Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Chronological

Read the Bible in the chronological order in which its stories and events occurred.
Duration: 365 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Bilang 8-10

Ang Pag-aayos ng mga Ilaw sa Toldang Tipanan

Sinabi(A) ni Yahweh kay Moises, “Sabihin mo kay Aaron na pagkasindi ng pitong ilaw, iaayos niya ang mga ito sa ibabaw ng patungan upang magliwanag sa paligid nito.” Iyon nga ang ginawa ni Aaron ayon sa inutos ni Yahweh kay Moises. Ang ilawan ay yari sa pinitpit na ginto, gayundin ang palamuting bulaklak at ang mga tangkay nito. Ginawa ito ni Moises ayon sa anyong huwaran na ipinakita sa kanya ni Yahweh.

Ang Pagtatalaga sa mga Levita

Sinabi ni Yahweh kay Moises, “Ibukod mo ang mga Levita at linisin ayon sa Kautusan. Wisikan mo sila ng tubig na panlinis ng kasalanan, paahitan ang buo nilang katawan, at palabhan ang kanilang kasuotan. Pagkatapos, pagdalhin mo sila ng dalawang batang toro; ang isa'y ihahandog na kasama ng handog na pagkaing butil, at ang isa'y handog para sa kapatawaran ng kasalanan. Dalhin mo ang mga Levita sa harap ng Toldang Tipanan at iharap mo sa sambayanang Israel. 10 Samantalang inihaharap mo sila kay Yahweh, ipapatong naman ng mga Israelita ang kanilang mga kamay sa ulo ng mga Levita. 11 Ang mga ito'y iaalay ni Aaron kay Yahweh bilang natatanging handog ng bayang Israel para maglingkod sa akin. 12 Pagkatapos, ipapatong ng mga Levita ang kanilang kamay sa ulo ng mga toro; ang isa'y handog para sa kapatawaran ng kasalanan at ang isa'y handog na susunugin upang sila'y matubos sa kanilang mga kasalanan.

13 “Ilaan mo ang mga Levita sa akin bilang natatanging handog, at ilagay mo sila sa ilalim ng pamamahala ni Aaron at ng mga anak niya. 14 Ganyan mo sila ibubukod mula sa sambayanang Israel at sila'y magiging akin. 15 Pagkatapos mo silang linisin ayon sa Kautusan at maialay kay Yahweh bilang natatanging handog, magsisimula na sila sa paglilingkod sa Toldang Tipanan. 16 Nakalaan sila sa akin bilang kapalit ng mga panganay na lalaki ng Israel. 17 Ang(B) mga panganay ng Israel ay itinalaga kong maging akin nang gabing lipulin ko ang mga panganay ng Egipto. Kaya, sila ay akin, maging tao man o hayop. 18 Pinili ko ang mga Levita bilang kapalit ng mga panganay ng Israel, 19 upang makatulong ni Aaron at ng mga anak nito sa paglilingkod sa Toldang Tipanan sa paghahandog para sa katubusan ng kasalanan ng Israel. Sa ganoong paraan ay mailalayo ang mga Israelita sa panganib na mamatay kapag sila'y lumapit sa santuwaryo.”

20 Ang mga Levita ay itinalaga nga ni Moises, ni Aaron at ng buong Israel, ayon sa utos ni Yahweh. 21 Nilinis ng mga Levita ang kanilang katawan gayundin ang kanilang kasuotan. Itinalaga nga sila ni Aaron, at ginanap ang paghahandog para sa kapatawaran ng kanilang kasalanan. 22 Isinagawang lahat ni Moises ang utos ni Yahweh sa kanya tungkol sa mga Levita. Pagkatapos, ginampanan na nila ang kanilang tungkulin sa loob ng Toldang Tipanan bilang katulong ni Aaron at ng mga anak nito.

Ang Itatagal ng Panunungkulan ng mga Levita

23 Sinabi ni Yahweh kay Moises, 24 “Ganito ang magiging tuntunin tungkol sa mga Levita: mula sa edad na dalawampu't lima, tutulong sila sa gawain sa loob ng Toldang Tipanan. 25 Pagdating nila ng limampung taon, pagpapahingahin na sila sa ganoong gawain. 26 Maaari pa rin silang tumulong sa kanilang mga kapwa Levita sa pagganap ng mga ito ng kanilang tungkulin sa loob ng Toldang Tipanan subalit hindi sila maaaring magsagawa ng paglilingkod.”

Ang Pagdiriwang sa Paskwa

Nang(C) unang buwan ng ikalawang taon mula nang umalis sa Egipto ang mga Israelita, sinabi ni Yahweh kay Moises sa Bundok ng Sinai, “Iutos mo sa buong Israel na ipagdiwang ang Pista ng Paskwa sa takdang panahon, paglubog ng araw sa ika-14 na araw ng unang buwan ayon sa mga tuntunin tungkol dito.” Gayon nga ang ginawa ni Moises. Ipinagdiwang nga nila ang Pista ng Paskwa sa ilang ng Sinai noong gabi ng ika-14 na araw ng unang buwan.

