Print Page Options Listen to Reading
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the CSB. Switch to the CSB to read along with the audio.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
2 Samuel 23:24-24:25

24 At si Asahel na kapatid ni Joab ay isa sa tatlumpu; si Elhanan na anak ni Dodo, na taga-Bethlehem,

25 si Shammah na Harodita, si Elica na Harodita,

26 si Heles na Paltita, si Ira na anak ni Ikkes na Tekoita,

27 si Abiezer na Anatotita, si Mebunai na Husatita,

28 si Zalmon na Ahohita, si Maharai na Netofatita,

29 si Heleb na anak ni Baana, na Netofatita, si Itai na anak ni Ribai, na taga-Gibea, sa mga anak ni Benjamin,

30 si Benaya na Piratonita, si Hiddai sa mga batis ng Gaas,

31 si Abialbon na Arbatita, si Azmavet ng Bahurim,

32 si Eliaba ng Saalbon, ang mga anak ni Jassen, si Jonathan,

33 si Shammah na Hararita, si Ahiam na anak ni Sarar, na Hararita,

34 si Elifelet na anak ni Asbai, na anak ni Maaca, si Eliam na anak ni Ahitofel ng Gilo,

35 si Hesrai ng Carmel, si Farai na Arbita;

36 si Igal na anak ni Natan na taga-Soba, si Bani na Gadita,

37 si Selec na Ammonita, si Naharai ng Beerot, na mga tagadala ng sandata ni Joab na anak ni Zeruia;

38 si Ira na Itreo, si Gareb na Itreo,

39 si Urias na Heteo: silang lahat ay tatlumpu't pito.

Binilang ni David ang Bayan(A)

24 Ang galit ng Panginoon ay muling nagningas laban sa Israel, at kanyang kinilos si David laban sa kanila, na sinasabi, “Humayo ka at bilangin mo ang Israel at Juda.”

Kaya't sinabi ng hari kay Joab na pinuno ng hukbo, na kasama niya, “Pumaroon ka sa lahat ng mga lipi ng Israel, mula sa Dan hanggang sa Beer-seba, at bilangin ninyo ang bayan upang aking malaman ang bilang ng bayan.”

Ngunit sinabi ni Joab sa hari, “Nawa'y dagdagan ng Panginoon mong Diyos ang bayan ng ilang daang ulit pa kaysa bilang nila, habang nakikita ito ng mga mata ng aking panginoong hari; ngunit bakit nalulugod ang panginoon kong hari sa bagay na ito?”

Ngunit ang salita ng hari ay nanaig laban kay Joab, at laban sa mga puno ng hukbo. Kaya't si Joab at ang mga pinuno ng hukbo ay lumabas mula sa harapan ng hari upang bilangin ang bayan ng Israel.

Sila'y tumawid ng Jordan, nagsimula sa Aroer at mula sa lunsod na nasa gitna ng libis, patungo sa Gad hanggang sa Jazer.

At dumating sila sa Gilead, at sa Kadesh sa lupain ng mga Heteo; dumating sila sa Dan, at mula sa Dan ay lumibot sila sa Sidon.

Dumating sila sa kuta ng Tiro, at sa lahat ng mga lunsod ng mga Heveo at mga Cananeo; at sila'y lumabas sa Negeb ng Juda sa Beer-seba.

Kaya't nang mapuntahan na nila ang buong lupain, sila ay dumating sa Jerusalem sa katapusan ng siyam na buwan at dalawampung araw.

At ibinigay ni Joab sa hari ang kabuuang bilang ng bayan sa Israel na may walong daang libong matapang na lalaki na humahawak ng tabak; at ang mga kalalakihan sa Juda ay limang daang libo.

10 Ngunit naligalig ang puso ni David pagkatapos na mabilang niya ang taong-bayan. At sinabi ni David sa Panginoon, “Ako'y nagkasala ng malaki sa aking ginawa. Ngunit ngayo'y isinasamo ko sa iyo Panginoon, na iyong pawiin ang kasamaan ng iyong lingkod; sapagkat aking ginawa ng buong kahangalan.”

11 Nang bumangon si David sa kinaumagahan, ang salita ng Panginoon ay dumating kay propeta Gad na tagakita ni David, na sinasabi,

12 “Humayo ka at sabihin mo kay David, ‘Ganito ang sabi ng Panginoon, Tatlong bagay ang iniaalok ko sa iyo. Pumili ka ng isa sa mga iyon upang aking gawin sa iyo.’”

13 Kaya't pumaroon si Gad kay David, at sinabi sa kanya, “Darating ba sa iyo ang pitong taong taggutom sa iyong lupain? O tatakas ka ba ng tatlong buwan sa harapan ng iyong mga kaaway samantalang tinutugis ka nila? O magkakaroon ba ng tatlong araw na pagkasalot sa iyong lupain? Ngayo'y isaalang-alang mo, at ipasiya mo kung anong kasagutan ang aking ibabalik sa kanya na nagsugo sa akin.”

