Chronological
Tungkol sa Paghihiwalay at Pag-aasawang Muli
24 “Kung(A) mag-asawa ang isang lalaki ngunit dumating ang panahon na ayaw na niya sa babae dahil may natuklasan siya ritong hindi kaaya-aya, at gumawa siya ng kasulatan ng paghihiwalay, ibinigay ito sa babae, at pinalayas ito sa kanyang pamamahay; 2 kung ang babaing hiniwalayan ay mag-asawa sa iba 3 at hiniwalayang muli matapos bigyan ng kasulatan ng paghihiwalay (o kaya'y namatay ang ikalawang asawa), at paalisin rin ito sa kanyang pamamahay, 4 ang babae ay hindi na maaaring pakasalan pa ng kanyang unang asawa; ang babae ay ituturing nang marumi. Magiging kasuklam-suklam kay Yahweh kung papakisamahan pa nito ang babae. Hindi ninyo dapat dungisan ang lupaing ibibigay niya sa inyo.
Iba't Ibang Tuntunin
5 “Ang lalaking bagong kasal ay hindi maaaring maglingkod sa hukbo o anumang gawaing-bayan sa loob ng isang taon; hahayaan muna siyang lumigaya sa piling ng kanyang asawa.
6 “Huwag ninyong kukuning sangla ang gilingan na ginagamit ng isang tao para sa kanyang pagkain, sapagkat para na rin ninyong kinuha ang kanyang ikinabubuhay.
7 “Sinumang(B) dumukot sa kapwa niya Israelita, upang alipinin o ipagbili ay dapat patayin. Sa ganitong paraan ninyo aalisin ang kasamaang tulad nito.
8 “Tungkol(C) sa mga sakit sa balat na parang ketong, sundin ninyong mabuti ang sasabihin sa inyo ng mga paring Levita, sapagkat iyon ang tagubilin ko sa kanila. 9 Alalahanin(D) ninyo ang ginawa ni Yahweh na inyong Diyos kay Miriam nang kayo'y naglalakbay mula sa Egipto.
10 “Kung(E) kayo'y magpapautang sa inyong kapatid, huwag kayong papasok sa bahay niya para kunin ang kanyang sangla; 11 maghintay kayo sa labas upang doon tanggapin ang sangla na kusang ibibigay ng nangutang. 12 Kung balabal ang sangla ng isang mahirap na nangutang sa inyo, huwag ninyong palilipasin ang gabi na nasa inyo ang sangla. 13 Dapat maibalik iyon sa kanya paglubog ng araw, sapagkat iyon lamang ang gagamitin niya sa pagtulog. Sa gayon, tatanaw siya ng utang na loob sa inyo at kalulugdan kayo ng Diyos ninyong si Yahweh.
14 “Huwag(F) ninyong ipagkakait ang kaukulang bayad sa inyong mahihirap at nangangailangang manggagawa, maging siya ma'y kapwa Israelita o dayuhan na nakikipamayan sa inyo. 15 Bago lumubog ang araw, ibigay na ninyo sa kanya ang sweldo niya para sa maghapon sapagkat iyon lamang ang inaasahan niya sa buhay. Kapag hindi ninyo ibinigay agad, at dumaing siya kay Yahweh, iyon ay pananagutan ninyo.
16 “Hindi(G) dapat parusahan ng kamatayan ang mga magulang dahil sa krimeng nagawa ng anak ni ang anak dahil sa krimeng nagawa ng magulang; ang mismong may sala lamang ang siyang dapat patayin.
17 “Huwag(H) ninyong pagkakaitan ng katarungan ang mga dayuhan o ang mga ulila. Huwag din ninyong kukuning sangla ang balabal ng babaing balo. 18 Iniuutos ko ito sa inyo sapagkat dapat ninyong alalahaning naging alipin din kayo sa Egipto at iniligtas kayo roon ng Diyos ninyong si Yahweh.
19 “Kung(I) sa pagliligpit ng ani ay may maiwan kayong mga uhay, huwag na ninyong babalikan iyon; hayaan na ninyong mapulot iyon ng mga dayuhan, ulila at mga biyuda. Sa ganoon, pagpapalain kayo ni Yahweh sa lahat ninyong gawain. 20 Kapag napitasan na ninyong minsan ang inyong mga olibo, huwag na ninyong babalikan ang natira; hayaan na ninyo iyon sa mga dayuhan, ulila at mga biyuda. 21 Kapag naani na ninyo ang inyong ubas, huwag na ninyong babalikan ang natira; hayaan na ninyo iyon sa mga dayuhan, ulila at mga biyuda. 22 Alalahanin ninyong kayo'y naging alipin din sa Egipto. Iyan ang dahilan kaya iniuutos ko ito sa inyo.
