Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Chronological

Read the Bible in the chronological order in which its stories and events occurred.
Duration: 365 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Hukom 3-5

Itinira ang Ibang Bayan Upang Subukin ang Israel

Hinayaan ni Yahweh na manatili sa lupain ang ilang mga bansa upang subukin ang mga Israelitang hindi nakaranas makipagdigma sa Canaan. Ginawa niya ito upang turuang makipagdigma ang lahat ng salinlahi ng Israel, lalo na ang mga walang karanasan sa digmaan. Ang mga naiwan sa lupain ay ang limang lunsod ng mga Filisteo, lahat ng lunsod ng mga Cananeo, mga taga-Sidon at mga Hivita na nanirahan sa Bundok ng Lebanon, mula sa Bundok ng Baal-hermon hanggang sa Pasong Hamat. Ginamit sila ni Yahweh upang subukin kung susunod o hindi ang mga Israelita sa mga utos na ibinigay niya sa kanilang mga ninuno sa pamamagitan ni Moises. Kaya nanirahan ang mga Israelita sa lupaing iyon kasama ng mga Cananeo, Heteo, Amoreo, Perezeo, Hivita at Jebuseo. Pinayagan nila ang kanilang mga anak na mag-asawa ng mga tagaroon at makisama sa paglilingkod sa mga diyus-diyosan.

Si Otniel

Ang mga Israelita ay muling gumawa ng kasamaan laban sa Diyos. Tinalikuran nila si Yahweh na kanilang Diyos at sumamba sila sa mga Baal at sa mga Ashera. Dahil dito, nagalit si Yahweh sa kanila at pinabayaang masakop ni Haring Cushanrishataim ng Mesopotamia. Walong taon silang inalipin ng haring ito. Subalit nang humingi sila ng tulong kay Yahweh, ginawa niyang hukom si Otniel, anak ni Kenaz at pamangkin ni Caleb, upang ito ang magligtas sa kanila sa pagkaalipin. 10 Nilukuban siya ng Espiritu[a] ni Yahweh, at siya'y naging hukom at pinuno ng Israel. Nakipagdigma siya laban kay Cushanrishataim na hari ng Mesopotamia. Sa tulong ni Yahweh, natalo ito ni Otniel. 11 Nagkaroon ng kapayapaan sa lupain sa loob ng apatnapung taon hanggang sa mamatay si Otniel na anak ni Kenaz.

Si Ehud

12 Muling gumawa ng kasamaan ang mga Israelita laban kay Yahweh. Dahil dito, si Eglon na hari ng Moab ay pinalakas ni Yahweh nang higit kaysa sa Israel. 13 Nakipagsabwatan si Eglon sa mga Ammonita at mga Amalekita. Natalo nila ang Israel at nasakop ang Lunsod ng Palma. 14 Labingwalong taóng sakop ni Eglon ang mga Israelita.

15 Subalit nang muling humingi ng tulong kay Yahweh ang mga Israelita, ginawa niyang hukom si Ehud na isang kaliwete, anak ni Gera buhat sa lipi ni Benjamin, upang sila'y iligtas. Siya ang pinagdala ng mga Israelita ng kanilang buwis kay Haring Eglon, kaya't 16 si Ehud ay gumawa ng isang tabak na magkabila'y talim at isa't kalahating metro ang haba. Itinali niya ito sa kanan niyang hita, sa loob ng kanyang damit. 17 At dinala nga ni Ehud ang mga buwis ng Israel kay Haring Eglon na isang napakatabang lalaki. 18 Nang maibigay na ni Ehud ang mga buwis, pinauwi na niya ang mga nagbuhat nito. 19 Ngunit pagdating sa may mga inukit na bato malapit sa Gilgal, nagbalik si Ehud sa hari at sinabi niya rito, “Kamahalan, mayroon po akong lihim na mensahe para sa inyo.”

Dahil dito, sinabi ng hari sa kanyang mga lingkod, “Iwan ninyo kami.” At umalis ang lahat sa harapan ng hari.

