Print Page Options Listen to Reading
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the CSB. Switch to the CSB to read along with the audio.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
2 Samuel 19:11-20:13

Nagpasimulang Bumalik si David sa Jerusalem

11 Nagpadala ng mensahe si Haring David kay Zadok at kay Abiatar na mga pari, na sinasabi, “Sabihin ninyo sa matatanda ng Juda, ‘Bakit kayo ang dapat maging huli sa pagpapabalik sa hari sa kanyang bahay, gayong ang pananalita ng buong Israel ay dumating na sa hari?

12 Kayo'y aking mga kapatid, kayo'y aking buto at aking laman, bakit kayo ang dapat maging huli sa pagpapabalik sa hari?’

13 Sabihin ninyo kay Amasa, ‘Hindi ba ikaw ay aking buto at laman? Gawin ng Diyos sa akin, at higit pa, kung ikaw ay hindi maging pinuno ng aking hukbo mula ngayon bilang kapalit ni Joab.’”

14 Nahikayat ni Amasa[a] ang puso ng lahat ng mga lalaki ng Juda na parang isang tao; kaya't sila'y nagpasabi sa hari, “Bumalik ka, ikaw at ang lahat mong mga lingkod.”

15 Kaya't bumalik ang hari sa Jordan; at ang Juda ay dumating sa Gilgal upang salubungin ang hari at upang itawid ang hari sa Jordan.

16 Si(A) Shimei na anak ni Gera, na Benjaminita, na taga-Bahurim ay nagmadali upang lumusong na kasama ang mga lalaki ng Juda at salubungin si Haring David.

17 Kasama niya ang may isanlibong lalaki ng Benjamin. At si Ziba na lingkod sa sambahayan ni Saul, at ang kanyang labinlimang anak at dalawampung lingkod ay tumawid sa Jordan sa harapan ng hari.

18 Sila'y tumawid sa tawiran upang itawid ang sambahayan ng hari, at gawin ang kanyang inaakalang mabuti. At si Shimei na anak ni Gera ay nagpatirapa sa harap ng hari nang siya'y malapit nang tumawid sa Jordan.

Nagpakita ng Kabutihan si David kay Shimei

19 At sinabi niya sa hari, “Huwag nawa akong ituring ng panginoon na nagkasala o alalahanin man ang ginawang kamalian ng iyong lingkod nang araw na ang aking panginoong hari ay umalis sa Jerusalem. Huwag nawang isipin iyon ng hari.

20 Sapagkat nalalaman ng iyong lingkod na ako'y nagkasala; kaya't ako'y naparito sa araw na ito, ang una sa lahat ng sambahayan ni Jose na lumusong upang salubungin ang aking panginoong hari.”

21 Si Abisai na anak ni Zeruia ay sumagot, “Hindi ba dapat patayin si Shimei dahil dito, sapagkat kanyang nilait ang hinirang[b] ng Panginoon?”

22 Ngunit sinabi ni David, “Ano ang pakialam ko sa inyo, mga anak ni Zeruia, na kayo'y magiging mga kaaway ko sa araw na ito? Mayroon bang papatayin sa araw na ito sa Israel? Sapagkat hindi ko ba nalalaman na ako'y hari sa Israel sa araw na ito?”

23 Sinabi ng hari kay Shimei, “Ikaw ay hindi mamamatay.” At ang hari ay sumumpa sa kanya.

Nagpakita ng Kabutihan si David kay Mefiboset

24 Si(B) Mefiboset na anak ni Saul ay lumusong upang salubungin ang hari. Hindi siya naghugas ng kanyang mga paa, o inahitan man ang kanyang balbas, o nilabhan man ang kanyang mga damit, mula nang araw na ang hari ay umalis hanggang sa araw na siya'y umuwing ligtas sa bahay.

25 Nang siya'y dumating mula sa Jerusalem upang salubungin ang hari, sinabi ng hari sa kanya, “Bakit hindi ka humayong kasama ko, Mefiboset?”

