Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Chronological

Read the Bible in the chronological order in which its stories and events occurred.
Duration: 365 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Levitico 11-13

Mga Hayop na Maaari at Di Maaaring Kainin(A)

11 Sinabi ni Yahweh kina Moises at Aaron, “Ganito ang sabihin ninyo sa bayang Israel: Sa mga hayop na lumalakad sa lupa, makakain ninyo ang lahat ng hayop na biyak ang kuko at ngumunguya ng pagkaing mula sa sikmura. Kaya ang kamelyo kahit na ngumunguya ito ngunit hindi biyak ang kuko ay di dapat kainin. Ang dagang gubat ay ngumunguya rin ng pagkaing mula sa sikmura ngunit hindi biyak ang kuko; hindi ito malinis, kaya di dapat kainin. Ang kunehong gubat ay ngumunguya rin ng pagkaing galing sa sikmura ngunit hindi rin biyak ang kuko nito; hindi ito malinis. Ang baboy, biyak nga ang kuko, ngunit hindi naman ngumunguya ng pagkaing mula sa sikmura, kaya hindi ito dapat kainin. Huwag kayong kakain ng karne ni hihipo man ng bangkay ng mga hayop na ito; marurumi ito para sa inyo.

“Sa mga nilikhang nasa tubig, maging alat o tabang, ang maaari lamang ninyong kainin ay ang mga isdang may palikpik at kaliskis. 10 Ngunit ang isdang walang palikpik at kaliskis, malaki man o maliit, sa dagat o ilog ay marumi para sa inyo. 11 Huwag kayong kakain nito at iwasan ninyo ang mga patay nito. 12 Lahat ng nilikha sa tubig na walang palikpik at kaliskis ay huwag ninyong kainin.

13 “Tungkol naman sa mga ibon, ang mga ito ang huwag ninyong kakainin sapagkat marurumi: ang agila, ang buwitre at ang agilang-dagat; 14 ang lawin at ang limbas at mga kauri nito; 15 lahat ng uri ng uwak; 16 ang ostrits, panggabing lawin, lawing dagat at mga kauri nito; 17 lahat ng uri ng kuwago, ibong maninisid ng isda, 18 ang kuwagong parang may sungay, at ang pelicano; 19 ang lahat ng uri ng tagak, ang tariktik, paniki at kabag.[a]

20 “Lahat ng kulisap na may pakpak at may apat na paa ay marurumi para sa inyo, 21 maliban sa mga kulisap na lumulundag, 22 tulad ng lahat ng balang na mahahaba ang ulo, balang na kulay berde at bawat balang sa ilang. 23 Ang lahat ng naglipanang lumilipad na may apat na paa ay ituturing ninyong marurumi.

24 “Ang sinumang humawak sa bangkay ng mga hayop na ito ay ituturing na marumi hanggang sa paglubog ng araw. 25 Ang sinumang dumampot sa mga ito ay ituturing na marumi hanggang sa paglubog ng araw at dapat niyang labhan ang kanyang damit. 26 Bawat hayop na biyak ang kuko ngunit hindi ngumunguya ng pagkaing mula sa sikmura ay marumi nga at ituturing na marumi rin ang bawat humawak rito. 27 Ituturing ninyong marumi ang mga hayop na may apat na paa, ngunit ang kuko'y hindi sumasayad sa lupa kapag lumalakad. Ang sinumang humawak sa bangkay nito ay ituturing na marumi hanggang sa paglubog ng araw. 28 Dapat labhan ang kasuotan ng sinumang humawak nito at siya ay ituturing ninyong marumi hanggang sa paglubog ng araw.

