Print Page Options Listen to Reading
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the NLT. Switch to the NLT to read along with the audio.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
1 Mga Hari 14:1-15:24

Ang Pahayag ni Ahias Laban kay Jeroboam

14 Nang panahong iyon si Abias na anak ni Jeroboam ay nagkasakit.

Sinabi ni Jeroboam sa kanyang asawa, “Bumangon ka at magbalatkayo upang huwag kang makilala na asawa ni Jeroboam, at pumunta ka sa Shilo. Naroon si Ahias na propeta na nagsalita tungkol sa akin na ako'y magiging hari sa bayang ito.

Magdala ka ng sampung malalaking tinapay, mga munting tinapay, isang bangang pulot, at pumaroon ka sa kanya. Kanyang sasabihin sa iyo kung ano ang mangyayari sa bata.”

Gayon nga ang ginawa ng asawa ni Jeroboam; tumindig siya at pumunta sa Shilo, at dumating sa bahay ni Ahias. Si Ahias noon ay hindi na nakakakita sapagkat ang kanyang mga mata'y malabo na dahil sa kanyang katandaan.

At sinabi ng Panginoon kay Ahias, “Ang asawa ni Jeroboam ay darating upang magtanong sa iyo tungkol sa kanyang anak; sapagkat siya'y maysakit. Ganito't gayon ang iyong sasabihin sa kanya.” Sapagkat mangyayari na nang siya'y dumating siya'y nagkukunwari na ibang babae.

Nang marinig ni Ahias ang ingay ng kanyang mga paa, pagpasok niya sa pintuan ay sinabi niya, “Pumasok ka, asawa ni Jeroboam. Bakit ka nagkukunwaring iba? Sapagkat ako'y pinagbilinan ng mabibigat na balita para sa iyo.

Humayo ka at sabihin mo kay Jeroboam, ‘Ganito ang sabi ng Panginoon, ng Diyos ng Israel: Sapagkat itinaas kita sa gitna ng bayan, at ginawa kitang pinuno sa aking bayang Israel,

at inagaw ko ang kaharian mula sa sambahayan ni David at ibinigay sa iyo; gayunma'y hindi ka naging gaya ng lingkod kong si David, na sumunod sa aking mga utos, at sumunod sa akin ng kanyang buong puso, na ginagawa lamang ang matuwid sa aking mga paningin.

Ngunit ikaw ay gumawa ng kasamaang higit kaysa lahat ng nauna sa iyo. Ikaw ay humayo at gumawa para sa sarili mo ng mga ibang diyos, at mga larawang hinulma, upang galitin at inihagis mo ako sa iyong likuran.

10 Kaya't(A) ako'y magdadala ng kasamaan sa sambahayan ni Jeroboam. Aking ititiwalag kay Jeroboam ang bawat lalaki, bilanggo at malaya sa Israel, at aking lubos na lilipulin ang sambahayan ni Jeroboam, kung paanong sinusunog ng isang tao ang dumi, hanggang sa ito'y maubos.

11 Sinumang kamag-anak ni Jeroboam na mamatay sa loob ng bayan ay kakainin ng mga aso; at sinumang mamatay sa kaparangan ay kakainin ng mga ibon sa himpapawid, sapagkat ito ang sinabi ng Panginoon.’

12 Kaya't humanda ka, umuwi ka sa iyong bahay. Pagpasok ng iyong mga paa sa lunsod, mamamatay ang bata.

13 Tatangisan siya ng buong Israel, at ililibing siya; sapagkat siya lamang mula kay Jeroboam ang darating sa libingan. Sapagkat siya'y kinatagpuan sa sambahayan ni Jeroboam ng bagay na mabuti sa Panginoon, sa Diyos ng Israel.

14 Bukod dito'y ang Panginoon ay magtitindig para sa kanyang sarili ng isang hari sa Israel, na siyang wawasak sa sambahayan ni Jeroboam ngayon. At mula ngayon,

15 parurusahan ng Panginoon ang Israel, gaya ng isang tambo na iwinawasiwas sa tubig. Kanyang bubunutin ang Israel mula rito sa mabuting lupa na ibinigay niya sa kanilang mga magulang, at ikakalat sila sa kabila ng Eufrates; sapagkat kanilang ginawa ang kanilang mga Ashera at ginalit ang Panginoon.

16 At kanyang pababayaan ang Israel dahil sa mga kasalanan ni Jeroboam na kanyang ipinagkasala at naging sanhi ng pagkakasala ng Israel.”

17 Pagkatapos ay tumindig ang asawa ni Jeroboam at umalis at dumating sa Tirsa. Pagdating niya sa pintuan ng bahay, ang bata ay namatay.