26 At siya'y sumagot, “Panginoon ko, O hari, dinaya ako ng aking lingkod; sapagkat sinabi ng iyong lingkod, ‘Ako'y ipaghanda ng isang asno, upang aking masakyan at humayong kasama ng hari;’ sapagkat ang iyong lingkod ay pilay.

27 Kanyang siniraang-puri ang iyong lingkod sa aking panginoong hari. Ngunit ang panginoon kong hari ay gaya ng isang anghel ng Diyos; kaya't gawin mo kung ano ang minamabuti mo.

28 Sapagkat lahat ng sambahayan ng aking ama ay mga taong patungo sa kamatayan sa harapan ng panginoon kong hari: gayunma'y inilagay mo ang iyong lingkod na kasama ng mga kumakain sa iyong hapag. Kung gayon, ano pang karapatan mayroon ako upang makiusap sa hari?”

29 At sinabi ng hari sa kanya, “Huwag ka nang magsalita pa. Aking naipasiya na. Ikaw at si Ziba ay maghahati sa lupa.”

30 Sinabi ni Mefiboset sa hari, “Hayaan mo nang kunin niyang lahat, yamang ang aking panginoong hari ay nakauwing ligtas sa kanyang sariling bahay.”

Nagpakita ng Kabutihan si David kay Barzilai

31 At(C) si Barzilai na Gileadita ay lumusong mula sa Rogelim. Siya'y tumawid sa Jordan na kasama ng hari, upang ihatid siya sa kabila ng Jordan.

32 Si Barzilai ay lalaking napakatanda na, walumpung taong gulang. Binigyan niya ng pagkain ang hari samantalang siya'y nasa Mahanaim; sapagkat siya'y isang napakayamang tao.

33 At sinabi ng hari kay Barzilai, “Tumawid kang kasama ko, at aking pakakainin kang kasama ko sa Jerusalem.”

34 Ngunit sinabi ni Barzilai sa hari, “Gaano na lamang ang mga taon na aking ikabubuhay, na ako'y aahon pa sa Jerusalem na kasama ng hari?

35 Ako'y walumpung taon na sa araw na ito, malalaman ko pa ba kung ano ang mabuti? Malalasahan pa ba ng iyong lingkod ang kanyang kinakain at iniinom? Maririnig ko pa ba ang tinig ng mang-aawit na lalaki at babae? Bakit pa magiging dagdag na pasan ang iyong lingkod sa aking panginoong hari?

36 Ang iyong lingkod ay hahayo lamang ng kaunti sa kabila ng Jordan na kasama ng hari. Bakit gagantihan ako ng hari ng ganyang gantimpala?

37 Hinihiling ko sa iyo na pabalikin mo ang iyong lingkod, upang ako'y mamatay sa aking sariling bayan, malapit sa libingan ng aking ama at ng aking ina. Ngunit narito ang iyong lingkod na Chimham; hayaan siyang tumawid na kasama ng aking panginoong hari; at gawin mo sa kanya kung ano ang inaakala mong mabuti.”

38 Sumagot ang hari, “Si Chimham ay tatawid na kasama ko, at gagawin ko sa kanya ang inaakala mong mabuti; at lahat ng iyong nais sa akin ay aking gagawin alang-alang sa iyo.”

39 At ang buong bayan ay tumawid sa Jordan, at ang hari ay tumawid. At hinagkan ng hari si Barzilai, at binasbasan siya; at siya'y umuwi sa kanyang sariling tahanan.

40 Ang hari ay nagtungo sa Gilgal at si Chimham ay nagtungong kasama niya. Inihatid ang hari ng buong bayan ng Juda at ng kalahati ng bayan ng Israel.

41 Lahat ng kalalakihan ng Israel ay pumunta sa hari, at sinabi sa hari, “Bakit ka ninakaw ng aming mga kapatid na mga lalaki ng Juda, at itinawid ang hari at ang kanyang sambahayan sa Jordan, at ang lahat ng tauhan ni David na kasama niya?”