Noon ay may ilang taong nakahawak ng patay, kaya't ang mga ito'y itinuring na marumi ayon sa Kautusan at hindi maaaring sumali sa pagdiriwang ng Pista ng Paskwa. Dahil dito, lumapit sila kina Moises at Aaron. Sinabi nila, “Totoo ngang kami'y marumi ayon sa Kautusan sapagkat kami'y nakahawak ng patay. Subalit dapat bang kami'y pagbawalang mag-alay ng handog kay Yahweh kasama ng mga Israelita?”

“Maghintay kayo kung ano ang sasabihin sa akin ni Yahweh tungkol sa inyo,” sagot ni Moises.

Sinabi ni Yahweh kay Moises, 10 “Ganito ang sabihin mo sa buong Israel: Sinuman sa mga kamag-anak ninyo na itinuturing na marumi dahil nakahawak ng bangkay, o kababayan ninyong naglalakbay at nasa ibang bayan, ay maaari pa ring magdiwang ng Pista ng Paskwa. 11 Gaganapin nila ito sa kinagabihan ng ika-14 na araw ng ikalawang buwan. Sa gabing iyon, kakain din sila ng korderong pampaskwa, tinapay na walang pampaalsa, at mapait na gulay. 12 Huwag(D) din silang magtitira kahit kapiraso ng korderong pampaskwa at huwag din nilang babaliin kahit isang buto niyon. Sa pagdiriwang nila sa Paskwa, susundin nila ang lahat ng tuntunin ukol dito. 13 Ang sinumang malinis at hindi naglalakbay na hindi sumali sa pagdiriwang ng Pista ng Paskwa ay ititiwalag sa sambayanan, sapagkat hindi siya naghandog kay Yahweh sa takdang panahon. Siya ay paparusahan.

14 “Ang dayuhang nakikipamayan sa inyo ay maaaring sumama sa pagdiriwang ng Pista ng Paskwa kung susundin niya ang mga tuntunin tungkol dito. Iisa ang tuntunin ng Paskwa, maging para sa mga Israelita o sa mga dayuhan.”

Natakpan ng Ulap ang Toldang Tipanan(E)

15 Nang maitayo na ang tabernakulo, ito ay natakpan ng ulap. Kung gabi, nagliliwanag itong parang apoy. 16 Ganoon ang palaging nangyayari. Ang Toldang Tipanan ay natatakpan ng ulap kung araw at ang ulap ay nagliliwanag na parang apoy kung gabi. 17 Tuwing aalis ang ulap sa ibabaw ng Toldang Tipanan, ang mga Israelita'y nagpapatuloy ng kanilang paglalakbay. Kung saan ito tumigil, doon sila nagkakampo. 18 Nagpapatuloy sila o tumitigil sa paglalakbay ayon sa palatandaang ito ni Yahweh. Hindi sila lumalakad habang nasa ibabaw pa ng tabernakulo ang ulap. 19 Hindi sila lumalakad kahit na magtagal pa ang ulap sa ibabaw ng tabernakulo. Hinihintay nila ang hudyat ni Yahweh. 20 Kung minsan, ang ulap ay ilang araw na nasa ibabaw ng tabernakulo. Ayon sa kalooban ni Yahweh, sila'y nanatili sa kampo, at ayon din sa kalooban ni Yahweh, sila'y nagpapatuloy sa paglalakbay. 21 Kung minsan, isang gabi lamang ito sa ibabaw ng Toldang Tipanan, at kung minsan nama'y maghapon at magdamag. Kapag pumapaitaas ang ulap, sila'y nagpapatuloy. 22 Kahit tumagal pa ito nang dalawang araw, isang buwan o mahigit pa, hindi sila lumalakad. Nagpapatuloy lamang sila kung pumaitaas na ang ulap sa ibabaw ng tabernakulo. 23 Nagpapatuloy nga sila o tumitigil sa paglalakbay ayon sa palatandaang ibinibigay ni Yahweh.

Ang Trumpetang Pilak

10 Sinabi ni Yahweh kay Moises, “Magpagawa ka ng dalawang trumpetang yari sa pinitpit na pilak. Gagamitin mo ang mga ito sa pagtawag ng pagpupulong ng taong-bayan o kung kailangan nang magpatuloy sa paglalakbay ang buong Israel. Kapag hinipan nang sabay, ang buong Israel ay magtitipun-tipon sa harap ng Toldang Tipanan. Kapag isa ang hinipan, ang mga pinuno ng bawat angkan ang haharap sa iyo. Pag-ihip ng unang hudyat, lalakad ang mga liping nagkampo sa gawing silangan. Sa ikalawang ihip, lalakad naman ang mga nakahimpil sa gawing timog. Kapag dapat tipunin ang kapulungan, hihipan mo nang matagal ang trumpeta. Ang iihip ng trumpeta ay ang mga anak ni Aaron. Susundin ninyo ang tuntuning ito habang panahon. Kapag nilulusob kayo ng inyong kaaway, hipan ninyo ang trumpeta bilang hudyat upang tulungan at iligtas kayo ng Diyos ninyong si Yahweh. 10 Sa inyong mga pagdiriwang, tulad ng Pista ng Bagong Buwan at iba pang kapistahan, hihipan din ninyo ang trumpeta habang inihahain ang handog na susunugin at handog pangkapayapaan. Sa gayon, aalalahanin ko kayo at tutulungan. Ako si Yahweh, ang inyong Diyos.”

