Chronological
Ang Lugar na Tinawag na Tabera
11 Dahil sa hirap na dinaranas, nagreklamo ang mga Israelita. Dahil dito, nagalit si Yahweh at pinaulanan ng apoy ang isang bahagi ng kanilang kampo. 2 Kaya, nagmakaawa kay Moises ang mga Israelita at agad naman siyang dumulog kay Yahweh. Dininig naman siya at namatay ang apoy. 3 At ang lugar na iyo'y tinawag nilang Tabera[a] sapagkat nagliyab doon ang apoy mula kay Yahweh.
Pumili si Moises ng Pitumpung Pinuno
4 Ang mga dayuhang sumama sa paglalakbay ng mga Israelita ay nanabik sa dati nilang pagkain at nagaya sa kanila ang mga Israelita. Kaya, nagreklamo na naman sila. Ang sabi nila, “Kailan pa ba tayo makakatikim ng karne? 5 Mabuti pa sa Egipto! Doon, nahihingi lang ang isda. At naaalaala ba ninyo ang pipino, pakwan, sibuyas, bawang at gulay na kinakain natin noon? 6 Nanghihina na tayo ngayon. Walang makain dito kundi ang mannang ito!”
7 Ang(A) manna ay parang buto ng kulantro at kakulay ng bedelio. 8 Ito ang laging pinupulot ng mga tao. Ginigiling nila ito o binabayo. Kapag niluto, ito'y lasang tinapay na sinangkapan ng langis. 9 Ito'y(B) kasama ng hamog na bumabagsak kung gabi.
10 Narinig ni Moises ang reklamo ng lahat ng sambahayan na nakatayo sa pintuan ng kani-kanilang tolda. Nagalit nang labis si Yahweh, kaya't nanlumo si Moises. 11 Itinanong ni Moises kay Yahweh, “Bakit ninyo ako ginaganito? Anong ikinagagalit ninyo sa akin? Bakit ninyo ako binigyan ng ganito kabigat na pasanin? 12 Ako ba ang nagsilang sa kanila? Aalagaan ko ba sila tulad ng pag-aalaga ng ina sa kanyang anak, hanggang makarating kami sa lupaing ipinangako ninyo sa aming mga ninuno? 13 Ayaw nila akong tigilan sa kahihingi ng karne. Saan ako kukuha ng karne para sa ganito karaming tao? 14 Hindi ko sila kayang alagaang mag-isa. Napakabigat ng pasaning ito para sa akin! 15 Kung ganito rin lamang ang gagawin ninyo sa akin, mabuti pa'y mamatay na ako ngayon din kaysa maghirap nang matagal.”
16 Dahil dito, sinabi ni Yahweh kay Moises, “Pumili ka ng pitumpung matatandang pinuno sa Israel, iyong mga kinikilala ng kanilang lipi, at isama mo sa Toldang Tipanan. 17 Pagdating ninyo roon, bababâ ako at makikipag-usap sa iyo. Babahaginan ko sila ng espiritung ibinigay ko sa iyo upang makatulong mo sila. 18 Sabihin mo naman sa buong bayan na ihanda nila ang kanilang mga sarili sapagkat bukas ay makakakain na sila ng karne. Nagrereklamo na naman sila. Itinatanong nila kung kailan pa sila makakatikim ng karne. Sinabi pang mabuti pa sa Egipto at marami silang pagkain. Kaya, bukas, ibibigay ko sa kanila ang pagkaing gusto nila. 19 Hindi lamang para sa isa, dalawa, lima, sampu, dalawampung araw ang ibibigay ko sa kanila, 20 kundi para sa isang buong buwan. Laging ito ang kakainin nila hanggang sa magsawa sila at magkandasuka sa pagkain nito sapagkat itinakwil nila ako at sinabi pa nilang mabuti pang hindi na sila umalis sa Egipto.”
21 Sumagot si Moises, “Lahat-lahat ng kasama ko'y 600,000, at sinasabi mong bibigyan mo sila ng karne para sa isang buong buwan? 22 Kahit na patayin ang lahat naming hayop o mahuli ang lahat ng isda sa dagat ay hindi sasapat sa ganito karaming tao.”
23 Sinabi ni Yahweh, “Moises, mayroon ba akong hindi kayang gawin? Ngayon di'y ipapakita ko sa iyo kung totoo o hindi ang aking sinasabi.”
24 Lumakad na si Moises at ibinalita sa mga Israelita ang sinabi ni Yahweh. Isinama niya ang pitumpung pinuno ng Israel at pinatayo sa paligid ng Toldang Tipanan. 25 Bumabâ si Yahweh sa ulap at kinausap si Moises. Ang pitumpung matatandang pinuno ay binahaginan nga niya ng espiritu, tulad ng ibinigay niya kay Moises. Sila'y napuspos ng kapangyarihan at nagpropesiya ngunit hindi na nila ito muling nagawa.
