Print Page Options Listen to Reading
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the CEB. Switch to the CEB to read along with the audio.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
1 Mga Hari 1

Si David sa Kanyang Katandaan

Si Haring David ay matanda na at mahaba na rin ang buhay at kahit kanilang lagyan siya ng mga kumot, siya'y hindi naiinitan.

Kaya't sinabi ng mga lingkod niya sa kanya, “Ihanap ang aking panginoong hari ng isang dalaga at maglingkod siya sa harap ng hari, at kanyang alagaan siya; at mahiga siya sa iyong kandungan, upang ang aking panginoong hari ay mainitan.”

Kaya't kanilang inihanap siya ng isang magandang dalaga sa buong nasasakupan ng Israel, at natagpuan si Abisag na Sunamita, at dinala siya sa hari.

Ang dalaga ay napakaganda at siya ang naging tagapag-alaga ng hari at naglingkod sa kanya; ngunit hindi siya nakilala ng hari.

Si Adonias ay Nagtangkang Maging Hari

Samantala,(A) nagmataas si Adonias na anak ni Hagit, na nagsabi, “Ako'y magiging hari.” At siya'y naghanda ng mga karwahe at mga mangangabayo, at limampung lalaking tatakbo sa unahan niya.

Hindi siya kailanman pinagdamdam ng kanyang ama sa pagsasabing, “Bakit ka gumawa ng ganyan?” Siya rin ay napakagandang lalaki at ipinanganak kasunod ni Absalom.

Siya'y nakipag-usap kay Joab na anak ni Zeruia, at kay Abiatar na pari, at kanilang tinulungan si Adonias.

Ngunit si Zadok na pari, si Benaya na anak ni Jehoiada, si Natan na propeta, si Shimei, si Rei, at ang magigiting na mandirigma ni David ay hindi pumanig kay Adonias.

Naghandog si Adonias ng mga tupa, mga baka at ng mga pinatabang hayop sa bato ng Zohelet,[a] na nasa tabi ng En-rogel, at kanyang inanyayahan ang lahat ng kanyang kapatid na mga anak na lalaki ng hari, at ang lahat ng lalaki sa Juda na mga lingkod ng hari.

10 Ngunit si Natan na propeta, si Benaya, at ang magigiting na mandirigma at si Solomon na kanyang kapatid ay hindi niya inanyayahan.

11 Nang(B) magkagayo'y sinabi ni Natan kay Batseba na ina ni Solomon, “Hindi mo ba nabalitaan na si Adonias na anak ni Hagit ay siya ngayong hari at ito ay hindi nalalaman ni David na ating panginoon?

12 Pumarito ka ngayon at papayuhan kita upang mailigtas mo ang iyong sariling buhay, at ang buhay ng iyong anak na si Solomon.

13 Pumunta ka agad kay Haring David, at sabihin mo sa kanya, ‘Di ba, panginoon ko, isinumpa mo sa iyong lingkod, na iyong sinasabi, Si Solomon na iyong anak ay maghahari pagkamatay ko, at siya'y uupo sa aking trono? Kung gayo'y bakit si Adonias ang hari?’

14 Samantalang nagsasalita ka pa sa hari ay papasok ako na kasunod mo, at aking patototohanan ang iyong mga salita.”

Tumutol si Batseba

15 Kaya't pinasok ni Batseba ang hari sa silid; (noon ang hari ay lubhang matanda na; at si Abisag na Sunamita ay siyang nag-aalaga sa hari.)

16 Si Batseba ay yumukod at nagbigay-galang sa hari. At sinabi ng hari, “Anong ibig mo?”

17 Sinabi niya sa kanya, “Panginoon ko, isinumpa mo sa iyong lingkod sa pamamagitan ng Panginoon mong Diyos na sinasabi, ‘Tunay na si Solomon na iyong anak ay maghahari pagkamatay ko, at siya'y uupo sa aking trono.’

18 At ngayo'y si Adonias ay naging hari bagaman hindi mo ito nalalaman, panginoon kong hari.

19 Siya'y nag-alay ng mga baka, mga pinatabang hayop, ng napakaraming tupa, at inanyayahan ang lahat ng anak na lalaki ng hari, at si Abiatar na pari, at si Joab na puno ng hukbo; ngunit si Solomon na iyong lingkod ay hindi niya inanyayahan.

