Chronological
Kautusan tungkol sa mga Handog na Sinusunog
1 Tinawag ni Yahweh si Moises, at mula sa Toldang Tipanan ay sinabi sa kanya, 2 “Sabihin mo ito sa mga Israelita: ‘Kung may maghahandog kay Yahweh, ang dapat niyang ihandog ay baka, tupa o kambing.’
3 “Kung baka ang kanyang handog na susunugin, kailangang ito'y lalaki at walang kapintasan. Dadalhin niya ito sa may pintuan ng Toldang Tipanan upang maging kalugud-lugod sa akin. 4 Ipapatong niya sa ulo ng hayop ang kanyang kamay at iyo'y tatanggapin bilang pantubos sa kanyang kasalanan. 5 Pagkatapos, papatayin niya ito sa harapan ko at ang dugo'y ibubuhos ng mga paring mula sa angkan ni Aaron sa palibot ng altar, sa may pintuan ng Toldang Tipanan. 6 Babalatan niya ang hayop saka kakatayin. 7 Ang mga pari nama'y maglalagay ng baga sa altar at iaayos sa ibabaw nito ang kahoy na panggatong. 8 Ihahanay nila nang maayos sa ibabaw ng apoy ang mga pira-pirasong karne, kasama ang ulo at taba. 9 Ngunit dapat muna nilang hugasan ang laman-loob at ang mga paa bago ilagay sa altar. Pagkatapos, ang lahat ng ito'y sama-samang susunugin bilang handog, upang ang usok nito'y maging mabangong samyo sa akin.
10 “Kung tupa o kambing ang ihahandog, kailangang ito'y lalaki rin at walang kapintasan. 11 Papatayin ito ng naghahandog sa harapan ni Yahweh sa gawing hilaga ng altar at ang dugo'y ibubuhos ng mga pari sa paligid ng altar. 12 Kakatayin niya ito at ihahanay ng pari sa ibabaw ng apoy sa altar ang mga piraso ng karne kasama ang ulo at taba. 13 Ang laman-loob at mga paa ay dapat munang hugasan bago ilagay sa altar. Pagkatapos, ang lahat ay susunugin upang ang usok nito'y maging mabangong samyo sa akin.
14 “Kung ibon ang handog na susunugin, ang dadalhin niya'y batu-bato o kalapati. 15 Ibibigay niya ito sa pari upang dalhin sa altar. Pipilipitin ng pari ang leeg ng ibon at ang dugo'y patutuluin sa paligid ng altar. 16 Aalisin niya ang balahibo't bituka ng ibon at ihahagis sa tapunan ng abo, sa gawing silangan ng altar. 17 Bibiyakin niya ang katawan nito ngunit hindi paghihiwalayin. Pagkatapos, susunugin niya ito sa altar bilang handog upang ang usok nito'y maging mabangong samyo sa akin.”
Handog na Pagkaing Butil
2 “Kung may maghahandog ng pagkaing butil kay Yahweh, ang ihahandog niya'y ang mabuting uri ng harina. Bubuhusan niya ito ng langis ng olibo at bubudburan ng insenso 2 bago dalhin sa mga pari. Ang paring namumuno sa paghahandog ay dadakot ng harina, kasama ang langis at lahat ng insenso para sunugin sa altar bilang tanda na ang lahat ng ito'y inihandog kay Yahweh. Ang usok nito'y magiging mabangong samyo kay Yahweh. 3 Ang matitira sa handog na pagkaing butil ay para kay Aaron at sa kanyang mga anak. Ito ay ganap na sagrado sapagkat ito'y bahagi ng pagkaing handog sa akin.
4 “Kung luto sa pugon ang handog na pagkaing butil, kailangang ito'y yari sa mabuting uri ng harina at walang pampaalsa. Maaari itong masahin sa langis at lutuin nang makapal o kaya'y lutuin nang maninipis at pahiran ng langis.
5 “Kung luto naman sa palapad na kawali ang handog na pagkaing butil, kailangang mabuti ring uri ng harina ang gamitin, walang pampaalsa at minasa rin sa langis. 6 Pagpipira-pirasuhin ito at bubuhusan ng langis; ito ay isang handog na pagkaing butil.
7 “Kung luto naman sa kawali ang handog na pagkaing butil, kailangang ito'y gawa din sa mabuting uri ng harina at langis ng olibo. 8 Ang mga pagkaing butil na handog kay Yahweh ay dadalhin sa pari; dadalhin naman niya ito sa altar. 9 Kukunin ng pari mula sa handog ang bahaging pang-alaala at susunugin sa ibabaw ng altar bilang handog upang ang usok nito'y maging mabangong samyo kay Yahweh. 10 Ang matitira ay para kay Aaron at sa kanyang mga anak; ito'y ganap na sagrado sapagkat kinuha sa pagkaing handog kay Yahweh.