26 May naiwang dalawang pinuno sa kampo, Eldad ang pangalan ng isa at Medad naman ang isa. Tinawag silang kasama ng pitumpu ngunit hindi sumama. Gayunman, binahaginan din sila ng espiritu ni Yahweh kaya sila'y nagpahayag din tulad ng mga propeta sa loob ng kampo. 27 Nakita pala sila ng isang binata at patakbo itong nagpunta kay Moises. Sinabi niya, “Sina Eldad at Medad ay nagpapahayag sa kampo.”
28 Dahil dito, sinabi ni Josue na anak ni Nun at lingkod ni Moises, “Bakit di po ninyo sila sawayin?”
29 Ngunit sinabi ni Moises, “Nangangamba ka bang ako'y mababawasan ng karangalan? Gusto ko ngang maging propeta at mapuspos ng espiritu ni Yahweh ang lahat ng mga Israelita.” 30 Si Moises at ang pitumpung pinuno ng Israel ay nagbalik na sa kampo.
Nagpadala ng Napakaraming Pugo si Yahweh
31 Si Yahweh ay nagpadala ng hanging may tangay na laksa-laksang pugo mula sa kabila ng dagat. Ang mga ito'y nagliliparan sa paligid ng kampo. Isang metro lang ang taas ng kanilang lipad mula sa lupa at ang lawak ay isang araw na lakarin sa kabi-kabilang kampo. 32 Lumabas ng kampo ang mga Israelita at nanghuli ng pugo hanggang kinabukasan; ang pinakakaunting nahuli ng isang tao ay aabot sa sampung malalaking sisidlan.[b] Ang mga ito'y ibinilad nila sa paligid ng kampo. 33 Ngunit bago pa lamang nila ito kinakagat, ibinuhos na ni Yahweh ang kanyang galit sa mga Israelita at siya'y nagpadala ng isang kakila-kilabot na salot. 34 Ang lugar na iyon ay tinawag na Kibrot-hataava sapagkat doon nalibing ang mga taong naging hayok sa karne. 35 Mula roon, nagpatuloy sila ng paglalakbay hanggang sa Hazerot.
Nag-usap sina Miriam at Aaron Laban kay Moises
12 Sina Miriam at Aaron ay nagsalita ng laban kay Moises dahil sa babaing Cusita na kanyang pinakasalan—sapagkat siya'y nag-asawa nga ng isang babaing taga-Cus. 2 Ang sabi nila, “Sa pamamagitan lang ba ni Moises nagsasalita si Yahweh? Hindi ba't sa pamamagitan din natin?” Narinig ni Yahweh ang usapan nilang ito. 3 Si(C) Moises naman ay isang taong mapagpakumbaba higit kaninumang nabuhay sa ibabaw ng lupa.
4 Dahil dito, tinawag ni Yahweh sina Moises, Aaron at Miriam. Sinabi niya, “Magpunta kayong tatlo sa Toldang Tipanan.” At nagpunta nga sila. 5 Si Yahweh ay bumabâ sa anyo ng haliging ulap at tumayo sa pintuan ng Toldang Tipanan. Tinawag niya sina Aaron at Miriam. Paglapit nila, 6 sinabi niya, “Pakinggan ninyo ang sasabihin ko. Kung ang sinuma'y nais kong piliing propeta, nagpapakita ako sa kanya sa pangitain at kinakausap ko siya sa panaginip. 7 Ngunit(D) kaiba ang ginawa ko kay Moises sapagkat ipinagkatiwala ko sa kanya ang aking buong sambahayang Israel. 8 Kinakausap ko siya nang harap-harapan at sinasabi ko sa kanya ang lahat sa maliwanag na paraan, hindi sa pamamagitan ng talinghaga. At siya lamang ang nakakita sa aking anyo. Bakit hindi man lamang kayo natakot na magsalita laban sa kanya?” 9 Nagalit sa kanila si Yahweh, at siya'y umalis.
10 Nang mawala na ang ulap sa ibabaw ng Toldang Tipanan, si Miriam ay nagkaroon ng maputing sakit sa balat na parang ketong. Nang makita ito ni Aaron, 11 sinabi niya kay Moises, “Kapatid ko, huwag mo sana kaming parusahan dahil sa aming kamangmangan at kasamaan. 12 Huwag mong pabayaang matulad siya sa isang buháy na patay, parang ipinanganak na nabubulok ang kalahati ng katawan.” 13 Kaya, nakiusap si Moises kay Yahweh, “O Diyos, pagalingin po sana ninyo si Miriam!”
14 Ngunit(E) ang sagot ni Yahweh, “Kung siya'y duraan ng kanyang ama, hindi ba siya magtatago ng pitong araw dahil sa kahihiyan? Hayaan ninyo siya ng pitong araw sa labas ng kampo.” 15 Kaya si Miriam ay pitong araw na nasa labas ng kampo. Hindi umalis ang bansang Israel hanggang hindi nakakapasok ng kampo si Miriam. 16 Mula sa Hazerot, patuloy silang naglakbay. Pagdating sa ilang ng Paran ay nagkampo sila.