20 Panginoon kong hari, ang paningin[b] ng buong Israel ay nakatuon sa iyo, upang iyong sabihin sa kanila kung sino ang uupo sa trono ng aking panginoong hari pagkamatay niya.

21 Kung hindi, mangyayari na kapag ang aking panginoong hari ay natutulog na kasama ng kanyang mga ninuno, ako at ang aking anak na si Solomon ay mabibilang sa mga may sala.”

Sinang-ayunan ni Natan si Batseba sa Pagtutol

22 Samantalang siya'y nakikipag-usap pa sa hari, pumasok si Natan na propeta.

23 Kanilang isinaysay sa hari, na sinasabi, “Narito si Natan na propeta.” Nang siya'y dumating sa harap ng hari, siya'y yumukod na ang kanyang mukha ay nasa lupa.

24 At sinabi ni Natan, “Panginoon kong hari, iyo bang sinabi, ‘Si Adonias ay maghahari pagkamatay ko, at siya'y uupo sa aking trono’?

25 Sapagkat siya'y lumusong nang araw na ito, at nag-alay ng mga baka, mga pinatabang hayop, at ng napakaraming tupa, at inanyayahan ang lahat ng anak na lalaki ng hari, at ang mga pinuno ng hukbo, at si Abiatar na pari; at narito, sila'y nagkakainan at nag-iinuman sa harap niya at nagsasabi, ‘Mabuhay si Haring Adonias!’

26 Ngunit akong iyong lingkod, si Zadok na pari, si Benaya na anak ni Jehoiada, at ang iyong lingkod na si Solomon ay hindi niya inanyayahan.

27 Ang bagay bang ito ay ginawa ng aking panginoong hari, at hindi mo ipinaalam sa iyong mga lingkod kung sino ang uupo sa trono ng aking panginoong hari pagkatapos niya?”

28 Nang magkagayo'y sumagot si Haring David, “Papuntahin ninyo sa akin si Batseba.” At siya'y pumasok at tumayo sa harap ng hari.

29 Sumumpa ang hari na nagsasabi, “Habang nabubuhay ang Panginoon na tumubos ng aking kaluluwa mula sa lahat ng kagipitan,

30 kung paanong sumumpa ako sa iyo sa pangalan ng Panginoon, ang Diyos ng Israel, na sinasabi, ‘Si Solomon na iyong anak ang maghahari pagkamatay ko, at siya'y uupo sa aking trono na kahalili ko;’ katotohanang gayon ang aking gagawin sa araw na ito.”

31 Nang magkagayo'y iniyukod ni Batseba ang kanyang mukha sa lupa, at nagbigay-galang sa hari, at nagsabi, “Mabuhay magpakailanman ang aking panginoon na haring si David!”

Si Solomon ay Binuhusan ng Langis Upang Maging Hari

32 Sinabi ni Haring David, “Tawagin ninyo sa akin si Zadok na pari, at si Natan na propeta, at si Benaya na anak ni Jehoiada.” At sila'y pumasok sa harap ng hari.

33 At sinabi ng hari sa kanila, “Isama ninyo ang mga lingkod ng inyong panginoon, at pasakayin ninyo ang aking anak na si Solomon sa aking sariling mola, at ilusong ninyo siya sa Gihon.

34 Doon ay buhusan siya ng langis ni Zadok na pari at ni Natan na propeta upang siya'y maging hari sa Israel; at kayo'y humihip ng trumpeta at inyong sabihin, ‘Mabuhay si Haring Solomon!’

35 Pagkatapos ay aahon kayong kasunod niya; siya'y paparito at uupo sa aking trono, sapagkat siya'y magiging hari na kapalit ko. Itinalaga ko siyang maging pinuno sa Israel at sa Juda.”

36 At si Benaya na anak ni Jehoiada ay sumagot sa hari, “Amen! Nawa ang Panginoon, ang Diyos ng aking panginoong hari ay magsabi ng gayon.

