Chronological
26 At nangyari, na nang matapos ni Jesus ang lahat ng mga salitang ito, ay sinabi niya sa kaniyang mga alagad,
2 Nalalaman ninyo (A)na pagkaraan ng dalawang araw ay darating ang paskua, at ibibigay ang Anak ng tao upang ipako sa krus.
3 Nang magkagayo'y ang mga pangulong saserdote, at ang mga matanda sa bayan ay nangagkatipon sa (B)looban ng dakilang saserdote, na tinatawag na (C)Caifas;
4 At sila'y nangagsanggunian upang hulihin si Jesus sa pamamagitan ng daya, at siya'y patayin.
5 Datapuwa't sinabi nila, Huwag sa kapistahan, baka magkagulo sa bayan.
6 (D)Nang nasa (E)Betania nga si Jesus sa bahay ni Simon na ketongin,
7 Ay lumapit sa kaniya ang isang babae na may dalang isang sisidlang alabastro ng unguento na lubhang mahalaga, at ibinuhos sa kaniyang ulo, samantalang siya'y nakaupo sa pagkain.
8 Datapuwa't nang makita ito ng mga alagad, ay (F)nangagalit sila, na nangagsasabi, Ano ang layon ng pagaaksayang ito?
9 Sapagka't ito'y maipagbibili sa (G)malaking halaga, at maibibigay sa mga dukha.
10 Datapuwa't nang mahalata ito ni Jesus ay sinabi sa kanila, Bakit ninyo binabagabag ang babae? sapagka't gumawa siya sa akin ng mabuting gawa.
11 Sapagka't laging nangasa inyo ang mga dukha; datapuwa't ako'y hindi laging nasa inyo.
12 Sapagka't sa pagbubuhos niya nitong unguento sa aking katawan, ay ginawa niya ito upang ihanda ako sa (H)paglilibing.
13 Katotohanang sinasabi ko sa inyo, Saan man ipangaral ang evangeliong ito sa buong sanglibutan, ay sasaysayin din ang ginawa ng babaing ito sa pagaalaala sa kaniya.
14 (I)Nang magkagayo'y isa sa labingdalawa, na tinatawag na (J)Judas Iscariote, ay naparoon sa mga pangulong saserdote,
15 At sinabi, (K)Ano ang ibig ninyong ibigay sa akin, at siya'y ibibigay ko sa inyo? At siya'y tinimbangan nila ng (L)tatlongpung putol na pilak.
16 At buhat nang panahong yao'y humanap siya ng pagkakataon upang maibigay siya.
17 (M)Nang (N)unang araw nga ng mga tinapay na walang lebadura ay nagsilapit ang mga alagad kay Jesus, na nagsisipagsabing, Saan mo ibig na ipaghanda ka namin upang kumain ng kordero ng paskua?
18 At sinabi niya, Magsipasok kayo sa bayan (O)sa gayong tao, at sabihin ninyo sa kaniya, Sinabi (P)ng Guro, malapit na ang (Q)aking panahon; sa iyong bahay magpapaskua ako pati ng aking mga alagad.
19 At ginawa ng mga alagad ang ayon sa ipinagutos sa kanila ni Jesus; at inihanda nila ang kordero ng paskua.
20 (R)Nang dumating nga ang gabi, (S)ay nakaupo siya sa pagkain na kasalo ang labingdalawang alagad;
21 At samantalang sila'y nagsisikain, ay sinabi niya, (T)Katotohanang sinasabi ko sa inyo, na ako'y ipagkakanulo ng isa sa inyo.
22 At sila'y lubhang nangamanglaw, at nagpasimula ang bawa't isa na magsabi sa kaniya, Ako baga, Panginoon?
23 At siya'y sumagot at sinabi, (U)Yaong kasabay kong idampot ang kamay sa pinggan, ay siya ring magkakanulo sa akin.
24 (V)Ang Anak ng tao ay papanaw, (W)ayon sa nasusulat tungkol sa kaniya: datapuwa't (X)sa aba niyaong taong magkakanulo sa Anak ng tao! mabuti pa sana sa taong yaon ang hindi na siya ipinanganak.
