Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

M’Cheyne Bible Reading Plan

The classic M'Cheyne plan--read the Old Testament, New Testament, and Psalms or Gospels every day.
Duration: 365 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
2 Samuel 6

Dinala ang Kahon ng Kasunduan sa Jerusalem(A)

Muling tinipon ni David ang pinakamagagaling na sundalo ng Israel at umabot ito sa 30,000. Lumakad sila papuntang Baala na sakop ng Juda para kunin doon ang Kahon ng Dios,[a] kung saan naroon ang presensya[b] ng Panginoong Makapangyarihan. Nakaluklok ang Panginoon sa gitna ng dalawang kerubin na nasa ibabaw ng Kahon. 3-4 Kinuha nina David ang Kahon ng Kasunduan ng Dios na nandoon sa bahay ni Abinadab sa burol at isinakay ito sa bagong kariton. Sina Uza at Ahio na anak ni Abinadab ang umaalalay sa kariton; si Ahio ang nasa unahan. Buong kagalakang nagdiwang si David at ang buong Israel sa presensya ng Panginoon nang buong kalakasan. Umaawit sila[c] at tumutugtog ng mga alpa, lira, tamburin, kastaneta at pompyang.

Nang dumating sila sa may giikan ni Nacon, natisod ang mga baka at hinawakan ni Uza ang Kahon ng Kasunduan ng Dios. Nagalit nang matindi ang Panginoon kay Uza dahil sa ginawa niya. Kaya pinatay siya ng Dios doon sa tabi ng Kahon. Nagalit si David dahil biglang pinarusahan ng Panginoon si Uza. Ito ang dahilan kaya hanggang ngayon ang lugar na iyon ay tinatawag na Perez Uza.[d] Nang araw na iyon, natakot si David sa Panginoon at sinabi niya, “Paano madadala sa lungsod ko ang Kahon ng Kasunduan ng Panginoon?” 10 Kaya nagdesisyon siyang huwag na lang dalhin sa lungsod niya[e] ang Kahon ng Panginoon. Iniwan na lang niya ito sa bahay ni Obed Edom na taga-Gat. 11 Nanatili ang Kahon ng Panginoon sa bahay ni Obed Edom sa loob ng tatlong buwan, at pinagpala siya ng Panginoon, maging ang buo niyang sambahayan.

12 Ngayon, nabalitaan ni Haring David na pinagpala ng Panginoon ang sambahayan ni Obed Edom at ang lahat ng pag-aari nito dahil sa Kahon ng Dios. Kaya pumunta siya sa bahay nito at kinuha ang Kahon ng Dios at dinala sa Jerusalem nang may kagalakan. 13 Nang makaanim na hakbang na ang mga nagbubuhat ng Kahon ng Panginoon, pinahinto sila ni David at naghandog siya ng isang toro at isang pinatabang guya. 14 At sumayaw si David nang buong sigla sa presensya ng Panginoon na nakasuot ng espesyal na damit[f] na gawa sa telang linen. 15 Habang dinadala ni David at ng mga Israelita ang Kahon ng Kasunduan ng Panginoon, nagsisigawan sila at umiihip ng trumpeta.

16 Nang papasok na ng lungsod ang Kahon ng Panginoon, dumungaw sa bintana si Mical na anak ni Saul. Nakita niyang nagtatatalon at nagsasasayaw si Haring David sa presensya ng Panginoon, at ikinahiya niya ang ginawa nito. 17 Inilagay nila ang Kahon ng Panginoon sa loob ng toldang ipinatayo ni David para rito. Pagkatapos, nag-alay siya sa Panginoon ng mga handog na sinusunog at mga handog para sa mabuting relasyon.[g] 18 Pagkatapos niyang maghandog, binasbasan niya ang mga tao sa pangalan ng Panginoong Makapangyarihan. 19 Binigyan niya ng tinapay, karne[h] at pasas ang bawat isang Israelita, lalaki man o babae. Pagkatapos, umuwi sila sa kani-kanilang mga bahay.

20 Nang umuwi si David para basbasan ang sambahayan niya, sinalubong siya ni Mical na anak ni Saul at kinutya, “Napakadakila ng araw na ito para sa kagalang-galang na hari ng Israel! Sumasayaw kang halos hubad na, sa harap ng mga babaeng alipin ng mga opisyal mo, hindi ka man lang nahiya!” 21 Sinabi ni David kay Mical, “Ginawa ko iyon sa presensya ng Panginoon na pumili sa akin kapalit ng iyong ama o ng kahit sino pa sa angkan niya. Pinili niya akong mamahala sa mga mamamayan niyang Israelita kaya ipagpapatuloy ko ang pagsasaya sa presensya ng Panginoon. 22 At kahit na nakakahiya pa ang gagawin ko para sa pagdiriwang ng Panginoon, gagawin ko pa rin ito. Kahiya-hiya ako sa paningin mo[i] pero marangal ako sa paningin ng mga babaeng alipin na sinasabi mo.”