37 Kung paanong ang Panginoon ay sumama sa aking panginoong hari ay gayundin nawa niya samahan si Solomon, at gawin nawa ang kanyang trono na lalong dakila kaysa trono ng aking panginoong haring si David.”

38 Sa gayo'y si Zadok na pari, si Natan na propeta, si Benaya na anak ni Jehoiada, ang mga Kereteo, at ang mga Peleteo ay lumusong at pinasakay si Solomon sa mola ni Haring David, at dinala siya sa Gihon.

39 Kinuha ni Zadok na pari ang sungay na sisidlan ng langis mula sa Tolda, at binuhusan ng langis si Solomon. Pagkatapos sila'y humihip ng trumpeta, at ang buong bayan ay nagsabi, “Mabuhay si Haring Solomon!”

40 At ang buong bayan ay umahong kasunod niya na humihihip ng mga plauta at nagagalak ng malaking kagalakan kaya't ang lupa ay nayanig dahil sa kanilang ingay.

41 Narinig ito ni Adonias at ng lahat ng panauhing kasama niya pagkatapos nilang makakain. Nang marinig ni Joab ang tunog ng trumpeta ay kanyang sinabi, “Anong kahulugan ng pagkakaingay na ito sa lunsod?”

42 Samantalang siya'y nagsasalita pa, si Jonathan na anak ni Abiatar na pari ay dumating. Sinabi ni Adonias, “Pumasok ka, sapagkat ikaw ay taong karapat-dapat, at nagdadala ka ng mabuting balita.”

43 Si Jonathan ay sumagot kay Adonias, “Hindi! Sa katunayan, ginawang hari si Solomon ng ating panginoong haring si David.

44 Sinugo ng hari na kasama niya si Zadok na pari, si Natan na propeta, si Benaya na anak ni Jehoiada, ang mga Kereteo at ang mga Peleteo at kanilang pinasakay siya sa mola ng hari.

45 Siya'y binuhusan ng langis bilang hari ni Zadok na pari at ni Natan na propeta sa Gihon. Sila'y umahong galak na galak mula roon, kaya't ang lunsod ay nagkakagulo. Ito ang ingay na iyong narinig.

46 Si Solomon ngayon ay nakaupo sa trono ng hari.

47 Bukod dito, ang mga lingkod ng hari ay pumaroon upang purihin ang ating panginoong haring si David, na nagsasabi, ‘Gawin nawa ng iyong Diyos ang pangalan ni Solomon na higit na tanyag kaysa iyong pangalan, at gawin ang kanyang trono na lalong dakila kaysa iyong trono.’ At ang hari ay yumukod sa kanyang higaan.

48 Ganito pa ang sinabi ng hari, ‘Purihin ang Panginoon, ang Diyos ng Israel, na siyang nagpahintulot sa akin na ang isa sa aking mga supling ay makaupo sa aking trono na nakikita ng aking mga mata.’”

Si Adonias ay Natakot

49 At ang lahat ng panauhin ni Adonias ay natakot at tumindig, at humayo ang bawat isa sa kanyang sariling lakad.

50 Natakot si Adonias kay Solomon at siya'y tumindig at humayo, at humawak sa mga sungay ng dambana.

51 Ipinaalam kay Solomon, “Si Adonias ay natatakot sa Haring Solomon, sapagkat siya'y humawak sa mga sungay ng dambana, na nagsasabi, ‘Isumpa ng Haring Solomon sa akin sa araw na ito na hindi niya papatayin ng tabak ang kanyang lingkod.’”

52 Sinabi ni Solomon, “Kung siya'y magpapakilala bilang taong karapat-dapat ay walang malalaglag sa lupa na isa mang buhok niya, ngunit kung kasamaan ang matagpuan sa kanya, siya'y mamamatay.”

53 Sa gayo'y nagsugo si Haring Solomon, at kanilang ibinaba siya mula sa dambana. At siya'y naparoon at nagbigay-galang kay Haring Solomon; at sinabi ni Solomon sa kanya, “Umuwi ka sa iyong bahay.”

