Print Page Options Listen to Reading
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the CSB. Switch to the CSB to read along with the audio.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
2 Samuel 18:1-19:10

Si Absalom ay Natalo at Pinatay

18 Pagkatapos ay tinipon ni David ang mga tauhang kasama niya, at naglagay sa kanila ng mga pinuno sa mga libu-libo at pinuno ng mga daan-daan.

Pinahayo ni David ang hukbo, ang isang ikatlong bahagi ay sa pamumuno ni Joab, at ang isa pang ikatlong bahagi ay sa pamumuno ni Abisai na anak ni Zeruia, na kapatid ni Joab, at ang isa pang ikatlong bahagi ay sa pamumuno ni Itai na Geteo. At sinabi ng hari sa hukbo, “Ako man ay lalabas ding kasama ninyo.”

Ngunit sinabi ng mga tao, “Hindi ka dapat lumabas, sapagkat kung kami man ay tumakas, hindi nila kami papansinin. Kung ang kalahati sa amin ay mamatay, hindi nila kami papansinin. Ngunit ang katumbas mo ay sampung libo sa amin; kaya't mas mabuti na ikaw ay magpadala ng tulong sa amin mula sa lunsod.”

Sinabi ng hari sa kanila, “Kung ano ang inaakala ninyong mabuti ay aking gagawin.” At ang hari ay tumayo sa tabi ng pintuang-bayan, samantalang ang buong hukbo ay lumabas na daan-daan at libu-libo.

At ang hari ay nag-utos kina Joab, Abisai, at Itai, “Pakitunguhan ninyong may kaawaan ang kabataang si Absalom, alang-alang sa akin.” At narinig ng buong bayan nang nagbilin ang hari sa lahat ng punong-kawal tungkol kay Absalom.

Kaya't lumabas ang hukbo sa kaparangan laban sa Israel; at ang labanan ay naganap sa gubat ng Efraim.

Ang hukbo ng Israel ay natalo doon ng mga lingkod ni David, at nagkaroon ng malaking patayan doon sa araw na iyon na may dalawampung libong katao.

Ang labanan ay kumalat sa ibabaw ng buong lupain; at ang gubat ay lumamon ng mas maraming tao sa araw na iyon kaysa sa tabak.

Nakasagupa ni Absalom ang mga lingkod ni David. Si Absalom ay nakasakay sa kanyang mola, at ang mola ay nagdaan sa ilalim ng mayabong na mga sanga ng isang malaking ensina. Ang kanyang ulo ay nasabit sa ensina, at siya'y naiwang nakabitin sa pagitan ng langit at lupa, samantalang ang molang nasa ilalim niya ay nagpatuloy.

10 Nakita siya ng isang lalaki at sinabi kay Joab, “Tingnan ninyo, nakita ko si Absalom na nakabitin sa isang ensina.”

11 Sinabi ni Joab sa lalaking nagsabi sa kanya, “Ano, nakita mo siya! Bakit hindi mo siya agad pinatay doon? Matutuwa sana akong bigyan ka ng sampung pirasong pilak at isang pamigkis.”

12 Ngunit sinabi ng lalaki kay Joab, “Kahit maramdaman ko sa aking kamay ang bigat ng isang libong pirasong pilak, hindi ko iuunat ang aking kamay laban sa anak ng hari; sapagkat sa aming pandinig ay ibinilin ng hari sa iyo, kay Abisai, at kay Itai, ‘Alang-alang sa akin ay ingatan ninyo ang kabataang si Absalom.’

13 Sa ibang paraan, kung ako'y gumawa ng pagtataksil laban sa kanyang buhay (at walang bagay na maikukubli sa hari), ikaw man sa iyong sarili ay hindi mananagot.”

14 Nang magkagayo'y sinabi ni Joab, “Hindi ako magsasayang ng panahon na gaya nito sa iyo.” At siya'y kumuha ng tatlong palaso sa kanyang kamay at itinusok sa puso ni Absalom, samantalang siya'y buháy pa sa gitna ng ensina.

15 Sampung kabataang lalaki na tagadala ng sandata ni Joab ang pumalibot kay Absalom at kanilang pinatay siya.

16 Hinipan ni Joab ang trumpeta at ang hukbo ay bumalik mula sa pagtugis sa Israel; sapagkat pinigil sila ni Joab.

17 Kanilang kinuha si Absalom at kanilang inihagis siya sa isang malaking hukay sa gubat, at tinabunan siya ng isang malaking bunton ng bato. At ang buong Israel ay tumakas, bawat isa sa kanyang tolda.

