Chronological
Ang Pagtatalaga sa Panganay
13 Sinabi ni Yahweh kay Moises, 2 “Ilaan(A) ninyo sa akin ang mga panganay sapagkat akin ang lahat ng panganay na lalaki sa Israel, maging tao o hayop.”
Ang Pista ng Tinapay na Walang Pampaalsa
3 Sinabi naman ni Moises sa mga Israelita, “Aalalahanin ninyo ang araw na ito ng inyong paglaya sa pagkaalipin sa bansang Egipto; mula roo'y inilabas kayo ni Yahweh sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan. Huwag kayong kakain ng tinapay na may pampaalsa. 4 Umalis kayo ng Egipto sa araw na ito ng unang buwan. 5 Dadalhin kayo ni Yahweh sa lupaing ipinangako niya sa inyong mga ninuno, sa isang mayaman at masaganang lupain; ang lupain ng mga Cananeo, Heteo, Amoreo, Hivita at Jebuseo. Pagdating doon, ipagdiriwang ninyo taun-taon ang araw na ito. 6 Ang kakainin ninyo sa loob ng pitong araw ay tinapay na walang pampaalsa, at sa ikapitong araw ay ipagpipista ninyo si Yahweh. 7 Tinapay na walang pampaalsa ang kakainin ninyo sa loob ng pitong araw. At sa panahong iyon, huwag magkakaroon ng pampaalsa o tinapay na may pampaalsa sa inyong lupain. 8 Sa araw na iyon, sasabihin ng bawat isa sa kanyang mga anak: ‘Ginagawa natin ito bilang pag-aalaala sa pagliligtas sa amin ni Yahweh nang ilabas niya kami sa Egipto.’ 9 Ang pag-alalang ito'y magiging isang palatandaan sa inyong kamay, o sa inyong noo, upang hindi ninyo malimutan ang mga utos ni Yahweh, sapagkat inilabas niya kayo sa Egipto sa pamamagitan ng kanyang dakilang kapangyarihan. 10 Gaganapin ninyo ang pag-aalaalang ito sa takdang araw taun-taon.”
Ang mga Panganay na Lalaki
11 “Dadalhin kayo ni Yahweh sa lupain ng mga Cananeo, sa lupaing ipinangako niya sa inyo at sa inyong mga ninuno. Pagdating doon, 12 ibukod(B) ninyo para sa kanya ang lahat ng panganay na lalaki. Kanya rin ang lahat ng panganay na lalaki ng inyong mga hayop. 13 Lahat ng panganay na lalaki ng mga asno ay tutubusin ninyo ng tupa; kung ayaw ninyong tubusin, baliin ninyo ang leeg nito. Tutubusin din ninyo ang mga anak ninyong panganay. 14 Darating ang araw na itatanong ng inyong mga anak kung bakit ninyo ginagawa ito. Sabihin ninyo sa kanila na kayo'y iniligtas ni Yahweh mula sa pagkaalipin sa Egipto sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan. 15 Sabihin ninyo na nang magmatigas ang Faraon at ayaw kayong payagang umalis sa Egipto, pinatay ni Yahweh ang lahat nilang panganay, maging tao o hayop. Ito ang dahilan kaya ninyo inihahandog sa kanya ang lahat ng panganay na lalaki, ngunit ang anak ninyong panganay ay inyong tinutubos. 16 Ang paghahandog na ito'y magsisilbing palatandaan, tulad ng tatak sa inyong kamay o sa inyong noo; ito'y pag-alala sa ginawa ni Yahweh nang kayo'y ilabas niya sa Egipto sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan.”
Ang Haliging Apoy at Ulap
17 Nang payagan na ng Faraon ang mga Israelita, hindi sa daan patungong Filistia sila pinaraan ng Diyos kahit na iyon ang pinakamalapit. Ayaw niyang ang mga Israelita'y mapasubo agad sa labanan, baka magbago pa sila ng isip at magbalik sa Egipto. 18 Kaya, sila'y pinaligid niya sa ilang, patungong Dagat na Pula;[a] sila'y handang-handang makipaglaban. 19 Ang(C) mga buto ni Jose ay dinala ni Moises sa kanilang pag-alis bilang pagtupad sa kahilingan nito. Ang sinabi noon ni Jose, “Tiyak na ililigtas kayo ni Yahweh; pag-alis ninyo rito'y dalhin ninyo ang aking mga buto.”
