M’Cheyne Bible Reading Plan
Si David at si Ziba
16 Kalalampas pa lang nang kaunti ni David sa ibabaw ng bundok nang salubungin siya ni Ziba na katiwala ni Mefiboset. May dalawa itong asno na may kargang 200 tinapay, 100 kumpol ng ubas, 100 piraso ng hinog na prutas,[a] at katas ng ubas na nakalagay sa balat na sisidlan. 2 Tinanong ni David si Ziba, “Bakit nagdala ka ng mga iyan?” Sumagot si Ziba, “Ang mga asno po ay para sakyan ng sambahayan nʼyo, ang mga tinapay naman at prutas ay para kainin nʼyo at ng mga kasama ninyo, at ang katas ng ubas ay para naman inumin nʼyo kapag napagod kayo sa disyerto.” 3 Nagtanong si David, “Nasaan na si Mefiboset, ang apo ng amo mong si Saul?” Sumagot si Ziba, “Nagpaiwan po siya sa Jerusalem, dahil iniisip niyang gagawin siyang hari ngayon ng mga Israelita sa kaharian ng lolo niyang si Saul.” 4 Sinabi ni David, “Kung ganoon, ibinibigay ko na sa iyo ngayon ang lahat ng ari-arian ni Mefiboset.” Sinabi ni Ziba, “Mahal na Hari, handa po akong sumunod sa inyo. Malugod sana kayo sa akin.”
Sinumpa ni Shimei si David
5 Nang papalapit na si Haring David sa Bahurim, may taong lumabas sa bayang iyon at isinumpa si David. Ang taong ito ay si Shimei na anak ni Gera at kamag-anak ni Saul. 6 Binato niya si David at ang mga opisyal nito kahit na napapaligiran si David ng mga tauhan at mga personal niyang tagapagbantay. 7 Ito ang sinabi niya kay David: “Huwag kang papasok sa bayan namin, mamamatay-tao at masamang tao ka! 8 Ginagantihan ka ng Panginoon sa pagpatay mo kay Saul at sa sambahayan niya. Kinuha mo ang kanyang trono, pero ngayon, ibinigay ito ng Panginoon sa anak mong si Absalom. Bumagsak ka dahil mamamatay-tao ka!”
9 Sinabi ni Abishai na anak ni Zeruya sa hari, “Mahal na Hari, bakit nʼyo po pinapabayaang sumpain kayo ng taong iyan na tulad lang ng patay na aso? Payagan nʼyo po akong pugutan siya ng ulo.” 10 Pero sinabi ng hari, “Kayong mga anak ni Zeruya, wala kayong pakialam dito! Kung inutusan siya ng Panginoong sumpain ako, sino ako para pigilan siya?” 11 Sinabi ni David kay Abishai at sa lahat ng opisyal niya, “Kung ang anak ko nga ay binabalak akong patayin, paano pa kaya itong kamag-anak ni Saul?[b] Inutusan siya ng Panginoon kaya hayaan nʼyo na lang siya. 12 Baka makita ng Panginoon ang paghihirap ko, at gantihan niya ng kabutihan ang kasamaang nararanasan ko ngayon.” 13 Kaya nagpatuloy sa paglakad sina David at ang mga tauhan niya. Sinusundan din sila ni Shimei, pero sa gilid ng burol lang siya dumadaan. Habang naglalakad siya, isinusumpa niya si David at hinahagisan ng bato at lupa. 14 Napagod sina David at ang mga tauhan niya kaya nagpahinga sila pagdating nila sa Ilog ng Jordan.[c]
Nakipagkita si Hushai kay Absalom
15 Samantala, dumating sa Jerusalem sina Absalom, Ahitofel at ang iba pang mga Israelita. 16 Dumating din doon si Hushai na Arkeo, na kaibigan ni David. Pumunta siya kay Absalom at sinabi, “Mabuhay ang hari! Mabuhay ang hari!” 17 Tinanong ni Absalom si Hushai, “Nasaan na ang katapatan mo sa kaibigan mo na si David? Bakit hindi ka sumama sa kanya?” 18 Sumagot si Hushai, “Hindi! Sa inyo po ako sasama dahil kayo ang pinili ng Panginoon at ng buong mamamayan ng Israel na maging hari. 19 Bukod pa riyan, sino pa ba ang pagsisilbihan ko, kundi kayo na anak ni David. Naglingkod ako noon sa ama nʼyo, ngayon, kayo naman ang paglilingkuran ko.”
