Print Page Options Listen to Reading
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the CEV. Switch to the CEV to read along with the audio.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
2 Mga Hari 9:14-10:31

Napatay si Haring Joram ng Israel

14 Gayon nakipagsabwatan si Jehu na anak ni Jehoshafat, na anak ni Nimsi, laban kay Joram. Si Joram at ang buong Israel ay nagbabantay sa Ramot-gilead laban kay Haring Hazael ng Siria;

15 ngunit nakabalik na si Haring Joram sa Jezreel upang magpagaling sa kanyang mga sugat na likha ng mga taga-Siria, nang siya'y lumaban kay Hazael na hari ng Siria. Kaya't sinabi ni Jehu, “Kung ito ang inyong iniisip, huwag hayaang makalabas ang sinuman sa lunsod at magsabi ng balita sa Jezreel.”

16 Sumakay si Jehu sa karwahe at pumunta sa Jezreel, sapagkat si Joram ay nakaratay roon. At si Ahazias na hari ng Juda ay bumaba upang dalawin si Joram.

17 Noon ang tanod ay nakatayo sa muog sa Jezreel, at kanyang natanaw ang pulutong ni Jehu habang dumarating siya, at nagsabi, “Ako'y nakakakita ng isang pulutong.” At sinabi ni Joram, “Kumuha ka ng isang mangangabayo, at iyong suguin upang salubungin sila, at magsabi, ‘Kapayapaan ba?’”

18 Kaya't pumaroon ang isang nangangabayo upang salubungin siya, at sinabi, “Ganito ang sabi ng hari, ‘Kapayapaan ba?’” At sinabi ni Jehu, “Anong pakialam mo sa kapayapaan? Bumalik kang kasunod ko.” At nag-ulat ang tagatanod, “Ang sugo ay nakarating sa kanila, ngunit siya'y hindi bumabalik.”

19 Pagkatapos ay nagsugo siya ng ikalawang mangangabayo na dumating sa kanila, at nagsabi, “Ganito ang sabi ng hari, ‘Kapayapaan ba?’” At sumagot si Jehu, “Ano ang iyong pakialam sa kapayapaan? Bumalik kang kasunod ko.”

20 At muling nag-ulat ang tanod, “Siya'y dumating sa kanila, subalit siya'y hindi bumabalik. At ang pagpapatakbo ay gaya ng pagpapatakbo ni Jehu, na anak ni Nimsi, sapagkat siya'y napakatuling magpatakbo.”

21 Sinabi ni Joram, “Maghanda kayo.” At kanilang inihanda ang kanyang karwahe. Si Joram na hari ng Israel at si Ahazias na hari ng Juda ay nagsilabas, bawat isa sa kanyang karwahe, at sila'y umalis upang salubungin si Jehu, at nasalubong siya sa lupang pag-aari ni Nabat na Jezreelita.

22 Nang makita ni Joram si Jehu, ay kanyang sinabi, “Kapayapaan ba, Jehu?” At siya'y sumagot, “Paanong magkakaroon ng kapayapaan, habang ang mga pakikiapid at mga pangkukulam ng iyong inang si Jezebel ay napakarami?”

23 Kaya't pumihit si Joram at tumakas, na sinasabi kay Ahazias, “Pagtataksil, O Ahazias!”

24 Binunot ni Jehu ng kanyang buong lakas ang pana at pinana si Joram sa pagitan ng kanyang mga balikat. Ang pana ay tumagos sa kanyang puso, at siya'y nabuwal sa kanyang karwahe.

25 Sinabi ni Jehu kay Bidkar na kanyang punong-kawal, “Buhatin mo siya at ihagis sa lupang pag-aari ni Nabat na Jezreelita. Sapagkat naaalala ko, nang ako't ikaw ay nakasakay na magkasama na kasunod ni Ahab na kanyang ama, kung paanong binigkas ng Panginoon ang salitang ito laban sa kanya:

26 ‘Kung(A) paanong tunay na aking nakita kahapon ang dugo ni Nabat, at ang dugo ng kanyang mga anak, sabi ng Panginoon, pagbabayarin kita sa lupang ito.’ Ngayon nga'y buhatin mo siya at ihagis mo sa lupa, ayon sa salita ng Panginoon.”

