Print Page Options Listen to Reading
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the CEV. Switch to the CEV to read along with the audio.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
2 Mga Hari 3:1-4:17

Digmaan ng Israel at Moab

Nang ikalabingwalong taon ni Jehoshafat na hari ng Juda, si Jehoram na anak ni Ahab ay naging hari sa Israel sa Samaria, at siya ay naghari sa loob ng labindalawang taon.

Siya'y gumawa ng masama sa paningin ng Panginoon; bagama't hindi gaya ng kanyang ama at ina, sapagkat kanyang inalis ang haligi ni Baal na ginawa ng kanyang ama.

Gayunma'y kumapit siya sa mga kasalanan ni Jeroboam na anak ni Nebat, na dahil dito'y nagkasala ang Israel; hindi niya ito hiniwalayan.

Si Mesha na hari ng Moab ay nagpapalahi ng mga tupa. Siya'y nagbubuwis sa hari ng Israel ng isandaang libong tupa, at ng balahibo ng isandaang libong kordero.

Ngunit nang mamatay si Ahab, ang hari ng Moab ay naghimagsik laban sa hari ng Israel.

Kaya't si Haring Jehoram ay lumabas sa Samaria nang panahong iyon, at tinipon ang buong Israel.

Sa kanyang paghayo ay nagsugo siya kay Jehoshafat na hari ng Juda, na sinasabi, “Ang hari ng Moab ay naghimagsik laban sa akin. Sasama ka ba sa akin upang labanan ang Moab?” At kanyang sinabi, “Sasama ako; ako'y gaya mo, ang aking bayan ay parang iyong bayan, ang aking mga kabayo ay parang iyong mga kabayo.”

At kanyang sinabi, “Saan tayo dadaan?” At siya'y sumagot, “Sa daan ng ilang ng Edom.”

Kaya't humayo ang hari ng Israel kasama ang hari ng Juda, at ang hari ng Edom. Nang sila'y nakalibot ng pitong araw na paglalakbay, walang tubig para sa hukbo o para sa mga hayop na nagsisisunod sa kanila.

10 At sinabi ng hari ng Israel, “Kahabag-habag tayo! Tinawag ng Panginoon ang tatlong haring ito upang ibigay sa kamay ng Moab.”

11 Ngunit sinabi ni Jehoshafat, “Wala ba ritong propeta ng Panginoon upang tayo'y makasangguni sa Panginoon sa pamamagitan niya?” At isa sa mga lingkod ng hari ng Israel ay sumagot, “Si Eliseo na anak ni Shafat na siyang nagbuhos ng tubig sa mga kamay ni Elias ay narito.”

12 Sinabi ni Jehoshafat, “Ang salita ng Panginoon ay nasa kanya.” Kaya't ang hari ng Israel at si Jehoshafat, at ang hari ng Edom ay pumunta sa kanya.

13 Sinabi ni Eliseo sa hari ng Israel, “Anong pakialam ko sa iyo? Pumaroon ka sa mga propeta ng iyong ama at sa mga propeta ng iyong ina.” Ngunit sinabi ng hari ng Israel sa kanya, “Hindi; ang Panginoon ang tumawag sa tatlong haring ito upang ibigay sila sa kamay ng Moab.”

14 Sinabi ni Eliseo, “Hanggang nabubuhay ang Panginoon ng mga hukbo, na aking pinaglilingkuran, kung hindi dahil sa paggalang ko kay Jehoshafat na hari ng Juda, hindi ako titingin sa iyo ni makikipagkita sa iyo.

15 Ngunit ngayo'y dalhan ninyo ako ng isang manunugtog.” At nang ang manunugtog ay tumugtog, ang kapangyarihan ng Panginoon ay dumating sa kanya.

16 At kanyang sinabi, “Ganito ang sabi ng Panginoon, ‘Punuin ninyo ang libis na ito ng mga hukay.’

17 Sapagkat ganito ang sabi ng Panginoon, ‘Kayo'y hindi makakakita ng hangin ni ng ulan; ngunit ang libis na iyon ay mapupuno ng tubig, at kayo'y makakainom, kayo at ang inyong mga baka, at ang inyong mga hayop.’