18 Si Absalom noong nabubuhay pa ay kumuha at nagtayo para sa kanyang sarili ng haligi na nasa libis ng hari, sapagkat kanyang sinabi, “Wala akong anak na lalaki na mag-iingat ng alaala ng aking pangalan,” at kanyang tinawag ang haligi ayon sa kanyang sariling pangalan at ito ay tinawag na bantayog ni Absalom hanggang sa araw na ito.

Ibinalita kay David ang Pagkamatay ni Absalom

19 Sinabi ni Ahimaaz na anak ni Zadok, “Patakbuhin mo ako ngayon upang magdala ng balita sa hari na iniligtas siya ng Panginoon sa kamay ng kanyang mga kaaway.”

20 At sinabi ni Joab sa kanya, “Hindi ka magdadala ng balita sa araw na ito; magdadala ka ng balita sa ibang araw. Ngunit sa araw na ito ay hindi ka magdadala ng balita, sapagkat ang anak ng hari ay patay na.”

21 Nang magkagayo'y sinabi ni Joab sa Cusita, “Humayo ka, sabihin mo sa hari kung ano ang iyong nakita.” At ang Cusita ay yumukod kay Joab at tumakbo.

22 Sinabing muli ni Ahimaaz na anak ni Zadok kay Joab, “Anuman ang mangyari, hayaan mong tumakbo rin akong kasunod ng Cusita.” At sinabi ni Joab, “Bakit ka tatakbo, anak ko, gayong wala kang makukuhang gantimpala para sa balita?”

23 “Kahit anong mangyari, ako ay tatakbo,” ang sabi niya. Kaya't sinabi niya sa kanya, “Tumakbo ka.” Nang magkagayo'y tumakbo si Ahimaaz sa daan ng kapatagan, at naunahan ang Cusita.

24 Noon si David ay nakaupo sa pagitan ng dalawang pintuang-bayan; at ang bantay ay umakyat sa bubong ng pintuang-bayan sa may pader, at nang tumanaw siya sa malayo, nakita niya ang isang lalaking tumatakbong nag-iisa.

25 Sumigaw ang bantay at sinabi sa hari. At sinabi ng hari, “Kung siya'y nag-iisa, may balita sa kanyang bibig.” At siya'y nagpatuloy at lumapit.

26 At ang bantay ay nakakita ng isa pang lalaki na tumatakbo at tinawag ng bantay ang bantay-pinto, at sinabi, “Tingnan ninyo, may isa pang lalaking tumatakbong nag-iisa.” At sinabi ng hari, “Siya'y may dala ring balita.”

27 Sinabi ng bantay, “Sa palagay ko'y ang takbo ng nauuna ay gaya ng takbo ni Ahimaaz na anak ni Zadok.” At sinabi ng hari, “Siya'y mabuting tao at dumarating na may dalang mabuting balita.”

28 Tumawag si Ahimaaz sa hari, “Lahat ay mabuti.” At siya'y nagpatirapa sa lupa sa harap ng hari, at nagsabi, “Purihin ang Panginoon mong Diyos na nagbigay ng mga lalaking nagtaas ng kanilang kamay laban sa aking panginoong hari.”

29 At sinabi ng hari, “Ligtas ba ang kabataang si Absalom?” Sumagot si Ahimaaz, “Nang ako'y suguin ni Joab na iyong lingkod, ako'y nakakita ng isang malaking kaguluhan, ngunit hindi ko alam kung ano iyon.”

30 Sinabi ng hari, “Tumabi ka at tumayo ka doon.” Siya nga'y tumabi at tumayong tahimik.

31 At ang Cusita ay dumating; at sinabi ng Cusita, “Mabuting balita para sa aking panginoong hari! Sapagkat iniligtas ka ng Panginoon sa araw na ito mula sa kamay ng lahat ng naghimagsik laban sa iyo.”

32 Sinabi ng hari sa Cusita, “Ligtas ba ang kabataang si Absalom?” At sumagot ang Cusita, “Ang mga kaaway ng aking panginoong hari, at ang lahat ng naghimagsik laban sa iyo upang gawan ka ng masama ay maging gaya nawa ng kabataang iyon.”