Mga Gawa 4

Humarap sina Pedro at Juan sa Sanhedrin

Habang si Pedro at si Juan[a] ay nagsasalita pa sa taong-bayan, lumapit sa kanila ang mga pari, ang pinuno sa templo, at ang mga Saduceo,

na lubhang nayayamot sapagkat nagtuturo sila sa mga tao, at nagpapahayag na kay Jesus ay may muling pagkabuhay sa mga patay.

Sila'y kanilang dinakip at ibinilanggo hanggang sa kinabukasan sapagkat noon ay gabi na.

Ngunit marami sa mga nakarinig ang sumampalataya; at ang bilang nila ay mga limang libo.

Nang sumunod na araw, nagtipon sa Jerusalem ang kanilang mga pinuno, ang matatanda at ang mga eskriba;

at si Anas, na pinakapunong pari, si Caifas, si Juan, si Alejandro, at ang buong angkan ng pinakapunong pari.

Nang kanilang mailagay na ang mga bilanggo sa gitna nila, sila ay kanilang tinanong, “Sa anong kapangyarihan, o sa anong pangalan ninyo ginawa ito?”

At si Pedro na puspos ng Espiritu Santo ay sumagot sa kanila, “Kayong mga pinuno ng bayan at matatanda,

kung kami sa araw na ito'y sinisiyasat dahil sa kabutihang ginawa sa isang taong may kapansanan, na tinatanong kung paano napagaling ang taong ito,

10 dapat malaman ninyong lahat at ng buong sambahayan ng Israel, na nakatayo ang taong ito sa inyong harapan na walang sakit sa pangalan ni Jesu-Cristong taga-Nazaret, na inyong ipinako sa krus, at binuhay ng Diyos mula sa mga patay.

11 Itong si Jesus,[b]

‘ang(A) bato na itinakuwil ninyong mga tagapagtayo
    ang siyang naging batong panulukan.’

12 Walang kaligtasan sa kanino pa man, sapagkat walang ibang pangalan sa ilalim ng langit na ibinigay sa mga tao na ating ikaliligtas.”

13 Nang makita nila ang katapangan nina Pedro at Juan, at nang malamang sila'y mga taong walang pinag-aralan at mga karaniwan lamang, ay namangha sila at kanilang nakilala na sila'y mga kasama ni Jesus.

14 At yamang nakikita nila ang taong pinagaling na nakatayong kasama nila ay wala silang masabing pagtutol.

15 Kaya't kanilang inutusan sila na umalis sa kapulungan, samantalang pinag-uusapan pa nila ang pangyayari.

16 Kanilang sinabi, “Anong gagawin natin sa mga taong ito? Sapagkat hayag sa lahat ng naninirahan sa Jerusalem ang isang kapansin-pansing tanda na ginawa sa pamamagitan nila; at hindi natin ito maikakaila.

17 Ngunit upang huwag na itong lalo pang kumalat sa bayan, atin silang bigyan ng babala na huwag na silang magsalita pa sa kaninuman sa pangalang ito.”

18 Kaya't sila'y ipinatawag nila at inutusan na sa anumang paraan ay huwag na silang magsalita ni magturo sa pangalan ni Jesus.

19 Ngunit sumagot sa kanila si Pedro at si Juan, “Kung matuwid sa paningin ng Diyos na makinig muna sa inyo sa halip na sa Diyos, kayo ang humatol,

20 sapagkat hindi maaaring hindi namin sabihin ang aming nakita at narinig.”

21 Pagkatapos na muling bigyan ng babala, kanilang hinayaan silang umalis na walang nakitang anumang bagay upang sila'y kanilang maparusahan dahil sa mga tao, sapagkat niluluwalhati nilang lahat ang Diyos dahil sa nangyari.

22 Sapagkat mahigit nang apatnapung taong gulang ang tao na ginawan nitong himala ng pagpapagaling.

Nanalangin Upang Magkaroon ng Katapangan

23 Pagkatapos na sila'y mapalaya, pumunta sila sa kanilang mga kasamahan at iniulat ang lahat ng sinabi sa kanila ng mga punong pari at ng matatanda.

