Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

M’Cheyne Bible Reading Plan

The classic M'Cheyne plan--read the Old Testament, New Testament, and Psalms or Gospels every day.
Duration: 365 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
2 Samuel 21

Pinatay ang mga Angkan ni Saul

21 Noong panahon ng paghahari ni David, nagkaroon ng taggutom sa loob ng tatlong taon. Kaya nanalangin si David sa Panginoon. Sinabi ng Panginoon, “Dumating ang taggutom dahil pinatay ni Saul at ng pamilya niya ang mga Gibeonita.” Ang mga Gibeonita ay hindi mula sa lahi ng Israelita kundi sa natitirang buhay na mga Amoreo. Nangako ang mga Israelita na hindi nila sila papatayin pero tinangka silang lipulin ni Saul dahil sa matindi niyang pag-alala sa Israel at Juda.

Ipinatawag ni David ang mga Gibeonita, at tinanong, “Ano ang maaari kong gawin sa inyo para mabayaran ang kasalanang ginawa ni Saul sa inyo, at para pagpalain ninyo ang mamamayan ng Panginoon?” Sumagot ang mga Gibeonita, “Hindi po mababayaran ng pilak o ginto ang galit namin kay Saul at sa pamilya niya. At ayaw din naming pumatay ng sinumang Israelita bilang paghihiganti maliban na lang kung ipahintulot nʼyo ito.” Nagtanong si David, “Kung ganoon, ano ang gusto nʼyong gawin ko para sa inyo?” Sumagot sila, “Tinangka po kaming patayin ni Saul para walang matira sa amin sa Israel. Kaya ibigay nʼyo sa amin ang pitong lalaki na mula sa angkan niya, dahil papatayin namin sila at pababayaan ang kanilang bangkay sa lugar na malapit sa lugar kung saan sumasamba sa Panginoon doon sa Gibea, bayan ito ni Saul na haring pinili ng Panginoon.” Sinabi ng hari, “Sige, ibibigay ko sila sa inyo.” Hindi ibinigay ni David sa kanila si Mefiboset na anak ni Jonatan at apo ni Saul, dahil sa sumpaan nila ni Jonatan sa presensya ng Panginoon. Ang ibinigay ni David ay ang dalawang anak ni Saul na sina Armoni at Mefiboset. Ang ina nila ay si Rizpa na anak ni Aya. Ibinigay din ni David ang limang anak na lalaki ni Merab. Anak ni Saul si Merab at asawa ni Adriel na anak ni Barzilai na taga-Mehola. Ibinigay sila ni David sa mga Gibeonita, at pinagpapatay silang pito roon sa burol na malapit sa lugar kung saan sumasamba sa Panginoon. At pinabayaan lang nila roon ang mga bangkay. Nangyari ito noong nagsisimula pa lang ang anihan ng sebada.

10 Si Rizpa na anak ni Aya ay kumuha ng sako at inilatag ito sa isang malaking bato para gawin niyang higaan. Binantayan niya ang mga bangkay upang hindi kainin ng mga ibon kapag araw at para hindi kainin ng mababangis na hayop kapag gabi. Nanatili siya roon simula nang mag-umpisa ang anihan hanggang sa magtag-ulan.

11 Nang malaman ni David ang ginawa ni Rizpa na asawa ni Saul, 12 nagpunta siya sa mga naninirahan sa Jabes Gilead at hiningi ang mga buto ni Saul at ng anak nitong si Jonatan. (Nang mapatay sina Saul at Jonatan sa pakikipaglaban nila sa mga Filisteo sa Gilboa, ibinitin ng mga Filisteo ang mga bangkay nila sa plasa ng Bet Shan, at lihim na kinuha ng mga taga-Jabes Gilead ang mga bangkay nila.) 13 Dinala ni David ang mga buto nina Saul at Jonatan, pati na rin ang mga buto ng pitong pinagpapatay ng mga Gibeonita. 14 Ipinalibing niya ito sa mga tauhan niya sa pinaglibingan ng ama ni Saul na si Kish, sa bayan ng Zela sa Benjamin. Natupad ang lahat ng iniutos ni David. Pagkatapos nito, sinagot ng Panginoon ang mga panalangin nila na huminto ang taggutom sa kanilang bansa.