23 Dahil dito, hindi nagkaanak si Mical hanggang sa mamatay siya.

1 Corinto 16

Tulong para sa mga Taga-Judea

16 Ngayon, tungkol naman sa tulong na nalikom para sa mga mananampalataya[a] ng Dios sa Judea, gayahin ninyo ang ipinagawa ko sa mga iglesyang nasa Galacia. Sa bawat Linggo, ang bawat isa sa inyoʼy maglaan na ng halaga ayon sa inyong kita, at ipunin ninyo ito upang pagdating ko riyan ay nakahanda na ang inyong tulong. Pagdating ko riyan, papupuntahin ko sa Jerusalem ang mga taong pipiliin ninyo na magdadala ng inyong tulong, at gagawa ako ng sulat na magpapakilala sa kanila. At kung kinakailangan ding pumunta ako sa Jerusalem, isasama ko na sila.

Mga Plano ni Pablo

Tutuloy ako riyan sa Corinto pagkagaling ko sa Macedonia dahil kailangan kong dumaan doon. Maaaring magtagal ako riyan sa inyo. Baka riyan ako magpalipas ng taglamig, upang matulungan ninyo ako sa mga pangangailangan ko sa susunod kong paglalakbay, bagamaʼt hindi ko pa alam kung saan ako pupunta. Ayaw kong dadaan lang ako sa inyo. Gusto kong magtagal sa piling ninyo kung loloobin ng Panginoon.

Samantala, mananatili ako rito sa Efeso hanggang sa araw ng Pentecostes, dahil nabigyan ako ng magandang pagkakataon upang maisulong ang gawain dito, kahit na maraming sumasalungat.

10 Kung dumating diyan si Timoteo, asikasuhin ninyo siyang mabuti upang mapanatag ang kanyang kalooban, dahil katulad ko rin siyang naglilingkod sa Panginoon. 11 Huwag ninyo siyang hamakin. At sa kanyang pag-alis, tulungan ninyo siya sa kanyang mga pangangailangan upang makabalik siya agad sa akin. Sapagkat inaasahan ko siya na dumating dito kasama ang iba pang mga kapatid sa pananampalataya.

12 Tungkol naman sa kapatid nating si Apolos, pinakiusapan ko siyang dumalaw diyan kasama ang ilang mga kapatid, ngunit hindi pa raw sila makakapunta riyan. Dadalaw na lang daw siya kung mayroon siyang pagkakataon.

Katapusang Tagubilin

13 Maging listo kayo at magpakatatag sa inyong pananampalataya. Magpakatapang kayo at magpakatibay. 14 At anuman ang inyong gawin, gawin ninyo nang may pag-ibig.

15 Alam ninyong si Stefanas at ang pamilya niya ang unang naging Cristiano riyan sa Acaya. Inilaan nila ang kanilang mga sarili sa paglilingkod sa mga pinabanal[b] ng Dios. Kaya nakikiusap ako sa inyo, mga kapatid, 16 na magpasakop kayo sa kanila at sa lahat ng katulad nila na naglilingkod sa Panginoon.

17 Natutuwa ako sa pagdating nina Stefanas, Fortunatus, at Acaicus, dahil kahit wala kayo rito, nandito naman sila, at ginagawa nila sa akin ang hindi ninyo magawa. 18 Akoʼy pinasigla nila, at ganoon din kayo. Pahalagahan ninyo ang mga katulad nila.

19 Kinukumusta kayo ng mga mananampalataya sa lalawigan ng Asia. Kinukumusta rin kayo nina Aquila at Priscila at ng mga mananampalatayang[c] nagtitipon sa kanilang tahanan, dahil pareho kayong nasa Panginoon. 20 At kinukumusta rin kayong lahat ng mga mananampalataya rito.

Magbatian kayo bilang magkakapatid kay Cristo.[d]

21 Akong si Pablo ay nangungumusta rin sa inyo, at ako mismo ang sumusulat ng pagbating ito.

22 Parusahan nawa ng Dios ang sinumang hindi nagmamahal sa kanya.

Panginoon, bumalik na po kayo!

