Print Page Options Listen to Reading
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the CEV. Switch to the CEV to read along with the audio.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
2 Mga Hari 1-2

Si Elias at si Haring Ahazias

Pagkamatay ni Ahab, ang Moab ay naghimagsik laban sa Israel.

Si Ahazias ay nahulog sa sala-sala ng kanyang silid sa itaas sa Samaria, at nagkasakit. Kaya't siya'y nagpadala ng mga sugo, at sinabi sa kanila, “Humayo kayo, sumangguni kayo kay Baal-zebub, na diyos ng Ekron, kung ako'y gagaling sa sakit na ito.”

Ngunit sinabi ng anghel ng Panginoon kay Elias na Tisbita, “Bumangon ka, umahon ka upang salubungin ang mga sugo ng hari ng Samaria, at sabihin mo sa kanila, ‘Dahil ba sa walang Diyos sa Israel, kaya't kayo'y nagsisihayo upang sumangguni kay Baal-zebub na diyos ng Ekron?’

Ngayon nga'y ganito ang sabi ng Panginoon, ‘Ikaw ay hindi aalis sa higaan na iyong pinanggalingan, kundi tiyak na ikaw ay mamamatay.’” Kaya't si Elias ay pumaroon.

Nang ang mga sugo ay nagsibalik sa hari, at sinabi niya sa kanila. “Bakit kayo'y nagsibalik?”

At sinabi nila sa kanya, “May dumating na isang lalaki at sinalubong kami, at sinabi sa amin, ‘Kayo'y bumalik sa haring nagsugo sa inyo, at sabihin ninyo sa kanya, Ganito ang sabi ng Panginoon, “Dahil ba sa walang Diyos sa Israel kaya't ikaw ay nagsusugo upang sumangguni kay Baal-zebub na diyos ng Ekron?” Kaya't hindi ka aalis sa higaan na iyong pinanggalingan, kundi tiyak na ikaw ay mamamatay.’”

Sinabi niya sa kanila, “Ano ang anyo ng lalaking iyon na dumating at sumalubong sa inyo, at nagsabi sa inyo ng mga bagay na ito?”

Sila'y(A) sumagot sa kanya, “Siya'y lalaking mabalahibo[a] at may pamigkis na balat ng hayop sa kanyang mga balakang.” At kanyang sinabi, “Iyon ay si Elias na Tisbita.”

Nang magkagayo'y nagsugo ang hari sa kanya ng isang kapitan ng limampu kasama ang limampung kawal niya. Umahon siya kay Elias na nakaupo sa tuktok ng burol, at sinabi sa kanya, “O tao ng Diyos, sinabi ng hari, ‘Bumaba ka.’”

10 Ngunit(B) si Elias ay sumagot at sinabi sa kapitan, “Kung ako'y tao ng Diyos, hayaang bumaba ang apoy mula sa langit at tupukin ka at ang iyong limampu.” At bumaba ang apoy mula sa langit at tinupok siya at ang limampung kawal niya.

11 Muling nagsugo ang hari sa kanya ng isa pang kapitan ng limampu kasama ang limampung kawal niya. At siya'y sumagot at sinabi sa kanya, “O tao ng Diyos, ganito ang sabi ng hari, ‘Bumaba ka agad!’”

12 Subalit si Elias ay sumagot at sinabi sa kanila, “Kung ako'y tao ng Diyos, hayaang bumaba ang apoy mula sa langit at tupukin ka at ang iyong limampu.” At ang apoy ng Diyos ay bumabang mula sa langit at tinupok siya at ang limampung kawal niya.

13 At muling nagsugo ang hari ng kapitan ng ikatlong limampu kasama ng kanyang limampu. At ang ikatlong kapitan ng limampu ay umahon, at dumating at lumuhod sa harapan ni Elias, at nakiusap sa kanya, “O tao ng Diyos, ipinapakiusap ko sa iyo na ang aking buhay, at ang buhay ng limampung ito na iyong mga lingkod ay maging mahalaga nawa sa iyong paningin.

