Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Chronological

Read the Bible in the chronological order in which its stories and events occurred.
Duration: 365 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Bilang 14-15

Naghimagsik kay Yahweh ang Israel

14 Nalungkot ang buong bayan ng Israel at magdamag na nag-iyakan. Nagbulungan sila laban kina Moises at Aaron. Ang sabi nila, “Mabuti pang namatay na tayo sa Egipto o kaya'y sa ilang kaysa tayo'y patayin ng ating mga kaaway sa lupaing pinagdalhan sa atin ni Yahweh, at bihagin ang ating asawa't mga anak. Mabuti pa'y bumalik na tayo sa Egipto.” At nag-usap-usap sila na pumili ng isang lider na mangunguna sa kanilang pagbalik.

Sina Moises at Aaron ay nagpatirapa na nakikita ng buong bayan. Dahil sa hinagpis, pinunit nina Josue na anak ni Nun at Caleb na anak ni Jefune ang kanilang kasuotan. Sinabi nila, “Mainam ang lupaing tiningnan namin, saganang-sagana sa lahat ng bagay. Kung malulugod sa atin si Yahweh, ibibigay niya sa atin ang lupaing iyon na mayaman at sagana sa lahat ng bagay. Huwag(A) lamang kayong maghihimagsik laban sa kanya. Magtiwala kayo sa kanya at huwag matakot sa mga tagaroon. Madali natin silang matatalo. Kasama natin si Yahweh at ginapi na niya ang kanilang mga diyos. Kaya huwag kayong matakot.” 10 Ngunit binantaang babatuhin ng taong-bayan sina Josue at Caleb. Kaya't ipinakita ni Yahweh ang kanyang kaluwalhatian sa ibabaw ng Toldang Tipanan.

Nanalangin si Moises para sa Bayan

11 Itinanong ni Yahweh kay Moises, “Hanggang kailan ako hahamakin ng mga taong ito? Kailan pa sila maniniwala sa akin samantalang nasaksihan naman nilang lahat ang mga himalang ginawa ko para sa kanila? 12 Padadalhan ko sila ng salot at aalisan ng karapatan sa mana. At ikaw ang gagawin kong ama ng isang bansang higit na marami at makapangyarihan kaysa kanila.”

13 Sumagot(B) si Moises, “Malalaman ng mga Egipcio ang gagawin ninyong iyan. Alam pa naman nila na ang Israel ay inilabas ninyo sa Egipto sa pamamagitan ng inyong kapangyarihan. 14 At(C) kung ito'y sabihin nila sa mga taga-Canaan, alam din ng mga iyon na ang Israel ay pinapatnubayan ninyo. Alam nilang kayo ay harap-harapang nagpapakita sa Israel at ang bayang ito'y inyong pinapatnubayan sa pamamagitan ng haliging ulap kung araw at haliging apoy kung gabi. 15 Kung lilipulin ninyo sila, sasabihin ng lahat na 16 nilipol ninyo ang Israel sa ilang sapagkat hindi ninyo sila kayang dalhin sa lupaing ipinangako ninyo sa kanila. 17 Kaya nga, isinasamo kong minsan pa ninyong ipakita ang inyong kapangyarihan tulad ng sinabi ninyo noong una, 18 ‘Si Yahweh ay hindi madaling magalit, mahabagin at handang magpatawad. Subalit hindi niya ipinagwawalang-bahala ang kasamaan, sapagkat ang kasalanan ng mga magulang ay kanyang sisingilin hanggang sa ikatlo at ikaapat na salinlahi.’ 19 Isinasamo ko nga, Yahweh, patawarin na ninyo ang mga taong ito at patnubayan sila tulad ng inyong ginagawa mula nang sila'y ilabas ninyo sa Egipto, sapagkat kayo ay Diyos ng pag-ibig, at handang magpatawad sa mga nagkasala.”