20 Umalis sila ng Sucot at tumigil muna sa Etam bago pumasok ng ilang. 21 Sa kanilang paglalakbay araw-gabi, patuloy silang pinapatnubayan ni Yahweh: kung araw ay sa pamamagitan ng haliging ulap at kung gabi'y sa pamamagitan naman ng haliging apoy na tumatanglaw sa kanila. 22 Laging(D) nasa unahan nila ang haliging ulap kung araw at ang haliging apoy kung gabi.
Hinabol ng mga Egipcio ang mga Israelita
14 Sinabi ni Yahweh kay Moises, 2 “Pabalikin mo ang mga Israelita at doon mo sila pagkampuhin sa tapat ng Pi Hahirot, ng Baal-zefon, sa pagitan ng Migdol at ng dagat. 3 Aakalain ng Faraon na kayo'y nagkakaligaw-ligaw na sa ilang sapagkat hindi ninyo malaman ang lalabasan. 4 Pagmamatigasin ko ang Faraon at hahabulin niya kayo ngunit ipapakita ko sa kanya at sa kanyang mga tauhan ang aking kapangyarihan. Sa gayo'y malalaman ng mga Egipcio na ako si Yahweh.” Sinunod ng mga Israelita ang sinabi sa kanila.
5 Nang makarating sa Faraon ang balita tungkol sa pag-alis ng mga Israelita, nagbago siya ng isip, pati ang kanyang mga tauhan. Sinabi nila, “Bakit natin pinayagang umalis ang mga Israelita? Wala na ngayong maglilingkod sa atin!” 6 Ipinahanda ng Faraon ang kanyang mga karwaheng pandigma at ang kanyang mga kawal. 7 Ang dala niya'y animnaraang pangunahing karwaheng pandigma, kasama rin ang lahat ng karwahe sa buong Egipto; bawat isa'y may sakay na punong kawal. 8 Pinagmatigas ni Yahweh ang Faraon at hinabol nito ang mga Israelita na noo'y buong pagtitiwalang naglalakbay.[b] 9 Hinabol nga sila ng mga Egipcio, ng mga kawal ng Faraon, sakay ng kanilang karwahe. Inabot nila ang mga Israelita, sa tabing dagat, malapit sa Pi Hahirot sa tapat ng Baal-zefon.
10 Matinding takot ang naramdaman ng mga Israelita nang makita nilang dumarating ang Faraon at ang mga Egipcio. Kaya, dumaing sila kay Yahweh. 11 Sinabi nila kay Moises, “Wala na bang mapaglilibingan sa amin sa Egipto kaya mo kami dinala sa ilang para dito mamatay? Inilabas mo nga kami sa Egipto, ngunit tingnan mo ang nangyari! 12 Hindi ba't bago tayo umalis, sinabi na namin sa iyo na ganito nga ang aming sasapitin? Sinabi na namin sa iyo na huwag mo kaming pakialaman, at pabayaan na lamang kaming manatiling alipin ng mga Egipcio sapagkat mas gusto pa naming maging alipin kaysa mamatay dito sa ilang.”
13 Sumagot si Moises, “Lakasan ninyo ang inyong loob; huwag kayong matakot. Tingnan na lang ninyo kung paano kayo ililigtas ngayon ni Yahweh. Hindi na ninyo muling makikita ang mga Egipciong iyan. 14 Ipagtatanggol kayo ni Yahweh, pumanatag lamang kayo.”
Ang Pagtawid sa Dagat na Pula
15 Sinabi ni Yahweh kay Moises, “Bakit mo ako tinatawag? Palakarin mo ang mga Israelita. 16 Itapat mo sa ibabaw ng dagat ang iyong tungkod; mahahati ang tubig at matutuyo ang lalakaran ninyo. 17 Lalo kong pagmamatigasin ang mga Egipcio at pasusundan ko kayo sa kanila, ngunit doon ko sila lilipulin: ang mga Egipcio, ang mga kawal ng Faraon, pati ang kanilang mga karwahe. Ipapakita ko sa Faraon at sa kanyang hukbo ang aking kapangyarihan. 18 Sa gayon, malalaman ng mga Egipciong iyan na ako si Yahweh.”