25 At si Judas, na sa kaniya'y nagkanulo, ay (Y)sumagot at nagsabi, Ako baga, Rabi? Sinabi niya sa kaniya, Ikaw ang nagsabi.
26 (Z)At samantalang sila'y nagsisikain, ay dumampot si Jesus ng tinapay, at pinagpala, at pinagputolputol; at ibinigay sa mga alagad, at sinabi, Kunin ninyo, kanin ninyo; ito ang aking katawan.
27 At dumampot siya ng isang saro, at nagpasalamat, at ibinigay sa kanila, na nagsasabi, Magsiinom kayong lahat diyan;
28 Sapagka't (AA)ito ang aking dugo ng tipan, na nabubuhos (AB)dahil sa marami, (AC)sa ikapagpapatawad ng mga kasalanan.
29 Datapuwa't sinasabi ko sa inyo, (AD)na buhat ngayon ay hindi na ako iinom nitong bunga ng ubas, hanggang sa araw na yaon na inumin kong panibago na mga kasalo ko kayo (AE)sa kaharian ng aking Ama.
30 (AF)At pagkaawit nila (AG)ng isang himno, ay (AH)nagsiparoon sila sa bundok ng mga Olivo.
31 Nang magkagayo'y sinabi sa kanila ni Jesus, Kayong lahat ay (AI)mangagdaramdam sa akin sa gabing ito: sapagka't nasusulat, (AJ)Sasaktan ko ang pastor, at mangangalat ang mga tupa ng kawan.
32 Datapuwa't pagkapagbangon ko, ay (AK)mauuna ako sa inyo sa Galilea.
33 Datapuwa't sumagot si Pedro at sinabi sa kaniya, Kung ang lahat ay mangagdaramdam sa iyo, (AL)ako kailan ma'y hindi magdaramdam.
34 Sinabi sa kaniya ni Jesus, Katotohanang sinasabi ko sa iyo, na sa gabing ito, (AM)bago tumilaok ang manok, ay ikakaila mo akong makaitlo.
35 Sinabi sa kaniya ni Pedro, (AN)Kahima't ako'y mamatay na kasama mo, ay hindi kita ikakaila. Gayon din ang sinabi ng lahat ng mga alagad.
36 Nang magkagayo'y dumating si Jesus (AO)na kasama sila sa isang dako na tinatawag na (AP)Getsemani, at sinabi sa kaniyang mga alagad, Magsiupo kayo rito, samantalang ako'y pumaparoon doon at manalangin.
37 At kaniyang isinama si Pedro (AQ)at ang dalawang anak ni Zebedeo, at nagpasimula siyang namanglaw at nanglumong totoo.
38 Nang magkagayo'y sinabi niya sa kanila, Namamanglaw na lubha ang kaluluwa ko, hanggang sa kamatayan: mangatira kayo rito, at makipagpuyat sa akin.
39 At lumakad siya sa dako pa roon, at siya'y nagpatirapa, (AR)at nanalangin, na nagsasabi, Ama ko, kung baga maaari, ay (AS)lumampas sa akin ang sarong ito: gayon ma'y (AT)huwag ang ayon sa ibig ko, kundi ang ayon sa ibig mo.
40 At lumapit siya sa mga alagad, at sila'y kaniyang naratnang nangatutulog, at sinabi kay Pedro, Ano, hindi kayo maaaring mangakipagpuyat sa akin ng isang oras?
41 Kayo'y mangagpuyat at magsipanalangin, (AU)upang huwag kayong magsipasok sa tukso: (AV)ang espiritu sa katotohanan ay may ibig, datapuwa't mahina ang laman.
42 Muli siyang umalis na bilang ikalawa, at nanalangin, na nagsasabi, Ama ko, kung di mangyayaring makalampas ito, kundi ko inumin, mangyari nawa ang iyong kalooban.