25 “Kapag may usaping iniharap sa hukuman, at napawalang-sala ang walang kasalanan at nahatulan ang may sala, 2 at kung ang angkop na parusa ay hagupit, padadapain ng hukom ang may sala, at hahagupitin ayon sa bigat ng kanyang kasalanan. 3 Apatnapu(J) ang pinakamaraming hagupit na maaaring ibigay sa may sala; ang higit dito ay paghamak na sa kanyang pagkatao.
4 “Huwag(K) ninyong bubusalan ang bibig ng baka habang ito'y gumigiik.
Ang Pag-aasawang Muli ng Isang Biyuda
5 “Kung(L) may dalawang magkapatid na naninirahan sa parehong bahay at mamatay na walang anak ang isang lalaking may asawa, ang nabiyuda niya ay hindi maaaring mag-asawa sa iba; dapat siyang pakasalan ng kapatid ng namatay at ito ang tutupad sa tungkulin ng kapatid na namatay. 6 Ang kanilang unang anak na lalaki ay isusunod sa pangalan ng namatay upang hindi mawala sa Israel ang pangalan nito. 7 Kung(M) (N) ayaw ng kapatid ng namatay na pakasalan ang balo, dudulog ito sa matatandang namumuno sa bayan. Sasabihin ng nabiyuda, ‘Ayaw ng lalaking ito na panatilihin ang pangalan ng kanyang kapatid. Ayaw niyang gampanan ang kanyang tungkulin para sa kanyang kapatid.’ 8 Kung magkagayon, ang kapatid ng yumao ay ipapatawag ng matatandang pinuno at pagsasabihan. Kapag ayaw pa rin niya, 9 lalapitan siya ng biyuda, hahablutin ang sandalyas nito saka duduraan sa mukha, at sasabihing, ‘Ganyan ang bagay sa taong tumatangging panatilihin ang pangalan ng kanyang kapatid.’ 10 At ang sambahayan ng lalaking ito'y makikilala sa buong Israel sa tawag na, Ang Sambahayan ng Lalaking Hinubaran ng Sandalyas.
Iba Pang Tuntunin
11 “Kapag may dalawang lalaking nag-aaway at ang asawa ng isa ay lumapit upang tulungan ang kanyang asawa at dinaklot ang ari ng kalaban, 12 puputulin ang kamay ng babaing iyon; hindi siya dapat kaawaan.
13 “Huwag kayong gagamit ng dalawang uri ng pabigat sa timbangan, isang mabigat at isang magaan. 14 Huwag din kayong gagamit ng dalawang uri ng takalan, isang malaki at isang maliit. 15 Ang tamang pabigat ang gagamitin ninyo sa timbangan, at ang gagamiting takalan ay iyong husto sa sukat upang mabuhay kayo nang matagal sa lupaing ibibigay sa inyo ng Diyos ninyong si Yahweh. 16 Lahat ng mandaraya ay kasuklam-suklam kay Yahweh na inyong Diyos.
Ang Paglipol sa Lahi ni Amalek
17 “Huwag(O) ninyong kalilimutan ang ginawa ng mga Amalekita sa inyo nang kayo'y naglalakbay mula sa Egipto. 18 Wala silang takot sa Diyos. Sinalakay nila kayo nang kayo'y lupaypay sa hirap, at pinuksa ang mga kasamahan ninyo sa hulihan. 19 Kapag nalupig na ninyo ang lahat ng inyong mga kaaway at panatag na kayo sa lupaing ibibigay sa inyo ni Yahweh na inyong Diyos, ubusin ninyo ang lahi ng mga Amalekita roon. Huwag ninyo itong kalilimutan.
Ang mga Tuntunin tungkol sa Unang Bunga at Ikasampung Bahagi ng mga Ani
26 “Kapag nasakop na ninyo ang lupaing ibibigay sa inyo ni Yahweh, at matiwasay na kayong naninirahan doon, 2 kumuha(P) kayo ng unang bunga ng inyong mga pananim. Ilagay ninyo iyon sa isang basket at dalhin sa lugar na pipiliin ng Diyos ninyong si Yahweh na kung saan ay sasambahin ang kanyang pangalan. 3 Haharap kayo sa paring nakatalaga roon at inyong sasabihin, ‘Kinikilala ko ngayon sa harap ni Yahweh na ako'y nakarating na sa lupaing ipinangako niya sa aming mga ninuno.’