Ang Unang Yugto ng Paglalakbay ng mga Israelita

11 Nang ika-20 araw ng ikalawang buwan ng ikalawang taon mula nang umalis sila sa Egipto, ang ulap ay pumaitaas mula sa ibabaw ng tabernakulo. 12 Dahil dito, nagpatuloy sa paglalakbay ang mga Israelita hanggang ang ulap ay tumigil sa ilang ng Paran. 13 Ito ang una nilang paglalakbay mula nang ibigay ni Yahweh kay Moises ang mga tuntunin ukol dito.

14 Nauuna ang pangkat sa ilalim ng watawat ni Juda ayon sa kani-kanilang lipi at sa pamumuno ni Naason na anak ni Aminadab. 15 Si Nathanael naman na anak ni Zuar ang pinuno ng lipi ni Isacar 16 at si Eliab na anak ni Helon ang nangunguna sa lipi ni Zebulun.

17 Kapag nakalas na at naihanda na sa pag-alis ang tabernakulo, susunod ang mga anak ni Gershon at ni Merari, na siyang nagpapasan ng binaklas na tabernakulo.

18 Kasunod ang pangkat nina Ruben ayon sa kanya-kanyang angkan, at pinangungunahan ni Elizur na anak ni Sedeur. 19 Ang lipi naman ni Simeon ay pinangungunahan ni Selumiel na anak ni Zurisadai 20 at ni Eliasaf na anak ni Deuel naman sa lipi ni Gad.

21 Kasunod ng pangkat nina Ruben ang mga Levita mula sa angkan ni Kohat, dala ang mga sagradong bagay. Pagdating nila sa susunod na pagkakampuhan, muli nilang itatayo ang tabernakulo.

22 Kasunod naman ang pangkat ni Efraim ayon sa kani-kanilang angkan sa ilalim ng pamumuno ni Elisama na anak ni Amiud. 23 Ang lipi ni Manases ay pinamumunuan ni Gamaliel na anak ni Pedazur, 24 at ang lipi ni Benjamin ay pinangungunahan naman ni Abidan na anak ni Gideoni.

25 Ang pangkat nina Dan ang kahuli-hulihan at siyang nagsisilbing tanod na nasa huling hanay. Sila'y pangkat-pangkat din ayon sa angkan at pinangungunahan ni Ahiezer na anak ni Amisadai. 26 Ang pinuno ng lipi ni Asher ay si Pagiel na anak ni Ocran 27 at ang pinuno naman ng lipi ni Neftali ay si Ahira na anak ni Enan. 28 Ganito nga ang ayos ng buong Israel tuwing sila'y magpapatuloy sa paglalakbay.

29 Kinausap ni Moises si Hobab na anak ni Ruel na Midianita, isang kamag-anak ng asawa ni Moises. Ang sabi niya, “Sumama ka sa amin patungo sa dakong ibinibigay sa amin ni Yahweh at bibigyan ka namin ng kasaganaang ipinangako niya sa amin.”

30 “Hindi na ako sasama sa inyo sapagkat nais kong bumalik sa aking mga kamag-anak,” sagot niya.

31 “Sumama ka na sa amin sapagkat kabisado mo ang pasikut-sikot sa ilang. Maituturo mo sa amin kung saan kami maaaring magkampo. 32 Pagdating natin doon, babahaginan ka namin ng anumang pagpapalang ibibigay sa amin ni Yahweh,” sabi ni Moises.

33 At mula sa Bundok ni Yahweh, naglakbay sila nang tatlong araw. Ang Kaban ng Tipan ay iniuna sa kanila nang tatlong araw para ihanap sila ng lugar na pagkakampuhan. 34 Kung araw, nilililiman sila ng ulap ni Yahweh habang naglalakbay.

35 Tuwing(F) ilalakad ang Kaban ng Tipan, ito ang sinasabi ni Moises:

“Magbangon ka, Yahweh, kaaway ay pangalatin.
Itaboy mo ang iyong mga kaaway
    at magtatakbuhan sa takot ang lahat ng napopoot sa iyo.”

36 At kapag inihihinto na nila sa paglalakbay ang Kaban ng Tipan, ito naman ang sinasabi niya:

“Manumbalik ka, Yahweh, sa libu-libong angkan ng Israel.”[a]

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.