29 “Sa mga hayop na naglipana sa lupa, ituturing ninyong marumi ang mga sumusunod: ang bubuwit, ang daga, at lahat ng uri ng bayawak; 30 ang tuko, ang buwaya, ang butiki, ang bubuli at ang hunyango. 31 Marurumi ang lahat ng ito at sinumang humawak sa alinmang patay nito ay ituturing na marumi hanggang sa paglubog ng araw. 32 Kung ang alinman sa mga ito ang mamatay at lumagpak sa damit, kagamitang kahoy, balat o anumang kagamitang pang-araw-araw, ituturing na marumi ang nilagpakan nito hanggang sa paglubog ng araw; kailangang ibabad sa tubig ang nasabing kagamitan. 33 Kung sa palayok ito mahulog, ituring ding marumi ang laman nito at dapat nang basagin ang palayok. 34 Anumang pagkaing may sabaw o inuming tubig na malagay dito ay ituturing na marumi. 35 Marumi nga ang anumang lagpakan ng ganitong uri ng patay na hayop. Kung mahulog sa kalan o palayok, dapat sirain ito; ituturing nang marumi iyon. 36 Ngunit ang batis o ipunan ng tubig na malagpakan nito ay mananatiling malinis; gayunman, ang humawak sa patay na hayop ay ituturing na marumi. 37 Kung ang patay na hayop ay lumagpak sa binhing pananim, ito'y mananatiling malinis, 38 ngunit kung ang binhi ay babad na sa tubig, magiging marumi na ito.

39 “Kung mamatay ang anumang hayop na maaaring kainin, ang sinumang humawak rito ay ituturing na marumi hanggang sa paglubog ng araw. 40 Dapat labhan ang kasuotan ng sinumang kumain o bumuhat nito, at siya'y ituturing na marumi hanggang sa paglubog ng araw.

41 “Lahat ng maliliit na hayop na gumagapang sa lupa ay huwag ninyong kakainin sapagkat ito'y marurumi, 42 maging ito'y gumagapang sa lupa o naglalakad na may apat na paa o higit pa. 43 Huwag ninyong dudumhan ang inyong sarili sa pamamagitan ng pagkain ng alinman sa maruruming hayop na ito. 44 Panatilihin(B) ninyong malinis ang inyong sarili, sapagkat akong si Yahweh na inyong Diyos ay banal. 45 Ako ang naglabas sa inyo sa Egipto upang maging Diyos ninyo. Dapat kayong maging banal sapagkat ako'y banal.”

46 Ito ang mga tuntunin tungkol sa mga hayop, sa mga ibon at sa mga nilikha sa tubig, 47 para malaman ninyo ang malinis o hindi, ang makakain at hindi makakain.

Tuntunin sa Paglilinis ng Nanganak

12 Sinabi ni Yahweh kay Moises, “Ganito ang sabihin mo sa bayang Israel: Kung ang isang babae ay manganak ng lalaki, pitong araw siyang ituturing na marumi, tulad nang panahong siya'y may regla. Pagdating(C) ng ikawalong araw, dapat nang tuliin ang sanggol. Tatlumpu't tatlong araw pa ang hihintayin ng ina bago siya ituring na malinis. Hindi siya dapat humawak ng anumang bagay na sagrado at hindi rin dapat pumasok sa santuwaryo hanggang hindi natatapos ang takdang panahon. Kung babae naman ang kanyang anak, labing-apat na araw siyang ituturing na marumi, gaya rin nang siya'y may regla. Animnapu't anim na araw pa siyang maghihintay bago siya ituring na malinis.

“Kung tapos na ang panahon ng kanyang paglilinis, siya'y maghahandog kay Yahweh, maging lalaki o babae man ang kanyang anak. Magdadala siya sa pari sa may pintuan ng Toldang Tipanan ng isang tupang isang taóng gulang bilang handog na susunugin, at isang kalapati o batu-bato bilang handog para sa kapatawaran ng kasalanan. Ihahandog ito ng pari para sa nanganak, at ang babae'y ituturing na malinis. Ganito ang tuntuning dapat sundin ng isang nanganak.

“Kung(D) hindi niya kayang maghandog ng tupa, kukuha siya ng dalawang batu-bato o dalawang kalapati; ang isa'y handog na susunugin at ang isa nama'y handog para sa kapatawaran ng kasalanan. Matapos ihandog ng pari ang mga ito, ituturing nang malinis ang ina.”