Ang Payo ni Ahitofel kay Absalom
20 Sinabi ni Absalom kay Ahitofel, “Ngayon, ano ang maipapayo mong gawin natin?” 21 Sumagot si Ahitofel, “Sipingan nʼyo ang mga asawang alipin ng inyong ama na kanyang iniwan para asikasuhin ang palasyo. At malalaman ng buong Israel na ginalit nʼyo nang labis ang inyong ama at lalakas pa lalo ang suporta ng mga tauhan nʼyo sa inyo.” 22 Kaya nagpatayo sila ng tolda sa bubungan ng palasyo para kay Absalom, at nakikita ng buong Israel na pumapasok siya roon para sumiping sa mga asawa ng kanyang ama.
23 Nang mga panahong iyon, sinusunod ni Absalom ang mga payo ni Ahitofel, gaya ng ginawa ni David. Dahil ipinapalagay nilang galing sa Dios ang bawat payong ibinibigay ni Ahitofel.
9 Hindi ko na kinakailangang sumulat pa sa inyo tungkol sa pagtulong sa mga pinabanal[a] ng Dios sa Judea, 2 dahil alam ko namang gustong-gusto ninyong tumulong. Ipinagmamalaki ko pa nga ito sa mga taga-Macedonia. Sinasabi ko sa kanila na mula pa noong nakaraang taon, kayong mga taga-Acaya ay handa ng magbigay ng tulong, at ito nga ang nagtulak sa karamihan sa kanila na magbigay din. 3 Kaya nga pinauna ko na riyan sina Tito, para matiyak na handa na kayo sa inyong tulong gaya ng ipinagmalaki ko sa mga taga-Macedonia. Sa ganoon, hindi nila masasabi na walang kwenta ang pagmamalaki namin tungkol sa inyo. 4 Sapagkat kung dumating ako riyan kasama ang ilang mga taga-Macedonia at makita nilang hindi pa pala kayo handa sa inyong ibibigay gaya ng sinabi ko sa kanila, mapapahiya ako at pati na rin kayo. 5 Kaya nga naisip kong paunahin ang mga kapatid na ito sa akin para habang hindi pa ako nakakarating ay malikom na ang inyong mga ipinangakong tulong. At sa ganitong paraan, makikita ng mga tao na kusang-loob ang inyong pagbibigay, at hindi dahil napilitan lamang.
6 Tandaan ninyo ito: Ang naghahasik ng kaunti ay umaani ng kaunti, at ang naghahasik ng marami ay umaani ng marami. 7 Ang bawat isa sa inyo ay magbigay nang ayon sa sariling kapasyahan, nang walang pag-aatubili, at hindi sapilitan, dahil mahal ng Dios ang mga nagbibigay nang may kagalakan. 8 At magagawa ng Dios na ibigay sa inyo ang higit pa sa inyong mga pangangailangan, para sa lahat ng panahon ay maging sapat kayo sa lahat ng bagay, at lagi ninyong matutulungan ang iba. 9 Gaya ng sinasabi sa Kasulatan,
“Namigay siya sa mga dukha;
kailanman ay hindi makakalimutan ang kanyang mabubuting gawa.”
10 Ang Dios na nagbibigay ng binhi sa magsasaka at tinapay na makakain, ang siya ring magbibigay ng inyong mga pangangailangan para lalo pa kayong makatulong sa iba. 11 Pasasaganain kayo ng Dios sa lahat ng bagay para lagi kayong makatulong sa iba. At marami ang magpapasalamat sa Dios dahil sa tulong na ipinapadala ninyo sa kanila sa pamamagitan namin.
12 Dahil sa inyong pagbibigay, hindi lamang ninyo tinutugunan ang pangangailangan ng mga mananampalataya[b] na nasa Judea, kundi magiging dahilan din ito para marami ang magpasalamat sa Dios. 13 Sapagkat pinatutunayan ninyo sa inyong pagtulong na sinusunod ninyo ang Magandang Balita tungkol kay Cristo na inyong pinaniniwalaan. At dahil sa pagtulong ninyo sa kanila at sa iba pa, papupurihan nila ang Dios. 14 Buong puso silang mananalangin para sa inyo dahil sa dakilang biyaya ng Dios na ipinamalas niya sa inyo. 15 Pasalamatan natin ang Dios sa kanyang kaloob na hindi natin kayang ipaliwanag.
Ang Magkapatid na Babaeng Masama
23 Sinabi sa akin ng Panginoon, 2 “Anak ng tao, noon ay may magkapatid na babae. 3 Nang mga bata pa sila, ibinenta nila ang kanilang dangal doon sa Egipto. Hinayaan nilang magpasasa ang mga lalaki sa kanilang katawan. 4 Si Ohola ang panganay at ang bunso naman ay si Oholiba. Naging asawa ko ang dalawang ito at nagkaroon kami ng mga anak. Si Ohola ay ang Samaria at si Oholiba naman ay ang Jerusalem.