4 “Kukunin naman ng pari ang basket at ilalagay sa harap ng altar. 5 Pagkatapos ay bibigkasin ninyo ang mga salitang ito sa harapan ni Yahweh:
‘Isang pagala-galang Arameo ang aking ninuno. Dinala niya ang kanyang pamilya sa Egipto upang manirahan doon. Kakaunti lamang sila nang magpunta doon, ngunit sila'y dumami nang dumami at naging isang malaki at makapangyarihang bansa. 6 Pinagmalupitan kami at inalipin ng mga Egipcio. 7 Kaya't humingi kami ng tulong kay Yahweh, ang Diyos ng aming mga ninuno. Dininig niya kami at nakita niya ang aming pagdurusa, kahirapan at kaapihang dinaranas. 8 Inilabas kami ni Yahweh mula sa Egipto sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan, ng mga kakila-kilabot na gawa at mga kababalaghan 9 at dinala sa lupaing ito na mayaman at sagana sa lahat ng bagay. 10 Kaya, narito ngayon, Yahweh, ang unang bunga ng aming mga pananim sa lupaing ibinigay mo sa amin.’
“Pagkasabi noon, ilapag ninyo ang inyong dala sa harap ng altar, saka kayo luluhod upang sambahin si Yahweh. 11 Dahil sa kabutihan niya sa inyo, kayong lahat ay magdiriwang, kasama ang buong sambahayan, ang mga Levita, at ang mga nakikipamayan sa inyo.
12 “Sa(Q) ikatlong taon, ibubukod ninyo ang ikasampung bahagi ng inyong ani upang ibigay sa mga Levita, sa mga dayuhan, sa mga ulila, at sa mga balo upang sila'y may makain. Kapag nagawa na ito, 13 sasabihin ninyo kay Yahweh na inyong Diyos, ‘Naibukod ko na po ang bahaging nakalaan sa inyo, at naibigay ko na sa mga Levita, sa mga dayuhan, sa mga ulila at balo, ayon sa utos ninyo sa akin. Hindi ko nilabag o kinaligtaan isa man sa inyong utos. 14 Hindi ko binawasan ang ikasampung bahagi kahit sa panahon ng kahirapan. Hindi ko ito inilabas sa aking bahay nang ako'y marumi. Hindi ko rin iniatang sa mga patay ang bahagi nito. Dininig ko ang inyong tinig, Yahweh, aking Diyos. Sinunod kong lahat ang iniutos ninyo sa amin. 15 Kaya nga, tingnan ninyo kami mula sa inyong banal na tahanan sa langit at pagpalain ninyo ang bayang Israel pati na ang lupaing ibinigay ninyo sa amin ayon sa pangako ninyo sa aming mga ninuno, ang lupaing mayaman at sagana sa lahat ng bagay.’
Bayang Nakalaan kay Yahweh
16 “Ngayon ay ibinigay nga sa inyo ng Diyos ninyong si Yahweh ang mga tuntuning ito; sundin ninyo ito nang buong puso't kaluluwa. 17 Ipinahayag ninyo ngayon na si Yahweh ang inyong Diyos, lalakad kayo ayon sa kanyang daan, susundin ang kanyang mga tuntunin at papakinggan ang kanyang tinig. 18 Ipinahayag(R) naman niya sa inyo na kayo ay kanyang bayang hinirang, tulad ng kanyang pangako, at dapat ninyong sundin ang kanyang mga tuntunin. 19 Pagpapalain niya kayo higit sa lahat ng bansang kanyang itinatag. Kayo ang bansang nakalaan sa kanya. At tulad ng kanyang pangako, kayo ay tatanggap ng papuri, katanyagan at karangalan.”
