Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Chronological

Read the Bible in the chronological order in which its stories and events occurred.
Duration: 365 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Exodo 16-18

Ang Manna at mga Pugo

16 Mula sa Elim, nagpatuloy sa paglalakbay ang mga Israelita, at ikalabing limang araw ng ikalawang buwan mula ng sila'y lumabas sa Egipto nang sila'y dumating sa ilang ng Sin, sa pagitan ng Elim at Sinai. Ang mga Israelita'y nagreklamo kina Moises at Aaron. Sinabi nila, “Mabuti pa sana'y pinatay na kami ni Yahweh sa Egipto. Doon, nakakakain kami ng karne at tinapay hanggang gusto namin. Dito naman sa ilang na pinagdalhan ninyo sa amin, mamamatay kami sa gutom.”

Sinabi(A) ni Yahweh kay Moises, “Pauulanan ko kayo ng tinapay mula sa langit. Araw-araw, palalabasin mo ng bahay ang mga tao para mamulot ng kakainin nila sa maghapon. Sa pamamagitan nito'y susubukin ko kung susunod sila sa aking mga tagubilin. Tuwing ikaanim na araw, doble sa karaniwan ang kanilang pupulutin at ihahanda.”

Pagkatapos ng pakikipag-usap nila kay Yahweh, sinabi nina Moises at Aaron sa mga Israelita, “Mamayang gabi, mapapatunayan ninyo na si Yahweh ang naglabas sa inyo sa Egipto. At bukas ng umaga, makikita ninyo ang kanyang kapangyarihan. Narinig niya ang inyong reklamo laban sa kanya. Laban sa kanya, sapagkat tuwing gagawin ninyo ito ay sa kanya kayo nagrereklamo, hindi sa amin.” Idinugtong pa ni Moises, “Mamayang gabi, bibigyan niya kayo ng karne. Bukas ng umaga ay tinapay ang ibibigay niya sa inyo hanggang gusto ninyo. Iyan ang sagot niya sa inyo. Ang totoo, anumang reklamo ninyo ay laban sa kanya, hindi sa amin, sapagkat sino ba kami para pagreklamuhan ninyo?”

Sinabi ni Moises kay Aaron, “Paharapin mo ang buong bayan kay Yahweh sapagkat narinig niya ang kanilang reklamo.” 10 Nang sabihin ito ni Aaron, ang buong bayan ay humarap kay Yahweh, sa gawi ng disyerto, at bigla na lamang nilang nakita sa ulap ang kaluwalhatian ni Yahweh. 11 Sinabi ni Yahweh kay Moises, 12 “Narinig ko ang reklamo ng mga Israelita. Sabihin mo sa kanila na sa pagtatakip-silim, bibigyan ko sila ng karne. Sa umaga, bibigyan ko sila ng tinapay hanggang gusto nila. Sa gayo'y malalaman nilang ako si Yahweh, ang kanilang Diyos.”

13 Nang magtakip-silim, dumagsa sa kampo ang napakaraming pugo. Kinaumagahan naman ay makapal na makapal ang hamog sa paligid ng kampo. 14 Nang mapawi ang hamog, nakakita sila sa lupa ng maliliit at maninipis na mga bagay na parang pinipig. 15 Hindi(B) nila alam kung ano iyon, kaya nagtanungan sila, “Ano ito?”

Sinabi ni Moises, “Iyan ang tinapay na bigay sa inyo ni Yahweh. 16 At ito ang utos niya tungkol diyan: Bawat isa ay kukuha ng kailangan niya at ng mga kasama niya sa tolda, kalahating salop bawat isang tao.”