14 Bumaba ang apoy mula sa langit, at tinupok ang dalawang unang kapitan ng limampu pati ang limampung kawal nila; ngunit ang aking buhay nawa'y maging mahalaga sa iyong paningin.”

15 At sinabi ng anghel ng Panginoon kay Elias, “Bumaba kang kasama niya; huwag kang matakot sa kanya.” At siya'y tumindig at bumabang kasama niya hanggang sa hari.

16 At sinabi niya sa kanya, “Ganito ang sabi ng Panginoon, ‘Sapagkat ikaw ay nagpadala ng mga sugo upang sumangguni kay Baal-zebub na diyos ng Ekron, dahil ba sa walang Diyos sa Israel na mapagsasanggunian ng kanyang salita?—kaya't hindi ka aalis sa higaan na iyong pinanggalingan, kundi tiyak na mamamatay ka.’”

Si Jehoram ang Humalili sa Kanya

17 Kaya't namatay siya ayon sa salita ng Panginoon na sinabi ni Elias. Si Jehoram ay nagharing kapalit niya, nang ikalawang taon ni Jehoram na anak ni Jehoshafat na hari ng Juda, sapagkat si Ahazias ay walang anak na lalaki.

18 Ang iba sa mga gawa ni Ahazias na kanyang ginawa, hindi ba ang mga iyon ay nakasulat sa Aklat ng mga Kasaysayan[b] ng mga Hari ng Israel?

Si Elias ay Iniakyat sa Langit

Nang malapit nang iakyat ng Panginoon si Elias sa langit sa pamamagitan ng isang ipu-ipo, sina Elias at Eliseo ay magkasamang umalis mula sa Gilgal.

Sinabi ni Elias kay Eliseo, “Maghintay ka rito sapagkat sinugo ako ng Panginoon hanggang sa Bethel.” Ngunit sinabi ni Eliseo, “Habang buháy ang Panginoon, at habang ikaw ay nabubuhay, hindi kita iiwan.” Kaya't pumunta sila sa Bethel.

Ang mga anak ng mga propeta na nasa Bethel ay lumapit kay Eliseo, at sinabi sa kanya, “Nalalaman mo ba na kukunin ngayon ng Panginoon ang iyong panginoon mula sa iyo?” At kanyang sinabi, “Oo, nalalaman ko, manahimik kayo.”

Sinabi ni Elias sa kanya, “Eliseo, maghintay ka rito; sapagkat sinugo ako ng Panginoon sa Jerico.” Ngunit kanyang sinabi, “Habang buháy ang Panginoon, at habang buháy ka, hindi kita iiwan.” Kaya't sila'y dumating sa Jerico.

Lumapit kay Eliseo ang mga anak ng mga propeta na nasa Jerico, at nagsipagsabi sa kanya, “Nalalaman mo ba na kukunin ngayon ng Panginoon ang iyong panginoon mula sa iyo?” At siya'y sumagot, “Oo, nalalaman ko; manahimik kayo.”

At sinabi ni Elias sa kanya, “Maghintay ka rito; sapagkat sinugo ako ng Panginoon sa Jordan.” At kanyang sinabi, “Habang buháy ang Panginoon, at habang buháy ka, hindi kita iiwan.” Kaya't humayo silang dalawa.

Limampu sa mga anak ng mga propeta ay humayo rin, at tumayo sa tapat nila sa di-kalayuan habang silang dalawa ay nakatayo sa tabi ng Jordan.

At kinuha ni Elias ang kanyang balabal at tiniklop ito, at hinampas ang tubig, at nahawi ang tubig sa isang panig at sa kabila, hanggang sa ang dalawa ay makatawid sa tuyong lupa.

Nang(C) sila'y makatawid, sinabi ni Elias kay Eliseo, “Hingin mo kung ano ang gagawin ko sa iyo, bago ako kunin sa iyo.” At sinabi ni Eliseo, “Hayaan mong mapasaakin ang dobleng bahagi ng iyong espiritu.”

