Print Page Options Listen to Reading
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the CEB. Switch to the CEB to read along with the audio.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
1 Mga Hari 2:1-3:2

Ang Huling Habilin ni David kay Solomon

Nang malapit na ang oras ng pagkamatay ni David, nagbilin siya ng ganito kay Solomon na kanyang anak:

“Ako'y patungo na sa daan ng buong lupa. Magpakalakas ka at magpakalalaki;

at ingatan mo ang bilin ng Panginoon mong Diyos. Lumakad ka sa kanyang mga daan, at ingatan ang kanyang mga tuntunin, mga utos, mga batas, at mga patotoo, ayon sa nasusulat sa kautusan ni Moises, upang ikaw ay magtagumpay sa lahat ng iyong ginagawa, at maging saan ka man bumaling.

Upang pagtibayin ng Panginoon ang kanyang salita na kanyang sinabi tungkol sa akin, na sinasabi, ‘Kung ang iyong mga anak ay mag-iingat sa kanilang lakad, na lalakad sa harap ko na may katapatan ng kanilang buong puso at ng kanilang buong kaluluwa, hindi ka mawawalan ng lalaki sa trono ng Israel.’

“Bukod(A) dito'y alam mo rin ang ginawa ni Joab na anak ni Zeruia sa akin, ang ginawa niya sa dalawang pinuno ng mga hukbo ng Israel, kay Abner na anak ni Ner, at kay Amasa na anak ni Jeter na kanyang pinaslang at nagpadanak ng dugo ng digmaan sa kapayapaan. At kanyang inilagay ang dugo ng digmaan sa kanyang sinturon na nasa kanyang baywang at sa loob ng kanyang mga sandalyas na nasa kanyang mga paa.

Kaya't kumilos ka ayon sa iyong karunungan, at huwag mong hayaang ang kanyang uban sa ulo ay bumabang payapa sa Sheol.

Ngunit(B) pagpakitaan mo ng kagandahang-loob ang mga anak ni Barzilai na Gileadita, at maging kabilang sila sa kumakain sa iyong hapag; sapagkat gayon sila naging tapat sa akin nang ako'y tumakas kay Absalom na iyong kapatid.

Nasa(C) iyo rin si Shimei na anak ni Gera na Benjaminita, na taga-Bahurim, na lumait sa akin ng matindi nang araw na ako'y pumaroon sa Mahanaim, ngunit nang lumusong siya upang salubungin ako sa Jordan, ay isinumpa ko sa kanya sa Panginoon, na sinasabi, ‘Hindi kita papatayin ng tabak.’

Ngayon nga'y huwag mo siyang ituring na walang sala, sapagkat ikaw ay lalaking matalino at malalaman mo kung ano ang dapat gawin sa kanya, at iyong ibababa na may dugo ang kanyang uban sa ulo sa Sheol.”

Namatay si David

10 Pagkatapos, si David ay natulog[a] na kasama ng kanyang mga ninuno, at inilibing sa lunsod ni David.

11 Ang(D) mga panahon na naghari si David sa Israel ay apatnapung taon; pitong taong naghari siya sa Hebron, at tatlumpu't tatlong taon siyang naghari sa Jerusalem.

12 At(E) si Solomon ay umupo sa trono ni David na kanyang ama, at ang kanyang kaharian ay matibay na itinatag.

Hiniling ni Adonias na Maging Asawa si Abisag

13 Pagkatapos, si Adonias na anak ni Hagit ay naparoon kay Batseba na ina ni Solomon. Kanyang sinabi, “Naparito ka bang payapa?” At sinabi niya, “Payapa.”

14 Sinabi pa niya, “Mayroon pa akong sasabihin sa iyo.” At sinabi niya, “Sabihin mo.”

15 At kanyang sinabi, “Alam mo na ang kaharian ay naging akin, at umasa ang buong Israel na ako ang maghahari; ngunit ang kaharian ay nagbago, at napunta sa aking kapatid, sapagkat iyon ay kanya mula sa Panginoon.

16 Ngayo'y mayroon akong isang kahilingan sa iyo, huwag mo akong tanggihan.” At sinabi niya sa kanya, “Sabihin mo.”

17 At(F) kanyang sinabi, “Ipinapakiusap ko sa iyo na iyong hingin kay Haring Solomon, sapagkat hindi ka niya tatanggihan, na ibigay niya sa akin si Abisag na Sunamita bilang asawa.”