23 Pagpalain nawa kayo ng Panginoong Jesus.

24 Minamahal ko kayong lahat bilang mga kapatid kay Cristo Jesus.

Ezekiel 14

Ang Pagsamba sa mga Dios-diosan ng mga Namamahala sa Israel

14 Minsan, lumapit sa akin ang mga tagapamahala ng Israel at umupo sa harap ko para sumangguni sa Panginoon. Sinabi sa akin ng Panginoon, “Anak ng tao, ang mga taong iyan ay nagmamahal sa mga dios-diosan na siyang nagtulak sa kanila sa pagkakasala, kaya hindi ako makakapayag na humingi sila ng payo sa akin. Sabihin mo sa kanila na ako, ang Panginoong Dios, ay nagsasabi: ‘Ang sinumang Israelitang nagmamahal sa mga dios-diosan na siyang nagtulak sa kanya sa pagkakasala, at pagkatapos ay humihingi ng payo sa isang propeta ay tuwiran kong sasagutin sa pamamagitan ng parusang nararapat at ayon sa dami ng kanyang mga dios-diosan. Gagawin ko ito para magsibalik sa akin ang lahat ng Israelitang lumayo sa akin dahil sa mga dios-diosan nila.’

“Kaya sabihin mo ngayon sa mga Israelitang ako, ang Panginoong Dios, ay nagsasabi: Magsisi kayo at itakwil na ang mga dios-diosan ninyo at talikuran ang lahat ng kasuklam-suklam ninyong mga gawa. Ang sinumang Israelita o hindi Israelitang nakatira sa Israel, na lumayo sa akin at nagmamahal sa mga dios-diosan na siyang nagtulak sa kanya sa pagkakasala, at pagkatapos ay humingi ng payo sa akin sa pamamagitan ng paglapit sa mga propeta, ako, ang Panginoon, ang tuwirang sasagot mismo sa kanya sa pamamagitan ng parusa. Kakalabanin ko siya at gagawing babala sa mga tao, at siyaʼy pag-uusapan nila. Ihihiwalay ko siya sa mga mamamayan ko. At malalaman ninyo na ako ang Panginoon.

“Kung ang isang propeta ay iniligaw sa pagpapahayag ng mali, itoʼy dahil sa ako, ang Panginoon ay nag-udyok sa kanya para magpahayag ng mali. Parurusahan ko siya at ihihiwalay sa mga mamamayan kong Israel. 10 Ang propetang iyon at ang mga taong humingi ng payo sa kanya ay parehong parurusahan. 11 Gagawin ko ito para ang mga Israelita ay hindi na lumayo sa akin at nang hindi na nila dungisan ang sarili nila sa pamamagitan ng paggawa ng kasalanan. Kung magkagayon, magiging mga mamamayan ko sila at akoʼy magiging Dios nila. Ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito.”

12 Sinabi sa akin ng Panginoon, 13 “Anak ng tao, kung ang isang bansa ay magkasala sa pamamagitan ng pagtatakwil sa akin, parurusahan ko sila at aalisin ko ang pinagmumulan ng kanilang pagkain. Magpapadala ako ng taggutom para mamatay sila pati na ang kanilang mga hayop. 14 Kahit kasama pa nila sina Noe, Daniel at Job, silang tatlo lang ang maliligtas dahil sa matuwid nilang pamumuhay. Ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito.

15 “Sakaling magpadala ako ng mababangis na hayop sa bansang iyon para patayin ang mga mamamayan, magiging mapanglaw ito at walang dadaan doon dahil sa takot sa mababangis na hayop, 16 kahit na kasama pa nila ang tatlong taong binanggit ko, ako, ang Panginoong Dios na buhay, ay sumusumpang hindi makapagliligtas ang tatlong iyon kahit ng mga anak nila. Sila lang ang maliligtas, at ang bansang iyon ay magiging mapanglaw.

17 “O kung padalhan ko naman ng digmaan ang bansang iyon para patayin ang mga mamamayan at ang mga hayop nila, 18 kahit na kasama pa nila ulit ang tatlong taong binanggit ko, ako, ang Panginoong Dios na buhay, ay sumusumpang hindi pa rin nila maililigtas kahit ang mga anak nila maliban lang sa kanilang sarili.

19 “O kung dahil sa galit ko sa kanila, padalhan ko ng sakit ang bansang iyon para patayin ang mga mamamayan at ang mga hayop nila, 20 kahit na kasama pa nga nila sina Noe, Daniel at Job, ako, ang Panginoong Dios na buhay, ay sumusumpang hindi nila maililigtas kahit ang kanilang mga anak kundi ang mga sarili lang nila dahil sa matuwid nilang pamumuhay.