18 Ito'y magaan lamang sa paningin ng Panginoon; ibibigay rin niya ang mga Moabita sa inyong kamay.

19 Inyong masasakop ang bawat lunsod na may kuta, at ang bawat piling lunsod at inyong ibubuwal ang bawat mabuting punungkahoy, at inyong patitigilin ang lahat ng bukal ng tubig, at inyong sisirain ng mga bato ang bawat mabuting pirasong lupa.”

20 Kinaumagahan, sa panahon ng paghahandog ng alay, dumating ang tubig mula sa dako ng Edom, hanggang sa ang buong lupain ay mapuno ng tubig.

21 Nang mabalitaan ng lahat ng Moabita na ang mga hari ay umahon upang makipaglaban sa kanila, ang lahat na may kakayahang makapagsakbat ng sandata, mula sa pinakabata hanggang sa pinakamatanda ay pinalabas at inihanay sa hangganan.

22 Kinaumagahan, nang sila'y maagang bumangon at ang araw ay sumikat na sa tubig, nakita ng mga Moabita na ang tubig sa tapat nila ay mapulang gaya ng dugo.

23 At kanilang sinabi, “Ito'y dugo; ang mga hari ay naglabanan at nagpatayan sa isa't isa. Kaya't ngayon, Moab, sugod sa samsam!”

24 Ngunit nang sila'y dumating sa kampo ng Israel, ang mga Israelita ay nagsitindig at sinalakay ang mga Moabita, hanggang sila'y tumakas sa harapan nila; at sila'y nagpatuloy sa lupain na pinapatay ang mga Moabita.

25 Kanilang winasak ang mga lunsod at sa bawat mabuting bahagi ng lupain ay naghagis ang bawat tao ng bato, hanggang sa ito ay matabunan. Kanilang pinatigil ang lahat ng bukal ng tubig, at ibinuwal ang lahat ng mabuting punungkahoy, hanggang sa ang maiwan lamang ay ang mga bato sa Kir-hareseth at kinubkob at sinalakay iyon ng mga maninirador.

26 Nang makita ng hari ng Moab na ang labanan ay nagiging masama para sa kanya, nagsama siya ng pitong daang lalaki na gumagamit ng tabak upang makalusot sa tapat ng hari ng Edom; ngunit hindi nila magawa.

27 Nang magkagayo'y kinuha niya ang kanyang pinakamatandang anak na lalaki na maghahari sanang kapalit niya, at inihandog niya ito bilang handog na sinusunog sa ibabaw ng pader. At nagkaroon ng malaking poot laban sa Israel; kaya't kanilang iniwan siya, at bumalik sa kanilang sariling lupain.

Tinulungan ni Eliseo ang Dukhang Balo

Ang asawa ng isa sa mga anak ng mga propeta ay dumaing kay Eliseo, “Ang iyong lingkod na aking asawa ay patay na. Nalalaman mo na ang iyong lingkod ay takot sa Panginoon, ngunit ang nagpapautang ay naparito upang kunin ang aking dalawang anak upang maging mga alipin niya.”

At sinabi ni Eliseo sa kanya, “Anong gagawin ko para sa iyo? Sabihin mo sa akin; anong mayroon ka sa bahay?” At sinabi niya, “Ang iyong lingkod ay walang anumang bagay sa bahay liban sa isang bangang langis.”

Nang magkagayo'y sinabi niya, “Lumabas ka, manghiram ka ng mga sisidlan sa lahat mong mga kapitbahay, mga sisidlang walang laman at huwag iilan lamang.

Pagkatapos ay pumasok ka, ikaw at ang iyong mga anak ay magsasara ng pintuan, at iyong salinan ang lahat ng sisidlang iyon; at kapag punô na ang isa, itabi mo iyon.”

Kaya't iniwan siya, at siya at ang kanyang mga anak ay nagsara ng pintuan; at habang kanilang dinadala ang mga sisidlan sa kanya, kanyang sinasalinan.

Nang mapuno ang mga sisidlan, sinabi niya sa kanyang anak, “Dalhan mo pa ako ng isang sisidlan.” At sinabi niya sa kanya, “Walang iba pang sisidlan.” Pagkatapos ay tumigil ang langis sa pagdaloy.

Ang babae ay dumating at sinabi ito sa tao ng Diyos. Sumagot ito sa babae, “Humayo ka at ipagbili mo ang langis, at bayaran mo ang iyong mga utang, at ikaw at ang iyong mga anak ay mabubuhay sa nalabi.”