42 Lahat ng mamamayan ng Juda ay sumagot sa mga mamamayan ng Israel, “Sapagkat ang hari ay malapit naming kamag-anak. Bakit kayo nagagalit dahil sa bagay na ito? Mayroon ba kaming kinain na ginastusan ng hari? O binigyan ba niya kami ng anumang kaloob?”

43 Ngunit sinagot ng mga mamamayan ng Israel ang mga mamamayan ng Juda, “Kami ay may sampung bahagi sa hari, at kay David ay mayroon kaming higit kaysa inyo. Bakit ninyo kami hinahamak? Hindi ba kami ang unang nagsalita tungkol sa pagpapabalik sa aming hari?” Ngunit ang mga salita ng mga mamamayan ng Juda ay higit na mababagsik kaysa mga salita ng mga mamamayan ng Israel.

Ang Paghihimagsik ni Seba

20 Nagkataon(D) na roon ay may isang masamang tao na ang pangala'y Seba, na anak ni Bicri, na Benjaminita. Kanyang hinipan ang trumpeta, at nagsabi, “Kami ay walang bahagi kay David, o anumang pamana sa anak ni Jesse; bawat tao ay sa kanyang mga tolda, O Israel!”

Kaya't iniwan si David ng lahat ng mga lalaki ng Israel at sumunod kay Seba na anak ni Bicri. Ngunit ang mga anak ni Juda ay matatag na sumunod sa kanilang hari, mula sa Jordan hanggang sa Jerusalem.

At(E) dumating si David sa kanyang bahay sa Jerusalem. Kinuha ng hari ang kanyang sampung asawang-lingkod na siyang iniwan niya upang pangalagaan ang bahay, at inilagay sila sa isang bahay na may bantay. Hinandaan sila ng pagkain ngunit hindi siya sumiping sa kanila. Sa gayo'y nasarhan sila hanggang sa araw ng kanilang kamatayan, na nabubuhay na parang mga balo.

Nang magkagayo'y sinabi ng hari kay Amasa, “Tipunin mo sa akin ang mga lalaki ng Juda sa loob ng tatlong araw, at humarap ka rito.”

Kaya't humayo si Amasa upang tipunin ang Juda; ngunit siya'y naantala nang higit kaysa panahong itinakda sa kanya.

Sinabi ni David kay Abisai, “Si Seba na anak ni Bicri ay gagawa ng higit na masama kaysa ginawa ni Absalom. Kunin mo ngayon ang mga lingkod ng iyong panginoon at habulin ninyo siya, baka siya'y makakuha ng mga may pader na lunsod at makatakas sa ating paningin.”

At lumabas na kasama ni Abisai sina Joab, ang mga Kereteo, mga Peleteo, at ang lahat ng mga mandirigma. Sila'y lumabas sa Jerusalem upang habulin si Seba na anak ni Bicri.

Nang sila'y nasa malaking bato na nasa Gibeon, si Amasa ay dumating upang salubungin sila. Si Joab ay may kasuotang pandigma, at sa ibabaw niyon ay ang pamigkis na may tabak sa kanyang kaluban na nakatali sa kanyang mga balakang. Samantalang siya'y lumalabas ito ay nahulog.

At sinabi ni Joab kay Amasa, “Kumusta ka, kapatid ko?” At hinawakan ni Joab sa balbas si Amasa ng kanyang kanang kamay upang hagkan siya.

10 Ngunit hindi napansin ni Amasa ang tabak na nasa kamay ni Joab. Itinarak ito ni Joab sa katawan ni Amasa at lumuwa ang bituka nito sa lupa at ito ay namatay. Ito ay hindi na niya inulit pa. At hinabol nina Joab at Abisai na kanyang kapatid si Seba na anak ni Bicri.

11 Isa sa mga tauhan ni Joab ay pumanig kay Amasa, at nagsabi, “Sinumang panig kay Joab, at sinumang para kay David, ay sumunod kay Joab.”