43 At siya'y nagbalik na muli at naratnan silang nangatutulog, sapagka't nangabibigatan ang kanilang mga mata.
44 At muli niya silang iniwan, at umalis, at nanalangin bilang ikatlo, na sinabing muli ang gayon ding mga salita.
45 Nang magkagayo'y lumapit siya sa mga alagad, at sinabi sa kanila, Mangatulog na kayo, at mangagpahinga: narito, malapit na ang oras, at ang Anak ng tao ay ipinagkakanulo sa mga kamay ng mga makasalanan.
46 Magsitindig kayo, hayo na tayo: narito, malapit na ang nagkakanulo sa akin.
47 At (AW)samantalang nagsasalita pa siya, narito, dumating si (AX)Judas, na isa sa labingdalawa, at kasama niya ang lubhang maraming taong may mga tabak at mga panghampas, mula sa mga pangulong saserdote at sa matatanda sa bayan.
48 Ang nagkanulo nga sa kaniya ay nagbigay sa kanila ng isang hudyat, na sinasabi, Ang aking hagkan, ay yaon nga: hulihin ninyo siya.
49 At pagdaka'y lumapit siya kay Jesus, at nagsabi, Magalak, Rabi; at siya'y hinagkan.
50 At sinabi sa kaniya ni Jesus, Gawin mo ang dahil ng pagparito mo. Nang magkagayon ay nagsilapit sila at kanilang sinunggaban si Jesus, at siya'y kanilang dinakip.
51 At narito, (AY)ang isa sa mga kasama ni Jesus ay iniunat ang kaniyang kamay at binunot ang (AZ)kaniyang tabak, at sinugatan ang alipin ng dakilang saserdote, at tinagpas ang kaniyang tainga.
52 Nang magkagayo'y sinabi sa kaniya ni Jesus, Isauli mo ang iyong tabak sa kaniyang lalagyan: (BA)sapagka't ang lahat ng nangagtatangan ng tabak ay sa tabak mangamamatay.
53 O inaakala mo baga na hindi ako makapamamanhik sa aking Ama, at padadalhan niya ako ngayon din ng mahigit sa labingdalawang pulutong na mga anghel?
54 Kung gayo'y paano bagang mangatutupad (BB)ang mga kasulatan, na ganyan ang nauukol na mangyari?
55 Sa oras na yaon ay sinabi ni Jesus sa mga karamihan, Kayo baga'y nangagsilabas na waring laban sa isang tulisan, na may mga tabak at mga panghampas upang dakpin ako? Araw-araw ay nauupo ako sa templo na nagtuturo, at hindi ninyo ako dinakip.
56 Datapuwa't nangyari ang lahat ng ito, upang mangatupad ang mga kasulatan ng mga propeta. Nang magkagayo'y iniwan siya ng (BC)lahat ng mga alagad, at nagsitakas.
57 (BD)At si Jesus ay dinala ng nagsihuli sa kaniya sa dakilang saserdoteng si (BE)Caifas, na doo'y nangagkakapisan ang mga eskriba at matatanda.
58 Datapuwa't si Pedro'y sumunod sa kaniya sa malayo, hanggang sa looban ng dakilang saserdote, at siya'y pumasok, at nakiumpok sa mga punong kawal, upang makita niya ang wakas.
59 Ang mga pangulong saserdote nga at ang buong Sanedrin ay nagsisihanap ng patotoong kabulaanan laban kay Jesus, upang siya'y kanilang maipapatay;
60 At yao'y hindi nila nangasumpungan, bagaman (BF)maraming nagsiharap na mga saksing bulaan. Nguni't pagkatapos ay nagsidating ang dalawa,
61 At nangagsabi, Sinabi ng taong ito, (BG)Maigigiba ko ang templo ng Dios, at muling itatayo ko sa tatlong araw.
62 At nagtindig ang dakilang saserdote, at sinabi sa kaniya, Wala kang isinasagot na anoman? Ano itong sinasaksihan ng mga ito laban sa iyo?