19 Ang anghel ng Diyos na pumapatnubay sa paglalakbay ng mga Israelita ay nagpahuli sa kanila, gayundin ang haliging ulap. 20 Ang ulap ay lumagay sa pagitan ng mga Israelita at ng mga Egipcio. Madilim sa panig ng mga Egipcio, maliwanag naman sa mga Israelita. Dumating ang gabi at ang mga Egipcio ay hindi makalapit sa mga Israelita.
21 Itinapat ni Moises ang kanyang tungkod sa ibabaw ng dagat. Magdamag na pinaihip ni Yahweh ang isang malakas na hangin mula sa silangan at nahati ang tubig. 22 Ang(E) mga Israelita'y tumawid sa dagat na ang nilakara'y tuyong lupa, sa pagitan ng tubig na parang pader. 23 Hinabol sila ng mga Egipcio hanggang sa dagat. Ang mga ito'y mga kawal ng Faraon na nakasakay sa mga karwahe at mga kabayo. 24 Nang magbubukang-liwayway na, ang mga Egipcio'y ginulo ni Yahweh mula sa haliging apoy at ulap. 25 Napabaon[c] ang gulong ng mga karwahe at hindi na sila makahabol nang matulin. Kaya sinabi nila, “Umalis na tayo rito sapagkat si Yahweh na ang kalaban natin.”
26 Sinabi ni Yahweh kay Moises, “Itapat mo ang iyong tungkod sa ibabaw ng dagat at tatabunan ng tubig ang mga Egipcio pati ang kanilang mga karwahe.” 27 Ganoon nga ang ginawa ni Moises, at sa pagbubukang-liwayway, nanumbalik sa dati ang dagat. Ang mga Egipcio'y nagsikap makatakas ngunit pinalakas ni Yahweh ang pagdagsa ng tubig kaya't nalunod silang lahat. 28 Nang bumalik sa dati ang dagat, natabunan ang mga karwahe't kabayo ng Faraon, pati ang kanyang buong hukbo at wala ni isa mang natira. 29 Ngunit ang mga Israelita'y nakatawid sa dagat, na tuyong lupa ang dinaanan, sa pagitan ng tubig na parang pader.
30 Nang araw na iyon ang mga Israelita'y iniligtas ni Yahweh sa mga Egipcio; nakita nila ang bangkay ng mga Egipcio, nagkalat sa tabing dagat. 31 Dahil sa kapangyarihang ipinakita ni Yahweh laban sa mga Egipcio, nagkaroon sila ng takot sa kanya at sumampalataya sila sa kanya at sa lingkod niyang si Moises.
Ang Awit ni Moises
15 Ito(F) ang inawit ni Moises at ng mga Israelita para kay Yahweh:
“Itong si Yahweh ay aking aawitan, sa kanyang kinamtang dakilang tagumpay;
ang mga kabayo't kawal ng kaaway, sa pusod ng dagat, lahat natabunan.
2 Si(G) Yahweh ang aking kapangyarihan at kalakasan,
siya ang sa aki'y nagdulot ng kaligtasan.
Siya'y aking Diyos na aking pupurihin,
Diyos ng aking ama, aking dadakilain.
3 Siya'y isang mandirigma;
Yahweh ang kanyang pangalan.
4 “Mga karwahe't kawal ni Faraon, sa dagat ay kanyang itinapon,
sa Dagat na Pula[d] nailibing, mga pinunong Egipcio na pawang magagaling.
5 Sa malalim na dagat sila'y natabunan,
tulad nila'y batong lumubog sa kailaliman.
6 Ang kanang kamay mo, Yahweh'y makapangyarihan,
dinudurog nito ang mga kaaway.
7 Sa dakila mong tagumpay, nilulupig ang kaaway;
sa matinding init ng iyong poot, para silang dayaming tinutupok.