10 Siya ay tumugon, “Ang hinihingi mo ay isang mahirap na bagay; gayunma'y kung makita mo ako habang ako'y kinukuha sa iyo, iyon ay ipagkakaloob sa iyo. Ngunit kung hindi mo ako makita, iyon ay hindi mangyayari.”

11 Samantalang sila'y naglalakad at nag-uusap, isang karwaheng apoy at mga kabayong apoy ang naghiwalay sa kanilang dalawa. At si Elias ay umakyat sa langit sa pamamagitan ng isang ipu-ipo.

12 Iyon(D) ay nakita ni Eliseo at siya'y sumigaw, “Ama ko, ama ko! Mga karwahe ng Israel at mga mangangabayo nito!” Ngunit siya'y hindi na niya nakita. Kaya't kanyang hinawakan ang kanyang sariling kasuotan, at pinunit sa dalawang piraso.

13 Kinuha niya ang balabal ni Elias na nahulog sa kanya, at siya'y bumalik, at tumayo sa pampang ng Jordan.

14 Kanyang kinuha ang balabal ni Elias na nahulog sa kanya, at hinampas ang tubig, na sinasabi, “Nasaan ang Panginoon, ang Diyos ni Elias?” Nang kanyang mahampas ang tubig, ito ay nahawi sa isang panig at sa kabila, at si Eliseo ay tumawid.

Si Elias ay Hinanap Ngunit Hindi Nakita

15 At nang makita siya sa may di-kalayuan ng mga anak ng mga propeta na nasa Jerico, ay kanilang sinabi, “Ang espiritu ni Elias ay na kay Eliseo.” Sila'y lumapit upang salubungin siya at nagpatirapa sa lupa sa harapan niya.

16 Kanilang sinabi sa kanya, “Tingnan mo, ang iyong mga lingkod ay may limampung malalakas na lalaki. Hayaan mo silang humayo, at hanapin ang inyong panginoon. Baka tinangay siya ng Espiritu ng Panginoon at inihagis sa isang bundok, o sa isang libis.” At kanyang sinabi, “Hindi, huwag mo silang susuguin.”

17 Subalit nang kanilang pilitin siya hanggang sa siya'y mapahiya, ay kanyang sinabi, “Suguin sila.” Kaya't sila'y nagsugo ng limampung lalaki, at naghanap sila sa loob ng tatlong araw, ngunit hindi siya natagpuan.

18 Nang sila'y bumalik sa kanya, samantalang siya'y naghihintay sa Jerico at kanyang sinabi sa kanila, “Di ba sinabi ko sa inyo, huwag kayong humayo?”

Mga Kababalaghan ni Eliseo

19 At sinabi ng mga mamamayan sa lunsod kay Eliseo, “Tingnan mo, ang kinalalagyan ng lunsod na ito ay mabuti, gaya ng nakikita ng aking panginoon, ngunit ang tubig ay masama, at ang lupa ay walang bunga.”

20 Sinabi niya, “Dalhan ninyo ako ng isang bagong banga, at lagyan ninyo ng asin.” At kanilang dinala sa kanya.

21 At siya'y pumaroon sa bukal ng tubig at hinagisan niya ng asin, at sinabi, “Ganito ang sabi ng Panginoon, ‘Ginawa kong mabuti ang tubig na ito; mula ngayo'y hindi na magkakaroon mula rito ng kamatayan o ng pagkalaglag.’”

22 Sa gayo'y bumuti ang tubig hanggang sa araw na ito, ayon sa salita ni Eliseo na kanyang sinabi.

23 Mula roo'y pumunta siya sa Bethel; at samantalang siya'y nasa daan, may mga kabataan na dumating mula sa bayan, na sinasabi, “Humayo ka, ikaw na kalbo! Humayo ka, ikaw na kalbo!”

24 Nang siya'y lumingon at makita sila, kanyang sinumpa sila sa pangalan ng Panginoon. May lumabas na dalawang osong babae mula sa gubat at nilapa ang apatnapu't dalawang kabataan sa kanila.

