M’Cheyne Bible Reading Plan
Pinatay si Ishboshet
4 Nang marinig ni Ishboshet na anak ni Saul, na pinatay si Abner sa Hebron, pinagharian siya ng matinding takot pati na ang lahat ng mamamayan ng Israel. 2 May dalawang tauhan si Ishboshet na namumuno sa pagsalakay sa mga lungsod ng mga kalaban: sina Baana at Recab. Mga anak sila ni Rimon na taga-Beerot, mula sa lahi ni Benjamin. Ang Beerot ay sakop ngayon ng Benjamin 3 dahil tumakas ang mga unang naninirahan dito papuntang Gittaim. Hanggang ngayon, naninirahan pa rin sila roon bilang mga dayuhan.
4 (Ang isa pang anak ni Saul na si Jonatan ay may anak na nalumpo, si Mefiboset. Limang taong gulang ito nang dumating ang balitang napatay sina Saul at Jonatan sa labanan sa Jezreel. Nang marinig ng tagapag-alaga ni Mefiboset ang balita, binuhat niya ito at tumakas. Pero dahil sa pagmamadali, nabitawan niya ang bata at nalumpo.)
5 Isang araw, nagpunta sa bahay ni Ishboshet sina Recab at Baana na mga anak ni Rimon na taga-Beerot. Tanghaling-tapat nang dumating sila habang nagpapahinga si Ishboshet. 6-7 Pumasok sila sa bahay na kunwariʼy kukuha ng trigo. Dumiretso sila sa kwarto ni Ishboshet kung saan nakahiga ito sa kama niya at pagkatapos, sinaksak nila ito sa tiyan. Pinutol nila ang ulo ni Ishboshet at dinala nila ito sa kanilang pagtakas. Buong gabi silang naglakbay sa Lambak ng Jordan.[a]
8 Pagdating nila sa Hebron, dinala nila kay David ang ulo ni Ishboshet at sinabi, “Narito po ang ulo ni Ishboshet ang anak ni Saul na kalaban nʼyo, na nagtangka sa inyong buhay. Sa araw na ito, ipinaghiganti kayo ng Panginoon laban kay Saul at sa angkan niya.” 9 Sumagot si David, “Sasabihin ko sa inyo ang totoo sa presensya ng Panginoon na buhay, na nagligtas sa akin sa lahat ng kapahamakan. 10 Noon ay may taong pumunta sa akin sa Ziklag at sinabing patay na si Saul, akala niyaʼy magandang balita ang dala niya sa akin. Sa halip, ipinadakip ko siya at ipinapatay. Iyon ang gantimpalang ibinigay ko sa balitang inihatid niya sa akin. 11 Ngayon, anong gantimpala ang ibibigay ko sa masasamang taong gaya nʼyo na pumatay ng isang inosenteng tao sa sarili nitong tahanan at sa sarili niyang higaan? Hindi baʼt nararapat na patayin ko kayo para mawala na kayo sa mundo?”
12 Kaya iniutos ni David sa mga tauhan niya na patayin sina Recab at Baana, at sinunod nila ito. Pinutol nila ang mga kamay at paa ng magkapatid, at ibinitin ang kanilang katawan malapit sa Imbakan ng Tubig ng Hebron. Pagkatapos, kinuha nila ang ulo ni Ishboshet, at inilibing sa libingan ni Abner sa Hebron.
Naging Hari si David ng Israel(A)
5 Ang lahat ng lahi ng Israel ay pumunta kay David sa Hebron at sinabi, “Kadugo nʼyo po kami. 2 Mula pa noong una, kahit si Saul pa ang hari namin, kayo na ang namumuno sa mga Israelita sa kanilang mga pakikipaglaban. At sinabi sa inyo ng Panginoon, ‘Ikaw ang gagabay sa mga mamamayan kong Israelita gaya ng paggabay ng isang pastol sa mga tupa niya. Ikaw ang magiging pinuno nila.’ ”
3 Kaya roon sa Hebron, gumawa ng kasunduan si David sa mga tagapamahala ng Israel sa presensya ng Panginoon. At pinahiran nila ng langis ang ulo ni David bilang pagkilala na siya na ang hari ng Israel. 4 Si David ay 30 taong gulang nang maging hari ng Israel, at naghari siya sa loob ng 40 taon. 5 Naghari siya sa Juda sa loob ng pitong taon at anim na buwan habang nakatira siya sa Hebron, at 33 taon ang paghahari niya sa buong Israel at Juda habang nakatira siya sa Jerusalem.
