M’Cheyne Bible Reading Plan
17 Sinabi ni Ahitofel kay Absalom, “Payagan nʼyo po akong pumili[a] ng 12,000 tauhan para hanapin sina David ngayong gabi. 2 Sasalakayin namin sila habang pagod sila at nanghihina. Matataranta sila at magsisitakas ang mga tauhan niya. Si David lang po ang papatayin ko, 3 at pababalikin ko sa inyo ang lahat ng tauhan niya gaya ng pagbabalik ng asawa sa kabiyak nito.[b] Kapag napatay si David, hindi na makakalaban ang mga tauhan niya.” 4 Mukhang mabuti naman ang payo na ito para kay Absalom at sa lahat ng tagapamahala ng Israel.
5 Pero sinabi ni Absalom, “Tawagin natin si Hushai na Arkeo, at nang malaman natin kung ano ang masasabi niya.” 6 Kaya nang dumating si Hushai, sinabi sa kanya ni Absalom ang payo ni Ahitofel. Pagkatapos, nagtanong si Absalom, “Gagawin ba natin ang sinabi niya? Kung hindi, ano ang dapat nating gawin?” 7 Sumagot si Hushai, “Sa ngayon, hindi maganda ang ipinayo ni Ahitofel. 8 Kilala nʼyo ang ama nʼyo at ang mga tauhan niya; magigiting silang mandirigma at mababangis tulad ng oso na inagawan ng mga anak. Bukod pa riyan, bihasa ang ama nʼyo sa pakikipaglaban, at hindi siya natutulog na kasama ng mga tauhan niya. 9 Maaaring sa oras na ito, nagtatago siya sa kweba o kung saang lugar. Kung sa unang paglalaban nʼyo ay mapatay ang iba sa mga sundalo nʼyo, sasabihin ng makakarinig nito na natalo na ang mga sundalo ninyo. 10 Kahit ang pinakamagigiting nʼyong sundalo na kasintapang ng leon ay matatakot. Sapagkat nalalaman ng lahat ng Israelita na ang ama ninyoʼy bihasang mandirigma at matatapang ang tauhan niya. 11 Ang payo ko, tipunin nʼyo ang buong hukbo ng mga Israelita mula sa Dan hanggang Beersheba,[c] na kasindami ng buhangin sa tabing dagat. At kayo mismo ang mamuno sa kanila sa pakikipaglaban. 12 Hahanapin natin si David saanman siya naroon. Susugod tayo sa kanya na gaya ng pagpatak ng hamog sa lupa at walang makakaligtas isa man sa kanila. 13 Kung tatakas siya sa isang bayan doon, ang buong Israel ay nandoon naghihintay sa iyong iuutos. Pagkatapos, maaari naming talian ang pader nito at hilahin papunta sa kapatagan hanggang sa magiba ito, at hanggang sa wala ng batong matitira roon.” 14 Sinabi ni Absalom at ng lahat ng namumuno sa Israel, “Mas mabuti ang payo ni Hushai na Arkeo kaysa kay Ahitofel.” Ang totoo, mas mabuti ang payo ni Ahitofel, pero niloob ng Panginoon na hindi ito sundin ni Absalom para ibagsak siya.
15 Sinabi ni Hushai sa mga paring sina Zadok at Abiatar ang payo ni Ahitofel kay Absalom at sa mga tagapamahala ng Israel, at pati na rin ang ibinigay niyang payo. 16 Pagkatapos, sinabi niya sa kanila, “Ipaalam nʼyo agad kay David na huwag siyang magpaiwan sa tawiran ng Ilog ng Jordan sa disyerto ngayong gabi, tumawid sila agad sa ilog para hindi sila mamatay.”
17 Nang mga panahong iyon, naghihintay sina Jonatan na anak ni Abiatar at Ahimaaz na anak ni Zadok sa En Rogel, dahil ayaw nilang makitang labas-masok sila ng Jerusalem. Pinapapunta na lang nila ang isang aliping babae para sabihin sa kanila ang nangyayari, at saka nila ito sasabihin kay David. 18 Pero isang araw, nakita sila ng isang binatilyo, kaya sinabi niya ito kay Absalom. Kaya nagmamadaling umalis ang dalawa, at pumunta sa bahay ng isang lalaki sa Bahurim. Mayroong balon ang lalaking ito na malapit sa bahay niya, at doon, bumaba sina Jonatan at Ahimaaz para magtago. 19 Kumuha ng takip ang asawa ng lalaki, tinakpan ang balon, at nagbilad siya ng butil sa ibabaw nito para walang maghinalang may nagtatago roon. 20 Nang makarating ang mga tauhan ni Absalom sa bahay ng lalaki, tinanong nila ang asawa nito, “Nakita nʼyo ba sina Ahimaaz at Jonatan?” Sumagot ang asawa, “Tumawid sila sa ilog.” Hinanap sila ng mga tauhan pero hindi sila nakita, kaya bumalik sila sa Jerusalem.