17 Namulot nga ang mga Israelita—may kumuha ng marami at may kumuha ng kaunti. 18 Ngunit(C) nang takalin nila ang kanilang nakuha, ang kumuha ng marami ay hindi lumabis, at ang kumuha ng kaunti ay hindi naman kinulang. Sapat lang sa kanila ang kanilang nakuha. 19 Sinabi sa kanila ni Moises, “Huwag kayong magtitira para sa kinabukasan.” 20 Ngunit ang ilan sa kanila'y hindi nakinig kay Moises. Kinabukasan, inuod at bumaho ang itinira nila. Kaya nagalit sa kanila si Moises. 21 Mula noon, tuwing umaga'y namumulot sila nang ayon sa kanilang kailangan. Pag-init ng araw, ito'y natutunaw.

22 Nang ikaanim na araw, doble ang kanilang pinulot, isang salop para sa isang tao. Nagpunta kay Moises ang mga pinuno ng bayan at sinabi ang nangyari. 23 Ipinaliwanag(D) naman ni Moises sa kanila, “Ito ang utos ni Yahweh: ‘Bukas ay Araw ng Pamamahinga, araw na nakatalaga kay Yahweh. Lutuin na ninyo ngayon ang gusto ninyong lutuin. Ang hindi mauubos ay itira ninyo para bukas.’” 24 Tulad ng sinabi sa kanila ni Moises, nagtira sila para sa kinabukasan, at iyo'y hindi nasira at hindi inuod. 25 At sinabi ni Moises, “Ito ang kakainin ninyo ngayon. Ngayon ay Araw ng Pamamahinga; wala kayong makukuha niyan ngayon. 26 Anim na araw kayong mamumulot niyan; ngunit sa ikapito, sa Araw ng Pamamahinga, ay wala kayong makukuha.”

27 Ngunit nang ikapitong araw ay mayroon pa ring mga lumabas sa bukid para mamulot ngunit wala silang nakuha. 28 Kaya sinabi ni Yahweh kay Moises, “Hanggang kailan pa kayo susuway sa aking mga utos? 29 Tandaan ninyo na akong si Yahweh ang nagtakda sa inyo ng Araw ng Pamamahinga. Kaya, tuwing ikaanim na araw ay binibigyan ko kayo ng pagkain para sa dalawang araw. Sa ikapitong araw ay wala nang lalabas.” 30 At mula noon, nagpapahinga na lamang sila tuwing ikapitong araw.

31 Manna[a] (E) ang itinawag ng mga Israelita sa pagkaing pinupulot nila. Ito'y parang buto ng kulantro, maputi at lasang galyetas na minasa sa pulot. 32 Sinabi sa kanila ni Moises, “Ito ang utos ni Yahweh: ‘Kumuha kayo ng kalahating salop ng manna. Itatago ninyo ito upang makita ng inyong magiging mga anak at mga apo ang pagkaing ibinigay ko sa inyo nang ilabas ko kayo sa Egipto.’” 33 Sinabi(F) naman ni Moises kay Aaron, “Kumuha ka ng isang banga at lagyan mo ng kalahating salop na manna. Pagkatapos, ialay mo sa harapan ni Yahweh upang itago para sa ating magiging mga anak at mga apo.” 34 Gaya ng iniutos ni Yahweh kay Moises, inilagay ni Aaron sa loob ng Kaban ng Tipan ang palayok ng manna. 35 Manna(G) ang kinain ng mga Israelita sa loob ng apatnapung taon, hanggang sa dumating sila sa Canaan. (36 Ang isang salop ay katumbas ng higit sa apat na litro.)

Ang Bukal Mula sa Malaking Bato(H)

17 Mula(I) sa disyerto ng Sin, naglakbay ang mga Israelita, sila'y humihinto at nagpapatuloy kapag sinabi ni Yahweh. Sila'y nagkampo sa Refidim ngunit walang tubig doon, kaya nagalit sila kay Moises. Sinabi nila, “Bigyan mo kami ng tubig na maiinom.”

“Bakit kayo nagagalit? Bakit ninyo sinusubukan ang kakayahan ni Yahweh?” tanong ni Moises.

Ngunit talagang uhaw na uhaw na ang mga Israelita, kaya sinumbatan nila si Moises, “Inilabas mo ba kami sa Egipto para patayin sa uhaw pati mga anak namin at mga alagang hayop?”