12 Samantala, si Amasa ay nakahandusay sa gitna ng lansangan na naliligo sa sariling dugo. At sinumang magdaan at makakita sa kanya ay humihinto. Nang makita ng lalaki na ang lahat ng tao ay huminto, dinala niya si Amasa mula sa lansangan hanggang sa parang, at tinakpan siya ng isang kasuotan.

13 Nang siya'y maialis sa lansangan, ang buong bayan ay sumunod kay Joab upang habulin si Seba na anak ni Bicri.

Juan 21

Nagpakita si Jesus sa Pitong Alagad

21 Pagkatapos ng mga bagay na ito ay nagpakitang muli si Jesus sa mga alagad sa tabi ng dagat ng Tiberias, at siya'y nagpakita sa ganitong paraan.

Magkakasama noon sina Simon Pedro, si Tomas na tinatawag na Kambal, at si Nathanael na taga-Cana ng Galilea, at ang mga anak ni Zebedeo, at dalawa pa sa kanyang mga alagad.

Sinabi(A) sa kanila ni Simon Pedro, “Mangingisda ako.” Sinabi nila sa kanya, “Kami ay sasama rin sa iyo.” Sila'y umalis at sumakay sa bangka. Nang gabing iyon ay wala silang nahuli.

Ngunit nang mag-uumaga na, si Jesus ay tumayo sa tabing-dagat. Subalit hindi nakilala ng mga alagad na iyon ay si Jesus.

Sinabi ni Jesus sa kanila, “Mga anak, mayroon ba kayong nahuling isda?” Sumagot sila sa kanya, “Wala.”

At(B) sinabi niya sa kanila, “Ihulog ninyo ang lambat sa kanang bahagi ng bangka at mayroon kayong makikita.” Inihulog nga nila, at hindi na nila ito mahila dahil sa dami ng mga isda.

Kaya't ang alagad na minamahal ni Jesus ay nagsabi kay Pedro, “Ang Panginoon iyon.” Kaya't nang marinig ni Simon Pedro na iyon ang Panginoon, ay nagbigkis siya ng kanyang tunika (sapagkat siya'y walang damit), at tumalon sa dagat.

Subalit ang ibang alagad ay lumapit sa bangka na hila ang lambat na punô ng isda, sapagkat sila'y hindi malayo sa lupa, kundi halos siyamnapung metro[a] ang layo.

Nang sila'y makadaong sa lupa, nakakita sila roon ng mga nagbabagang uling, at may isdang nakalagay sa ibabaw, at tinapay.

10 Sinabi sa kanila ni Jesus, “Dalhin ninyo rito ang ilang isdang nahuli ninyo ngayon.”

11 Kaya't si Simon Pedro ay sumampa sa bangka, at hinila ang lambat sa lupa na punô ng malalaking isda, na isandaan at limampu't tatlo, at kahit gayon karami ay hindi nasira ang lambat.

12 Sinabi sa kanila ni Jesus, “Halikayo at mag-almusal.” Sinuman sa mga alagad ay hindi nangahas na siya'y tanungin, “Sino ka?” yamang alam nila na iyon ay ang Panginoon.

13 Lumapit si Jesus, dinampot ang tinapay, at ibinigay sa kanila pati ang isda.

14 Ito nga ang ikatlong pagpapakita ni Jesus sa mga alagad, pagkatapos na siya'y bumangon mula sa mga patay.

Inatasan si Pedro

15 Pagkatapos nilang makapag-almusal, sinabi ni Jesus kay Simon Pedro, “Simon, anak ni Juan, minamahal mo ba ako nang higit kaysa mga ito?” Sinabi niya sa kanya, “Opo, Panginoon, nalalaman mo na minamahal kita.” Sinabi ni Jesus[b] sa kanya, “Pakainin mo ang aking mga kordero.”