8 Nang hipan mo ang dagat, tubig ay tumaas,
parang pader na tumayo, kailalima'y tumigas.
9 Wika ng kaaway, ‘hahabulin ko sila't huhulihin,
kayamanan nila'y aking sasamsamin,
at sa tabak kong hawak, sila'y lilipulin.’
10 Ngunit sa isang hinga mo Yahweh, sila'y nangalunod,
parang tinggang sa malalim na tubig ay nagsilubog.
11 “Ikaw Yahweh, sino sa mga diyos ang iyong kagaya?
Sa kabanala'y dakila at kamangha-mangha,
sa mga himala'y di mapantayan, sa kababalaghan ay di matularan?
12 Nang iyong iunat ang kanan mong kamay,
nilamon ng lupa ang aming mga kaaway.
13 Sa iyong katapatan, bayan mong tinubos ay inakay,
tungo sa lupang banal, sila'y iyong pinatnubayan.
14 Maraming bansa ang dito'y nakarinig, at sa takot sila'y nagsipanginig;
doon sa lupain ng mga Filisteo, nasindak ang lahat ng mga tao.
15 Mga pinuno ng Edom ay nangagimbal;
matatapang sa Moab sa takot ay sinakmal,
mga nakatira sa lupain ng Canaan, lahat sila'y naubusan ng katapangan.
16 Takot at sindak ang sa kanila'y dumatal,
para silang bato na hindi makagalaw,
nang kapangyarihan mo'y kanilang namalas,
nang dumaan sa harap nila ang bayang iyong iniligtas.
17 Sila'y dadalhin mo, Yahweh, sa sarili mong bundok.
Sa dakong pinili mo upang maging iyong lubos,
doon sa santuwaryong ikaw ang nagtayo at tumapos.
18 Ikaw, Yahweh, ay maghahari magpakailanpaman.”
Ang Awit ni Miriam
19 Ang mga Israelita'y hinabol nga ng mga kawal ng Faraon sakay ng mga kabayo at mga karwahe. Nang ang mga kawal ay nasa gitna na ng dagat, muling pinaagos ni Yahweh ang tubig at natabunan ng alon ang mga kawal ng Faraon. Samantala, ang mga Israelita'y tumawid sa tuyong lupa.
20 Pagkatapos, kumuha ng tamburin si Miriam, ang babaing propeta na kapatid ni Aaron. Tinugtog niya ito at nagsayawan ang mga babae na mayroon ding mga tamburin. 21 Habang sila'y nagsasayaw, ganito ang inaawit ni Miriam:
“Purihin si Yahweh sa kanyang dakilang tagumpay;
itinapon niya sa dagat ang mga karwahe't ang nakasakay.”
Ang Batis ng Mapait na Tubig
22 Pinagayak ni Moises ang mga Israelita, at umalis sila sa Dagat na Pula[e] patungo sa ilang ng Shur. Tatlong araw na silang naglalakbay ngunit wala pa silang nakikitang tubig. 23 Sa wakas, dumating sila sa batis ng Mara, ngunit hindi nila mainom ang tubig nito dahil mapait. Kaya, tinawag nila itong Batis na Mapait.[f] 24 Nagreklamo kay Moises ang mga Israelita, “Ano ngayon ang iinumin namin?” 25 Dahil(H) dito, humingi ng tulong si Moises kay Yahweh. Itinuro naman sa kanya ang isang putol na kahoy. Kinuha ito ni Moises at inihagis sa tubig; nawala ang pait niyon.
Doon, sinubok sila ni Yahweh at binigyan ng tuntunin. 26 Ang sabi niya, “Kung ako ay buong puso ninyong susundin, kung gagawin ninyo ang matuwid at susundin ang aking kautusan at mga tuntunin, hindi ko ipararanas sa inyo ang alinman sa mga sakit na ipinadala ko sa Egipto. Akong si Yahweh ang inyong manggagamot.”
27 Pagkatapos, nakarating sila sa Elim. Doon ay may labindalawang balon at pitumpung puno ng palma at sila'y nagkampo sa tabi ng mga balon.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.