20 Lumapit si Ehud sa kinauupuan ng hari sa malamig na silid-pahingahan na nasa tuktok ng palasyo, at muling sinabi, “May ipinapasabi po sa akin ang Diyos para sa inyo.” At nang tumayo ang hari, 21 binunot ng kaliwang kamay ni Ehud ang kanyang tabak na nakatago sa kanyang kanang hita at itinarak sa tiyan ng hari. 22 Bumaon pati ang hawakan ng tabak at ito ay natakpan ng taba. Hindi na binunot ni Ehud ang patalim dahil tumagos ito hanggang sa likuran ng hari. 23 Paglabas ni Ehud, isinara niya ang pinto 24 at tuluy-tuloy na umalis. Nang magbalik ang mga lingkod ng hari, nakita nilang sarado ang pinto kaya inisip nilang nagbabawas ang hari. 25 Hindi nila binuksan ang pinto at naghintay na lamang sila sa labas. Inabot na sila ng pagkainip ngunit hindi pa lumalabas ang hari. Kaya, binuksan na nila ang silid nito. At nakita nilang patay na ang hari at nakahandusay sa sahig.

26 Samantala, malayo na ang narating ni Ehud habang naghihintay ang mga lingkod ng hari. Nakalampas na siya sa mga inukit na bato at tumakas papuntang Seira. 27 Pagdating sa kaburulan ng Efraim, hinipan niya ang trumpeta at nagsidatingan ang mga Israelita. At mula roon, pinangunahan niya sa pakikidigma ang mga ito. 28 Sinabi niya sa kanila, “Sumunod kayo sa akin. Pagtatagumpayin kayo ni Yahweh laban sa mga Moabita.” Kaya't sila'y sumunod sa kanya at nasakop nila ang tawiran ng mga Moabita sa Jordan. Wala silang pinatawid doon kahit isa. 29-30 Nang araw na iyon, nagwagi ang mga Israelita laban sa mga Moabita. Nakapatay sila ng may sampung libong Moabita na pawang matitipuno at malalakas; wala ni isa mang nakatakas. Mula noon, nagkaroon ng kapayapaan sa lupain sa loob ng walumpung taon.

Si Shamgar

31 Sumunod kay Ehud si Shamgar na anak ni Anat. Iniligtas din niya ang Israel nang patayin niya ang animnaraang Filisteo sa pamamagitan ng isang tungkod na pantaboy ng baka.

Sina Debora at Barak

Nang mamatay si Ehud, ang bayang Israel ay muling gumawa ng kasamaan laban kay Yahweh. Kaya, hinayaan ni Yahweh na masakop sila ni Jabin, isang Cananeo na hari ng Hazor. Si Sisera na taga-Haroset Hagoyim ang pinuno ng kanyang hukbo. Si Jabin ay may siyamnaraang karwaheng bakal. Pinagmalupitan at inapi niya ang Israel sa loob ng dalawampung taon. Kaya't humingi ng tulong kay Yahweh ang mga Israelita.

Noon, ang babaing propeta na si Debora, asawa ni Lapidot, ay nagsisilbing hukom ng Israel. Nakaugalian na niyang maupo sa ilalim ng puno ng palmera sa kaburulan ng Efraim, sa pagitan ng Rama at Bethel. Pinupuntahan siya rito ng mga tao upang magpasya sa kanilang mga usapin. Isang araw, ipinatawag niya si Barak na anak ni Abinoam na taga-Kades, mula sa lipi ni Neftali. Sinabi niya rito, “Ipinag-uutos sa iyo ni Yahweh, ang Diyos ng Israel, na pumili ka ng sampung libong kawal mula sa lipi nina Neftali at Zebulun. Isama mo sila sa Bundok ng Tabor. Lalabanan ninyo sa may Ilog Kison ang pangkat ni Sisera, ang pinuno ng hukbo ni Jabin. Ngunit pagtatagumpayin kita laban sa kanya.”

Sumagot si Barak, “Pupunta ako kung kasama ka. Ngunit kung hindi ka sasama, hindi ako pupunta.”

Sinabi ni Debora, “Kung gayon, sasama ako, ngunit wala kang makukuhang karangalan sapagkat si Sisera ay ibibigay ni Yahweh sa kamay ng isang babae.” Sumama nga si Debora kay Barak. 10 Nanawagan si Barak sa lipi nina Neftali at Zebulun, at sampung libong kalalakihan ang sumunod sa kanya. Sumama rin sa kanya si Debora.

11 Samantala, si Heber na isang Cineo ay lumayo sa mga kapwa niya Cineo. Ang mga Cineo ay buhat sa angkan ni Hobab na kamag-anak ng asawa ni Moises. Nagtayo si Heber ng tolda malapit sa kagubatan ng Zaananim, malapit sa Kades.