20 Sinabi ni Yahweh, “Dahil sa panalangin mo, pinapatawad ko na sila. 21 Ngunit(D) ito ang tandaan mo: hanggang ako'y buháy at nalulukuban ng aking kaluwalhatian ang buong mundo, 22-23 isa man sa mga nakakita ng himalang ginawa ko ay hindi makakapasok sa lupaing ipinangako ko sa inyong mga ninuno. Paulit-ulit nila akong sinusubok at hindi nila ako sinusunod. 24 Ngunit(E) si Caleb na aking lingkod ay naiiba sa kanila. Sumunod siya sa akin nang buong katapatan, kaya makakapasok siya sa lupaing iyon, pati ang kanyang angkan. 25 Kaya bukas, magpatuloy kayo sa paglalakbay patungong Dagat na Pula.[a] Lumigid kayo sa ilang sapagkat ang mga Amoreo at Cananeo ay nasa kapatagan.”

Ang Parusa sa Israel

26 Sinabi ni Yahweh kina Moises at Aaron, 27 “Hanggang ngayo'y patuloy pa rin ang mga Israelita sa pagrereklamo laban sa akin. Kailan pa ba sila tatahimik? 28 Sabihin ninyo sa kanila na ito ang ipinapasabi ko: ‘Habang buháy akong si Yahweh, gagawin ko sa inyo ang narinig kong gusto ninyong mangyari. 29 Mamamatay(F) kayo dito sa ilang. Sa mga kabilang sa sensus, samakatuwid ay iyong mula sa dalawampung taon pataas, 30 isa man ay walang makakarating sa lupaing ipinangako ko, maliban kina Caleb na anak ni Jefune at Josue na anak ni Nun. 31 Ang makakarating lamang doon ay ang inyong mga anak na sinasabi ninyong mabibihag ng kaaway. Sila ang maninirahan doon. 32 Ngunit mamamatay kayo dito sa ilang. 33 Ang(G) mga anak ninyo'y magpapalabuy-laboy rito sa loob ng apatnapung taon, hanggang hindi kayo namamatay lahat. Ito ang kabayaran ng inyong hindi pagsampalataya. 34 Ang apatnapung araw na pinagmanman ninyo sa lupaing iyon ay tutumbasan ko ng apatnapung taon ng pagpapahirap upang madama ninyo ang aking poot sa loob ng panahong iyon.’ 35 Akong si Yahweh ang maysabi nito at gagawin ko ito sa masamang bayang ito. Mamamatay sila rito sa ilang.”

Namatay ang Sampung Masamang Espiya

36 At ang mga espiya na nagbigay ng masamang ulat na siyang naging dahilan ng kaguluhan sa Israel 37 ay nilipol ni Yahweh sa pamamagitan ng salot. 38 Ngunit hindi namatay si Josue na anak ni Nun at si Caleb na anak ni Jefune.

Nalupig ang Israel sa Horma(H)

39 Lahat ng bilin ni Yahweh ay sinabi ni Moises sa mga Israelita, at sila'y nag-iyakan. 40 Kinaumagahan, nagpunta sila sa ibabaw ng burol. Sinabi nila, “Papunta na kami sa lupaing sinasabi ni Yahweh. Tinatanggap naming kami'y nagkasala.”

41 Ngunit sinabi ni Moises, “Bakit ninyo sinusuway si Yahweh? Hindi ba ninyo alam na hindi magtatagumpay ang ginagawa ninyong iyan? 42 Huwag na kayong tumuloy. Kapag tumuloy kayo, malulupig kayo ng inyong mga kaaway sapagkat hindi kayo sasamahan ni Yahweh. 43 Ang mga Amalekita at Cananeo ay naroon sa pupuntahan ninyo at tiyak na papatayin nila kayo. Hindi ninyo maaasahan ang patnubay ni Yahweh sapagkat siya'y itinakwil na ninyo.”

44 Ngunit nagpatuloy pa rin sila kahit wala sa kanila ang Kaban ng Tipan at hindi nila kasama si Moises. 45 Sinalakay nga sila ng mga Amalekita at mga Cananeo na naninirahan sa kaburulan, tinalo sila ng mga ito at tinugis sila hanggang sa Horma.