Sinakop ni David ang Jerusalem
6 Isang araw, pumunta si David at ang mga tauhan niya sa Jerusalem para salakayin ang mga Jebuseo na nakatira roon. Sinabi ng mga Jebuseo kay David, “Hindi kayo makakapasok dito sa Jerusalem! Kahit mga bulag at pilay ay kaya kayong pigilan para hindi kayo makapasok.” Sinabi nila ito dahil iniisip nilang hindi makakapasok sina David. 7 Pero nasakop ni David at ng mga tauhan niya ang matatag na kampo ng Zion, na tinatawag ngayong Lungsod ni David.
8 Nang hindi pa napapasok ni David ang Jerusalem, sinabi niya sa mga tauhan niya, “Doon kayo dumaan sa daanan ng tubig para makapasok kayo sa Jerusalem at talunin nʼyo ang mga ‘bulag at pilay’ na mga Jebuseo. Kinamumuhian ko sila!” Diyan nagsimula ang kasabihang “Hindi makakapasok ang mga bulag at pilay sa bahay ng Panginoon.”
9 Matapos sakupin ni David ang matatag na kampo ng Zion, doon na siya tumira at tinawag niya itong Lungsod ni David. Pinadagdagan niya ito ng pader sa palibot mula sa mababang bahagi ng lungsod. 10 Lalong nagiging makapangyarihan si David dahil tinutulungan siya ng Panginoong Dios na Makapangyarihan.
11 Nagsugo ng mga mensahero si Haring Hiram ng Tyre kay David kasama ng mga karpintero at kantero, at may dala silang mga trosong sedro para maipagpatayo ng palasyo si David. 12 At naunawaan ni David na ang Panginoon ang nagluklok sa kanya bilang hari ng Israel at nagpaunlad ng kaharian niya para sa mga mamamayang Israelita.
13 Nang lumipat siya mula sa Hebron papuntang Jerusalem, marami pa siyang naging asawa; ang iba sa kanilaʼy mga alipin niya, at nadagdagan pa ang mga anak niya. 14 Ito ang mga pangalan ng mga anak niyang lalaki na ipinanganak sa Jerusalem: Shamua, Shobab, Natan, Solomon, 15 Ibhar, Elishua, Nefeg, Jafia, 16 Elishama, Eliada at Elifelet.
Tinalo ni David ang mga Filisteo(B)
17 Nang mabalitaan ng mga Filisteo na si David ang piniling hari ng Israel, tinipon nila ang lahat ng sundalo nila para hulihin siya. Pero nabalitaan ito ni David, kaya pumunta siya sa isang matatag na kuta. 18 Dumating ang mga Filisteo at nagkampo sa Lambak ng Refaim. 19 Kaya nagtanong si David sa Panginoon, “Sasalakayin po ba namin ang mga Filisteo? Ipapatalo nʼyo po ba sila sa amin?” Sumagot ang Panginoon, “Oo, lumakad kayo, dahil siguradong ipapatalo ko sila sa inyo.” 20 Kaya nagpunta sina David sa Baal Perazim, at doon natalo nila ang mga Filisteo. Sinabi ni David, “Nilipol ng Panginoon ang mga kalaban ko na parang dinaanan ng rumaragasang baha sa harapan ko.” Kaya tinawag na Baal Perazim[b] ang lugar na iyon. 21 Iniwanan doon ng mga Filisteo ang mga dios-diosan nila, at dinala ito ni David at ng mga tauhan niya.
22 Bumalik ang mga Filisteo at muling nagkampo sa Lambak ng Refaim. 23 Kaya muling nagtanong si David sa Panginoon, at sumagot ang Panginoon, “Huwag nʼyo agad silang salakayin kundi palibutan muna, at saka nʼyo sila salakayin malapit sa puno ng balsamo. 24 Kapag narinig nʼyo na parang may nagmamartsang mga sundalo sa taas na bahagi ng puno ng balsamo, dali-dali kayong sumalakay dahil iyon ang tanda na pinangungunahan ko kayo sa pagsalakay sa mga Filisteo.” 25 Ginawa nga ni David ang iniutos ng Panginoon sa kanya, at pinagpapatay nila ang mga Filisteo mula sa Geba[c] hanggang sa Gezer.