18 Inilibing at tinangisan siya ng buong Israel, ayon sa salita ng Panginoon na kanyang sinabi sa pamamagitan ng kanyang lingkod na si Ahias na propeta.

19 Ngayon, ang iba pa sa mga gawa ni Jeroboam, kung paanong siya'y nakipagdigma, at kung paanong siya'y naghari, ay nakasulat ang mga iyon sa Aklat ng Kasaysayan[a] ng mga hari ng Israel.

20 Ang mga araw na naghari si Jeroboam ay dalawampu't dalawang taon. Siya'y natulog na kasama ng kanyang mga ninuno, at si Nadab na kanyang anak ay naghari na kapalit niya.

Si Rehoboam ay Naghari sa Juda(B)

21 Si Rehoboam na anak ni Solomon ay naghari sa Juda. Si Rehoboam ay apatnapu't isang taon nang siya'y magsimulang maghari, at siya'y naghari ng labimpitong taon sa Jerusalem, ang lunsod na pinili ng Panginoon mula sa lahat ng mga lipi ng Israel, upang ilagay ang kanyang pangalan doon. Ang kanyang ina ay si Naama na Ammonita.

22 Gumawa ang Juda ng kasamaan sa paningin ng Panginoon, at kanilang ibinunsod siya sa paninibugho sa pamamagitan ng mga kasalanan na kanilang ginawa, na higit kaysa lahat ng ginawa ng kanilang mga magulang.

23 Sapagkat(C) sila'y nagtayo rin para sa kanila ng matataas na dako, ng mga haligi, at mga Ashera sa bawat mataas na burol at sa ilalim ng bawat luntiang punungkahoy.

24 Nagkaroon(D) din ng mga sodomita[b] ang lupain. Sila'y gumawa ng ayon sa lahat ng kasuklamsuklam ng mga bansa na pinalayas ng Panginoon sa harap ng mga anak ni Israel.

25 Nang(E) ikalimang taon ni Haring Rehoboam, si Shishac na hari ng Ehipto ay umahon laban sa Jerusalem.

26 Kanyang(F) tinangay ang mga kayamanan ng bahay ng Panginoon, at ang mga kayamanan ng bahay ng hari; ang mga iyon ay kanyang tinangay na lahat. Tinangay rin niya ang lahat ng kalasag na ginto na ginawa ni Solomon.

27 Si Haring Rehoboam ay gumawa ng mga kalasag na tanso na kahalili ng mga iyon, at ipinagkatiwala sa mga kamay ng mga pinuno ng bantay na nag-iingat ng pintuan ng bahay ng hari.

28 Tuwing pumapasok ang hari sa bahay ng Panginoon, dinadala ang mga iyon ng bantay, at ibinabalik sa silid ng mga bantay.

29 Ngayon ang iba pa sa mga gawa ni Rehoboam at ang lahat ng bagay na kanyang ginawa, hindi ba nasusulat ang mga iyon sa Aklat ng mga Kasaysayan[c] ng mga hari ng Juda?

30 At nagkaroon ng patuloy na paglalaban sina Rehoboam at Jeroboam.

31 At si Rehoboam ay natulog at inilibing na kasama ng kanyang mga ninuno, sa lunsod ni David. Ang kanyang ina ay si Naama na Ammonita. At si Abiam na kanyang anak ay naghari na kapalit niya.

Si Abiam ay Naghari sa Juda(G)

15 Nang ikalabingwalong taon ng paghahari ni Haring Jeroboam, na anak ni Nebat, nagsimulang maghari si Abiam sa Juda.

Tatlong taon siyang naghari sa Jerusalem, at ang pangalan ng kanyang ina ay Maaca na anak ni Abisalom.

At siya'y lumakad sa lahat ng mga kasalanan ng kanyang ama na ginawa nito na una sa kanya; at ang kanyang puso ay hindi ganap na tapat sa Panginoon niyang Diyos, gaya ng puso ni David na kanyang ama.

Gayunma'y(H) alang-alang kay David ay binigyan siya ng Panginoon niyang Diyos ng isang ilawan sa Jerusalem, inilagay ang kanyang anak pagkamatay niya at pinatatag ang Jerusalem;

sapagkat(I) ginawa ni David ang matuwid sa mga mata ng Panginoon, at hindi lumihis sa anumang bagay na iniutos niya sa kanya sa lahat ng araw ng kanyang buhay, maliban lamang ang tungkol kay Urias na Heteo.

Ang(J) digmaan sa pagitan nina Rehoboam at Jeroboam ay nagpatuloy sa lahat ng araw ng kanyang buhay.