Kaya, humingi ng tulong si Moises kay Yahweh, “Ano ang gagawin ko sa mga taong ito? Gusto na nila akong batuhin?” Sumagot si Yahweh, “Magsama ka ng ilang pinuno ng Israel at mauna kayo sa mga Israelita. Dalhin mo ang iyong tungkod na inihampas mo sa Ilog Nilo at lumakad na kayo. Hihintayin ko kayo sa ibabaw ng malaking bato sa Sinai.[b] Hampasin mo ito at bubukal ang tubig na maiinom ng mga tao.” Iyon nga ang ginawa ni Moises; at ito'y nasaksihan ng mga kasama niyang pinuno ng Israel.

Ang lugar na iyon ay pinangalanan niyang “Masah”[c] at “Meriba”[d] sapagkat nagtalu-talo doon ang mga Israelita at sinubok nila si Yahweh. Ang pinagtalunan nila ay kung pinapatnubayan nga sila ni Yahweh o hindi.

Ang Labanan ng mga Israelita at ng mga Amalekita

Nang ang mga Israelita'y nasa Refidim, sinalakay sila ng mga Amalekita. Sinabi ni Moises kay Josue, “Pumili ka ng ilang tauhan natin at pangunahan mo sa pakikipaglaban sa mga Amalekita. Hahawakan ko naman ang tungkod na ibinigay sa akin ng Diyos at tatayo ako sa ibabaw ng burol.” 10 Sinunod ni Josue ang utos ni Moises at hinarap niya ang mga Amalekita. Si Moises naman, kasama sina Aaron at Hur ay nagpunta sa burol. 11 Kapag nakataas ang mga kamay ni Moises, nananalo ang mga Israelita; kapag nakababa, nananalo naman ang mga Amalekita. 12 Nangawit na si Moises kaya sina Aaron at Hur ay kumuha ng isang bato at pinaupo roon si Moises habang hawak nilang pataas ang mga kamay nito hanggang sa lumubog ang araw. 13 Dahil dito'y natalo ni Josue ang mga Amalekita.

14 Sinabi(J) ni Yahweh kay Moises, “Isulat mo ang pangyayaring ito upang hindi ninyo malimutan, at sabihin mo naman kay Josue na lilipulin ko ang mga Amalekita.” 15 Nagtayo si Moises ng isang altar at tinawag niya itong, “Si Yahweh ang aking Watawat.” 16 At sinabi niya sa mga tao, “Itaas ninyo ang watawat ni Yahweh! Patuloy niya tayong pangungunahan sa ating pakikipaglaban sa mga Amalekita.”

Dinalaw ni Jetro si Moises

18 Nabalitaan ni Jetro, biyenan ni Moises at pari sa Midian, ang mga ginawa ni Yahweh para kay Moises at sa mga Israelita, kung paanong inilabas niya ang mga ito sa lupain ng Egipto. Si(K) Jetro ang nag-aruga kay Zipora nang ito'y pauwiin ni Moises sa Midian kasama(L) ang dalawa nilang anak. Gersom[e] ang pangalan ng una sapagkat ang sabi ni Moises nang ito'y isilang: “Ako'y dayuhan sa lupaing ito.” Ang pangalawa nama'y Eliezer,[f] sapagkat ang sabi niya: “Tinulungan ako ng Diyos ng aking mga ninuno; iniligtas niya ako sa tabak ng Faraon.” Isinama ni Jetro ang asawa ni Moises at ang dalawang anak nito, at pumunta sa pinagkakampuhan nina Moises sa ilang, sa tabi ng Bundok ng Diyos. Pagdating doon, ipinasabi niya kay Moises: “Darating ako riyan, kasama ang iyong asawa't dalawang anak.” Kaya't sinalubong sila ni Moises. Nagbigay-galang siya sa biyenan, niyakap ito, at isinama sa kanyang tolda; doon sila nagkumustahan at masayang nagbalitaan. Isinalaysay ni Moises ang lahat ng ginawa ni Yahweh sa Faraon at sa mga Egipcio, at kung paano iniligtas ni Yahweh ang mga Israelita. Isinalaysay rin niya ang mga hirap na inabot nila sa paglalakbay at kung paano sila tinulungan ni Yahweh. Natuwa si Jetro sa kabutihang ginawa sa kanila ni Yahweh at sa pagliligtas nito sa kanila sa mga Egipcio. 10 Sinabi niya, “Purihin si Yahweh na nagligtas sa inyo mula sa kamay ng Faraon at ng mga Egipcio! Purihin si Yahweh na nagpalaya sa mga Israelita mula sa pagkaalipin sa Egipto! 11 Napatunayan ko ngayon na siya ay higit sa ibang mga diyos dahil sa ginawa niya sa mga Egipcio na umapi sa mga Israelita.” 12 At si Jetro ay nagdala ng handog na susunugin at iba pang handog para sa Diyos. Dumating naman si Aaron at ang mga pinuno ng Israel, at kumain sila, kasalo ng biyenan ni Moises.

