Chronological
Mga Pagpapala sa Pagiging Masunurin(A)
26 “Huwag(B) kayong gagawa ng mga diyus-diyosan o magtatayo ng mga inukit na rebulto o sagradong haligi, o mga batong hinugisan upang sambahin sa inyong lupain. Ako si Yahweh, ang Diyos ninyo. 2 Igalang ninyo ang Araw ng Pamamahinga at ang aking santuwaryo. Ako si Yahweh.
3 “Kung susundin ninyo ang aking mga tuntunin at tutuparin ang aking mga utos, 4 pauulanin ko sa tamang panahon at mamumunga nang sagana ang mga punongkahoy sa kaparangan. 5 Kahit(C) tapos na ang panahon ng pitasan ng prutas at panahon ng muling pagtatanim ay gumigiik pa kayo. Sasagana kayo sa pagkain at mamumuhay nang panatag.
6 “Maghahari ang kapayapaan sa buong lupain at walang gagambala sa inyo. Palalayasin ko ang mababangis na hayop at wala nang dirigma sa inyo. 7 Matatakot sa inyo ang inyong mga kaaway at malulupig ninyo sila sa labanan. 8 Sapat na ang lima sa inyo upang talunin ang sandaang kaaway at ang sandaan para sa sampung libong kaaway. Malulupig ninyo ang inyong mga kalaban. 9 Pagpapalain ko kayo; kayo'y uunlad at darami. Patuloy kong pagtitibayin ang ginawa kong kasunduan sa inyo. 10 Ang inyong ani ay sobra-sobra at tatagal sa mahabang panahon. Sa katunayan, sa dami ng inyong aanihin ay ilalabas ninyo ang mga luma upang maimbak lamang ang mga bagong ani. 11 Maninirahan ako sa kalagitnaan ninyo at hindi ko kayo pababayaan. 12 Ako'y(D) (E) inyong kasama saanman kayo magpunta; ako ang magiging Diyos ninyo at kayo naman ang magiging bayan ko. 13 Ako si Yahweh, ang Diyos ninyo, ang siyang naglabas sa inyo sa Egipto. Pinalaya ko na kayo kaya't wala na kayong dapat ikahiya kaninuman.
Mga Parusa sa Pagsuway(F)
14 “Ngunit kung hindi kayo makikinig sa akin at hindi tutuparin ang mga utos ko, 15 kung tatanggihan ninyo ang aking mga tuntunin at kautusan, kaya't ayaw ninyong sundin ang mga ito at sisirain ninyo ang ginawa kong kasunduan sa inyo, 16 padadalhan ko kayo ng mga sakuna. Makakaranas kayo ng matitinding sakit na magpapalabo ng inyong mata, at magpapahina ng inyong katawan. Hindi ninyo makakain ang pinagpagalan ninyo sapagkat ito'y kakainin ng inyong mga kaaway. 17 Hindi ko kayo gagabayan at pababayaan ko kayong malupig. Hahayaan ko kayong sakupin ng mga taong napopoot sa inyo, at kakaripas kayo ng takbo kahit walang humahabol sa inyo.
18 “Kung sa kabila nito'y hindi pa rin kayo makikinig, makapitong ibayo ang parusang igagawad ko sa inyo dahil sa inyong mga kasalanan. 19 Paparusahan ko kayo dahil sa katigasan ng inyong ulo; hindi ko pauulanin ang langit at matitigang ang lupa. 20 Mawawalan ng kabuluhan ang inyong pagpapagal sapagkat hindi maaanihan ang inyong lupain, at hindi mamumunga ang inyong mga bungangkahoy.
21 “Kung patuloy kayong susuway at hindi makikinig sa akin, makapitong ibayo ang parusang igagawad ko sa inyo dahil sa inyong kasalanan. 22 Pababayaan kong lapain ng mababangis na hayop ang inyong mga anak at mga alagang hayop. Kaunti lamang ang matitira sa inyo, at halos mawawalan na ng tao ang inyong mga lansangan.
23 “Kung sa kabila nito'y magmamatigas pa rin kayo at patuloy na susuway sa akin, 24 pitong ibayo pa ang parusang igagawad ko sa inyo dahil sa inyong kasalanan. 25 Ipasasalakay ko kayo sa mga kaaway ninyo kaya't marami ang mapapatay sa inyo dahil sa inyong pagsira sa kasunduang ginawa ko sa inyo. Makapagtago man kayo sa mga kuta, padadalhan ko kayo roon ng salot, kaya babagsak din kayo sa kamay ng inyong kaaway. 26 Kukulangin kayo sa pagkain kaya't iisang kalan ang paglulutuan ng sampung babae. Tatakalin ang inyong pagkain kaya't hindi kayo mabubusog.