25 Mula roo'y pumunta siya sa Bundok ng Carmel, at pagkatapos ay bumalik siya sa Samaria.

Mga Gawa 13:42-14:7

42 At sa pag-alis nina Pablo at Bernabe,[a] nakiusap ang mga tao na ang mga bagay na ito ay muling sabihin sa kanila sa susunod na Sabbath.

43 Nang matapos ang pulong sa sinagoga, marami sa mga Judio at masisipag sa kabanalan na naging Judio ay sumunod kina Pablo at Bernabe, na nagsasalita at humikayat sa kanila na magpatuloy sa biyaya ng Diyos.

44 Nang sumunod na Sabbath ay nagtipon ang halos buong lunsod upang pakinggan ang salita ng Panginoon.[b]

45 Subalit nang makita ng mga Judio ang napakaraming tao, napuno sila ng inggit, nanlapastangan at sinalungat ang mga bagay na sinabi ni Pablo.

46 At nagsalita ng buong katapangan sina Pablo at Bernabe, na nagsasabi, “Kinakailangang ipahayag muna ang salita ng Diyos sa inyo. Yamang inyong itinatakuwil ito, at hinahatulan ninyong hindi kayo karapat-dapat sa buhay na walang hanggan, kami ngayon ay babaling sa mga Hentil.

47 Sapagkat(A) ganito ang ipinag-utos sa amin ng Panginoon, na sinasabi,

‘Inilagay kitang isang ilaw sa mga Hentil,
    upang ikaw ay magdala ng kaligtasan hanggang sa dulo ng daigdig.’”

48 Nang marinig ito ng mga Hentil, nagalak sila at niluwalhati ang salita ng Diyos; at sumampalataya ang lahat ng mga itinalaga sa buhay na walang hanggan.

49 Kaya't lumaganap ang salita ng Panginoon sa buong lupain.

50 Subalit inudyukan ng mga Judio ang mga kilalang babaing masisipag sa kabanalan at ang mga pangunahing lalaki sa lunsod, at nagsimula ng pag-uusig laban kina Pablo at Bernabe, at kanilang pinalayas sila sa kanilang mga nasasakupan.

51 Kaya't(B) ipinagpag nila ang alikabok ng kanilang mga paa laban sa kanila, at nagtungo sila sa Iconio.

52 At ang mga alagad ay napuspos ng kagalakan at ng Espiritu Santo.

Sa Iconio

14 Ang gayunding bagay ay nangyari din sa Iconio, na doon sina Pablo at Bernabe[c] ay magkasamang pumasok sa sinagoga ng mga Judio, at nagsalita ng gayon na sumampalataya ang marami sa mga Judio at sa mga Griyego.

Ngunit inudyukan ng mga hindi nananampalatayang Judio ang mga Hentil, at nilason ang kanilang isipan laban sa mga kapatid.

Kaya't nanatili sila ng mahabang panahon na nagsasalita ng buong katapangan para sa Panginoon, na nagpapatotoo sa salita ng kanyang biyaya sa pamamagitan ng pagkakaloob ng mga tanda at mga kababalaghan na gawin ng kanilang mga kamay.

Ngunit nagkabaha-bahagi ang mga taong-bayan sa lunsod. Ang iba ay pumanig sa mga Judio, at ang iba ay sa mga apostol.

Nang magtangka ang mga Hentil at ang mga Judio, kasama ang kanilang mga pinuno, upang sila'y saktan at batuhin,

nalaman ito ng mga apostol[d] at sila'y tumakas patungo sa Listra at Derbe, na mga lunsod ng Licaonia at sa palibot na lupain,

at doon nila ipinangaral ang magandang balita.

Mga Awit 139

Sa Punong Mang-aawit. Awit ni David.