21 Nang makaalis ang mga tauhan ni Absalom, lumabas sina Jonatan at Ahimaaz sa balon, at pumunta sila kay David. Sinabi nila sa kanya “Tumawid po kayo agad sa ilog dahil nagpayo si Ahitofel na patayin kayo.” 22 Kaya tumawid si David at ang mga tauhan niya sa Ilog ng Jordan, at kinaumagahan, nakatawid na sila sa kabila.
23 Nang malaman ni Ahitofel na hindi sinunod ang payo niya, sumakay siya sa asno niya at umuwi sa bayan niya. Pagkatapos niyang magbigay ng mga habilin sa sambahayan niya, nagbigti siya. Inilibing siya sa pinaglibingan ng kanyang ama. 24 Nakarating na si David at ang mga tauhan niya sa Mahanaim. Nakatawid na noon si Absalom at ang mga tauhan nito sa Ilog ng Jordan. 25 Pinili ni Absalom si Amasa na kapalit ni Joab bilang kumander ng mga sundalo. Si Amasa ay anak ni Jeter na Ishmaelita.[d] Ang ina niya ay si Abigail na anak ni Nahash at kapatid ng ina ni Joab na si Zeruya. 26 Nagkampo si Absalom at ang mga Israelita sa Gilead.
27 Nang dumating sina David sa Mahanaim, binati sila nina Shobi na anak ni Nahash na Ammonitang taga-Rabba, Makir na anak ni Amiel na taga-Lo Debar, at Barzilai na Gileaditang taga-Rogelim. 28 May dala silang mga higaan, mangkok, palayok, trigo, sebada, harina, binusang butil, buto ng mga gulay, 29 pulot, mantika, keso at tupa. Ibinigay nila ito kay David at sa mga tauhan niya, dahil alam nilang gutom, pagod, at uhaw na ang mga ito sa paglalakbay nila sa ilang.
Ang Sagot ni Pablo sa mga Kumakalaban sa Kanya
10 1-2 Mayroong mga nagsasabi sa inyo na akong si Pablo ay matapang lamang sa sulat pero maamo kapag harap-harapan. Nakikiusap ako sa inyo nang may kababaang-loob tulad ni Cristo, na huwag sana ninyo akong piliting magpakita ng tapang pagdating ko riyan. Sapagkat handa kong harapin ang nagsasabi sa inyo na makamundo raw ang pamumuhay namin. 3 Kahit na namumuhay kami rito sa mundo, hindi kami nakikipaglaban sa mga kumokontra sa katotohanan nang ayon sa pamamaraan ng mundo. 4-5 Sa halip, ang kapangyarihan ng Dios ang aming armas. Iyon ang aming ginagamit na panlaban sa mga maling pangangatwiran ng mga taong mapagmataas at ayaw maniwala sa mga turo ng Dios. Sinisira namin ang kanilang maling pangangatwiran na tulad ng matibay na pader na humahadlang sa kanila na makilala ang Dios. Kinukumbinsi namin silang sundin ang mga utos ni Cristo. 6 At kung matiyak naming lubos na kayong masunurin, handa na kaming parusahan ang lahat ng suwail.
7 Ang problema sa inyo ay tumitingin lamang kayo sa panlabas na anyo. Isipin nga ninyong mabuti! Kung may nagtitiwalang siyaʼy kay Cristo, dapat niyang isipin na kami man ay kay Cristo rin. 8 Kahit sabihing labis na ang pagmamalaki ko sa kapangyarihang ibinigay ng Panginoon sa akin, hindi ako nahihiya. Sapagkat ang kapangyarihang ito ay ginagamit ko sa pagpapalago sa inyong pananampalataya at hindi sa pagsira nito. 9 Ayaw kong isipin ninyo na tinatakot ko kayo sa aking mga sulat. 10 Sapagkat may mga nagsasabi riyan na matapang ako sa aking mga sulat, pero kapag harapan na ay mahina at nagsasalita ng walang kabuluhan. 11 Dapat malaman ng mga taong iyan na kung ano ang sinasabi namin sa aming sulat, ito rin ang gagawin namin kapag dumating na kami riyan.