Napatay si Haring Ahazias ng Juda

27 Ngunit nang makita ito ni Ahazias na hari ng Juda, siya'y tumakas patungo sa Bet-hagan. At siya'y hinabol ni Jehu, at sinabi, “Panain mo rin siya;” at pinana nila siya sa karwahe sa ahunan sa Gur na malapit sa Ibleam. At siya'y tumakas patungo sa Megido, at namatay roon.

28 Dinala siya ng kanyang mga lingkod sa isang karwahe patungo sa Jerusalem, at inilibing siya sa kanyang libingan na kasama ng kanyang mga ninuno sa lunsod ni David.

29 Nang ikalabing-isang taon ni Joram na anak ni Ahab, nagsimulang maghari si Ahazias sa Juda.

Pinatay si Jezebel

30 Nang si Jehu ay dumating sa Jezreel, nabalitaan ito ni Jezebel. Kanyang kinulayan ang kanyang mga mata, at ginayakan ang kanyang ulo, at dumungaw sa bintana.

31 At habang pumapasok si Jehu sa pintuang-bayan, kanyang sinabi, “Kapayapaan ba, ikaw Zimri, ikaw na mamamatay ng iyong panginoon?”

32 Siya ay tumingala sa bintana, at sinabi, “Sino ang sa aking panig? Sino?” Dalawa o tatlong eunuko ang dumungaw sa kanya.

33 Kanyang sinabi, “Ihulog ninyo siya.” Kaya't kanilang inihulog siya at ang iba niyang dugo ay tumilamsik sa pader at sa mga kabayo, at siya'y kanyang niyurakan.

34 Pagkatapos ay pumasok siya at kumain at uminom. At kanyang sinabi, “Tingnan ninyo ngayon ang isinumpang babaing ito. Ilibing ninyo siya, sapagkat siya'y anak ng hari.”

35 Ngunit nang sila'y lumabas upang ilibing siya, wala na silang natagpuan sa kanya maliban sa bungo, mga paa, at ang mga palad ng kanyang mga kamay.

36 Nang(B) sila'y bumalik at sabihin sa kanya, ay sinabi niya, “Ito ang salita ng Panginoon, na kanyang sinabi sa pamamagitan ng kanyang lingkod na si Elias na Tisbita, ‘Sa nasasakupan ng Jezreel, kakainin ng mga aso ang laman ni Jezebel;

37 ang bangkay ni Jezebel ay magiging gaya ng dumi sa ibabaw ng bukid sa nasasakupan ng Jezreel, upang walang makapagsabi, Ito si Jezebel.’”

Pinatay ang mga Anak ni Ahab

10 Si Ahab ay may pitumpung anak na lalaki sa Samaria. Kaya't gumawa si Jehu ng mga sulat, at ipinadala sa Samaria, sa mga pinuno sa Jezreel, sa matatanda, at sa mga tagapag-alaga ng mga anak ni Ahab, na sinasabi,

“Pagdating ng sulat na ito sa inyo, yamang ang mga anak ng inyong panginoon ay kasama ninyo, at mayroon kayong mga karwahe at mga kabayo, at mga lunsod na may kuta, at mga sandata,

piliin ninyo ang pinakamahusay at ang pinakamarapat sa mga anak ng inyong panginoon at iupo ninyo sa trono ng kanyang ama, at ipaglaban ninyo ang sambahayan ng inyong panginoon.”

Ngunit sila'y lubhang natakot, at nagsabi, “Tingnan ninyo, hindi nakatagal sa kanya ang dalawang hari; paano nga tayo makakatagal sa kanya?”

Kaya't ang tagapamahala ng palasyo, at ang tagapamahala ng lunsod, gayundin ang matatanda, at ang mga tagapag-alaga, ay nagsugo kay Jehu, na nagsasabi, “Kami ay iyong mga lingkod, at gagawin namin ang lahat ng iyong iuutos sa amin. Hindi namin gagawing hari ang sinuman; gawin mo ang mabuti sa iyong paningin.”

Nang magkagayo'y gumawa siya ng ikalawang sulat sa kanila, na nagsasabi, “Kung kayo'y nasa aking panig, at kung kayo'y handang sumunod sa akin, kunin ninyo ang mga ulo ng mga anak na lalaki ng inyong panginoon, at pumarito kayo sa akin sa Jezreel bukas sa ganitong oras.” Ang mga anak ng hari na binubuo ng pitumpung katao ay kasama ng mga pinuno sa lunsod na nag-aalaga sa kanila.