18 Sinabi ni Batseba, “Mabuti; ako'y makikipag-usap sa hari para sa iyo.”

Pinatay si Adonias

19 Kaya't si Batseba ay pumaroon kay Haring Solomon upang ipakiusap sa kanya si Adonias. Tumindig ang hari upang salubungin siya at yumukod siya sa kanya. Pagkatapos ay umupo siya sa kanyang trono, at nagpakuha ng upuan para sa ina ng hari. Si Batseba ay umupo sa kanyang kanan.

20 Nang magkagayo'y sinabi niya, “Ako'y may isang munting kahilingan sa iyo. Huwag mo akong tanggihan.” At sinabi ng hari sa kanya, “Hilingin mo, ina ko, sapagkat hindi kita tatanggihan.”

21 Sinabi ni Batseba, “Ibigay mong asawa si Abisag na Sunamita sa iyong kapatid na si Adonias.”

22 At si Haring Solomon ay sumagot, at nagsabi sa kanyang ina, “At bakit mo hinihiling si Abisag na Sunamita para kay Adonias? Hilingin mo na rin para sa kanya ang kaharian; sapagkat siya'y nakatatanda kong kapatid. At nasa kanyang panig si Abiatar na pari at si Joab na anak ni Zeruia.”

23 Nang magkagayo'y sumumpa si Haring Solomon sa Panginoon, na sinasabi, “Hatulan ako ng Diyos, at lalo na, kung hindi ang buhay ni Adonias ang maging kabayaran sa salitang ito!

24 Ngayon, habang nabubuhay ang Panginoon na nagtatag sa akin, at naglagay sa akin sa trono ni David na aking ama, at siyang gumawa para sa akin ng isang bahay, gaya ng kanyang ipinangako, tunay na si Adonias ay papatayin sa araw na ito.”

25 Isinugo ni Haring Solomon si Benaya na anak ni Jehoiada at kanyang sinunggaban si Adonias[b] at siya'y namatay.

26 Sinabi(G) ng hari kay Abiatar na pari, “Umuwi ka sa Anatot, sa iyong sariling bukid. Ikaw ay karapat-dapat na mamatay, ngunit sa panahong ito'y hindi kita papatayin, sapagkat iyong pinasan ang kaban ng Panginoong Diyos sa harap ni David na aking ama, at sapagkat ikaw ay nakibahagi sa lahat ng kahirapan ng aking ama.”

27 Kaya't(H) tinanggal ni Solomon si Abiatar sa pagkapari sa Panginoon, upang kanyang matupad ang salita ng Panginoon, na kanyang sinabi sa Shilo tungkol sa sambahayan ni Eli.

Pinatay si Joab

28 Nang ang balita ay dumating kay Joab, sapagkat si Joab ay kumampi kay Adonias, bagaman hindi siya kumampi kay Absalom, si Joab ay tumakas patungo sa Tolda ng Panginoon, at humawak sa mga sungay ng dambana.

29 Nang ibalita kay Haring Solomon na, “Si Joab ay tumakas patungo sa Tolda ng Panginoon, siya'y nasa tabi ng dambana.” Nang magkagayo'y sinugo ni Solomon si Benaya na anak ni Jehoiada, na sinasabi, “Humayo ka, sunggaban mo siya.”

30 Si Benaya ay pumunta sa Tolda ng Panginoon, at nagsabi sa kanya, “Ganito ang sabi ng hari, ‘Lumabas ka.’” At kanyang sinabi, “Hindi. Dito ako mamamatay.” Muling ipinaabot ni Benaya sa hari ang salita, na sinasabi, “Ganito ang sinabi ni Joab, at ganito ang isinagot sa akin.”

31 Sinabi ng hari sa kanya, “Gawin kung paano ang sinabi niya, at patayin mo siya at ilibing upang iyong maalis ang dugong pinadanak ni Joab nang walang kadahilanan sa akin at sa sambahayan ng aking ama.

32 Ibabalik ng Panginoon ang kanyang madudugong gawa sa kanyang sariling ulo, sapagkat kanyang sinunggaban ang dalawang lalaki na lalong matuwid at mas mabuti kaysa kanya, at pinatay ng tabak, nang hindi nalalaman ng aking amang si David. Siya ay si Abner na anak ni Ner, na pinuno ng hukbo ng Israel, at si Amasa na anak ni Jeter, na pinuno ng hukbo ng Juda.