Ang Pakikidigma Laban sa mga Filisteo(A)

15 Dumating ang panahon na muling naglaban ang mga Filisteo at mga Israelita. At nang nakikipaglaban na si David at ang mga tauhan niya, napagod siya. 16 Si Ishbi Benob na Filisteo na mula sa angkan ng mga Rafa,[a] ay nagtangkang patayin si David. Tanso ang dulo ng sibat niya na tumitimbang ng mga apat na kilo, at may nakasukbit pa siyang bagong espada. 17 Pero dumating si Abishai na anak ni Zeruya para iligtas si David, at pinatay niya ang Filisteo. Pagkatapos nito, sinabi ng mga tauhan ni David sa kanya, “Hindi na po kami papayag na muli kayong sumama sa amin sa labanan. Tulad kayo ng ilaw sa Israel at ayaw naming mawala kayo.”

18 Nang sumunod na mga panahon, muling naglaban ang mga Filisteo at mga Israelita sa Gob. Sa labanang ito, pinatay ni Sibecai na taga-Husha si Saf, na isa sa mga angkan ng Rafa. 19 At sa isa pa nilang labanan sa Gob, pinatay ni Elhanan na anak ni Jaare Origem, na taga-Betlehem, si Goliat na taga-Gat. Ang sibat ni Goliat ay mabigat at makapal.[b]

20 Muli pang naglaban ang mga Filisteo at mga Israelita, nangyari ito sa Gat. Sa labanang ito, may isang tao na sobrang laki, may tig-aanim na daliri sa mga kamay at paa niya. Isa rin siya sa mga angkan ng mga Rafa. 21 Nang kutyain niya ang mga Israelita, pinatay siya ni Jonatan na anak ng kapatid ni David na si Shimea.

22 Ang apat na Filisteong ito ay mula sa angkan ng Rafa na taga-Gat. Pinatay sila ni David at ng mga tauhan niya.

Galacia 1

1-2 Mula kay Pablo na isang apostol, kasama ang lahat ng kapatid dito. Ang pagka-apostol ko ay hindi galing sa tao o sa pamamagitan ng tao, kundi sa pamamagitan ni Jesu-Cristo at ng Dios Ama na muling bumuhay sa kanya mula sa kamatayan.

Mahal kong mga kapatid sa mga iglesya[a] diyan sa Galacia:

Sumainyo nawa ang biyaya at kapayapaang galing sa Dios Ama at sa ating Panginoong Jesu-Cristo. Inialay ni Cristo ang sarili niya para sa mga kasalanan natin, ayon sa kalooban ng ating Dios at Ama. Ginawa niya ito para mailigtas tayo sa kasamaan nitong kasalukuyang mundo. Purihin natin ang Dios magpakailanman! Amen.

Iisa Lang ang Magandang Balita

Nagtaka ako dahil ang dali ninyong tumalikod sa Dios na tumawag sa inyo sa pamamagitan ng biyaya ni Cristo. Bumaling kayo sa ibang magandang balita na hindi naman totoo. Ang totoo, walang ibang magandang balita. Nasabi ko ito dahil may mga taong nanggugulo sa inyo, at gusto nilang baluktutin ang Magandang Balita tungkol kay Cristo. Sumpain nawa ng Dios ang sinuman – kami o maging isang anghel galing sa langit – na mangangaral sa inyo ng magandang balita na iba kaysa sa ipinangaral namin sa inyo. Sinabi na namin sa inyo noon at muli kong sasabihin: Kung may mangangaral sa inyo ng magandang balita na iba kaysa sa tinanggap ninyo, sumpain siya ng Dios! 10 Huwag ninyong isipin na ang nais ko ay malugod sa akin ang tao. Hindi! Ang nais ko ay malugod sa akin ang Dios. Kung ang ikalulugod ng tao ang hinahanap ko, hindi ako tunay na lingkod ni Cristo.

Paano Naging Apostol si Pablo

11 Gusto kong malaman ninyo, mga kapatid, na ang Magandang Balitang ipinangaral ko sa inyo ay hindi gawa-gawa lang ng tao. 12 At hindi ko rin ito tinanggap o natutunan mula sa mga tao, kundi ipinahayag mismo sa akin ni Jesu-Cristo.

13 Alam naman ninyo ang dati kong pamumuhay noong kasapi ako sa relihiyon ng mga Judio. Inusig ko nang lubos ang iglesya ng Dios at sinikap ko itong lipulin. 14 At tungkol naman sa pagsunod sa relihiyon ng mga Judio, nahigitan ko ang marami sa mga kaedad ko, dahil tapat kong sinunod ang mga tradisyong nanggaling pa sa mga ninuno namin.