Nang ang sulat ay dumating sa kanila, kanilang kinuha ang mga anak ng hari na binubuo ng pitumpung katao; at pinagpapatay sila, at inilagay ang kanilang mga ulo sa mga basket, at ipinadala sa kanya sa Jezreel.

Nang dumating ang sugo at sinabi sa kanya, “Kanilang dinala ang mga ulo ng mga anak ng hari,” ay kanyang sinabi, “Ilagay ninyo sila ng dalawang bunton sa pasukan ng pintuang-bayan hanggang sa kinaumagahan.”

Kinaumagahan, nang siya'y lumabas, siya'y tumayo at sinabi sa buong bayan, “Kayo'y mga walang sala. Ako ang nakipagsabwatan laban sa aking panginoon at pumatay sa kanya; ngunit sinong pumatay sa lahat ng ito?

10 Talastasin ninyo ngayon na walang salita ng Panginoon ang mahuhulog sa lupa, na sinabi ng Panginoon tungkol sa sambahayan ni Ahab; sapagkat ginawa ng Panginoon ang kanyang sinabi sa pamamagitan ng kanyang lingkod na si Elias.”

11 Kaya't(C) pinatay ni Jehu ang lahat ng nalabi sa sambahayan ni Ahab sa Jezreel, ang lahat niyang mga pinuno, at ang kanyang mga malapit na kaibigan, at ang kanyang mga pari, hanggang sa wala siyang itinira.

Pinatay ang mga Kapatid ni Haring Ahazias

12 Pagkatapos siya'y naghanda at nagtungo sa Samaria. Sa daan, samantalang siya'y nasa Bet-eked ng mga Pastol,

13 nakasalubong ni Jehu ang mga kapatid ni Ahazias na hari ng Juda, at sinabi niya, “Sino kayo?” At sila'y nagsisagot, “Kami ay mga kapatid ni Ahazias, at kami ay nagsilusong upang dalawin ang mga anak ng hari at ang mga anak ng reyna.”

14 Sinabi niya, “Hulihin ninyo silang buháy.” Kanilang hinuli silang buháy, at pinatay sila sa hukay ng Bet-eked; wala siyang itinirang buháy sa kanila na binubuo ng apatnapu't dalawang katao.

15 Nang siya'y makaalis mula roon, nasalubong niya si Jonadab na anak ni Recab na dumarating upang salubungin siya. Kanyang binati siya at sinabi sa kanya, “Ang iyo bang puso ay tapat, gaya ng aking puso sa iyong puso?” At sumagot si Jonadab, “Oo.” At sinabi ni Jehu, “Kung gayon, iabot mo sa akin ang iyong kamay.” At iniabot niya sa kanya ang kanyang kamay. At isinama siya ni Jehu at isinakay sa karwahe.

16 At kanyang sinabi, “Sumama ka sa akin at tingnan mo ang aking sigasig sa Panginoon.” Kaya't kanilang pinasakay sila sa kanyang karwahe.

17 Nang siya'y dumating sa Samaria, kanyang pinatay ang lahat ng nalabi kay Ahab sa Samaria, hanggang sa kanyang malipol sila, ayon sa salita ng Panginoon na kanyang sinabi kay Elias.

Pinatay ang mga Sumasamba kay Baal

18 Pagkatapos ay tinipon ni Jehu ang buong bayan, at sinabi sa kanila, “Si Ahab ay naglingkod kay Baal ng kaunti, ngunit si Jehu ay maglilingkod sa kanya ng marami.

19 Ngayon nga'y tawagin ninyo sa akin ang lahat ng propeta ni Baal, ang lahat ng mga sumasamba sa kanya, at ang lahat niyang mga pari; walang sinuman ang mawawala, sapagkat mayroon akong dakilang handog na iaalay kay Baal. Sinumang wala roon ay hindi mabubuhay.” Ngunit ito'y ginawa ni Jehu na may katusuhan upang kanyang malipol ang mga sumasamba kay Baal.

20 Iniutos ni Jehu, “Magdaos kayo ng isang taimtim na pagpupulong para kay Baal.” At kanilang ipinahayag iyon.

21 Nagpasugo si Jehu sa buong Israel, at ang lahat ng sumasamba kay Baal ay nagsidating, kaya't walang taong naiwan na hindi dumating. Sila'y pumasok sa bahay ni Baal; at ang templo ni Baal ay napuno mula sa isang dulo hanggang sa kabila.