33 Kaya't ang kanilang dugo ay mababalik sa ulo ni Joab, at sa ulo ng kanyang binhi magpakailanman. Ngunit kay David, sa kanyang binhi, at sa kanyang sambahayan, sa kanyang trono ay magkakaroon ng kapayapaan magpakailanman mula sa Panginoon.”

34 Nang magkagayo'y umahon si Benaya na anak ni Jehoiada, siya'y sinunggaban at pinatay; at siya'y inilibing sa kanyang sariling bahay sa ilang.

35 At inilagay ng hari si Benaya na anak ni Jehoiada na kahalili niya sa hukbo, at si Zadok na pari ay inilagay ng hari bilang kahalili ni Abiatar.

Si Shimei ay Hindi na Pinaalis sa Jerusalem

36 Pagkatapos, ang hari ay nagsugo at ipinatawag si Shimei, at sinabi sa kanya, “Magtayo ka ng isang bahay sa Jerusalem, at manirahan roon, at huwag kang umalis mula roon patungo saanmang lugar.

37 Sapagkat sa araw na ikaw ay lumabas at tumawid sa batis ng Cedron, dapat mong alamin na ikaw ay tiyak na mamamatay. Ang iyong dugo ay sasaiyong sariling ulo.”

38 At sinabi ni Shimei sa hari, “Ang sinabi mo ay mabuti. Kung paanong sinabi ng aking panginoong hari, gayon gagawin ng iyong lingkod.” At si Shimei ay tumira sa Jerusalem ng maraming araw.

39 Ngunit sa katapusan ng tatlong taon, dalawa sa mga alipin ni Shimei ay lumayas, at pumaroon kay Achis, na anak ni Maaca, hari sa Gat. At kanilang sinabi kay Shimei, “Narito, ang iyong mga alipin ay nasa Gat.”

40 Tumindig si Shimei, inihanda ang kanyang asno, at nagtungo sa Gat kay Achis, upang hanapin ang kanyang mga alipin. Si Shimei ay umalis at kinuha ang kanyang mga alipin mula sa Gat.

41 Nang ibalita kay Solomon na si Shimei ay naparoon sa Gat mula sa Jerusalem, at bumalik uli,

42 ang hari ay nagsugo at ipinatawag si Shimei, at nagsabi sa kanya, “Di ba pinasumpa kita sa Panginoon, at taimtim na ipinayo ko sa iyo, ‘Dapat mong malaman na sa araw na lumabas ka at pumunta saanman ay tiyak na mamamatay ka’? At iyong sinabi sa akin, ‘Ang iyong sinabi na aking narinig ay mabuti.’

43 Bakit hindi mo iningatan ang iyong sumpa sa Panginoon, at ang utos na aking ibinilin sa iyo?”

44 Sinabi pa ng hari kay Shimei, “Alam mo sa iyong puso ang lahat ng kasamaan na iyong ginawa kay David na aking ama. Kaya't ibabalik ng Panginoon ang iyong kasamaan sa iyong sariling ulo.

45 Ngunit si Haring Solomon ay pagpapalain, at ang trono ni David ay magiging matatag sa harap ng Panginoon magpakailanman.”

46 Sa gayo'y inutusan ng hari si Benaya na anak ni Jehoiada; at siya'y lumabas, at dinaluhong siya, at siya'y namatay. Sa gayo'y tumatag ang kaharian sa kamay ni Solomon.

Nag-asawa si Solomon(I)

Si Solomon ay nagkaroon ng pakikipagkaibigan kay Faraon na hari sa Ehipto sa pamamagitan ng pag-aasawa niya sa anak na babae ni Faraon, at dinala niya ito sa lunsod ni David, hanggang sa kanyang natapos itayo ang kanyang sariling bahay, ang bahay ng Panginoon, at ang pader sa palibot ng Jerusalem.

Ang taong-bayan ay naghahandog sa matataas na dako, sapagkat wala pang bahay na naitayo sa pangalan ng Panginoon hanggang sa mga araw na iyon.

Mga Gawa 5

Si Ananias at si Safira

Ngunit may isang lalaki na ang pangalan ay Ananias ang nagbili ng isang ari-arian, na may pagsang-ayon ng kanyang asawang si Safira.

Nalalaman ng kanyang asawa na itinago niya ang ilang bahagi ng pinagbilhan at dinala ang isang bahagi lamang at inilagay sa mga paanan ng mga apostol.