14 At sinabi ni David kay Gad, “Ako'y lubhang nababalisa; hayaang mahulog tayo ngayon sa kamay ng Panginoon, sapagkat malaki ang kanyang kaawaan; ngunit huwag mo akong hayaang mahulog sa kamay ng tao.”

Ipinadala ang Salot

15 Sa gayo'y nagpadala ang Panginoon ng salot sa Israel mula sa umaga hanggang sa takdang panahon. At ang namatay sa bayan mula sa Dan hanggang sa Beer-seba ay pitumpung libong lalaki.

16 Nang iunat ng anghel ang kanyang kamay paharap sa Jerusalem upang wasakin ito, ikinalungkot ng Panginoon ang kasamaan, at sinabi sa anghel na gumagawa ng pagpuksa sa bayan, “Tama na; ngayo'y itigil mo na ang iyong kamay.” At ang anghel ng Panginoon ay nasa may giikan ni Arauna na Jebuseo.

17 Pagkatapos ay nagsalita si David sa Panginoon nang kanyang makita ang anghel na pumuksa sa bayan, at sinabi, “Ako'y nagkasala, at ako'y gumawa ng kasamaan; ngunit ang mga tupang ito, ano ang kanilang ginawa? Isinasamo ko sa iyo na ang iyong kamay ay maging laban sa akin, at laban sa sambahayan ng aking ama.”

18 At si Gad ay dumating nang araw na iyon kay David at sinabi sa kanya, “Umahon ka, magtayo ka ng isang dambana sa Panginoon sa giikan ni Arauna na Jebuseo.”

19 Umahon si David ayon sa sinabi ni Gad, tulad ng iniutos ng Panginoon.

20 Nang tumanaw si Arauna, nakita niya ang hari at ang kanyang mga lingkod na papalapit sa kanya. Si Arauna ay lumabas at patirapang nagbigay-galang sa hari.

21 Sinabi ni Arauna, “Bakit ang aking panginoong hari ay naparito sa kanyang lingkod?” At sinabi ni David, “Upang bilhin ang iyong giikan, para mapagtayuan ng isang dambana sa Panginoon, upang ang salot ay maiiwas sa bayan.”

22 At sinabi ni Arauna kay David, “Kunin nawa ng aking panginoong hari at ihandog kung ano ang inaakala niyang mabuti. Narito ang mga baka para sa handog na sinusunog, at ang mga kagamitan sa giikan at ang mga pamatok ng mga baka bilang panggatong.

23 Ang lahat ng ito, O hari, ay ibinibigay ni Arauna sa hari.” At sinabi ni Arauna sa hari, “Tanggapin ka nawa ng Panginoon mong Diyos.”

24 Ngunit sinabi ng hari kay Arauna, “Hindi, kundi bibilhin ko ito sa iyo sa halaga. Hindi ako mag-aalay ng mga handog na sinusunog sa Panginoon kong Diyos nang hindi ko ginugulan ng anuman.” Sa gayo'y binili ni David ang giikan at ang mga baka ng limampung siklong pilak.

25 At nagtayo roon si David ng isang dambana sa Panginoon at nag-alay ng mga handog na sinusunog at ng mga handog pangkapayapaan. Sa gayo'y dininig ng Panginoon ang mga dalangin para sa lupain, at ang salot ay lumayo sa Israel.

Mga Gawa 3

Ang Pagpapagaling sa Lumpo

Isang araw, sina Pedro at Juan ay pumanhik sa templo sa oras ng pananalangin, nang ikasiyam na oras.[a]

At may isang lalaking lumpo mula pa sa pagkapanganak ang noon ay ipinapasok. Araw-araw siya'y inilalagay nila sa pintuan ng templo na tinatawag na Maganda, upang manghingi ng limos sa mga pumapasok sa templo.

Nang nakita niya sina Pedro at Juan na papasok sa templo, humingi siya ng limos.

Ngunit pagtitig sa kanya ni Pedro, kasama si Juan, ay sinabi, “Tingnan mo kami.”

Itinuon niya ang kanyang pansin sa kanila na umaasang mayroong tatanggapin mula sa kanila.

Ngunit sinabi ni Pedro, “Wala akong pilak at ginto, ngunit ang nasa akin ay siya kong ibinibigay sa iyo. Sa pangalan ni Jesu-Cristong taga-Nazaret,[b] tumayo ka at lumakad.”

Kanyang hinawakan siya sa kanang kamay, at siya'y itinindig at agad na lumakas ang kanyang mga paa at mga bukung-bukong.

Siya'y lumukso, tumayo at nagpalakad-lakad; pumasok siya sa templo na kasama nila, lumalakad, lumulukso, at nagpupuri sa Diyos.

Nakita siya ng lahat ng tao na lumalakad at nagpupuri sa Diyos.

10 Nakilala nila na siya nga ang dating nakaupo at namamalimos sa Pintuang Maganda ng templo; at sila'y napuno ng pagtataka at pagkamangha sa nangyari sa kanya.