27 “At kung sa kabila nito'y di pa rin kayo magbabago at patuloy pa ring sumuway sa akin, 28 magsisiklab na ang aking galit sa inyo, at ako na mismo ang magpaparusa sa inyo ng makapitong ibayo dahil sa inyong mga kasalanan. 29 Sa tindi ng gutom ay kakainin ninyo pati ang inyong mga anak. 30 Wawasakin ko ang inyong mga altar sa burol at ang altar na sunugan ng insenso. Itatakwil ko kayo at itatambak ang inyong mga bangkay sa ibabaw ng inyong mga diyus-diyosan. 31 Wawasakin ko ang inyong mga lunsod, at iiwanan kong tiwangwang ang mga santuwaryo at hindi ko tatanggapin ang mga handog ninyo. 32 Sasalantain ko ang inyong mga lupain at magtataka ang mga kaaway ninyong sasakop niyon. 33 Uusigin ko kayo ng tabak at magkakawatak-watak kayo sa iba't ibang lupain. Maiiwang nakatiwangwang ang inyong lupain at iguguho ang inyong mga lunsod. 34 Sa gayon, mamamahinga nang mahabang panahon ang inyong lupain samantalang kayo'y bihag sa ibang bansa. 35 Makakapagpahinga ang inyong lupain, hindi tulad nang kayo'y naroon.
36 “Ang mga maiiwan doon ay paghaharian ng matinding takot kaya't may malaglag lamang na dahon ng kahoy ay magkakandarapa na sila sa pagtakbo na parang hinahabol ng tagâ kahit wala naman. 37 Magkakadaganan sila sa pagtakbo na parang hinahabol ng tagâ, gayong wala namang humahabol. Hindi ninyo maipagtatanggol ang inyong sarili sa mga kaaway. 38 Mamamatay kayo sa lupain ng inyong mga kaaway. 39 Ang malalabi naman ay mamamatay sa hirap dahil sa kasalanan ninyo at ng inyong mga ninuno.
40 “Subalit kung pagsisihan nila ang kanilang mga kasalanan at ang mga kasalanan ng kanilang ninuno, at tanggapin na naghimagsik sila laban sa akin, 41 at iyon ang dahilan kung bakit sila'y aking pinabayaan; kung sila'y magpakumbaba at pagsisihan ang kanilang mga kasalanan, 42 aalalahanin(G) ko ang aking kasunduan kay Jacob, kay Isaac, at kay Abraham. At aalalahanin kong muli ang aking pangako patungkol sa lupang pangako. 43 Subalit paaalisin ko muna sila roon. Sa gayon, makakapagpahinga nang lubusan ang lupain at madarama naman nila ang bagsik ng parusang ipapataw ko dahil sa pagsuway nila sa aking mga tuntunin at kautusan. 44 Gayunman, hindi ko sila lubos na pababayaan sa lupain ng kanilang mga kaaway, baka kung puksain ko'y mawalan ng kabuluhan ang kasunduang ginawa ko sa kanila. Ako si Yahweh na kanilang Diyos. 45 Aalalahanin ko sila alang-alang sa aking kasunduan sa kanilang mga ninunong inilabas ko mula sa Egipto. Nasaksihan ng mga bansa ang ginawa kong ito upang ako'y maging Diyos nila. Ako si Yahweh.”
46 Ito ang mga tuntunin at mga utos ni Yahweh na ibinigay sa mga Israelita sa Bundok ng Sinai sa pamamagitan ni Moises.
Mga Batas tungkol sa mga Kaloob kay Yahweh
27 Sinabi pa ni Yahweh kay Moises, 2 “Sabihin mo sa mga Israelita: Kung may mamanata kay Yahweh na maghandog ng tao, iyon ay tutubusin nang ganito: 3 Kung anak na lalaki, mula sa dalawampu hanggang animnapung taóng gulang, ito ay susuriin upang palitan o tubusin sa halagang limampung pirasong pilak ayon sa timbangan sa santuwaryo 4 at tatlumpung pirasong pilak naman kung babae. 5 Mula sa lima hanggang dalawampung taon, dalawampung pirasong pilak kung lalaki at sampung pirasong pilak naman kung babae. 6 Kapag isang buwan hanggang limang taon, limang pirasong pilak kung lalaki at tatlong pirasong pilak naman kung babae. 7 Kung mahigit nang animnapung taon, labinlimang pirasong pilak kung lalaki at sampung pirasong pilak naman kung babae.