16 Sa ikalawang pagkakataon ay sinabi niya sa kanya, “Simon, anak ni Juan, minamahal mo ba ako?” Sinabi niya sa kanya, “Opo, Panginoon; nalalaman mo na minamahal kita.” Sinabi niya sa kanya, “Alagaan mo ang aking mga tupa.”

17 Sinabi niya sa kanya sa ikatlong pagkakataon, “Simon, anak ni Juan, minamahal mo ba ako?” Nalungkot si Pedro sapagkat tatlong ulit nang sinabi sa kanya, “Minamahal mo ba ako?” At sinabi niya sa kanya, “Panginoon, nalalaman mo ang lahat ng mga bagay. Nalalaman mo na minamahal kita.” Sinabi sa kanya ni Jesus, “Pakainin mo ang aking mga tupa.

18 Katotohanang sinasabi ko sa iyo, nang ikaw ay bata pa, binibigkisan mo ang iyong sarili at lumalakad ka kung saan mo ibig; ngunit pagtanda mo'y iuunat mo ang iyong mga kamay, at bibigkisan ka ng iba, at dadalhin ka kung saan hindi mo ibig.”

19 Ito'y sinabi niya upang ipahiwatig kung sa anong kamatayan luluwalhatiin niya ang Diyos. At pagkatapos nito ay sinabi niya sa kanya, “Sumunod ka sa akin.”

Si Jesus at ang Ibang Alagad

20 Pagtalikod(C) ni Pedro, nakita niya ang alagad na minamahal ni Jesus na sumusunod. Siya rin iyong nakahilig na malapit kay Jesus sa hapunan at nagsabi, “Panginoon, sino ang magkakanulo sa iyo?”

21 Nang makita siya ni Pedro ay sinabi niya kay Jesus, “Panginoon, at paano naman ang taong ito?”

22 Sinabi sa kanya ni Jesus, “Kung ibig kong siya'y manatili hanggang sa ako'y dumating ay ano nga sa iyo? Sumunod ka sa akin.”

23 Kaya't kumalat ang sabi-sabi sa mga kapatid na ang alagad na iyon ay hindi mamamatay. Subalit hindi sinabi ni Jesus sa kanya na hindi siya mamamatay, kundi, “Kung ibig kong siya'y manatili hanggang sa ako'y dumating ay ano nga sa iyo?”

24 Ito ang alagad na nagpapatotoo sa mga bagay na ito at ang sumulat ng mga ito; at nalalaman namin na ang kanyang patotoo ay tunay.

Pagtatapos

25 Subalit marami pa ring ibang mga bagay na ginawa si Jesus, na kung susulating isa-isa, sa palagay ko, kahit sa sanlibutan mismo ay hindi magkakasiya ang mga aklat na isusulat.

Mga Awit 120

Awit ng Pag-akyat.

120 Sa aking kahirapan ay sa Panginoon ako dumaing,

    at sinagot niya ako.
“O Panginoon, sa mga sinungaling na labi ay iligtas mo ako,
    mula sa dilang mandaraya.”

Anong ibibigay sa iyo,
    at ano pa ang sa iyo ay magagawa,
    ikaw na mandarayang dila?

Matalas na palaso ng mandirigma,
    na may nag-aapoy na baga ng enebro!

Kahabag-habag ako na sa Mesech ay nakikipamayan,
    na sa mga tolda ng Kedar ay naninirahan.
Matagal nang ang aking kaluluwa ay naninirahang
    kasama ng mga napopoot sa kapayapaan.
Ako'y para sa kapayapaan;
    ngunit kapag ako'y nagsasalita,
    sila'y para sa pakikidigma!

Mga Kawikaan 16:16-17

16 Higit kaysa ginto ang pagtatamo ng karunungan,
    mabuti kaysa pumili ng pilak ang magkamit ng kaunawaan.
17 Ang lansangan ng matuwid ay humihiwalay sa kasamaan,
    siyang nag-iingat ng kanyang lakad ay nag-iingat sa kanyang buhay.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001