22 Sinabi niya sa katiwala ng silid-bihisan, “Ilabas mo ang lahat ng mga kasuotang para sa lahat ng sumasamba kay Baal.” Kaya't inilabas niya ang mga kasuotan para sa kanila.

23 Sina Jehu at Jonadab na anak ni Recab ay pumasok sa bahay ni Baal, at kanyang sinabi sa mga sumasamba kay Baal, “Maghanap kayo at tiyakin ninyo na wala kayo ritong kasamang lingkod ng Panginoon, kundi mga sumasamba kay Baal lamang.”

24 At sila'y nagsipasok upang mag-alay ng mga handog at ng mga handog na sinusunog. Si Jehu naman ay nagtalaga ng walumpung lalaki sa labas, at sinabi, “Ang taong magpapatakas sa sinumang mga taong ibinigay ko sa inyong mga kamay, ang kanyang buhay ay ibibigay bilang kapalit.”

25 Kaya't pagkatapos niyang makapag-alay ng mga handog na sinusunog, sinabi ni Jehu sa bantay at sa mga punong-kawal, “Kayo'y pumasok at patayin ninyo sila; huwag patatakasin ang sinuman.” Pinatay sila ng mga bantay at mga punong-kawal sa pamamagitan ng talim ng tabak at inihagis sila sa labas ng mga bantay at ng mga punong-kawal; pagkatapos ay pumasok sila sa loob ng bahay ni Baal,

26 at kanilang inilabas ang mga haligi ng bahay ni Baal, at sinunog ito.

27 At kanilang winasak ang haligi ni Baal, at winasak ang bahay ni Baal, at ginawang tapunan ng dumi hanggang sa araw na ito.

28 Sa gayon pinawi ni Jehu si Baal mula sa Israel.

29 Gayunma'y(D) hindi humiwalay si Jehu sa mga kasalanan ni Jeroboam na anak ni Nebat, na dito'y ibinunsod niya sa pagkakasala ang Israel, samakatuwid ay ang mga guyang ginto na nasa Bethel at Dan.

30 Sinabi ng Panginoon kay Jehu, “Sapagkat ikaw ay gumawa ng mabuti sa paggawa ng matuwid sa aking paningin, at iyong ginawa sa sambahayan ni Ahab ang ayon sa lahat ng nasa aking puso, ang iyong mga anak sa ikaapat na salinlahi ay uupo sa trono ng Israel.”

31 Ngunit si Jehu ay hindi maingat sa paglakad ng kanyang buong puso sa kautusan ng Panginoong Diyos ng Israel. Siya'y hindi humiwalay sa mga kasalanan ni Jeroboam, na dito'y ibinunsod niya sa pagkakasala ang Israel.

Mga Gawa 17

Sa Tesalonica

17 Nang makaraan na sina Pablo at Silas[a] sa Amfipolis at sa Apolonia ay nakarating sila sa Tesalonica, kung saan ay may isang sinagoga ng mga Judio.

At si Pablo ay pumasok ayon sa kanyang kaugalian, at sa loob ng tatlong Sabbath ay nangatuwiran sa kanila mula sa mga kasulatan,

na ipinapaliwanag at pinatutunayan na kailangang magdusa ang Cristo at muling mabuhay mula sa mga patay; at sinasabi, “Itong Jesus na aking ipinangangaral sa inyo ay siyang Cristo.”

Nahikayat ang ilan sa kanila at sumama kina Pablo at kay Silas, gayundin ang napakaraming mga Griyegong masisipag sa kabanalan, at hindi kakaunting mga pangunahing babae.

Subalit dahil sa inggit, ang mga Judio ay nagsama ng ilang masasamang tao mula sa pamilihan at nang makapagtipon sila ng maraming tao ay ginulo nila ang lunsod. Nilusob nila ang bahay ni Jason, sa kagustuhang maiharap sina Pablo at Silas[b] sa mga tao.

Nang sila'y hindi nila natagpuan, kanilang kinaladkad si Jason at ang ilang kapatid sa harap ng mga pinuno ng lunsod, na ipinagsisigawan, “Ang mga taong ito na nanggugulo[c] ay dumating din dito;

at tinanggap sila ni Jason. Lahat sila ay kumikilos laban sa mga utos ni Cesar, at sinasabi nilang may ibang hari na ang pangalan ay Jesus.”