63 Datapuwa't hindi umimik si (BH)Jesus. At sinabi ng dakilang saserdote sa kaniya, (BI)Kita'y pinapanunumpa alangalang sa Dios na buhay, na sabihin mo sa amin kung ikaw nga ang Cristo, (BJ)ang Anak ng Dios.
64 At sinabi sa kaniya ni Jesus, Ikaw ang nagsabi: gayon ma'y sinasabi ko sa inyo, Buhat ngayon ay (BK)inyong makikita ang Anak ng tao na nakaupo sa kanan ng Kapangyarihan, at pumaparitong nasa mga alapaap ng langit.
65 Nang magkagayoy hinapak ng dakilang saserdote ang kaniyang mga damit, na sinasabi, Nagsalita siya ng kapusungan: ano pa ang kailangan natin ng mga saksi? narito, ngayo'y narinig ninyo ang kapusungan:
66 Ano ang akala ninyo? Nagsisagot sila at kanilang sinabi, (BL)Karapatdapat siya sa kamatayan.
67 Nang magkagayo'y (BM)niluraan nila ang kaniyang mukha at siya'y kanilang pinagsusuntok: at tinatampal siya ng mga iba,
68 Na nangagsasabi, (BN)Hulaan mo sa amin, ikaw Cristo: sino ang sa iyo'y bumubugbog?
69 Nakaupo nga si Pedro (BO)sa labas ng (BP)looban: at lumapit sa kaniya ang isang alilang babae, na nagsasabi, Ikaw man ay kasama ng (BQ)taga Galileang si Jesus.
70 Datapuwa't siya'y kumaila sa harap nilang lahat, na sinasabi, Hindi ko nalalaman ang sinasabi mo.
71 At paglabas niya sa portiko ay nakita siya ng ibang alila, at sinabi sa nangaroon, Ang taong ito ay kasama rin ni Jesus na taga Nazaret.
72 At muling kumailang may sumpa, Hindi ko nakikilala ang tao.
73 At pagkaraan ng sandali ay nagsilapit ang nangakatayo roon at kanilang sinabi kay Pedro, Sa katotohanang ikaw man ay isa rin sa kanila; sapagka't (BR)ipinakikilala ka ng iyong pananalita.
74 Nang magkagayo'y nagpasimula siyang manungayaw at manumpa, Hindi ko nakikilala ang tao. At pagdaka'y tumilaok ang manok.
75 At naalaala ni Pedro ang salitang sinabi ni Jesus, (BS)Bago tumilaok ang manok, ay ikakaila mo akong makaitlo. At siya'y lumabas at nanangis na mainam.
14 Pagkaraan nga ng dalawang araw (A)ay kapistahan ng paskua at ng mga tinapay na walang lebadura: at pinagsisikapan ng mga pangulong saserdote at ng mga eskriba kung paanong siya'y huhulihin sa pamamagitan ng daya, at siya'y maipapatay.
2 Sapagka't sinasabi nila, Huwag sa kapistahan, baka magkagulo ang bayan.
3 At samantalang siya'y nasa Betania (B)sa bahay ni Simon na ketongin, samantalang siya'y nakaupo sa pagkain, ay dumating ang isang babae na may dalang isang sisidlang alabastro na puno ng unguentong nardo na totoong mahalaga; at binasag niya ang sisidlan, at ibinuhos sa kaniyang ulo.
4 Datapuwa't may ilan na nangagalit sa kanilang sarili, na nagsipagsabi, Ano ang layon ng pagaaksayang ito ng unguento?
5 Sapagka't ang unguentong ito'y maipagbibili ng mahigit sa tatlong daang (C)denario, at maibibigay sa mga dukha. At inupasalaan nila ang babae.
6 Datapuwa't sinabi ni Jesus, Pabayaan ninyo siya; bakit ninyo siya binabagabag? mabuting gawa ang ginawa niya sa akin.
7 Sapagka't laging nasa inyo ang mga dukha, at kung kailan man ibigin ninyo ay mangyayaring magawan ninyo sila ng magaling: datapuwa't ako'y hindi laging nasa inyo.