Nangaral si Pedro sa Portiko ni Solomon

11 Samantalang siya'y nakahawak kina Pedro at Juan, sama-samang nagtakbuhan sa kanila ang mga tao, na lubhang namangha, sa tinatawag na portiko ni Solomon.

12 Nang makita ito ni Pedro, nagsalita siya sa mga tao, “Kayong mga Israelita, bakit ninyo ito ikinamamangha? Bakit ninyo kami tinititigan na para bang sa pamamagitan ng aming sariling kapangyarihan o kabanalan ay napalakad namin siya?

13 Niluwalhati ng(A) Diyos ni Abraham, ng Diyos ni Isaac, at ng Diyos ni Jacob, at ng Diyos ng ating mga ninuno ang kanyang lingkod[c] na si Jesus na inyong ibinigay at inyong itinakuwil sa harap ni Pilato, bagaman siya'y nagpasiyang pawalan siya.

14 Ngunit(B) inyong itinakuwil ang Banal at ang Matuwid at inyong hininging ipagkaloob sa inyo ang isang mamamatay-tao,

15 at inyong pinatay ang May-akda ng buhay, na muling binuhay ng Diyos mula sa mga patay; mga saksi kami sa bagay na ito.

16 At sa pamamagitan ng pananampalataya sa kanyang pangalan, ang kanyang pangalan ang nagpalakas sa taong ito na inyong nakikita at nakikilala. Ang pananampalataya sa pamamagitan ni Jesus ang nagkaloob sa taong ito ng ganitong sakdal na kalusugan sa harapan ninyong lahat.

17 “At ngayon, mga kapatid, nalalaman kong ginawa ninyo iyon sa inyong kamangmangan tulad ng inyong mga pinuno.

18 Ngunit sa ganitong paraan ay tinupad ng Diyos ang kanyang ipinahayag na mangyayari sa pamamagitan ng lahat ng mga propeta, na ang kanyang Cristo ay magdurusa.

19 Kaya nga magsisi kayo at magbalik-loob upang mapawi ang inyong mga kasalanan,

20 upang ang mga panahon ng kaginhawahan ay dumating mula sa harapan ng Panginoon; at upang kanyang suguin ang Cristo na itinalaga sa inyo, si Jesus.

21 Siya'y dapat manatili sa langit hanggang sa mga panahon ng pagpapanumbalik ng lahat ng mga bagay, na sinabi ng Diyos noong una sa pamamagitan ng bibig ng kanyang mga banal na propeta.

22 Tunay(C) na sinabi ni Moises, ‘Ang Panginoong Diyos ay pipili para sa inyo ng isang propetang gaya ko mula sa inyong mga kapatid.[d] Pakinggan ninyo siya sa lahat ng bagay na sabihin niya sa inyo.

23 Ang(D) bawat tao na hindi makinig sa propetang iyon ay lubos na pupuksain mula sa bayan.’[e]

24 At ang lahat ng mga propeta, mula kay Samuel at ang mga sumunod sa kanya, sa dami ng mga nagsalita, ay nagpahayag din tungkol sa mga araw na ito.

25 Kayo(E) ang mga anak ng mga propeta, at ng tipan na ibinigay ng Diyos sa inyong mga ninuno, na sinasabi kay Abraham, ‘At sa pamamagitan ng iyong binhi ay pagpapalain ang lahat ng mga angkan sa lupa.’

26 Nang piliin ng Diyos ang kanyang lingkod siya ay kanyang unang isinugo sa inyo, upang kayo'y pagpalain sa pamamagitan ng pagtalikod ng bawat isa sa inyo sa inyong mga kasamaan.”

Mga Awit 123

Awit ng Pag-akyat.

123 Sa iyo'y aking itinitingin ang mga mata ko,
    O ikaw na sa kalangitan ay nakaupo sa trono!
Gaya ng mga mata ng mga alipin
    na nakatingin sa kamay ng kanilang panginoon,
gaya ng mga mata ng alilang babae
    na nakatingin sa kamay ng kanyang panginoong babae,
gayon tumitingin ang aming mga mata sa Panginoon naming Diyos,
    hanggang sa siya'y maawa sa amin.

Maawa ka sa amin, O Panginoon, maawa ka sa amin,
    sapagkat labis-labis na ang paghamak sa amin.
Ang aming kaluluwa'y lubos na napupuno
    ng paglibak ng mga nasa kaginhawahan,
    ng paghamak ng palalo.

Mga Kawikaan 16:21-23

21 Ang pantas sa puso ay tinatawag na taong may pang-unawa,
    at nagdaragdag ng panghikayat ang kaaya-ayang pananalita.
22 Ang karunungan ay bukal ng buhay sa taong ito'y taglay,
    ngunit kahangalan ang parusa sa mga hangal.
23 Ang isipan ng matalino ay nagbibigay-bisa sa kanyang pananalita,
    at sa kanyang mga labi ay nagdaragdag ng panghikayat.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001