33 [a] Nabagbag ang damdamin ng hari at umakyat siya sa silid na nasa ibabaw ng pintuang-bayan, at umiyak. Habang siya'y humahayo ay sinasabi niya, “O anak kong Absalom, anak ko, anak kong Absalom! Ako na sana ang namatay sa halip na ikaw, O Absalom, anak ko, anak ko!”

Pinagsabihan ni Joab si David

19 Sinabi kay Joab, “Ang hari ay tumatangis at nagluluksa para kay Absalom.”

Kaya't ang tagumpay[b] sa araw na iyon ay naging pagluluksa para sa buong bayan, sapagkat narinig ng bayan nang araw na iyon, “Ang hari ay nagdadalamhati dahil sa kanyang anak.”

Ang taong-bayan ay patagong pumasok sa lunsod nang araw na iyon gaya ng pagpasok ng bayang napapahiya kapag sila'y tumatakas sa labanan.

Tinakpan ng hari ang kanyang mukha at siya ay sumigaw ng malakas. “O anak kong Absalom, O Absalom, anak ko, anak ko!”

Pumasok si Joab sa bahay, lumapit sa hari at nagsabi, “Tinakpan mo ng kahihiyan ang mga mukha ng lahat ng iyong lingkod na sa araw na ito ay nagligtas ng iyong buhay at ng mga buhay ng iyong mga anak na lalaki at babae, at ng mga buhay ng iyong mga asawa, at ng mga buhay ng iyong mga asawang-lingkod,

sapagkat iniibig mo ang mga napopoot sa iyo at kinapopootan mo ang mga umiibig sa iyo. Ipinahayag mo sa araw na ito na ang mga pinuno at mga lingkod ay walang kabuluhan sa iyo. Sa araw na ito ay aking napag-alaman na kung si Absalom ay buháy at kaming lahat ay namatay ngayon, ikaw ay masisiyahan.

Ngayon nga'y bumangon ka, lumabas ka, at magsalita na may kagandahang-loob sa iyong mga lingkod. Sapagkat isinusumpa ko sa pangalan ng Panginoon, na kung ikaw ay hindi lalabas, wala ni isang taong maiiwan sa iyo sa gabing ito; at ito'y magiging masahol sa iyo kaysa lahat ng kasamaang sumapit sa iyo mula nang iyong kabataan hanggang ngayon.”

Nang magkagayo'y tumindig ang hari at naupo sa pintuang-bayan. At sinabi sa buong bayan, “Tingnan ninyo, ang hari ay nakaupo sa pintuang-bayan;” at ang buong bayan ay pumaroon sa harap ng hari. Samantala, ang lahat ng Israelita ay umalis patungo sa kanya-kanyang tolda.

Ang lahat ng mga tao ay nagtalu-talo sa buong lipi ng Israel, na sinasabi, “Iniligtas tayo ng hari sa kamay ng ating mga kaaway; at iniligtas niya tayo sa kamay ng mga Filisteo; at ngayo'y tumakas siya papalabas sa lupain mula kay Absalom.

10 Subalit si Absalom na ating hinirang[c] upang maghari sa atin ay namatay sa labanan. Ngayon nga'y bakit hindi kayo nagsasalita ng tungkol sa pagpapabalik sa hari?”

Juan 20

Libingang Walang Laman(A)

20 Nang unang araw ng sanlinggo ay maagang pumunta sa libingan si Maria Magdalena, samantalang madilim pa, at nakitang ang bato ay naalis na sa libingan.

Kaya't tumakbo siya at pumunta kay Simon Pedro at sa alagad na minamahal ni Jesus, at sa kanila'y sinabi, “Kinuha nila sa libingan ang Panginoon, at hindi namin alam kung saan nila siya inilagay.”

Kaya't umalis si Pedro kasama ang isa pang alagad at pumunta sila sa libingan.

Silang dalawa'y tumakbong magkasama, subalit ang isang alagad ay mas matuling tumakbo kaysa kay Pedro, at naunang dumating sa libingan.

At siya'y yumuko upang tingnan ang loob, at nakita niyang nakalatag ang mga telang lino. Subalit hindi siya pumasok sa loob.

Dumating naman si Simon Pedro na sumusunod sa kanya, pumasok siya sa libingan at nakita niyang nakalatag ang mga telang lino,

at ang damit na inilagay sa kanyang ulo ay hindi kasamang nakalatag ng mga telang lino, kundi bukod na nakatiklop sa isang tabi.

Pumasok din ang alagad na unang dumating sa libingan at kanyang nakita at siya'y naniwala.