Ang Muling Pagkabuhay ni Cristo
15 Mga kapatid, nais kong ipaalala sa inyo ang Magandang Balita na ipinangaral ko sa inyo. Ito ang aral na inyong tinanggap at hanggang ngayon ay pinaninindigan ninyo. 2 Sa pamamagitan nitoʼy maliligtas kayo kung panghahawakan ninyong mabuti ang ipinangaral ko, maliban na lamang kung hindi talaga tunay ang inyong pananampalataya.
3 Sapagkat ibinigay ko sa inyo ang pinakamahalagang aral na ibinigay sa akin: Na si Cristoʼy namatay upang iligtas tayo sa ating mga kasalanan, ayon sa Kasulatan. 4 Inilibing siya ngunit muling nabuhay sa ikatlong araw, ayon din sa Kasulatan. 5 Nagpakita siya kay Pedro, at sa iba pang 12 apostol. 6 Pagkatapos, nagpakita rin siya sa mahigit 500 na mga kapatid na nagkakatipon. Karamihan sa kanilaʼy buhay pa hanggang ngayon, ngunit ang ilan sa kanila ay patay na. 7 Nagpakita rin siya kay Santiago, at pagkatapos sa lahat ng apostol.
8 At sa kahuli-hulihan ay nagpakita rin siya sa akin. Ang katulad koʼy isang sanggol na ipinanganak nang wala sa panahon dahil biglaan ang aking pagkakilala sa kanya. 9 Ako ang pinakahamak sa mga apostol at hindi nga ako karapat-dapat tawaging apostol dahil inusig ko ang iglesya ng Dios. 10 Ngunit dahil sa awa ng Dios sa akin, naging apostol ako. At hindi nasayang ang biyayang ipinagkaloob niya sa akin, dahil higit akong nagpagal kung ihahambing sa ibang mga apostol, bagamaʼt itoʼy sa pamamagitan ng tulong ng Dios at hindi ng aking sarili lamang. 11 Kaya nga, walang pagkakaiba kung sila o ako ang nangangaral sa inyo. Ang mahalagaʼy iisa ang aming ipinangangaral at iyon din ang inyong pinananaligan.
Ang Muling Pagkabuhay ng mga Patay
12 Ngayon, kung ipinangangaral namin sa inyo na si Cristoʼy muling nabuhay, bakit sinasabi ng ilan sa inyo na walang muling pagkabuhay? 13 Kung totoong walang muling pagkabuhay, nangangahulugan na maging si Cristo ay hindi rin muling nabuhay. 14 At kung si Cristoʼy hindi muling nabuhay, walang kabuluhan ang aming pangangaral, at wala ring silbi ang inyong pananampalataya. 15 At hindi lang iyan, lalabas din na sinungaling kami tungkol sa Dios dahil ipinapahayag namin na binuhay niyang muli si Cristo. 16 Ngunit hindi siya muling nabuhay kung talagang walang muling pagkabuhay. 17 At kung si Cristoʼy hindi muling nabuhay, walang silbi ang inyong pananampalataya at hindi pa kayo napapatawad sa inyong mga kasalanan. 18 At nangangahulugan din na ang mga mananampalataya kay Cristo na namatay na ay hindi naligtas. 19 Kung ang pag-asa natin kay Cristo ay hanggang sa buhay na ito lamang, tayo ang pinakakawawa sa lahat ng tao.