8 “Kung walang maitutubos dahil sa kahirapan, ang taong iyo'y ihaharap sa pari at siya ang magpapasya kung magkano ang itutubos ayon sa kakayahan ng may panata.
9 “Kung ang panatang handog ay hayop, dapat itong ilaan kay Yahweh. 10 Hindi ito maaaring palitan. Kapag pilit na pinalitan, ang papalitan at ipapalit ay parehong ilalaan kay Yahweh. 11 Kung ang ipinangakong hayop ay hindi karapat-dapat ihandog kay Yahweh, dadalhin iyon sa pari. 12 Hahalagahan niya ito, anuman ang uri ng hayop at hindi matatawaran ang halagang ipinasya ng pari. 13 Kung tutubusin ang hayop, magdaragdag kayo ng halaga ng ikalimang bahagi ng halaga ng hayop.
14 “Kung bahay naman ang ipinangako, hahalagahan ito ng pari ayon sa uri at kayarian, at ang kanyang itinakdang halaga ay hindi matatawaran. 15 Kung ang bahay ay gustong tubusin ng naghandog, babayaran niya ito na may dagdag na ikalimang bahagi ng halaga niyon, at mababalik sa kanya ang bahay.
16 “Kung isang bahagi ng lupang minana ang ipinangako, ang itutubos ay batay sa dami ng maaani doon: limampung pirasong pilak sa bawat malaking sisidlan[a] ng sebada. 17 Kung ang paghahandog ay ginawa sa simula ng Taon ng Paglaya, babayaran ito nang buo upang matubos. 18 Ngunit kung ito'y ginawa matapos ang Taon ng Paglaya, ang itutubos ay ibabatay sa dami ng taon bago dumating ang susunod na pagdiriwang; babawasin ang halaga ng nakalipas na taon. 19 Kung ang lupa ay nais tubusin ng naghandog, babayaran niya ang takdang halaga maliban pa sa dagdag na ikalimang bahagi ng halagang iyon. 20 Kung hindi pa niya ito natutubos at ipinagbili sa iba, kailanma'y hindi na niya matutubos iyon. 21 Pagdating ng Taon ng Paglaya, ituturing na nakalaan kay Yahweh ang lupaing iyon at ito'y ibibigay sa pangangalaga ng mga pari.
22 “Kung ang ipinangako naman ay ang lupang binili at hindi minana, 23 hahalagahan iyon ng pari ayon sa dami ng taon bago dumating ang Taon ng Paglaya. Sa araw ring iyon, ibibigay ng nangako ang pantubos bilang handog kay Yahweh. 24 Pagdating ng Taon ng Paglaya, mababalik ang lupang ito sa dating may-ari o sa kanyang tagapagmana. 25 Ang halaga ng pantubos ay batay sa timbangan ng santuwaryo. Bawat pirasong pilak ay katumbas ng labindalawang gramo.
26 “Hindi maaaring maipanata kay Yahweh ang panganay na hayop, maging baka o tupa sapagkat iyon ay sadyang para kay Yahweh. 27 Ngunit kung iyon ay hayop na hindi karapat-dapat ihandog kay Yahweh, tutubusin ito ng may-ari sa takdang halaga maliban pa sa dagdag na ikalimang bahagi ng halaga niyon. Kung hindi matubos, ipagbibili ito sa takdang halaga.
28 “Lahat(H) ng lubos na naialay kay Yahweh, maging tao, hayop, o minanang lupa, ay hindi na maaaring tubusin o ipagbili sapagkat iyon ay ganap na sagrado sa kanya. 29 Hindi na maaaring tubusin ang mga taong lubos na naialay kay Yahweh. Kailangan silang patayin.
30 “Lahat(I) ng ikasampung bahagi, maging binhi o bunga ng pananim ay nakalaan kay Yahweh. 31 Kung may nais tumubos sa alinman sa kanyang ikasampung bahagi, babayaran niya ito ayon sa itinakdang halaga nito maliban pa sa dagdag na ikalimang bahagi ng halagang iyon. 32 Isa sa bawat sampung alagang hayop ay nakalaan para kay Yahweh. Ang bawat ikasampung tupa o baka na mabibilang ay para kay Yahweh. 33 Hindi iyon dapat suriin ng may-ari kung masama o hindi. Hindi rin iyon maaaring palitan, at kung ito'y mapalitan man, ang ipinalit at pinalitan ay parehong ilalaan kay Yahweh; hindi na matutubos ang mga ito.”
34 Ito ang mga tuntunin na ibinigay ni Yahweh kay Moises sa Bundok ng Sinai para sa sambayanang Israel.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.