15-16 Ngunit sa awa ng Dios, bago pa man ako ipanganak, pinili na niya ako at tinawag upang ihayag sa akin ang kanyang Anak para maipangaral siya sa mga hindi Judio. Nang mangyari ito, hindi ako sumangguni kaninuman. 17 Hindi rin ako pumunta sa Jerusalem para makipagkita sa mga naunang naging apostol kaysa sa akin. Sa halip, pumunta ako sa Arabia at pagkatapos ay bumalik ako sa Damascus. 18 Pagkatapos ng tatlong taon, pumunta ako sa Jerusalem para makipagkita kay Pedro. Dalawang linggo akong namalagi sa kanya. 19 Wala na akong nakita pang ibang apostol maliban kay Santiago na kapatid ng Panginoon.

20 Totoo ang lahat ng sinasabi ko sa sulat na ito, at alam ng Dios na hindi ako nagsisinungaling.

21 Pagkatapos, pumunta na ako sa Syria at Cilicia. 22 Nang panahong iyon, hindi pa ako personal na nakikita ng mga iglesya sa Judea na nakay Cristo. 23 Nabalitaan lang nila na ang dating umuusig sa kanila ay nangangaral na ngayon ng tungkol sa pananampalatayang sinikap niyang puksain noon. 24 Kaya pinapurihan nila ang Dios dahil sa ginawa niya sa akin.

Ezekiel 28

Ang Mensahe Laban sa Hari ng Tyre

28 Sinabi sa akin ng Panginoon, “Anak ng tao, sabihin mo sa pinuno ng Tyre na ako, ang Panginoong Dios ay nagsasabi: Sa pagmamataas moʼy sinasabi mo na isa kang dios na nakaupo sa trono sa gitna ng karagatan. Pero ang totoo, kahit na ang tingin mo sa iyong sarili ay marunong katulad ng isang dios, tao ka lang at hindi dios. Iniisip mong mas marunong ka pa kaysa kay Daniel at walang lihim na hindi mo nalalaman. Sa pamamagitan ng iyong karunungan at pang-unawa ay yumaman ka, at nakapag-imbak ng mga ginto at pilak sa iyong taguan. Dahil magaling ka sa pangangalakal, lalo pang nadagdagan ang kayamanan mo at dahil ditoʼy naging mapagmataas ka. Kaya ako, ang Panginoong Dios ay nagsasabing, dahil ang tingin mo sa sarili ay isa kang dios, ipapalusob kita sa mga dayuhan, sa pinakamalulupit na bansa. Wawasakin nila ang naggagandahang ari-ariang nakuha mo sa pamamagitan ng iyong karunungan. At mawawala ang karangalan mo. Masaklap ang magiging kamatayan mo, at ihahagis ka nila sa kailaliman ng karagatan. Masasabi mo pa kayang isa kang dios, sa harap ng mga papatay sa iyo? Para sa kanila, tao ka lang at hindi dios. 10 Kaya mamamatay ka ng tulad ng kamatayan ng mga taong hindi naniniwala sa akin,[a] sa kamay ng mga dayuhan. Ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito.”

11 May sinabi pa ang Panginoon sa akin, 12 “Anak ng tao, managhoy ka para sa hari ng Tyre. Sabihin mo sa kanya na ako, ang Panginoong Dios ay nagsasabi: Noon, larawan ka ng isang walang kapintasan, puspos ng kaalaman at kagandahan. 13 Nasa Eden ka pa noon, sa halamanan ng Dios. Napapalamutian ka ng sari-saring mamahaling bato gaya ng rubi, topaz, esmeralda, krisolito, onix, jasper, safiro, turkois at beril. Napapalamutian ka rin ng ginto na inihanda para sa iyo noong araw ng kapanganakan mo. 14 Hinirang kita bilang kerubin na magbabantay sa banal kong bundok. Lumalakad ka sa gitna ng nagniningning[b] na bato. 15 Walang maipipintas sa pamumuhay mo mula pa nang isinilang ka hanggang sa maisipan mong gumawa ng masama. 16 Ang pag-unlad mo sa pangangalakal ang naging dahilan ng pagmamalupit mo at pagkakasala. Kaya pinalayas kita sa aking banal na bundok; pinaalis kita mula sa nagniningning na mga bato. 17 Naging mayabang ka dahil sa kagandahan mo, at ang karunungan moʼy ginamit mo sa paggawa ng masama para maging sikat ka. Ito ang dahilan kung bakit ibinagsak kita sa lupa sa harap ng mga hari, upang magsilbing babala sa kanila. 18 Dahil sa napakarami mong kasalanan at pandaraya sa pangangalakal, dinungisan mo ang mga lugar kung saan ka sumasamba. Kaya sa harap ng mga nakatingin sa iyo, sinunog ko ang lugar mo at nasunog ka hanggang sa maging abo sa lupa. 19 At ang lahat ng mga nakakakilala sa iyo ay nagulat sa sinapit mo. Nakakatakot ang naging wakas mo, at lubusan ka nang mawawala.”