24 Nang(B) ito'y kanilang marinig, sama-sama silang nagtaas ng kanilang tinig sa Diyos, at nagsabi, “O Panginoon na gumawa ng langit, ng lupa, ng dagat, at ng lahat ng naroroon,

25 ikaw(C) na nagsabi sa pamamagitan ng Espiritu Santo, sa pamamagitan ng bibig ng aming amang si David, na iyong lingkod,

‘Bakit nagalit ang mga Hentil,
    at nagbabalak ang mga tao ng mga bagay na walang kabuluhan?
26 Ang mga hari sa lupa ay naghanda upang lumaban,
    at ang mga pinuno ay nagtipon,
    laban sa Panginoon, at laban sa kanyang Cristo.’

27 Sapagkat(D) sa katotohanan, sa lunsod na ito, sina Herodes at Poncio Pilato, kasama ng mga Hentil at ng bayan ng Israel, ay nagsama-sama laban sa iyong banal na Lingkod[c] na si Jesus, na iyong pinahiran,

28 upang gawin ang anumang itinakda ng iyong kamay at ng iyong pasiya na mangyayari.

29 At ngayon, Panginoon, tingnan mo ang kanilang mga banta at ipagkaloob mo sa iyong mga alipin na masabi ang iyong salita ng may buong katapangan,

30 habang iyong iniuunat ang iyong kamay upang magpagaling at ginagawa ang mga tanda at mga kababalaghan sa pamamagitan ng pangalan ng iyong banal na lingkod na si Jesus.”

31 Pagkatapos nilang manalangin, nayanig ang dakong pinagtitipunan nila at silang lahat ay napuno ng Espiritu Santo, at kanilang ipinahayag na may katapangan ang salita ng Diyos.

Nagtutulungan ang mga Mananampalataya

32 Ang(E) buong bilang ng mga sumampalataya ay may pagkakaisa sa puso at kaluluwa; sinuma'y walang nagsabing kanya ang anuman sa kanyang mga ari-arian, kundi lahat nilang pag-aari ay para sa lahat.

33 At pinatotohanan ng mga apostol na may dakilang kapangyarihan ang pagkabuhay ng Panginoong Jesus at sumakanilang lahat ang dakilang biyaya.

34 Walang sinumang naghihirap sa kanila sapagkat ipinagbili ng lahat ng may-ari ang kanilang mga lupa at mga bahay at dinala ang pinagbilhan ng mga ito.

35 At inilagay nila ang mga ito sa paanan ng mga apostol at ipinamahagi sa bawat isa, ayon sa kailangan ng sinuman.

36 Si Jose, isang Levitang tubo sa Cyprus, na tinaguriang Bernabe ng mga apostol (na ang kahulugan ay “anak ng pagpapalakas ng loob”),

37 ay nagbili ng isang bukid na kanyang pag-aari, at dinala niya ang salapi at inilagay sa paanan ng mga apostol.

Mga Awit 124

Awit ng Pag-akyat. Mula kay David.

124 Kung hindi ang Panginoon ang naging nasa ating panig,
    sabihin ngayon ng Israel—
kung hindi ang Panginoon ang naging nasa panig natin,
    nang ang mga tao ay magsibangon laban sa atin,
nilamon na sana nila tayong buháy,
    nang ang kanilang galit ay mag-alab laban sa atin;
tinabunan na sana tayo ng baha,
    dinaanan na sana ng agos ang ating kaluluwa;
dinaanan na sana ng nagngangalit na mga tubig
    ang ating kaluluwa.

Purihin ang Panginoon,
    na hindi tayo ibinigay
    bilang biktima sa kanilang mga ngipin!
Parang ibon sa bitag ng mga manghuhuli
    na ang ating kaluluwa ay nakatakas,
ang bitag ay nasira,
    at tayo ay nakatakas!
Ang saklolo natin ay nasa pangalan ng Panginoon,
    na siyang lumikha ng langit at lupa.

Mga Kawikaan 16:24

24 Ang kaaya-ayang mga salita ay parang pulot-pukyutan,
    katamisan sa kaluluwa at sa katawan ay kalusugan.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001