12 May nakapagsabi kay Sisera na si Barak ay pumunta sa Bundok Tabor. 13 Kaya, tinipon niya ang kanyang siyamnaraang karwaheng bakal at ang lahat ng kanyang kawal mula sa Haroset Hagoyim patungo sa Ilog Kison. 14 Sinabi ni Debora kay Barak, “Lusob! Ngayon ang araw na itinakda ni Yahweh upang gapiin mo si Sisera. Pangungunahan ka ni Yahweh!” Pumunta nga sa Bundok Tabor si Barak at ang sampung libong kawal niya. 15 Nang sumalakay sina Barak, nilito ni Yahweh sina Sisera. Nagkanya-kanyang takbuhan ang mga kawal nito. Si Sisera naman ay bumabâ sa kanyang karwahe at patakbong tumakas. 16 Hinabol nina Barak ang mga karwahe ni Sisera hanggang sa Haroset Hagoyim at pinatay nila ang lahat ng mga tauhan nito. Wala silang itinirang buháy.

17 Samantala, nakatakas si Sisera at nagtago sa tolda ni Jael na asawa ng Cineong si Heber, sapagkat magkaibigan si Haring Jabin ng Hazor at ang sambahayan ni Heber. 18 Nang makita ni Jael na papalapit si Sisera, sinabi niya, “Tuloy po kayo sa aking tolda at huwag kayong matakot.” Pumasok nga si Sisera at siya'y pinatago ni Jael sa likod ng tabing.[b] 19 Sinabi ni Sisera kay Jael, “Nauuhaw ako. Maaari mo ba akong bigyan ng tubig na maiinom?” Ang babae ay kumuha ng sisidlang-balat na puno ng gatas. Pinainom niya si Sisera, saka pinatagong muli.

20 Sinabi ni Sisera, “Diyan ka muna sa may pintuan ng tolda. Kapag may nagtanong kung may tao rito, sabihin mong wala.”

21 Dahil sa matinding pagod, nakatulog nang mahimbing si Sisera. Si Jael naman ay kumuha ng maso at tulos ng tolda. Dahan-dahan siyang lumapit kay Sisera at pinukpok ang tulos sa noo nito hanggang sa bumaon sa lupa. Sa gayon, namatay si Sisera. 22 Nang dumating si Barak na naghahanap kay Sisera, sinabi niya, “Narito ang hinahanap ninyo.” Pagpasok ni Barak, nakita niyang patay na si Sisera. Nakabulagta ito at nakabaon pa sa noo ang tulos.

23 Nang araw na iyon, pinagtagumpay ng Diyos ang bayang Israel laban kay Jabin, ang haring Cananeo. 24 Patuloy nila itong ginipit hanggang sa lubusang matalo.

Ang Awit nina Debora at Barak

Nang araw na iyon, ang awit na ito'y inawit ni Debora at ni Barak na anak ni Abinoam:

“Purihin si Yahweh!
    Ang mga Israelita'y buong giting na lumaban;
    nagkusang-loob ang taong-bayan.

“Mga pinuno at mga hari, inyong dinggin,
    ako'y aawit kay Yahweh, sa Diyos ng Israel!

“Nang sa bundok ng Seir, Yahweh, ikaw ay lumisan,
    at nang ang lupain ng Edom ay iyong iniwan,
    nayanig ang lupa at bumuhos ang ulan,
    tubig ng mga ulap sa kalangitan.
Nayanig(A) ang mga bundok sa harapan ni Yahweh, na nasa Zion,
    sa harapan ni Yahweh, ang Diyos ng Israel.

“Nang panahon ni Shamgar, anak ni Anat,
    gayundin naman nang panahon ni Jael,
ang mga manlalakbay ay lumilihis sa daan,
    tumigil ang mga tao sa pangangalakal.
Noo'y iniwan na ang mga nayon sa Israel,
    ngunit nang dumating ka, Debora,
    sa Israel ika'y naging isang ina.
Pumipili sila ng mga bagong diyus-diyosan,
    kaya't ang digmaa'y nasa mga pintuang-bayan.
Sa apatnapung libong Israel na lumaban,
    mayroon bang nagdala ng sibat at kalasag man lang?
Ang pagmamalasakit ng puso ko'y sa mga pinunong Israelita,
    na kusang nag-alay ng sariling buhay nila.
    Purihin si Yahweh!