Ang Mensahe Laban sa Sidon

20 Sinabi sa akin ng Panginoon, 21 “Anak ng tao, humarap ka sa Sidon at sabihin mo ito laban sa kanya. 22 Sabihin mong ako, ang Panginoong Dios, ay nagsasabi: Sidon, kalaban kita. Pupurihin ako ng mga tao sa oras na parusahan kita, at malalaman nila na ako ang Panginoon. Sa ganitong paraan malalaman mo kung gaano ako kabanal. 23 Padadalhan kita ng mga salot at dadanak ang dugo sa mga lansangan mo. Kabi-kabila ang sasalakay sa iyo, maraming mamamatay sa mga mamamayan mo. At malalaman nila na ako ang Panginoon.

24 “At mawawala na ang mga kalapit-bansa ng Israel na nangungutya sa kanila, na parang mga tinik na sumusugat sa kanilang damdamin. At malalaman nilang ako ang Panginoong Dios.”

25 Sinabi pa ng Panginoong Dios, “Titipunin ko na ang mga mamamayan ng Israel mula sa mga bansang pinangalatan nila. Sa pamamagitan ng gagawin kong ito, maipapakita ko ang aking kabanalan sa mga bansa. Titira na sila sa sarili nilang lupain, ang lupaing ibinigay ko sa aking lingkod na si Jacob. 26 Ligtas silang maninirahan doon. Magtatayo sila ng mga bahay at magtatanim ng mga ubas. Wala nang manggugulo sa kanila kapag naparusahan ko na ang lahat ng kalapit nilang bansa na kumukutya sa kanila. At malalaman nila na ako ang Panginoon na kanilang Dios.”

Salmo 77

Kagalakan sa Panahon ng Kahirapan

77 Tumawag ako nang malakas sa Dios.
    Tumawag ako sa kanya upang akoʼy kanyang mapakinggan.
Sa panahon ng kahirapan, nananalangin ako sa Panginoon.
    Pagsapit ng gabi nananalangin akong nakataas ang aking mga kamay, at hindi ako napapagod,
    ngunit wala pa rin akong kaaliwan.
Kapag naaalala ko ang Dios,
    napapadaing ako at para bang nawawalan na ng pag-asa.
Hindi niya ako pinatutulog,
    hindi ko na alam ang aking sasabihin, dahil balisang-balisa ako.
Naaalala ko ang mga araw at taong lumipas.
Naaalala ko ang mga panahong umaawit ako[a] sa gabi.
    Nagbubulay-bulay ako at tinatanong ang aking sarili:
“Habang buhay na ba akong itatakwil ng Panginoon?
    Hindi na ba siya malulugod sa akin?
Nawala na ba talaga ang pag-ibig niya para sa akin?
    Ang kanyang pangako ba ay hindi na niya tutuparin?
Nakalimutan na ba niyang maging maawain?
    Dahil ba sa kanyang galit kaya nawala na ang kanyang habag?”
10 At sinabi ko, “Ang pinakamasakit para sa akin ay ang malamang hindi na tumutulong ang Kataas-taasang Dios.”
11 Panginoon, aalalahanin ko ang inyong mga gawa.
    Gugunitain ko ang mga himalang ginawa nʼyo noon.
12 Iisipin ko at pagbubulay-bulayan ang lahat ng inyong mga dakilang gawa.
13 O Dios, ibang-iba ang inyong mga pamamaraan.
    Wala nang ibang Dios na kasindakila ninyo.
14 Kayo ang Dios na gumagawa ng mga himala.
    Ipinapakita nʼyo sa mga tao ang inyong kapangyarihan.
15 Sa pamamagitan ng inyong kapangyarihan iniligtas nʼyo ang inyong mga mamamayan na mula sa lahi nina Jacob at Jose.
16 Ang mga tubig, O Dios ay naging parang mga taong natakot at nanginig nang makita kayo.
17 Mula sa mga ulap ay bumuhos ang ulan,
    kumulog sa langit at kumidlat kung saan-saan.
18 Narinig ang kulog mula sa napakalakas na hangin;
    ang mga kidlat ay nagbigay-liwanag sa mundo, at nayanig ang buong daigdig.
19 Tinawid nʼyo ang karagatang may malalaking alon,
    ngunit kahit mga bakas ng paa nʼyo ay hindi nakita.
20 Sa pamamagitan nina Moises at Aaron,
    pinatnubayan nʼyo ang inyong mga mamamayan na parang mga tupa.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®