Ang iba pa sa mga gawa ni Abiam, at ang lahat niyang ginawa, hindi ba nasusulat ang mga iyon sa Aklat ng mga Kasaysayan[d] ng mga hari ng Juda? At nagkaroon ng digmaan sina Abiam at Jeroboam.

At si Abiam ay natulog na kasama ng kanyang mga ninuno at kanilang inilibing siya sa lunsod ni David. Si Asa na kanyang anak ay naghari na kapalit niya.

Si Asa ay Naghari sa Juda(K)

Nang ikadalawampung taon ni Jeroboam na hari ng Israel, nagsimula si Asa na maghari sa Juda.

10 Apatnapu't isang taon siyang naghari sa Jerusalem; at ang pangalan ng kanyang ina ay Maaca, na anak ni Abisalom.

11 At ginawa ni Asa ang matuwid sa mga mata ng Panginoon, gaya ng ginawa ni David na kanyang ama.

12 Kanyang(L) inalis ang mga sodomita[e] sa lupain, at inalis ang lahat ng diyus-diyosan na ginawa ng kanyang mga ninuno.

13 Si Maaca na kanyang ina ay inalis rin niya sa pagkareyna, sapagkat siya'y gumawa ng karumaldumal na larawan para kay Ashera; at pinutol ni Asa ang kanyang larawan at sinunog sa batis Cedron.

14 Ngunit ang matataas na dako ay hindi inalis; gayunma'y ang puso ni Asa ay tapat sa Panginoon sa lahat ng kanyang mga araw.

15 Kanyang ipinasok sa bahay ng Panginoon ang mga kusang-loob na kaloob ng kanyang ama, at ang kanyang sariling mga kaloob, pilak, ginto, at mga kagamitan.

Pagdidigmaan nina Asa at Baasa

16 Nagkaroon ng digmaan sina Asa at Baasa na hari ng Israel sa lahat ng kanilang mga araw.

17 At si Baasa na hari sa Israel ay umahon laban sa Juda, at itinayo ang Rama upang walang sinumang makalabas o makapunta kay Asa na hari ng Juda.

18 Nang magkagayo'y kinuha ni Asa ang lahat ng pilak at ginto na naiwan sa mga kayamanan ng bahay ng Panginoon, at ang mga kayamanan ng bahay ng hari, at ibinigay sa kamay ng kanyang mga lingkod. Ipinadala ang mga iyon ni Haring Asa kay Ben-hadad na anak ni Tabrimon, na anak ni Hezion, na hari ng Siria, na nakatira sa Damasco, na sinasabi,

19 “Magkaroon nawa ng pagkakasundo ako at ikaw, tulad ng aking ama at ng iyong ama. Aking ipinadala sa iyo ang isang kaloob na pilak at ginto; humayo ka, sirain mo ang iyong pakikipagkasundo kay Baasa na hari ng Israel, upang siya'y lumayo sa akin.”

20 Pinakinggan ni Ben-hadad si Haring Asa, at sinugo ang mga puno ng kanyang mga hukbo laban sa mga lunsod ng Israel, at sinakop ang Ijon, Dan, Abel-betmaaca, at ang buong Cinerot, pati ang buong lupain ng Neftali.

21 Nang mabalitaan iyon ni Baasa, kanyang itinigil ang pagtatayo ng Rama at siya'y nanirahan sa Tirsa.

22 Pagkatapos ay nagpahayag si Haring Asa sa buong Juda, walang itinangi, at kanilang inalis ang mga bato at mga kahoy ng Rama, na ginagamit ni Baasa sa pagtatayo, at itinayo ni Haring Asa sa pamamagitan niyon ang Geba ng Benjamin at ang Mizpa.

23 Ang iba pa sa lahat ng mga gawa ni Asa, ang kanyang buong kapangyarihan, at ang lahat niyang ginawa, at ang mga lunsod na kanyang itinayo, hindi ba nasusulat ang mga iyon sa Aklat ng mga Kasaysayan[f] ng mga hari ng Juda? Ngunit sa panahon ng kanyang katandaan, nagkaroon ng karamdaman ang kanyang mga paa.

24 At si Asa ay natulog at inilibing na kasama ng kanyang mga ninuno sa lunsod ni David na kanyang ama. Si Jehoshafat na kanyang anak ay naghari na kapalit niya.

Mga Gawa 10:1-23

Si Pedro at si Cornelio

10 Sa Cesarea ay may isang lalaki na ang pangalan ay Cornelio, isang senturion ng tinatawag na pulutong Italiano;

isang taong masipag sa kabanalan at may takot sa Diyos kasama ang kanyang buong sambahayan, naglilimos ng marami sa mga tao, at laging nananalangin sa Diyos.