8 Ginawa niya ang kaniyang nakaya; nagpauna na siya na pahiran ang katawan ko sa (D)paglilibing sa akin.
9 At katotohanang sinasabi ko sa inyo, Saan man ipangaral ang evangelio sa buong sanglibutan, ay sasaysayin din ang ginawa ng babaing ito sa pagaalaala sa kaniya.
10 At si Judas Iscariote, na (E)isa sa labingdalawa, ay naparoon sa mga pangulong saserdote, upang maipagkanulo niya siya sa kanila.
11 At sila, pagkarinig nila nito, ay nangatuwa, at nagsipangakong siya'y bibigyan ng salapi. At pinagsikapan niya kung paanong siya ay kaniyang maipagkakanulo sa kapanahunan.
12 At nang unang araw (F)ng mga tinapay na walang lebadura, nang kanilang inihahain ang kordero ng paskua, ay sinabi sa kaniya, ng kaniyang mga alagad, Saan mo ibig kaming magsiparoon at ipaghanda ka upang makakain ng kordero ng paskua?
13 At sinugo ang (G)dalawa sa kaniyang mga alagad, at sa kanila'y sinabi, Magsiparoon kayo sa bayan, at doo'y masasalubong ninyo ang isang lalake na may dalang isang bangang tubig: sundan ninyo siya;
14 At saan man siya pumasok, ay sabihin ninyo sa puno ng sangbahayan, Sinasabi ng Guro, Saan naroon ang aking tuluyan, na makakanan ko ng kordero ng paskua na kasalo ng aking mga alagad?
15 At ituturo niya sa inyo ang isang malaking silid sa itaas na nagagayakan at handa na: at ipaghanda ninyo roon tayo.
16 At nagsiyaon ang mga alagad, at nagsipasok sa bayan, at nasumpungan ang ayon sa sinabi niya sa kanila: at inihanda nila ang kordero ng paskua.
17 At nang gumabi na (H)ay naparoon siyang kasama ang labingdalawa.
18 At samantalang sila'y nangakaupo na at nagsisikain, ay sinabi ni Jesus, Katotohanang sinasabi ko sa inyo, Ang isa sa inyo na kasalo kong kumakain, ay ipagkakanulo ako.
19 Sila'y nagpasimulang nangamanglaw, at isaisang nagsabi sa kaniya, Ako baga?
20 At sinabi niya sa kanila, Isa nga sa labingdalawa, yaong sumabay sa aking sumawsaw sa pinggan.
21 Sapagka't papanaw ang Anak ng tao, ayon sa nasusulat tungkol sa kaniya: datapuwa't sa aba niyaong taong nagkakanulo sa Anak ng tao! mabuti pa sa taong yaon ang hindi na siya ipinanganak.
22 At samantalang sila'y nagsisikain, ay (I)dumampot siya ng tinapay, at nang kaniyang mapagpala, ay kaniyang pinagputolputol, at ibinigay sa kanila, at sinabi, Inyong kunin: ito ang aking katawan.
23 At siya'y dumampot ng isang saro, at nang siya'y makapagpasalamat, ay ibinigay niya sa kanila: at doo'y nagsiinom silang lahat.
24 At sinabi niya sa kanila, Ito'y ang aking dugo ng tipan, na nabubuhos dahil sa marami.
25 Katotohanang sinasabi ko sa inyo, na hindi na ako iinom ng bunga ng ubas, hanggang sa araw na yaon na inumin kong panibago sa kaharian ng Dios.
26 At (J)pagkaawit nila ng isang imno, ay nagsiparoon sila sa bundok ng mga Olivo.
27 At sinabi sa kanila ni Jesus, Kayong lahat ay mangatitisod: sapagka't nasusulat, (K)Sasaktan ko ang pastor, at mangangalat ang mga tupa.