12 Hindi namin ibinibilang o ikinukumpara ang aming sarili sa mga iba na mataas ang tingin sa sarili. Mga hangal sila, dahil sinusukat nila at kinukumpara ang kani-kanilang sarili. 13 Pero kami ay hindi nagmamalaki sa mga gawaing hindi na namin sakop, kundi sa mga gawain lamang na ibinigay sa amin ng Dios, at kasama na rito ang gawain namin sa inyo. 14 Kung hindi kami nakarating diyan, pwede nilang sabihin na labis ang aming pagmamalaki. Pero ang totoo, kami ang unang dumating sa inyo at nangaral ng Magandang Balita tungkol kay Cristo. 15 Kaya hindi labis ang aming pagmamalaki dahil hindi namin inaangkin at ipinagmamalaki ang pinaghirapan ng iba. Sa halip, umaasa kami na sa paglago ninyo sa pananampalataya ay lalawak pa ang gawain namin sa inyo, ayon sa ipinapagawa sa amin ng Dios. 16 Pagkatapos, maipangangaral naman namin ang Magandang Balita sa iba pang mga lugar na malayo sa inyo. Sapagkat ayaw naming angkinin at ipagmalaki ang pinaghirapan ng iba. 17 Gaya ng sinasabi sa Kasulatan, “Kung mayroong nais magmalaki, ipagmalaki na lang niya kung ano ang ginawa ng Panginoon.” 18 Sapagkat nalulugod ang Panginoon sa taong kanyang pinupuri at hindi sa taong pumupuri sa sarili.
Ang Kalderong Kinakalawang
24 Noong ikasampung araw ng ikasampung buwan, nang ikasiyam na taon ng aming pagkabihag, sinabi sa akin ng Panginoon, 2 “Anak ng tao, isulat mo ang petsa ng araw na ito dahil ngayon magsisimula ang paglusob ng hari ng Babilonia sa Jerusalem. 3 Pagkatapos, sabihin mo ang talinghagang ito sa mga rebeldeng mamamayan ng Israel at ipaalam sa kanila na ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito:
“Maglagay ka ng tubig sa kaldero, 4 lagyan mo ng magandang klase ng karne na mula sa parteng balikat at hita kasama ang mga buto nito. 5 Ang pinakamagandang karne lang ng tupa ang gamitin mo. Pagkatapos, pakuluan mo itong mabuti kasama ang mga buto. 6 Sapagkat ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi: Nakakaawa ang lungsod ng Jerusalem na ang mga mamamayan ay mamamatay-tao. Ang lungsod na itoʼy tulad ng kalderong kinakalawang at hindi nililinis. Kaya isa-isa mong kunin ang laman nito. Huwag kang mamimili. 7 Sapagkat ang pagpatay niya ay alam ng lahat. Ang dugo ng mga taong pinatay niya ay hinayaan niyang dumanak sa ibabaw ng mga bato at itoʼy nakikita ng lahat. Hindi niya ito tinabunan ng lupa. 8 Nakita ko iyon at hinayaan kong makita iyon ng lahat. Ang mga dugong iyon ay parang sumisigaw sa akin na ipaghiganti ko sila.
9 “Kaya ako, ang Panginoong Dios ay nagsasabi: ‘Nakakaawa ang lungsod ng Jerusalem na ang mga mamamayan ay mamamatay-tao. Mag-iipon ako ng mga panggatong para sunugin sila. 10 Sige, dagdagan pa ninyo ang panggatong at sindihan. Pakuluan ninyo ang karne hanggang sa matuyo[a] ang sabaw at masunog pati ang mga buto. 11 Pagkatapos, ipatong ninyo ang kalderong wala nang laman sa mga baga hanggang sa magbaga rin ito. At sa ganitong paraan, lilinis ang kaldero at masusunog pati ang mga kalawang. 12 Pero kahit ganito ang gawin mo, hindi pa rin maaalis ng apoy ang kalawang.’
13 “O Jerusalem, ang kahalayan mo ang dumungis sa iyo. Pinagsikapan kong linisin ka, ngunit ayaw mong magpalinis. Kaya mananatili kang marumi hanggaʼt hindi ko naibubuhos ang matinding galit ko sa iyo. 14 Ako, ang Panginoon, ay nagsasabing, dumating na ang panahon ng aking pagpaparusa at walang makapipigil sa akin. Hindi na kita kahahabagan at hindi na magbabago ang isip ko. Hahatulan kita ayon sa iyong pamumuhay at mga ginawa. Ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito.”
Ang Pagpatay sa Asawa ni Ezekiel
15 Sinabi sa akin ng Panginoon, 16 “Anak ng tao, kukunin kong bigla ang babaeng pinakamamahal mo. Ngunit huwag mo siyang ipagluluksa o iiyakan man. 17 Maaari kang magbuntong-hininga pero huwag mong ipapakita ang kalungkutan mo. Huwag mong alisin ang turban mo at sandalyas. Huwag mong tatakpan ang mukha mo para ipakitang nagluluksa ka. Huwag ka ring kumain ng pagkaing ibinibigay para sa namatayan.”