Ang napakaraming tao at ang mga pinuno ng lunsod ay naligalig nang kanilang marinig ang mga bagay na ito.

Nang sila'y makakuha ng piyansa mula kay Jason at sa iba pa, ay kanilang pinakawalan sila.

Sa Berea

10 Nang gabing iyon ay agad na pinaalis ng mga kapatid sina Pablo at Silas patungo sa Berea. Nang dumating sila roon, pumasok sila sa sinagoga ng mga Judio.

11 Ngayon ang mga ito ay higit na mararangal kaysa mga taga-Tesalonica, sapagkat tinanggap nila ang salita ng buong pananabik na sinisiyasat araw-araw ang mga kasulatan kung tunay nga ang mga bagay na ito.

12 Kaya marami sa kanila ang nanampalataya, kasama ang maraming babaing Griyego at mga pangunahing lalaki.

13 Subalit nang malaman ng mga Judiong taga-Tesalonica na ang salita ng Diyos ay ipinangaral din ni Pablo sa Berea, sila ay nagpunta rin doon upang guluhin at sulsulan ang maraming tao.

14 At agad na isinugo ng mga kapatid si Pablo paalis hanggang sa dagat, ngunit nanatili roon sina Silas at Timoteo.

15 Si Pablo ay dinala ng mga naghatid sa kanya hanggang sa Atenas; at nang matanggap na nila ang utos upang sina Silas at Timoteo ay sumama sa kanya sa lalong madaling panahon, siya'y kanila nang iniwan.

Sa Atenas

16 Samantalang sila'y hinihintay ni Pablo sa Atenas, siya ay labis na nanlumo nang makita niya na ang lunsod ay punô ng mga diyus-diyosan.

17 Kaya't sa sinagoga ay nakipagtalo siya sa mga Judio at sa mga taong masisipag sa kabanalan, at sa pamilihan sa araw-araw sa mga nagkataong naroroon.

18 Ilan sa mga pilosopong Epicureo at Estoico ay nakipagtalo rin sa kanya. At sinabi ng ilan, “Anong nais sabihin ng madaldal na ito?” Sinabi ng iba, “Parang siya'y isang tagapagbalita ng mga ibang diyos”—sapagkat ipinangangaral niya si Jesus at ang pagkabuhay.

19 Siya'y kinuha nila at dinala sa Areopago, at tinanong, “Maaari ba naming malaman kung ano itong bagong aral na sinasabi mo?

20 Sapagkat naghahatid ka ng mga kakaibang bagay sa aming mga tainga; kaya't ibig naming malaman kung ano ang kahulugan ng mga bagay na ito.”

21 Lahat ng mga taga-Atenas at ang mga dayuhang naninirahan doon ay walang pinaggugulan ng panahon kundi ang mag-usap o makinig ng mga bagong bagay.

22 Kaya't tumindig si Pablo sa gitna ng Areopago, at sinabi, “Mga lalaking taga-Atenas, napapansin ko na sa lahat ng bagay kayo'y lubhang relihiyoso.

23 Sapagkat sa aking pagdaraan, at sa pagmamasid ng mga bagay na inyong sinasamba, ay nakatagpo din naman ako ng isang dambana na may sulat na ganito, ‘SA ISANG DI-KILALANG DIYOS.’ Kaya't ang sinasamba ninyo na hindi kilala ay siyang ipahahayag ko sa inyo.

24 Ang(A) Diyos na gumawa ng sanlibutan at ng lahat ng mga bagay na naririto, siya na Panginoon ng langit at ng lupa, ay hindi tumitira sa mga templong ginawa ng tao;

25 ni hindi rin naman siya pinaglilingkuran ng mga kamay ng tao, na para bang mayroon siyang kailangan, yamang siya ang nagbibigay sa lahat ng tao ng buhay at ng hininga, at ng lahat ng bagay na ito.

26 Nilikha niya mula sa isa[d] ang bawat bansa ng mga tao upang manirahan sa ibabaw ng buong lupa. Itinakda niya ang mga panahon at mga hangganan ng kanilang titirhan,

27 upang kanilang hanapin ang Diyos, baka sakaling siya'y mahagilap nila at siya'y matagpuan, bagaman hindi siya malayo sa bawat isa sa atin.

28 Sapagkat sa kanya tayo'y nabubuhay, at kumikilos, at nasa kanya ang ating pagkatao; tulad ng sinabi ng ilan sa inyong mga makata,

    ‘Sapagkat tayo rin ay kanyang supling.’