20 Ngunit ang totoo, muling nabuhay si Cristo bilang katibayan na muling bubuhayin ang mga patay. 21 Dahil sa isang tao na si Adan, dumating ang kamatayan sa lahat ng tao. At dahil din sa isang tao na si Cristo, muling mabubuhay ang mga patay. 22 Sapagkat kung paanong tayong mga tao ay mamamatay dahil sa kaugnayan natin kay Adan, ganoon din naman, dahil sa ating kaugnayan kay Cristo, tayong lahat ay muling mabubuhay. 23 Ngunit may kanya-kanyang takdang panahon ang muling pagkabuhay. Unang nabuhay si Cristo; pagkatapos, ang mga nakay Cristo naman ang bubuhayin pagbalik niya rito sa mundo. 24 At pagkatapos nito, darating ang katapusan. Lulupigin niya ang lahat ng kaharian, pamahalaan at kapangyarihan, at ibibigay ang paghahari sa Dios Ama. 25 Sapagkat si Cristoʼy dapat maghari hanggang sa lubusan niyang malupig ang lahat ng kanyang mga kaaway. 26 At ang huling kaaway na kanyang lulupigin ay ang kamatayan. 27 Sinasabi sa Kasulatan na ang lahat ng bagay ay ipinasakop ng Dios kay Cristo.[a] Ngunit sa salitang “lahat ng bagay,” hindi nangangahulugan na kasama rito ang Dios na siyang nagpasakop ng lahat ng bagay sa ilalim ng kapangyarihan ni Cristo. 28 At kung ang lahat ay naipasakop na sa kapangyarihan ni Cristo, maging si Cristo ay magpapasakop sa Dios na siyang naglagay ng lahat ng bagay sa ilalim ng kanyang kapangyarihan, upang ang Dios ang siyang maghari sa lahat.
29 May mga taong nagpapabautismo para sa mga namatay. Ano ang halaga ng ginagawa nila kung hindi naman muling mabubuhay ang mga patay? 30 At bakit pa namin inilalagay ang aming mga sarili sa panganib oras-oras? 31 Araw-araw akong nasa bingit ng kamatayan, mga kapatid! At kung paanong totoo na ipinagmamalaki ko kayo sa ating pakikipag-isa kay Cristo Jesus na ating Panginoon, totoo rin ang sinasabi kong ito. 32 Nahihirapan ako dito sa Efeso, dahil ang mga kumakalaban sa akin ay tulad ng mababangis na hayop. Kung ang paghihirap kong itoʼy para lang sa kapakanan ng tao sa buhay na ito, ano ang kabuluhan nito? Kung totoong hindi na mabubuhay ang mga patay, mabuti pang sundin na lang natin ang kasabihang, “Kumain tayoʼt uminom, dahil baka bukas, mamamatay na tayo.”
33 Huwag kayong palilinlang sa kasabihang iyan. Sa halip, ito ang inyong paniwalaan: “Ang masasamang kasamaʼy nakakasira ng mabuting ugali.” 34 Magpakatino kayo at talikuran nʼyo na ang kasalanan. Sinasabi ko ito upang mahiya kayo sa inyong sarili, dahil may ilan sa inyo na mali ang pagkakakilala sa Dios.
Ang Katawan sa Muling Pagkabuhay
35 Maaaring may magtanong, “Paano bubuhaying muli ang mga patay? Anong uri ng katawan ang matatanggap nila?” 36 Ito ang sagot ko sa taong iyan na walang nalalaman: Ang inihahasik na binhi ay hindi mabubuhay hanggaʼt hindi ito namamatay. 37 At kahit anong binhi ang itanim mo, trigo man o ibang binhi, magiging iba ang anyo nito kapag tumubo na. 38 Ang Dios ang nagbibigay anyo sa binhing iyon, ayon sa kanyang kalooban. At ang bawat binhi ay may kanya-kanyang anyo kapag tumubo na.
39 Ganoon din sa katawan; hindi lahat ng katawan ay pare-pareho. Iba ang katawan ng tao, ng hayop, ng ibon at ng isda.
40 May mga katawang panlupa at may mga katawang panlangit, at ang bawat isaʼy may kanya-kanyang kagandahan. Iba ang kagandahan ng katawan dito sa lupa, at iba rin naman ang kagandahan ng katawan doon sa langit. 41 Iba ang ningning ng araw sa ningning ng buwan, at iba rin naman ang ningning ng mga bituin. At kahit ang mga bituin ay may ibaʼt ibang ningning.