Nagsugo ng Labindalawang Espiya sa Canaan(F)
13 Sinabi ni Yahweh kay Moises, 2 “Pumili ka ng isa sa mga kinikilalang pinuno ng bawat lipi at isugo mo sila upang manmanan ang Canaan, ang lupaing ibibigay ko sa inyo.” 3-15 Ganoon nga ang ginawa ni Moises. Kaya't mula sa ilang ng Paran, isinugo niya ang mga sumusunod na pinuno upang magmanman:
Lipi | Pinuno |
---|---|
Ruben | Samua na anak ni Zacur |
Simeon | Safat na anak ni Hori |
Juda | Caleb na anak ni Jefune |
Isacar | Igal na anak ni Jose |
Efraim | Oseas na anak ni Nun |
Benjamin | Palti na anak ni Rafu |
Zebulun | Gadiel na anak ni Sodi |
Manases | Gadi na anak ni Susi |
Dan | Amiel na anak ni Gemali |
Asher | Setur na anak ni Micael |
Neftali | Nahabi na anak ni Vapsi |
Gad | Geuel na anak ni Maqui |
16 Sila ang isinugo ni Moises upang maging espiya sa Canaan; si Oseas na anak ni Nun ay tinawag niyang Josue. 17 Bago lumakad ang mga espiya, sila'y pinagbilinan ni Moises, “Sa Negeb kayo dumaan saka magtuloy sa kaburulan. 18 Pag-aralan ninyong mabuti ang lupain. Tingnan ninyo kung malalakas o mahihina ang mga tao roon, kung marami o kakaunti. 19 Tingnan ninyo kung mainam o hindi ang lupa, at kung may matitibay na muog o wala ang mga bayang tinitirhan ng mga tao roon. 20 Tingnan din ninyo kung mataba ang mga bukirin doon o hindi, at kung maraming punongkahoy o wala. Lakasan ninyo ang inyong loob. At pagbalik ninyo, magdala kayo ng ilang bungangkahoy mula roon.” Noon ay panahon ng pagkahinog ng ubas.
21 Pagdating sa Canaan, tiningnan ng mga espiya ang lupain mula sa ilang ng Zin hanggang sa Rehob, sa malapit sa Pasong Hamat. 22 Umahon sila ng Negeb at nakarating ng Hebron at doo'y natagpuan nila ang mga angkan nina Ahiman, Sesai at Talmai. Ang mga ito'y mula sa lahi ni Anac. (Ang Hebron ay pitong taon nang lunsod bago ang Zoan sa Egipto.) 23 Pagdating nila sa kapatagan ng Escol, kumuha sila ng isang buwig ng ubas na pinasan ng dalawang tao. Nanguha rin sila ng bunga ng punong granada at igos. 24 Ang lugar na iyon ay tinawag nilang Escol[c] dahil sa malaking buwig ng ubas na nakuha nila roon.
25 Pagkaraan ng apatnapung araw, umuwi na ang mga espiya 26 at humarap kina Moises, Aaron at sa buong bayang Israel na natitipon noon sa Paran, sakop ng Kades. Iniulat nila ang kanilang nakita at ipinakita ang mga uwi nilang bungangkahoy. 27 Ang sabi nila, “Pinag-aralan namin ang lupain at natuklasan naming ito'y mayaman at masagana sa lahat ng bagay. Katunayan ang bungangkahoy na kinuha namin doon. 28 Ngunit malalakas ang mga tagaroon. Malalaki ang lunsod at matitibay ang mga pader. Bukod dito, naroon din ang mga lahi ng higante. 29 Sakop ng mga Amalekita ang Negeb. Ang kaburulan ay tinitirhan naman ng mga Heteo, Jebuseo at Amoreo. Mga Cananeo naman ang nasa baybay-dagat at sa tabi ng Ilog Jordan.”
30 Subalit pinatahimik ni Caleb ang mga taong-bayan na nagrereklamo na noon kay Moises. Sinabi ni Caleb, “Hindi tayo dapat mag-aksaya ng panahon. Lusubin na natin sila sapagkat kaya natin silang gapiin.”
31 Ngunit sumagot ang ibang espiyang kasama niya, “Hindi natin sila kaya sapagkat mas malakas sila kaysa atin.” 32 Hindi maganda ang kanilang ulat tungkol sa lupaing pinasiyasat sa kanila. Ito ang sinabi nila, “Malalaking tao ang nakatira doon at sinumang magtangkang sumakop sa kanila ay lalamunin nila. 33 Nakita(G) namin doon ang mga higante. Sila ay mula sa lahi ni Anac. Mga tipaklong lamang kami kung ihahambing sa kanila.”
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.