Minsan, nang may oras na ikasiyam ng araw,[a] nakita niyang maliwanag sa isang pangitain ang isang anghel ng Diyos na dumarating at sinasabi sa kanya, “Cornelio.”

Siya'y tumitig sa kanya na may pagkatakot, at nagsabi, “Ano iyon, Panginoon?” Sinabi sa kanya, “Ang mga panalangin mo at ang iyong mga limos ay umakyat bilang alaala sa harapan ng Diyos.

Ngayo'y magsugo ka ng mga tao sa Joppa, at ipatawag mo ang isang Simon na tinatawag na Pedro.

Siya'y nanunuluyan kay Simon, isang tagapagluto ng balat, na ang bahay ay nasa tabi ng dagat.”

Nang umalis na ang anghel na kumausap sa kanya, tinawag niya ang dalawa sa kanyang mga alila at ang isang tapat na kawal mula sa mga naglilingkod sa kanya.

Pagkatapos maisalaysay ang lahat ng mga bagay sa kanila, sila'y isinugo niya sa Joppa.

Nang sumunod na araw, nang may oras na ikaanim,[b] samantalang sila'y naglalakbay at malapit na sa lunsod, si Pedro ay umakyat sa itaas ng bahay upang manalangin.

10 Siya'y nagutom at nagnais kumain; subalit samantalang inihahanda nila ito, nawalan siya ng malay

11 at nakita niyang bumukas ang langit, at may isang bagay na bumababa, tulad ng isang malapad na kumot na ibinababa sa lupa na nakabitin sa apat na sulok.

12 Naroroon ang lahat ng uri ng mga hayop na may apat na paa at ang mga gumagapang sa lupa at ang mga ibon sa himpapawid.

13 Dumating sa kanya ang isang tinig, “Tumindig ka, Pedro; magkatay ka at kumain.”

14 Subalit sinabi ni Pedro, “Hindi maaari, Panginoon; sapagkat kailanma'y hindi ako kumain ng anumang bagay na marumi at karumaldumal.”

15 Muling dumating sa kanya ang tinig sa ikalawang pagkakataon, “Ang nilinis ng Diyos ay huwag mong ituring na marumi.”

16 Ito'y nangyari ng tatlong ulit, at ang bagay ay agad binatak pataas sa langit.

17 Samantalang naguguluhan si Pedro sa kanyang sarili, kung ano ang kahulugan ng pangitaing kanyang nakita, biglang dumating ang mga taong sinugo ni Cornelio. Nang maipagtanong ang bahay ni Simon, tumayo sila sa harapan ng pintuan.

18 Tumawag sila upang magtanong kung si Simon, na tinatawag na Pedro, ay nanunuluyan doon.

19 Samantalang iniisip ni Pedro ang tungkol sa pangitain, sinabi sa kanya ng Espiritu, “Tingnan mo, may tatlong taong naghahanap sa iyo.

20 Tumindig ka, bumaba ka at sumama sa kanila na walang pag-aatubili sapagkat sila'y aking sinugo.”

21 Bumaba si Pedro at sinabi sa mga tao, “Ako ang hinahanap ninyo; ano ang dahilan ng inyong pagparito?”

22 Sinabi nila, “Si Cornelio na isang senturion, isang taong matuwid at may takot sa Diyos, at may mabuting patotoo sa buong bansa ng mga Judio, ay pinagbilinan ng isang banal na anghel na ikaw ay ipatawag sa kanyang bahay upang marinig ang iyong mga salita.”

23 Kaya't sila'y pinatuloy niya at naging kanyang panauhin. Nang sumunod na araw, bumangon siya at umalis na kasama nila, at siya'y sinamahan ng ilang kapatid mula sa Joppa.

Mga Awit 133

Awit ng Pag-akyat.

133 Narito, napakabuti at napakaligaya
    kapag ang magkakapatid ay sama-samang namumuhay na nagkakaisa!
Ito'y gaya ng mahalagang langis sa ulo,
    na tumutulo sa balbas,
sa balbas ni Aaron,
    tumutulo sa laylayan ng kanyang damit!
Ito ay gaya ng hamog sa Hermon,
    na pumapatak sa mga bundok ng Zion!
Sapagkat doon iniutos ng Panginoon ang pagpapala,
    ang buhay magpakailanman.

Mga Kawikaan 17:7-8

Hindi bagay sa hangal ang pinong pananalita,
    lalo na ang mga mandarayang mga labi, sa isang namamahala.
Ang suhol ay parang mahiwagang bato sa mga mata ng nagbibigay,
    saanman pumihit siya'y nagtatagumpay.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001