21 Ako, ang Panginoong Dios ay nagsasabi na magiging kahabag-habag ang Jerusalem kapag ipinadala ko na sa kanila ang apat na mabibigat na parusa – ang digmaan, taggutom, mababangis na hayop at mga karamdaman – na papatay sa mga mamamayan nila at mga hayop. 22 Pero may makakaligtas sa kanila na dadalhin dito sa Babilonia para isama sa inyo bilang mga bihag. Makikita ninyo ang masasamang ugali nila at gawa, at mawawala ang sama ng loob ninyo sa akin sa pagpaparusa ko sa Jerusalem. 23 Oo, mawawala ang sama ng loob ninyo kapag nakita ninyo ang pag-uugali nila at mga gawa, at maiintindihan ninyo na tama ang ginawa ko sa mga taga-Jerusalem. Ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito.”

Salmo 55

Ang Panalangin ng Taong Pinagtaksilan ng Kanyang Kaibigan

55 O Dios, dinggin nʼyo ang aking dalangin.
    Ang paghingi ko ng tulong ay bigyan nʼyo ng pansin.
Pakinggan nʼyo ako at sagutin,
    naguguluhan ako sa aking mga suliranin.
Nag-aalala na ako sa pananakot at pang-aapi ng aking mga kaaway.
    Dahil galit na galit sila, ginugulo nila ako at pinagbabantaan.
Kumakabog ang dibdib ko sa takot na akoʼy mamatay.
Nanginginig na ako sa sobrang takot.
At nasabi ko ito: “Kung may pakpak lang ako tulad ng kalapati, lilipad ako at maghahanap ng mapagpapahingahan.
Lilipad ako ng malayo at doon mananahan sa ilang.
Maghahanap agad ako ng mapagtataguan
    para makaiwas sa galit ng aking mga kaaway na tulad ng malakas na hangin o bagyo.”

Panginoon, lituhin nʼyo ang aking mga kaaway at guluhin nʼyo ang kanilang mga pag-uusap.
    Dahil nakita ko ang karahasan at kaguluhan sa lungsod.
10 Araw-gabi itong nangyayari.[a]
    Ang lungsod ay puno ng kasamaan at kaguluhan.
11 Laganap ang kasamaan at walang tigil ang pang-aapi at pandaraya sa mga lansangan.
12 Matitiis ko kung ang kaaway ko ang kumukutya sa akin.
    Kung ang isang taong galit sa akin ang magmamalaki sa akin, maiiwasan ko siya.
13 Ngunit mismong kagaya ko, kasama ko at kaibigan ko ang sa akin ay nangiinsulto.
14 Dati, malapit kami sa isaʼt isa, at magkasama pa kaming pumupunta sa templo ng Dios.
15 Sanaʼy mamatay na lang bigla ang aking mga kaaway.
    Sanaʼy malibing silang buhay sa lugar ng mga patay.
    Sapagkat ang kasamaan ay nasa puso nila at sa kanilang mga tahanan.
16 Ngunit ako ay humihingi ng tulong sa Panginoong Dios,
    at inililigtas niya ako.
17 Umaga, tanghali at gabi, dumadaing ako at nagbubuntong-hininga sa kanya, at akoʼy pinapakinggan niya.
18 Ililigtas niya ako at iingatan sa aking pakikipaglaban,
    kahit napakarami ng aking mga kalaban.
19 Pakikinggan ako ng Dios na naghahari magpakailanman,
    at ibabagsak niya ang aking mga kaaway.
    Dahil ang aking mga kaaway ay hindi nagbabago at walang takot sa Dios.
20 Kinalaban ng dati kong kaibigan ang kanyang mga kaibigan;
    at hindi niya tinupad ang kanyang mga pangako.
21 Malumanay at mahusay nga siyang magsalita,
    ngunit puno naman ng poot ang kanyang puso,
    at ang kanyang pananalita ay nakakasugat tulad ng matalim na espada.
22 Ibigay mo sa Panginoon ang iyong mga alalahanin at aalagaan ka niya.
    Hindi niya pababayaan ang mga matuwid magpakailanman.
23 Ngunit itatapon niya ang mga mamamatay-tao at ang mga mandaraya
    sa napakalalim na hukay bago mangalahati ang kanilang buhay.
    Ngunit ako, akoʼy magtitiwala sa kanya.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®