Sinabi ni Pedro, “Ananias, bakit napadaig ka kay Satanas[a] at nagsinungaling ka sa Espiritu Santo, at itago ang bahagi ng pinagbilhan ng lupa?

Nang ito'y hindi pa nabibili, hindi ba iyon ay nanatiling iyo? At nang maipagbili na, hindi ba nasa iyo ring kapangyarihan? Bakit inisip mo pa ang bagay na ito sa iyong puso? Hindi ka nagsinungaling sa mga tao, kundi sa Diyos.”

Nang marinig ni Ananias ang mga salitang ito, siya ay bumagsak at namatay. At sinidlan ng malaking takot ang lahat ng nakarinig nito.

Tumindig ang mga kabinataan at siya'y binalot, at kanilang dinala siya sa labas at inilibing.

Pagkatapos ng halos tatlong oras na pagitan, pumasok ang kanyang asawa na hindi nalalaman ang nangyari.

Sinabi sa kanya ni Pedro, “Sabihin mo sa akin kung ipinagbili ninyo ng gayong halaga ang lupa.” Sinabi niya, “Oo, sa gayong halaga.”

Sinabi sa kanya ni Pedro, “Bakit kayo'y nagkasundo upang subukin ang Espiritu ng Panginoon? Tingnan mo, nasa pintuan ang mga paa ng mga naglibing sa iyong asawa, at kanilang dadalhin ka sa labas.”

10 Agad siyang bumagsak sa kanyang paanan at namatay. Pumasok ang mga kabinataan at natagpuan nilang patay siya. Siya'y kanilang inilabas at inilibing sa tabi ng kanyang asawa.

11 Sinidlan ng malaking takot ang buong iglesya, at ang lahat ng mga nakarinig ng mga bagay na ito.

Gumawa ng mga Himala ang mga Apostol

12 Sa pamamagitan ng mga apostol ay ginawa ang maraming tanda at kababalaghan sa gitna ng mga tao. Naroon silang lahat na nagkakaisa sa portiko ni Solomon.

13 Sinuman sa kanila ay di nangahas na makisama sa kanila subalit sila'y itinataas ng mga tao.

14 Lalo pang maraming mananampalatayang lalaki at babae ang naidagdag sa Panginoon,

15 kaya't dinala nila sa mga lansangan ang mga maysakit, at inilagay sa mga higaan at mga banig upang sa pagdaan ni Pedro ay madaanan man lamang ng anino niya ang ilan sa kanila.

16 Nagkatipon din ang maraming bilang ng mga tao mula sa mga bayang nasa palibot ng Jerusalem, na nagdadala ng mga maysakit, at ng mga pinahihirapan ng masasamang espiritu at silang lahat ay pinagaling.

Inusig ang mga Apostol

17 Pagkatapos ay kumilos ang pinakapunong pari at ang lahat ng mga kasama niya (na sekta ng mga Saduceo) at sila'y napuno ng inggit.

18 Kanilang dinakip ang mga apostol at kanilang inilagay sila sa bilangguang bayan.

19 Ngunit kinagabihan ay binuksan ng isang anghel ng Panginoon ang mga pintuan ng bilangguan, sila'y inilabas, at sinabi,

20 “Humayo kayo, tumayo kayo sa templo at sabihin ninyo sa mga tao ang lahat ng mga salita tungkol sa buhay na ito.”

21 Nang marinig nila ito, pumasok sila sa templo nang magmamadaling-araw, at nagturo. Nang dumating ang pinakapunong pari at ang mga kasamahan niya, pinulong nila ang Sanhedrin at ang buong kapulungan ng matatanda ng mga anak ng Israel, at nagpadala ng utos sa bilangguan upang sila'y dalhin doon.

22 Ngunit nang pumunta ang mga bantay sa bilangguan, hindi sila natagpuan doon. Bumalik sila at nag-ulat,

23 na nagsasabi, “Nadatnan naming nakasusing mabuti ang bilangguan, at nakatayo sa mga pintuan ang mga bantay ngunit nang aming buksan ang mga ito ay wala kaming natagpuan sa loob.”

24 Nang marinig ng kapitan ng templo at ng mga punong pari ang mga salitang ito, naguluhan sila at nagtataka kung ano kaya ang nangyayari.

25 At may dumating at nagsabi sa kanila, “Tingnan ninyo, ang mga lalaking ibinilanggo ninyo ay nakatayo sa templo at nagtuturo sa mga tao!”