Sapagkat hindi pa nila nauunawaan ang kasulatan na kailangang siya'y bumangon mula sa mga patay.

10 At ang mga alagad ay bumalik na sa kani-kanilang mga tahanan.

Nagpakita si Jesus kay Maria Magdalena(B)

11 Ngunit si Maria ay nakatayong umiiyak sa labas ng libingan. Habang umiiyak, siya'y yumuko at tumingin sa loob ng libingan.

12 At nakita niya ang dalawang anghel na nakaputi, na nakaupo sa hinigaan ng katawan ni Jesus, ang isa'y sa ulunan, at ang isa'y sa paanan.

13 Sinabi nila sa kanya, “Babae, bakit ka umiiyak?” Sinabi niya sa kanila, “Sapagkat kinuha nila ang aking Panginoon, at hindi ko alam kung saan nila siya inilagay.”

14 Pagkasabi nito, siya'y lumingon at nakitang nakatayo si Jesus. Subalit hindi niya alam na iyon ay si Jesus.

15 Sinabi sa kanya ni Jesus, “Babae, bakit ka umiiyak? Sino ang hinahanap mo?” Sa kanyang pag-aakalang iyon ay ang hardinero, ay sinabi niya sa kanya, “Ginoo, kung ikaw ang kumuha sa kanya ay sabihin mo sa akin kung saan mo siya inilagay, at siya'y aking kukunin.”

16 Sinabi sa kanya ni Jesus, “Maria.” Humarap siya, at sinabi sa kanya sa wikang Hebreo, “Rabboni!” (na ang ibig sabihin ay Guro).

17 Sinabi sa kanya ni Jesus, “Huwag mo akong hawakan, sapagkat hindi pa ako nakakaakyat sa Ama. Ngunit pumunta ka sa aking mga kapatid, at sabihin mo sa kanila, ‘Aakyat ako sa aking Ama at inyong Ama, sa aking Diyos at inyong Diyos.’”

18 Pumunta si Maria Magdalena at ibinalita sa mga alagad, “Nakita ko ang Panginoon;” at sinabi niya sa kanila na sinabi niya ang mga bagay na ito sa kanya.

Nagpakita si Jesus sa Kanyang mga Alagad(C)

19 Nang magdadapit-hapon na ng araw na iyon, na unang araw ng linggo, habang nakasara ang mga pinto sa kinaroroonan ng mga alagad dahil sa takot sa mga Judio, dumating si Jesus at tumayo sa gitna, at sa kanila'y sinabi, “Kapayapaan ang sumainyo.”

20 At nang masabi niya ito ay kanyang ipinakita sa kanila ang kanyang mga kamay at tagiliran. Kaya't ang mga alagad ay nagalak nang makita nila ang Panginoon.

21 Muling sinabi sa kanila ni Jesus, “Kapayapaan ang sumainyo. Kung paanong sinugo ako ng Ama ay sinusugo ko rin naman kayo.”

22 At nang masabi niya ito, sila'y hiningahan niya, at sa kanila'y sinabi, “Tanggapin ninyo ang Espiritu Santo.

23 Kung(D) inyong patawarin ang mga kasalanan ng sinuman, ang mga iyon ay ipinatatawad sa kanila. Sinumang hindi ninyo patawarin ng mga kasalanan, iyon ay hindi ipinatatawad.”

Si Jesus at si Tomas

24 Ngunit si Tomas, isa sa labindalawa na tinatawag na Kambal[a] ay hindi nila kasama nang dumating si Jesus.

25 Kaya't sinabi sa kanya ng ibang mga alagad, “Nakita namin ang Panginoon.” Ngunit sinabi niya sa kanila, “Malibang makita ko sa kanyang mga kamay ang bakas ng mga pako, at mailagay ko ang aking daliri sa binutas ng mga pako, at mailagay ko ang aking kamay sa kanyang tagiliran ay hindi ako maniniwala.”

26 Pagkaraan ng walong araw ay muling nasa loob ng bahay ang kanyang mga alagad, at kasama nila si Tomas. Nakasara ang mga pinto, subalit pumasok si Jesus, at tumayo sa gitna, at sinabi, “Kapayapaan ang sumainyo.”

27 At sinabi niya kay Tomas, “Ilagay mo rito ang iyong daliri at tingnan mo ang aking mga kamay. Ilapit mo rito ang iyong kamay at ilagay mo sa aking tagiliran. Huwag kang mag-alinlangan kundi sumampalataya.”