Si Eliseo at ang Babaing Mayaman Mula sa Sunem

Isang araw, si Eliseo ay dumaan sa Sunem, na roon ay nakatira ang isang mayamang babae, na humimok sa kanya na kumain ng tinapay. Kaya't tuwing siya'y daraan doon ay pumupunta siya roon upang kumain ng tinapay.

Sinabi niya sa kanyang asawa, “Tingnan mo, aking nahahalata na ito'y isang banal na tao ng Diyos na laging nagdaraan sa atin.

10 Gumawa tayo ng isang maliit na silid na may dingding, at ating ipaglagay siya roon ng isang higaan, isang hapag, isang upuan, at ng isang ilawan, upang tuwing siya'y darating sa atin, siya'y makakatuloy doon.”

11 Isang araw, nang siya'y dumating doon, siya'y pumasok sa silid at nagpahinga roon.

12 Sinabi niya kay Gehazi na kanyang lingkod, “Tawagin mo ang Sunamitang ito.” Nang matawag niya, siya'y tumayo sa harapan niya.

13 Sinabi niya sa kanya, “Sabihin mo sa kanya, Yamang ikaw ay nag-abala ng lahat ng ito para sa amin, ano nga ang magagawa para sa iyo? Ibig mo bang ipakiusap kita sa hari, o sa punong-kawal ng mga hukbo?” At siya'y sumagot, “Ako'y naninirahang kasama ang aking kababayan.”

14 At kanyang sinabi, “Ano ang dapat gawin para sa babae?” At sumagot si Gehazi, “Sa katunayan, siya'y walang anak, at ang kanyang asawa ay matanda na.”

15 Kanyang sinabi, “Tawagin mo siya.” Nang kanyang matawag siya, ang babae ay tumayo sa pintuan.

16 Sinabi(A) niya, “Sa panahong ito, sa pag-ikot ng panahon, ikaw ay yayakap sa isang anak na lalaki.” At kanyang sinabi, “Hindi, panginoon ko, ikaw na tao ng Diyos; huwag kang magsinungaling sa iyong lingkod.”

17 Ang babae ay naglihi at nanganak ng isang lalaki nang panahong iyon, sa pag-ikot ng panahon, gaya ng sinabi ni Eliseo sa kanya.

Mga Gawa 14:8-28

Sa Listra

Sa Listra ay may isang lalaking nakaupo, na walang lakas ang mga paa at kailanma'y hindi makalakad sapagkat pilay na siya mula nang ipanganak.

Nakinig siya sa pagsasalita ni Pablo. Nang titigan siya ni Pablo at makitang mayroon siyang pananampalataya upang mapagaling,

10 ay sinabi niya sa malakas na tinig, “Tumindig ka nang matuwid sa iyong mga paa.” At ang lalaki[a] ay lumukso at nagpalakad-lakad.

11 Nang makita ng maraming tao ang ginawa ni Pablo, nagsigawan sila na sinasabi sa wikang Licaonia, “Ang mga diyos ay bumaba sa atin sa anyo ng mga tao!”

12 Tinawag nilang Zeus[b] si Bernabe at Hermes[c] si Pablo, sapagkat siya ang pangunahing tagapagsalita.

13 Ang pari ni Zeus[d] na ang templo ay nasa harap ng lunsod ay nagdala ng mga baka at mga putong na bulaklak sa mga pintuang-daan, at ibig maghandog kasama ng napakaraming tao.

14 Ngunit nang marinig ito ng mga apostol na sina Bernabe at Pablo, pinunit nila ang kanilang mga damit at tumakbo sa gitna ng karamihan, na sumisigaw,

15 “Mga(A) ginoo, bakit ninyo ginagawa ang mga bagay na ito? Kami'y mga tao rin na gaya ninyo, nagdadala kami ng magandang balita sa inyo upang mula sa walang kabuluhang mga bagay na ito ay bumaling kayo sa Diyos na buháy, na siyang gumawa ng langit, ng lupa, ng dagat, at ng lahat ng nasa mga iyon.

16 Noong nakaraang mga panahon ay hinayaan niya ang lahat ng mga bansa na lumakad sa kanilang mga sariling daan.

17 Gayunman ay hindi niya hinayaang mawalan siya ng saksi sa paggawa ng mabuti—na nagbigay sa inyo ng ulan mula sa langit at ng masasaganang panahon, at pinupuno kayo ng pagkain at ang inyong mga puso ng kagalakan.”