11 “Huwag kayong maghahandog kay Yahweh ng anumang handog na pagkaing butil na may pampaalsa, sapagkat hindi kayo dapat magsunog ng pampaalsa o pulot kung ito'y ihahandog sa akin. 12 Kung unang bunga naman ng halaman ang inyong ihahandog, huwag ninyo itong susunugin sa altar. 13 Titimplahan ninyo ng asin ang lahat ng handog na pagkaing butil. Huwag ninyong kakalimutang lagyan ng asin ang inyong handog na pagkaing butil sapagkat ang asin ay tanda ng inyong kasunduan kay Yahweh. Kaya lalagyan ninyo ng asin ang lahat ng handog. 14 Kung ang handog na pagkaing butil ay trigong mula sa unang ani, kailangang gilingin ito o isangag. 15 Bubuhusan ninyo ng langis at bubudburan ng insenso. 16 Kukuha ang pari ng bahaging susunugin kasama ang langis at insenso bilang alaala. Ito ay isang handog na pagkaing butil na susunugin para kay Yahweh.”
Mga Handog na Pangkapayapaan
3 “Kung ang iaalay na handog pangkapayapaan ay isang baka, maging babae o lalaki man, kailangang ito'y walang kapintasan. 2 Ipapatong niya sa ulo nito ang kanyang kamay at ito'y papatayin sa may pintuan ng Toldang Tipanan. At ibubuhos ng pari ang dugo sa paligid ng altar. 3 Sa handog na ito kukuha ang pari ng parteng susunugin para kay Yahweh. Kukunin niya ang tabang nakabalot sa laman-loob at lahat ng taba nito; 4 gayundin ang dalawang bato, ang taba sa balakang at ang tabang bumabalot sa atay. 5 Ang lahat ng ito'y ilalagay sa altar at susunugin ng mga pari bilang handog upang ang usok nito'y maging mabangong samyo kay Yahweh.
6 “Kung tupa o kambing ang handog pangkapayapaan, maging ito'y lalaki o babae, kailangang ito'y walang kapintasan. 7 Kung tupa ang handog ng isang tao, ito'y dadalhin niya sa harapan ko. 8 Ipapatong niya sa ulo nito ang kanyang kamay at ito'y papatayin sa harap ng Toldang Tipanan. Ibubuhos ng mga pari ang dugo nito sa paligid ng altar. 9 Kukunin niya ang lahat ng taba, pati ang nasa buntot hanggang sa gulugod at ang bumabalot sa mga laman-loob. 10 Kukunin din niya ang dalawang bato, pati ang taba nito sa balakang at ang tabang bumabalot sa atay. 11 Ang lahat ng ito'y ibibigay niya sa pari upang sunugin sa altar bilang pagkaing handog kay Yahweh.
12 “Kung kambing naman ang handog ng isang tao, ihaharap niya ito kay Yahweh. 13 Ipapatong niya sa ulo nito ang kanyang kamay at ito'y papatayin sa harap ng Toldang Tipanan. Ibubuhos ng mga pari ang dugo nito sa paligid ng altar. 14 Kukunin niya ang lahat ng tabang bumabalot sa laman-loob, 15 ang dalawang bato at ang tabang bumabalot dito, ang taba sa ibabaw ng balakang at sa atay. 16 Lahat ng ito'y ibibigay niya sa pari at susunugin sa altar bilang pagkaing handog upang ang usok nito'y maging mabangong samyo kay Yahweh. Lahat ng taba ay kay Yahweh. 17 Ito ang tuntuning susundin ninyo habang panahon saanman kayo naroroon: ‘Huwag kayong kakain ng taba o dugo.’”
Mga Handog para sa Kasalanang Di Sinasadya
4 Sinabi ni Yahweh kay Moises, 2 “Sabihin mo sa bayang Israel kung ano ang dapat nilang gawin kapag sila'y nagkasala o hindi sinasadyang nakalabag sa alinmang utos ni Yahweh.
3 “Kung ang nagkasala'y ang pinakapunong pari, at nadamay pati ang sambayanan, mag-aalay siya ng isang batang toro na walang kapintasan bilang handog para sa kapatawaran ng kanyang kasalanan. 4 Dadalhin niya ito sa harapan ni Yahweh sa may pintuan ng Toldang Tipanan, ipapatong niya sa ulo nito ang kanyang kamay at papatayin ito. 5 Kukuha ng kaunting dugo ang pinakapunong pari at dadalhin sa Toldang Tipanan. 6 Itutubog niya sa dugo ang kanyang daliri at sa harapan ko ay wiwisikan niya ng pitong beses ang tabing ng santuwaryo. 7 Lalagyan din niya ng dugo ang mga sungay ng altar ng insensong nasa harapan ni Yahweh sa Dakong Banal. Ang natirang dugo ay ibubuhos niya sa paanan ng altar na sunugan ng mga handog sa harap ng Toldang Tipanan. 8 Ang lahat ng taba nito ay kukunin, pati ang tabang bumabalot sa laman-loob. 9 Kukunin din ang dalawang bato, ang taba ng balakang at ang tabang bumabalot sa atay. 10 Ibubukod ito gaya ng ginagawa sa taba ng torong handog pangkapayapaan, saka dadalhin sa altar at susunugin ng pari. 11 Ngunit ang balat ng toro at lahat ng laman nito, ulo't mga hita, at mga laman-loob, kasama ang dumi 12 ay dadalhin lahat sa labas ng kampo at susunugin sa isang malinis na lugar na pinagtatapunan ng abo.