5 “Kahit na asawa ko na si Ohola, patuloy pa rin siyang nagpapagamit sa iba at nahumaling siya sa mga mangingibig niyang sundalo ng Asiria. 6 Makikisig ang mga ito at nasa kasibulan ng kabataan. Matataas ang katungkulan ng mga ito, nakauniporme ng kulay asul at nakasakay sa kabayo. 7 Nagpagamit si Ohola sa lahat ng opisyal ng Asiria, at dinungisan niya ang kanyang sarili sa pamamagitan ng pagsamba sa kanilang mga dios-diosan. 8 Hindi niya itinigil ang mahahalay niyang gawain na sinimulan niya noong nasa Egipto pa siya. Bata pa lang siya, nakiapid na siya at ang mga lalaki ay nagpasasa sa katawan niya.
9 “Kaya, pinabayaan ko na siya sa mga mangingibig niyang taga-Asiria na kinahuhumalingan niya. 10 Hinubaran nila siya, kinuha ang mga anak niya at pinatay sa pamamagitan ng espada. Naging usap-usapan ng mga kababaihan itong nangyaring parusa sa kanya.
11 “Kahit nakita ni Oholiba ang nangyaring ito sa kapatid niya, nagpatuloy pa rin siya sa mahahalay niyang gawain at naging mas masama pa kaysa sa kanyang kapatid. 12 Nahumaling din siya sa mga taga-Asiria na makikisig at nasa kasibulan ng kanilang kabataan. Pinuno ng mga sundalo ang mga ito, nakauniporme at nakasakay sa kabayo. 13 Nakita kong katulad din siya ng kapatid niya. Dinungisan din niya ang kanyang sarili.
14-15 “Patuloy na nagbenta ng kanyang dangal si Oholiba. Nagkagusto siya sa mga opisyal ng Babilonia nang makita niya ang mga larawan ng mga ito sa mga pader. Nakapulang uniporme sila, may sinturon sa baywang at nakaturban. 16 Dahil nagustuhan niya sila, pinaimbitahan niya ang mga ito na bumisita sa kanya. 17 Kaya dumalaw ang mga ito at sumiping sa kanya. Sa pagsiping nila sa kanya, dinungisan nila siya. Pero kinalaunan, nagsawa rin siya at hindi na nagpagamit sa kanila.
18 “Kinasuklaman ko si Oholiba at itinakwil tulad ng kapatid niya dahil patuloy niyang ipinagbibili ang kanyang dangal. 19 Sa kabila nito, nagpatuloy pa rin siya sa pagbebenta ng kanyang dangal tulad ng ginawa niya roon sa Egipto noong kabataan niya. 20 Nahumaling siya sa mga kalaguyo niya, na ang ari ay kasinlaki ng sa asno at ang binhi ay kasindami ng sa kabayo. 21 Kaya pinanabikan mo Oholiba ang iyong mahalay na gawain na ginawa mo sa Egipto noong kabataan mo, nang ang mga lalaki roon ay nagpasasa sa katawan mo.
22 “Kaya, ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi sa iyo nito Oholiba, ipapasalakay kita sa mga kalaguyo mong itinakwil mo at pinagsawaan. 23 Sila ay ang mga taga-Babilonia at mga Caldeong mula sa Pekod, Shoa, Koa at ang mga taga-Asiria. Ang mga taga-Asiriang ito ay makikisig at batang-bata. Matataas ang katungkulan nila at nakasakay sa mga kabayo. 24 Lulusob sila sa iyo mula sa hilaga na may maraming sundalo, mga kabayo, at mga karwahe. May mga pananggalang sila at nakahelmet, kukubkubin ka nila. Ipauubaya ko sa kanila ang pagpaparusa sa iyo at parurusahan ka nila kung ano ang sa tingin nila ay nararapat sa iyo. 25 Sa tindi ng galit ko sa iyo, inatasan ko silang parusahan ka. At sa galit nilaʼy puputulin nila ang ilong mo at mga tainga. Bibihagin nila ang iyong mga anak, at ang matitira sa iyo ay papatayin nila sa pamamagitan ng espada o apoy. 26 Huhubaran ka rin nila at kukunin ang mga alahas mo. 27 Matitigil na ang kahalayan mo at pagpapagamit sa iba na sinimulan mo sa Egipto. Hindi mo na iyon maaalala at makakalimutan mo na ang Egipto. 28 Sapagkat ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabing ipauubaya kita sa mga taong kinamumuhian mo; ang mga taong itinakwil mo matapos mong pagsawaan. 29 Sa galit nila, parurusahan ka nila at sasamsamin ang lahat ng pinagpaguran mo. Iiwanan ka nilang hubad at makikita ng mga tao ang kahiya-hiya mong kalagayan dahil sa kahalayan mo at pagpapagamit sa iba. 30 Iyan ang nagdala sa iyo sa kapahamakan, dahil nakiapid ka sa mga taga-ibang bansa at dinungisan mo ang sarili mo sa pagsamba sa dios-diosan nila. 31 Tinularan mo ang ginawa ng kapatid mo, kaya parurusahan kita katulad ng pagpaparusa ko sa kanya.