Ang Paghirang sa mga Hukom(M)

13 Kinabukasan, naupo si Moises upang mamagitan at humatol sa mga usapin ng mga tao. Inabot siya ng gabi sa dami ng taong lumalapit sa kanya. 14 Nang makita ni Jetro ang hirap na inaabot ni Moises sa kanyang ginagawa, tinanong niya ito, “Ano ba ang ginagawa mo sa mga tao? Bakit mag-isa mong ginagawa ito at ang mga tao'y maghapong nakapaligid sa iyo?”

15 Sumagot si Moises, “Mangyari po lumalapit sila sa akin para alamin ang kalooban ng Diyos. 16 Kapag may dalawang taong may pinagtatalunan, lumalapit sila sa akin at sinasabi ko naman sa kanila kung sino ang may katuwiran. Bukod doon, ipinaliliwanag ko sa kanila ang mga utos at tuntunin ng Diyos.”

17 Sinabi ni Jetro, “Hindi ganyan ang dapat mong gawin. 18 Pinahihirapan mo ang iyong sarili pati ang mga tao. Napakalaking gawain iyan para sa iyo at hindi mo iyan kayang mag-isa. 19 Pakinggan mo itong ipapayo ko sa iyo at tutulungan ka ng Diyos. Ikaw ang lalapit sa Diyos para sa kanila at magdadala sa kanya ng kanilang mga usapin. 20 Ikaw ang magtuturo sa kanila ng mga kautusan at mga tuntunin, at ikaw rin ang magpapaliwanag sa kanila kung ano ang dapat nilang gawin. 21 Ngunit pumili ka ng mga taong may kakayahan, may takot sa Diyos, mapagkakatiwalaan at di masusuhulan. Gawin mo silang tagapangasiwa sa libu-libo, daan-daan, lima-limampu at sampu-sampu. 22 Sila na ang bahalang humatol sa maliliit na usapin, at ang mabibigat na kaso lamang ang ihaharap sa iyo. Sa gayon, hindi ka masyadong mahihirapan sapagkat matutulungan ka nila sa iyong gawain. 23 Kung ganoon ang gagawin mo, na siya namang utos ng Diyos, hindi ka mahihirapan at madali pang maaayos ang anumang suliranin ng taong-bayan.”

24 Pinakinggan ni Moises ang payo ng kanyang biyenan at sinunod niya ito. 25 Pumili nga siya ng mga lalaking may kakayahan at ginawa niyang tagapangasiwa sa Israel: para sa libu-libo, sa daan-daan, sa lima-limampu at sa sampu-sampu. 26 Sila ang naging palagiang hukom ng bayan. Ang malalaking usapin na lamang ang dinadala nila kay Moises at sila na ang lumulutas sa maliliit na kaso.

27 Pagkatapos nito'y nagpaalam na si Jetro kay Moises at umuwi sa sariling bayan.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.