28 Gayon ma'y pagkapagbangon ko, ay mauuna ako sa inyo sa Galilea.
29 Datapuwa't sinabi sa kaniya ni Pedro, Bagama't mangatitisod (L)ang lahat, nguni't ako'y hindi.
30 At sinabi sa kaniya ni Jesus, Katotohanang sinasabi ko sa iyo, na ngayon, sa gabi ring ito, bago tumilaok ang manok (M)ng makalawa, ay ikakaila mo akong makaitlo.
31 Datapuwa't lalo nang nagmatigas siya na sinabi, Kahima't kailangang mamatay akong kasama mo, ay hindi kita ikakaila. At sinabi rin naman ng lahat ang gayon din.
32 At (N)nagsirating sila sa isang dako na tinatawag na Getsemani: at sinabi niya sa kaniyang mga alagad, Magsiupo kayo rito, samantalang ako'y nananalangin.
33 At kaniyang isinama si Pedro at si Santiago at si Juan, at nagpasimulang nagtakang totoo, at namanglaw na mainam.
34 At sinabi niya sa kanila, Namamanglaw na lubha ang aking kaluluwa, hanggang sa kamatayan: mangatira kayo rito, at mangagpuyat.
35 At lumakad siya sa dako pa roon, at nagpatirapa sa lupa, at idinalangin na, kung mangyayari, ay (O)makalampas sa kaniya ang oras.
36 At kaniyang sinabi, (P)Abba, Ama, may pangyayari sa iyo ang lahat ng mga bagay; ilayo mo sa akin ang sarong ito: gayon ma'y hindi ang ayon sa ibig ko, kundi ang ayon sa ibig mo.
37 At siya'y lumapit, at naratnang sila'y nangatutulog, at sinabi kay Pedro, Simon, natutulog ka baga? hindi ka makapagpuyat ng isang oras?
38 Kayo'y mangagpuyat at magsipanalangin, upang huwag kayong magsipasok sa tukso: ang espiritu sa katotohanan ay may ibig, datapuwa't mahina ang laman.
39 At muli siyang umalis, at nanalangin, na sinabi (Q)ang gayon ding mga salita.
40 At muli siyang nagbalik, at naratnang sila'y nangatutulog, sapagka't nangabibigatang totoo ang kanilang mga mata; at (R)wala silang maalamang sa kaniya'y isagot.
41 At lumapit siyang bilang ikatlo, at sinabi sa kanila, Mangatulog na kayo, at mangagpahinga: sukat na; dumating na ang (S)oras; narito, ang Anak ng tao ay ipagkakanulo sa mga kamay ng mga makasalanan.
42 Magsitindig kayo, hayo na tayo: narito, malapit na ang nagkakanulo sa akin.
43 At pagdaka, samantalang nagsasalita pa siya, (T)ay dumating si Judas, na isa sa labingdalawa, at kasama niya ang isang karamihang may mga tabak at mga panghampas, na mula sa mga pangulong saserdote at sa mga eskriba at sa matatanda.
44 Ang nagkanulo nga sa kaniya ay nagbigay sa kanila ng isang hudyat, na sinasabi, Ang aking hagkan, ay yaon nga; hulihin ninyo siya, at dalhin ninyo siyang maingat.
45 At nang dumating siya, pagdaka'y lumapit siya sa kaniya, at nagsabi, Rabi; at siya'y hinagkan.
46 At siya'y sinunggaban nila, at siya'y kanilang dinakip.
47 Datapuwa't isa sa nangaroon ay nagbunot ng kaniyang tabak, at sinugatan ang alipin ng dakilang saserdote, at tinigpas ang kaniyang tainga.
48 At sumagot si Jesus at sinabi sa kanila, Kayo baga'y nagsilabas, na parang laban sa isang tulisan, na may mga tabak at mga panghampas upang dakpin ako?
49 Araw-araw ay kasama ninyo ako sa templo, na nagtuturo at hindi ninyo ako hinuli: nguni't nangyari ito upang matupad ang mga kasulatan.
