsasalita siya, dumating si Jonatan na anak ng paring si Abiatar. Sinabi ni Adonia, “Pumasok ka dahil mabuti kang tao, at tiyak kong may dala kang magandang balita.” 43 Sumagot si Jonatan, “Hindi ito magandang balita, dahil ginawang hari ni Haring David si Solomon. 44 Pinapunta niya ito sa Gihon kasama ang paring si Zadok, ang propetang si Natan, si Benaya na anak ni Jehoyada at ang kanyang mga personal na tagapagbantay na mga Kereteo at Peleteo. Pinasakay pa nila si Solomon sa mola ng hari. 45 Pagdating nila sa Gihon, pinahiran siya ng langis nina Zadok at Natan para ipakitang siya ang piniling hari. Kababalik lang nila, kaya nga nagkakasayahan ang mga tao sa lungsod. Iyan ang mga ingay na inyong naririnig. 46 At ngayon, si Solomon na ang nakaupo sa trono bilang hari. 47 Pumunta rin kay Haring David ang mga pinuno niya para parangalan siya. Sinabi nila, ‘Gawin sanang mas tanyag ng inyong Dios si Solomon kaysa sa inyo, at gawin sana niyang mas matagumpay pa ang paghahari niya kaysa sa inyo.’ Yumukod agad si David sa kanyang higaan para sumamba sa Panginoon, 48 at sinabi, ‘Purihin ang Panginoon, ang Dios ng Israel, niloob niya na makita ko sa araw na ito ang papalit sa akin bilang hari.’ ”

49 Nang marinig ito ng mga bisita ni Adonia, tumayo silang takot na takot, at isa-isang umalis. 50 Natakot din si Adonia kay Solomon, kaya pumunta siya sa tolda na sinasambahan at humawak sa parang mga sungay na bahagi ng altar.[e]

51 May nagsabi kay Solomon, “Natakot sa inyo si Adonia, at ngayoʼy nakahawak siya sa parang mga sungay na bahagi ng altar. Hinihiling niya na sumumpa kayong hindi nʼyo siya papatayin.” 52 Sinabi ni Solomon, “Kung mananatili siyang tapat sa akin, hindi siya mapapahamak.[f] Pero kung magtatraydor siya, mamamatay siya.” 53 Pagkatapos, ipinakuha ni Haring Solomon si Adonia roon sa altar, at pagdating ni Adonia, yumukod siya kay Haring Solomon bilang paggalang. Sinabi ni Solomon sa kanya, “Umuwi ka na.”

Galacia 5

Ang Ating Kalayaan kay Cristo

Pinalaya tayo ni Cristo sa ilalim ng Kautusan. Kaya manindigan kayo sa pananampalataya nʼyo at huwag na kayong magpaaliping muli. Tandaan nʼyo ang sinasabi ko: Ako mismong si Pablo ang nagsasabi sa inyo na kung magpapatuli kayo para maging katanggap-tanggap sa Dios, mawawalan ng kabuluhan ang ginawa ni Cristo para sa inyo. Inuulit ko na ang sinumang magpapatuli para maging katanggap-tanggap sa Dios ay obligadong sumunod sa buong Kautusan. Kayong mga nagsisikap na ituring na matuwid ng Dios sa pamamagitan ng Kautusan ay nahiwalay na kay Cristo. Nahiwalay na kayo sa biyaya ng Dios. Ngunit umaasa kami at nananalig na sa pamamagitan ng Banal na Espiritu at ng pananampalataya namin, ituturing kaming matuwid ng Dios. Sapagkat sa mga nakay Cristo, walang halaga ang pagiging tuli o hindi. Ang tanging mahalaga ay ang pananampalatayang nakikita sa pamamagitan ng pagmamahalan.

Mabuti noon ang mga ginagawa ninyo. Sino ang pumigil sa inyo sa pagsunod sa katotohanan? Hindi maaaring ang Dios ang pumigil sa inyo dahil siya ang tumawag sa inyo sa pananampalataya. Isipin nʼyo sana na ang maling aral ay parang pampaalsa na kahit kaunti ay nakakapagpaalsa sa buong masa ng harina. 10 Umaasa ako sa Panginoon na hindi kayo magpapadala sa ibang pananaw. Parurusahan ng Dios ang mga nanggugulo sa inyo maging sino man sila.