13 “Kung ang buong kapulungan ng Israel ay magkasala nang di sinasadya at makagawa sila nang labag sa Kautusan nang di nila nalalaman, 14 at pagkatapos ay malaman nila ito, maghahandog ng isang batang toro ang buong kapulungan para sa kanilang kasalanan. Dadalhin nila ito sa harap ng Toldang Tipanan. 15 Ipapatong ng pinuno ang kanilang kamay sa ulo ng toro at papatayin nila ito sa harapan ni Yahweh. 16 Kukuha ng kaunting dugo ang pinakapunong pari upang dalhin ito sa Toldang Tipanan. 17 Itutubog niya sa dugo ang kanyang daliri at pitong beses niyang iwiwisik iyon sa harap ng tabing. 18 Lalagyan din niya ng dugo ang mga sungay sa altar na nasa Toldang Tipanan. Ang natirang dugo ay ibubuhos niya sa paanan ng altar na sunugan ng mga handog sa may pintuan ng Toldang Tipanan. 19 Kanyang susunugin sa altar ang lahat ng taba 20 tulad ng ginagawa sa taba ng torong inihandog para sa kapatawaran ng kasalanan. Ito ang gagawin ng pari upang mapatawad ang buong sambayanan. 21 Pagkatapos, ilalabas sa kampo ang torong pinatay at susunugin din sa lugar na pinagdalhan sa unang toro. Ito ang handog para sa kasalanan ng sambayanan.
22 “Kung isang pinuno ang nagkasala nang di sinasadya dahil nakagawa siya ng isang bagay na ipinagbabawal ni Yahweh na kanyang Diyos, 23 sa oras na malaman niya ito ay maghahandog siya ng isang lalaking kambing na walang kapintasan. 24 Ipapatong niya sa ulo ng kambing ang kanyang kamay at papatayin niya ito sa harapan ni Yahweh, sa dakong pinagpapatayan ng handog na susunugin para sa kasalanan. 25 Kukuha ng dugo ang pari at sa pamamagitan ng kanyang daliri, papahiran niya ang mga sungay ng altar ng sunugan ng mga handog. Ang natirang dugo ay ibubuhos niya sa paanan ng altar. 26 Dadalhin niya sa altar ang lahat ng taba at susunugin gaya ng taba na handog pangkapayapaan. Ito ang gagawin ng pari para matubos ang kasalanan ng pinuno at siya'y patatawarin.
27 “Kung(A) ang nagkasala nang di sinasadya ay isang karaniwang tao dahil lumabag siya sa utos ko 28 at malaman niya ito pagkatapos, maghahandog siya ng isang babaing kambing na walang kapintasan. 29 Ipapatong niya sa ulo ng kambing ang kanyang kamay at papatayin niya ito doon sa lugar na patayan ng mga handog na sinusunog. 30 Kukuha ng dugo ang pari at sa pamamagitan ng kanyang daliri'y papahiran niya ang mga sungay ng altar. Ibubuhos niya sa paanan nito ang natirang dugo. 31 Kukuning lahat ang taba nito, tulad ng taba ng handog pangkapayapaan at dadalhin sa altar. Ito'y susunugin ng pari bilang handog upang ang usok nito'y maging mabangong samyo kay Yahweh. Sa ganitong paraan, matutubos ang kasalanan ng taong iyon.
32 “Kung ang handog para sa kasalanan ay isang tupa, kailanga'y babaing walang kapintasan. 33 Ipapatong niya sa ulo ng tupa ang kanyang kamay at papatayin ito sa pinagpapatayan ng handog na susunugin. 34 Kukuha ng kaunting dugo ang pari, at sa pamamagitan ng kanyang daliri ay papahiran niya ang mga sungay ng altar na pinagsusunugan ng mga handog. Ang natirang dugo ay ibubuhos niya sa paanan ng altar. 35 Kukunin niya ang lahat ng taba nito gaya ng ginagawa sa taba ng tupang handog pangkapayapaan at dadalhin sa altar. Kasama ng pagkaing handog, susunugin ito ng pari para matubos ang kasalanan ng naghandog.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.