Ang mga Tuntunin tungkol sa mga Handog

15 Sinabi ni Yahweh kay Moises, “Ganito ang sabihin mo sa Israel: Pagdating ninyo sa lupaing ibibigay ko sa inyo, maghahandog kayo kay Yahweh. Anumang ihahandog ninyo mula sa inyong mga kawan, maging handog na susunugin, tanging handog bilang panata, o kusang handog kung panahon ng pista, ay lalakipan ninyo ng handog na pagkaing butil na kalahating salop ng pinong harinang minasa sa isang litrong langis. Samahan din ng isang litrong alak ang bawat tupang handog upang sunugin. Ang bawat handog na tupang lalaki ay sasamahan ng handog na pagkaing butil na isang salop ng pinong harinang minasa sa 1 1/3 litrong langis, at 1 1/3 litrong alak. Sa ganoon, ang handog ninyo ay magiging mabangong samyo kay Yahweh. Kung maghahandog kayo ng isang toro upang sunugin o ihain bilang katuparan ng panata o kaya'y bilang handog pangkapayapaan, sasamahan naman ito ng isa't kalahating salop ng pinong harinang minasa sa dalawang litrong langis, 10 at ganoon din karaming inumin upang maging mabangong samyo kay Yahweh.

11 “Ganyan nga ang gagawin ninyo tuwing maghahandog kayo ng toro, tupang lalaki, batang tupa o batang kambing. 12 Ang dami ng handog na pagkaing butil at inumin ay batay sa dami ng handog. 13 Ganito nga ang gagawin ng mga katutubong Israelita sa pagdadala nila ng handog na mabangong samyo kay Yahweh. 14 Ganito rin ang gagawin ng dayuhang nakikipamayan sa inyo kung nais nilang mag-alay ng mabangong handog kay Yahweh. 15 Isa lamang ang tuntuning susundin ninyo at ng mga dayuhan sa habang panahon. Kung ano kayo sa harapan ni Yahweh ay gayon din ang mga dayuhang nakikipamayan sa inyo. 16 Magkaroon(I) lamang kayo ng iisang Kautusan at tuntuning susundin ng lahat, maging Israelita o dayuhan.”

17 Sinabi pa ni Yahweh kay Moises, 18 “Sabihin mo ito sa mga Israelita: Pagdating ninyo sa lupaing ibibigay ko sa inyo, 19 magbubukod kayo ng handog kay Yahweh tuwing kayo'y kakain ng mga pagkain doon. 20 Magbubukod kayo ng tinapay mula sa harinang una ninyong minasa at inyong ihain bilang handog mula sa ani. 21 Ihahandog ninyo kay Yahweh ang unang masa ng harina; ito'y tuntunin sa habang panahon.

22 “Subalit kung sakaling nakaligtaan ninyong tuparin ang alinman sa utos ni Yahweh na sinabi kay Moises, 23 buhat sa pasimula hanggang sa wakas, 24 ang buong bayan ay maghahandog ng isang toro bilang handog na susunugin kalakip ng handog na pagkaing butil, at isang kambing na lalaki bilang handog ukol sa kasalanan. 25 Ipaghahandog sila ng pari para sa kanilang kasalanan. Kapag nagawa na ito, patatawarin sila sapagkat ito'y pagkakamaling hindi sinasadya, at naghandog na sila para dito. 26 Ang buong Israel at ang mga nakikipamayan sa inyo ay patatawarin sapagkat ito'y pagkakamali nilang lahat.

27 “Kung(J) ang isang tao'y nagkasala nang hindi sinasadya, magdadala siya ng isang babaing kambing na isang taóng gulang bilang handog para sa kapatawaran ng kasalanan. 28 Siya'y ipaghahandog ng pari upang patawarin ni Yahweh. 29 Iisa ang tuntuning susundin tungkol sa hindi sinasadyang pagkakasala ng isang Israelita at ng isang dayuhan.

30 “Ngunit ititiwalag sa sambayanan ang sinumang magkasala nang sinasadya, maging siya'y katutubong Israelita o dayuhang nakikipamayan, sapagkat iyon ay paglapastangan kay Yahweh. 31 Dahil nilabag niya ang kautusan ni Yahweh, siya ang dapat sisihin sa kanyang kamatayan.”