11 May mga nagsasabing itinuturo ko raw na kailangan ang pagtutuli para maging katanggap-tanggap sa Dios. Kung totoo iyan, mga kapatid, bakit inuusig pa rin ako hanggang ngayon? At kung iyan nga ang itinuturo ko, walang kabuluhan ang mensahe tungkol sa kamatayan ni Cristo sa krus, ang mensaheng hindi matanggap ng iba. 12 At sa mga nanggugulo naman sa inyo, hindi lang sana sila magpatuli kundi magpakapon na rin.

13 Mga kapatid, tinawag kayo upang maging malaya. Ngunit huwag ninyong gamitin ang kalayaan nʼyo para pagbigyan ang mga pagnanasa ng laman. Sa halip, magmahalan kayoʼt magtulungan. 14 Sapagkat ang buod ng buong Kautusan ay nasa isang utos: “Mahalin mo ang iyong kapwa gaya ng iyong sarili.”[a] 15 Ngunit kung patuloy kayong mag-aaway-away na parang mga hayop, baka tuluyan na ninyong masira ang buhay ng isaʼt isa.

Ang Pamumuhay sa Banal na Espiritu

16 Kaya mamuhay kayo nang ayon sa nais ng Banal na Espiritu para hindi ninyo mapagbigyan ang pagnanasa ng laman. 17 Sapagkat ang ninanasa ng laman ay laban sa nais ng Espiritu, at ang nais ng Espiritu ay laban sa ninanasa ng laman. Magkalaban ang dalawang ito, kaya hindi ninyo magawa ang gusto ninyong gawin. 18 Ngunit kung nagpasakop na kayo sa Banal na Espiritu, hindi na kayo sakop ng Kautusan.

19 Ang mga taong sumusunod sa ninanasa ng laman ay makikilala sa gawa nila: sekswal na imoralidad, kalaswaan, kahalayan, 20 pagsamba sa mga dios-diosan, pangkukulam, pagkapoot, pag-aaway-away, pagkasakim,[b] pagkagalit, pagkakawatak-watak, pagkakahati-hati, 21 pagkainggit, paglalasing, pagkahilig sa kalayawan, at iba pang kasamaan. Binabalaan ko kayo tulad ng ginawa ko na noon: Ang mga namumuhay nang ganito ay hindi mapapabilang sa kaharian ng Dios.

22 Ngunit ito ang bungang makikita sa taong namumuhay sa kapangyarihan ng Banal na Espiritu: pag-ibig, kagalakan, kapayapaan, pagtitiis, kabutihan, kagandahang-loob, katapatan, 23 kahinahunan, at pagpipigil sa sarili. Kung ganito ang pamumuhay natin hindi natin malalabag ang mga utos ng Dios. 24 Ipinako na ng mga nakay Cristo ang pagnanasa at masasamang hangarin ng kanilang laman doon sa krus. 25 At dahil nga namumuhay na tayo sa kapangyarihan ng Banal na Espiritu, magpatuloy tayo sa patnubay nito. 26 Huwag tayong maging mapagmataas, huwag nating galitin ang ating kapwa, at iwasan ang inggitan.

Ezekiel 32

Inihalintulad sa Buwaya ang Hari ng Egipto

32 Noong unang araw ng ika-12 buwan, nang ika-12 taon ng aming pagkabihag, sinabi sa akin ng Panginoon, “Anak ng tao, managhoy ka para sa Faraon, ang hari ng Egipto. Sabihin mo sa kanya, ‘Ang akala moʼy isa kang leon na parooʼt parito sa mga bansa. Pero ang totooʼy para kang isang buwayang lumalangoy sa sarili mong ilog. Kinakalawkaw ng mga paa mo ang tubig at lumalabo ito.’ Kaya ito ang sinasabi ng Panginoong Dios sa iyo: Huhulihin kita ng lambat ko at ipakakaladkad sa maraming tao. Pagkatapos ay itatapon kita sa lupa, at ipapakain sa mga ibon at mga hayop sa gubat. Ang laman mo ay ikakalat ko sa mga kabundukan at mga lambak. Didiligan ko ng dugo mo ang lupain, gayon din ang kabundukan at padadaluyin ko ito sa mga dinadaluyan ng tubig. Kapag napatay na kita nang tuluyan, tatakpan ko ang langit ng makapal na ulap, kaya mawawala ang liwanag ng mga bituin, ng araw at ng buwan. Padidilimin ko ang lahat ng nagliliwanag sa langit. Kaya didilim sa buong lupain mo. Ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito.