10 “Umawit kayo[c] habang sakay ng mapuputing asno,
    habang maiinam na latag ang inuupuan ninyo
    at kayong mga naglalakad saanman patungo.
11 Sabay sa himig ng mga pastol sa tabing balon
    kung saan sinasaysay ang tagumpay ni Yahweh,
    mga tagumpay ng Israel sa kanyang mga nayon.
    Sa pintuan ng lunsod pumasok sila roon.

12 “Gumising ka, Debora, at ikaw ay tumayo!
    Gumising ka't bumangon, umawit ng isang himig.
Barak, anak ni Abinoam,
    kumilos ka't dalhin mong bihag ang mga kalaban.
13 Kumilos na ang mga dakila ng bayan;
    alang-alang kay Yahweh malakas man ay lalabanan!
14 Sumalakay sa libis[d] ang hukbo ni Efraim,
    kasunod sa paglusob ang lipi ni Benjamin.
Mga pinuno ng Maquir sa digmaa'y dumating,
    gayundin ang mga pinuno na sa Zebulun nanggaling.
15 Ang mga pinuno ng Isacar sumama kay Debora,
    gayundin kay Barak na tagapanguna,
    at hanggang sa libis sumunod sa kanya.
Ngunit ang lipi ni Ruben ay di makapagpasya,
    di nila malaman kung sila ay sasama.
16 Bakit ayaw ninyong iwan ang pastulan?
    Hindi n'yo ba maiwan ang inyong mga kawan?
Ang lipi nga ni Ruben, sa pagpapasya'y nahirapan.
17 Ang Gilead ay nanatili sa silangan ng Jordan,
    ang mga barko'y hindi iniwan ng lipi ni Dan.
Ang lipi ni Asher, sa tabing-dagat nagpaiwan,
    sila'y nanatili sa mga daungan.
18 Itinaya ng Zebulun ang kanyang buhay,
    gayundin ang Neftali na humarap sa digmaan.

19 “Ang mga hari'y dumating doon sa labanan,
    silang mga hari ng lupang Canaan,
sa mga batis ng Megido doon sa Taanac,
    ngunit wala silang nasamsam na pilak.
20 Pati mga bituin ay nakipaglaban,
    nilabanan si Sisera buhat sa kalangitan.
21 At sa kanilang pagtawid sa ilog ng Kison,
    tinangay sila ng agos, nilamon ng mga alon.
Gayunman kaluluwa ko, tumatag ka't magpatuloy!
22 Sa bilis ng takbo ang yabag ay walang humpay,
    kabayong matutulin sila ang nakasakay.

23 “Sumpain ang Meroz,” sabi ng anghel ni Yahweh.
    “Sumpain nang labis ang naninirahan doon,
sapagkat hindi sila humarap at tumulong sa labanan,
    nang digmain ni Yahweh ang mga kalaban.

24 “Higit ngang pinagpala ang babaing si Jael,
    ang asawa ng Cineong si Heber,
    sa lahat ng babaing nakatira sa mga tolda, higit na pagpapala nakalaan sa kanya.
25 Si Sisera'y humingi ng tubig na inumin, ngunit gatas ang ibinigay ni Jael;
    malinamnam na gatas sa sisidlang mamahalin.
26 At habang ang tulos ng tolda'y hawak ng kaliwang kamay,
    sa kanan nama'y hawak ang maso ng panday,
ibaon ang tulos sa sentido ni Sisera,
    nabasag at nadurog ang ulo niya.
27 Sa paanan ni Jael, si Sisera'y nahandusay,
    sa kanyang paana'y bumagsak at namatay.

28 “Itong ina ni Sisera ay naroon sa bintana,
    naiinip, hindi mapakali, nagtatanong na may luha,
‘Bakit kaya hanggang ngayon ang anak ko'y wala pa,
    kabayo at karwahe niya'y masyadong naaantala?’
29 Mga babaing tagapayo ay tumugon sa kanya;
    at sa kanyang tanong ito rin ang sagot niya:
30 ‘Nagtatagal marahil siya sa paghanap ng samsam nila,
    para sa isang kawal, isang babae o dalawa,
    mamahaling kasuotan para sa kanyang ina,
    at magarang damit naman para sa kanya.’

31 “Ganyan nawa malipol ang iyong mga kalaban, O Yahweh,
    maging tulad naman ng sumisikat na araw ang iyong mga kaibigan.”

At nagkaroon ng kapayapaan sa lupain sa loob ng apatnapung taon.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.