18 Maging sa pamamagitan ng mga pananalitang ito ay bahagya na nilang napigil ang mga tao sa paghahandog sa kanila.

19 Ngunit dumating doon ang mga Judiong buhat sa Antioquia at Iconio; at nang mahikayat nila ang maraming tao, kanilang pinagbabato si Pablo at kanilang kinaladkad siya sa labas ng lunsod, na inaakalang siya'y patay na.

20 Ngunit nang paligiran siya ng mga alagad, tumayo siya at pumasok sa lunsod. Kinabukasan, umalis siya kasama ni Bernabe patungo sa Derbe.

Bumalik Sila sa Antioquia

21 Nang maipangaral na nila ang ebanghelyo sa lunsod na iyon, at ginawang mga alagad ang marami, nagbalik sila sa Listra, sa Iconio, at sa Antioquia,

22 na pinapalakas ang mga kaluluwa ng mga alagad, at pinapatatag ang loob nila na manatili pa sa pananampalataya, at sinasabi na sa pamamagitan ng maraming mga kapighatian ay kailangang pumasok tayo sa kaharian ng Diyos.

23 Nang makapagtalaga na sila ng matatanda para sa kanila sa bawat iglesya, matapos manalangin na may pag-aayuno, ay kanilang ipinagtagubilin sila sa Panginoon na kanilang sinampalatayanan.

24 At sila'y dumaan sa Pisidia at nagtungo sa Pamfilia.

25 Nang maipahayag na nila ang salita sa Perga ay lumusong sila sa Atalia;

26 at buhat doon ay naglayag sila patungong Antioquia. Doon ay itinagubilin sila sa biyaya ng Diyos dahil sa gawaing kanilang natapos na.

27 Nang sila'y dumating, tinipon nila ang iglesya at iniulat ang lahat ng mga bagay na ginawa ng Diyos sa pamamagitan nila, at kung paanong binuksan niya para sa mga Hentil ang pinto ng pananampalataya.

28 Nanatili sila roon na kasama ang mga alagad nang mahaba-habang panahon.

Mga Awit 140

Sa Punong Mang-aawit. Awit ni David.

140 Iligtas mo ako, O Panginoon, sa masasamang tao;
    mula sa mararahas na tao ay ingatan mo ako,
    na nagbabalak ng kasamaan sa puso nila,
    at patuloy na nanunulsol ng pakikidigma.
Pinatatalas(A) ang kanilang dila na gaya ng sa ahas;
    at sa ilalim ng kanilang mga labi ay kamandag ng ulupong. (Selah)
O Panginoon, sa mga kamay ng masama ay ingatan mo ako,
    ingatan mo ako sa mararahas na tao,
    na nagbalak na tisurin ang mga paa ko.
Ang mga taong mapagmataas ay nagkubli para sa akin ng bitag,
    at ng mga panali, at sila'y naglagay ng lambat sa tabi ng daan,
    naglagay sila para sa akin ng mga patibong. (Selah)

Aking sinabi sa Panginoon, “Ikaw ay aking Diyos;
    pakinggan mo ang tinig ng aking mga daing, O Panginoon.”
O Panginoon, aking Panginoon, lakas ng aking kaligtasan,
    tinakpan mo ang ulo ko sa araw ng labanan.
Huwag mong ipagkaloob, O Panginoon, ang mga nasa ng masama;
    huwag mong hayaang magpatuloy ang kanyang masamang pakana, baka sila'y magmalaki. (Selah)

Tungkol sa ulo ng mga pumalibot sa akin,
    takpan nawa sila ng kasamaan ng kanilang sariling mga labi.
10 Mahulog nawa sa kanila ang mga nagniningas na baga!
    Ihagis nawa sila sa apoy, sa mga malalim na hukay upang huwag na silang makabangong muli!
11 Ang mapanirang-puri nawa'y huwag matatag sa daigdig;
    kaagad nawang tugisin ng kasamaan ang taong mapanlupig!
12 Alam kong tutulungan ng Panginoon ang panig ng nahihirapan,
    at katarungan para sa mahirap.
13 Tunay na ang matuwid ay magpapasalamat sa iyong pangalan,
    ang matuwid ay tatahan sa iyong harapan.

Mga Kawikaan 17:22

22 Isang mabuting gamot ang masayang puso,
    ngunit ang bagbag na diwa, sa mga buto'y tumutuyo.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001