Pinarusahan ang Namulot ng Kahoy sa Araw ng Pamamahinga

32 Nang sila'y nasa ilang, may nakita silang nangangahoy sa Araw ng Pamamahinga. 33 Iniharap nila ito kina Moises, Aaron at sa buong kapulungan. 34 Ikinulong muna siya habang hindi pa tiyak kung ano ang gagawin sa kanya. 35 Kaya't sinabi ni Yahweh kay Moises, “Dalhin siya sa labas ng kampo at pagbabatuhin ng buong kapulungan hanggang mamatay.” 36 Ganoon nga ang ginawa nila.

Ang Palawit sa Damit ng mga Israelita

37 Sinabi ni Yahweh kay Moises, 38 “Sabihin(K) mo sa mga Israelita na habang panahon silang maglalagay ng palawit sa laylayan ng kanilang mga damit. Susuksukan nila ito ng asul na tali. 39 Gagawin ninyo ito upang maalala ninyo at sundin ang mga kautusan ni Yahweh tuwing makikita ninyo ang mga palawit na iyon. Sa ganoon, masusunod ang salita ni Yahweh at hindi ang inyong sariling nasa at kagustuhan. 40 Sundin ninyong lagi ang aking mga utos at kayo'y lubos na magiging nakalaan sa akin. 41 Ako si Yahweh na inyong Diyos. Ako ang naglabas sa inyo sa Egipto upang maging Diyos ninyo. Ako si Yahweh na inyong Diyos.”

Mga Awit 90

IKAAPAT NA AKLAT

Ang Diyos at ang Tao

Panalangin ni Moises, ang lingkod ng Diyos.

90 Panginoon naming Diyos, ikaw ang aming tahanan,
    buhat pa nang simulang lumitaw ang aming angkan.
Wala pa ang mga bundok, hindi mo pa nilalalang,
    hindi mo pa nililikha itong buong daigdigan,
    ikaw noon ay Diyos na,
    pagkat ika'y walang hanggan.

Yaong taong nilikha mo'y bumabalik sa alabok,
    sa lupa ay nagbabalik kapag iyong iniutos.
Ang(A) sanlibong mga taon ay para bang isang araw,
    sa mata mo, Panginoon, isang kisap-mata lamang;
    isang saglit sa magdamag na ito ay dumaraan.
Mga tao'y pumapanaw na para mong winawalis,
    parang damo sa umagang tumubo sa panaginip.
Parang damong tumutubo, may taglay na bulaklak,
    kung gumabi'y nalalanta't bulaklak ay nalalagas.

Sa tindi ng iyong galit, para kaming nauupos,
    sa simbuyo ng galit mo'y lubos kaming natatakot.
Aming mga kasalanan, sa harap mo'y nahahayag,
    mga sala naming lihim ay kita mo sa liwanag.

Sa kamay mo'y nagwawakas itong hiram naming buhay,
    parang bulong lamang ito na basta lang dumaraan.
10 Buhay(B) nami'y umaabot ng pitumpung taóng singkad,
    minsan nama'y walumpu, kung kami'y malakas;
ngunit buong buhay namin ay puno ng dusa't hirap,
    pumapanaw pagkatapos, dito sa sangmaliwanag.

11 Ang tindi ng iyong galit sino kaya ang tatarok?
    Sino kaya ang susukat niyong ibubungang takot?
12 Dahil itong buhay nami'y maikli lang na panahon,
    itanim sa isip namin upang kami ay dumunong.

13 Hanggang kailan pa ba, Yahweh, ang ganitong kalagayan?
    Parang awa mo na, mga lingkod mo'y iyong tulungan!
14 Kung umaga'y ipadama iyong wagas na pag-ibig,
    at sa buong buhay nami'y may galak ang aming awit.
15 At ang aming kahirapan palitan mo ng ginhawa,
    singhaba rin ng panahon ang ipalit na ligaya.
16 Ipakita sa lingkod mo ang dakila mong gawain,
    at sa sunod naming lahi, ipadama ay gayon din.
17 Panginoon naming Diyos, kami sana'y pagpalain,
    magtagumpay nawa kami sa anumang aming gawin!
    Magtagumpay nawa kami!

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.