32 “Oo, ako, ang Panginoong Dios, ay nagsasabing, parurusahan kita tulad ng pagpaparusa ko sa iyong kapatid. Ang parusa koʼy tulad ng inuming nakalagay sa isang malaki at malalim na tasa. At kapag nainom mo na ang laman ng tasang ito, kukutyain ka at pagtatawanan dahil puno ito ng galit ko. 33 Malalasing kaʼt malulungkot dahil ang tasang itoʼy puno ng kapahamakan. Ito ang tasa ng paghihirap na ininom ng kapatid mong Samaria. 34 Iinumin mong lahat ang laman nito at babasagin mo ang tasa. Dadagukan mo ang iyong dibdib sa labis na kalungkutan. Mangyayari ito, dahil ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito. 35 At dahil kinalimutan mo akoʼt itinakwil, ako, ang Panginoong Dios ay nagsasabing maghihirap ka dahil sa kahalayan mo at sa pagpapagamit mo ng iyong katawan.”
36 Muling sinabi sa akin ng Panginoon, “Anak ng tao, hatulan mo sina Ohola at Oholiba. Ipamukha mo sa kanila ang kasuklam-suklam nilang gawain. 37 Sapagkat nakiapid sila at pumatay. Nakikiapid sila sa pamamagitan ng pagsamba sa mga dios-diosan. At ang mga anak nila na itinalaga sa akin nang isilang ay siya mismong inialay nila sa mga dios-diosan bilang pagkain nito. 38-39 Ito pa ang ginawa nila sa akin: Nilapastangan nila ang Araw ng Pamamahinga at ang aking templo. Nilapastangan nila ang templo ko sa pamamagitan ng paghahandog ng mga anak nila sa kanilang mga dios-diosan. 40 Nagpasundo pa sila ng mga lalaki mula sa malalayong lugar. At nang dumating ang mga lalaki, naligo sila, nagpaganda at nagsuot ng mga alahas. 41 Pagkatapos, naupo sila sa magandang higaan na may mesa sa harapan. Naglagay sila sa mesa ng insenso at langis na ihahandog sana sa akin. 42 Maririnig ang ingay ng mga lasing at ng mga taong walang magawa sa buhay, na galing sa ilang. Sinuotan nila ang mga babae ng pulseras at pinutungan ng magandang korona. 43 Pagkatapos, sinabi ko sa sarili ko, ‘Sige, magpakasawa na sila sa babaeng iyon na tumanda na sa pakikiapid.’ 44 At iyon nga ang ginawa nila. Sumiping sila kay Ohola at Oholiba, ang mga babaeng marumi dahil sa kanilang kahalayan. 45 Ngunit parurusahan sila ng mga taong matuwid, parusang nararapat sa kanilang pakikiapid at pagpatay.
46 “Ako, ang Panginoong Dios, ay mag-uutos sa mga taong sasalakay sa kanila na takutin sila, sasamsamin ang kanilang mga ari-arian, 47 batuhin at patayin sa pamamagitan ng espada. Papatayin nila pati ang mga anak nila at susunugin pati ang kanilang mga bahay. 48 Sa ganitong paraan, mapapatigil ko ang kahalayan ng bansang ito. At magsisilbi itong babala sa iba na hindi nila dapat tularan ang ginawa ng dalawang babaeng ito. 49 At kayong magkapatid, pagdudusahan ninyo ang ginawa ninyong kahalayan, pati na ang pagsamba ninyo sa mga dios-diosan, at malalaman ninyo na ako, ang Panginoong Dios.”
Dalangin para Tulungan ng Dios
(Salmo 40:13-17)
70 Panginoong Dios,
iligtas nʼyo ako at kaagad na tulungan.