42 Ganyan din sa muling pagkabuhay ng mga patay. Ang katawang inilibing ay mabubulok, ngunit kapag itoʼy muling binuhay, hindi na ito mabubulok kailanman. 43 Ang katawang inilibing ay pangit at mahina, ngunit kapag itoʼy muling binuhay, itoʼy maganda na at malakas. 44 Ang katawang inilibing ay panlupa, ngunit kapag itoʼy muling binuhay, itoʼy panlangit na. Sapagkat kung mayroong katawang panlupa ay mayroon din namang katawang panlangit. 45 Sinasabi sa Kasulatan, “Ang unang tao na si Adan ay binigyan ng buhay.” Ngunit ang huling Adan na si Cristo ay espiritung nagbibigay-buhay. 46 Hindi ang panlangit na katawan ang nauna kundi ang panlupa, at pagkatapos noon ay ang panlangit naman. 47 Ang unang tao na si Adan ay mula sa lupa, ngunit ang pangalawang tao na si Cristo ay mula sa langit. 48 Ang katawang panlupa ay katulad ng katawan ng tao na gawa sa lupa, at ang katawang panlangit ay katulad ng katawan ng nagmula sa langit. 49 Kaya kung paanong ang katawan natin ngayon ay katulad ng kay Adan na nagmula sa lupa, darating ang araw na ang katawan natin ay magiging katulad ng kay Cristo na nagmula sa langit.
50 Mga kapatid, ito ang gusto kong sabihin: Ang ating katawan na binubuo ng laman at dugo ay hindi magkakaroon ng bahagi sa paghahari ng Dios. Ang katawang ito na nabubulok ay hindi maaaring makatanggap ng buhay na walang hanggan.
51 Ngunit makinig kayo dahil may sasabihin ako sa inyo na isang lihim: Hindi lahat sa atin ay mamamatay, ngunit tayong lahat ay bibigyan ng bagong katawan 52 sa isang iglap, sa isang kisap-mata, kasabay ng pagtunog ng huling trumpeta. At sa pagtunog ng trumpetaʼy muling bubuhayin ang mga patay at bibigyan ng katawang hindi nabubulok. At tayong mga buhay pa ay bibigyan din ng bagong katawan. 53 Sapagkat itong katawan nating nabubulok at namamatay ay dapat mapalitan ng katawang hindi nabubulok at hindi namamatay. 54 At kapag ang katawang ito na nabubulok at namamatay ay napalitan na ng katawang hindi nabubulok at hindi namamatay, matutupad na ang sinasabi sa Kasulatan na,
“Nalupig na ang kamatayan; ganap na ang tagumpay!”
55 “Nasaan, O kamatayan, ang iyong tagumpay?
Nasaan na ang iyong kapangyarihan?”
56 May kapangyarihan lamang ang kamatayan sa atin dahil sa kasalanan, at may kapangyarihan ang kasalanan sa atin dahil mayroong Kautusan. 57 Ngunit salamat sa Dios dahil binigyan niya tayo ng tagumpay sa mga bagay na ito sa pamamagitan ng ating Panginoong Jesu-Cristo. 58 Kaya nga, mga minamahal na kapatid, magpakatatag kayo at huwag manghina sa inyong pananampalataya. Magpakasipag kayo sa gawaing ibinigay sa inyo ng Panginoon, dahil alam ninyo na hindi masasayang ang mga paghihirap ninyo para sa kanya.
Parurusahan ang mga Bulaang Propeta
13 Sinabi sa akin ng Panginoon, 2 “Anak ng tao, magsalita ka laban sa mga bulaang propeta ng Israel na nanghuhula mula sa sarili nilang isipan. Sabihin mo na pakinggan nila ang mensahe kong ito: 3 Ako, ang Panginoong Dios ay nagsasabing nakakaawa ang mga hangal na propetang nanghuhula mula sa sarili nilang isipan, at wala silang nakikitang mga pangitain. 4 O Israel, ang mga propeta moʼy katulad ng mga asong-gubat na nasa gibang lungsod. 5 Katulad nilaʼy mga walang pakialam sa wasak na mga pader ng Israel na hindi inayos para maging matibay dumating man ang digmaan, sa araw ng pagpaparusa ng Panginoon. 6 Hindi totoo ang mga pangitain nila at kasinungalingan ang mga hula nila. Sinasabi nilang mula sa Panginoon ang sinasabi nila pero ang totooʼy hindi ko sila sinugo at hinihintay nilang maganap ito. 7 Hindi totoo ang mga pangitain nila at kasinungalingan ang mga hula nila. Sinasabi nilang iyon ang ipinapasabi ko pero hindi iyon nanggaling sa akin.