18 Kinaumagahan, sinabi ko ito sa mga tao, at kinagabihan din ay namatay ang asawa ko. Nang sumunod na umaga, sinunod ko ang iniutos sa akin ng Panginoon. 19 Tinanong ako ng mga tao, “Ano ang gusto mong sabihin sa ginagawa mong iyan?” 20-21 Sinabi ko sa kanila, “Sinabi sa akin ng Panginoong Dios na sabihin ko ito sa mga mamamayan ng Israel: Nakahanda na akong dungisan ang aking templo na siyang sagisag ng ipinagmamalaki ninyong kapangyarihan, ang inyong kaligayahan at pinakamamahal. Mamamatay sa digmaan ang mga anak ninyong naiwan sa Jerusalem. 22 At gagawin ninyo ang ginawa ni Ezekiel. Hindi ninyo tatakpan ang inyong mukha at hindi kayo kakain ng pagkaing ibinibigay sa namatayan. 23 Hindi nʼyo rin aalisin ang mga turban ninyo at sandalyas. Hindi kayo magluluksa o iiyak man. Manghihina kayo dahil sa mga kasalanan ninyo at magsisidaing sa isaʼt isa. 24 Magiging halimbawa sa inyo si Ezekiel. Ang mga ginawa niya ay gagawin nʼyo rin. At kapag nangyari na ito, malalaman ninyo na ako ang Panginoong Dios.”
25 Sinabi pa ng Panginoon, “Anak ng tao, sa oras na gibain ko na ang templo na siyang kanilang kanlungan, ipinagmamalaki, kaligayahan at pinakamamahal, at kapag pinatay ko na ang kanilang mga anak, 26 may makakatakas mula sa Jerusalem na siyang magbabalita sa iyo ng mga pangyayari. 27 Sa araw na iyon, muli kang makakapagsalita at makakapag-usap kayong dalawa. Magiging babala ka sa mga tao, at malalaman nilang ako ang Panginoon.”
Panalangin para sa Hari
72 O Dios, ituro nʼyo po sa hari ang iyong pamamaraan sa paghatol at katuwiran,
2 para makatarungan siyang makapaghatol sa inyong mga mamamayan, pati na sa mga dukha.
3 Sumagana sana ang mga kabundukan upang mapagpala ang inyong mga mamamayan dahil matuwid ang hari.
4 Tulungan nʼyo siyang maipagtanggol ang mga dukha
at durugin ang mga umaapi sa kanila.
5 Manatili sana siya[a] magpakailanman,
habang may araw at buwan.
6 Maging tulad sana siya ng ulan na dumidilig sa lupa.
7 Umunlad sana ang buhay ng mga matuwid sa panahon ng kanyang pamumuno,
at maging maayos ang kalagayan ng tao hanggang sa wakas ng panahon.
8 Lumawak sana nang lumawak ang kanyang kaharian,[b]
mula sa ilog ng Eufrates hanggang sa pinakadulo ng mundo.[c]
9 Magpasakop sana sa kanya ang mga kaaway niyang nakatira sa ilang.
10 Magbigay sana ng mga kaloob sa kanya ang mga hari ng Tarshish,
ng malalayong isla, ng Sheba at Seba.
11 Magpasakop sana ang lahat ng hari sa kanya
at ang lahat ng bansa ay maglingkod sa kanya.
12 Dahil tinutulungan niya ang mga napabayaang dukha
na humingi ng tulong sa kanya.
13 Kahahabagan niya ang mga dukha at nangangailangan at silaʼy kanyang tutulungan.
14 Ililigtas niya sila sa mga malulupit at mapang-api dahil para sa kanya, ang buhay nilaʼy mahalaga.
15 Mabuhay sana ang hari nang matagal.
Sanaʼy mabigyan siya ng ginto mula sa Sheba.
Sanaʼy idalangin palagi ng mga tao na pagpalain siya ng Dios.
16 Sumagana sana ang ani sa lupain kahit na sa tuktok ng bundok, katulad ng mga ani sa Lebanon.
At dumami rin sana ang mga tao sa mga lungsod,
kasindami ng damo sa mga parang.
17 Huwag sanang malimutan ang pangalan ng hari magpakailanman, habang sumisikat pa ang araw.
Sa pamamagitan sana niya ay pagpalain ng Dios ang lahat ng bansa,
at sabihin sana ng mga ito na siyaʼy pinagpala ng Dios.
18 Purihin ang Panginoong Dios, ang Dios ng Israel,
na siyang tanging nakagagawa ng mga bagay na kamangha-mangha.
19 Purihin ang kanyang dakilang pangalan magpakailanman!
Mahayag sana sa buong mundo ang kanyang kaluwalhatian.
Amen! Amen!
20 Dito nagwawakas ang mga panalangin ni David na anak ni Jesse.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®