28 Sumagot si Tomas at sinabi sa kanya, “Panginoon ko at Diyos ko!”

29 Sinabi sa kanya ni Jesus, “Sapagkat ako'y nakita mo ay sumampalataya ka. Mapapalad ang hindi nakakita, gayunma'y sumasampalataya.”

Layunin ng Aklat na Ito

30 Gumawa si Jesus ng marami pang ibang mga tanda sa harapan ng kanyang mga alagad, na hindi naisulat sa aklat na ito.

31 Ngunit ang mga ito ay isinulat upang kayo'y sumampalataya na si Jesus ang Cristo, ang Anak ng Diyos; at sa pagsampalataya ay magkaroon kayo ng buhay sa kanyang pangalan.

Mga Awit 119:153-176

RESH.

153 Pagmasdan mo ang aking kadalamhatian at iligtas mo ako;
    sapagkat hindi ko kinalilimutan ang kautusan mo.
154 Ipaglaban mo ang aking layunin, at tubusin mo ako,
    muling buhayin mo ako ayon sa iyong pangako!
155 Ang kaligtasan ay malayo sa masama,
    sapagkat hindi nila hinahanap ang iyong mga batas.
156 O Panginoon, dakila ang kaawaan mo,
    muling buhayin mo ako ayon sa katarungan mo.
157 Marami ang umuusig sa akin at mga kaaway ko;
    ngunit hindi ako humihiwalay sa iyong mga patotoo.
158 Namasdan ko ang mga taksil at ako'y nasuklam,
    sapagkat hindi nila sinusunod ang iyong mga salita.
159 Isaalang-alang mo kung paanong iniibig ko ang mga tuntunin mo!
    Muling buhayin mo ako ayon sa tapat na pag-ibig mo.
160 Ang kabuuan ng iyong salita ay katotohanan;
    at bawat isa sa iyong matuwid na batas ay nananatili magpakailanman.

SIN.

161 Inuusig ako ng mga pinuno nang walang dahilan,
    ngunit ang puso ko'y namamangha sa iyong mga salita.
162 Ako'y nagagalak sa iyong salita
    gaya ng isang nakatagpo ng malaking samsam.
163 Aking kinapopootan at kinasusuklaman ang kasinungalingan,
    ngunit iniibig ko ang iyong kautusan.
164 Pitong ulit sa isang araw ikaw ay pinupuri ko,
    sapagkat matuwid ang mga batas mo.
165 May dakilang kapayapaan ang mga umiibig sa iyong kautusan,
    walang anumang sa kanila ay makapagpapabuwal.
166 O Panginoon, sa iyong pagliligtas ay umaasa ako,
    at tinutupad ko ang mga utos mo.
167 Sinusunod ng aking kaluluwa ang mga patotoo mo;
    lubos ko silang minamahal.
168 Aking tinutupad ang iyong mga tuntunin at ang iyong mga patotoo;
    sapagkat lahat ng aking lakad ay nasa harapan mo.

TAU.

169 O Panginoon, sa harapan mo ang aking daing ay dumating nawa;
    bigyan mo ako ng pagkaunawa ayon sa iyong salita!
170 Sa harapan mo ang aking panalangin ay dumating nawa,
    iligtas mo ako ayon sa iyong salita.
171 Umawit nawa ng papuri ang mga labi ko,
    sapagkat itinuturo mo sa akin ang mga batas mo.
172 Awitin nawa ng aking dila ang iyong salita,
    sapagkat lahat ng mga utos mo ay matuwid.
173 Maging handa nawa ang iyong kamay na tulungan ako,
    sapagkat aking pinili ang mga alituntunin mo.
174 O Panginoon, ang iyong pagliligtas ay aking kinasasabikan,
    at ang iyong kautusan ay aking kasiyahan.
175 Hayaan mo akong mabuhay, upang ako'y makapagpuri sa iyo,
    at tulungan nawa ako ng mga batas mo.
176 Ako'y naligaw na parang tupang nawala; hanapin mo ang iyong lingkod,
    sapagkat hindi ko kinalilimutan ang iyong mga utos.

Mga Kawikaan 16:14-15

14 Ang poot ng hari ay isang sugo ng kamatayan,
    ngunit papayapain ito ng taong may karunungan.
15 Sa liwanag ng mukha ng hari ay mayroong buhay,
    at ang kanyang lingap ay parang ulap na sa tagsibol ay may dalang ulan.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001