29 Yamang tayo'y supling ng Diyos, hindi marapat na ating isipin na ang pagka-Diyos ay katulad ng ginto, o ng pilak, o ng bato, na inanyuan ng husay at kaisipan ng tao.

30 Ang mga panahon ng kahangalan ay pinalampas na nga ng Diyos; ngunit ngayo'y ipinag-uutos niya sa lahat ng tao sa lahat ng dako na magsisi,

31 sapagkat itinakda niya ang isang araw kung kailan niya hahatulan ang sanlibutan ayon sa katuwiran sa pamamagitan ng lalaking kanyang itinalaga, at tungkol dito'y binigyan niya ng katiyakan ang lahat ng tao, nang kanyang muling buhayin siya mula sa mga patay.”

32 Nang kanilang marinig ang tungkol sa pagkabuhay ng mga patay, ay nangutya ang ilan; ngunit sinabi ng iba, “Pakikinggan ka naming muli tungkol dito.”

33 Sa gayo'y umalis si Pablo sa gitna nila.

34 Subalit sumama sa kanya ang ilang mga tao at nanampalataya. Isa sa kanila si Dionisio na taga-Areopago, at ang isang babaing ang pangalan ay Damaris at iba pang mga kasama nila.

Mga Awit 144

Awit ni David.

144 Purihin ang Panginoon, ang aking malaking bato,
    kanyang sinasanay ang aking mga kamay para sa digmaan, at ang aking mga daliri sa pakikipaglaban;
ang aking tapat na pag-ibig at aking tanggulan,
    aking muog at aking tagapagligtas;
aking kalasag at siya kong kinakanlungan,
    na siyang nagpapasuko sa ilalim ko ng mga bayan.
Panginoon,(A) ano ba ang tao upang siya'y iyong kilalanin,
    o ang anak ng tao, upang siya'y iyong isipin?
Ang tao ay katulad ng hininga,
    gaya ng aninong nawawala ang mga araw niya.
Iyuko mo ang iyong kalangitan, O Panginoon, at ikaw ay pumanaog!
    Hipuin mo ang mga bundok upang ang mga ito'y magsiusok.
Paguhitin mo ang kidlat at sila'y iyong pangalatin,
    suguin mo ang iyong mga palaso at sila'y iyong lituhin!
Iyong iunat mula sa itaas ang iyong kamay,
    iligtas mo ako at sagipin sa maraming tubig,
    mula sa kamay ng mga dayuhan,
na ang mga bibig ay nagsasalita ng kasinungalingan,
    na ang kanilang kanang kamay ay kanang kamay ng kabulaanan.

Ako'y aawit ng bagong awit sa iyo, O Diyos;
    sa salterio na may sampung kawad ako sa iyo'y tutugtog,
10 na siyang nagbibigay sa mga hari ng pagtatagumpay,
    na siyang nagligtas kay David na kanyang lingkod sa masamang tabak.
11 Iligtas mo ako,
    at iligtas mo ako sa kamay ng mga banyaga,
na ang mga bibig ay nagsasalita ng kasinungalingan,
    at ang kanilang kanang kamay ay kanang kamay ng kabulaanan.

12 Ang amin nawang mga anak na lalaki sa kanilang kabataan
    ay maging gaya ng mga halaman sa hustong gulang,
at ang aming mga anak na babae ay parang mga panulok na bato
    na tinabas para sa gusali ng isang palasyo;
13 ang amin nawang mga kamalig ay mapuno,
    na naglalaman ng lahat ng uri ng bagay;
ang mga tupa namin nawa ay manganak ng mga libo
    at mga sampung libo sa aming mga parang;
14     ang mga baka namin nawa ay manganak
na walang makukunan o mawawalan,
    huwag nawang magkaroon ng daing ng pagdadalamhati sa aming mga lansangan!
15 Pinagpala ang bayan na nasa gayong kalagayan!
    Maligaya ang bayan na ang Diyos ay ang Panginoon!

Mga Kawikaan 17:27-28

27 Siyang pumipigil ng kanyang mga salita ay may kaalaman,
    at siyang may diwang malamig ay taong may kaunawaan.
28 Maging ang hangal kapag tumatahimik ay maituturing na marunong,
    inaari siyang matalino, kapag mga labi niya'y itinitikom.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001