“Maguguluhan ang mga mamamayan ng mga bansang hindi mo kilala kapag winasak na kita. 10 Maraming tao ang matatakot sa gagawin ko sa iyo, pati ang mga hari nila ay manginginig sa takot. Manginginig ang bawat isa sa kanila kapag iwinasiwas ko sa harapan nila ang espada ko sa oras ng pagkawasak mo. 11 Ako, ang Panginoong Dios ay nagsasabing lulusubin ka sa pamamagitan ng espada ng hari ng Babilonia. 12 Ipapapatay ko ang mga mamamayan mo sa pamamagitan ng espada ng mga makapangyarihang tao na siyang pinakamalupit sa lahat ng bansa. Lilipulin nila ang lahat ng tao sa Egipto at ang mga bagay na ipinagmamalaki ng bansang ito. 13 Papatayin ko ang lahat ng hayop sa Egipto na nanginginain[a] sa tabi ng ilog. Kaya wala nang hayop o taong magpapalabo ng tubig nito. 14 Palilinawin ko ang tubig nito, at tuloy-tuloy itong aagos na parang langis. Ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito. 15 Kapag ginawa ko nang mapanglaw ang Egipto at nawasak ko na ang lahat, at kapag napatay ko na rin ang mga nakatira rito, malalaman nila na ako ang Panginoon.

16 “Ito ang panaghoy ng mga mamamayan ng mga bansa para sa Egipto at sa mga mamamayan nito. Ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito.”

17 Noong ika-12 taon, nang ika-15 araw ng buwan ding iyon, sinabi sa akin ng Panginoon, 18 “Anak ng tao, magluksa ka para sa mga mamamayan ng Egipto at sa iba pang makapangyarihang bansa. Dahil ihuhulog ko sila sa kailaliman ng lupa kasama ng mga namatay na. 19 Sabihin mo sa kanila, ‘Nakakahigit ba kayo kaysa sa iba? Kayo rin ay ihuhulog doon sa ilalim ng lupa kasama ng mga hindi naniniwala sa Dios[b] 20 na nangamatay sa digmaan.’ Mamamatay ang mga taga-Egipto dahil nakahanda na ang espada ng mga kaaway na papatay sa kanila. Ang Egipto at ang mga mamamayan niya ay kakaladkarin papunta sa kapahamakan. 21 Buong galak silang tatanggapin ng mga makapangyarihang pinuno ng Egipto at mga kakampi niyang bansa roon sa lugar ng mga patay. Sasabihin nila, ‘Bumaba rin sila rito! Kasama na nila ngayon ang mga hindi naniniwala sa Dios na namatay sa digmaan.’

22-23 “Naroon din ang hari ng Asiria na napapaligiran ng libingan ng mga sundalo niyang namatay sa digmaan. Ang mga libingan nila ay naroon sa pinakamalalim na bahagi ng kailaliman. Ang mga taong itoʼy naghasik ng takot sa mga tao noong nabubuhay pa sila.

24 “Naroon din ang hari ng Elam. Ang libingan naman niya ay napapaligiran ng libingan ng kanyang mga tauhan. Namatay silang lahat sa digmaan. Nagsibaba sila roon sa lugar ng mga patay kasama ng mga hindi naniniwala sa Dios. Noong nabubuhay pa sila, naghasik sila ng takot sa mga tao sa daigdig, pero ngayon, inilalagay sila sa kahihiyan kasama ng ibang mga namatay na. 25 May himlayan din doon ang hari ng Elam kasama ng mga namatay sa digmaan. Ang libingan niya ay napapalibutan ng libingan ng kanyang mga tauhan. Lahat sila ay hindi naniniwala sa Dios at silang lahat ay namatay din sa digmaan. Naghasik sila ng takot sa mga tao noong nabubuhay pa sila. Pero inilagay sila sa kahihiyan at nakahimlay kasama ng mga namatay sa digmaan.

26 “Naroon din ang hari ng Meshec at ng Tubal. Napapalibutan din ang libingan nila ng libingan ng kanilang mga tauhan. Silang lahat ay hindi naniniwala sa Dios, at namatay din sa digmaan. Kinatatakutan sila noong nabubuhay pa sila. 27 Hindi sila binigyan ng marangal na libing katulad ng mga tanyag na mandirigma na hindi naniniwala sa Dios, na noong inilibing ay nasa ulunan nila ang kanilang espada at ang kanilang pananggalang ay nasa kanilang dibdib. Pero noong nabubuhay pa sila kinatatakutan din sila ng mga tao.