Tuntunin tungkol sa mga Sakit sa Balat

13 Sinabi ni Yahweh kina Moises at Aaron, “Kung ang balat ninuman ay mamaga, magnana o kaya'y magkaroon ng parang singaw, at ang mga ito'y maging sakit sa balat na parang ketong, dapat siyang dalhin kay Aaron o sa mga anak niyang pari. Susuriin ito ng pari at kung makita nitong namuti ang balahibo sa balat at sa palagay nito'y tagos hanggang laman, ang taong iyon ay maysakit sa balat na parang ketong. Kung magkagayon, ipahahayag niya itong marumi. Ngunit kung balat lamang ang namuti at hindi pati balahibo, ihihiwalay siya nang pitong araw. Pagkatapos, susuriin siyang muli sa ikapitong araw at kung sa tingin ng pari ay hindi lumalala ang sakit sa balat, pitong araw pa niya itong ihihiwalay. Pagkaraan ng pitong araw, susuriin niyang muli ang may sakit. Kung nagbalik sa dati ang kulay ng kanyang balat at ang sakit sa balat ay hindi kumalat sa ibang bahagi ng kanyang katawan, ipahahayag siyang malinis dahil isa lamang itong pamamaga. Lalabhan niya ang kanyang damit at siya'y magiging malinis na. Ngunit kung mamaga uli ang kanyang balat at kumalat ang sakit sa ibang bahagi ng katawan, muli siyang haharap sa pari. Sisiyasatin siyang muli at kung ang pamamaga ay kumakalat nga, ipahahayag ng pari na ang maysakit ay marumi. May sakit sa balat na parang ketong ang taong iyon.

“Ang sinumang magkaroon ng sakit na ito ay dapat dalhin sa pari 10 para masuri. Sisiyasatin ito at kung ang namamagang balat ay mamuti at magnaknak at ang balahibo nito ay mamuti rin, 11 hindi na siya ihihiwalay pa sapagkat tiyak ngang siya'y marumi. 12 Kung kumalat ito sa buong katawan, 13 sisiyasatin siya ng pari at kung naging maputing lahat ang balat niya, ipahahayag siyang malinis. 14 Subalit sa sandaling magbalik ang dating kulay at ang balat ay muling magsugat-sugat, ituturing siyang marumi. 15 Sisiyasatin siya ng pari at kung gayon nga ang makita rito, ipahahayag nitong marumi ang taong iyon. Ang paglitaw ng mga sugat ay tanda na ang taong iyon ay may sakit sa balat na parang ketong at siya ay maituturing na marumi. 16 Kung sakaling gumaling ang sugat at pumuti ang balat, dapat siyang pumunta sa pari 17 upang muling magpasuri. Kung makita ng pari na ang kanyang sugat ay pumuti, ipahahayag siyang magaling na. Malinis na siya ayon sa rituwal.

18 “Kung magkapigsa ang alinmang bahagi ng kanyang katawan at gumaling, 19 ngunit ito'y mamaga uli at mamuti o mamula, dapat humarap sa pari ang taong iyon. 20 Kung makita niyang tagos sa laman ang sugat at ang balahibo nito ay namuti, ang taong iyon ay may sakit sa balat na parang ketong; ang pinagmulan nito ay sa pigsa. 21 Ngunit kung hindi naman tagos sa laman at hindi namuti ang balahibo, ang maysakit ay ibubukod nang pitong araw. 22 Kung lumaganap ito sa ibang bahagi ng katawan, ipahahayag siyang marumi sapagkat siya'y may nakakahawang sakit sa balat. 23 Kung hindi naman kumalat sa ibang bahagi ng katawan, ito'y marka lamang ng pigsa at ipahahayag ng pari na malinis ang taong iyon.

24 “Kung mapaso ang isang parte ng katawan at ang parteng hindi napaso ay namula o namuti, 25 susuriin ito ng pari. Kung pumuti ang balahibo nito at tumagos sa laman ang sugat, ito'y sakit sa balat na parang ketong. Ipahahayag na marumi ang taong iyon. 26 Kung makita ng pari na ang balahibo ng napasong parte ng katawan ay hindi namuti at hindi tagos sa laman ang sugat, ihihiwalay niya ang taong iyon nang pitong araw. 27 Pagkatapos, ito'y susuriin ng pari at kung ang sakit ay kumakalat sa katawan, ipahahayag na marumi ang taong iyon. Siya ay may sakit sa balat na parang ketong. 28 Ngunit kung hindi kumakalat o humahawa sa ibang panig ng katawan at maputla ang kulay, pamamaga lamang ito ng napaso; ipahahayag siya ng pari bilang malinis sapagkat ito'y paltos lamang.