50 At iniwan siya ng lahat, at nagsitakas.
51 At sinundan siya ng isang binata, na nababalot ng isang kumot ang katawan niyang hubo't hubad: at hinawakan nila siya;
52 Datapuwa't kaniyang binitiwan ang kumot, at tumakas na hubo't hubad.
53 At dinala nila si Jesus (U)sa dakilang saserdote: at nangagpipisan sa kaniya ang lahat ng mga pangulong saserdote at ang matatanda at ang mga eskriba.
54 At si Pedro ay sumunod sa kaniya sa malayo, hanggang sa loob ng looban ng dakilang saserdote; at nakiumpok siya sa mga punong kawal, at (V)nagpapainit sa ningas ng apoy.
55 Ang mga pangulong saserdote nga at ang buong Sanedrin ay nagsisihanap ng patotoo laban kay Jesus upang siya'y ipapatay; at hindi nangasumpungan.
56 Sapagka't marami ang nagsisaksi ng kasinungalingan laban sa kaniya, at ang kanilang mga patotoo ay hindi nangagkatugma.
57 At nagsipagtindig ang ilan, at nagsisaksi ng kasinungalingan laban sa kaniya, na sinasabi,
58 Narinig naming sinabi niya, (W)Aking igigiba ang templong ito (X)na gawa ng mga kamay, at sa loob ng tatlong araw ay itatayo ko ang ibang hindi gawa ng mga kamay.
59 At kahit sa papagayon man ay hindi rin nangagkatugma ang patotoo nila.
60 At nagtindig sa gitna ang dakilang saserdote, at tinanong si Jesus na sinabi, Hindi ka sumasagot ng anoman? ano ang sinasaksihan ng mga ito laban sa iyo?
61 Datapuwa't siya'y hindi umiimik, at walang isinagot. Tinanong siyang muli (Y)ng dakilang saserdote, at sinabi sa kaniya, Ikaw baga ang Cristo, ang Anak ng Mapalad?
62 At sinabi ni Jesus, Ako nga; (Z)at makikita ninyo ang Anak ng tao na nakaupo sa kanan ng Makapangyarihan, at pumaparito na nasa mga alapaap ng langit.
63 At hinapak ng dakilang saserdote ang kaniyang mga damit, at nagsabi, Ano pang kailangan natin ng mga saksi?
64 Narinig ninyo ang kapusungan: ano sa akala ninyo? At hinatulan nilang lahat na siya'y dapat mamatay.
65 At pinasimulang luraan siya ng ilan, at (AA)tinakpan ang kaniyang mukha, at siya'y pinagsusuntok, at sa kaniya'y kanilang sinasabi, Hulaan mo: at siya'y pinagsusuntok ng mga punong kawal.
66 At samantalang nasa ibaba si Pedro, (AB)sa looban, ay lumapit (AC)ang isa sa mga alilang babae ng dakilang saserdote;
67 At pagkakita niya kay Pedro na nagpapainit, ay tinitigan niya siya, at sinabi, Ikaw man ay kasama rin ng Nazareno, na si Jesus.
68 Datapuwa't siya'y kumaila, na sinasabi, Hindi ko nalalaman, ni nauunawa man ang sinasabi mo: at lumabas siya sa portiko; at (AD)tumilaok ang manok.
69 At nakita siya ng alilang babae, at nagpasimulang magsabing muli sa nangaroroon, Ito ay isa sa kanila.
70 Datapuwa't muling ikinaila niya. At hindi nalaon, at ang nangaroon ay nangagsabing muli kay Pedro. Sa katotohanang ikaw ay isa sa kanila; (AE)sapagka't ikaw ay Galileo.
71 Datapuwa't siya'y nagpasimulang manungayaw, at manumpa, Hindi ko nakikilala ang taong ito na inyong sinasabi.
72 At pagdaka, bilang (AF)pangalawa'y tumilaok ang manok. At naalaala ni Pedro ang salitang sinabi ni Jesus sa kaniya, Bago tumilaok ang manok ng makalawa, ay ikakaila mo akong makaitlo. At nang maisip niya ito, ay tumangis siya.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 1905, 1915, 1933, 1978