8 “Kaya ako, ang Panginoong Dios ay nagsasabi na kakalabanin ko sila dahil kasinungalingan ang mga hula nila at hindi totoo ang kanilang mga pangitain. 9 Parurusahan ko ang mga propetang hindi totoo ang pangitain at kasinungalingan ang mga hula. Hindi ko sila ituturing na kabilang ng aking mga mamamayan at ang mga pangalan nilaʼy hindi isusulat sa talaan ng mga mamamayan ng Israel at hindi maaaring pumasok sa lupain ng Israel. At malalaman ninyong ako ang Panginoong Dios.
10 “Inililigaw ng mga propetang ito ang aking mga mamamayan sa pagsasabing maayos ang lahat, pero hindi naman. Parang tinatapalan lang ng apog at putik ang mahinang pader na itinatayo ng mga mamamayan. 11 Sabihin mo sa mga nagtapal na mawawasak ang pader na ito, dahil darating ang malakas na bagyo at uulan ng yelong kasing tigas ng bato na wawasak sa pader na ito. 12 At kapag nawasak na ito, magtatanong ang mga tao sa kanila, ‘Ano ang naitulong ng itinapal ninyo?’
13 “Kaya ako, ang Panginoong Dios, ay nagsasabi: Sa tindi ng galit ko, wawasakin ko ang pader sa pamamagitan ng malakas na bagyo, pag-ulan ng yelo na kasing tigas ng bato, at malakas na ulan. 14 Oo, wawasakin ko ang pader na tinapalan ninyo ng apog at putik. Wawasakin ko ito hanggang sa lumabas ang pundasyon nito. At kapag nawasak na ito, babagsakan kayo at mamamatay. At malalaman ninyo na ako ang Panginoon. 15 Ipadarama ko ang galit ko sa pader at sa mga nagtapal dito. At ipamamalita ko na wala na ang pader at ang mga nagtapal nito, 16 na walang iba kundi ang mga propeta ng Israel na humula na magiging maayos ang kalagayan ng Jerusalem, pero kasinungalingan naman. Ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito.
17 “Ngayon naman, anak ng tao, magsalita ka laban sa mga babaeng nanghuhula mula sa sarili nilang isipan. 18 Sabihin mo sa kanilang ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi: Nakakaawa kayo, kayong mga babaeng bumibiktima sa mga mamamayan ko, maging mga bata o matatanda sa pamamagitan ng mga anting-anting ninyo. Nilalagyan ninyo sila ng mga anting-anting na pulseras sa kanilang kamay at belo sa mga ulo. Binibiktima ninyo ang mga mamamayan ko para sa pansarili ninyong kapakinabangan. 19 Nilalapastangan ninyo ako sa harap ng mga mamamayan ko para lang sa kaunting sebada at ilang tinapay. Sa pamamagitan ng pagsisinungaling ay sinasabi ninyong mamamatay ang hindi dapat mamatay at hindi mamamatay ang dapat mamatay. At naniniwala naman ang mga mamamayan ko sa kasinungalingan ninyo.
20 “Kaya ako, ang Panginoong Dios, ay nagsasabing: Labis akong nagagalit sa mga anting-anting na ginagamit ninyo para biktimahin ang mga tao na parang mga ibong nahuli sa bitag. Hahablutin ko ang mga anting-anting ninyo sa kamay[a] at palalayain ko ang mga taong hinuli ninyo na parang ibon. 21 Pupunitin ko rin ang mga belo ninyo at ililigtas ko ang mga mamamayan mula sa mga kamay ninyo, hindi nʼyo na sila mabibiktimang muli. At malalaman ninyong ako ang Panginoon.