139 O Panginoon, siniyasat mo ako at nakilala mo ako.
Iyong nalalaman kapag ako'y umuupo at kapag ako'y tumatayo;
    nababatid mo ang aking pag-iisip mula sa malayo.
Iyong sinisiyasat ang aking landas at ang paghiga ko,
    at ang lahat kong mga lakad ay nalalaman mo.
Bago pa man magkaroon ng salita sa dila ko,
    O Panginoon, lahat ng iyon ay alam mo.
Iyong pinaligiran ako sa likuran at sa harapan,
    at ipinatong mo sa akin ang iyong kamay.
Ang gayong kaalaman ay lubhang kahanga-hanga para sa akin;
    ito ay matayog, hindi ko kayang abutin.

Saan ako pupunta mula sa iyong Espiritu?
    O saan ako tatakas mula sa harapan mo?
Kung ako'y umakyat sa langit, ikaw ay naroon!
    Kung gawin ko ang aking higaan sa Sheol, ikaw ay naroon!
Kung aking kunin ang mga pakpak ng umaga,
    at sa mga pinakadulong bahagi ng dagat ako'y tumira,
10 doon ma'y papatnubayan ako ng iyong kamay,
    at hahawakan ako ng iyong kanang kamay.
11 Kung aking sabihin, “Takpan nawa ako ng dilim,
    at maging gabi ang liwanag na nakapalibot sa akin,”
12 kahit ang kadiliman ay hindi madilim sa iyo,
    at ang gabi ay kasinliwanag ng araw;
    ang kadiliman at kaliwanagan ay magkatulad sa iyo.

13 Sapagkat hinubog mo ang aking mga nasa loob na bahagi,
    at sa bahay-bata ng aking ina ako'y iyong hinabi.
14 Ako'y magpapasalamat sa iyo sapagkat ang pagkagawa sa akin ay kakilakilabot at kamanghamangha.
    Ang iyong mga gawa ay kahangahanga;
at iyon ay nalalamang mabuti ng aking kaluluwa.
15 Ang katawan ko'y hindi nakubli sa iyo,
nang ako'y lihim na ginagawa,
    mahusay na binuo sa kalaliman ng lupa.
16 Nakita ng iyong mga mata ang aking wala pang anyong sangkap;
at sa iyong aklat bawat isa sa mga iyon ay nakasulat,
    ang mga araw na sa akin ay itinakda,
    nang wala pang anuman sa kanila.
17 Napakahalaga sa akin ng iyong mga pag-iisip, O Diyos!
    Napakalawak ng kabuuan ng mga iyon!
18 Kung aking bibilangin, ang mga iyon ay marami pa kaysa buhangin.
    Kapag ako'y nagigising, ako'y kasama mo pa rin.

19 Sana'y patayin mo, O Diyos, ang masama,
    kaya't layuan ninyo ako, mga taong nagpapadanak ng dugo.
20 Sapagkat sila'y nagsasalita laban sa iyo ng kasamaan,
    at ginagamit ng iyong mga kaaway ang iyong pangalan sa walang kabuluhan.
21 Hindi ba kinapopootan ko silang napopoot sa iyo, O Panginoon?
    At hindi ba kinasusuklaman ko silang laban sa iyo'y bumabangon?
22 Kinapopootan ko sila ng lubos na pagkapoot;
    itinuturing ko sila na aking mga kaaway.
23 Siyasatin mo ako, O Diyos, at alamin mo ang aking puso;
    subukin mo ako, at alamin mo ang mga pag-iisip ko!
24 At tingnan mo kung may anumang lakad ng kasamaan sa akin,
    at patnubayan mo ako sa daang walang hanggan.

Mga Kawikaan 17:19-21

19 Ang umiibig sa pagsalangsang ay umiibig sa alitan;
    ang nagtataas ng kanyang pintuan ay humahanap ng kapahamakan.
20 Ang taong may baluktot na diwa ay hindi sasagana,
    at siyang may masamang dila ay nahuhulog sa sakuna.
21 Ang anak na hangal sa kanyang ama'y kalungkutan,
    at ang ama ng isang hangal ay walang kagalakan.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001