2 Mapahiya sana at malito ang mga nagnanais na mamatay ako.
Magsitakas sana na hiyang-hiya ang mga nagnanais na akoʼy mapahamak.
3 Mapaatras sana sa kahihiyan ang mga kumukutya sa akin.
4 Ngunit labis sanang magalak sa inyo ang mga lumalapit sa inyo.
Ang lahat sana ng nagnanais ng inyong pagliligtas ay laging magsabi, “Dakila ka, o Dios!”
5 Ngunit ako, akoʼy dukha at nangangailangan.
O Dios, agad nʼyo po akong lapitan!
Kayo ang tumutulong sa akin at aking Tagapagligtas.
Panginoon, agad nʼyo po akong tulungan.
Panalangin para sa Habang Buhay na Pagliligtas
71 Panginoon, sa inyo ako humihingi ng kalinga.
Huwag nʼyong pabayaang akoʼy mapahiya.
2 Tulungan nʼyo ako at iligtas sapagkat ikaw ay matuwid.
Dinggin nʼyo ako at iligtas.
3 Kayo ang aking maging batong kanlungan na lagi kong malalapitan.
Ipag-utos nʼyo na iligtas ako, dahil kayo ang aking matibay na batong pananggalang.
4 O Dios ko, iligtas nʼyo ako mula sa kamay ng masasama at malulupit na tao.
5 Kayo ang aking pag-asa, O Panginoong Dios.
Mula noong akoʼy bata pa, nagtiwala na ako sa inyo.
6 Mula nang akoʼy isilang, kasama na kita at akoʼy inyong iningatan.
Pupurihin ko kayo magpakailanman.
7 Naging halimbawa ang buhay ko para sa marami,
dahil kayo ang aking naging kalakasan at tagapag-ingat.
8 Maghapon ko kayong pinapupurihan dahil sa inyong kahanga-hangang kagandahan.
9 Huwag nʼyo akong iiwan kapag akoʼy matanda na.
Huwag nʼyo akong pababayaan kapag akoʼy mahina na.
10 Dahil nag-uusap-usap ang aking mga kaaway at nagpaplano na akoʼy patayin.
11 Sinasabi nilang, “Pinabayaan na siya ng Dios,
kaya habulin natin siya at dakpin dahil wala namang magliligtas sa kanya.”
12 O Dios ko, huwag nʼyo po akong layuan;
at agad akong tulungan.
13 Nawa silang nagpaparatang sa akin ay mapahiya at mapahamak.
Ang mga nagnanais na akoʼy saktan ang siya sanang kutyain at malagay sa kahihiyan.
14 Ngunit ako, O Dios ay palaging aasa at lalo pang magpupuri sa inyo.
15 Maghapon kong sasabihin
na matuwid kayo at nagliligtas,
kahit na hindi ko lubusang maunawaan.
16 Pupunta ako sa inyong templo Panginoong Dios
at pupurihin ko ang inyong mga kahanga-hangang ginawa.
Ihahayag ko sa mga tao na kayo ay makatarungan.
17 O Dios, mula pagkabataʼy itinuro nʼyo na sa akin ang tungkol sa inyong mga kahanga-hangang gawa at hanggang ngayon,
inihahayag ko ito sa mga tao.
18 At ngayong akoʼy matanda na at maputi na ang buhok,
huwag nʼyo akong pabayaan, O Dios.
Maihayag ko sana ang inyong lakas at kapangyarihan sa susunod na henerasyon,
at sa lahat ng mga darating sa hinaharap.
19 O Dios, ang inyong katuwiran ay hindi kayang maunawaan ng lubusan.
Kahanga-hanga ang inyong mga gawa.
Tunay ngang walang sinuman ang tulad ninyo.
20 Bagamaʼt pinaranas nʼyo ako ng maraming hirap, bibigyan nʼyo akong muli ng bagong buhay.
Katulad koʼy patay na muli nʼyong bubuhayin.
21 Bibigyan nʼyo ako ng mas higit na karangalan,
at muli akong aaliwin.
22 O Dios ko, dahil sa inyong katapatan pupurihin ko kayo sa pamamagitan ng pagtugtog ng alpa.
O Banal na Dios ng Israel,
aawit ako ng mga papuri sa inyo sa pamamagitan ng pagtugtog ng lira.
23 Dahil akoʼy iniligtas nʼyo, sisigaw ako sa tuwa habang tumutugtog
at umaawit ng papuri sa inyo.
24 Lagi kong ipapahayag na kayo ay matuwid dahil nabigo at nalagay sa kahihiyan ang mga nagnais na mapahamak ako.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®