26 Nang magkagayo'y sumama ang kapitan sa bantay ng templo at sila'y dinala ngunit walang dahas, sapagkat natatakot na baka sila'y batuhin ng taong-bayan.

27 Nang kanilang madala sila, pinatayo sila sa harap ng Sanhedrin. Tinanong sila ng pinakapunong pari,

28 “Hindi(A) ba't mahigpit naming ipinagbawal sa inyo na huwag kayong magturo sa pangalang ito, ngunit tingnan ninyo, pinuno ninyo ang Jerusalem ng inyong aral, at ibig pa ninyong iparatang sa amin ang dugo ng taong ito!”

29 Ngunit sumagot si Pedro at ang mga apostol, “Kailangang sa Diyos kami sumunod, sa halip na sa mga tao.

30 Ibinangon ng Diyos ng ating mga ninuno si Jesus, na inyong pinatay nang ibitin siya sa isang punungkahoy.

31 Siya'y itinaas ng Diyos sa kanyang kanang kamay bilang Pinuno at Tagapagligtas, upang bigyan ang Israel ng pagkakataong magsisi,[b] at ng kapatawaran ng mga kasalanan.

32 Kami'y mga saksi sa mga bagay na ito, gayundin ang Espiritu Santo na ibinigay ng Diyos sa mga sumusunod sa kanya.”

33 Nang marinig nila ito, sila'y napoot at ninais na sila'y patayin.

34 Ngunit may isang Fariseo sa Sanhedrin na ang pangalan ay Gamaliel, guro ng kautusan, iginagalang ng buong bayan, ang tumindig at nag-utos na ilabas na sandali ang mga lalaki.

35 Sinabi niya sa kanila, “Kayong mga lalaking taga-Israel, mag-ingat kayo sa inyong sarili tungkol sa inyong gagawin sa mga taong ito.

36 Sapagkat bago pa ang mga araw na ito ay lumitaw na si Teudas, na nagsabing siya'y dakila; at sumama sa kanya ang may apatnaraang tao ang bilang, ngunit siya'y pinatay at ang lahat ng sumunod sa kanya ay nagkawatak-watak at nawalan ng kabuluhan.

37 Pagkatapos nito ay lumitaw si Judas na taga-Galilea nang mga araw ng pagpapatala at nakaakit siya ng mga taong sumunod sa kanya; siya man ay napahamak at ang lahat ng sumunod sa kanya'y nagkawatak-watak.

38 Ngayo'y sinasabi ko sa inyo, iwasan ninyo ang mga taong ito, at hayaan ninyo sila; sapagkat kung ang panukalang ito, o ang gawang ito ay mula sa tao, ito'y mawawasak.

39 Ngunit kung ito'y sa Diyos, hindi ninyo sila makakayang wasakin. Baka matagpuan pa kayong nakikipaglaban sa Diyos!”

40 Sila'y napaniwala niya. Nang maipatawag nila ang mga apostol, hinagupit sila at inutusang huwag nang magsalita sa pangalan ni Jesus, at sila'y pinalaya.

41 Sa kanilang pag-alis sa Sanhedrin, nagalak sila na ituring na karapat-dapat magtiis ng kahihiyan alang-alang sa Pangalan.

42 Araw-araw, sa templo at sa mga bahay-bahay, hindi sila tumigil sa pagtuturo at pangangaral na si Jesus ang Cristo.

Mga Awit 125

Awit ng Pag-akyat.

125 Ang mga nagtitiwala sa Panginoon ay gaya ng bundok ng Zion,
    na hindi makikilos kundi nananatili sa buong panahon.
Kung paanong ang mga bundok ay nakapalibot sa Jerusalem,
    gayon ang Panginoon ay nakapalibot sa kanyang bayan,
    mula sa panahong ito at magpakailanman.
Sapagkat ang setro ng kasamaan ay hindi mananatili
    sa lupaing iniukol sa mga matuwid;
upang hindi iunat ng mga matuwid
    ang kanilang mga kamay sa paggawa ng masama.
Gawan mo ng mabuti ang mabubuti, O Panginoon,
    at ang matutuwid sa kanilang mga puso.
Ngunit ang mga lumilihis sa kanilang masasamang lakad,
    ay itataboy ng Panginoon na kasama ng mga manggagawa ng kasamaan.
Dumating nawa ang kapayapaan sa Israel!

Mga Kawikaan 16:25

25 Mayroong(A) daan na tila matuwid sa isang tao,
    ngunit mga daang tungo sa kamatayan ang dulo nito.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001