22 “Pinalungkot ninyo ang mga matuwid sa pamamagitan ng inyong kasinungalingan, na kahit ako ay hindi sila nabigyan ng kalungkutan. Pinalakas ninyo ang loob ng masasama na ipagpatuloy ang kasamaan nila sa pamamagitan ng mga pangakong maliligtas sila sa kamatayan.[b] 23 Kaya mawawala na ang mga hindi totoong pangitain at panghuhula ninyo. Ililigtas ko ang mga mamamayan ko mula sa inyong mga kamay. At malalaman ninyong ako ang Panginoon.”
Ang Paghatol at Habag ng Dios
52 Ikaw, taong mapagmataas,
bakit mo ipinagyayabang ang kasamaan mo?
Hindi baʼt ang Dios ay palaging mabuti sa iyo?
2 Sa pagbabalak mo ng masama laban sa iba,
kasintalim ng pang-ahit ang iyong dila,
at lagi kang nagsisinungaling.
3 Minamahal mo ang kasamaan kaysa sa kabutihan,
at mas nais mong magsinungaling kaysa magsabi ng katotohanan.
4 Taong sinungaling, ang gusto moʼy makapanakit ng iba sa pamamagitan ng iyong pananalita.
5 Ngunit dudurugin ka ng Dios nang tuluyan.
Dadakpin ka at kakaladkarin palabas ng bahay;
bubunutin ka mula rito sa mundo ng mga buhay.
6 Makikita ito ng mga matuwid at magtataka sila. Pagtatawanan ka nila at sasabihing,
7 “Tingnan ninyo ang taong hindi nanalig sa Dios bilang matibay nilang kanlungan.
Sa halip, nagtiwala lang sa kanyang masaganang kayamanan,
at patindi nang patindi ang kanyang kasamaan.”
8 Ngunit ako ay tulad ng punong olibo
na yumayabong sa loob ng inyong templo.
Nagtitiwala ako sa inyong pag-ibig magpakailanman.
9 Pasasalamatan ko kayo magpakailanman dahil sa mga ginawa ninyo.
At sa harapan ng mga matatapat sa inyo, ipapahayag ko ang kabutihan ninyo.
Ang Kasamaan ng Tao
(Salmo 14)
53 “Walang Dios!”
Iyan ang sinasabi ng mga hangal sa kanilang sarili.
Masasama sila at kasuklam-suklam ang kanilang mga gawa.
Ni isa ay walang gumagawa ng mabuti.
2 Mula sa langit, tinitingnan ng Dios ang lahat ng tao,
kung may nakakaunawa ng katotohanan at naghahanap sa kanya.
3 Ngunit ang lahat ay naligaw ng landas at pare-parehong nabulok ang pagkatao.
Wala kahit isa man ang gumagawa ng mabuti.
4 Kailan kaya matututo ang masasamang tao?
Sinasamantala nila ang aking mga kababayan para sa kanilang pansariling kapakanan.
At hindi sila nananalangin sa Dios.
5 Ngunit darating ang araw na manginginig sila sa takot,
sa takot na kahit kailan ay hindi pa nila nararanasan,
samantalang ikakalat naman ng Dios ang mga buto ng mga sumasalakay sa inyo.
Mailalagay sila sa kahihiyan,
dahil itinakwil sila ng Panginoon.
6 Dumating na sana ang Tagapagligtas ng Israel mula sa Zion!
Magsasaya ang mga Israelita, ang mga mamamayan ng Dios,
kapag naibalik na niya ang kanilang kasaganaan.
Ang Dios ang Sumasaklolo
54 O Dios, iligtas nʼyo ako sa pamamagitan ng inyong kapangyarihan at patunayan nʼyong wala akong kasalanan.
2 Dinggin nʼyo ang aking mga panalangin,
3 dahil sinasalakay ako ng mga dayuhan upang patayin. Malulupit sila at hindi kumikilala sa inyo.
4 Kayo, O Dios ang tumutulong sa akin.
Kayo, Panginoon ang aking maaasahan.
5 Ibalik nʼyo sana sa aking mga kaaway ang ginagawa nilang masama.
O Dios, sa inyong pagkamatapat, lipulin nʼyo sila.
6 Kusang-loob akong maghahandog sa inyo Panginoon.
Pupurihin ko ang pangalan nʼyo dahil napakabuti ninyo.
7 Iniligtas nʼyo ako sa lahat ng kahirapan,
at nakita kong natalo ang aking mga kaaway.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®