29 “Kung ang isang lalaki o babae ay magkasugat sa ulo o sa baba, 30 susuriin siya ng pari. Kung nangangati at tagos sa laman ang sugat, at ang buhok ay numinipis at naninilaw-nilaw, ipahahayag siyang marumi; siya'y may sakit sa balat na parang ketong. 31 Ngunit kung ang nangangating sugat ay hindi naman umabot sa laman at hindi nanilaw ang buhok, ihihiwalay siya sa loob nang pitong araw. 32 Pagkatapos, susuriin siya ng pari. Kung hindi ito kumakalat at di tagos sa laman o hindi naninilaw ang buhok, 33 mag-aahit ang maysakit maliban sa palibot ng sugat, ngunit pitong araw pa siyang ihihiwalay. 34 Sa ikapitong araw, susuriin siyang muli ng pari. Kung ang sugat ay hindi kumakalat sa ibang panig ng katawan, ipahahayag siya ng pari bilang malinis. Maglalaba siya ng kanyang damit at siya'y magiging malinis. 35 Ngunit pagkatapos niyang makapaglinis at magkaroon muli ng sugat sa ibang panig ng katawan, 36 susuriin siya ng pari. Kung kumakalat ang sugat, ang taong iyon ay ituturing na marumi kahit hindi naninilaw ang buhok sa may sugat. 37 Kung sa tingin ng pari ay hindi kumakalat ang sugat at tinutubuan na ito ng itim na buhok, magaling na ang taong iyon at ituturing nang malinis.

38 “Kung ang sinumang babae o lalaki ay magkaroon ng mga batik na puti sa kanyang balat, 39 susuriin siya ng pari. Kung hindi masyadong maputi ang batik, an-an lamang iyon; siya'y ituturing na malinis.

40 “Kung nalalagas ang buhok ng isang tao, hindi siya ituturing na marumi kahit siya'y kalbo. 41 Kung malugas ang buhok sa gawing noo, siya ay kalbo rin, ngunit ituturing na malinis. 42 Ngunit kung may lumitaw na mamula-mulang sugat sa kalbo niyang ulo o noo, ito'y maaaring sakit sa balat na parang ketong. 43 Susuriin siya ng pari. Kung ang sugat na iyon ay tulad ng sakit sa balat na parang ketong na tumubo sa ibang bahagi ng katawan, 44 ipahahayag ng pari na siya'y marumi dahil sa sakit sa balat na parang ketong na nasa kanyang ulo.

45 “Ang taong may sakit sa balat na parang ketong ay dapat magsuot ng sirang damit, huwag mag-aayos ng buhok, tatakpan ang kanyang nguso at laging sisigaw ng, ‘Marumi ako! Marumi ako!’ 46 Hangga't siya'y may sugat, ituturing siyang marumi at sa labas ng kampo maninirahang mag-isa.”

Tuntunin tungkol sa Mantsa sa Damit o Kagamitang Katad

47 “Kung magkaroon ng amag[b] ang damit na lana o lino 48 o ang sinulid na lana o lino na di pa nahahabi o anumang yari sa balat, at 49 kung berde o mamula-mula ang amag, ito'y dapat ipakita sa pari. 50 Susuriin niya ito at pitong araw na ipapatago ang damit na nagkabatik. 51 Sa ikapitong araw, muli niyang titingnan ito at kung ang amag ay humawa sa ibang bahagi ng damit, maging ito'y kagamitang yari sa tela o balat, ituturing itong marumi. 52 Susunugin na niya ang mga ito sapagkat ito'y nakakahawa.

53 “Subalit kung hindi naman humahawa sa ibang parte ang mantsa nito, maging ito'y sa damit, sa kagamitang yari sa balat o sinulid, 54 iuutos niyang labhan iyon, ngunit ipapatago pa niya nang pitong araw. 55 Pagkatapos, muli itong sisiyasatin ng pari. Kung hindi pa rin nagbabago ang kulay nito, kahit hindi humahawa, ituturing na itong marumi at dapat sunugin, kahit ang amag ay nasa loob o nasa labas na bahagi ng kagamitan.

56 “Ngunit kung mapuna niyang kumupas ang mantsa, ang bahaging iyo'y gugupitin niya sa damit o kagamitang yari sa tela o balat. 57 At kung may lumitaw pang ibang mantsa, ang damit ay dapat nang sunugin. 58 Ngunit kung malabhan ang damit, kagamitang yari sa balat o sinulid, at maalis ang mantsa, ito'y lalabhang muli at ituturing nang malinis.”

59 Ito ang tuntunin tungkol sa mga amag ng anumang kasuotang damit o balat upang malaman kung marumi o malinis ang mga iyon.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.