28 “At ikaw, Faraon, ay mamamatay din at mahihimlay kasama ng mga hindi naniniwala sa Dios na namatay sa digmaan.

29 “Naroon din sa lugar ng mga patay[c] ang hari ng Edom at ang lahat ng pinuno niya. Makapangyarihan sila noon, pero ngayon, nakalibing na sila kasama ng mga hindi naniniwala sa Dios na namatay sa digmaan.

30 “Naroon din ang mga Sidoneo at ang lahat ng pinuno ng mga bansa sa hilaga. Kinatatakutan din sila ng mga tao noong nabubuhay pa sila dahil sa kapangyarihan nila, pero ngayon, inilagay sila sa kahihiyan at nakahimlay sa lugar ng mga patay kasama ng mga hindi naniniwala sa Dios na namatay sa digmaan. 31 Kapag nakita na ng Faraon ang mga namatay doon sa lugar ng mga patay, masisiyahan siya at ang mga sundalo niya dahil hindi lang sila ang namatay sa digmaan. 32 Kahit ipinahintulot kong katakutan sila ng mga tao noong nabubuhay pa sila, mamamatay sila kasama ng mga hindi naniniwala sa akin na namatay sa digmaan. Ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito.”

Salmo 80

Dalangin para Tulungan ng Dios ang Bansa

80 O Pastol ng Israel, pakinggan nʼyo kami.
    Kayo na nangunguna at pumapatnubay sa angkan ni Jose na parang mga tupa.
    Kayo na nakaupo sa inyong trono sa gitna ng mga kerubin,
    ipakita nʼyo ang inyong kapangyarihan,
sa lahi ni Efraim, ni Benjamin at ni Manase.
    Ipakita nʼyo po ang inyong kapangyarihan;
    puntahan nʼyo kami para iligtas.
O Dios, ibalik nʼyo kami sa mabuting kalagayan.
    Ipakita nʼyo sa amin ang inyong kabutihan upang kami ay maligtas.
Panginoong Dios na Makapangyarihan,
    hanggang kailan ang galit ninyo sa mga panalangin ng inyong mga mamamayan?
Pinuno nʼyo kami ng kalungkutan, at halos mainom na namin ang aming mga luha.
Pinabayaan nʼyong awayin kami ng mga kalapit naming bansa
    at pinagtatawanan kami ng aming mga kaaway.
O Dios na Makapangyarihan,
    ibalik nʼyo kami sa mabuting kalagayan.
    Ipakita nʼyo sa amin ang inyong kabutihan upang kami ay maligtas.
Katulad namin ay puno ng ubas,
    na kinuha nʼyo sa Egipto at itinanim sa lupaing pinalayas ang mga nakatira.
Nilinis nʼyo ang lupaing ito at ang puno ng ubas ay nag-ugat
    at lumaganap sa buong lupain.
10 Nalililiman ng mga sanga nito ang mga bundok at ang malalaking puno ng sedro.
11 Umabot ang kanyang mga sanga hanggang sa Dagat Mediteraneo at hanggang sa Ilog ng Eufrates.
12 Ngunit bakit nʼyo sinira, O Dios, ang bakod nito?
    Kaya ninanakaw ng mga dumadaan ang mga bunga nito.
13 At kinain din ito ng mga baboy-ramo at iba pang hayop sa gubat.
14 O Dios na Makapangyarihan, bumalik na kayo sa amin.
    Mula sa langit, kami ay inyong pagmasdan.
    Alalahanin nʼyo ang inyong mga mamamayan,
15 na tulad ng puno ng ubas na inyong itinanim sa pamamagitan ng inyong kapangyarihan.
    Alalahanin nʼyo kami na inyong mga anak na pinatatag nʼyo para sa inyong kapurihan.
16 O Dios, para kaming mga puno ng ubas na pinutol at sinunog.
    Tiningnan nʼyo kami nang may galit, at nilipol.
17 Ngunit ngayon, tulungan nʼyo kami na inyong mga hinirang na maging malapit sa inyo at palakasin kami para sa inyong kapurihan,
18 at hindi na kami tatalikod sa inyo.
    Ibalik sa amin ang mabuting kalagayan,
at sasambahin namin kayo.
19 O Panginoong Dios na Makapangyarihan,
    ibalik nʼyo sa amin ang mabuting kalagayan!
    Ipakita sa amin ang inyong kabutihan upang kami ay maligtas.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®