Ang Altar sa Bundok ng Ebal
27 Ganito naman ang bilin ni Moises, kasama ang matatandang namumuno sa sambayanan: “Sundin ninyong lahat ang kautusang ibinibigay ko sa inyo ngayon. 2 Pagkatawid(S) ninyo sa ibayo ng Jordan at papasok na kayo sa lupaing ibibigay sa inyo ni Yahweh, maglagay kayo ng malalaking bato, at inyong palitadahan sa ibabaw. 3 At isusulat ninyo roon ang lahat ng mga batas na ito pagdating ninyo sa lupaing mayaman at sagana sa lahat ng bagay, ang lupaing ipinangako sa inyo ni Yahweh, ang Diyos ng inyong mga ninuno. 4 Ilagay ninyo iyon sa Bundok ng Ebal at palitadahan ninyo, tulad ng sinasabi ko ngayon. 5 Magtayo(T) kayo roon ng altar na bato para kay Yahweh na inyong Diyos. Mga batong hindi ginamitan ng paet ang inyong gamitin. 6 Mga batong hindi tinapyas ang gagamitin ninyo para sa altar at doon ninyo iaalay ang inyong mga handog na susunugin. 7 Dito rin ihahain ang handog na pangkapayapaan at sa harap nito kayo magsasalu-salo sa panahon ng inyong pasasalamat sa Diyos ninyong si Yahweh. 8 At sa ibabaw ng mga batong iyon, isusulat ninyo nang malinaw ang bawat salita ng kautusan ni Yahweh.”
9 Sinabi ni Moises at ng mga paring Levita, “Tumahimik kayo at makinig, bayang Israel. Mula ngayon, kayo na ang sambayanan ni Yahweh. 10 Kaya, sumunod kayo sa kanya at tuparin ang mga tuntuning ibinibigay ko sa inyo ngayon.”
Ang mga Sumpa ng Hindi Pagsunod kay Yahweh
11 Nang araw ring iyon, ganito ang itinagubilin ni Moises sa buong Israel, 12 “Pagkatawid(U) ninyo ng Jordan, ang mga lipi nina Simeon, Levi, Juda, Isacar, Jose, at Benjamin ay tatayo sa tapat ng Bundok ng Gerizim upang bigkasin ang pagpapala. 13 Ang mga lipi naman nina Ruben, Gad, Asher, Zebulun, Dan, at Neftali ay tatayo sa tapat ng Bundok ng Ebal upang bigkasin ang mga sumpa. 14 Ganito naman ang isisigaw ng mga pari:
15 “‘Sumpain(V) ang sinumang gumawa ng anumang imahen upang sambahin kahit palihim, ito ay kasuklam-suklam kay Yahweh.’
“Ang buong bayan ay sasagot ng: ‘Amen.’
16 “‘Sumpain(W) ang sinumang hindi gumagalang sa kanyang ama at ina.’
“Sasagot ang sambayanan: ‘Amen.’
17 “‘Sumpain(X) ang sinumang gumalaw sa palatandaan ng hangganan ng lupang pag-aari ng kanyang kapwa.’
“Sasagot ang sambayanan: ‘Amen.’
18 “‘Sumpain(Y) ang sinumang magligaw sa bulag.’
“Sasagot ang sambayanan: ‘Amen.’
19 “‘Sumpain(Z) ang sinumang magkait ng katarungan sa mga dayuhan, ulila at biyuda.’
“Sasagot ang sambayanan: ‘Amen.’
20 “‘Sumpain(AA) ang sinumang nakikipagtalik sa ibang asawa ng kanyang ama, sapagkat inilalagay niya sa kahihiyan ang kanyang sariling ama.’
“Sasagot ang sambayanan: ‘Amen.’
21 “‘Sumpain(AB) ang sinumang makipagtalik sa anumang uri ng hayop.’
“Sasagot ang sambayanan: ‘Amen.’
22 “‘Sumpain(AC) ang sinumang sumiping sa kanyang kapatid na babae, kahit pa ito'y kapatid sa ama o sa ina.’
“Sasagot ang sambayanan: ‘Amen.’
23 “‘Sumpain(AD) ang sinumang sumiping sa kanyang biyenang babae.’
“Sasagot ang sambayanan: ‘Amen.’
24 “‘Sumpain ang sinumang lihim na pumatay sa kanyang kapwa.’
“Sasagot ang sambayanan: ‘Amen.’
25 “‘Sumpain ang sinumang nagpapabayad upang pumatay ng taong walang kasalanan.’
“Sasagot ang sambayanan: ‘Amen.’
26 “‘Sumpain(AE) ang sinumang hindi susunod sa mga utos na ito.’
“Sasagot ang sambayanan: ‘Amen.’
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.